Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    18—Isang Amerikanong Repormador

    Isang magsasakang matuwid at may pusong tapat, na naakay na pag-alinlanganan ang banal na awtoridad ng Banal na Kasulatan, gayunma’y matapat pa ring naghahangad na malaman ang katotohanan, ay siyang lalaking bukud-tanging pinili ng Diyos upang pangunahan ang pagpapahayag sa ikalawang pagparito ni Cristo. Katulad ng iba pang mga repormador, si William Miller sa simula ng kanyang buhay ay nakipagpunyagi sa kahirapan, at sa gayo’y natutunan ang dakilang liksyon ng kasipagan at pagtanggi sa sarili. Ang mga kasambahay niya sa pamilyang pinagmulan niya ay kilala sa espiritung may kasarinlan at mapagmahal sa kalayaan, kilala sa kakayanang magtiis, at sa maalab na pagkamakabayan—mga katangiang litaw din sa kanyang likas. Ang kanyang ama ay kapitan sa hukbo ng Rebolusyon, at sa mga sakripisyong ginawa niya sa mga labanan at kahirapan noong magulong kapanahunang iyon, ay maaaring matunton ang gipit na kalagayan sa simula ng buhay ni Miller.ADP 184.3

    Siya ay may malusog na pangangatawan, at kahit noong bata pa ay kakakakitaan na ng higit pa sa ordinaryong talas ng isip. At habang siya’y lumalaki, ito’y lalo pang naging kapansin-pansin. Ang kanyang isip ay aktibo at napakalawak, at siya’y may matinding pagkauhaw sa karunungan. Bagaman hindi niya natamasa ang pagkakataong makapag-aral ng kolehiyo, ang pagnanais niyang mag-aral at isang ugali ng maingat na pag-iisip at masusing pagsisiyasat ay siyang sa kanya’y nagpaging isang taong may tamang pagkukuro at malawak na pananaw. Siya’y nagtataglay ng walangmaipipintas na ugali at nakakainggit na reputasyon, palibhasa’y hinahangaan ng lahat dahil sa katapatan, katipiran, at pagkamapagbigay. Sa pamamagitan ng pagsusumikap at kasipagan ay maaga siyang nagtamo ng kahusayan, gayunma’y ipinagpatuloy niya ang ugaling mag-aral. Pinuno niya ng karangalan ang iba’t ibang tungkulin sa pamahalaan at sa militar, at ang mga daanan sa pagyaman at karangalan ay parang bukas na bukas para sa kanya.ADP 184.4

    Ang kanyang ina ay isang babaing may tunay na kabanalan, at noong siya’y bata pa, si Miller ay nakintalan na ng mga bagay tungkol sa relihiyon. Ngunit nang siya’y magbinata, siya’y napasama sa samahan ng mga deista [mga taong naniniwala na matapos likhain ay binayaan na ng Diyos ang mundo na tumakbo sa pamamagitan ng sarili nitong batas ng kalikasan], na ang impluwensya ay mas malakas pa sa katotohanang karamihan sa kanila ay mga mabubuting mamamayan, at mga taong may madamayin at mapagbigay na kalooban. Palibhasa’y nabubuhay sa kalagitnaan ng mga institusyong Kristiyano, ang kanilang mga katangian, sa ilang kaparaanan, ay hinubog ng kanilang kapaligiran. Utang nila sa Biblia ang mga kahusayang ikinatamo nila ng paggalang at pagtitiwala; ngunit ang mga mabubuting kaloob na ito ay talagang ginamit sa maling paraan anupa’t ito’y nagkaroon ng impluwensya laban sa Salita ng Diyos. Dahil sa pakikisama sa mga taong ito, si Miller ay nahimok na tanggapin ang kanilang mga paniniwala. Ang mga laganap na paliwanag sa Kasulatan ay may mga suliraning para sa kanya’y mukhang wala nang kalutasan; ngunit ang bago niyang paniniwala, samantalang isinasaisantabi ang Biblia, ay wala namang mas mabuting iniaalok kapalit nito, at siya’y malayo pa ring masiyahan. Gayunma’y patuloy niyang pinanghawakan ang mga paniniwalang ito sa loob ng mahigit 12 taon. Ngunit sa edad na 34 ay kinilos ng Banal na Espiritu ang kanyang puso na madama ang kanyang kalagayan bilang isang makasalanan. Sa dati niyang paniniwala ay wala siyang nasumpungang kasiguruhan ng kaligayahan sa likod ng libingan. Ang hinaharap ay madilim at mapanglaw. Tungkol sa mga nadarama niya noong panahong ito ay ganito ang sinabi niya bandang huli: “Ang kamatayan ay isang malamig at nakakapanginig na isipan, at ang pananagutan ay tiyak na pagkalipol para sa lahat. Ang kalangitan ay parang tanso sa itaas ng ulo ko, at ang lupa ay parang bakal sa talampakan ko. Ang walang-hanggan—ano ba ito? At ang kamatayan—bakit meron nito? Habang lalo akong nangangatwiran, lalo naman akong napapalayo sa pagpapaliwanag. Habang lalo akong nag-iisip ay lalo namang watak-watak ang mga konklusyon ko. Sinikap kong huwag na munang magisip, pero hindi mapigilan ang mga iniisip ko. Talagang ako’y kahabag-habag, ngunit hindi ko alam ang dahilan. Ako’y dumaing at nagreklamo, ngunit hindi ko alam kung kanino. Alam kong may mali, ngunit hindi ko alam kung papaano at saan ko masusumpungan ang tama. Ako’y nagdalamhati ngunit walang pag-asa.”ADP 185.1

    Ilang buwan siyang nagpatuloy sa ganitong kalagayan. “Walang anu-ano,” sabi niya, “ang katangian ng isang Tagapagligtas ay maliwanag na ikinintal sa aking isip. Parang maaari ngang merong isang katauhan na talagang napakabuti at mahabagin upang ipantubos ang kanyang sarili sa ating mga pagsalangsang, at sa gayo’y iligtas tayo upang huwag pagdusahan ang kabayaran ng kasalanan. Agad kong nadama na napakamapagmahal siguro ng katauhang ito, at inilarawan sa isip ko na mailalagak ko ang aking sarili sa kanyang mga bisig, at maaaring magtiwala sa kahabagan ng isang kagaya niya. Ngunit bumangon ang katanungan, Paano mapapatunayan na meron ngang ganong katauhan? Maliban sa Biblia ay natuklasan kong wala na akong makuhang katibayan tungkol sa pagkakaroon ng ganong Tagapagligtas, o kaya’y ng hinaharap na kalagayan....ADP 185.2

    “Nakita ko na talagang ipinakita ng Biblia ang Tagapagligtas ngang iyon na kinakailangan ko; at ako’y naguluhan nang makita ko kung paanong ang isang aklat na hindi naman kinasihan ay makakabuo ng mga prinsipyo na talagang angkop na angkop sa pangangailangan ng isang sanlibutang nag- kasala. Ako’y napilitang tanggapin na ang Biblia ay maaari ngang isang kapahayagang mula sa Diyos. Ito’y naging kaligayahan ko; at kay Jesus ay nakasumpong ako ng isang kaibigan. Ang Tagapagligtas para sa akin ay naging namumukud-tangi sa sampung libo; at ang mga Kasulatan na dati’y malabo at magkakasalungat, ngayon ay naging ilawan sa aking mga paa at liwanag sa aking landas. Ang isipan ko’y napanatag at nasiyahan. Aking nasumpungan na ang Panginoong Diyos ay Bato sa gitna ng karagatan ng buhay Ang Biblia na ngayon ang pangunahin kong pinag-aaralan, at talagang masasabi kong sinasaliksik ko ito nang may malaking kasiyahan. Natuklasan kong kalahati nito ang hindi pa nasasabi sa akin. Ako’y nagtataka kung bakit hindi ko nakita ang kagandahan at kaluwalhatian nito dati, at nanggilalas na ito’y naitakwil ko. Natuklasan kong hayag ang lahat ng maaaring naisin ng aking puso, at natuklasan ang gamot sa bawat karamdaman ng kaluluwa. Nawala ang lahat kong hilig sa ibang babasahin, at iniukol ang aking puso sa pagkakaroon ng karunungang mula sa Diyos.”—S. Bliss, Memoirs of Wm. Miller, pahina 65-67.ADP 185.3

    Lantarang ipinahayag ni Miller ang kanyang pananampalataya sa relihiyong dati’y hinahamak niya. Ngunit ang kanyang mga kasamahang walang pinaniniwalaang relihiyon ay hindi pabagal-bagal na iniharap ang lahat ng argumentong iyon na siya mismo dati ang madalas na naggigiit laban sa awtoridad ng Kasulatan. Hindi pa siya noon handang sagutin sila; ngunit siya’y nangatwiran na kung ang Biblia ay isang kapahayagang mula sa Diyos, ito dapat ay kaayon ng sarili nito; at dahil ito’y ibinigay para turuan ang tao, dapat ito’y angkop sa kanyang pang-unawa. Ipinasya niyang pagaralang mag-isa ang Kasulatan, at inalam kung ang lahat ng parang pagkakasalungatan ay hindi na nga ba mapagtutugma.ADP 186.1

    Matapos pagsikapang iwanan ang lahat ng inaakalang palagay, at alisin ang mga komentaryo, pinaghambing niya ang talata sa ibang talata sa tulong ng concordance at ng reperensya sa gilid ng Biblia. Ipinagpatuloy niya nang palagian at sistematiko ang kanyang pag-aaral; umpisa sa Genesis na binabasa ang bawat talata, siya’y nagpatuloy nang hindi nagmamadali hangga’t ang kahulugan ng ilang mga talata ay maging napakaliwanag anupa’t siya’y hindi mapapahiya. Kapag may nakita siyang malabo, ugali niyang ihambing ito sa lahat ng iba pang talata na parang may kaugnayan sa paksang pinag-aaralan. Ang bawat salita ay hinahayaang magkaroon ng tamang kaugnayan nito sa paksa ng talata, at kung ang pananaw niya dito ay katugma ng bawat talata, ito’y hindi na mahirap unawain. Kaya’t kapag siya’y nakakatagpo ng talatang mahirap unawain, nakakakita siya ng paliwanag para dito sa ibang bahagi ng Kasulatan. Sa kanyang pag-aaral na may maalab na panalangin para sa banal na pagpapaunawa, yung dati’y malabo sa kanyang pang-unawa ay naging malinaw. Naranasan niya ang kato-tohanan ng sinasabi ng mang-aawit, “Ang paghahayag ng iyong mga Salita ay nagbibigay ng kaliwanagan; nagbibigay ng unawa sa walang karunungan” (Awit 119:130).ADP 186.2

    May matinding pananabik na pinag-aralan niya ang aklat ng Daniel at Apocalipsis, gamit ang ganon ding panuntunan sa pagpapaliwanag ng iba pang mga talata, at sa malaking kagalakan ay natuklasan na ang mga simbolo sa propesiya ay maaaring maunawaan. Nakita niya na ang mga propesiya, ayon sa naging katuparan ng mga ito, ay literal na natupad; at lahat ng iba’t ibang simbolo, larawan, talinghaga, paghahalintulad, at iba pa, ay ipinaliwanag sa mga kalapit na talata nito, o kaya’y ang mga pananalitang ginamit dito ay ipinaliliwanag sa ibang mga talata, at kapag naipaliwanag nang gayon, ang mga ito’y dapat unawaing literal. “Ako nga’y nasiyahan,” sabi niya, “dahil ang Biblia ay isang sistema ng mga inihayag na katotohanan, na ibinigay nang napakalinaw at napakasimple anupa’t ang taong naglalakbay, bagaman isang mangmang, ay hindi kinakailangang magkamali rito.”—Bliss, pahina 70. Dugtung-dugtong na kadena ng katotohanan ang gantimpala sa kanyang mga pagsisikap, habang unti-unti niyang binabaybay ang dakilang hanay ng propesiya. Ginagabayan ng mga anghel ng kalangitan ang kanyang isipan at binubuksan ang Banal na Kasulatan sa kanyang pang-unawa.ADP 186.3

    Gamit ang pamamaraan ng pagkakatupad ng mga propesiya sa nakaraan bilang batayan ng pagsusuri sa katuparan ng mga propesiyang magaganap pa lang, siya’y nakumbinsi na ang laganap na paniniwala tungkol sa espirituwal na paghahari ni Cristo—tungkol sa 1000 taon sa lupa bago ang katapusan ng sanlibutan—ay hindi sinasang-ayunan ng Salita ng Diyos. Ang doktrinang ito, na nakaturo sa 1000 taon ng katuwiran at kapayapaan bago ang personal na pagdating ng Panginoon, ay inilalagay sa malayong panahon pa ang mga kilabot ng araw ng Diyos. Ngunit gaano man ito kalugud-lugod, ito’y salungat pa rin sa mga turo ni Cristo at ng Kanyang mga alagad na nagsabing ang trigo at ang mga damo ay tutubong magkakasama hanggang sa anihan, sa katapusan ng sanlibutan (Mateo 13:30, 38-41); na ang “masasamang tao at mga mandaraya ay lalong sasama nang sasama;” na “sa mga huling araw ay darating ang mga panahon ng kapighatian” (2 Timoteo 3:13,1); at ang kaharian ng kadiliman ay magpapatuloy hanggang sa pagdating ng Panginoon, at pupuksain sa pamamagitan ng hininga ng Kanyang bibig, at lilipulin sa pamamagitan ng pagkahayag ng Kanyang pagdating (2 Tesalonica 2:8).ADP 186.4

    Ang doktrina ng pandaigdigang pagkahikayat at ng espirituwal na paghahari ni Cristo ay hindi pinanghahawakan ng iglesya ng mga apostol. Ito'y hindi pangkalahatang tinatanggap ng mga Kristiyano hanggang noong magsisimula na ang ika18 siglo. Tulad ng iba pang mga pagkakamali, ang mga resulta nito ay masasama. Tinuruan nito ang mga tao na asahan ang pagdating ng Panginoon matagal pa sa hinaharap at pinigilan silang magbigaypansin sa mga palatandaang nagbabalita sa Kanyang pagdating. Hinimok nito ang isang damdamin ng tiwala at katiwasayan na hindi nakatatag nang matibay, at hinikayat ang marami na kaligtaan ang kinakailangang paghahanda upang makasalubong sa kanilang Panginoon.ADP 187.1

    Natuklasan ni Miller na malinaw na itinuturo sa Kasulatan ang literal at personal na pagparito ni Cristo. Sinasabi ni Pablo, “Ang Panginoon mismo ang bababa mula sa langit na may sigaw, may tinig ng Arkanghel, at may trumpeta ng Diyos” (1 Tesalonica 4:16). At sinasabi ng Tagapagligtas: “Makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa mga ulap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.” “Sapagkat gaya ng kidlat na nanggagaling sa silangan at nagliliwanag hanggang kanluran, gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao” (Mateo 24:30, 27). Siya’y sasamahan ng buong hukbo ng langit. “Kapag dumating na ang Anak ng Tao na nasa Kanyang kaluwalhatian... kasama Niya ang lahat ng mga anghel” (Mateo 25:31). “Isusugo Niya ang Kanyang mga anghel na may malakas na tunog ng trumpeta at kanilang titipunin ang Kanyang mga hinirang” (Mateo 24:31).ADP 187.2

    Sa Kanyang pagparito ang mga patay na matuwid ay muling bubuhayin, at ang mga buhay na matuwid ay babaguhin. “Hindi tayong lahat ay mamamatay,” sabi ni Pablo, “ngunit tayong lahat ay babaguhin, sa isang saglit, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng trumpeta, sapagkat ang trumpeta ay tutunog at ang mga patay ay mabubuhay na walang pagkasira at tayo’y babaguhin. Sapagkat kailangan na itong may pagkasira ay magbihis ng walang pagkasira, at itong may kamatayan ay magbihis ng walang kamatayan” (1 Corinto 15:51-53). At sa sulat niya sa mga taga-Tesalonica, matapos na ilarawan ang pagparito ng Panginoon, ay sinabi niya: “Ang mga namatay kay Cristo ay babangon muna. Pagkatapos, tayong nabubuhay na natitira ay aagawing kasama nila sa mga ulap, upang salubungin ang Panginoon sa papawirin; at sa gayon ay makakapiling natin ang Panginoon magpakailanman” (1 Tesalonica 4:16, 17).ADP 187.3

    Matatanggap lamang ng Kanyang bayan ang kaharian kapag personal nang dumating ang Panginoon. Sinabi ng Tagapagligtas: “Kapag dumating na ang Anak ng Tao na nasa Kanyang kaluwalhatian, na kasama Niya ang lahat ng mga anghel, Siya’y uupo sa trono ng Kanyang kaluwalhatian. At titipunin sa harapan Niya ang lahat ng mga bansa at Kanyang pagbubukud-bukurin ang mga tao na gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at sa mga kambing, at ilalagay Niya ang mga tupa sa Kanyang kanan, subalit ang mga kambing ay sa kaliwa. Pagkatapos ay sasabihin ng Hari sa mga nasa Kanyang kanan, ‘Halikayo, mga pinagpala ng Aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkatatag ng sanlibutan” (Mateo 25:31-34). Nakita natin sa mga talatang kabibigay pa lamang, na kapag dumating na ang Anak ng Tao, ang mga patay ay bubuhaying walang kasiraan at ang mga buhay ay babaguhin. Sa pamamagitan ng malaking pagbabagong ito, sila ay handa nang tanggapin ang kaharian; sapagkat sinasabi ni Pablo, “Ang laman at dugo ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos; ni ang may pagkasira ay magmamana ng walang pagkasira” (1 Corinto 15:50). Ang tao sa kasalukuyang kalagayan niya ay may kamatayan at may pagkasira; ngunit ang kaharian ng Diyos ay walang pagkasira at mananatili magpakailanman. Kung ganon, ang tao sa kasaluku-yang kalagayan niya ay hindi makakapasok sa kaharian ng Diyos. Ngunit kapag dumating na si Jesus, ibibigay Niya ang pagiging walang-kamatayan sa Kanyang bayan; at pagkatapos ay tatawagin Niya sila upang manahin ang kaharian na hanggang nga-yon ay mga tagapagmana pa lang sila.ADP 187.4

    Sa isipan ni Miller ay malinaw na pinatunayan ng mga ito at ng iba pang mga talata na ang mga pangyayari na karaniwang inaasahang magaganap bago dumating si Cristo, gaya ng pandaigdigang paghahari ng kapayapaan at ang pagkakatatag ng kaharian ng Diyos sa lupa ay kasunod ng ikalawang pagparito. Bukod pa rito, ang lahat ng tanda ng kapanahunan at ang kalagayan ng sanlibutan ay katugma ng pagkakalarawan ng propesiya tungkol sa mga huling araw. Mula sa pag-aaral lamang ng Kasulatan ay napilitan siyang pagtibayin na ang panahong nakatakda para sa pananatili ng sanlibutan sa kasalukuyang kalagayan nito ay matatapos na.ADP 188.1

    “Ang isa pang katibayan na lubhang nakaapekto sa aking isipan,” sabi niya, “ay ang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari (chronology) sa Kasulatan.... Nakita ko na ang mga inihulang pangyayari, na naganap sa nakaraan, ay kadalasang naganap sa loob ng itinakdang panahon. Ang 120 taon hanggang sa baha (Genesis 6:3); ang pitong araw bago maganap ito, pati na ang inihulang 40 araw na pag-ulan (Genesis 7:4); ang 400 taon ng pansamantalang paninirahan ng lahi ni Abraham sa Ehipto (Genesis 15:13); ang tatlong araw sa panaginip ng panadero at ng katiwala ng kopa (Genesis 40:12-20); ang pitong taon sa panaginip ni Faraon (Genesis 41:28-54); ang 40 taon sa ilang (Bilang 14:34) ; ang tatlo’t kalahating taon na kagutom (1 Hari 17:1) [tingnan ang Lucas 4:25];...ang 70 taon ng pagkabihag (Jeremias 25:11); ang pitong mga panahon sa pangitain ni Nebukadnezar (Daniel 4:1316); at ang pitong sanlinggo, 62 sanlinggo, at ang isang linggo, na may kabuuang 70 sanlinggo na itinakda para sa mga Judio (Daniel 9:24-27)—ang mga pangyayaring saklaw ng mga kapanahunang ito ay lahat dati’y propesiya lamang, ngunit naganap ayon sa mga inihula.”—Bliss, pahina 74, 75.ADP 188.2

    Kaya’t nang masumpungan niya sa kanyang pag-aaral ng Biblia ang iba’t ibang magkakasunod na panahon, na ayon sa pagkaunawa niya dito’y aabot hanggang sa ikalawang pagdating ni Cristo, wala siyang magawa kundi ipalagay na ang mga ito’y “itinakda... (na) mga kapanahunan,” na inihayag ng Diyos sa Kanyang mga lingkod. “Ang mga bagay na lihim,” sabi ni Moises, “ay para sa Panginoon nating Diyos, ngunit ang mga bagay na hayag ay para sa atin at sa ating mga anak magpakailanman” (Deuteronomio 29:29); at sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni propeta Amos na Siya’y “walang gagawin, kundi Kanyang ihahayag ang Kanyang lihim sa Kanyang mga lingkod na mga propeta” (Amos 3:7). Kung gayon ang mga nag-aaral ng Salita ng Diyos ay maaaring asahan nang may pagtitiwala, na ang pinakamalaking pangyayaring magaganap sa kasaysayan ng tao ay malinaw na itinuturo sa Kasulatan ng katotohanan.ADP 188.3

    “Dahil ako’y lubos na naniniwala,” sabi ni Miller, “na ‘ang lahat ng mga Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan’ (2 Timoteo 3:16); na ito’y hindi dumating kailanman sa pamamagitan ng kalooban ng tao, kundi isinulat habang ang mga taong banal ay inuudyukan ng Espiritu Santo (2 Pedro 1:21), at isinulat ‘upang tayo ay matuto, upang sa pamamagitan ng pagtitiyaga at pagpapasigla ng mga kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa’ (Roma 15:4), wala akong magawa kundi kilalanin na ang mga bahaging ukol sa magkakasunod na pangyayari sa Biblia ay talagang kabahagi ng Salita ng Diyos, at talagang dapat rin nating seryosong pag-aralan gaya ng iba pang bahagi ng Kasulatan. Dahil dito’y nadama ko, na ukol sa pagsisikap na maunawaan ang mga bagay, na sa kahabagan ng Diyos ay nakikita Niyang nararapat na ipahayag sa atin, wala akong karapatang lampasan ang mga panahong ukol sa propesiya.”—Bliss, pahina 75.ADP 188.4

    Ang propesiya na parang pinakamalinaw na naghahayag sa panahon ng ikalawang pagparito ay yung nasa Daniel 8:14: “Hanggang sa dalawang libo at tatlong daang hapon at umaga; pagkatapos ay malilinis ang santuwaryo.” Dahil sa pagsunod sa kanyang panuntunan na hayaang ang Kasulatan ang magpapaliwanag sa sarili nito, nalaman ni Miller na ang isang araw sa simbolong propesiya ay katumbas ng isang taon (Bilang 14:34; Ezekiel 4:6); nakita niya na ang panahong 2,300 araw sa propesiya, o taon kung literal, ay aabot nang lagpas pa sa katapusan ng panahon ng pangingibabaw ng pananampalatayang Judio, at sa gayon ay hindi maaaring tumukoy sa santuwaryo ng kapanahunang iyon. Sinang-ayunan ni Miller ang karaniwang tinatanggap na paniniwala, na sa panahong Kristiyano ay ang lupa ang siyang santuwaryo, kaya’t sa pagkaunawa niya, ang paglilinis ng santuwaryo na inihula sa Daniel 8:14 ay nangangahulugang dadalisayin ang lupa sa pamamagitan ng apoy sa ikalawang pagparito ni Cristo. Kaya nga’t kung masusumpungan ang tamang pasimula ng 2,300 araw, ipinalagay niya na ang panahon ng ikalawang pagparito ay agad ring matitiyak. Sa gayo’y mabubunyag ang panahon ng dakilang katapusang iyon, ang panahon na ang kasalukuyang kalagayan, pati na “ang lahat nitong kapalaluan at kapangya-rihan, karangyaan at kawalang-kabuluhan, kasamaan at pang-aapi ay magwawakas na;” kung kailan, ang sumpa ay “aalisin na sa lupa, ang kamatayan ay pupuksain na, ang gantimpala ay ibibigay na sa mga lingkod ng Diyos, sa mga propeta at sa mga banal, at sa kanila na natatakot sa Kanyang pangalan, at pupuksain na ang mga pumupuksa sa lupa.”—Bliss, pahina 76.ADP 189.1

    Taglay ang bago at mas malalim na pananabik, ipinagpatuloy ni Miller ang pagsusuri sa mga propesiya, na gumugugol ng buong magdamag at mga araw sa pagaaral ng bagay na ngayo’y mukhang may malaking kahalagahan at talagang nakakawili. Sa kapitulo 8 ng Daniel ay wala siyang masumpungang palatandaan kung anong pasimula ng 2,300 araw; ang anghel na si Gabriel, bagaman inutusang ipaunawa kay Daniel ang pangitain ay nagbigay lang sa kanya ng bahagyang paliwanag. Nang ang matinding pag-uusig na sasapitin ng iglesya ay mabuksan sa pangitain ng propeta, ang kanyang pisikal na lakas ay bumigay. Hindi na niya ito makayanan, at siya’y pansamantalang iniwan ng anghel. Si Daniel “ay nanghina, at nagkasakit ng ilang araw.” “At ako’y natigilan sa pangitain,” sabi niya, “ngunit walang nakaunawa” nito (Daniel 8:27).ADP 189.2

    Ngunit ang utos ng Diyos sa Kanyang sugo ay, “Ipaunawa mo sa taong ito ang pangitain” (Daniel 8:16). Ang atas na iyon ay dapat na matupad. Bilang pagsunod dito, ang anghel na ito pagkaraan ng ilang panahon ay bumalik kay Daniel na nagsasabi: “Ako’y lumabas ngayon upang bigyan ka ng karunungan at pagkaunawa.” “Kaya’t isaalang-alang mo ang salita at unawain ang pangitain” (Daniel 9:22, 23). May isang mahalagang bahagi sa pangitain sa kapitulo 8 na hindi naipaliwanag, at ito’y ang may kinalaman sa panahon—ang panahon ng 2,300 araw; kaya’t ang anghel, nang ituloy ang kanyang pagpapaliwanag ay tinalakay lamang ang may kinalaman sa paksang panahon:ADP 189.3

    “Pitumpung sanlinggo ang itinakda para sa iyong bayan at sa iyong banal na lunsod.... Kaya’t iyong alamin at unawain, na mula sa paglabas ng utos na panumbalikin at muling itayo ang Jerusalem hanggang sa pagdating ng Mesiyas, na Pinuno, ay pitong sanlinggo at animnapu’t dalawang sanlinggo. Ito’y muling itatayo na may lansangan at kuta, samakatuwid ay sa panahon ng kaguluhan. Pagkalipas ng animnapu’t dalawang sanlinggo ang Mesiyas ay mahihiwalay at mawawalan.... At Siya’y gagawa ng isang matibay na tipan sa marami sa loob ng isang linggo, at sa kalagitnaan ng san-linggo ay Kanyang patitigilin ang handog at ang alay” (Daniel 9:24-27).ADP 189.4

    Ang anghel ay isinugo kay Daniel para sa malinaw na layuning ipaliwanag ang bahaging hindi niya naunawaan sa pangitaing nasa kapitulo 8, ang pahayag na may kaugnayan sa panahon—“Hanggang sa dalawang libo at tatlong daang hapon at umaga; pagkatapos ay malilinis ang santuwaryo.” Matapos sabihan si Daniel na “isaalang-alang mo ang salita at unawain ang pangitain” ang pinakaunang sinabi ng anghel ay, “Pitumpung sanlinggo ang itinakda para sa iyong bayan at sa iyong banal na lunsod.” Ang salita rito na isinaling “itinakda” ay nangangahulugan talagang “inihiwalay.” Ang pitumpung sanlinggo, na kumakatawan sa 490 taon, ay inihiwalay sabi ng anghel at nauukol lalo na sa mga Judio. Ngunit saan ito inihiwalay? Dahil ang 2,300 araw lang ang nag-iisang yugto ng panahon na binabanggit sa kapitulo 8, ito na ang yugto ng panahong pinaghiwalayan ng pitumpung sanlinggo; kung gayon ang pitumpung sanlinggo ay bahagi ng 2,300 araw at ang dalawang kapanahunang ito ay sabay na nagsimula. Sinabi ng anghel na ang pitumpung sanlinggo ay magsisimula sa paglabas ng utos na panumbalikin at muling itayo ang Jerusalem. Kung masusumpungan ang petsa para sa pagpapalabas ng utos na ito, ang pasimula, kung gayon, ng mahalagang panahong ito ng 2,300 araw ay malalaman.ADP 189.5

    Sa kapitulo 7 ng Ezra makikita ang utos (Ezra 7:12-26). Sa kabuuan ay ipinalabas ito noong 457 B.C. ni Artaxerxes na hari ng Persia. Ngunit sa Ezra 6:14 ang bahay ng Panginoon sa Jerusalem ay sinasabing naitayo na “sa utos [kautusan] ni Ciro, at ni Dario, at Artaxerxes na hari ng Persia.” Ang tatlong haring ito, dahil sa paglikha, muling pagpapatibay, at paglubos sa kautusan, ay inihatid ito sa kalubusang hinihingi ng propesiya upang markahan ang pagsisimula ng 2,300 araw. Kung kukunin bilang petsa para sa utos ang taong 457 B.C., taong kung kailan nalubos ang kautusan, ang lahat ng detalye ng propesiya tungkol sa 70 san-linggo ay matutuklasang natupad nga.ADP 190.1

    “Mula sa paglabas ng utos na panumbalikin at muling itayo ang Jerusalem hanggang sa Mesiyas, na Pinuno, ay pitong sanlinggo, at animnapu’t dalawang sanlinggo”—may kabuuang, 69 sanlinggo, o 483 taon. Ang kautusan ni Artaxerxes ay nagkabisa noong taglagas ng 457 B.C. Mula sa petsang ito, ang 483 taon ay aabot sa taglagas ng 27 A.D. (Tingnan ang Apendiks). Sa panahong iyan ay natupad ang hulang ito. Ang salitang “Mesiyas” ay nangangahulugang “ang Isang Pinahiran [Binuhusan ng Langis].” Noong taglagas ng 27 A.D., si Cristo ay binautismuhan ni Juan at tinanggap ang pagbubuhos ng Espiritu. Si apostol Pedro ay nagpapatunay na “si Jesus na tagaNazaret ay binuhusan ng Diyos ng Banal na Espiritu at ng kapangyarihan” (Gawa 10:38). At ang Tagapagligtas mismo ay nagsabi: “Ang Espiritu ng Panginoon ay nasa Akin, sapagkat Ako’y hinirang [binuhusan] Niya upang ipangaral ang magandang balita sa mga dukha” (Lucas 4:18). Matapos na Siya’y mabautismuhan, Siya’y pumunta sa Galilea, “na ipinangangaral ang ebanghelyo ng Diyos, na sinasabi, ‘Naganap na ang Panahon’ ” (Marcos 1:14,15).ADP 190.2

    “At Siya’y gagawa ng isang matibay na tipan sa marami sa loob ng isang linggo.” Ang “linggo” na ipinapakita dito ay ang pinakahuling linggo ng 70 sanlinggo; ito ay ang huling pitong taon ng panahong iyon na tangi nang inilaan para sa mga Judio. Sa loob ng panahong ito, mula noong 27 A.D. hanggang 34 AD., ay personal na ipinarating ni Cristo, at ng Kanyang mga alagad bandang huli, ang paanyaya ng ebanghelyo lalo na sa mga Judio. Sa paghayo ng mga apostol dala ang mabuting balita ng kaharian, ang tagubilin ng Tagapagligtas ay, “Huwag kayong pupunta sa pook ng mga Hentil, at huwag kayong papasok sa alinmang bayan ng mga Samaritano: kundi puntahan ninyo ang mga nawawalang tupa sa bahay ni Israel” (Mateo 10:5, 6).ADP 190.3

    “Sa kalagitnaan ng sanlinggo ay Kanyang patitigilin ang handog at ang alay.” Noong 31 A.D., tatlo at kalahating taon matapos Siyang mabautismuhan, ang ating Panginoon ay ipinako sa krus. Kasabay ng napakalaking sakripisyong inihandog doon sa Kalbaryo, ay nagwakas na rin ang sistemang iyon ng paghahandog na sa loob ng 4,000 taon ay nakaturo sa darating na Kordero ng Diyos. Nagtagpo ang simbolo at ang sinisimbuluhan, at ang lahat ng paghahandog at mga pag-aalay sa sistemang seremonya ay nagwakas na doon.ADP 190.4

    Ang 70 sanlinggo o 490 taon, na tangi nang inilaan sa mga Judio ay nagwakas noong 34 A.D. gaya nang ating nakita. Noong panahong iyon, sa pamamagitan ng pagkilos ng Sanhedrin ng mga Judio, ay tinatakan ng bansa ang hindi nila pagtanggap sa ebanghelyo sa pamamagitan ng pagpatay kay Esteban at pag-usig sa mga tagasunod ni Cristo. Kung gayon ang pabalita ng kaligtasan, na hindi na nalilimitahan sa bayang pinili, ay ipinahayag sa sanlibutan. Ang mga alagad na napilitang tumakas sa Jerusalem dahil sa pag-uusig ay “naglakbay na ipinangangaral ang Salita.” “Si Felipe ay bumaba sa bayan ng Samaria at ipinangaral sa kanila ang Cristo” (Gawa 8:4, 5). Si Pedro, ayon sa patnubay ng Diyos ay nagpahayag ng ebanghelyo sa senturiong taga-Cesarea, kay Cornelio na may takot sa Diyos; at ang masigasig na si Pablo, na nahikayat sa pananampalataya ni Cristo, ay hinirang na dalhin ang mabuting balita “sa malayo sa mga Hentil” (Gawa 22:21).ADP 190.5

    Hanggang dito ay kahanga-hangang natupad ang bawat detalye ng propesiya, at ang pasimula ng 70 sanlinggo ay walangalinlangang naipako sa taong 457 B.C., at ang pagtatapos nito sa taong 34 A.D. Mula sa impormasyong ito ay wala nang problema pa sa paghahanap sa katapusan ng 2,300 araw. Ang 70 sanlinggo—490 araw—matapos maihiwalay mula sa 2,300 | ay may natitira na lamang na 1,810 araw. Sa katapusan ng 490 araw ay matutupad pa lang ang 1,810 taon. Mula 34 A.D. ang 1,810 tao ay makakaabot sa 1844. Kaya ang 2,300 araw ng Daniel 8:14 ay nagtatapos sa 1844. Sa pagtatapos ng mahalagang panahon na ito ukol sa propesiya, ayon sa patotoo ng anghel ng Panginoon, “ay malilinis ang santuwaryo.” Kung kaya’t ang panahon ng paglilinis sa santuwaryo—na halos pangkalahatang pinaniniwalaan na mangyayari sa ikalawang pagparito—ay malinaw na naituro.ADP 191.1

    Noong una, si Miller at ang kanyang mga kasamahan ay naniniwala na angADP 191.2

    2,300 araw ay magtatapos noong tagsibol ng 1844, samantalang sinasabi naman ng propesiya na ito’y sa taglagas ng taong iyon. (Tingnan ang Apendiks). Ang maling pagkaunawa sa bagay na ito ay nagdulot ng kabiguan at kalituhan sa mga nagtakda ng mas maagang panahon ng pagdating ng Panginoon. Ngunit ito’y hindi man lang nakaapekto sa lakas ng katibayan na nagpapakitang ang 2,300 araw ay magtatapos sa taong 1844, at ang malaking pangyayaring kinakatawanan ng paglilinis sa santuwaryo ay dapat mangyari na.ADP 191.3

    Nang pasimulan ang pag-aaral ng Banal na Kasulatan gaya nga ng ginawa niya, upang mapatunayan kung ito nga ay kapahayagang mula sa Diyos, ay hindi man lang inaasahan ni Miller sa umpisa, na siya’y makakaabot sa konklusyong narating niya ngayon. Siya mismo ay hindi halos makapaniwala sa naging resulta ng kanyang pagsusuri. Ngunit ang katibayan sa Kasulatan napakalinaw at napakalakas para isaisantabi lamang.ADP 191.4

    Nag-ukol siya ng dalawang taon sa pagaaral ng Biblia, nang marating niya noong 1818 ang taos-pusong paniniwala na mga 25 taon na lamang at si Cristo’y magpapakita na para sa katubusan ng Kanyang bayan. “Hindi ko na kailangang sabihin pa,” sabi ni Miller, “ang tungkol sa kaligayahang pumuno sa aking puso dahil sa nakakatuwang pag-asam, o ang tungkol sa maalab na pananabik ng aking kaluluwa na makabahagi sa kaligayahan ng mga natubos. Ang Biblia ay isa na ngayong bagong aklat para sa akin. Ito’y talagang kaluguran ng katwiran; ang madilim, mahiwaga, o kaya’y malabo para sa akin sa mga aral nito ay nawalang lahat sa aking isipan dahil sa maningning na liwanag na ngayo’y sumisikat mula sa mga banal na pahina nito; at oh, anong ningning at luwalhati ng paglitaw ng katotohanan! Lahat ng pagkakasalungatan at hindi pagkakatugma na nakikita ko noon sa Salita ay naglaho; at bagaman maraming bahagi pang hindi ko sigurado kung lubos ko nang nauunawaan, gayunma’y labis na liwanag ang lumabas dito para liwanagan ang dati kong nadidilimang isipan, anupa’t ako’y nakadarama ng kaligayahan sa pag-aaral ng Kasulatan na hindi ko dati inaakalang makukuha ko sa mga turo nito.”—Bliss, pahina 76, 77.ADP 191.5

    “Taglay ang taos-pusong paniniwala na ang ganon kadakilang mga pangyayari ay inihula nga sa Kasulatan at magaganap sa napakaikli nang panahon, ang katanungan ay dumating nang may matinding kapangyarihan sa aking kaisipan tungkol sa tungkulin ko sa sanlibutan, ukol sa mga katibayang kumilos sa sarili kong isipan.”— Ibid., pahina 81. Wala siyang magawa kundi ang madamang tungkulin niya ang ibahagi sa iba ang liwanag na kanyang natanggap. Inaasahan na niyang makakasagupa niya ang pagkontra ng mga hindi maka-Diyos, ngunit nagtitiwala na ang lahat ng Kristiyano ay magagalak sa pag-asang makikita ang Tagapagligtas na sinasabi nilang minamahal nila. Ang kinatatakutan lamang niya ay, dahil sa malaking katuwaan sa pag-asa ng maluwalhating pagliligtas na napakalapit nang maganap, marami ang tatanggap sa doktrina nang walang sapat na pagsusuri sa paliwanag ng Kasulatan ukol sa katotohanan nito. Sa gayo’y nag-alangan siyang ipahayag ito, dahil baka mali siya, at maging dahilan ng pagkaligaw ng iba. Kaya’t muli niyang pinag-aralan ang mga katibayan bilang patunay sa konklusyong narating niya, at pag-isipang mabuti ang bawat kaguluhang nalalahad sa kanyang isipan. Nakita niya na ang mga maaaring itutol ay naglaho sa liwanag ng Salita ng Diyos, gaya ng hamog sa sinag ng araw. Sa limang taong nagugol, siya ngayo’y lubos nang naniniwala na tama ang kanyang paniniwala.ADP 191.6

    At ngayon ang tungkuling ipaalam sa iba ang pinaniniwalaan niyang napakalinaw na itinuturo sa Kasulatan, ay nagpipilit sa kanya nang may panibagong lakas. “Kapag ako’y nagtatrabaho na,” sabi niya, “ito’y walang-tigil na umaalingawngaw sa aking tainga, ‘Humayo ka’t ipaalam sa sanlibutan ang kanilang panganib.’ Laging sumasagi sa aking isip ang talatang ito: ‘Kapag Aking sinabi sa masama, O masamang tao, ikaw ay tiyak na mamamatay, at ikaw ay hindi nagsalita upang bigyang babala ang masama sa kanyang lakad: ang masamang iyon ay mamamatay sa kanyang kasamaan, ngunit ang kanyang dugo ay sisingilin Ko sa iyong kamay. Ngunit kung iyong bigyan ng babala ang masama upang tumalikod sa kanyang lakad at hindi siya tumalikod sa kanyang lakad, mamamatay siya sa kan-yang kasamaan, ngunit iniligtas mo ang iyong buhay’ (Ezekiel 33:8, 9). Nadama ko na kung ang masama ay lubusang mabibigyan ng babala, marami sa kanila ang magsisisi; at kung sila’y hindi nabigyang babala, ang kanilang dugo ay baka singilin sa aking kamay.”—Bliss, pahina 92.ADP 192.1

    Pinasimulan niyang ipahayag nang pribado ang kanyang mga paniniwala kapag meron siyang pagkakataon, nananalangin na nawa’y may ministrong makadama sa impluwensya nito at italaga ang kanyang sarili sa pagpapalaganap nito. Ngunit hindi niya maalis ang kumbiksyon na siya’y merong personal na tungkuling dapat gampanan sa pagbibigay ng babala. Ang mga salita ay laging bumabalik sa kanyang isipan: “Humayo ka at sabihin ito sa sanlibutan; ang kanilang dugo ay sisingilin Ko sa iyong kamay.” Siyam na taon siyang naghintay, ang pasanin ay patuloy na dumidiin sa kanyang kaluluwa, hanggang sa kauna-unahang pagkakataon noong 1831, siya’y hayagang nagbigay ng mga katwiran ukol sa kanyang pananampalataya.ADP 192.2

    Kung paanong si Eliseo ay tinawagan mula sa pag-aararo sa bukid upang tanggapin ang balabal ng pagkakatalaga sa tungkulin ng propeta, gayundin naman, si William Miller ay tinawagang iwan ang kanyang araro at ipaunawa sa mga tao ang mga hiwaga ng kaharian ng Diyos. May panginginig na sinimulan niya ang kanyang gawain, na unti-unting inihahatid ang kanyang mga tagapakinig pabagtas sa mga panahong ukol sa propesiya hanggang sa ikalawang pagpapakita ni Cristo. Sa bawat pagsisikap ay nagkakaroon siya ng lakas at tibay ng loob habang nakikita niya ang laganap na interes na pinukaw ng kanyang mga salita.ADP 192.3

    Si Miller ay pumayag lamang na ipahayag ang kanyang mga paniniwala sa madia dahil sa panghihikayat ng kanyang mga kapatiran, na sa kanilang mga sinabi ay narinig niya ang tinig ng Diyos. Siya ngayo’y 50 taon na ang edad, hindi sanay na magsalita sa publiko, at nahihirapan sa pagkadamang siya’y hindi karapat-dapat sa gawaing nasa harapan niya. Ngunit sa simula pa lamang ay pinagpala na sa kahanga-hangang paraan ang kanyang paglilingkod para sa ikaliligtas ng mga kaluluwa. Ang una niyang sermon ay nasundan ng pagkagising sa relihiyon kung saan 13 buong pamilya, maliban sa dalawa, ang nahikayat. Siya’y agad na hinimok na magsalita sa iba pang mga lugar, at halos sa lahat ng lugar ay nagbunga ng rebaybal sa gawain ng Diyos ang kanyang pagpapagal. Ang mga makasalanan ay nahikayat, ang mga Kristiyano’y nakilos sa higit pang pagtatalaga, ang mga deista at ang mga walang relihiyon ay nahimok na tanggapin ang katotohanan ng Biblia at ang relihiyong Kristiyano. Ang patotoo nung mga napaglingkuran niya ay, “Naaabot niya ang mga uri ng isipang hindi nasasaklaw ng impluwensya ng ibang tao.”—Ibid., pahina 138. Ang kanyang pangangaral ay nakakapukaw sa isipan ng mga tao sa mga dakilang bagay ng relihiyon, at nakakapigil sa lumalagong kamunduhan at kahalayan ng panahong iyon.ADP 192.4

    Halos sa lahat ng bayan ay merong 20, sa iba’y 100, na mga nahikayat dahil sa kanyang pangangaral. Sa maraming lugar ang mga simbahan ng halos lahat ng sektang Protestante ay binuksan para sa kanya; at napakadalas ang mga paanyayang maglingkod galing sa mga ministro ng maraming kongregasyon. Naging matibay na panuntunan niya na huwag maglingkod sa mga lugar na hindi siya inaanyayahan, ngunit nasumpungan niyang hindi na niya kayang tuparin kahit ang kalahati ng mga paanyayang dumagsa sa kanya. Ang karamihang hindi tumanggap sa kanyang paniniwala tungkol sa eksaktong panahon ng ikalawang pagparito ay kumbinsido sa katiyakan at kalapitan ng pagdating ni Cristo at sa pangangailangan nilang maghanda. Sa ibang malalaking lunsod ang kanyang gawain ay nagkaroon ng malaking impluwensya. Tinalikuran na ng mga nagtitinda ng alak ang kanilang negosyo at ginawang pulungan ang kanilang mga tindahan; ang mga pasugalan ay itinigil; ang mga walang relihiyon, mga deista, at mga Universalista, at maging ang mga pinakamasasamang tao ay nabago, at ang iba pa nga sa kanila ay napakaraming taon nang hindi nakakapasok ng simbahan. Ang mga pulong-panalangin ay sinimulan ng iba’t ibang denominasyon, sa iba’t ibang panig, halos bawat oras, at ang mga negosyante ay nagtitipon sa tanghali para sa pananalangin at pagpupuri. Walang mapagmalabis na katuwaan, kundi halos pangkalahatang kataimtiman sa isipan ng mga tao. Ang kanyang gawain, gaya nung sa mga naunang Repormador, ay nakakahikayat pa nga ng pag-iisip at nakakagising ng budhi sa halip na nakakapukaw lang ng damdamin.ADP 192.5

    Noong 1833 ay nakatanggap si Miller ng lisensya para makapangaral mula sa Baptist Church na siyang kinaaaniban niya. Marami sa mga ministro ng kan-yang sekta ay sang-ayon din sa kanyang gawain, at may pormal nilang pahintulot ang pagpapatuloy niya sa kanyang mga gawain. Walang-tigil siyang naglakbay at nangaral, bagama’t ang halos lahat ng personal niyang paglilingkod ay nasa New England at sa Middle States. Sa loob ng ilang taon, ang kanyang mga gastusin ay tinutustusang lahat ng sarili niyang bulsa, at bandang huli ay hindi sapat ang kanyang natatanggap para tustusan ang gastos niya sa pagbibiyahe sa mga lugar kung saan siya inanyayahan. Kaya’t ang mga paglilingkod niya sa madia, na napakalayong maging kapakinabangan niya sa pananalapi ay pabigat pa nga sa kanyang pag-aari na unti-unting nauubos sa mga panahong ito ng kanyang buhay. Siya ay ama ng isang malaking pamilya, ngunit dahil lahat sila’y matipid at masipag, ang kanyang bukid ay nakasapat sa kanilang pangangailangan at sa sarili niyang pangangailangan.ADP 193.1

    Noong 1833, dalawang taon matapos simulang ihayag ni Miller sa mga tao ang mga katibayan ng nalalapit na pagdating ni Cristo, ay lumitaw ang huli sa mga palatandaang ipinangako ng Tagapagligtas bilang tanda ng Kanyang ikalawang pagparito. Sinabi ni Jesus, “Mahuhulog ang mga bituin mula sa langit” (Mateo 24:29). At sinabi ni Juan sa Apocalipsis, habang nakikita niya sa pangitain ang mga tagpo na magbabalita sa araw ng Diyos, “Ang mga bituin sa langit ay nahulog sa lupa, gaya ng puno ng igos na nalalaglag ang kanyang mga bungang bubot kapag inuuga ng malakas na hangin” (Apocalipsis 6:13). Ang propesiyang ito ay nagkaroon ng kapansin-pansin at kahanga-hangang katuparan sa dakilang pag-ulan ng mga bituin noong Nobyembre 13, 1833. Iyon ang pinakamalawak at pinakakamanghamanghang pagpapamalas ng mga nahuhulog na bituin na kailanma’y naitala; “ang buong kalangitan sa Estados Unidos noon ay parang may mala-apoy na pagkakagulo sa loob ng ilang oras! Wala pang ganitong kababalaghan sa langit na nangyari sa bansang ito simula nang ito’y unang tirhan, na sa isang pamayanan ay pinanood nang may matinding paghanga ng isang uri ng mga tao, o kaya’y nang may matinding takot at pangamba naman ng isa pang uri ng mga tao.” “Ang kadakilaan at kahanga-hangang kagandahan nito ay nananatili pa rin sa isipan ng marami.... Hindi pa nagkaroon ng pagbuhos ng ulan na mas masinsin pa sa paglagpak na ito ng mga bulalakaw sa lupa; sa silangan, kanluran, timog at hilaga, ay pare-pareho ito. Sa madaling salita, ang buong langit ay parang gumagalaw.... Ang pagpapamalas na ito, ayon sa pagkakalarawan ng Journal ni Professor Silliman, ay nakita sa buong Hilagang America.... Mula alas-dos ng umaga hanggang sa pagsikat ng araw, dahil ang langit ay talagang maaliwalas at walang-ulap, ang walang-tigil na paglalaro ng mga liwanag na nakasisilaw ang kinang ay nanatili sa buong kalangitan.”—R.M. Devens, American Progress; or, The Great Events of the Greatest Century, ch. 28, pars. 1-5.ADP 193.2

    “Wala talagang pangungusap na makakapaglarawan sa kaningningan ng napakagandang pagpapamalas na iyon;...walang sinuman na hindi nakasaksi dito ang makakabuo ng sapat na paglalarawan sa isip ukol sa kaluwalhatian nito. Para bang ang buong mabituing kalangitan ay nagtipon sa iisang lugar sa may kaitaasan, at sabay-sabay na bumulusok, na simbilis ng kidlat sa lahat ng bahagi ng abot-tanaw; ngunit hindi pa rin nauubos—libu-libo ang mabilis na sumusunod sa dinaanan ng libu-libo, na para bang sadyang ginawa para sa pagkakataong iyon.”—F. Reed, sa Christian Advocate and Journal, Dec. 13, 1833. “Hindi imposibleng makita na ito’y isang mas tamang larawan ng puno ng igos na nanlalaglag ang mga bunga kapag hinihipan ng malakas na hangin.”—“The Old Countryman,” in the Portland Evening Advertiser, Nov. 26, 1833.ADP 194.1

    Sa Journal of Commerce ng New York noong Nobyembre 14, 1833, ay lumabas ang isang mahabang lathala tungkol sa kahanga-hangang kababalaghang ito, na ganito ang nilalaman: “Walang pilosoper o iskolar sa palagay ko, ang nakapagkuwento o nakapagtala na ng ganong pangyayari gaya kahapon nang umaga. Kung sakali mang magkaproblema tayo, na ang maging pakahulugan natin sa mga naglalaglagang bituin ay mga bulalakaw, isang propeta mga 1,800 taon na ang nakakaraan ang eksaktong humula dito,...at ito ang nagiisang posibleng kahulugan na talagang ito’y totoo nga sa literal.”ADP 194.2

    Ganyan ipinakita ang huli sa mga tanda ng Kanyang pagparito, na tungkol dito'y sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad, “Kapag nakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, alam ninyong Siya’y malapit na, nasa mga pintuan na” (Mateo 24:33). Pagkatapos ng mga tandang ito, nakita ni Juan bilang malaking pangyayari na malapit nang sumunod, na ang langit ay nahawi gaya ng isang balumbong nilululon, habang ang lupa ay yumayanig, ang mga bundok at isla ay naalis sa kanilang kinalalagyan, at ang mga masasama dahil sa takot ay nagsikap na makatakas sa harapan ng Anak ng Tao (Apocalipsis 6:12-17).ADP 194.3

    Marami sa mga nakasaksi sa paglaglag ng mga bituin ang nagtuturing na ito’y tagapagbalita sa paparating na paghuhukom—“isang kakila-kilabot na simbolo, isang tiyak na hudyat, isang mahabaging palatandaan ng dakila at kakila-kilabot na araw na iyon.”—“The Old Countryman,” in Portland Evening Advertiser, Nov. 26, 1833. Sa gayo’y naituon ang pansin ng mga tao sa katuparan ng propesiya, at marami ang naakay na bigyang-pansin ang babala ng ikalawang pagparito.ADP 194.4

    Nang taong 1840, isa pang kapansinpansing katuparan ng propesiya ang pumukaw ng laganap na interes. Dalawang taon bago ito, si Josiah Litch, isa sa mga pangunahing ministro na nangangaral ng ikalawang pagparito, ay naglathala ng isang paliwanag sa Apocalipsis 9, na hula tungkol sa pagbagsak ng Imperyong Ottoman. Ayon sa kanyang kalkulasyon, ang makapangyarihang imperyong ito ay babagsak “sa 1840 A.D., mga buwan ng Agosto;” at ilang araw na lang bago ang katuparan nito ay isinulat niya: “Kung kikilalanin na ang unang bahagi, ang 150 taon ay eksaktong natupad bago umupo sa trono si Deacozes ayon sa kapahintulutan ng mga Turko, at ang 391 taon, at 15 araw ay nagsimula sa katapusan ng unang bahagi, ito’y magtatapos sa ika-11 ng Agosto, 1840, kung kailan ang kapangyarihang Ottoman sa Constantinople ay maaasahang mabubuwag. At naniniwala ako na ganito nga ang mangyayari.”—Josiah Litch, in Signs of the Times, and Expositor of Prophecy, Aug. 1, 1840.ADP 194.5

    Sa mismong tinukoy na panahon, ay tinanggap ng Turkey sa pamamagitan ng mga embahador nito ang proteksyon ng magkakasaping bansa sa Europa, at sa gayo’y inilagay ang sarili nito sa pagkontrol ng mga bansang Kristiyano. Eksaktong tinupad ng pangyayari ang propesiya (Tingnan ang Apendiks). Nang ito’y mabunyag, marami ang nakumbinsi na tama nga ang mga panuntunang ginamit ni Miller at ng kanyang mga kasamahan sa pagpapaliwanag ng propesiya, at isang kahanga-hangang pampasigla ang naibigay sa Kilusang Adventista. Ang mga taong may pinag-aralan at may katungkulan ay sumama kay Miller, kapwa sa pangangaral at sa paglalathala ng kanyang mga paniniwala, at mula 1840 hanggang 1844 ang gawain ay mabilis na lumaganap.ADP 194.6

    Si William Miller ay nagtataglay ng matinding kakayahang pangkaisipan, na sinanay sa pag-iisip at pag-aaral; at idinagdag pa niya rito ang karunungan ng langit sa pamamagitan ng pag-ugnay ng kanyang sarili sa Bukal ng karunungan. Siya ay isang taong may napakataas na kahalagahan, na talagang makakakuha ng paggalang at pagkilala saan man pinahahalagahan ang integridad ng karakter at mataas na moralidad. Dahil isinasanib ang tunay na kabutihan ng puso sa kapakumbabaang Kristiyano at tatag ng pagpipigil sa sarili, siya’y maalalahanin at mabait sa lahat, handang makinig sa opinyon ng iba, at timbangin ang kanilang mga argumento. Sa pamamagitan ng Salita ng Diyos ay sinuri niya ang lahat ng teorya at turo nang walang anumang silakbo ng damdamin o pagkabigla; at ang kanyang tamang pangangatwiran at lubos na kaalaman sa Kasulatan ay nakatulong sa kanya na patunayang mali ang kamalian at ibunyag ang kasinungalingan.ADP 195.1

    Ngunit hindi niya naipagpatuloy ang kanyang gawain nang walang matinding pagsalungat. Gaya ng mga naunang Repormador, ang mga katotohanang ipinahayag niya ay hindi tinanggap nang may pagsangayon ng mga kinikilalang tagapagturo ng relihiyon. At dahil hindi mapanindigan ng mga ito ang kanilang paniniwala sa pamamagitan ng Kasulatan, sila’y napilitang gamitin ang mga kasabihan at aral ng mga tao, pati na ang mga tradisyon ng mga Church Fathers. Subalit ang Salita ng Diyos ang siyang tanging patotoo na tinatanggap ng mga mangangaral ng katotohanan ng ikalawang pagparito. “Ang Biblia at ang Biblia lamang,” ang siyang kasabihan nila. Ang kakulangan ng pangangatwiran sa Kasulatan sa panig ng mga katunggali nila ay pinunan ng panlilibak at panghahamak. Ang panahon, kayamanan, at kakayahan ay ginamit upang siraan yung mga taong ang tanging kasalanan ay ang magalak nilang paghihintay sa pagbabalik ng kanilang Panginoon, at pagsisikap na mamuhay nang may kabanalan at himukin ang iba na maghanda para sa Kanyang pagpapakita.ADP 195.2

    Masigasig ang mga pagsisikap upang ilayo ang isipan ng mga tao sa paksa ng ikalawang pagparito. Pinalabas na isang kasalanan, at isang bagay na dapat ikahiya ng mga tao ang mag-aral ng mga propesiya na may kinalaman sa pagdating ni Cristo at sa katapusan ng sanlibutan. Sa gayo’y pinahina ng laganap na ministeryo ang pananampalataya sa Salita ng Diyos. Naging walang Diyos ang mga tao dahil sa kanilang mga turo, at marami ang umabuso sa kalayaan upang lumakad ayon sa kanilang masasamang pagnanasa. At saka ito ibibintang ng mga pasimuno ng kasamaan sa mga Adventista.ADP 195.3

    Bagaman nagsisiksikang ang mga bahay sa matatalino at masisigasig na mga tagapakinig, ang pangalan ni Miller ay bihirang mabanggit ng mga pahayagang panrelihiyon maliban sa panlilibak o panunuligsa. Ang mga pabaya at hindi relihiyosong tao, dahil pinatapang ng paninindigan ng mga tagapagturo ng relihiyon, ay gumamit ng mga mapang-alipustang bansag, ng mga napakasama at lapastanga’t katawa-tawang pahayag sa pagsisikap nilang magbunton ng paghamak sa kanya at sa kanyang gawain. Ang taong ito na ubanin na, na iniwan ang maginhawang tahanan upang sa sarili niyang gastos ay maglakbay sa bawat lunsod at sa mga bayan-bayan na walang-tigil na gumagawa upang ihatid sa sanlibutan ang taimtim na babala ng nalalapit na paghuhukom, ay may paghamak na tinutuligsa bilang panatiko, sinungaling, at mandarayang mahilig sa pala-palagay.ADP 195.4

    Ang panlilibak, kasinungalingan, at pang-aabuso na ibinunton sa kanya ay naglabas ng galit na galit na pagtutol, maging ng mga pahayagang walang kaugnayan sa relihiyon. “Ang pagturing sa isang paksang nagtataglay ng ganon kalaking kadakilaan at mga kakila-kilabot na kahihinatnan,” sa paraang may kabastusan at kawalanggalang ay ipinahayag ng mga taong tagasanlibutan na “hindi lamang paglalaro sa damdamin ng mga nagpapalaganap at nagtataguyod nito,” kundi “pagbibiro sa araw ng paghuhukom, paghamak sa Diyos mismo, at paglait sa mga kilabot ng Kanyang hukuman.”—Bliss, pahina 183.ADP 195.5

    Hindi lamang sinikap ng pasimuno ng lahat ng kasamaan na hadlangan ang impluwensya ng mensahe tungkol sa pagparito kundi sirain ang mensahero mismo. Si Miller ay gumawa ng praktikal na pagsasakabuhayan ng katotohanan ng Kasulatan sa puso ng kanyang mga taga- pakinig, pinagsasabihan ang kanilang mga kasalanan at ginagambala ang kanilang kasiyahan sa sarili, at ang malilinaw at nakakasakit niyang salita ay pumukaw sa kanilang galit. Ang pagkontrang ipinakita ng mga miyembro ng iglesya sa kanyang mensahe ay nagpatapang sa mga masasamang tao upang lalo pang gumawa ng mararahas na hakbang; at ang mga kaaway ay nagsabwatang siya’y patayin paglabas niya sa pinagpupulungan. Ngunit ang mga banal na anghel ay nasa pagtitipon, at isa sa mga ito na nasa anyong tao, ay hinawakan sa kamay ang lingkod ng Panginoon at dinala siya sa ligtas na lugar palayo sa nagagalit na mga tao. Ang gawain niya ay hindi pa tapos, at si Satanas at ang kanyang mga sugo ay bigo sa kanilang binabalak.ADP 195.6

    Sa kabila ng lahat ng pagsalungat, ang interes sa Kilusang Adventista ay patuloy na lumago. Mula sa dala-dalawampu at daan-daan, ang kongregasyon ay dumami hanggang naging libu-libo. Malaki ang napadagdag sa iba’t ibang iglesya, ngunit di-nagtagal, ang espiritu ng pagsalungat ay nahayag na rin maging laban sa mga bagong hikayat na ito, at ang mga iglesya ay nagsimulang gumawa ng pagdidisiplina sa mga tumanggap sa paniniwala ni Miller. Ang pagkilos na ito ay nangailangan ng reaksyon mula sa kanyang panulat, isang pananalita para sa mga Kristiyano ng lahat ng sekta, na iginigiit na kung ang mga doktrina niya ay mali, ipakita dapat sa kanya sa pamamagitan ng Kasulatan ang kanyang pagkakamali.ADP 196.1

    “Anong pinaniwalaan namin,” sabi niya, “na hindi ipinag-utos ng Salita ng Diyos na paniwalaan namin, ng Salita ng Diyos na tinatanggap mismo ninyo bilang panuntunan, at nag-iisang panuntunan ng ating pananampalataya at ginagawa? Anong nagawa namin upang kami’y pagsabihan ng ganon kabagsik na pagtuligsa mula sa mga pulpito at pahayagan, at nagbigay sa inyo ng makatarungang dahilan upang kami [mga Adventista] ay paalisin sa inyong mga iglesya at kapatiran?” “Kung kami’y mali, pakiusap, ipakita ninyo sa amin kung saan naroon ang aming mali. Ipakita ninyo sa amin mula sa Salita ng Diyos na kami’y nagkakamali; marami nang panlilibak na ginawa sa amin; hindi iyan makakakumbinsi sa amin na kami’y nagkakamali; ang Salita lamang ng Diyos ang makakapagbago sa aming paniniwala. Ang aming mga konklusyon ay binuo nang dahan-dahan at nang buong pananalangin, habang nakikita namin ang mga katibayan mula sa Kasulatan.”—Ibid., pahina 250, 252.ADP 196.2

    Sa bawat panahon ang mga babalang ipinadala ng Diyos sa sanlibutan sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod ay tinanggap nang may ganon ding pag-aalinlangan at kawalan ng paniniwala. Nang ang kasalanan ng mga tao noong bago magkaroon ng Baha ay pumilit sa Kanya upang magpadala ng malaking baha sa lupa, ipinaalam muna Niya sa kanila ang Kanyang layunin, upang sila’y magkaroon ng pagkakataong tumalikod sa kanilang masasamang pamumuhay. Sa loob ng 120 taon ay naririnig nila ang babala na magsisi, at baka ang galit ng Diyos ay mahayag sa kanilang pagkawasak. Ngunit para sa kanila ang mensahe ay parang isang walang-kabuluhang kuwento, at hindi nila ito pinaniwalaan. Dahil pinatapang ng kanilang kasamaan, kinutya nila ang sugo ng Diyos, binale-wala ang kanyang mga pagsusumamo, at inakusahan pa nga ng kapangahasan. Paanong mangangahas ang isang tao na tumayo sa harapan ng mga dakilang tao sa lupa? Kung ang mensahe ni Noe ay totoo, bakit hindi ito nakita at pinaniwalaan ng buong mundo? Paninindigan ng isang tao laban sa karunungan ng libu-libong tao! Ayaw nilang paniwalaan ang babala o naising manganlong sa daong.ADP 196.3

    Itinuro ng mga manlilibak ang mga nakikita sa kalikasan—ang walang pagbabagong pag-ikot ng panahon, ang bughaw na kalangitan na hindi pa kailanman nagbuhos ng ulan, ang luntiang bukiran na pinananariwa ng banayad na hamog sa gabi—at isinigaw nila, “Hindi ba siya’y mangkakatha ng mga talinghaga?” (Ezekiel 20:49). Bilang panlalait ay sinabi nila na ang mangangaral ng katuwiran ay isang kakaibang panatiko; at sila’y nagpatuloy nang may higit na pananabik sa paghahanap nila ng kalayawan, higit na disidido sa kanilang masasamang pamumuhay kaysa dati. Ngunit hindi napigilan ng di nila paniniwala ang inihulang pangyayari. Ang Diyos ay matagal na nagtiis sa kanilang kasamaan, binigyan sila ng napakaraming pagkakataon para magsisi; ngunit sa itinakdang panahon ang Kanyang kahatulan ay sumapit sa mga nagsitanggi sa Kanyang kahabagan.ADP 196.4

    Sinabi ni Cristo na magkakaroon din ng ganong kawalan ng pananampalataya ukol sa Kanyang ikalawang pagparito. Kung paanong ang mga tao noong panahon ni Noe “ay hindi...nalalaman hanggang sa dumating ang baha, at tinangay silang lahat, ay gayundin naman,” sabi ng ating Tagapagligtas, “ang pagdating ng Anak ng Tao” (Mateo 24:39). Kapag ang mga nagsasabing bayan ng Diyos ay nakikisama na sa sanlibutan, namumuhay sa paraan ng pamumuhay ng mga tagasanlibutan, nakikisali sa kanila sa mga bawal na kalayawan; kapag ang karangyaan ng sanlibutan ay naging karangyaan ng iglesya; kapag ang mga kampanang pangkasal ay nagtutunugan, at lahat ay umaasa sa maraming taon ng kasaganaang pansanlibutan—kung magkagayon, walang anu-ano gaya ng kidlat na kumikislap sa langit, darating ang wakas ng kanilang magagandang pangarap at mapandayang mga pag-asa.ADP 197.1

    Kung paanong isinugo ng Diyos ang Kanyang lingkod upang bigyang babala ang mundo sa paparating na baha, isinugo rin naman Niya ang mga pinili Niyang lingkod upang ipaalam ang kalapitan ng huling paghuhukom. At kung paanong ang mga tao noong panahon ni Noe ay nagtawanan upang libakin ang mga inihula ng mangangaral ng katuwiran, ganon din noong panahon ni Miller, kahit sa mga nagsasabing bayan ng Diyos, ay marami ang kumutya sa mga salita ng babala.ADP 197.2

    At bakit naman inaayawan nang husto ng mga iglesya ang doktrina at pangangaral tungkol sa ikalawang pagparito ni Cristo? Samantalang sa masasama ang pagparito ng Panginoon ay naghahatid ng kapighatian at lagim, sa matutuwid naman ito’y lipos ng kaligayahan at pag-asa. Ang dakilang katotohanang ito ay kaaliwan ng mga tapat na anak ng Diyos sa lahat ng kapanahunan; bakit gaya ng May-akda nito ito’y naging “batong katitisuran at malaking bato na nagpabagsak” sa mga nagsasabing bayan Niya? Ang Panginoon natin mismo ang nangako sa Kanyang mga alagad, “Kung Ako’y pumunta roon at maihanda Ko ang isang lugar para sa inyo, Ako’y babalik at kayo’y tatanggapin Ko sa Aking sarili” (Juan 14:3). Ang maawaing Tagapagligtas din, na dahil inaasahan ang kalumbayan at kalungkutang madarama ng Kanyang mga tagasunod, ay nag-utos sa dalawang anghel na aliwin sila sa pamamagitan ng katiyakan na Siya’y muling babalik nang personal gaya ng pag-akyat Niya sa langit. Samantalang ang mga alagad ay nakatayo at matamang nakatingin sa itaas upang sa huling pagkakataon ay makita Siya na minamahal nila, natawag ang kanilang pansin ng mga salitang ito, “Kayong mga lalaking taga-Galilea, bakit kayo’y nakatayong tumitingin sa langit? Itong si Jesus, na dinala sa langit mula sa inyo ay darating na gaya rin ng inyong nakitang pagpunta Niya sa langit” (Gawa 1:11). Ang pag-asa ay muling nagningas dahil sa mensahe ng anghel. Ang mga alagad ay “bumalik...sa Jerusalem na may malaking kagalakan. At sila’y palaging nasa templo na nagpupuri sa Diyos” (Lucas 24:52, 53). Sila’y nagagalak hindi dahil wala na si Jesus sa kanila at iniwan na sila upang makipagpunyagi sa mga pagsubok at panunukso ng sanlibutan, kundi dahil sa pagtiyak ng anghel na Siya’y muling babalik.ADP 197.3

    Ang pagpapahayag sa pagparito ni Cristo ay dapat na mabuting balita ng malaking kagalakan ngayon, gaya noong pagpapahayag ng mga anghel sa mga pastol sa Bethlehem. Yung mga tunay na nagmamahal sa Tagapagligtas ay walang magagawa kundi ang ipagsigawan nang may kagalakan ang pabalitang nakabatay sa Salita ng Diyos, na Siyang sentro ng kanilang pag-asa sa buhay na walang hanggan ay muling darating, hindi na para insultuhin, hamakin, at itakwil, gaya noong una Niyang pagparito, kundi may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian, upang tubusin ang Kanyang bayan. Yung mga hindi nagmamahal sa Tagapagligtas ang ayaw pang Siya’y dumating; at wala nang mas kapani-paniwala pang katibayan na ang mga iglesya ay tumalikod na sa Diyos kaysa sa pagkayamot at galit na pinupukaw ng pabalitang ito ng Langit.ADP 197.4

    Yung mga tumanggap sa doktrina ng pagparito ay nagising sa pangangailangang magsisi at magpakumbaba sa harapan ng Diyos. Marami ang matagal nang nag-aalangan sa pagitan ni Cristo at ng sanlibutan; ngayon ay nadama nilang panahon na para manindigan. “Ang mga bagay na pangwalang-hanggan ay naging parang isang pambihirang katotohanan sa kanila. Ang langit ay naging malapit, at nadama nilang sila’y makasalanan sa harapan ng Diyos.”—Bliss, pahina 146. Ang mga Kristiyano’y napasigla sa bagong espirituwal na buhay. Naipadama sa kanila na maiksi na ang panahon, na kung ano mang dapat nilang gawin para sa kanilang kapwa ay kailangang gawin na kaagad. Ang mundo ay lumiit, ang walang hanggan ay parang nabubuksan sa harapan nila, at ang kaluluwa, kasama na ang lahat ng nauukol sa walang-hanggang kaligayahan o kasawian nito, ay nakadamang naglalaho ang lahat ng makalupang bagay. Ang Espiritu ng Diyos ay tumahan sa kanila at nagbigay-kapangyarihan sa mga tapat nilang pananawagan sa kanilang mga kapatiran, ganon din sa mga makasalanan, upang maghanda sa araw ng Diyos. Ang tahimik na patotoo ng kanilang buhay sa araw-araw ay walang-tigil na sumbat sa mga makaseremonya at hindi dedikadong mga kaanib ng iglesya. Ang mga ito’y ayaw magambala sa kanilang paghahanap ng kalayawan, sa kanilang pagsusumakit na kumita ng maraming pera, at sa kanilang paghahangad ng karangalan ng sanlibutan. Ito ang dahilan ng galit at pagkontrang napukaw laban sa pananampalataya sa pagparito at sa mga nangangaral nito.ADP 197.5

    Dahil nakitang hindi maigugupo ang mga argumento mula sa mga panahong ukol sa propesiya, sinikap ng mga kumakalaban na pigilin ang pagsusuri sa paksang ito sa pamamagitan ng pagtuturo na ang mga propesiya ay nakasara. Sa ganitong paraan ay sumunod ang mga Protestante sa mga hakbang ng Romanismo. Samantalang ipinagkakait ng kapapahan ang Biblia sa mga tao (Tingnan ang Apendiks), ang mga Protestante naman ay nagsasabi na ang isang bahagi ng Banal na Salita—at ang bahaging nagpapakita sa mga katotohanang lalo nang angkop sa ating kapanahunan—ay hindi maaaring maunawaan.ADP 198.1

    Ang mga ministro at mga tagasunod ay nagsasabi na ang propesiya ng Daniel at ng Apocalipsis ay mga hiwagang hindi mauunawaan. Ngunit itinuro ni Cristo ang Kanyang mga alagad sa mga sinabi ni propeta Daniel tungkol sa mga pangyayaring magaganap sa kanilang panahon, at sinabi, “Unawain ng bumabasa” (Mateo 24:15). At ang iginigiit na ang Apocalipsis daw ay isang hiwaga na hindi mauunawaan, ay pinasisinungalingan ng mismong pamagat ng aklat na ito: “Ang Apocalipsis (pahayag) ni Jesu-Cristo, na ibinigay ng Diyos sa Kanya upang ipahayag sa Kanyang mga alipin ang mga bagay na kinakailangang mangyari sa madaling panahon.... Mapalad ang bumabasa at ang nakikinig ng mga salita ng propesiya at tumutupad ng mga bagay na nasusulat dito, sapagkat ang panahon ay malapit na” (Apocalipsis 1:1-3).ADP 198.2

    Ang sabi ng propeta: “Mapalad ang bumabasa”—may mga taong hindi magbabasa; ang pagpapala ay hindi para sa kanila. “At ang nakikinig”—meron ding ibang ayaw marinig ang anumang tungkol sa propesiya; ang pagpapala ay hindi para sa mga taong ito. “At tumutupad ng mga bagay na nakasulat dito”—marami ang ayaw umunawang mabuti sa mga babala at tagubiling nasa Apocalipsis; wala sa mga ito ang makapag-aangkin sa pagpapalang ipinangako. Lahat ng lumilibak sa mga paksa tungkol sa propesiya, at kumukutya sa mga simbolong taimtim na ibinigay dito, lahat ng ayaw magbago ng kanilang buhay at maghanda sa pagparito ng Anak ng Tao ay hindi pagpapalain.ADP 198.3

    Sa liwanag ng patotoo ng Kasulatan, bakit anlakas ng loob ng mga tao na ituro na ang Apocalipsis ay hiwaga na hindi maabot ng isip ng tao? Ito’y isang hiwagang inihayag, isang binuksang aklat. Ang pag-aaral ng Apocalipsis ay itinuturo ang isipan sa mga propesiya ng Daniel, at pareho itong nagbibigay ng pinakamahalagang tagubilin na ibinigay ng Diyos sa mga tao tungkol sa mga pangyayaring magaganap sa pagtatapos ng kasaysayan ng sanlibutan.ADP 198.4

    Kay Juan ay binuksan ang mga tagpo sa karanasan ng iglesya na malalim at nakakatuwang kahihiligan. Nakita niya ang paninindigan, mga panganib, mga tunggalian, at pangwakas na kaligtasan ng bayan ng Diyos. Isinulat niya ang mga huling mensahe na magpapahinog sa aanihin sa lupa, ito ma'y mga bigkis ng trigo para sa bodega ng langit o kaya’y mga bunton ng dayami para sa apoy ng pagkalipol. Ang mga paksang may napakalaking kahalagahan ay inihayag sa kanya, lalo na para sa huling iglesya, upang yung mga tatalikod sa kamalian tungo sa katotohanan ay maturuan hinggil sa mga panganib at tunggaliang nasa harap nila. Walang sinumang dapat na malabuan tungkol sa kung anong mangyayari sa sanlibutan.ADP 198.5

    Bakit kung gayon may ganitong laganap na kawalang-alam tungkol sa isang mahalagang bahaging ito ng Banal na Kasulatan? Bakit may pangkalahatang pag-aalangan na suriin ang mga itinuturo nito? Resulta ng pinag-aralang pagsisikap ng prinsipe ng kadiliman ang itago sa mga tao yung naglalantad sa kanyang mga pandaraya. Dahil dito, si Cristo na Tagapaghayag, dahil nakinita ang pakikidigmang itataguyod laban sa pag-aaral ng Apocalipsis, ay nagpahayag ng pagpapala sa lahat ng babasa, makikinig, at tutupad sa mga salita ng propesiya.ADP 199.1

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents