Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents

Masayang Pamumuhay

 - Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Kapitulo 18—Sinong Inanyayahan?

    ANG Tagapagligtas ay panauhin sa piging o pista ng isang Pariseo. Tinanggap Niya ang mga anyaya ng mayayaman gayundin ng mga dukha, at, ayon sa Kanyang kaugalian, Kanyang iniugnay ang tanawing nasa harapan Niya sa Kanyang mga aral ng katotohanan. Sa gitna ng mga Hudyo ang banal na kapistahan ay kaugnay ng lahat nilang mga panahon ng pambansa at panrelihiyong pagsasaya o pagdiriwang. Sa kanila iyon ay isang uri ng mga pagpapala ng buhay na walang-hanggan. Ang dakilang piging o kapistahang doo'y uupo silang kasama nina Abraham, Isaac, at Jacob, habang ang mga Hentil ay nakatayo sa labas, at nakatinging may kislap ng pagnanasa sa kanilang mga mata, ay isang paksang kinaluguran nilang pag-ukulan ng pansin. Ang liksiyong nagbababala at nagtuturo na ninais ni Kristong ibigay, ay Kanya ngayong inilalarawan sa pamamagitan ng talinhaga ng isang malaking hapunan. Ang mga pagpapala ng Diyos, sa pangkasalukuyan at panghinaharap na buhay, ay inisip ng mga Hudyo na kanilang sarilinin. Ipinagkait nila sa mga Hentil ang habag ng Diyos. Sa pamamagitan ng talinhaga ay ipinakilala ni Kristo na sila na rin, sa sandaling yaon, ay tumatanggi sa anyaya ng kaawaan, sa panawagan patungo sa kaharian ng Diyos. Kanyang ipinakilala na ang paanyayang kanilang pinawalang-halaga ay ipadadala sa mga taong kanilang hinahamak, doon sa mga pinaglayuan nila ng kanilang mga kasuutan, na para bagang ang mga iyon ay mga ketonging dapat na iwasan.MP 225.1

    Sa pagpili ng mga panauhin sa kanyang piging, ay sinangguni ng Pariseo ang kanyang sariling sakim na kapakinabangan. Sinabi ni Kristo sa kanya, “Pagka naghahanda ka ng isang tanghalian o ng isang hapunan, ay huwag mong tawagin ang iyong mga kaibigan, ni ang iyong mga kapatid, ni ang iyong mga kamag-anak, ni ang mayayaman mong kapitbahay, baka ikaw naman ang kanilang muling anyayahan, at gantihan ka. Datapwa't kung maghahanda ka, ay anyayahan mo ang mga dukha, ang mga pingkaw, ang mga pilay, ang mga bulag; at magiging mapalad ka; sapagka't wala silang sukat ikaganti sa iyo: sapagka't gagantihin sa iyo sa pagkabuhay na mag-uli ng mga ganap.”MP 227.1

    Dito'y inuulit ni Kristo ang tagubiling Kanyang ibinigay sa Israel sa pamamagitan ni Moises. Sa kanilang mga banal na kapistahan o pagpipiging ay itinagubilin ng Panginoon na “ang tagaibang-bayan, at ang ulila, at ang babaing balo, na nangasaloob ng iyong mga pintuang-daan, ay magsisiparoon, at magsisikain, at mangabubusog.”1Deut. 14:29. Ang mga pagtitipong ito ay dapat maging mga pakay-na-aral sa Israel. Yamang naiaral ang kagalakan ng tunay na pagiging-mapagpatuloy, ang bayan sa buong taon ay nangalaga o nag-asikaso sa ulila at sa dukha. At ang mga piging o pistang ito ay may lalong malawak na liksiyon. Ang mga espirituwal na pagpapalang ipinagkaloob sa Israel ay hindi para sa kanilang mga sarili lamang. Ibinigay ng Diyos sa kanila ang tinapay ng buhay, upang kanilang mapagputul-putol ito sa sanlibutan.MP 227.2

    Hindi nila natupad ang gawaing ito. Ang mga salita ni Kristo ay naging sumbat sa kanilang kasakiman o pagkamakasarili. Hindi naging mainam sa mga Pari- seo ang Kanyang mga salita. Umaasang maibabaling ang pag-uusap sa ibang isipan, ang isa sa kanila, na may himig nag-aaring-banal, ay bumulalas, “Mapalad ang kakain ng tinapay sa kaharian ng Diyos.” Nagsalita ang lalaking ito nang may malaking katiyakan, na para bagang ang sarili niya ay nakatitiyak ng isang dako sa kaharian. Ang kanyang ginagawi ay katulad ng ginagawi ng mga nagsasaya o natutuwa na sila'y iniligtas ni Kristo, bagama't hindi sila umaalinsunod sa mga kondisyong doon nakabatay ang ipinangangakong kaligtasan. Ang kanyang diwa ay katulad ng kay Balaam nang ito ay manalanging, “Mamatay nawa ako ng kamatayan ng matwid, at ang aking wakas ay maging gaya nawa ng kanya.”1Blg. 23:10. Hindi iniisip ng Pariseo ang kanyang sariling pagkakaangkop o pagiging-karapat-dapat sa langit, kundi kung ano ang inaasahan niyang tatamasahin sa langit. Ang layon ng kanyang sinabi ay upang alisin sa pag-iisip ng mga panauhing nasa piging ang paksa tungkol sa kanilang isinasagawang tungkulin. Inisip niyang ilampas sila sa kasalukuyang buhay at dalhin hanggang sa malayong panahon ng pagkabuhay na mag-uli ng mga ganap.MP 227.3

    Nabasa ni Kristo ang puso ng mapagpakunwari, at, itinutuon ang Kanyang mga paningin dito, na inihayag Niya sa harap ng pulutong ang likas at halaga ng kanilang kasalukuyang mga tanging karapatan. Ipinakilala Niya sa kanila na sila'y may papel na dapat gampanan sa panahon ding iyon, upang makabahagi sa pagiging-mapalad sa hinaharap.MP 228.1

    “May isang naghanda,” wika Niya, “ng isang malaking hapunan, at marami siyang inanyayahan.” Nang dumating ang oras ng handaan o piging, ay isinugo ng maybahay o ng nag-aanyaya ang kanyang alipin sa mga inaasahang panauhin taglay ang pangalawang mensahe, “Magsiparito kayo; sapagka't ang lahat ng mga bagay ay nahahanda na.” Subali't isang kataka-takang pagwawalang-bahala ang namalas. “Silang lahat na parang iisa ay nangagpasimulang nangagdahilan. Sa kanya'y sinabi ng una, Bumili ako ng isang bukid, at kailangan akong umalis at tingnan; ipinamamanhik ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako. At sinabi ng iba, Bumili ako ng limang magkatuwang na bakang lalaki, at paroroon ako upang sila'y subukin; ipinamamanhik ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako. At sinabi ng iba, Bago akong kasal, at kaya nga hindi ako makaparoroon.”MP 228.2

    Walang tunay na pinagbabatayan ang mga dahilan. Ang lalaking “kailangang umalis at tingnan” ang kanyang bukid, ay nabili na iyon. Ang kanyang pagmamadali sa pag-alis at upang tingnan iyon ay dahil sa katotohanang ang kanyang interes ay buhos na buhos sa kanyang binili. Nabili na rin ang mga bakang lalaki. Ang pagsubok sa mga iyon ay upang bigyang-kasiyahan lamang ang interes o pagkawili ng bumili. Ang ikatlong dahilan ay walang anumang wangis ng katwiran. Ang katotohanan na ang dapat sanang maging panauhin ay nagpakasal o nag-asawa ay hindi dapat makahadlang sa kanyang pagdalo sa piging. Ang kanyang asawa ay tatanggapin din kaipala. Nguni't mayroon siyang mga sariling panukala sa pagtatamasahang kasiyahan, at sa kanya'y tila mandin higit na kanais-nais ang mga ito kaysa sa piging o handaan na kanyang pinangakuang dadaluhan. Natutuhan na niyang humanap ng kasayahan sa ibang lipunan na bukod sa maybahay na nag-anyaya. Hindi niya hiniling na siya'y pagpaumanhinan, ni hindi siya gumawa ng pakunwaring paggalang sa kanyang pagtanggi. Ang “hindi ako makaparoroon” ay isa lamang panakip sa katotohanang,—”Sadyang ayaw kong pumaroon.”MP 229.1

    Lahat ng mga dahilan ay naghahayag ng okupado nang isipan. Sa mga magiging panauhin sanang ito ang ibang mga interes ay naging pang-abala nang lahat. Ang paanyayang sila na rin ang nangakong kanilang tatanggapin ay isinaisantabi, at ang magandang-loob na kai- bigan ay inalipusta sa pamamagitan ng kanilang pagwawalang-bahala.MP 229.2

    Sa pamamagitan ng malaking hapunan, ay inilalarawan ni Kristo ang mga pagpapalang inihahandog sa pamamagitan ng ebanghelyo. Ang probisyon o biyaya ay wala nang iba kundi si Kristo na rin. Siya ang tinapay na bumabang buhat sa langit; at mula sa Kanya'y umaagos ang ilog ng kaligtasan. Itinanyag na sa mga Hudyo ng mga tagapagbalita ng Panginoon ang pagparito ng Tagapagligtas; kanilang itinuro si Kristo bilang “ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.”1Juan 1:29. Sa piging na Kanyang inihanda, ay inihandog ng Diyos sa kanila ang pinakadakilang kaloob na maibibigay ng Langit,—isang kaloob na hindi matataya. Ipinagkaloob ng pag-ibig ng Diyos ang mahal na piging, at ipinaglaan ng di-nauubos na kayamanan. “Kung ang sinuman ay kumain ng tinapay na ito,” wika ni Kristo, “siya'y mabubuhay magpakailanman.”2Juan 6:51.MP 230.1

    Subali't upang matanggap ang paanyaya sa piging na pang-ebanghelyo, dapat nilang ipailalim ang kanilang mga kapakinabangang pansanlibutan sa iisang layunin na tanggapin si Kristo at ang Kanyang katwiran. Ibinigay ng Diyos ang lahat sa tao, at Kanyang hinihingi rito na ilagay ang paglilingkod sa Kanya sa ibabaw ng ba-wa't bagay na panlupa at makasarili. Hindi Niya matatanggap ang isang pusong hati. Ang pusong lulong na lulong sa pag-ibig na ukol sa lupa ay hindi maipasasakop sa Diyos.MP 230.2

    Ang liksiyon ay para sa lahat ng panahon. Dapat nating sundan ang Kordero ng Diyos saanman Siya pumunta. Dapat piliin ang Kanyang pamamatnubay, dapat pahalagahan ang Kanyang pakikisama, nang higit sa pakikisama ng mga kaibigan sa lupa. Sinasabi ni Kristo, “Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit kaysa Akin ay hindi karapat-dapat sa Akin, at ang umiibig sa anak na lalaki o anak na babae nang higit kaysa Akin ay hindi karapat-dapat sa Akin.”1Mat. 10:37.MP 230.3

    Sa paligid ng hapag ng pagkain ng sambahayan, kapag pinagpuputul-putol nila ang kanilang pang-arawaraw na tinapay, marami noong kaarawan ni Kristo ang umuulit sa mga salitang, “Mapalad ang kakain ng tinapay sa kaharian ng Diyos.” Nguni't ipinakilala ni Kristo kung gaano kahirap humanap ng mga panauhin para sa hapag na inihanda sa di-matingkalang halaga. Naalaman niyaong mga nakinig sa Kanyang mga salita na niwalang halaga nila ang anyaya ng kaawaan. Sa kanila ang mga tinatangkilik, ang mga kayamanan, at ang mga kalayawan ng sanlibutan ay siyang lahat-lahat na. Sa iisang pagpayag ay gumawa sila ng pagdadahilan.MP 231.1

    Gayundin naman ngayon. Ang mga dahilang ginagawa sa pagtanggi sa anyaya sa piging ay tumatakip sa buong batayan ng mga dahilan sa pagtanggi sa anyayang ukol sa ebanghelyo. Sinasabi ng mga tao na hindi nila maisasapanganib ang kanilang pansanlibutang mga inaasahan sa pamamagitan ng pag-uukol ng pansin sa mga inaangkin ng ebanghelyo. Ibinibilang nilang higit na mahalaga kaysa mga bagay ng walang-hanggan ang kanilang mga pinakikinabang sa buhay sa lupang ito. Ang mga pagpapala mismong tinatanggap nila sa Diyos ay nagiging sagwil na naghihiwalay ng kanilang mga kaluluwa sa kanilang Manlalalang at Manunubos. Ayaw nilang maabala sa kanilang mga layuning pansanlibutan, at kanilang sinasabi sa tagapagbalita ng kaawaan, “Ngayo'y humayo ka; at pagkakaroon ko ng kaukulang panahon, ay ipatatawag kita.”2Gawa 24:25. Idinadahilan ng iba ang mga kahirapang babangon sa kanilang mga kaugnayang panlipunan kapag sinunod nila ang panawagan ng Diyos. Sinasabi nilang hindi nila magagawang di makiisa sa kanilang mga kamag-anak at mga kakilala. Sa gayong paraan nila pinatutunayan na sila mismo ang mga aktor na inilalarawan sa talinhaga. Ang kanilang mga wa- lang-saysay na dahilan ay itinuturing ng Panginoon ng piging na nagpapaki'ala ng paghamak sa Kanyang anyaya.MP 231.2

    Ang lalaking nagsabing, “Bago akong kasal, at kaya nga hindi ako makaparoroon,” ay kumakatawan sa isang malaking uri. Marami ang nagpapahintulot sa kanilang mga asawang-babae o sa kanilang mga asawang-lalaki na hadlangan sila sa pagtugon sa panawagan ng Diyos. Sinasabi ng lalaki, “Hindi ko masusunod ang mga paniniwala ko sa tungkulin habang ang aking asawa ay salungat o laban doon. Ang kanyang impluwensiya ay lubhang magpapahirap sa akin upang magawa ko ang gayon.” Naririnig ng babae ang mabiyayang panawagang, “Magsiparito kayo; sapagka't ang lahat ng mga bagay ay nahahanda na,” at kanyang sinasabi,” 'Ipinamamanhik ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako.' Tinatanggihan ng aking asawa ang anyaya ng kaawaan. Sinasabi niyang ang kanyang hanapbuhay ay nakaharang sa daan. Dapat akong sumama sa aking asawa, at kaya nga hindi ako makaparoroon.” Naantig ang mga puso ng mga anak. Nais nilang pumunta. Nguni't iniibig nila ang kanilang ama at ina, at sapagka't hindi pinapansin ng mga ito ang panawagan ng ebanghelyo, ipinalalagay ng mga anak na sila'y hindi maaasahang makapupunta. Sila man ay nagsasabing, “Pagpaumanhinan mo ako.”MP 232.1

    Lahat ng mga ito ay tumatanggi sa panawagan ng Tagapagligtas sapagka't nangangamba silang mahati ang kanilang sambahayan. Ipinalalagay nila na sa kanilang pagtangging sundin ang Diyos ay nabibigyan nilang katiyakan ang kapayapaan at kasaganaan ng tahanan; subali't ito ay maling haka. Ang mga naghahasik ng kasakiman ay mag-aani ng kasakiman. Sa kanilang pagtanggi sa pag-ibig ni Kristo ay tinatanggihan nila yaong bagay na siya lamang makapagbibigay ng kalinisan at kawalang-pagbabago sa pag-ibig ng tao. Hindi lamang mawawala ang langit sa kanila, kundi mabibigo rin naman sa tunay na pagtatamasa niyaong bagay na dahil doon isinakripisyo ang langit.MP 232.2

    Sa talinhaga, naalaman ng nagpiging kung paano pinakitunguhan ang kanyang paanyaya, at sa kanyang “galit, ay sinabi sa kanyang alipin, Pumaroon kang madal: sa mga lansangan at sa mga daang makikipot ng bayan, at dalhin mo rito ang mga dukha, at ang mga pingkaw, at ang mga bulag, at ang mga pilay.”MP 233.1

    Tinalikuran ng nagpiging ang mga nagsihamak sa kanyang kagandahang-loob, at inanyayahan ang isang uri ng mga tao na hindi busog, na walang mga tinatangkilik na mga bahay at mga lupa. Inanyayahan niya ang mga dukha at mga nagugutom, at ang mga magpapahalaga sa mga inihandang masaganang biyaya. “Ang mga maniningil ng buwis at ang mga patutot,” wika ni Kristo, “ay nangauuna sa inyo ng pagpasok sa kaharian ng Diyos.”1Mat. 21:31. Gaanuman kahamak ang mga uri ng mga taong pinapalibhasa at niwawalang-halaga ng mga kapwatao, sila'y hindi napakaaba, hindi napakahamak, upang hinhi pansinin at ibigin ng Diyos. Hangad ni Kristong magsilapit sa Kanya ang mga nababalisa, napapagal, at sinisiil na mga taong kinapal. Hangad Niyang bigyan sila ng liwanag at katuwaan at kapayapaan na hindi masusumpungan saanman. Ang lalong pinakamakasalanan ay siyang mga pakay ng Kanyang mataimtim at maalab na habag at pag-ibig. Sinusugo Niya ang Kanyang Espiritu Santo upang sila'y kasabikan nang may paggiliw, na sinisikap na sila'y mailapit sa Kanyang sarili.MP 233.2

    Nag-ulat sa kanyang panginoon ang aliping kumuha sa mga dukha at mga bulag, “Nagawa na ang ipinagutos mo, at gayunma'y maluwag pa. At sinabi ng panginoon sa alipin, Pumaroon ka sa mga daan at sa mga bakuran, at pilitin mo silang magsipasok, upang mapuno ang aking bahay.” Dito'y itinuro ni Kristo ang gawain ng ebanghelyo sa labas ng nasasakupan o hangga- nan ng Judaismo, sa mga daan at mga tabing-daan ng sanlibutan.MP 233.3

    Bilang pagtalima sa utos na ito, ay sinabi nina Pablo at Bernabe sa mga Hudyo, “Kinakailangang salitain muna ang salita ng Diyos sa inyo; nguni't yamang inyong itinatakwil, at hinahatulan ninyong hindi kayo karapat-dapat sa walang-hanggang buhay, narito, kami ay pasasa mga Hentil. Sapagka't ganito ang ipinag-utos sa amin ng Panginoon, na sinasabi, Inilagay Kitang isang ilaw ng mga Hentil, upang Ikaw ay maging sa ikaliligtas hanggang sa kahuli-hulihang hangganan ng lupa. At nang marinig ito ng mga Hentil, ay nangagalak sila, at niluwalhati nila ang salita ng Diyos; at nagsisampalataya ang lahat ng mga itinalaga sa buhay na walang-hanggan.”1Gawa 13:46-48.MP 234.1

    Ang pabalita ng ebanghelyong itinanyag ng mga alagad ni Kristo ay ang pagpapahayag ng Kanyang unang pagparito sa sanlibutan. Dinala nito sa mga tao ang mabubuting balita ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagsampalataya sa Kanya. Itinuro nito ang Kanyang ikalawang pagparito na nasa kaluwalhatian upang tubusin ang Kanyang bayan, at inilagay sa harap ng mga tao ang pag-asa ng pakikibahagi sa mana ng mga banal sa liwanag, sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtalima. Ang pabalitang ito ay ibinibigay sa mga tao ngayon, at sa panahong ito ay kalakip nitong itinatanyag ang malapit nang pagdating ni Kristo. Ang mga tanda ng Kanyang pagdating na ibinigay Niya ay nangatupad na, at sa pamamagitan ng itinuturo ng salita ng Diyos ay malalaman nating ang Panginoon ay nasa pintuan na.MP 234.2

    Paunang-sinasabi ni Juan sa Apocalipsis ang pagtatanyag ng pabalita ng ebanghelyo bago dumating ang ikalawang pagparito ni Kristo. Nakita niya ang isang anghel na lumilipad “sa gitna ng langit, na may mabuting balita na walang-hanggan upang ibalita sa mga nananahan sa lupa, at sa bawa't bansa, at angkan, at wi- ka, at bayan, na sinasabi niya ng malakas na tinig, Matakot kayo sa Diyos, at magbigay kaluwalhatian sa Kanya; sapagka't dumating na ang panahon ng Kanyang paghatol.”1Apoc. 14:6, 7.MP 234.3

    Sa hula ang babalang ito ng Paghatol, na kasama ang kakawing nitong mga pabalita, ay sinusundan ng pagdating ng Anak ng tao sa mga alapaap ng langit. Ang pagtatanyag ng Paghatol ay pagpapahayag ng ikalawang pagdating ni Kristo bilang malapit na. At ang pagpapahayag na ito ay tinatawag na walang-hanggang ebanghelyo o balitang walang-hanggan. Kaya nga ang pangangaral ng ikalawang pagdating ni Kristo, at ang pagpapahayag ng kalapitan nito, ay ipinakikilalang isang mahalagang bahagi ng pabalita ng ebanghelyo.MP 235.1

    Sinasabi ng Biblia na sa mga huling araw ay mabubuhos ang buong pag-iisip ng mga tao sa mga gawaing makasanlibutan, sa kalayawan at sa pagkakamal ng salapi. Magiging bulag sila sa mga walang-hanggang katotohanan. Sinasabi ni Kristo, “Kung paano ang mga araw ni Noe, gayundin naman ang pagparito ng Anak ng tao. Sapagka't gaya ng mga araw bago magkagunaw sila'y nagsisikain at nagsisiinom, nangag-aasawa at pinapag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong, at hindi nila nalalaman hanggang sa dumating ang paggunaw, at sila'y tinangay na lahat; ay gayundin naman ang pagparito ng Anak ng tao.”2Mat. 24:37-39.MP 235.2

    Ganyan din naman ngayon. Nagkukumahog ang mga tao sa paghanap ng pakinabang at ng sariling kalayawan na para bagang walang Diyos, walang langit, at walang kabilang-buhay. Noong kaarawan ni Noe ay ipinadala ang babala tungkol sa baha upang gimbalin ang mga tao sa kanilang kasamaan at matawagan sila sa pagsisisi. Kaya ang pabalita ng malapit nang pagparito ni Kristo ay sinadyang panukalain upang gisingin ang mga tao sa kanilang pagkakalulong sa mga bagay na makasanlibutan. Ito'y may layong gisingin sila sa pag- kadama ng mga walang-hanggang katotohanan, upang pakinggan nila ang anyaya sa hapag ng Panginoon.MP 235.3

    Ang paanyaya ng ebanghelyo ay dapat ibigay sa buong sanlibutan,—”sa bawa't bansa, at angkan, at wika, at bayan.”1Apoc. 14:6. Dapat maliwanagan ng huling pabalita ng pagbababala at kahabagan ang buong lupa sa pamamagitan ng kaluwalhatian nito. Dapat nitong maabot ang lahat ng uri ng mga tao, mayaman at dukha, mataas at mababa. “Pumaroon ka sa mga daan at sa mga bakuran,” sabi ni Kristo, “at pilitin mo silang magsipasok, upang mapuno ang Aking bahay.”MP 236.1

    Ang sanlibutan ay napapahamak dahil sa pangangailangan ng ebanghelyo. May kagutom sa salita ng Diyos. Iilan ang nagsisipangaral ng salita na walang-halong sali't saling sabi ng mga tao. Bagama't ang mga tao'y may mga Biblia sa kanilang mga kamay, ay hindi naman nila natatanggap ang pagpapalang inilagay roon ng Diyos para sa kanila. Nananawagan ang Panginoon sa Kanyang mga lingkod na dalhin ang pabalita Niya sa mga tao. Kailangang maibigay ang salita ng walang-hanggang buhay sa mga nangapapahamak sa kanilang mga kasalanan.MP 236.2

    Sa utos na pumaroon sa mga daan at sa mga bakuran, ay sinasabi ni Kristo ang gagawin ng lahat ng tinatawagan Niyang magsipaglingkod sa Kanyang pangalan. Ang buong sanlibutan ay siyang bukiran para sa mga ministro ni Kristo. Ang buong sambahayan ng sangkatauhan ay nabubuo sa kanilang kapulungan. Nais ng Panginoong maitimo sa kaluluwa ng bawa't tao ang salita ng Kanyang biyaya.MP 236.3

    Sa isang malaking antas ay dapat itong tuparin sa pamamagitan ng personal na paggawa. Ito ang paraan ni Kristo. Ang lalaking bahagi ng Kanyang paggawa ay binuo ng mga pakikipag-usap na sarilinan o personal May tapat Siyang pagpapahalaga sa isang-kaluluwang tagapakinig. Sa pamamagitan ng isang kaluluwang iyon ay malimit na naihahatid sa libu-libo ang pabalita.MP 236.4

    Hindi natin dapat hintaying lumapit sa atin ang mga kaluluwa; dapat natin silang hanapin sa kinaroroonan nila. Kapag ang salita'y ipinangaral na sa pulpito ang gawain ay nagpapasimula pa lamang. Marami ang hindi kailanman mararating ng ebanghelyo malibang ito'y ihatid sa kanila.MP 237.1

    Ang paanyaya sa piging ay unang ibinigay sa bansang Hudyo, sa bansang tinawag upang tumayo bilang mga guro at mga lider sa gitna ng mga tao, bansang may hawak ng balumbon ng hula na paunang-nagsasabi ng pagparito ng Kristo, at siyang pinagkatiwalaan ng masagisag na serbisyong umaanino sa Kanyang misyon. Kung pinahalagahan lamang ng mga saserdote at ng bayan ang panawagan, nakipagkaisa sana sila sa mga sugo o mga tagapagbalita ni Kristo sa pagbibigay ng paanyaya ng ebanghelyo sa sanlibutan. Ipinadala sa kanila ang katotohanan upang kanila sanang ibigay naman ito. Nang tanggihan nila ang panawagan, ito'y ipindala sa mga dukha, sa mga pingkaw, sa mga pilay, at sa mga bulag. Tumanggap ng paanyaya ang mga maniningil ng buwis at ang mga makasalanan. Kapag ipinadadala sa mga Hentil ang panawagang pang-ebanghelyo, iisa rin ang panukala ng paggawa. Ang pabalita ay dapat munang ibigay “sa mga daan,“—sa mga taong may aktibong bahagi sa gawain ng sanlibutan, sa mga guro at mga lider ng mga tao.MP 237.2

    Ito'y dapat isaisip ng mga tagapagbalita ng Panginoon. Sa mga pastor ng kawan, sa mga guro o mga tagapagturong hinirang ng Diyos, ito'y dapat dumating na parang isang salitang kailangang pakinggan. Ang mga nasa matataas na kalagayan sa lipunan ay dapat hanapin nang may magiliw na pag-ibig at pagtinging kapatid. Ang mga taong nakikipagkalakalan, ang mga nasa matataas na katungkulan, mga taong may malalaking mapanuklas na mga kakayahan at may mga pang-unawang siyentipiko, mga taong henyo, mga guro ng ebanghelyo na ang mga pag-iisip ay hindi pa nakakapansin sa mga tanging katotohanan sa panahong ito,—sila ang unang dapat makarinig ng panawagan. Sa kanila dapat ibigay ang paanyaya.MP 237.3

    May gawaing dapat gawin para sa mayayaman. Kailangang sila'y gisingin sa kapanagutan nila bilang mga pinagkatiwalaan ng mga kaloob ng langit. Kailangang sila'y mapaalalahanan na magsusulit sila sa Kanya na huhukom o hahatol sa mga buhay at mga patay. Kailangan ng mayamang tao ang inyong paggawang may pag-ibig at pagkatakot sa Diyos. Malimit na nagtitiwala siya sa kanyang mga kayamanan, at hindi nadarama ang kanyang panganib. Kailangang akitin ang paningin ng kanyang isip sa mga bagay na tumatagal. Kailangang makilala niya ang kapangyarihan ng tunay na kabutihan, na nagsasabing, “Magsiparito sa Akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo'y Aking papagpapahingahin. Pasanin ninyo ang Aking pamatok, at mag-aral kayo sa Akin; sapagka't Ako'y maamo at mapagpakumbabang puso, at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa; sapagka't malambot ang Aking pamatok, at magaan ang Aking pasan.”1Mat. 11:28-30.MP 238.1

    Yaong mga nasa mataas na katayuan sa sanlibutan dahil sa kanilang pinag-aralan, kayamanan, o tungkulin, ay bihirang makausap nang personal tungkol sa kapakanan ng kaluluwa. Maraming manggagawang Kristiyano ang nag-aatubiling lumapit sa mga uring ito ng mga tao. Nguni't hindi ito dapat mangyari. Kung nalulunod ang isang tao, ay hindi tayo tatayo lamang at panonoorin ang kanyang pagkamatay dahil sa siya'y isang abugado, isang mangangalakal, o isang hukom. Kung may nakita tayong mga taong nagmamadali sa pagtungo sa isang bangin, ay hindi tayo magbabantulot na sila'y pabalikin, anuman ang kanilang tungkulin o gawain. Ni hindi rin tayo dapat mag-atubili na babalaan ang mga tao tungkol sa kapanganiban ng kaluluwa.MP 238.2

    Walang sinurnang dapat kaligtaan nang dahil sa kanilang parang pagmamahal sa mga bagay ng sanlibutan. Marami sa mga nasa matataas na tungkuling panlipunan ang sugatan ang puso, at maysakit na kapalaluan. Naghahangad sila ng kapayapaang wala sa kanila. Sa mga nasa pinakamatataas na kalagayan sa lipunan ay may mga nangagugutom at nangauuhaw sa kaligtasan. Marami ang magsisitanggap ng tulong kung lalapitan lamang sila nang personal ng mga manggagawa ng Panginoon, na taglay ang mabait na pag-uugali, at ang pusong pinalambot ng pag-ibig ni Kristo.MP 239.1

    Ang tagumpay ng pabalita ng ebanghelyo ay hindi nakabatay sa pinag-aralang mga talumpati, sa magagaling na patotoo, o sa malalalim na pangangatwiran o argumento. Nakabatay ito sa kapayakan ng pabalita at sa pag-aangkop nito sa mga kaluluwang nangagugutom sa tinapay ng buhay. “Ano ang kinakailangan kong gawin upang maligtas?”—ito ang kailangan ng kaluluwa.MP 239.2

    Libu-libo ang maaabot sa pinakapayak at pinakaabang paraan. Ang pinakamatatalino, yaong mga ipinalalagay na pinaka-may-dakilang-kakayahang mga lalaki at mga babae ng sanlibutan, ay malimit na nagiginhawahan sa pamamagitan ng mga payak na pananalita ng isang umiibig sa Diyos, at isa na nakapagsasalita ng pag-ibig na yaon na kasing-natural ng pagsasalita ng taga-sanlibutan tungkol sa mga bagay na kinawiwilihan niyang lubos.MP 239.3

    Kadalasa'y kakaunti lamang ang nagiging impluwensiya ng mga salitang inihandang mabuti at pinag-aralan. Subali't ang tunay at tapat na pagpapahayag o pagsasalita ng isang anak na lalaki o anak na babae ng Diyos, na binigkas nang natural at payak, ay may kapangyarihang makapagbukas ng pintuan ng mga pusong malaon nang ipininid kay Kristo at sa pag-ibig.MP 239.4

    Dapat tandaan ng manggagawa ni Kristo na hindi siya dapat gumawa sa kanyang sariling lakas. Dapat siyang humawak sa luklukan ng Diyos na taglay ang pa- nanampalataya sa kapangyarihan Niyang makapagligtas. Dapat siyang makipagbuno sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin, at pagkatapos ay gumawang taglay ang lahat ng mga kakayahang ibinigay sa kanya ng Diyos. Ang Banal na Espiritu ay ibinibigay bilang siyang magpapabuti at magpapahusay sa kanyang paggawa. Sasa piling niya ang mga anghel na tagapaglingkod. upang kintalan at antigin ang mga puso ng mga tao.MP 239.5

    Kung tinanggap lamang ng mga lider at mga guro sa Jerusalem ang katotohanang dinala ni Kristo, naging isa sanang sentrong misyonero ang kanilang siyudad! Nahikayat sana ang mga nagsilabag o nagsitalikod na Israel. Nakatipon sana para sa Panginoon ng isang napakalaking hukbo. At kaybilis sana nilang nadala ang ebanghelyo sa lahat ng dako ng sanlibutan. Ganyan din naman ngayon, kung ang maiimpluwensiyang mga tao at ang may malalaking kakayahang mapapakinabangan ay mahihikayat kay Kristo, sa pamamagitan nga nila'y magaganap ang gawaing pagbabangon sa mga nangabuwal, ang pagtitipon sa mga itinakwil, at ang malawak na pagpapalaganap ng mga balita ng kaligtasan. Mabilis na maibibigay ang paanyaya, at ang mga panauhin ay matitipon sa hapag ng Panginoon.MP 240.1

    Datapwa't hindi natin dapat isipin lamang ang mga dakila at may-kakayahang mga tao, na anupa't kaliligtaan na ang mga aba at mga dukha. Tinatagubilinan ni Kristo ang mga tagapagbalita Niya na magsiparoon din naman sa mga tabing-daan at mga bakuran, sa mga dukha at mga aba sa lupa. Sa mga korte at sa makikipot na daan ng malalaking lungsod, sa mapapanglaw na tabing-daan ng lalawigan, ay naroroon ang mga pamilya at mga tao—marahil ay mga dayuhan sa ibang bansa —na mga walang kinaaanibang iglesya, na sa kanilang kalungkutan, ay ipinalalagay nilang sila'y nalimutan na ng Diyos. Hindi nila nalalaman kung ano ang dapat nilang gawin upang maligtas. Marami ang nangalulubog sa kasalanan. Marami ang nangasa kabagabagan. Sinisikil sila ng kahirapan, pagsasalat, di-paniniwala, at panlulupaypay. Pinahihirapan sila ng lahat ng uri ng sakit, sa katawan at sa kaluluwa. Hangad nilang makasumpong ng ginhawa sa mga kabagabagan nila, at tinutukso sila ni Satanas na hanapin iyon sa mga pita ng laman at mga kalayawang humahantong sa kapahamakan at kamatayan. Iniaalok nito sa kanila ang mga mansanas ng Sodoma, na magiging mga abo sa kanilang mga labi. Ginugugol nila ang kanilang salapi sa hindi pagkain, at ang kanilang paggawa sa bagay na hindi nakapagdudulot ng kabusugan o kasiyahan.MP 240.2

    Sa mga nangagdurusang ito ay dapat nating makita yaong mga pinarituhan ni Kristo upang iligtas. Ang anyaya Niya sa kanila ay, “Oh lahat na nangauuhaw, magsiparito kayo sa tubig, at siyang walang salapi; magsiparito kayo, kayo'y magsibili at magsikain; oo, kayo'y magsiparito, kayo'y magsibili ng alak at gatas nang walang salapi at walang-bayad. . . . Inyong pakinggan Ako, at magsikain kayo ng mabuti, at mangalugod kayo sa katabaan. Inyong ikiling ang inyong tainga, at magsiparito kayo sa Akin: kayo'y magsipakinig, at ang inyong kaluluwa ay mabubuhay.”1Is. 55:1-3.MP 241.1

    Nagbigay ang Diyos ng isang tanging utos na dapat nating lingapin ang tagaibang-lupa, ang itinakwil ng lipunan, at ang mga kahabag-habag na kaluluwang mahihina sa kapangyarihang moral. Ang maraming sa malas ay ganap na nagwawalang-bahala sa mga bagay na relihiyoso ay naghahangad sa kanilang puso ng kapahingahan at kapayapaan. Bagama't sila'y maaaring nangalulubog na sa lusak ng pagkakasala, maaari pa rin naman silang mailigtas.MP 241.2

    Dapat tularan ng mga lingkod ni Kristo ang Kanyang halimbawa. Nang pumunta Siya sa lahat ng pook, pinaginhawa Niya ang mga nahihirapan at pinagaling ang mga maysakit. Pagkatapos ay iniharap Niya sa ka- nila ang mga dakilang katotohanan tungkol sa Kanyang kaharian. Ito ang dapat gawin ng mga sumusunod sa Kanya. Sa pagbibigay-lunas ninyo sa mga karamdaman ng katawan, ay makakasumpong kayo ng mga paraan upang mapaglingkuran ang mga pangangailangan ng kaluluwa. Maituturo ninyo ang itinaas na Tagapagligtas, at maisasaysay ang pag-ibig ng dakilang Manggagamot, na siya lamang may kapangyarihang magpagaling.MP 241.3

    Sabihin ninyo sa mga kaawa-awang nanlulupaypay at nangasinsay na hindi sila dapat mawalan ng pag-asa. Bagama't sila'y nangagkamali, at hindi nangakapagtayo ng isang matwid na likas, ang Diyos ay may kagalakang isasauli o ibabalik sa kanila, samakatwid baga'y ang kagalakan ng Kanyang pagliligtas. Ikinalulugod Niyang tanggapin yaong sa malas ay mga walang-pag-asa, yaong mga tinukso't napagtagumpayan ni Satanas, at ginawa silang mga sakop ng Kanyang biyaya. Ikinagagalak Niyang iligtas sila sa galit na babagsak sa mga masuwayin. Sabihin ninyo sa kanilang may makapagpapagaling at makapaglilinis sa bawa't kaluluwa. May lugar sila sa hapag ng Panginoon. Naghihintay Siya upang sila'y tanggapin.MP 242.1

    Makakatagpo yaong mga nagsisiparoon sa mga tabing-daan at mga bakuran ng mga ibang may lubhang kakaibang likas, na nangangailangan ng kanilang paglilingkod. Mayroon doong nangamumuhay nang ayon sa lahat ng liwanag na nasa kanila, at nangaglilingkod sa Diyos ayon sa buong nalalaman nila. Nguni't nadarama nilang may malaking gawaing dapat gawin sa kanilang mga sarili at sa mga nasa palibot nila. Hangad nilang magkaroon ng ibayo pang pagkakilala sa Diyos, nguni't nagsisimula pa lamang nilang makita ang pag-andapandap ng lalong malaking liwanag. May pagluhang idinadalangin nila na sila'y padalhan ng Diyos ng pagpapalang sa pamamagitan ng pananampalataya'y nakita nila sa malayo. Sa gitna ng kasamaan ng malalaking lung- sod ay matatagpuan ang marami sa mga kaluluwang ito. Ang marami sa kanila ay nasa kaaba-abang mga kalagayan, at dahil dito sila'y di-napapansin ng sanlibutan. Walang nalalamang anuman ang mga ministro at mga iglesya sa mga ito. Datapwa't sa aba't hamak na mga pook ay sila ang mga saksi ng Panginoon. Maaaring kakaunti lamang ang liwanag na nasa kanila, at iilan ang mga pagkakataon nila sa pagtuturo o pagsasanay Kristiyano; subali't sa gitna ng pagkukulang sa pananamit, gutom, at lamig ay nagsisikap silang makapaglingkod sa mga iba. Dapat hanapin ng mga pinagkatiwalaan ng maraming biyaya ng Diyos ang mga kaluluwang ito, dalawin ang kanilang mga tahanan, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ay maglingkod sa mga pangangailangan nila. Mag-aral ng Bibliang kasama nila, at manalanging kasama nila na taglay ang kasimplihang yaon na iniuudyok ng Espiritu Santo. Bibigyan ni Kristo ang Kanyang mga lingkod ng isartg pabalita na magiging parang tinapay ng langit sa kaluluwa. Ang mahalagang pagpapala ay ihahatid sa puso at puso, sa pamilya at pamilya.MP 242.2

    Ang utos na ibinigay sa talinhaga, na “pilitin mo silang magsipasok,” ay malimit bigyan ng maling-pakahulugan. Ito'y ipinalalagay na isang turo o aral na dapat nating puwersahin ang mga tao na tanggapin ang ebanghelyo. Nguni't ito sa halip ay nagpapahiwatig ng kahalagahan ng paanyaya, at ng pagkamabisa ng mga panghikayat na iniharap. Hindi kailanman gumagamit ng lakas o pamimilit ang ebanghelyo sa paglalapit ng mga tao kay Kristo. Ang pabalita nito ay, “Oh lahat na nangauuhaw, magsiparito kayo sa tubig.” “Ang Espiritu at ang kasintahang-babae ay nagsasabi, Halika. . . . Ang may ibig ay kumuhang walang-bayad ng tubig ng buhay.”1Is. 55:1; Apoc. 22:17.MP 243.1

    Sinasabi ng Tagapagligtas, “Narito, Ako'y nakatayo sa pintuan at tumutuktok; kung ang sinuman ay duminig ng Aking tinig, at magbukas ng pinto, Ako'y papa- sok sa kanya, at hahapong kasalo niya, at siya'y kasalo Ko.”1Apoc. 3:20. Hindi Siya naitataboy ng paglibak o napatatalikod man ng pagbabanta, kundi patuloy na naghahanap ng mga nawawala, na sinasabi, “Paanong pababayaan kita?”2Os. 11:8. Bagama't ang pag-ibig Niya'y tinataboy ng matigas na puso, Siya'y nagbabalik pa rin upang makiusap nang may lalong masidhing pakikiusap, “Narito, Ako'y nakatayo sa pintuan at tumutuktok,” Ang humihikayat na kapangyarihan ng Kanyang pag-ibig ay pumipilit sa mga kaluluwa na magsipasok. At kay Kristo ay sinasabi nila, “Pinadakila ako ng Iyong kahinahunan.”3Awit 18:35.MP 243.2

    Magbibigay si Kristo sa Kanyang mga tagapagbalita ng nananabik na pag-ibig ding yaon na taglay Niya sa paghahanap ng mga nawawala. Hindi lamang dapat nating sabihing, “Halika.” May mga nakakarinig ng panawagan, subali't napakapurol naman ng kanilang mga tainga sa pagtanggap ng kahulugan niyon. Totoong natatakpan ang kanilang mga mata upang makita ang anumang mabuting bagay na nakahanda para sa kanila. Nadarama ng marami ang kanilang pagiging-hamak. Sinasabi nila, Hindi ako karapat-dapat tulungan, iwan ninyo ako. Nguni't hindi dapat tumigil ang mga manggagawa. Buong kahabagan at pagmamahal na hawakan ninyo ang mga nanlulupaypay at mga walang-kaya. Bahaginan ninyo sila ng inyong tapang, ng inyong pag-asa, at ng inyong lakas. Sa pamamagitan ng kagandahang-loob ay pilitin ninyo silang magsilapit. “Ang ibang nag-aalinlangan, ay inyong kahabagan; at ang iba'y inyong iligtas nang may takot, na agawin ninyo sa apoy.”4Jud. 22; 23.MP 244.1

    Kung lalakad na kasama Niya sa pananampalataya ang mga lingkod ng Diyos, bibigyan Niya ng kapangyarihan ang pabalita nila. Magagawa nilang iharap nang gayon na lamang ang Kanyang pag-ibig at ang panganib ng pagtanggi sa biyaya ng Diyos, na anupa't mapipilitan ang mga taong tanggapin ang ebanghelyo. Gagawa si Kristo ng kahanga-hangang mga kababalaghan kung gagawin lamang ng mga tao ang bahaging ibinigay sa kanila ng Diyos. Malaking pagbabago ang maaaring magawa sa puso ng mga tao ngayon na gaya ng nagawa sa nakaraang mga panahon. Si John Bunyan ay natubos mula sa pagka-lapastangan at sa malinggal na pagsasaya, at si John Newton naman ay sa pagbibili ng mga alipin, upang itanyag ang isang itinaas na Tagapagligtas. Isang Bunyan at isang Newton ang maaaring matubos sa gitna ng mga tao ngayon. Sa pamamagitan ng mga taong kinakasangkapan na nakikipagtulungan sa Diyos, maraming kahabag-habag na itinakwil ng lipunan ang maibabalik, at Siya naman ang magsisikap na ibaIik sa tao ang larawan ng Diyos. May mga taong nagkaroon lamang ng kakaunting pagkakataon, na nagsilakad sa mga daan ng kamalian dahil sa wala silang nalalamang higit na mabuting daan, na daratnan ng mga sinag ng liwanag. Kung paano dumating kay Zaqueo ang salita ni Kristong, “Ngayo'y kinakailangang Ako'y tumuloy sa bahay mo,”1Lu. 19:5. gayon darating sa kanila ang salita; at ang mga ipinalalagay na mga pusakal na makasalanan ay masusumpungang may mga pusong sinlambot ng puso ng bata dahil sa nagpakababa si Kristong sila'y pansinin. Marami ang manggagaling sa pinakamalaking kamalian at kasalanan, at papalit sa lugar ng mga iba na nagkaroon ng mga pagkakataon at mga karapatan nguni't hindi naman pinahalagahan ang mga iyon. Sila'y ibibilang na mga pinili ng Diyos, hinirang, mahalaga; at kapag pumasok na si Kristo sa Kanyang kaharian, magsisitayo silang kasunod ng Kanyang luklukan.MP 244.2

    Nguni't “pag-ingatan ninyong kayo'y huwag tumanggi sa nagsasalita.”2Heb. 12:25. Sinabi ni Jesus, “Alinman sa mga taong inanyayahan ay hindi makatitikim ng Aking hapunan.” Tinanggihan nila ang anyaya, at sinuman sa kanila ay hindi na muling aanyayahan. Nang tanggihan ng mga Hudyo si Kristo, ay pinatigas nila ang kanilang mga puso, at kanilang ibinigay ang mga sarili nila sa kapangyarihan ni Satanas, kaya nga hindi na nila matanggap ang Kanyang biyaya. Ganyan din ngayon. Kung hindi natin pinahahalagahan ang pag-ibig ng Diyos, at sa atin ay hindi ito nagiging isang tumatahang simulain, na magpapalambot at susupil sa kaluluwa, tayo'y ganap nang waglit. Hindi makapagbibigay ang Panginoon ng lalong malaking pagpapakita ng Kanyang pag-ibig kaysa naibigay na Niya. Kung hindi nakasusupil ng puso ang pag-ibig ni Jesus, wala nang paraan upang tayo'y maabot.MP 245.1

    Sa tuwing tinatanggihan ninyong makinig sa pabalita ng kaawaan, ay pinatitibay ninyo ang inyong sarili sa di-paniniwala. Sa tuwing ayaw ninyong buksan kay Kristo ang pinto ng inyong puso, lalo kayong nagiging di-ibig makinig sa tinig Niya na nagsasalita. Pinapawi ninyo ang inyong pagkakataong tumugon sa huling pamanhik ng kaawaan. Huwag sanang masulat tungkol sa inyo, gaya ng unang Israel, “Ang Ephraim ay nalalakip sa mga diyos-diyusan; pabayaan ninyo siya.”1Os. 4:17. Huwag sana kayong tangisan ni Kristo gaya nang tangisan Niya ang Jerusalem, na sinasabi, “Makailang inibig Kong tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtipon ng inahing manok sa kanyang sariling mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, at ayaw kayo! Narito, sa inyo'y iniwang walang anuman ang inyong bahay.”2Lu. 13:34, 35.MP 246.1

    Tavo'y nabubuhay sa isang panahong ang huling pabalita ng kahabagan, ang huling paanyaya, ay isinisigaw sa mga anak ng mga tao. Ang utos na, “Pumaroon ka sa mga daan at sa mga bakuran,” ay nalalapit na sa pagkatupad. Maibibigay na sa bawa't kaluluwa ang paanvava. Ang mga tagapagbalita ay nagsisipagsabing, “Magsiparito kayo; sapagka't ang lahat ng mga bagay ay nahahanda na.” Gumagawa pa rin at nakikipagtulungan sa mga taong kinakasangkapan ang mga anghel sa langit. Lahat na ng panghikayat ay inihaharap ng Espiritu Santo upang kayo'y mapilitang lumapit. Minamatyagan ni Kristo ang isang palatandaan na magpapakilalang inaalis na ninyo ang sagka at inyo nang binubuksan ang pinto ng inyong puso upang Siya'y makapasok. Naghihintay ang mga anghel upang dalhin ang masayang balita sa langit na isa pang nawaglit na makasalanan ang natagpuan. Naghihintay ang buong hukbo ng kalangitan, handang kalabitin ang kanilang mga alpa, at upang umawit ng isang awit ng pagsasaya dahil sa isa pang kaluluwa ang tumanggap sa paanyaya sa piging na ukol sa ebanghelyo.MP 246.2

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents