Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents

Masayang Pamumuhay

 - Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Kapitulo 26—Hindi Talagang Iyo

    DUMATING si Kristo noon sa panahong ang mga tao ay labis na makasanlibutan. Ipinaiilalim ng mga tao sa mga bagay na panlupa at lumilipas ang mga bagay na walang-hanggan, at sa mga bagay na pangkasalukuyan ang mga hinihingi tungkol sa hinaharap. Ipinagkakamali nila sa mga guniguni ang mga katotohanan, at ang mga katotohanan sa mga guniguni. Hindi nila nakita sa pamamagitan ng pananampalataya ang di-nakikitang sanlibutan. Iniharap ni Satanas sa kanila ang mga bagay sa buhay na ito bilang siyang kaakit-akit sa lahat at siyang dapat pagbuhusang lahat ng pag-iisip, at napadaig sila sa kanyang mga tukso.MP 394.1

    Naparito si Kristo upang baguhin ang ayos na ito ng mga bagay-bagay. Sinikap Niyang masira ang engkantong kinahalingan at kinasiluan ng mga tao. Sa Kanyang pangangaral o pagtuturo ay pinagsakitan Niyang isaayos ang mga hinihingi ng langit at ng lupa, na alisin sa isipan ng mga tao ang mga bagay na ukol sa kasalukuyan at ibaling sa mga bagay na ukol sa hinaharap. Sa pagsisikap nilang makapagtamo ng mga bagay na pangkasalukuyan, ay tinawagan Niya sila na maglaan naman ng ukol sa walang-hanggan.MP 394.2

    “May isang taong mayaman,” sabi Niya, “na may isang katiwala; at ito'y isinumbong sa kanya na siya'y nagsisira ng kanyang mga pag-aari.” Ipinaubaya ng taong mayaman sa mga kamay ng aliping ito ang lahat niyang mga pag-aari o mga tinatangkilik; nguni't ang alipin ay hindi tapat, at naniwala ang panginoon na siya'y ninanakawan nito sa paraang hindi mahahalata. Ipinasiya niyang huwag na itong papaglingkurin sa kanya, kaya nga gumawa siya ng pagsisiyasat at pinapagsulit niya ito. “Ano itong nababalitaan ko tungkol sa iyo?” wika niya. “Magbigay sulit ka ng pagiging-katiwala mo; sapagka't hindi kana maaaring maging katiwala pa.”MP 394.3

    Sa napipintong pagpapaalis sa kanya sa gawain, ay tatlong landas ang nakita ng katiwala na kanyang mapagpipiliang gawin. Kailangang siya'y magtrabaho, magpalimos, o kaya'y magpakagutom. At sa kanyang sarili'y nasabi niya, “Anong gagawin ko? yamang inaalis sa akin ng panginoon ko ang pagiging-katiwala: magdukal ng lupa'y wala akong kaya; magpalimos ay nahihiya ako. Nalalaman ko na ang gagawin ko, upang, kung mapaalis ako sa pagiging-katiwala, ako ay matanggap nila sa kanilang mga bahay. Kaya nga tinawag niya ang bawa't isa sa mga may utang sa kanyang panginoon, at sinabi niya sa una. Gaano ang utang mo sa aking panginoon? At sinabi nito, Isang daang takal na langis, At sinabi niya rito, Abutin mo ang iyong kasulatan, at maupo kang madali, at isulat mong limampu. Pagkatapos ay sinabi niya sa iba, At ikaw, gaano ang utang mo? At sinabi nito, Isang daang takal na trigo. At sinabi niya rito, Abutin mo ang iyong kasulatan, at isulat mong walumpu.”MP 395.1

    Idinamay ng di-tapat na aliping ito ang iba sa kanyang di-pagtatapat. Dinaya niya ang kanyang panginoon sa ikabubuti naman ng mga ibang ito, at sa pagtanggap naman nila ng kabutihang ito ay inilagay nila ang kanilang mga sarili sa ilalim ng tungkuling siya ay tanggapin sa kanilang mga tahanan bilang isang kaibigan.MP 395.2

    “At pinuri ng kanyang panginoon ang lilong katiwala, sapagka't siya'y gumawang may katalinuhan.” Pinu- ri ng taong makasanlibutan ang katalinuhan ng taong dumaya sa kanya. Subali't papuri ng taong mayaman ay hindi papuri ng Diyos.MP 395.3

    Hindi pinuri ni Kristo ang lilong katiwala, kundi binanggit Niya ang natanyag na pangyayari noon upang Kanyang mailarawan ang aral na nais Niyang maituro. “Makipagkaibigan kayo sa pamamagitan ng kayamanan ng kasamaan,” sabi Niya, “upang kung kayo'y magkulang, ay kanilang tanggapin kayo sa mga walang-hanggang tabernakulo.”1Lu. 16:9.MP 396.1

    Pinuna ng mga Pariseo ang Tagapagligtas sa Kanyang pakikisalamuha o pakikisama sa mga maniningil ng buwis at sa mga makasalanan; gayunma'y hindi rin nagbawa ang Kanyang pagmamalasakit sa kanila, ni nahinto man ang Kanyang mga pagsisikap para sa kanila. Batid Niyang ang uri ng kanilang gawain ay nakatukso sa kanila. Napapaligiran sila ng mga pang-akit na humihila sa paggawa ng kasamaan. Ang unang hakbang sa gawang pagkakamali ay madali, at pagkatapos ay naging mabilis na ang pagkalulong nila sa lalong malaking gawang pagdaraya at lalong malaking mga pagkakasala. Pinagsikapan ni Kristo na sa pamamagitan ng lahat ng paraan ay mahikayat silang magkaroon ng lalong matatayog na hangarin at ng lalong mararangal na simulain. Ang layuning ito ang nasa isip Niya nang banggitin Niya ang salaysayin tungkol sa di-tapat na katiwala. Sa gitna ng mga maniningil ng buwis ay mayroong gayong kaso na gaya ng inilalarawan sa talinhaga, at sa ginawang paglalarawan ni Kristo ay kinilala nila ang kanilang mga ginagawa. Natawagan ang kanilang pansin, at sa larawan ng sarili nilang mga gawang pagdaraya ay marami sa kanila ang natuto ng liksiyon tungkol sa espirituwal na katotohanan.MP 396.2

    Gayunpaman, ang talinhaga ay tuwirang sinabi sa mga alagad. Sa kanila muna ibinigay ang lebadura ng katotohanan, at sa pamamagitan nila ay makararating na- man iyon sa mga iba. Marami sa mga aral ni Kristo ang sa pasimula ay hindi agad naunawaan ng mga alagad, at madalas na wari manding halos nalilimutan na ang Kanyang mga aral. Nguni't sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu ay muling naalaala nang buong liwanag ang mga katotohanang ito nang dakong huli, at sa pamamagitan ng mga alagad ay buhay na buhay na ito'y naiharap sa mga bagong nahikayat na naparagdag sa iglesya.MP 396.3

    At nagsasalita rin noon sa mga Pariseo ang Tagapagligtas. Hindi Siya nawalan ng pag-asa na mauunawaan ng mga ito ang tindi ng Kanyang mga salita. Marami ang taimtim na nasumbatan, at kung maririnig nila ang katotohanan sa tulong ng bulong ng Espiritu Santo, ay hindi iilan ang magsisisampalataya kay Kristo.MP 397.1

    Sinikap ng mga Pariseo na hiyain si Kristo sa pamamagitan ng pagpaparatang sa Kanya na nakikisama Siya sa mga maniningil ng buwis at sa mga makasalanan. Ngayo'y ibinaling Niya sa mga nagpaparatang ang puna o suwat na ito. Ang larawang alam ng lahat na naganap sa gitna ng mga maniningil ng buwis, ay inihaharap Niya sa mga Pariseo, na naglalarawan kapwa ng hakbang na kanilang gagawin, at nagpapakilala rin naman ng tanging paraang sa pamamagitan niyon ay matutubos nila ang kanilang mga pagkakamali.MP 397.2

    Ipinagkatiwala sa di-tapat na alipin ang mga pagaari ng kanyang panginoon upang magamit sa mga gawang kabutihan; nguni't ito'y ginamit niya para sa kanyang sarili. Ganyan din ang ginawa ng Israel. Pinili ng Diyos ang binhi ni Abraham. Sa pamamagitan ng nakataas na bisig ay hinango Niya sila mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Ipinagkatiwala Niya sa kanila ang mga buhay na orakulo upang maihatid naman nila sa iba ang liwanag. Subali't ginamit ng mga pinagkatiwalaan ang mga kaloob na ito sa pagpapayaman at sa pagtataas ng kanilang mga sarili.MP 397.3

    Ginamit sa maling paraan ng mga Pariseong puno ng pagpapahalaga sa sarili at pagbabanal-banalan ang mga pag-aaring ipinahiram sa kanila ng Diyos upang gamitin sana sa Kanyang ikaluluwalhati.MP 398.1

    Hindi gumawa ng anumang paghahanda o paglalaan para sa hinaharap ang alipin sa talinhaga. Ang mga pag-aaring ipinagkatiwala sa kanya upang gamitin niya sa ikabubuti ng mga iba ay ginamit niya sa kanyang sarili; nguni't ang nasa isip lamang niya ay ang kasalukuyan. Kapag inalis na sa kanya ang pagiging-katiwala, ay wala siyang anumang matatawag na kanya. Gayunma'y nasa mga kamay pa rin niya ang mga pag-aari ng kanyang panginoon, kaya nga ipinasiya niyang gamitin ang mga ito sa ikapapanatag ng kanyang sarili sa mga pangangailangan niya sa hinaharap. Upang maisagawa niya ito ay dapat siyang gumawa ng isang bagong panukala. Sa halip na magtipon para sa kanyang sarili ay dapat siyang mamigay sa mga iba. Sa gayong paraan ay magkakaroon siya ng mga kaibigan, na, kapag pinaalis na siya sa kanyang trabaho, ay tatanggap naman at magpapatuloy sa kanya. Ganyan din sa mga Pariseo. Aalisin na sa kanila ang pagiging-katiwala, at sila'y tinawagan upang maghanda o maglaan para sa kanilang hinaharap. Sa pamamagitan lamang ng paggawa ng kabutihan sa mga iba maaari silang makinabang. Sa pamamagitan lamang ng pamamahagi o pamimigay ng mga kaloob ng Diyos sa kasalukuyan nilang buhay maaari silang makapaghanda o makapaglaan para sa walang-hanggan.MP 398.2

    Pagkapaglahad ng talinhaga, ay sinabi ni Kristo, “Ang mga anak ng sanlibutang ito, sa kanilang sariling lahi, ay matatalino kaysa mga anak ng ilaw.” Alalaong-baga'y, ang mga taong matatalino sa gawa ng sanlibutan ay nagpapakita ng higit na karunungan at kasigasigan sa paglilingkod sa kanilang sarili kaysa mga nagpapanggap na anak ng Diyos sa kanilang paglilingkod sa Kanya. Ganyan noon sa panahon ni Kristo. Ganyan din naman nga- yon. Tingnan ninyo ang buhay ng maraming nagsasabing sila'y mga Kristiyano. Pinagkalooban sila ng Panginoon ng mga kakayahan, ng kapangyarihan, at ng impluwensiya; pinagkatiwalaan Niya sila ng salapi, upang sila'y maging mga kamanggagawa Niya sa dakilang gawain ng pagtubos. Lahat ng mga kaloob Niya ay dapat gamitin sa pagpapala sa sangkatauhan, sa pagpapaginhawa sa mga paghihirap at mga nangangailangan. Dapat nating pakanin ang mga nagugutom, paramtan ang mga hubad, arugain o asikasuhin ang babaing balo at ang ulila, at paglingkuran ang napipighati at ang niyuyurakan. Hindi kailanman inibig ng Diyos na magkaroon ng malaganap na kahirapan sa sanlibutan. Hindi Niya kailanman inibig na ang isang tao'y magkaroon ng saganang mga luho sa buhay, samantalang ang mga anak naman ng mga iba ay dumadaing sa pangangailangan ng tinapay. Ang salaping labis at higit sa tunay na mga pangangailangan sa buhay ay ipinagkakatiwala sa tao upang gamitin sa paggawa ng mabuti, at upang ipagpala sa sangkatauhan. Ang sinasabi ng Panginoon ay, “Ipagbili ninyo ang inyong mga tinatangkilik, at kayo'y mangaglimos.” Kayo'y “maging handa sa pamimigay, maibigin sa pamamahagi.” “Kung maghahanda ka, ay anyayahan mo ang mga dukha, ang mga pingkaw, ang mga pilay, ang mga bulag.”1Lu. 12:33; 1 Tim. 6:18; Lu. 14:13. “Kalagin ang mga tali ng kasamaan,” “na pagaangin ang mga pasan,” “papaging layain ang napipighati,” “alisin ang lahat na atang.” “Magbahagi ka ng iyong tinapay sa gutom,” “dalhin mo sa iyong bahay ang dukha na walang tuluyan.” “Pagka nakakakita ka ng hubad, . . . iyong bihisan.” “Iyong sisiyahan ng loob ang nagdadalamhating kaluluwa.” “Magsiyaon kayo sa buong sanlibutan, at inyong ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng kinapal.”2Is. 58:6, 7, 10; Mar. 16:15. Ito ang mga iniuutos ng Panginoon. Ginagawa ba ng malaking kapulungan ng mga nagpapanggap na Kristiyano ang gawaing ito?MP 398.3

    Sa kakapusang-palad, marami ang gumagamit para sa kanilang sarili ng mga kaloob ng Diyos! Marami ang nagpaparami ng bahay at lupa. Marami ang gumagasta ng kanilang salapi sa kalayawan, sa pagbibigay-kasiyahan sa panlasa, sa naggagandahang mga bahay, mga kasangkapan, at damit. Ang kanilang mga kapwa kinapal ay pinababayaan nila sa kahirapan at kasalanan, sa sakit at kamatayan. Napakarami ang nangamamatay nang hindi natatapunan man lamang ng kahit isang tanaw na nahahabag, ng kahit isang salita o gawa ng pakikiramay.MP 399.1

    Ang mga tao ay nagkakasala ng pagnanakaw sa Diyos. Ang makasarili nilang paggamit ng salapi ay ninanakawan ang Diyos ng kaluwalhatiang dapat maibalik sa Kanya sa pamamagitan ng pagbibigay-ginhawa sa naghihirap na sangkatauhan at sa pagliligtas ng mga kaluluwa. Nilulustay nila ang ipinagkatiwala Niyang mga pag-aari. Ganito ang wika ng Panginoon, “Aking lalapitan kayo sa kahatulan; at Ako'y magiging maliksing saksi laban sa. . . mga nagsisipighati sa mang-aaraw sa kanyang kaupahan, sa babaing balo, at sa ulila, at sa nagliligaw sa tagaibang-lupa mula sa kanyang matuwid.” “Nanakawan baga ng tao ang Diyos? Gayunma'y ninanakawan ninyo Ako. Nguni't inyong sinasabi, Sa ano Ka namin ninakawan? Sa mga ikasampung-bahagi at mga handog. Kayo'y nangasumpa ng sumpa; sapagka't inyo Akong ninakawan, samakatwid baga'y nitong buong bansa.” “Magsiparito ngayon, kayong mayayaman, . . . ang inyong mga kayamanan ay mga bulok, at ang inyong mga damit ay nginangatngat ng tanga. Ang inyong ginto at ang inyong pilak ay kinakalawang na, at ang mga kalawang na ito ay siyang magiging patotoo laban sa inyo. . . . Kayo'y nagtipon ng inyong mga kayamanan sa mga huling araw.” “Kayo'y nangabuhay nang tamasa sa ibabaw ng lupa, at nangagalak.” “Narito, ang kaupahan ng mga manggagawa na nagsiani sa inyong mga bukid, na iniring ninyo sa pamamagitan ng daya, ay humihibik: at ang mga hibik ng mga nagsiani ay nagsipasok sa mga pakinig ng Panginoon ng mga hukbo.”1Mal. 3:5, 8, 9; Sant. 5:1-3, 5, 4.MP 400.1

    Bawa't isa ay papagsusulitin sa mga ipinagkatiwala sa kanya na mga kaloob. Sa araw ng huling Paghuhukom ay mawawalan ng halaga sa mga tao ang itinago nilang kayamanan. Wala silang matatawag na sariling kanila.MP 401.1

    Nagpapakita ng higit na kakulangan ng karunungan at ng higit ng pag-aalaala at pag-aasikaso sa kanilang walang-hanggang ikabubuti ang mga nagsisipagtipon ng kayamanan ng sanlibutan, kaysa likong katiwala para sa kanyang ikabubuhay sa lupa. Ang mga nagpapanggap na ito ng kaliwanagan ay higit na kulang sa katalinuhan kaysa mga anak ng sanlibutang ito sa kanilang kapanahunan. Sila ang sinabi ng propeta sa kanyang pangitain tungkol sa dakilang araw ng Paghuhukom na anya'y, “Ihahagis ng isang tao ang kanyang mga diyus-diyusang pilak, at ang kanyang mga diyus-diyusang ginto; na kanilang ginawa upang sambahin, sa yungib ng mga bilig at ng mga paniki; upang pumasok sa mga guwang ng malalaking bato, at sa mga taluktok ng mga malalaking bato, dahil sa takot sa Panginoon, at dahil sa kaluwalhatian ng Kanyang kamahalan, pagka Siya'y bumangon upang buong kakila-kilabot na yanigin ang lupa.”1Is. 2:20, 21.MP 401.2

    “Makipagkaibigan kayo sa pamamagitan ng kayamanan ng kasamaan,” wika ni Kristo, “upang kung kayo'y magkulang, ay kanilang tanggapin kayo sa mga walanghanggang tabernakulo.”2Lu. 16:9. Ang Diyos at si Kristo at ang mga anghel ay naglilingkod na lahat sa namimighati, naghihirap, at nagkakasala. Ibigay ninyo ang inyong sarili sa Diyos para sa gawaing ito, gamitin ninyo para sa layuning ito ang Kanyang mga kaloob, at kayo'y makisama sa mga anghel sa langit. Titibok ang inyong puso sa pagdamay sa kanila. Kayo'y magiging katulad nila sa likas. Ang mga tumatahang ito sa mga walang-hanggang tabernakulo ay hindi magiging iba sa inyo. Kapag ang mga bagay sa lupa ay nagsilipas na, ay tatanggapin kayo at papapasukin ng mga nagsisipagbantay sa mga pintuan sa langit.MP 401.3

    At ang salaping ginamit upang ipagpala sa mga iba ay magbibigay ng mga pakinabang. Ang mga kayamanang ginagamit nang wasto ay gagawa ng malaking kabutihan. Mahihikayat kay Kristo ang mga kaluluwa. Makikita ng mga nagsisisunod sa panukala ng buhay ni Kristo doon sa mga bulwagan ng Diyos yaong kanyang mga pinagpagalan at pinagsakripisyuhan sa ibabaw ng lupa. Buong pagpapasalamat at pagkilala ng utang na loob na magugunita ng mga tinubos yaong mga naging kasangkapan sa kanilang pagkaligtas. Magiging mahalaga ang langit sa mga naging tapat sa gawain ng pagliligtas ng mga kaluluwa.MP 402.1

    Ang aral sa talinhagang ito ay para sa lahat. Bawa't isa ay mananagot sa biyayang nabigay sa kanya sa pamamagitan ni Kristo. Napakasolemne ang buhay upang lubos na iukol sa mga bagay na lumilipas o panlupa. Ang nais ng Panginoon ay mamahagi tayo sa iba ng mga ibinabahagi sa atin ng walang-hanggan at di-nakikita.MP 402.2

    Taun-taon ay angaw-angaw at angaw-angaw na mga kaluluwa ng tao ang nangagsisipanaw sa walang-hanggan nang hindi man lamang nabababalaan at hindi ligtas. Sa oras-oras ng ating buhay ay nakabukas sa atin ang mga pagkakataon na maabot at mailigtas ang mga kaluluwa. Ang mga pagkakataong ito ay patuloy na dumarating at umaalis. Ang nais ng Diyos ay gawin natin ang pinakamabuti sa mga ito. Ang mga araw, mga linggo, at mga buwan ay nangagsisilipas; nakukulangan tayo ng isang araw, isang linggo, at isang buwan sa panahong dapat nating igawa. Ilang mga taon pa, ito'y siya nang pinakamatagal, at ang tinig na hindi natin matatanggihang sagutin ay ating maririnig, na nagsasabi, “Magbigay sulit ka ng pagiging-katiwala mo.”MP 402.3

    Tinatawagan ni Kristo ang bawa't isa na magbulay-bulay. Gumawa kayo ng isang tapat na pagsasaalang- alang o pagtitimbang-timbang. Ilagay ninyo sa isang panimbang si Jesus, na nangangahulugang walang-hanggang kayamanan, buhay, katotohanan, langit, at ang kagalakan ni Kristo sa mga kaluluwang natubos; ilagay naman ninyo ngayon sa kabilang panimbang ang lahat ng pangakit na maibibigay ng sanlibutan. Ilagay ninyo sa isang panimbang ang pagkawaglit ng inyong sariling kaluluwa, at ang mga kaluluwa ng mga sana'y maililigtas ninyo; sa kabila naman, ay ang buhay na kasukat ng buhay ng Diyos na para sa inyo at para sa kanila. Magtimbang kayo ngayon at sa walang-hanggan. At samantalang ginagawa ninyo ito, ay nagsasalita si Kristo: “Ano ang mapapakinabang ng tao, na makamtan ang buong sanlibutan, at mapapahamak naman ang kanyang buhay?”1Mar. 8:36.MP 402.4

    Ang hangad ng Diyos para sa atin ay piliin natin ang ukol sa langit at huwag ang ukol sa lupa. Binubuksan Niya sa harap natin ang maaaring magawang pamumuhunan ng ukol sa langit. Pasisiglahin Niya tayo sa ating pinakamatatayog na mga hangarin, at bibigyan Niya tayo ng katiwasayan sa ating pinakapiling kayamanan. Sinasabi Niya, “Aking gagawin ang isang lalaki na maging mahalaga kaysa dalisay na ginto; ang tao na higit kaysa dalisay na ginto ng Ophir.”2Is. 13:12. Kapag ang mga kayamanang kinakain ng tanga at sinisira ng kalawang ay naparam na, ay magagalak ang mga sumusunod kay Kristo sa kanilang kayamanan sa langit, ang mga kayamanang di-masisira.MP 403.1

    Higit na mabuti kaysa lahat ng pakikipagkaibigan ng sanlibutan ay ang pakikipagkaibigan ng mga tinubos ni Kristo. Higit na mabuti kaysa karapatang makapasok sa pinakamarilag na palasyo sa ibabaw ng lupa ay ang karapatang makapasok sa mga mansiyong inihahanda ng ating Panginoon. At higit na mabuti kaysa lahat ng mga salita ng papuri sa lupa, ay ang magiging pangungusap ng Tagapagligtas na iuukol Niya sa Kanyang mga tapat na lingkod, “Magsiparito kayo, mga pinagpala ng Aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanlibutan.”1Mat. 25:34.MP 403.2

    Sa mga nagwaldas ng Kanyang mga pag-aari, ay nagbibigay pa rin si Kristo ng pagkakataong makapagtamo ng tumatagal na mga kayamanan. Sinasabi Niya, “Mangagbigay kayo, at kayo'y bibigyan.” “Magsigawa kayo sa ganang inyo ng mga supot na hindi nangaluluma, isang kayamanan sa langit na hindi nagkukulang, na doo'y hindi lumalapit ang magnanakaw, ni naninira man ang tanga.” “Ang mayayaman sa sanlibutang ito ay pagbilinan mo, . . . na sila'y magsigawa ng mabuti, na sila'y magsiyaman sa mabubuting gawa, na sila'y maging handa sa pamimigay, maibigin sa pamamahagi; na mangagtipon sa kanilang sarili ng isang mabuting kinasasaligan para sa taong darating, upang sila'y makapanangan sa buhay na walang-hanggan.”2Lu. 6:38; 12:33; 1 Tim. 6:17-19.MP 404.1

    Saka pabayaan ninyong magpauna na sa langit ang inyong pag-aari. Magtipon kayo ng inyong kayamanan sa tabi ng luklukan ng Diyos. Inyong tiyakin o siguruhin ang inyong karapatan sa di-matingkalang mga kayamanan ni Kristo. “Makipagkaibigan kayo sa pamamagitan ng kayamanan ng kasamaan, upang kung kayo'y magkulang, ay kanilang tanggapin kayo sa mga walang-hanggang tabernakulo.”3Lu. 16:9.MP 404.2

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents