Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents

Masayang Pamumuhay

 - Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Kapitulo 17—Malaya sa Pagsubok

    SA KANYANG pangangaral ay ikinawing ni Kristo sa babala ng paghatol ang paanyaya ng kaawaan. “Ang Anak ng tao ay hindi naparito,” wika Niya, “upang lipulin ang mga buhay ng mga tao, kundi upang iligtas sila.” “Hindi sinugo ng Diyos ang Anak sa sanlibutan upang hatulan ang sanlibutan; kundi upang ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan Niya.”1Lu. 9:56; Juan 3:17. Ang Kanyang misyon ng kaawaan, sa pagkakaugnay nito sa katarungan at paghatol ng Diyos, ay inilalarawan sa talinhaga ng walang-bungang puno ng igos.MP 217.1

    Binabalaan ni Kristo ang mga tao tungkol sa pagdating ng kaharian ng Diyos, at matalim Niyang sinuwatan ang kanilang kawalang-nalalaman at pagwawalang-bahala. Ang mga tanda sa langit, na paunang-nagbabadya ng magiging lagay ng panahon, ay mabilis nilang nababasa; subali't ang mga tanda ng panahon, na lubhang malinaw na nakaturo sa Kanyang misyon, ay hindi nila napag-unawa.MP 217.2

    Datapwa't ang mga tao noon ay kasinghanda ng mga tao ngayon sa pagsasabi na sila ang mga itinatangi ng langit, at ang pabalita ng pagsuwat ay sa iba iniuukol. Isinaysay kay Jesus ng mga nakikinig ang tungkol sa isang pangyayaring lumikha ng malaking kaguluhan. Ang ilan sa mga hakbangin o utos ni Poncio Pi- lato, na gobernador ng Judea, ay ikinagalit ng mga tao. Nagkaroon ng pangmadlang kaguluhan sa Jerusalem, at tinangka ni Pilatong sugpuin ito sa pamamagitan ng karahasan. Sa isang pagkakataon ay sinalakay pa nga ng kanyang mga kawal ang mga presinto ng templo, at pinatay ang ilang Galileong manlalakbay na gumaganap noon ng pagpatay sa kanilang mga hain. Ang sakuna ay itinuturing ng mga Hudyo na isang kahatulan dahil sa kasalanan ng nasakuna, at ang mga nagsaysay ng gawang karahasang ito ay ginawa ito nang may lihim na kasiyahan. Sa kuru-kuro nila ang kanilang mabuting kapalaran ay nagpapatunay na sila'y higit na mabuti, at dahil dito'y higit na itinatangi ng Diyos, kaysa mga Galileong ito. Inasahan nilang makakarinig kay Jesus ng mga salita ng paghatol sa mga taong ito, na, hindi nila pinag-aalinlanganang, karapat-dapat sa parusa sa kanila.MP 217.3

    Hindi nangahas ang mga alagad ni Kristo na magpahayag ng kanilang mga kuru-kuro hanggang kanilang mapakinggan ang palagay o opinyon ng kanilang Panginoon. Binigyan Niya sila ng matutulis na aral na tumutukoy sa paghatol sa likas o sa karakter ng ibang mga tao, at sa pagsukat ng kagantihan ayon sa kanilang pahat na kahatulan. Gayunma'y hinintay nilang tuligsain ni Kristo ang mga taong ito bilang mga makasalanang higit sa iba. Gayon na lamang ang kanilang pagkakamangha sa Kanyang sagot.MP 218.1

    Pagbaling Niya sa karamihan, ay sinabi ng Tagapagligtas, “Inaakala baga ninyo na ang mga Galileong ito ay higit ang pagkamakasalanan kaysa lahat ng mga Galileo, dahil sa sila'y nangagbata ng mga bagay na ito? Sinasabi Ko sa inyo. Hindi; datapwa't, malibang kayo'y mangagsisi, ay mangamamatay kayong lahat sa gayunding paraan.” Ang mga nakagigimbal na sakunang ito ay pinanukalang akayin sila sa pagpapakumbaba ng kanilang mga puso, at sa pagsisisi ng kanilang mga kasalanan. Ang unos ng paghihiganti ay nagtitipon, bagay na malapit nang sumambulat sa lahat na hindi nakasumpong ng kanlungan kay Kristo.MP 218.2

    Nang makipag-usap si Jesus sa mga alagad at sa karamihan, Siya'y tumingin sa hinaharap na may sulyap ng panghuhula, at namalas ang Jerusalem na nakukubkob ng mga hukbo. Kanyang napakinggan ang yabag ng mga dayuhan na nagmamartsa laban sa piling lungsod, at nakita ang mga libu-libo at mga libu-libong nangapupuksa sa pagkubkob. Ang marami sa mga Hudyo ay naging katulad ng mga Galileong yaon, na mga pinatay sa mga looban ng templo, na nangasa anyong gumaganap ng paghahandog ng hain. Ang mga sakunang sumapit sa mga tao ay mga babala ng Diyos sa isang bansang makasalanan din. “Malibang kayo'y mangagsisi,” wika ni Jesus, “ay mangamamatay kayong lahat sa gayunding paraan.” Sa loob ng kaunting panahon ay nagtagal sa kanila ang araw na palugit. Nagkaroon pa rin sila ng panahon o pagkakataon na maalaman ang mga bagay na ukol sa kanilang kapayapaan.MP 219.1

    “Isang tao” pagpapatuloy Niya “ay may isang puno ng igos na natatanim sa kanyang ubasan; at siya'y nagparoong humahanap ng bunga niyaon, at walang nasumpungan. At sinabi niya sa nag-aalaga ng ubasan, Narito, tatlong taon nang pumaparito akong humahanap ng bunga sa puno ng igos na ito, at wala akong nasumpungan: putulin mo; bakit pa makasisikip sa lupa?”MP 219.2

    Naunawaan ng mga nakikinig kay Kristo ang pinaglalapatan ng Kanyang mga salita. Ang Israel ay inawit ni David bilang puno ng ubas na inilabas mula sa Ehipto. Sumulat si Isaias, “Ang ubasan ng Panginoon ng mga hukbo ay ang sambahayan ng Israel, at ang mga tao sa Juda ay ang Kanyang maligayang pananim.”1Is. 5:7. Ang salin-ng-lahing pinagmulan ng Tagapagligtas ay kinatawanan ng puno ng igos sa ubasan ng Panginoon,—nasa loob ng Kanyang tanging pag-iingat at pagpapala.MP 219.3

    Ang panukala ng Diyos sa Kanyang bayan, at ang maluluwalhating posibilidad sa harapan nila, ay inilahad sa magandang pananalita, “Upang sila'y matawag na mga punungkahoy ng katwiran, na pananim ng Panginoon, upang Siya'y luwalhatiin.”1Is. 61:3. Ang mamamatay nang si Jacob, sa ilalim ng pagkasi ng Espiritu, ay nagsabi tungkol sa kanyang pinakamamahal na anak, “Si Jose ay sangang mabunga, sangang mabunga na nasa tabi ng bukal; ang kanyang mga sanga'y gumagapang sa pader.” At sinabi niya, “Tutulong sa iyo,” “ang Diyos ng iyong ama,” ang Makapangyarihan sa lahat ay “magpapala sa iyo ng pagpapala ng langit sa itaas, pagpapala ng mga kalaliman na nalalagay sa ibaba.”2Gen. 49:22, 25. Ganyan itinanim ng Diyos ang Israel na parang isang mabuting puno ng ubas sa tabi ng mga bukal ng buhay. Kanyang ginawa ang Kanyang ubasan “sa napakamabungang burol.” Kanyang “binambangan (binakuran) ang palibot, at inalis ang mga bato, at tinamnan ng piling puno ng ubas.”3Is. 5:1, 2.MP 219.4

    “At Kanyang hinintay na magbunga ng ubas, at nagbunga ng ubas gubat.”4Is. 5:2. Ang mga tao noong kaarawan ni Kristo ay gumawa ng higit na malaking pagpapakita ng kabanalan kaysa ginawa ng mga Hudyo nang unang mga kapanahunan, subali't higit silang kulang sa matatamis na biyaya ng Espiritu ng Diyos. Ang mahahalagang bunga ng karakter na lubhang nagpahalimuyak at nagpaganda sa buhay ni Jose, ay hindi namalas sa bansang Hudyo.MP 220.1

    Ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Anak ay naghanap ng bunga, at walang nasumpungan. Ang Israel ay naging isang tagapagpasikip sa lupa. Ang mismong pananatili nito ay naging isang sumpa; sapagka't kinuha nito ang lugar sa ubasan na dapat sana'y kalagyan ng isang mabungang punungkahoy. Ninakawan nito ang sanlibutan ng mga pagpapalang pinanukala ng Diyos na ipagkaloob. Maling-ipinakilala ng mga Israelita ang Diyos sa gitna ng mga bansa. Hindi lamang sila naging walangsaysay, kundi naging tiyak na sagabal. Sa isang mala- king antas ay nakapagsinsay ang kanilang relihiyon, at gumawa ng kapahamakan sa halip ng kaligtasan.MP 220.2

    Sa talinhaga ay hindi tinutulan o sinalansang ng nag-aalaga ng ubasan ang hatol na ang punungkahoy, kung mananatiling walang bunga, ay dapat na putulin; kundi talastas niya at nakikibahagi siya sa interes ng may-ari sa punungkahoy na walang-bunga. Wala nang makapagdudulot sa kanya ng higit na malaking katuwaan kundi ang makita ang paglaki at ang pagiging-mabunga nito. Siya'y tumugon sa nais ng may-ari, na sinasabi, “Pubayaan mo muna sa taong ito, hanggang sa aking mahukayan sa palibot, at malagyan ng pataba; at kung pagkatapos ay magbunga, ay mabuti.”MP 221.1

    Ang hardinero ay hindi tumanggi na pagyamanin ang lubhang walang-ipinangangakong halaman. Siya'y tumayong handang mag-ukol ng lalo pang malaking pagaalaga Pagagandahin niyang mabuti ang mga kapaligiran nito, at iuukol dito ang bawa't pag-aasikaso.MP 221.2

    Ang may-ari at ang nag-aalaga ng ubasan ay iisa sa kanilang interes o pagmamalasakit sa puno ng igos. Kaya ang Ama at ang Anak ay iisa sa kanilang pag-ibig sa bayang hinirang. Sinabi ni Kristo sa Kanyang mga tagapakinig na ipagkakaloob sa kanila ang mga karagdagangpagkakataon. Ang bawa't paraang mapapanukala ng pag-ibig ng Diyos ay isasagawa upang sila'y maging mga punungkahoy ng katwiran, na nagbibigay ng bunga sa ikapagpapala ng sanlibutan.MP 221.3

    Hindi sinabi ni Jesus sa talinhaga ang kinalabsan ng paggawa ng hardinero. Sa bahaging yaon ay pinutol ang Kanyang salaysayin. Ang wakas nito ay ipinaubaya sa salin-ng-lahing nakarinig ng Kanyang mga salita. Sa kanila'y ibinigay ang solemneng babala, “Kung hindi, ay putulin mo.” Sa kanila nakabatay kung ang dimapawawalang-bisang mga salita ay dapat na salitain. Ang araw ng kagalitan ay malapit na. Sa mga sakunang sumapit sa Israel, ay buong kahabagang binabalaan sila ng may-ari ng ubasan tungkol sa pagpuksa sa di-nagbubungang punungkahoy.MP 221.4

    Ang babala ay umaalunignig hanggang sa atin sa salin-ng-lahing ito. Ikaw ba 0 pusong pabaya, ay isang walang-bungang punungkahoy sa ubasan ng Panginoon? Ang mga salita ba ng kawakasan ay malapit nang bigkasin sa iyo? Gaano na katagal na tinanggap mo ang Kanyang mga kaloob? Gaano kaluwat na Siyang nagbabantay at naghihintay sa isang tugon o ganti ng pagibig? Itinanim sa Kanyang ubasan, sa ilalim ng maingat na pag-aalaga ng hardinero, ano ngang mga karapatan ang nasa iyo! Gaano kadalas na inantig ng magiliw na pabalita ng ebanghelyo ang iyong puso! Tinanggap mo ang pangalan ni Kristo, ikaw sa kalagayang panlabas ay isang kaanib ng iglesya na ito'y siya Niyang katawan, at gayunpama'y wala kang nararamdamang buhay na pagkakaugnay sa dakilang puso ng pag-ibig. Ang agos ng Kanyang buhay ay hindi dumadaloy sa pamamagitan mo. Ang matatamis na biyaya ng Kanyang karakter, “ang mga bunga ng Espiritu,” ay hindi nakikita sa iyong kabuhayan.MP 222.1

    Ang walang-bungang punungkahoy ay tumatanggap ng ulan at ng sikat ng araw at ng pag-aalaga ng hardinero. Kumukuha ito ng pagkain mula sa lupa. Nguni't nagpapadilim lamang sa lupa ang mga di-nagbubungang sanga nito, na anupa't hindi makayabong sa ilalim nito ang mga namumungang pananim. Ganyan ang mga kaloob ng Diyos, na nasasayang sa inyo, ay walang inihahatid na pagpapala sa sanlibutan. Ninanakawan ninyo ang iba ng mga karapatan, na kung hindi dahil sa inyo, ay napasakanila sana.MP 222.2

    Inyong nadarama, bagama't ito'y maaaring malabo lamang, na kayo'y isang nagpapasikip sa lupa. Gayunman sa Kanyang dakilang kaawaan ay hindi kayo pinutol ng Diyos. Hindi walang-giliw ang Kanyang pagtingin sa inyo. Hindi Siya tumalikod nang may pagwawalang-ba- hala, o kaya'y iniiwan kayo sa kapahamakan. Nakatingin sa inyong Siya'y sumisigaw, gaya nang Siya'y sumigaw tungkol sa Israel napakaraming dantaon na ang nakaraan, “Paanong pababayaan kita, Ephraim? Paanong itatakwil kita, Israel? . . . Hindi Ko isasagawa ang kabangisan ng Aking galit. Hindi Ako babalik upang ipahamak ang Ephraim; sapagka't Ako'y Diyos, at hindi tao.”1Os. 11:8, 9. Tungkol sa inyo ay sinasabi ng nahahabag na Tagapagligtas, Pabayaan mo muna sa taong ito, hanggang sa aking mahukayan sa palibot, at malagyan ng pataba.MP 222.3

    Sa pamamagitan ng di-kumukupas na pag-ibig ay pinaglingkuran ni Kristo ang Israel sa nalolooban ng idinagdag na panahong palugit. Doon sa krus ay Siya'y dumalangin, “Ama, patawarin Mo sila; sapagka't hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”2Lu. 23:34. Pagkaakyat Niya sa langit ay una munang ipinangaral ang ebanghelyo sa Jerusalem. Doon ibinuhos ang Banal na Espiritu. Doon inihayag ng unang iglesya ng ebanghelyo ang kapangyarihan ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas. Doon si Esteban—na “ang kanyang mukha na katulad ng mukha ng isang anghel”3Gawa 6:15.—ay nagpatotoo at nag-alay ng kanyang buhay. Lahat ng maibibigay ng langit na rin ay ipinagkaloob. “Ano pa ang magagawa Ko sa Aking ubasan,” sinabi ni Kristo, “na hindi Ko nagawa?”4Is. 5:4. Kaya ang Kanyang pangangalaga at pagpapagal para sa inyo ay hindi nababawasan, kundi nararagdagan. Hanggang ngayon ay sinasabi Niya, “Akong Panginoon ang nag-iingat; Aking didiligin tuwi-tuwina; baka saktan ng sinuman, Aking iingatan gabi't araw.”5Is. 27:3.MP 223.1

    Ang pusong hindi tumutugon sa mga paggawa ng kapangyarihan ng Diyos ay tumitigas hanggang sa hindi na ito talaban ng impluwensiya ng Espiritu Santo. Sa panahong iyon nga binibigkas ang salitang, “Putulin mo; bakit pa makasisikip sa lupa?”MP 223.2

    Ngayo'y inaanyayahan Niya kayo: “Oh Israel, manumbalik ka sa Panginoon mong Diyos. . . . Aking ga- gamutin ang kanilang pagtalikod, Akin silang iibiging may kalayaan. . . . Ako'y magiging parang hamog sa Israel; siya'y bubukang parang lila, at kakalat ang kanyang ugat na parang Libano. . . . Silang nagsisitahan sa kanyang lilim ay manunumbalik; sila'y mangabubuhay uling gaya ng trigo, at mangamumulaklak na gaya ng puno ng ubas. . . . Mula sa Akin ay nasusumpungan ang iyong bunga.”1Os. 14:1-8.MP 223.3

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents