Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    17—Mga Tagapagbalita ng Umaga

    Isa sa mga pinakataimtim ngunit pinakamaluwalhating katotohanan na inihayag sa Biblia ay yung tungkol sa ikalawang pagparito ni Cristo, upang tapusin na ang dakilang gawain ng pagtubos. Sa naglalakbay na bayan ng Diyos, na matagal nang hinayaang manatili pansamantala sa “lupain at lilim ng kamatayan,” isang mahalaga at nakaliligayang pag-asa ang ibinigay sa pangakong tungkol sa Kanyang pagpapakita, Siya na “muling pagkabuhay at ang buhay,” upang “muling iuwi ang Kanyang mga napatapon.” Ang doktrina tungkol sa ikalawang pagparito ay siyang pinakapaksa ng Banal na Kasulatan. Simula noong araw na ang unang mag-asawa ay umalis sa Eden na malulungkot ang hakbang, hinintay ng mga anak ng pananampalataya ang pagdating ng Isang Ipinangako upang wasakin ang kapangyarihan ng mangwawasak at muli silang ibalik sa nawalang Paraiso. Hinintay ng mga banal na tao noong una ang pagdating ng Mesiyas sa kaluwalhatian bilang katuparan ng kanilang pag-asa. Si Enoch na ikapito pa lamang mula sa lahing nanirahan sa Eden, na sa loob ng 300 taon dito sa lupa ay lumakad na kasama ng kanyang Diyos ay pinayagang mamasdan mula sa malayo ang pagdating ng Tagapagligtas. “Narito,” sabi niya, “dumating ang Panginoon na kasama ang Kanyang laksa-laksang mga banal, upang igawad ang hatol sa lahat” (Judas 14, 15). Ang patriyarkang si Job, sa gabi ng kanyang pagtitiis ay nagsabi nang may dinatitinag na pagtitiwala: “Nalalaman ko na ang aking Manunubos ay nabubuhay, at sa wakas Siya’y tatayo sa lupa;... makikita ko ang Diyos sa aking laman, na aking makikita sa aking tabi, at mamamasdan ng aking mga mata, at hindi ng iba” (Job 19:25-27).ADP 174.3

    Ang pagparito ni Cristo upang ihatid ang paghahari ng katuwiran ang nagbigayinspirasyon sa mga pinakadakila at pinakamakabagbag-pusong pananalita ng mga banal na manunulat. Tinalakay ito ng mga makata at mga propeta ng Biblia sa mga salitang nagbabaga sa makalangit na apoy. Inawit ng mang-aawit ang kapangyarihan at kamaharlikaan ng Hari ng Israel: “Mula sa Zion na kasakdalan ng kagandahan, nagliliwanag ang Diyos. Ang aming Diyos ay dumarating at hindi Siya tatahimik.... Siya’y tumatawag sa langit sa kaitaasan, at sa lupa upang hatulan Niya ang Kanyang bayan” (Awit 50:2-4). “Matuwa nawa ang langit at magalak nawa ang lupa...sa harapan ng Panginoon; sapagkat Siya’y dumarating, sapagkat Siya’y dumarating upang hatulan ang lupa. Kanyang hahatulan na may katu-wiran ang sanlibutan, at ng Kanyang katotohanan ang mga bayan” (Awit 96:11, 13).ADP 175.1

    Ang sabi ni propeta Isaias: “Magsigising at magsiawit, kayong nagsisitahan sa alabok! Sapagkat ang iyong hamog ay gaya ng mga hamog ng damo, at iluluwa ng lupa ang mga patay.” “Ang iyong mga patay ay mabubuhay; ang kanilang mga katawan ay babangon.” “Lulunukin Niya ang kamatayan magpakailanman at papahirin ng Panginoong Diyos ang mga luha sa lahat ng mga mukha. Ang paghamak sa Kanyang bayan ay maaalis sa buong lupa, sapagkat ang Panginoon ang nagsalita. At sasabihin sa araw na iyon, ‘Ito’y ating Diyos; hinintay natin Siya at ililigtas Niya tayo. Ito ang Panginoon; ating hinintay Siya, tayo’y matuwa at magalak sa Kanyang pagliligtas’ ” (Isaias 26:19; 25:8, 9).ADP 175.2

    At si Habakuk, na wiling-wili sa banal na pangitain, ay namasdan ang Kanyang pagpapakita. “Ang Diyos ay dumating mula sa Teman, at ang Banal mula sa Bundok ng Paran. Ang Kanyang kaluwalhatia’y tumakip sa mga langit, at ang lupa’y puno ng Kanyang kapurihan. Ang Kanyang ningning ay parang liwanag.” “Siya’y tumayo at sinukat ang lupa. Siya’y tumingin at niliglig ang mga bansa; at ang mga walang hanggang bundok ay nangalat; ang mga burol na walang hanggan ay nagsiyukod. Ang Kanyang mga pamamaraan ay walang hanggan.” “Ikaw ay sumasakay sa Iyong mga kabayo, sa Iyong karwahe ng kaligtasan.” “Nakita Ka ng mga bundok at ang mga ito’y nanginig;... ibinigay ng kalaliman ang kanyang tinig, at itinaas nito ang kanyang mga kamay. Ang araw at buwan ay tumigil sa kanilang mataas na lugar, sa liwanag ng Iyong mga palaso sila’y umalis, sa kislap ng Iyong makinang na sibat.” “Ikaw ay lumabas upang iligtas ang Iyong bayan, at iligtas ang Iyong pinahiran ng langis” (Habakuk 3:3-13).ADP 175.3

    Nang ang Tagapagligtas ay malapit nang mawalay sa Kanyang mga alagad, inaliw Niya sila sa kanilang kalungkutan sa pamamagitan ng katiyakan na Siya’y muling babalik: “Huwag mabagabag ang inyong puso.... Sa bahay ng Aking Ama ay maraming tahanan.... Ako’y paparoon upang ihanda Ko ang lugar para sa inyo. At kung Ako’y pumunta roon at maihanda Ko ang isang lugar para sa inyo, Ako’y babalik at kayo’y tatanggapin Ko sa Aking sarili” (Juan 14:1-3). “Kapag dumating na ang Anak ng Tao na nasa Kanyang kaluwalhatian, na kasama Niya ang lahat ng mga anghel, Siya’y uupo sa trono ng Kanyang kaluwalhatian. At titipunin sa harapan Niya ang lahat ng mga bansa” (Mateo 25:31,32).ADP 175.4

    Inulit sa mga alagad ng dalawang anghel, na nagtagal pa nang kaunti doon sa Olibo pagkatapos ng pag-akyat ni Cristo sa langit, ang pangako ng Kanyang pagbabalik: “Itong si Jesus, na dinala sa langit mula sa inyo ay darating na gaya rin ng inyong nakitang pagpunta Niya sa langit” (Gawa 1:11). At si apostol Pablo na nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng inspirasyon ay nagpatotoo: “Sapagkat ang Panginoon mismo ang bababa mula sa langit na may sigaw, may tinig ng Arkanghel, at may trumpeta ng Diyos, at ang mga namatay kay Cristo ay babangon muna” (1 Tesalonica 4:16). Ang sabi ng propeta ng Patmos: “Tingnan ninyo, Siya’y dumarating na nasa mga ulap; at makikita Siya ng bawat mata” (Apocalipsis 1:7).ADP 175.5

    Sa Kanyang pagparito nakakumpol ang mga kaluwalhatian nung “pagpapanumbalik ng lahat ng mga bagay, na sinabi ng Diyos noong una sa pamamagitan ng bibig ng Kanyang mga banal na propeta” (Gawa 3:21). Kung magkagayon ang matagal nang nagpapatuloy na paghahari ng kasamaan ay wawasakin; “ang kaharian ng sanlibutan” ay magiging “kaharian ng ating Panginoon at ng Kanyang Cristo, at Siya’y maghahari magpakailanpaman” (Apocalipsis 11:15). “At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay mahahayag, at sama-samang makikita ng lahat ng laman” (Isaias 40:5). “Pasisibulin ng Panginoong Diyos ang katuwiran at kapurihan sa harapan ng lahat ng bansa” (Isaias 61:11). Siya’y magiging “korona ng kaluwalhatian...at putong ng kagandahan, sa nalabi sa Kanyang bayan” (Isaias 28:5).ADP 175.6

    Sa panahong iyon, ang mapayapa at matagal nang inaasam na kaharian ng Mesiyas ay itatatag sa ilalim ng buong kalangitan. “Aaliwin ng Panginoon ang Zion; Kanyang aaliwin ang lahat niyang sirang dako, at gagawin Niyang parang Eden ang kanyang ilang, ang kanyang disyerto na parang halamanan ng Panginoon” (Isaias 51:3). “Ang kaluwalhatian ng Lebanon ay ibibigay rito, ang karilagan ng Carmel at ng Sharon” (Isaias 35:2). “Hindi ka na tatawagin pang ‘Pinabayaan’; hindi na rin tatawagin pa ang iyong lupain na ‘Giba’; kundi ikaw ay tatawaging ‘Ang Aking Katuwaan Ay Nasa Kanya’ [Hephzibah], at ang iyong lupain ay tatawaging ‘May Asawa’ [Beulah]” (Isaias 62:4, 5). “Kung paanong ang lalaking ikakasal ay nagagalak sa babaing ikakasal, gayon magagalak ang Diyos sa iyo” (Isaias 62:4, 5).ADP 176.1

    Ang pagdating ng Panginoon ay siyang pag-asa ng tunay Niyang mga tagasunod sa lahat ng panahon. Ang pangako ng Panginoon noong mamaalam Siya sa Bundok ng Olibo, na Siya’y muling babalik ay tumanglaw sa hinaharap ng Kanyang mga alagad, at pumuno sa kanilang puso ng kaligayahan at pag-asang hindi kayang patayin ng kalungkutan o pagdilimin ng mga pagsubok. Sa gitna ng paghihirap at mga pag-uusig, “ang pagpapakita ng kaluwalhatian ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo” ay siyang “mapalad na pag-asa” (Tito 2:13). Nang ang mga Kristiyano sa Tesalonica ay nalipos ng kalungkutan habang inililibing nila ang kanilang mga mahal sa buhay na umasang sila’y mabubuhay pa upang masaksihan ang pagdating ng Panginoon, itinuro sila ni Pablo na kanilang guro sa pagkabuhay na mag-uli, na mangyayari sa pagdating ng Tagapagligtas. At pagkatapos, ang mga namatay kay Cristo ay mabubuhay, at kasama ng mga buhay ay aagawin upang salubungin ang Panginoon sa papawirin. “Sa gayon,” sabi niya, “ay makakapiling natin ang Panginoon magpakailanman. Kaya’t mag-aliwan kayo sa isa’t isa ng mga salitang ito” (1 Tesalonica 4:16-18).ADP 176.2

    Sa mabatong isla ng Patmos ay narinig ng minamahal na alagad ang pangako, “Oo, Ako’y malapit nang dumating,” at ipinapahayag ng nasasabik niyang tugon ang panalangin ng iglesya sa buong panahong paglalakbay nito, “Pumarito Ka Panginoong Jesus!” (Apocalipsis 22:20).ADP 176.3

    Mula sa bilangguan, sa pinagsusunugan, at sa bitayan, kung saan sumaksi para sa katotohanan ang mga banal at ang mga martir, ay maririnig sa loob ng daan-daang taon ang pagsambit ng kanilang pananampalataya at pag-asa. Dahil “may katiyakan sa personal na muling pagkabuhay ni Jesus, at sa gayo’y sa sarili na rin nilang pagkabuhay na muli sa Kanyang pagdating, sa kadahilanang ito,” sabi ng isa sa mga Kristiyanong ito, “ay hinamak nila ang kamatayan, at nasumpungang sila’y hindi saklaw nito”—Daniel T. Taylor, The Reign of Christ on Earth: or, The Voice of the Church in All Ages, pahina 33. Handa silang magtungo sa libingan, upang sila ay “bumangong malaya”—Ibid., pahina 54. Umaasa sila na sana’y “dumating na ang Panginoon mula sa langit sa mga alapaap taglay ang kaluwalhatian ng Kanyang Ama,” “na inihahatid sa mga matuwid ang kapanahunan ng kaharian.” Pinakaingatan ng mga Waldenses ang ganon ding pananampalataya.—Ibid., pahina 129-132. Si Wycliffe ay umasa rin sa pagpapakita ng Manunubos bilang pag-asa ng iglesya.— Ibid., pahina 132-134.ADP 176.4

    Sinabi ni Luther: “Ako’y talagang naniniwala na ang araw ng paghatol ay hindi na magtatagal ng buong 300 taon. Hindi hahayaan at hindi na maaaring hayaan pa ng Diyos ang napakasamang sanlibutang ito.” “Ang dakilang araw ay nalalapit na kung saan ang kaharian ng mga kasuklam-suklam ay pababagsakin”—Ibid., pahina 158,134.ADP 176.5

    “Ang matanda nang sanlibutang ito ay hindi na nalalayo sa kawakasan nito,” sabi ni Melanchthon. Inaanyayahan ni Calvin ang mga Kristiyano na “huwag mag-alangan, at maalab na pakanasain ang araw ng pagdating ni Cristo na gaya rin ng lahat ng pinakamagagandang pangyayari;” at sinabi niya na “ang buong sambahayan ng mga sumasampalataya ay mananatiling nakatingin sa araw na iyon.” “Dapat nating kagutuman si Cristo, dapat tayong magsaliksik, magbulay-bulay,” sabi niya, “hanggang sa pagbubukang-liwayway ng dakilang araw na iyon, na lubusang ihahayag ng ating Panginoon ang kaluwalhatian ng Kanyang kaharian.”—Ibid., pahina 158,134.ADP 177.1

    “Hindi ba’t dinala ng ating Panginoong Jesus ang ating laman sa langit?” sabi ni Knox, ang Repormador mula sa Scotland, “at hindi ba Siya babalik? Alam nating Siya’y babalik, at talagang mabilis.” Sina Ridley at Latimer na nagbuwis ng kanilang buhay para sa katotohanan, ay may pananampalatayang umasa sa pagdating ng Pangi-noon. Sinulat ni Ridley: “Ito’y talagang pinaniniwalaan ko, kung kaya’t sinasabi ko—walang pag-aalinlangan na ang daigdig ay nalalapit na sa kawakasan nito. Kagaya ni Juan na lingkod ng Diyos, sa ating mga puso ay sumigaw tayo sa ating Tagapagligtas na si Cristo, Pumarito Ka, Panginoong Jesus”—Ibid., pahina 151, 145.ADP 177.2

    “Ang mga kaisipan tungkol sa pagdating ng Panginoon,” sabi ni Baxter, “ay pinakamatamis at pinakamaligaya para sa akin.”—Richard Baxter, Works, vol. 17, p. 555. Gawain ng pananampalataya at katangian ng Kanyang mga banal ang pakanasain ang Kanyang pagpapakita at hintayin ang mapalad na pag-asang iyon.” “Kung ang kamatayan ang huling kaaway na lilipulin sa panahon ng muling pagkabuhay, maaari na natin ngayong matutunan kung gaano dapat kaalab manabik at manalangin ang mga mananampalataya para sa ikalawang pagparito ni Cristo, kung saan gagawin ang lubos at huling paglupig na ito.”—Ibid., vol. 17, p. 500. “Ito ang araw na dapat kasabikan, at asahan, at hintayin ng lahat ng mananampalataya bilang kaganapan ng lahat ng gawain ng katubusan nila at ng lahat ng hangarin at pagsisikap ng kanilang kaluluwa.” “Madaliin Mo, O Panginoon, ang mapalad na araw na ito!”—Ibid., vol. 17, pp. 182, 183. Ganyan ang pagasa ng iglesya ng mga apostol, ng “iglesya sa ilang,” at ng mga Repormador.ADP 177.3

    Hindi lamang inihuhula ng propesiya ang paraan at ang layunin ng pagparito ni Cristo, kundi nagbigay pa ng mga palatandaan na sa pamamagitan nito’y malalaman ng mga tao kung ito’y malapit na. Ang sabi ni Jesus: “At magkakaroon ng mga tanda sa araw, at buwan, at mga bituin” (Lucas 21:25). “Magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kanyang liwanag, at malalaglag ang mga bituin mula sa langit, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa mga langit. Pagkatapos, makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa mga ulap na may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian” (Marcos 13:24-26). Ganyan inilalarawan ni Juan Rebelador ang una sa mga tanda bago ang ikalawang pagparito: “Nagkaroon ng malakas na lindol; at ang araw ay umitim na gaya ng damit-sako at ang bilog na buwan ay naging gaya ng dugo” (Apocalipsis 6:12).ADP 177.4

    Ang mga palatandaang ito ay nasaksihan bago magsimula ang ika-19 na siglo. Bilang katuparan ng hulang ito ay nagkaroon noong 1775 ng pinakamatinding lindol na naitala. Bagaman karaniwang kilala sa tawag na lindol ng Lisbon, ito ay umabot hanggang sa malaking bahagi ng Europa, Africa, at America. Naramdaman ito sa Greenland, sa West Indies, sa isla ng Madeira, sa Norway at Sweden, sa Great Britain at sa Ireland. Ito’y lumaganap sa lawak na hindi kukulangin sa apat na milyong kuwadradong milya. Sa Africa ang pagyanig ay halos kasintindi nung sa Europa. Ang malaking bahagi ng Algeria ay nasira; at malapit sa Morocco, isang nayon na merong walo o sampung libong naninirahan ang nilamon ng lupa. Winalis ng isang napakalaking alon ang baybayin ng Spain at Africa, nilamon ang mga lunsod at nagdulot ng malaking pagkawasak.ADP 177.5

    Sa Spain at sa Portugal nakita ang matinding lakas ng pagyanig. Sa Cadiz ang rumaragasang alon ay sinasabing 60 talampakan ang taas. Ang mga bundok, “ang ilan sa mga pinakamalalaking nasa Portugal, ay buong karahasang niyanig, ‘ika nga, mula sa pinakapundasyon ng mga ito; ang iba sa mga ito ay bumuka ang mga tuktok, nabitak at nahati sa kataka-takang paraan, at malalaking tipak nito ang naguho sa kalapit na kapatagan. Naiulat pa nga na may lumabas na apoy sa mga bundok na ito”—Sir Charles Lyell, Principles of Geology, pahina 495.ADP 177.6

    Sa Lisbon “isang tunog ng kulog ang narinig mula sa ilalim ng lupa, at kaagad na isang matinding pagyanig ang nagpabagsak sa malaking bahagi ng lunsod na iyon. Sa loob lamang ng anim na minute 60,0 katao ang namatay. Una’y umurong ang dagat at iniwang tuyo ang tabing-dagat; pagkatapos ito’y lumitaw na may taas na 50 talampakan o higit pa kaysa sa karaniwang taas nito.” “Isa pa sa mga pambihirang pangyayaring isinalaysay na nangyari sa Lisbon noong panahon ng sakunang iyon ay ang paglubog ng isang bagong piyer na yari lahat sa marmol, at ginastusan nang napakalaki. Napakaraming tao ang nagtipon doon para sa kanilang kaligtasan, isang lugar para hindi sila mahagip ng mga nagbabagsakang guho; subalit bigla na lamang lumubog ang piyer kasama ang lahat ng taong naroon, at wala kahit isa mang bangkay ang lumutang sa ibabaw”—Ibid., pahina 495.ADP 178.1

    “Ang yanig” ng lindol “ay agad na sinundan ng pagguho ng bawat simbahan at kumbento, ng halos lahat ng malalaking gusaling pampubliko, at higit sa ikaapat na bahagi ng mga kabahayan. Halos dalawang oras pagkatapos ng pagyanig ay biglang nagsimula ang apoy sa iba’t ibang dako, at nagngalit sa matinding bangis sa loob ng tatlong araw, anupa’t ang lunsod ay lubusang naging parang disyerto. Ang lindol ay naganap sa isang araw ng pangilin, na ang mga simbahan at kumbento ay punungpuno ng mga tao, at iilan lamang sa mga ito ang nakaligtas”— Encyclopedia Americana, art. “Lisbon,” note (ed. 1831). “Hindi mailarawan ang takot ng mga tao. Walang umiyak; iyon ay hindi makaya ng pagluha lamang. Sila’y nagtakbuhan nang paroo’t parito, nahihibang dahil sa takot at pagkagulat, hinahampas ang kanilang mukha at dibdib, na sumisigaw, ‘Misericordia! Katapusan na ng mundo!‘ Nalimutan ng mga ina ang kanilang mga anak, at nagtakbuhan kung saan-saan dala-dala ang mga imahen ng krus. Sa kasamaang-palad, marami ang tumakbo sa mga simbahan para manganlong; ngunit walang-kabuluhan ang paglalabas sa sakramento, walang-kabuluhan ang pagyakap ng mga kaawa-awang nilalang na ito sa mga altar; ang mga imahen, mga pari, at mga tao ay nalibing sa iisang guho.” Tinatayang 90,000 katao ang namatay nang araw na iyon ng kasawian.ADP 178.2

    Pagkaraan ng 25 taon ay lumitaw ang sumunod na palatandaang binanggit sa hula—ang pagdidilim ng araw at ng buwan. Ang lalo pang nagpaging kapansin-pansin dito ay ang katotohanan na ang panahon ng katuparan nito ay malinaw na tinukoy. Sa pakikipag-usap ng Tagapagligtas sa Kanyang mga alagad doon sa Olibo, matapos na ilarawan ang mahabang panahon ng pagsubok para sa iglesya—ang 1,260 taon na pang-uusig ng kapapahan, na tungkol dito’y ipinangako Niyang paiikliin ang kanilang paghihirap—ay Kanya namang binanggit ang ilang mga pangyayaring magaganap bago ang Kanyang pagdating, at itinakda ang panahon kung kailan masasaksihan ang una sa mga tandang ito: “Sa mga araw na iyon, pagkatapos ng kapighatiang iyon, magdidilim ang araw at ang buwan ay hindi magbibigay ng kanyang liwanag” (Marcos 13:24). Ang 1,260 araw o taon, ay nagtapos noong 1798. Mga 25 taon na ang nakakaraan, ay halos ganap nang tumigil ang pag-uusig. Kasunod ng pag-uusig na ito ay nagdilim ang araw, ayon sa sinabi ni Cristo. Noong ika-19 ng Mayo, 1780, ang hulang ito ay natupad.ADP 178.3

    “Halos kaisa-isahan kung hindi man ganap na nag-iisa bilang pinakamahiwaga at hindi pa naipapaliwanag na pangyayari,...ay ang madilim na araw noong Mayo 19, 1780—isang hindi talaga maipaliwanag na pagdidilim ng buong nakikitang kalangitan at himpapawid sa New England [America]”—R.M. Devens, Our First Century, pahina 89.ADP 178.4

    Ganito inilarawan ng isang saksing nakatira sa Massachusetts ang pangyayari:ADP 178.5

    “Nang umaga ay maganda ang pagsikat ng araw, subalit biglang naging maulap. Ang mga ulap ay nangulimlim, at mula sa mga ito, na dagliang naging maitim at nagbabanta nang masama, ay kumidlat, kumulog, at umulan nang bahagya. Nang mag-aalas-nuwebe na, ang mga ulap ay naging manipis, at nagmistulang bronse o kulay-tanso ang hitsura, at ang lupa, mga bato, mga puno, mga gusali, ang tubig, at mga tao ay binago ang anyo nitong dipangkaraniwan at mahiwagang liwanag na ito. Makalipas ang ilang minuto, isang makapal at maitim na ulap ang lumatag sa buong kalangitan maliban sa makipot na gilid sa naaabot-tanaw, at iyo’y kasindilim ng karaniwang alas-nuwebe ng gabi kapag tag-init....ADP 178.6

    “Takot, pag-aalala, at pagtataka ang unti-unting pumuno sa isipan ng mga tao. Ang mga babae’y tumayo sa may pintuan, nakatingin sa madilim na tanawin; ang mga kalalakihan ay nagsiuwi na galing sa kanilang mga trabaho sa bukid; iniwan na ng karpintero ang kanyang mga gamit; ng panday ang kanyang pandayan, ng mangangalakal ang kanyang iskaparate. Ang mga paaralan ay nagpauwi na, at nanginginig na nagsiuwi ang mga bata. Ang mga manlalakbay ay nakituloy sa pinakamalapit na tahanan sa bukid. ‘Anong darating?’ tanong ng bawat labi at puso. Para bagang isang napakalakas na bagyo ang sasalanta sa lupain, o parang iyon na ang araw ng kawakasan ng lahat ng bagay.ADP 179.1

    “Ginamit ang mga kandila; at ang apoy sa dapugan ay kasinliwanag ng pagningas nito sa gabing walang buwan kapag taglagas.... Ang mga manok ay nagsihapon na sa kanilang mga dapuan at natulog na, ang mga baka ay nagtipon na sa pastulan at nagsiungal, ang mga palaka ay nagsihuni, ang mga ibon ay nagsiawit ng kanilang panggabing huni, at ang mga paniki ay nagsiliparan. Ngunit alam ng mga tao na hindi pa sumasapit ang gabi....ADP 179.2

    “Si Dr. Nathanael Whittaker na pastor ng iglesya ng Tabernacle sa Salem ay nagdaos ng serbisyong panrelihiyon sa bahay-pulungan, at nangaral ng isang sermon kung saan ay pinaniniwalaan niya na ang kadiliman ay hindi pangkaraniwan. Ang mga kongregasyon ay nagtipon sa iba pang mga lugar. Ang mga talata para sa mga biglaang sermon ay laging yung mga talatang wari’y nagpapahiwatig na ang kadiliman ay kaayon ng hula sa Kasulatan.... Ang kadiliman ay pinakamakapal ilang sandali pagkalipas ng alas-onse ng tanghali.”— The Essex Antiquarian, April 1899, vol. 3, No. 4, pp. 53, 54. “Sa maraming bahagi ng bansa ay napakatindi nito sa araw, anupa’t kung walang liwanag ng kandila ay hindi masabi ng mga tao kung anong oras na sa kanilang relo o orasan, ni makakain, ni maasikaso ang kanilang mga gawain sa tahanan ....ADP 179.3

    “Ang lawak ng kadilimang ito ay pambihira. Ito'y nakita sa silangan hanggang sa Falmouth. Pakanluran ay nakaabot ito sa pinakamalayong bahagi ng Connecticut, at sa Albany. Patimog, ito’y nakita sa mga baybaying-dagat; at sa hilaga ay hanggang sa nasasakupan ng mga kolonya sa America”—William Gordon, History of the Rise, Progress, and Establishment of the Independence of the U.S .A., vol. 3, p. 57.ADP 179.4

    Ang matinding kadiliman sa araw na iyon ay sinundan ng medyo maaliwalas na kalangitan, isa o dalawang oras bago gumabi, at ang araw ay lumitaw, bagaman malabo pa rin ito dahil sa madilim at makapal na hamog. “Pagkalubog ng araw ay nag-ulap uli sa itaas, at ito’y mabilis na nangitim.” “Pati ang kadiliman ng gabi ay nakakatakot at hindi pangkaraniwan gaya rin nung nangyari sa araw; sa kabila nito ay halos kabilugan ang buwan, walang bagay na maaaninag malibang may tulong ng artipisyal na ilaw, at kung titingnan mula sa kalapit na mga bahay at iba pang lugar sa malayo, ay para bagang kauri ng kadiliman sa Ehipto na mukhang halos hindi matatagusan ng liwanag.”—Isaiah Thomas, Massachusetts Spy; or, American Oracle of Liberty, vol. 10, No. 472 (May 25,1780). Ang sabi ng isang saksi sa pangyayaring iyon: “Hindi ko maiwasang isipin noong panahong iyon, na kung ang lahat ng nagliliwanag na bagay sa sansinukob ay mababalot ng di-malalagusang kadiliman, o kaya’y alisin, ay talagang lalong ganap ang kadiliman”—Letter by Dr. Samuel Tenney, of Exeter, New Hampshire, December, 1785 (in Massachusetts Historical Society Collections, 1792, 1st series, vol. 1, p. 97). Bagaman nang alas-nuwebe ng gabing iyon ay sumikat ang kabilugang buwan, “ito’y wala kahit katiting na bisa para pawiin ang nakamamatay na kadiliman.” Pagkalampas ng hatinggabi ang kadiliman ay nawala, at ang buwan, nang unang masilayan, ay parang dugo.ADP 179.5

    Ang Mayo 19, 1780 ay namamalagi sa kasaysayan bilang “Ang Madilim na Araw.” Magmula noong panahon ni Moises ay wala pang naitatalang panahon ng kadiliman na may ganong kapal, lawak, at tagal. Ang paglalarawang ibinigay ng mga nakasaksi sa pangyayaring ito, ay pag-uulit lamang sa mga sinabi ng Panginoon, na itinala ni propeta Joel, 2,500 taon pa bago maganap ang mga ito: “Ang araw ay magiging kadiliman, at ang buwan ay magiging dugo, bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon” (Joel 2:31).ADP 179.6

    Pinagbilinan ni Cristo ang Kanyang bayan na bantayan ang mga tanda ng Kanyang pagdating, at magalak kapag nakita na nila ang mga palatandaan ng paparating na nilang Hari. “Kapag nagsimulang mangyari ang mga bagay na ito,” sabi Niya, “tumingala kayo at itaas ninyo ang inyong mga ulo, sapagkat malapit na ang katubusan ninyo.” Itinuro Niya ang Kanyang mga tagasunod sa mga punong tinutubuan ng dahon sa tagsibol, at sinabi: “Kapag mayroon na silang mga dahon ay nakikita mismo ninyo at nalalaman na malapit na ang tag-araw. Gayundin naman kayo, kapag nakita ninyong nangyayari ang mga bagay na ito, nalalaman ninyo na malapit na ang kaharian ng Diyos” (Lucas 21:28,30,31).ADP 180.1

    Ngunit nang ang espiritu ng kapakumbabaan at pagtatalaga sa iglesya ay napalitan ng kapalaluan at masyadong seremonya, ang pag-ibig kay Cristo at pananampalataya sa Kanyang pagparito ay lumamig. Dahil wiling-wili sa sanlibutan at sa paghahangad ng kalayawan, ang mga nagsasabing bayan ng Diyos ay nabulag sa mga tagubilin ng Tagapagligtas tungkol sa mga palatandaan ng Kanyang pagpapakita. Ang doktrina tungkol sa ikalawang pagparito ay kinaligtaan; ang mga talatang may kinalaman dito ay pinalabo dahil sa maling pagpapaliwanag, hanggang sa ito’y malawakang bale-walain at makalimutan. Ito’y lalo nang nangyayari sa mga iglesya sa America. Ang kalayaan at kaginhawahang tinatamasa ng lahat ng uri ng tao sa lipunan, ang ambisyosong paghahangad ng kayamanan at luho, na pinagmumulan ng pagkawili sa pagsusumakit na kumita ng maraming pera, ng matinding pagmamadali na maging sikat at malagay sa kapangyarihan, na para bagang abot-kamay ng lahat, ay nagtulak sa mga tao na ituon ang kanilang mga kapakanan at pag-asa sa mga bagay sa buhay na ito, at ilagay nang malayo sa hinaharap pa ang dakilang araw na iyon na ang kasalukuyang kalagayan ng mga bagay ay lilipas na. Nang ituro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga alagad ang mga palatandaan ng Kanyang pagparito, Kanya ring inihula ang kalagayan ng pagtalikod na mangyayari bago ang Kanyang ikalawang pagparito. Kagaya noong panahon ni Noe, magkakaroon ng kasiglahan at pagkilos ang makasanlibutang pagnenegosyo at paghahangad ng kalayawan—ang pamimili, pagbebenta, pagtatanim, pagtatayo, at pag-aasawa—kasama na ang pagkalimot sa Diyos at sa buhay na darating. Sa mga nabubuhay sa panahong ito, ang babala ni Cristo ay: “Mag-ingat kayo sa inyong sarili, baka magumon ang inyong mga puso sa katakawan, at kalasingan, at sa mga alalahanin ukol sa buhay na ito, at biglang dumating ang araw na iyon na parang bitag.” “Subalit maging handa kayo sa bawat panahon, na nananalanging magkaroon kayo ng lakas upang makatakas sa lahat ng mga bagay na ito na mangyayari, at upang makatayo kayo sa harapan ng Anak ng Tao” (Lucas 21:34, 36).ADP 180.2

    Ang kalagayan ng iglesya sa panahong ito ay ipinakita ng mga sinabi ng Tagapagligtas sa Apocalipsis: “Sa pangalan ikaw ay nabubuhay, ngunit ikaw ay patay.” At doon sa mga ayaw gumising mula sa kanilang pabayang kasiguruhan, ang taimtim na babala ay, “Kaya’t kung hindi ka gigising, darating Akong gaya ng magnanakaw, at hindi mo malalaman kung anong oras Ako darating sa iyo” (Apocalipsis 3:1, 3).ADP 180.3

    Kinakailangan nga na ang mga tao ay magising sa kanilang panganib; upang sila’y kumilos para makapaghanda sa mga dakilang pangyayari na may kaugnayan sa pagsasara ng pintuan ng awa. Ang pro-peta ng Diyos ay nagsasabi: “Ang araw ng Panginoon ay dakila at kakila-kilabot; sinong makakatagal?” (Joel 2:11). Sinong makakatayo kapag nagpakita na Siyang ang “mga mata ay malilinis at hindi makakatingin sa kasamaan,” at hindi “makakatingin sa kamalian”? (Habakuk 1:13). Sa mga dumadaing ng, “Diyos ko, kami...ay nakakakilala sa Iyo,” ngunit sinusuway ang Kanyang tipan, at pumili ng ibang diyos (Hoseas 8:2, 1; Awit 16:4), na nagtatago ng kasalanan sa kanilang mga puso at ninanais ang mga daan ng kasamaan—sa mga ito ay “kadiliman ang araw ng Panginoon, at hindi kaliwanagan, at kadiliman na walang ningning doon?” (Amos 5:20). “At sa panahong iyon,” sabi ng Panginoon, “ang Jerusalem ay sisiyasatin Ko sa pamamagitan ng ilawan, at Aking parurusahan ang mga tao naADP 180.4

    nagsisiupo sa kanilang mga latak, na nagsasabi sa kanilang puso, ‘Ang Panginoon ay hindi gagawa ng mabuti, ni gagawa man Siya ng masama.’ ” (Sefanias 1:12). “Aking parurusahan ang sanlibutan dahil sa kanilang kasamaan, at ang masasama dahil sa kanilang kabuktutan; at Aking patitigilin ang kahambugan ng palalo, at Aking ibababa ang kapalaluan ng malulupit” (Isaias 13:11). “Kahit ang kanilang pilak o ang kanilang ginto man ay hindi makakapagligtas sa kanila;” “Ang kanilang kayamanan ay nanakawin, at ang kanilang mga bahay ay gigibain” (Sefanias 1:18, 13).ADP 181.1

    Ang propetang si Jeremias, na nakatunghay sa nakakatakot na panahong ito, ay nagsabi: “O ang pagdaramdam ng aking puso!” “Hindi ako matahimik; sapagkat narinig mo, o kaluluwa ko, ang tunog ng trumpeta, ang hudyat ng digmaan. Sunud-sunod ang mga pagkapinsala” (Jeremias 4:19, 20).ADP 181.2

    “Ang araw na iyon ay araw ng pagkapoot, araw ng kaguluhan at kahapisan, araw ng pagkawasak at pagkasira, araw ng kadiliman at kalumbayan, araw ng mga ulap at makapal na kadiliman, araw ng tunog ng tambuli at ng hudyat ng digmaan” (Sefanias 1:15, 16). “Tingnan ninyo, ang araw ng Panginoon ay dumarating...upang gawing wasak ang lupa, at upang lipulin mula roon ang mga makasalanan niyon” (Isaias 13:9).ADP 181.3

    Sa pagsasaalang-alang sa dakilang araw na iyon, ang Salita ng Diyos, sa pinakataimtim at pinakamabisang pananalita, ay nananawagan sa Kanyang bayan na gumising na sa kanilang espirituwal na katamlayan at hanapin ang Kanyang mukha nang may pagsisisi at kapakumbabaan: “Hipan ninyo ang trumpeta sa Zion, patunugin ninyo ang hudyat sa Aking banal na bundok! Manginig ang lahat ng naninirahan sa lupain, sapagkat ang araw ng Panginoon ay dumarating, ito’y malapit na.” “Magtakda kayo ng isang ayuno, tumawag kayo ng isang taimtim na pagtitipon. Tipunin ninyo ang bayan. Pakabanalin ang kapulungan; tipunin ang matatanda, tipunin ang mga bata.... Lumabas ang bagong kasal na lalaki sa kanyang silid, at ang bagong kasal na babae sa kanyang silid. Tumangis ang mga pari, ang mga lingkod ng Panginoon sa pagitan ng portiko at ng dambana.” “Manumbalik kayo sa Akin nang inyong buong puso, na may pag-aayuno, at may pagtangis, at pagdadalamhati. At punitin ninyo ang inyong mga puso at hindi ang inyong mga damit. Manumbalik kayo sa Panginoon ninyong Diyos; sapagkat Siya’y mapagbiyaya at mahabagin, hindi magagalitin, at sagana sa tapat na pag-ibig” (Joel 2:l, 15-17, 12, 13).ADP 181.4

    Upang makapaghanda ng mga taong tatayo sa araw ng Diyos, isang malaking gawain ng pagrereporma ang dapat na maisagawa. Nakita ng Diyos na marami sa mga nag-aangking Kanyang bayan ay hindi naghahanda para sa walang hanggan, at dahil sa Kanyang kahabagan ay magpapadala Siya ng isang mensahe ng babala upang gisingin sila sa kanilang kawalangmalasakit at akayin silang maghanda sa pagparito ng Panginoon.ADP 181.5

    Ang babalang ito ay ipinakita ng Apocalipsis 14. Narito ang mensaheng may tatlong bahagi na ayon sa pagkakalarawan ay ipinapahayag ng mga makalangit na nilalang, at kaagad na sinundan ng pagparito ng Anak ng Tao “upang gapasin ang aanihin sa lupa.” Ang una sa mga babalang ito ay nagpapabatid sa nalalapit na paghuhukom. Ang propeta ay nakakita ng anghel na lumilipad “sa gitna ng himpapawid, na may walang hanggang ebanghelyo na ipahahayag sa mga naninirahan sa lupa, sa bawat bansa, lipi, wika at bayan. Sinabi niya sa malakas na tinig, ‘Matakot kayo sa Diyos at magbigay luwalhati sa Kanya, sapagkat dumating na ang oras ng Kanyang paghuhukom, at sambahin ninyo ang gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat at ng mga bukal ng tubig’ ” (Apocalipsis 14:6, 7).ADP 181.6

    Ang mensaheng ito ay ipinahahayag na bahagi ng “walang hanggang ebanghelyo.” Ang gawain ng pangangaral ng ebanghelyo ay hindi ipinaubaya sa mga anghel, kundi ipinagkatiwala sa mga tao. Ang mga banal na anghel ay ginagamit sa pamamatnubay sa gawaing ito, sila ang nangangasiwa sa malalaking kilusan para sa kaligtasan ng mga tao; ngunit ang talagang pagpapahayag ng ebanghelyo ay ginagampanan ng mga lingkod ni Cristo sa lupa.ADP 181.7

    Ang mga tapat na tao, na masunurin sa mga udyok ng Espiritu ng Diyos at sa mga turo ng Kanyang Salita, ang siyang magpapahayag ng babalang ito sa sanlibutan. Sila ay yung mga pinagtuunan ng pansin ang “salita ng propesiya na lalong tiyak,” ang “ilawang tumatanglaw sa isang dakong madilim, hanggang sa pagbubukang-liwayway, at ang tala sa umaga ay sumilang” (2 Pedro 1:19). Kanilang hinahanap ang karunungan ng Diyos ng higit kaysa lahat ng natatagong kayamanan, at ibinibilang itong “mas mainam kaysa pilak, at ang mapapakinabang dito ay higit kaysa gintong dalisay” (Kawikaan 3:14). Kaya’t inihayag ng Panginoon sa kanila ang mga dakilang bagay ng kaharian. “Ang pakikipagkaibigan ng Panginoon ay para sa mga natatakot sa Kanya, at ang Kanyang tipan ay ipinaaalam Niya sa kanila” (Awit 25:14).ADP 181.8

    Hindi ang mga matatalinong teologo ang may pagkaunawa sa katotohanang ito, at nakibahagi sa pagpapahayag dito. Kung ang mga ito sana’y naging tapat na mga bantay, at masikap at may pananalanging sinasaliksik ang Kasulatan, ay nalaman sana nila ang oras ng gabi; inihayag sana sa kanila ng mga propesiya ang mga pangyayaring malapit nang maganap. Ngunit hindi nila ginampanan ang tungkuling ito, at ang mensahe ay ipinahayag ng mas hamak na mga tao. Ang sabi ni Jesus, “Kayo’y lumakad habang nasa inyo ang ilaw, upang huwag kayong abutin ng dilim” (Juan 12:35). Yung mga tumalikod sa liwanag na ibinigay ng Diyos, o kaya’y nagpabayang hanapin ito samantalang abot-kamay naman nila ito, ay hinahayaan sa kadiliman. Ngunit sinasabi ng Tagapagligtas, “Ang sumusunod sa Akin ay hindi kailanman lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay” (Juan 8:12). Ang sinumang naghahangad na gawin ang kalooban ng Diyos nang may tapat na layunin, na inuunawang mabuti ang liwanag na naibigay na, ay makakatanggap ng higit pang liwanag; sa kaluluwang iyon ay may isusugong bituin na makalangit ang ningning upang patnubayan siya sa buong katotohanan.ADP 182.1

    Noong unang pagparito ni Cristo ay nakita sana ng mga pari’t eskriba ng banal na lunsod, na pinagkatiwalaan ng mga kapahayagan ng Diyos, ang mga tanda ng kapanahunan, at naipahayag sana ang pagparito ng Isang Ipinangako. Itinuro ng hula ni Mikas ang lugar ng Kanyang kapanganakan (Mikas 5:2); tiyakang sinabi ni Daniel ang panahon ng Kanyang pagdating (Daniel 9:25). Ipinagkatiwala ng Diyos ang mga hulang ito sa mga lider ng mga Judio; wala silang maidadahilan kung hindi nila alam at naipahayag sa mga tao na ang pagdating ng Mesiyas ay malapit na. Ang hindi nila pagkaalam ay bunga ng makasalanang pagpapabaya. Ang mga Judio ay nagtatayo ng mga monumento para sa mga pinatay na propeta ng Diyos, samantalang sila’y naguukol naman ng pagsamba sa mga lingkod ni Satanas sa pamamagitan ng kanilang pagsang-ayon sa mga opinyon ng mga dakilang tao sa lupa. Dahil gumon sa kanilang mapaghangad na pagsisikap para sa posisyon at kapangyarihan sa mga tao, nakalimutan nila ang banal na karangalang inihandog sa kanila ng Hari ng kalangitan.ADP 182.2

    May malalim at magalang na pananabik sanang pinag-aaralan ng mga matatanda sa Israel ang lugar, oras, at ang mga kalagayan sa pinakamalaking pangyayari sa kasaysayan ng sanlibutan—ang pagparito ng Anak ng Diyos upang isagawa ang katubusan ng tao. Ang lahat ng tao sana’y nagaabang at naghihintay upang sila’y makasama sa mga unang sasalubong sa Manunubos ng sanlibutan. Pero tingnan mo, sa Bethlehem ay may dalawang pagod na manlalakbay mula sa mga burol ng Nazaret na binabagtas ang buong haba ng makipot na lansangan patungo sa pinakadulong silangan ng bayan, walang-kabuluhan ang paghahanap ng lugar na mapapagpahingahan at matutuluyan sa magdamag. Walang pintuang bukas para magpatuloy sa kanila. Sa isang hamak na kubol na ginawa para sa mga hayop, ay nakasumpong sila ng kanlungan sa wakas, at doon ipinanganak ang Tagapagligtas ng sanlibutan.ADP 182.3

    Nasaksihan ng mga anghel sa langit ang kaluwalhatiang pinagsasaluhan ng Anak ng Diyos at ng Ama bago magkaroon ng sanlibutan, at kanilang inasahan nang may matinding pananabik ang Kanyang pagpapakita sa sanlibutan bilang isang pangyayaring lipos ng labis na kaligayahan para sa lahat ng tao. Ang mga anghel ay hinirang upang ihatid ang magandang balita sa mga taong handang tumanggap dito, at buong kagalakang magpapabatid nito sa mga naninirahan sa lupa. Si Cristo ay nagpakababa upang isuot sa Kanyang sarili ang likas ng tao; papasanin Niya ang walang hanggang bigat ng kasawian samantalang gagawin Niyang handog para sa kasalanan ang Kanyang kaluluwa; ngunit ninanais ng mga anghel na kahit sa Kanyang pagpapakababa, ang Anak ng Kataas-taasan ay mahayag sa mga tao nang may karangalan at kaluwalhatiang angkop sa Kanyang karakter. Magtitipon kaya sa kabisera ng Israel ang mga dakilang tao sa lupa upang salubungin ang Kanyang pagdating? Ihaharap kaya Siya ng mga hukbo ng anghel sa naghihintay na grupong ito?ADP 182.4

    Isang anghel ang dumalaw sa lupa upang tingnan kung sinong handang sumalubong kay Jesus. Ngunit wala siyang nakitang palatandaan ng paghihintay. Wala siyang naririnig na tinig ng papuri at pagtatagumpay, na ang panahon ng pagdating ng Mesiyas ay malapit na. Ang anghel ay lumipad-lipad sandali sa itaas ng piniling lunsod at ng templo kung saan nahayag ang presensya ng Diyos sa mahabang panahon; ngunit kahit dito ay ganon din ang pagwawalang-bahala. Ang mga pari, sa kanilang karangyaan at kapalaluan, ay nag-aalay ng maruruming handog sa templo. Ang mga Fariseo ay malalakas ang boses na nagsasalita sa mga tao, o nananalanging may kapalaluan sa mga kanto ng lansangan. Sa mga palasyo ng mga hari, sa mga pagtitipon ng mga pilosoper, sa mga paaralan ng mga rabi, lahat ay pare-parehong walang-malasakit sa kahanga-hangang katotohanan na pumuno ng kaligayahan at pagpupuri sa buong kalangitan—na ang Manunubos ng sangkatauhan ay lilitaw na sa lupa.ADP 183.1

    Walang katibayan na si Cristo ay inaasahan, at walang paghahanda para sa Prinsipe ng buhay. May pagtatakang babalik na sana sa langit ang anghel dala ang nakakahiyang balita, nang biglang masumpungan niya ang isang grupo ng mga pastol na nagbabantay ng kanilang mga kawan sa gabi, at habang nakamasid sila sa mabituing langit ay binubulay ang hula tungkol sa Mesiyas na darating sa lupa, at hinahangad ang pagdating ng Manunubos ng sanlibutan. Narito ang isang grupo na handang tumanggap sa mensahe ng langit. At biglang nagpakita ang anghel ng Panginoon, na ipinahahayag ang mabuting balita tungkol sa malaking kagalakan. Binaha ng makalangit na kaluwalhatian ang buong kapatagan, nagpakita ang di-mabilang na pulutong ng mga anghel, at dahil para bang ang kagalakan ay talagang sobra-sobra para maihatid ng iisang anghel lamang mula sa langit, sumambulat ang napakaraming tinig sa isang awitin na balang araw ay aawitin ng lahat ng naligtas na banal: “Luwalhati sa Diyos sa kataas-taasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan Niya” (Lucas 2:14).ADP 183.2

    Napakagandang aral ng kahanga-hangang kasaysayang ito ng Bethlehem! Talagang sinasaway nito ang ating kawalang pananampalataya, ang ating pagmamataas at pagsasarili. Binabalaan talaga tayong magingat, na baka dahil sa ating makasalanang kapabayaan ay hindi natin makita ang mga tanda ng kapanahunan, at sa gayo’y hindi natin alam ang araw ng pagdalaw sa atin.ADP 183.3

    Hindi lamang sa mga burol ng Judea, hindi lamang sa kalagitnaan ng mga hamak na pastol nakasumpong ang mga anghel ng mga nag-aabang sa pagdating ng Mesiyas. Pati sa lupain ng mga pagano ay meron ding mga naghihintay sa Kanya; sila’y matatalinong tao, mayayaman at mararangal, mga pilosoper sa Silangan. Sa pag-aaral nila ng kalikasan ay nakita ng mga magong ito ang Diyos sa ginawa ng Kanyang mga kamay. Mula sa Kasulatan ng mga Hebreo ay nalaman nila ang tungkol sa isang Bituin na lalabas sa Jacob, at may pananabik na pagnanasang hinintay nila ang Kanyang pagdating, Niya na hindi lamang magiging “Kaaliwan ng Israel,” kundi isang “Ilaw upang magpahayag sa mga Hentil,” at “upang magdala ng kaligtasan hanggang sa dulo ng daigdig” (Lucas 2:25, 32; Gawa 13:47). Sila’y naghahanap ng liwanag, at ang liwanag mula sa trono ng Diyos ay tumanglaw sa daanang para sa kanilang mga paa. Habang ang mga pari at rabi sa Jerusalem, na itinalagang mga bantay at tagapagpaliwanag ng katotohanan, ay nababalot ng kadiliman, ang bituing ipinadala ng Langit ay pumatnubay sa mga dayuhang Hentil na ito sa lugar ng kapanganakan ng bagong silang na Hari.ADP 183.4

    Para sa “mga sabik na naghihintay sa Kanya,” si Cristo ay “magpapakita sa ikalawang pagkakataon, hindi upang harapin ang kasalanan kundi upang iligtas” sila (Hebreo 9:28). Kagaya ng balita tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas, ang pabalita tungkol sa ikalawang pagparito ay hindi ipinagkatiwala sa mga lider ng relihiyon ng mga tao. Hindi nila naingatan ang kaugnayan nila sa Diyos, at tinanggihan ang liwanag na mula sa langit; kung kaya’t hindi sila kabilang nung mga inilarawan ni apostol Pablo: “Ngunit kayo, mga kapatid, ay wala sa kadiliman, upang sa araw na iyon ay mabigla kayong gaya sa magnanakaw. Sapagkat kayong lahat ay pawang mga anak ng liwanag at mga anak ng araw; tayo’y hindi ng gabi ni ng kadiliman man” (1 Tesalonica 5:4, 5).ADP 183.5

    Ang mga bantay sa mga pader ng Zion ay siyang dapat na unang nakatanggap ng pabalita tungkol sa pagdating ng Tagapagligtas, unang sisigaw upang ibalita na Siya’y malapit na, unang magbibigay-babala sa mga tao na sila’y magsipaghanda sa Kanyang pagdating. Ngunit sila’y nagpapahinga, nangangarap ng kapayapaan at katiwasayan, samantalang ang mga tao ay nahihimbing sa kanilang mga kasalanan. Nakita ni Jesus na ang Kanyang iglesya ay gaya ng hindi nagbubungang puno ng igos, na nababalutan ng mararangyang mga dahon, ngunit wala ang napakahalagang bunga. May mapagmapuring pagdaraos sa mga seremonya ng relihiyon, samantalang ang espiritu ng tunay na kapakumbabaan, pagsisisi, at pananampalataya—na siyang tanging magpapaging katanggap-tanggap ng paglilingkod sa Diyos—ay wala. Kapalit ng mga biyaya ng Espiritu ay may hayag na pagmamataas, masyadong seremonya, karangyaan, pagkamakasarili, at pang-aapi. Ipinikit ng tumalikod na iglesya ang kanilang mga mata sa mga tanda ng kapanahunan. Hindi sa sila’y pinabayaan ng Diyos, o kaya’y hinayaang mabigo ang Kanyang katapatan; kundi sila’y lumayo sa Kanya, at inihiwalay ang kanilang sarili sa Kanyang pag-ibig. At dahil ayaw nilang sumunod sa mga kondisyon, ang Kanyang mga pangako ay hindi natupad sa kanila.ADP 184.1

    Iyan ang tiyak na kahihinatnan ng pagpapabayang pahalagahan at pag-igihin ang liwanag at mga pribilehiyong ipinagkakaloob ng Diyos. Malibang patuloy na sundan ng iglesya ang nagbubukas Niyang pamamatnubay, na tinatanggap ang bawat sinag ng liwanag, na ginagampanan ang bawat tungkulin na maaaring ihayag, ay dimaiiwasang bumaba ang relihiyon sa antas ng pagdaraos lang ng mga seremonya, at maglaho ang espiritu ng napakahalagang kabanalan. Ang katotohanang ito ay paulitulit na nailarawan sa kasaysayan ng iglesya. Hinihingi ng Diyos sa Kanyang bayan ang gawain ng pananampalataya at pagsunod na katumbas ng mga pagpapala at karapatang ipinagkaloob. Ang pagsunod ay nangangailangan ng sakripisyo at may kasamang krus; at ito ang dahilan kung bakit napakarami sa mga nagsasabing tagasunod ni Cristo ang ayaw tumanggap sa liwanag na mula sa langit, at gaya ng mga Judio noong unang panahon, ay hindi nalaman ang panahon ng pagdalaw sa kanila (Lucas 19:44). Dahil sa kanilang pagmamataas at kawalang pananampalataya, sila’y nilampasan ng Panginoon at inihayag ang Kanyang katotohanan sa mga taong kagaya nung mga pastol sa Bethlehem at ng mga mago mula sa Silangan, ay pinagtuunan ng pansin ang lahat ng liwanag na kanilang natanggap.ADP 184.2

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents