Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    21—Isang Babalang Tinanggihan

    Sa pangangaral ng doktrina ng ikalawang pagparito, si William Miller at ang kanyang mga kasamahan ay gumawa taglay ang iisang layunin na gisingin ang mga taopara maghanda sa paghuhukom. Pinagsikapan nilang imulat sa tunay na pag-asa ng iglesya at sa kanilang pangangailangan ng mas malalim na karanasang Kristiyano ang mga nagpapahayag ng paniniwala sa relihiyon; at gumawa rin naman sila upang gisingin ang mga hindi hikayat sa tungkulin nilang agad na magsisi at mahikayat sa Diyos. “Hindi nila tinangkang hikayatin ang mga tao sa isang sekta o pangkat ng relihiyon. Kaya sila’y gumawa sa lahat ng pangkat at sekta, nang hindi nakikialam sa kanilang organisasyon o disiplina.”ADP 217.4

    “Sa lahat ng aking paggawa,” sabi ni Miller, “kailanma’y hindi ko hinangad o inisip na magtatag ng anumang interes na hiwalay sa mga umiiral nang denominasyon, o kaya’y matulungan ang isa sa kapinsalaan naman ng iba. Iniisip kong matulungan ang lahat. Ipagpalagay nang lahat ng Kristiyano ay magagalak sa inaasahang pagdating ni Cristo, at yung mga hindi nakakaunawa nang gaya sa aking pagkaunawa, ay mamahalin pa rin yung mga tatanggap sa doktrinang ito, hindi ko naiisip na kakailanganin pang magkaroon ng mga hiwalay na pagpupulong. Ang buo kong layunin ay isang hangaring hikayatin ang mga kaluluwa sa Diyos, na ipaalam sa sanlibutan ang tungkol sa darating na paghuhukom, at himukin ang aking mga kapwa na ihanda ang kanilang puso upang mapayapa nilang masalubong ang Diyos. Ang karamihan sa mga nahikayat sa pamamagitan ng aking paglilingkod ay nagsianib sa iba’t ibang nakatatag nang iglesya”—Bliss, pahina 328.ADP 217.5

    Dahil ang kanyang gawain ay nakakapagpatatag sa mga iglesya, ito’y pansamantalang kinilala nang may pagsang-ayon. Subalit nang ang mga ministro at mga lider ng relihiyon ay magpasya laban sa doktrina ng muling pagparito, at hinangad na pigilin ang lahat ng paggigiit sa paksa, ito’y hindi lamang nila kinalaban mula sa pulpito, kundi ipinagkait pa sa kanilang mga kaanib ang karapatang makadalo sa mga pangangaral ukol sa ikalawang pagparito, o kahit ang magsalita ng tungkol sa pag-asa nila sa mga pagpupulong ng iglesya. Kaya’t nasumpungan ng mga mananampalataya ang kanilang sarili sa kalagayan ng malaking pagsubok at kalituhan. Mahal nila ang kanilang iglesya, at ayaw nilang mahiwalay dito; ngunit habang nakikita nilang pinipigil ang patotoo ng Salita ng Diyos at ipinagkakait sa kanila ang karapatang suriin ang mga hula, nadama nilang pinipigilan sila ng katapatan sa Diyos na magpasakop dito. Yung mga nagsisikap na hadlangan ang mga patotoo ng Salita ng Diyos ay hindi nila maituturing na kabilang sa iglesya ni Cristo, “ang haligi at suhay ng katotohanan.” Kung kaya’t nadama nilang matuwid lang ang humiwalay sa dati nilang kinaaaniban. Noong tag-init ng taong 1844, halos 50,0 ang nag-alisan sa mga iglesya.ADP 217.6

    Noong mga panahong ito, isang kapuna-punang pagbabago ang makikita sa karamihan ng mga iglesya sa buong Estados Unidos. Maraming taon nang nagkakaroon ng unti-unti ngunit patuloy na lumalagong pakikiayon sa mga gawain at kaugalian ng sanlibutan, at ganon din ng katumbas na pagbaba ng tunay na espirituwal na pamumuhay; ngunit nang taong iyon ay nagkaroon ng mga katibayan ng biglaan at kapansin-pansing paglubha sa halos lahat ng iglesya sa bansa. Bagaman parang walang makapagsabi kung ano ang dahilan, ang katotohanang ito mismo ay naoobserbahang maigi at pinupuna kapwa ng mga pahayagan at ng pulpito.ADP 218.1

    Sa isang pagpupulong ng presbiteryo sa Philadelphia, si Mr. Barnes, may-akda ng isang komentaryong malawakang ginagamit, at pastor ng isang nangungunang iglesya sa lunsod na iyon, “ay nagpahayag na siya’y 20 taon sa ministeryo, at nito lamang huling Komunyon siya nakapangasiwa ng ordinansang ito na marami o kaya’y kakaunti ang dumadalo sa iglesya. Ngunit ngayo’y wala nang pagkagising, wala nang pagkahikayat, walang gaanong nakikitang paglago sa biyaya ng mga nagpapahayag ng pananampalataya, at wala ring sumisipot sa pag-aaral ng Biblia upang makipagusap tungkol sa kaligtasan ng kanilang kaluluwa. Dahil sa paglago ng negosyo, at sa gumagandang pag-asa sa kalakalan at paggawa, ay nagkaroon din ng paglago sa pagkawili sa sanlibutan. Ganyan ang kalagayan ng lahat ng denominasyon”— Congregational Journal, May 23, 1844.ADP 218.2

    Nang buwan ng Pebrero ng taon ding iyon, si Propesor Finney ng Oberlin College ay nagsabi: “Nasa ating isipan ang katotohanan, na sa pangkalahatan, ang mga iglesyang Protestante sa ating bansa, kung hindi man walang-malasakit ay galit sa halos lahat ng repormang moral ng kapanahunan. Merong ilang hindi kabilang dito subalit hindi sapat para sabihing hindi pangkalahatan ang katotohanang ito. May isa pa tayong napatunayang katotohanan: ang halos pangkalahatang kawalan ng nagpapasiglang impluwensya sa mga iglesya. Ang kalamigang espirituwal ay halos laganap na, at nakakatakot na ang lalim; iyan ang pinatotohanan ng mga pahayagang panrelihiyon.... Ang mga kaanib ng iglesya ay malawakang nagiging deboto sa mga uso—nakikisama sa mga hindi maka-Diyos sa mga pagtitipong pangkalayawan, sayawan, mga kasayahan, at iba pa.... Subalit hindi na natin kailangan pang palawakin ang masaklap na usaping ito. Sapat nang ang mga katibayan ay kumakapal at mabigat na gumugulong sa atin, upang ipakita na ang mga iglesya sa kabuuan ay nakakalungkot na pababa nang pababa. Sila’y malayung-malayo na sa Diyos, at umalis na rin Siya sa kanila.”ADP 218.3

    At ang isang manunulat sa Religious Telescope ay nagpatunay: “Hindi pa tayo nakakakita ng ganitong pangkalahatang paglala ng relihiyon gaya ng nangyayari sa kasalukuyan. Dapat nga talagang gumising ang iglesya, at siyasatin kung ano ang sanhi ng sakit na ito; sapagkat dapat itong ipalagay na isang sakit ng bawat isang nagmamahal sa Zion. Kapag iisipin natin kung gaano ‘kaunti at kadalang ang pagitan’ ng tunay na pagkahikayat, at ang halos di-mapapantayang kawalang-pagsisisi at katigasan ng mga makasalanan, ay halos hindi natin sinasadyang nasasabi, ‘Nalimutan na ba ng Diyos ang maging mapagbiyaya? O kaya’y, Nakasara na ba ang pintuan ng awa?’ ” Ang ganyang kalagayan ay hindi umiral nang walang dahilan sa iglesya mismo. Ang kadilimang espirituwal na sumapit sa mga bansa, sa mga iglesya, at sa bawat isa, ay hindi dahil sa di-makatarungang pag-aalis sa tulong ng banal na biyaya ng Diyos, kundi dahil sa pagwawalang-bahala o pagtanggi ng mga tao sa banal na liwanag. Ang malinaw na halimbawa ng katotohanang ito ay ipinapakita sa kasaysayan ng bansang Judio noong panahon ni Cristo. Dahil sa kanilang pagmamahal sa sanlibutan at paglimot sa Diyos at sa Kanyang Salita, dumilim ang kanilang pang-unawa, at naging makalupa at mahalay ang kanilang mga puso. Kaya’t wala silang alam tungkol sa pagdating ng Mesiyas, at dahil sa kanilang pagmamalaki at kawalan ng pananampalataya ay hindi nila tinanggap ang Manunubos. Kahit nagkaganon ay hindi pa rin inalis ng Diyos ang bansang Judio sa pagkaalam o sa pakikibahagi sa mga pagpapala ng kaligtasan. Ngunit yung mga tumanggi sa katotohanan ay nawalan na ng lahat ng pagnanais para sa kaloob ng Langit. Kanilang “inaaring dilim ang liwanag at liwanag ang dilim” hanggang sa ang liwanag na nasa kanila ay naging kadiliman; at anong tindi ng kadilimang iyon!ADP 218.4

    Angkop sa palakad ni Satanas na panatilihin ng mga tao ang mga seremonya ng relihiyon, basta’t wala ang espiritu ng kinakailangang kabanalan. Matapos nilang tanggihan ang ebanghelyo, ang mga Judio ay masigasig pa ring pinanatili ang mga sinauna nilang ritwal, at mahigpit na iningatan ang pagiging natatangi ng kanilang bansa, samantalang sila mismo ay hindi makakatanggi na ang presensya ng Diyos ay hindi na nahahayag sa gitna nila. Ang hula ng Daniel ay walang-duda talagang itinuro ang panahon ng pagdating ng Mesiyas, at talagang tuwirang inihula ang Kanyang kamatayan, anupa’t sinisikap nilang hadlangan na mapag-aralan ito, at bandang huli’y naggawad ng sumpa ang mga rabi sa lahat ng magtatangkang kumalkula sa panahon. Dahil sa pagkabulag at kawalang-pagsisisi, ang bayan ng Israel na walang-malasakit sa mga mabiyayang alok ng kaligtasan, at hindi iniintindi ang mga pagpapala ng ebanghelyo, ay nanatiling nakatayo sa loob ng 18 siglo bilang isang taimtim at nakakakilabot na babala tungkol sa panganib ng hindi pagtanggap sa liwanag na mula sa langit.ADP 219.1

    Kung saan man may ganitong sanhi, ang ganon ding resulta ay susunod. Siyang sinasadyang pigilin ang matibay niyang pagkadama ng tungkulin dahil sa ito’y nakakahadlang sa kanyang mga kagustuhan, ay mawawalan sa wakas ng kakayahang makita ang pagkakaiba ng katotohanan at ng kamalian. Ang pangunawa ay dumidilim, ang konsensya ay namamanhid, ang puso’y tumitigas, at ang kaluluwa’y nahihiwalay sa Diyos. Saanman tanggihan at walaing-halaga ang mensahe ng banal na katotohanan, doon ang iglesya ay mababalot ng kadiliman; ang pananampalataya at pag-ibig ay lalamig, at ang paghihiwalay at pag-aaway-away ay papasok. Itinuon ng mga kaanib ng iglesya ang kani-lang kapakanan at lakas sa mga gawaing pansanlibutan, at ang mga makasalanan ay naging matigas sa hindi nila pagsisisi.ADP 219.2

    Ang mensahe ng unang anghel sa Apocalipsis 14 na nagpapabatid sa oras ng paghuhukom ng Diyos, at nananawagan sa mga tao na matakot at sumamba sa Kanya, ay hangaring ihiwalay ang mga nagsasabing bayan ng Diyos sa mga nagpapasamang impluwensya ng sanlibutan, at gisingin sila upang makita ang tunay nilang kalagayang makasanlibutan at pagbalik sa dating kasamaan. Sa mensaheng ito ay nagpadala ang Diyos sa iglesya ng babala na kung tinanggap ay naituwid sana ang mga kasamaang naghihiwalay sa kanila sa Kanya. Kung tinanggap lang nila ang mensaheng mula sa langit, na nagpapakumbaba ng kanilang mga puso sa harapan ng Panginoon, at taimtim na pinagsisikapang humanda sa pagtayo sa Kanyang harapan, ang Espiritu at kapangyarihan ng Diyos ay nahayag sana sa gitna nila. Muli sanang naabot ng iglesya ang pinagpalang kalagayang iyon ng pagkakaisa, pananampalataya at pagmamahalan na umiiral noong panahon ng mga apostol, noong ang mga sumampalataya ay “may pagkakaisa sa puso at kaluluwa” at “ipinahayag na may katapangan ang Salita ng Diyos,” noong “idinaragdag sa kanila ng Panginoon araw-araw ang mga naliligtas” (Gawa 4:31, 32; 2:47).ADP 219.3

    Kung tatanggapin ng mga nagsasabing bayan ng Diyos ang liwanag habang ito’y sumisikat sa kanila mula sa Kanyang Salita, maaabot nila ang pagkakaisang idinalangin ni Cristo, yaong inilalarawan ng apostol na, “pagkakaisa ng Espiritu sa buklod ng kapayapaan.” Sabi niya, “May isang katawan at isang Espiritu, kung paanong tinawag kayo sa isang pag-asa ng pagkatawag sa inyo, isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo” (Efeso 4:3-5).ADP 219.4

    Ganyan ang mga pinagpalang resulta na naranasan nung mga tumanggap sa mensahe ng ikalawang pagparito. Sila’y galing sa iba’t ibang denominasyon, kaya’t winasak nila ang mga harang nilang pangdenominasyon; dinurog ang magkakasalungat na aral; iniwan ang pag-asa sa 1000 taon dito sa lupa na hindi naman pala nakabatay sa Kasulatan, itinama ang mga maling paniniwala tungkol sa ikalawang pagparito, pinalis ang pagmamalaki at pakikiayon sa sanlibutan; itinuwid ang mga pagkakamali; ang mga puso ay nagkaisa sa matamis na pagsasamahan, at ang pagmamahalan at kagalakan ay siyang naghahari. Kung ito nga’y nagawa ng doktrinang ito sa iilang tumanggap dito, magagawa rin nito ang ganon sa lahat, kung tinanggap ito ng lahat.ADP 220.1

    Ngunit hindi tinanggap ng mga iglesya sa kabuuan ang babala. Ang kanilang mga ministro, na siya sanang unang nakakita sa mga palatandaan ng pagparito ni Jesus, bilang “mga bantay sa sambahayan ni Israel,” ay siyang hindi nakaalam sa katotohanan mula man sa patotoo ng mga propeta o sa mga tanda man ng kapanahunan. Habang napupuno ng makasanlibutang pag-asa at hangarin ang puso, ang pagmamahal sa Diyos at pananampalataya sa Kanyang Salita ay lumalamig; at nang ipahayag ang doktrina ng muling pagparito, pinukaw lamang nito ang masama nilang iniisip sa kapwa at kawalan ng paniniwala. Ang katunayan na ang mensahe ay ipinangangaral ng mga karaniwang tao sa malaking bahagi, ay iginiit bilang argumento laban dito. Gaya rin noong una, ang malinaw na patotoo ng Salita ng Diyos ay sinasagupa ng tanong na ganito, “Mayroon ba sa mga pinuno, o sa mga Fariseo na sumasampalataya?” (Juan 7:48). At nang makita kung gaano kahirap na pabulaanan ang mga argumentong kinuha mula sa mga panahong ukol sa propesiya, ay marami ang nanghimok na iwasan ang pag-aaral ng mga propesiya, at itinuro na ang mga aklat ng hula ay sarado at hindi mauunawaan. Napakaraming tao na nagtitiwalang lubos sa kanilang mga pastor ang hindi nakinig sa babala; at ang iba naman, bagaman naniniwala sa katotohanan ay hindi naglakas-loob na ipagtapat ito, dahil baka sila’y “mapalayas sa sinagoga.” Ang mensaheng ipinadala ng Diyos upang subukin at dalisayin ang iglesya ay talagang tiyak na inihayag kung gaano karami ang naglagak ng kanilang pagmamahal sa sanlibutan kaysa kay Cristo. Ang taling gumagapos sa kanila sa sanlibutan ay mas matibay kaysa sa pang-akit ng langit. Pinili nilang makinig sa tinig ng makasanlibutang karunungan at sila’y tumalikod sa mensahe ng katotohanan na sumusuri sa puso.ADP 220.2

    Sa pagtanggi nila sa babala ng unang anghel, ay itinakwil na rin nila ang mga paraang inilaan ng Langit para panumbalikin sila. Itinaboy nila ang mapagmahal na sugong siya sanang magtutuwid sa mga kasamaang naghiwalay sa kanila sa Diyos, at sila’y may higit na pananabik na tumalikod upang matamo ang pakikipagkaibigan ng sanlibutan. Narito ang sanhi ng nakakatakot na kalagayang iyon ng pagkamakasanlibutan, pagbalik sa kasamaan, at kamatayang espirituwal na umiral sa mga iglesya noong taong 1844.ADP 220.3

    Sa Apocalipsis 14, ang unang anghel ay sinundan ng ikalawa na nagsasabi, “Bumagsak, bumagsak ang dakilang Babilonia, na siyang nagpainom sa lahat ng bansa ng alak ng poot ng kanyang pakikiapid” (Apocalipsis 14:8). Ang salitang “Babilonia” ay galing sa salitang “Babel,” na ang ibig sabihin ay kalituhan. Ito’y ginagamit sa Kasulatan upang tumukoy sa iba’t ibang anyo ng tumalikod o maling iglesya. Sa Apocalipsis 17, ang Babilonia ay kinakatawanan ng isang babae—isang larawan na ginagamit sa Biblia bilang simbolo ng iglesya, ang malinis na babae ay kumakatawan sa dalisay na iglesya, at ang mahalay na babae ay sa tumalikod na iglesya.ADP 220.4

    Sa Biblia, ang banal at walang-maliw na katangian ng relasyong umiiral sa pagitan ni Cristo at ng Kanyang iglesya ay kinakatawanan ng pagsasama sa pag-aasawa. Ipinagkaisa ng Panginoon ang Kanyang bayan sa Kanyang sarili sa pamamagitan ng isang taimtim na tipanan, na nangangako Siyang magiging Diyos nila, at sila nama’y nangangakong magiging Kanya at Kanya lamang. Sinasabi Niya, “Gagawin kitang asawa Ko magpakailanman; gagawin kitang asawa Ko sa katuwiran at sa katarungan, sa tapat na pag-ibig at sa kaawaan” (Hoseas 2:19). At muli, “Ako’y asawa ninyo” (Jeremias 3:14). At gamit din ni Pablo sa Bagong Tipan ang paglalarawang ito nang sabihin niya, “Kayo’y itinakda kong mapangasawa ng isang lalaki, na kayo’y maiharap ko kay Cristo bilang isang malinis na birhen” (2 Corinto 11:2).ADP 220.5

    Ang kawalang-katapatan ng iglesya kay Cristo sa pagpapahintulot na ang pagtitiwala at pagmamahal nito ay maalis sa Kanya at hayaang ang pagmamahal sa mga makasanlibutang bagay ang pumuno sa kaluluwa, ay inihahalintulad sa paglabag sa sumpaan ng pag-aasawa. Ang kasalanan ng Israel sa paglayo nito sa Diyos ay ipinapakita sa larawang ito; at ang kahangahangang pag-ibig ng Diyos na hinamak nila nang ganon ay makabagbag-damdaming inilarawan: “Ako’y sumumpa at nakipagtipan sa iyo, sabi ng Panginoong Diyos, at ikaw ay naging Akin.” “Ikaw ay lumaking napakaganda, at bagay na maging reyna. Ang iyong kabantugan ay kumalat sa gitna ng mga bansa dahil sa iyong kagandahan; sapagkat naging sakdal ka sa pamamagitan ng kamahalan na Aking inilagay sa iyo.... Ngunit ikaw ay nagtiwala sa iyong kagandahan, at naging bayarang babae dahil sa iyong kabantugan” (Ezekiel 16:8, 13-15). “Kung paanong iniiwan ng taksil na asawang babae ang kanyang asawa, gayon kayo nagtaksil sa Akin, O sambahayan ng Israel, sabi ng Panginoon” (Jeremias 3:20). “Isang asawang babae na mapakiapid na tumatanggap ng mga dayuhan sa halip na ang kanyang asawa” (Ezekiel 16:32).ADP 221.1

    Sa Bagong Tipan, ang kapareho ring pananalita ay iniukol sa mga nagsasabing Kristiyano na nagsisikap na matamo ang pakikipagkaibigan ng sanlibutan kaysa sa pagsang-ayon ng Diyos. Sinasabi ni apostol Santiago, “Mga mangangalunya! Hindi ba ninyo nalalaman na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos? Kaya’t sinumang nagnanais na maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Diyos” (Santiago 4:4).ADP 221.2

    Ang babae (Babilonia) sa Apocalipsis 17 ay inilalarawang “nakadamit ng kulay-ube at ng matingkad na pula, nagagayakan ng ginto at ng mahahalagang bato at mga perlas, at hawak sa kanyang kamay ang isang kopang ginto na puno ng mga karumaldumal at mga bagay na marurumi. . .at sa kanyang noo ay nakasulat ang isang pangalan, ang isang hiwaga: “dakilang Babilonia, ina ng mga mahalay na babae.” Ang sabi ng propeta, “At nakita ko ang babae na lasing sa dugo ng mga banal, at sa dugo ng mga martir ni Jesus.” Ang Babilonia ay sinasabi pang “ang dakilang lunsod na naghahari sa mga hari sa lupa” (Apocalipsis 17:4-6, 18). Ang kapangyarihan na sa loob ng napakaraming dantaon ay napanatili ang malupit na kapamahalaan sa mga hari ng Sangkakristiyanuhan ay ang Roma. Ang kulay-ube at kulay pula, ang ginto at mahahalagang bato at perlas ay malinaw na naglalarawan sa karingalan at higit pa sa makaharing karangyaang ipinagkukunwari ng mapagmalaking pangasiwaan ng Roma. At wala nang iba pang kapangyarihan na talagang masasabing “lasing sa dugo ng mga banal” kaysa sa iglesyang napakalupit na umusig sa mga tagasunod ni Cristo. Ang Babilonia ay inaakusahan din ng kasalanan ng bawal na pakikipag-ugnayan sa “mga hari sa lupa.” Ang iglesyang Judio ay naging mahalay na babae dahil sa paglayo sa Panginoon at pakikiugnay sa mga pagano; at ang Roma na pinarurumi ang sarili sa ganon ding kaparaanan dahil sa paghahangad ng suporta ng mga makapangyarihang bansa sa sanlibutan, ay tatanggap ng ganon ding paghatol.ADP 221.3

    Ang Babilonia ay sinasabi ring “ina ng mga mahalay na babae.” Ang kanyang mga anak na babae ay sumisimbolo sa mga iglesyang nanghahawak sa kanyang mga doktrina at tradisyon, at sumusunod sa kanyang halimbawa ng pagsasakripisyo sa katotohanan at sa pagsang-ayon ng Diyos makabuo lamang ng ipinagbabawal na ugnayan sa sanlibutan. Ang mensahe ng Apocalipsis 14 na nagpapahayag sa pagbagsak ng Babilonia ay dapat iukol sa mga grupo ng relihiyon na dati’y malinis ngunit naging marumi. Dahil ang mensaheng ito ay kasunod ng babala tungkol sa paghuhukom, ito’y kailangang ipahayag sa mga huling araw; kung ganon ito’y hindi lamang maaaring tumukoy sa Simbahang Romano, sapagkat ang iglesyang iyan ay nasa bagsak nang kalagayan sa loob ng maraming siglo. Bukod dito, sa kapitulo 18 ng Apocalipsis ang bayan ng Diyos ay tinatawagang lumabas sa Babilonia. Batay sa talatang ito, marami pa rin sa bayan ng Diyos ay nasa loob pa ng Babilonia. At saang mga grupo ng relihiyon masusumpungan ngayon ang malaking bahagi ng mga tagasunod ni Cristo? Walang-dudang sa iba’t ibang iglesya na nagpapahayag ng pananampalatayang Protestante. Sa panahon ng kanilang pagbangon, ang mga iglesyang ito ay marangal na nanindigan para sa Diyos at sa katotohanan, at ang Kanyang pagpapala ay nasa kanila. Maging ang hindi naniniwalang sanlibutan ay napilitang kilalanin ang mabubuting resultang kasunod ng pagtanggap sa mga prinsipyo ng ebanghelyo. Sa sinabi ng propeta sa Israel, “Ang iyong kabantugan ay kumalat sa gitna ng mga bansa dahil sa iyong kagandahan; sapagkat naging sakdal ka sa pamamagitan ng kamahalan na Aking inilagay sa iyo, sabi ng Panginoong Diyos.” Subalit ang mga iglesyang ito’y bumagsak dahil sa ganon ding paghahangad na naging sumpa at pagkasira ng Israel—ang paghahangad na gayahin ang mga kaugalian at suyuin ang pakikipagkaibigan ng mga hindi maka-Diyos. “Ikaw ay nagtiwala sa iyong kagandahan, at naging bayarang babae dahil sa iyong kabantugan” (Ezekiel 16:14, 15).ADP 221.4

    Marami sa mga iglesyang Protestante ang gumagaya sa halimbawa ng Roma sa napakasamang pakikipag-ugnayan sa “mga hari sa lupa”—ang mga iglesya ng pamahalaan, dahil sa ugnayan nila sa pamahalaang sibil; at ang iba pang mga denominasyon, dahil sa paghahangad ng pagsang-ayon ng sanlibutan. At ang salitang “Babilonia”— kalituhan—ay maaaring angkop na gamitin sa mga grupong ito, lahat ay nagsasabing galing sa Biblia ang kanilang mga aral, ngunit nagkakahati-hati sa halos hindi mabilang na mga sekta, na nagkakasalungat na maigi ang mga doktrina at kuru-kuro.ADP 222.1

    Bukod sa makasalanang pakikiisa sa sanlibutan, ang mga iglesyang humiwalay sa Roma ay nagpakita ng iba pang katangian nito.ADP 222.2

    Isang sulat ng Romano Katoliko ang nangangatwiran na “kung ang Simbahan ng Roma ay nagkasala man ng pagsamba sa mga diyus-diyosan kaugnay sa mga santo, ang anak nito, ang Church of England ay nagkasala rin ng ganon, dahil sampung simbahan nito ay itinatalaga kay Maria para sa bawat isang itinalaga kay Cristo.”— Richard Challoner, The Catholic Christian Instructed, Preface, pahina 21, 22.ADP 222.3

    At si Dr. Hopkins, sa kanyang “A Treatise on the Millennium,” ay nagsasabi: “Walang dahilan upang ipalagay na ang espiritu at mga gawaing laban sa Kristiyanismo ay nalilimitahan lamang doon sa tinatawag ngayong Simbahan ng Roma. Ang mga iglesyang Protestante ay marami ring anti-Cristo, at malayo sa pagiging lubos na nabago mula...sa mga katiwalian at kasamaan.”— Samuel Hopkins,Works, vol. 2, p. 328.ADP 222.4

    Tungkol sa paghiwalay ng Presbyterian Church sa Roma, ay sumulat si Dr. Guthrie: “Tatlong daang taon na ang nakakaraan, ang ating iglesya ay lumakad palabas sa pintuan ng Roma, na may nakabukas na Biblia sa bandila nito, at sa balumbon nito ay may ganitong kasabihan, ‘Saliksikin ang Kasulatan.’ ” Pagkatapos ay nagtanong siya ng isang mahalagang tanong, “Sila ba ay lumabas na malinis sa Babilonia?”—Thomas Guthrie, The Gospel in Ezekiel, pahina 237.ADP 222.5

    “Ang Church of England,” sabi ni Spurgeon, “ay parang paulit-ulit na kinakain ng sakramentalismo; ngunit ang hindi pakikiayon ay parang halos tadtad na tadtad na rin ng pilosopikal na kawalang paniniwala. Yung mga inaasahan natin ng mabuting bagay ay isa-isang tumatalikod sa mga simulain ng pananampalataya. Naniniwala ako na ang pinakapusod ng England ay lubusan nang butas-butas sa kasuklam-suklam na kawalang paniniwala na nangangahas pa ring tumuntong sa pulpito at tawaging Kristiyano ang sarili.”ADP 222.6

    Ano ang pinagmulan ng malaking pagtalikod? Paano unang humiwalay ang iglesya sa kasimplihan ng ebanghelyo? Sa pamamagitan ng pakikiayon sa mga gawain ng paganismo, upang padaliin ang pagtanggap ng mga pagano sa Kristiyanismo. Si apostol Pablo ay nagsabi kahit noon pa mang panahon niya, “Ang hiwaga ng kasamaan ay gumagawa na” (2 Tesalonica 2:7). Noong nabubuhay pa ang mga apostol, ang iglesya ay nanatiling mas malinis. Subalit sa “pagtatapos ng ikalawang siglo, ang karamihan sa mga iglesya ay nagkaroon ng bagong anyo, ang unang kasimplihan ay nawala, at walang kamalay-malay, na nang ang matatanda nang alagad ay nahimlay na sa kanilang libingan, ang kanilang mga anak, pati na ang mga bagong hikayat,...ay tumayo at binago ang gawain.”—Robert Robinson, Ecclesiastical Researches, ch. 6, par. 17, p. 51. Upang makakuha ng mga bagong hikayat, ang mataas na pamantayan ng pananampalatayang Kristiyano ay ibinaba, at bilang resulta “bumaha ang mga pagano papasok sa iglesya, dala-dala ang kanilang mga kaugalian, pamumuhay at mga diyus-diyosan.”—Gavazzi, Lectures, pahina 278. Nang matamo ng relihiyong Kristiyano ang pagsang-ayon at suporta ng mga pinunong sibil, ito’y tinanggap ng marami sa pangalan lang; ngunit bagaman parang Kristiyano, marami “ang nanatiling pagano pa rin sa pamumuhay, lalo na sa pagsamba nang lihim sa kanilang mga diyus-diyosan.”—Ibid., pahina 278.ADP 222.7

    Hindi ba’t ang ganon ding proseso ay nauulit sa halos lahat ng iglesyang tinatawag na Protestante ang sarili? Nang mamatay yung mga nagtatag, yung mga nagtataglay ng tunay na espiritu ng repormasyon, ang kanilang mga anak ay tumatayo at “binabago ang gawain.” Samantalang may kabulagang nanghahawak sa pananampalataya ng kanilang mga ninuno at tinatanggihang tanggapin ang anumang katotohanang hindi pa nila nakikita, ang mga anak ng mga repormador ay humiwalay nang husto sa kanilang halimbawa ng kapakumbabaan, pagtanggi sa sarili, at pagtatakwil sa sanlibutan. Kung kaya’t “ang unang kasimplihan ay nawala.” Isang makasanlibutang baha na umaagos papasok sa iglesya, ay dala-dala “ang mga kaugalian, pamumuhay, at mga diyus-diyosan nito.”ADP 223.1

    Naku, sa gaano kayang nakakatakot na lawak iniingatan ngayon ng mga nagsasabing tagasunod ni Cristo ang pakikipagkaibigang iyon sa sanlibutan “na pakikipagaway sa Diyos!” Gaano kalayo nang umalis ang mga tanyag na iglesya ng buong Sangkakristiyanuhan sa pamantayan ng Biblia ukol sa kapakumbabaan, pagtanggi sa sarili, kasimplihan, at kabanalan! Ang sabi ni John Wesley tungkol sa tamang paggamit ng pera: “Huwag aksayahin ang anumang bahagi ng napakahalagang talento para lamang pagbigyan ang kagustuhan ng mata, sa pamamagitan ng sobra-sobra na o mamahaling mga damit, o ng mga palamuting hindi kailangan. Huwag aksayahin ang anumang bahagi nito sa kakaibang pagpapaganda ng inyong mga bahay; sa labis-labis o mamahaling mga kasangkapan; sa napakamamahal na litrato, pagpipintura, at pagtutubog sa ginto.... Huwag gagastos para pagbigyan ang kapalaluan sa buhay, para matamo ang paghanga o papuri ng mga tao.... ‘Hangga’t ginagawa mo ang mabuti sa iyong sarili, maganda ang sasabihin ng mga tao tungkol sa iyo.’ Hangga’t ika’y ‘nakadamit ng kulay-ube at pinong lino at masaganang kumakain araw-araw,’ siguradong papupurihan ng marami ang tikas ng iyong panlasa, ang iyong kagandahang-loob at mabuting pakikitungo. Subalit huwag mong bilhin nang napakamahal ang kanilang papuri. Sa halip, masiyahan ka na sa karangalang nagmumula sa Diyos.”—Wesley, Works, Sermon 50, “The Use of Money.” Ngunit sa napakaraming iglesya ng kapanahunan natin, ang ganyang aral ay hindi na pinapansin.ADP 223.2

    Ang pagpapanggap ng relihiyon ay naging tanyag sa sanlibutan. Ang mga pinuno, pulitiko, abugado, doktor, at mga negosyante, ay umanib sa iglesya bilang isang paraan ng pagkuha sa paggalang at tiwala ng lipunan, at pagtataguyod sa sarili nilang makasanlibutang kapakinabangan. Kaya’t sinisikap nilang matakpan ang lahat ng di-makatarungan nilang transaksyon sa ilalim ng pagpapanggap ng Kristiyanismo. Ang iba’t ibang grupo ng relihiyon, na lalong pinalakas ng kayamanan at impluwensya ng mga makasanlibutang ito na nabinyagan, ay gumawa ng mas mataas pang alok para sa katanyagan at pagtangkilik. Ang mariringal na iglesya na pinaganda sa pinakamagastos na pamamaraan ay itinayo sa mga kilalang lansangan. Ang mga sumisimba ay nagbibihis ng mga damit na mamahalin at sunod sa uso. Mataas ang pasahod na ibinibigay sa isang magaling na ministro upang libangin at akitin ang mga tao. Ang kanyang mga sermon ay hindi dapat makasagi ng mga laganap na kasalanan, kundi dapat gawing banayad at nakalulugod para sa mga makabagong pandinig. Kaya’t ang mga makasalanang sunod sa uso ay nakalista sa talaan ng iglesya at ang mga kasalanang sunod sa uso ay ikinukubli sa ilalim ng pagpapanggap ng kabanalan.ADP 223.3

    Bilang puna sa kasalukuyang saloobin sa sanlibutan ng mga nagsasabing Kristiyano, isang pangunahing sekyular na pahayagan ang nagsabi: “Walang kamalay-malay na ang iglesya ay nagpasakop sa diwa ng kapanahunang ito, at ibinagay ang mga paraan ng pagsamba nito sa makabagong kagustuhan.” “Talagang lahat ng bagay na makakatulong upang gawing kaakit-akit ang relihiyon, ay ginagamit na ngayon ng iglesya bilang instrumento nito.” At isang manunulat sa New York Independent ang nagsalita ng ganito tungkol sa Methodismo kung ano talaga ito: “Ang guhit na naghihiwalay sa mga maka-Diyos at hindi relihiyoso ay napapawi na at nagiging isang uri ng bahagyang anino, at ang masisigasig na tao sa magkabilang panig ay gumagawang maigi upang burahin ang lahat ng pagkakaiba sa pagitan ng kanilang mga paraan ng pagkilos at kaluguran.” “Ang katanyagan ng relihiyon ay lubhang nakakapagpadami sa bilang ng mga gustong makuha ang mga kapakinabangan nito nang walang katumbas na pagtupad sa mga tungkulin nito.”ADP 223.4

    Sabi ni Howard Crosby: “Isang bagay na dapat ikabahala nang labis ang matuklasan nating hindi tinutupad ng iglesya ni Cristo ang mga panukala ng Panginoon nito. Kung paanong binayaan ng mga sinaunang Judio na agawin ng matalik na pakikiugnay sa mga bansang sumasamba sa diyus-diyosan ang kanilang puso sa Diyos,...ay ganon din naman ang iglesya ni Jesus ngayon, na sa pamamagitan ng mali nitong pakikisama sa hindi naniniwalang sanlibutan ay tinatalikuran ang mga banal na pamamaraan ng tunay na buhay nito, at ibinibigay ang sarili sa nakakapinsala, bagaman madalas ay mukhang tamang kaugalian ng lipunang walang Cristo, gumagamit ng mga argumento at sumasapit sa mga konklusyong malayo sa ipinahayag ng Diyos, at tuwirang laban sa lahat ng paglago sa biyaya.”— The Healthy Christian: An Appeal to the Church, pahina 141, 142.ADP 224.1

    Sa pagdagsang ito ng pagkamakasanlibutan at hilig sa kalayawan, ang pagtanggi sa sarili at pagsasakripisyo alang-alang kay Cristo ay halos mawala. “Ang iba sa mga kalalakihan at kababaihan ngayon na masigla sa ating mga iglesya ay tinuruan noong mga bata pa na magsakripisyo upang may anumang maibigay o magawa para kay Cristo.” Subalit “kapag kailangan ngayon ng pondo,...wala nang kinakailangan pang tawagan para magbigay. Wala na! Magdaos ka ng peryahan, palabas, kunwaring paglilitis, sinaunang hapunan, o anumang makakain—anumang bagay na makakalibang sa mga tao.”ADP 224.2

    Si Gobernador Washburn ng Wisconsin, sa kanyang taunang mensahe ay nagsabi noong Enero 9, 1873: “Parang kailangan ng ilang batas upang buwagin ang mga paaralang pinagmumulan ng mga sugarol. Ang mga ito’y nasa lahat ng lugar. Pati ang simbahan kung minsan (at siguradong di-namamalayan) ay makikitang ginagawa ang gawain ng diyablo. Ang mga regalong konsiyerto, mga regalong proyekto at pa-raffle, na kung minsan ay pantulong sa mga layuning panrelihiyon o pagkakawanggawa, pero kadalasan ay para sa mga hindi gaanong mahalagang hangarin, ang mga loterya, mga nakabalot na papremyo, at iba pa ay pakanang lahat para magkaroon ng pera nang walang natatanggap na kapalit. Wala nang mas nakakapagpababa at nakakalason, lalo na sa mga kabataan kaysa sa pagkakaroon ng pera o ari-arian nang hindi pinaghirapan. Dahil ang mga iginagalang na tao ay sumasali sa mga ganitong gawain ng sapalaran, at pinagagaan ang kanilang konsensya sa pag-iisip na ang pera naman ay mapupunta sa magandang layunin, hindi kataka-taka na ang mga kabataan ng Estados Unidos ay napakadalas na bumabagsak sa mga ugaling halos tiyak nang ibubunga ng pananabik sa mga larong sugal.”ADP 224.3

    Ang espiritu ng pakikiayon sa sanlibutan ay dumadagsa na sa mga iglesya sa buong Sangkakristiyanuhan. Si Robert Atkins, sa isang sermon sa London, ay nagbigay ng isang madilim na larawan ng pagbabang espirituwal na umiiral sa England: “Ang mga tunay na matuwid ay umuunti na sa lupa, at walang sinumang nagsasaalangalang nito. Ang mga nagpapahayag ng relihiyon sa bawat iglesya sa panahong ito, ay mga maibigin sa sanlibutan, mga nakikiayon sa sanlibutan, mahihilig sa kaginhawahan, at mga mapaghangad na sila’y igalang. Sila’y tinawagang magdusa gaya ni Cristo, subalit sila’y nangungurong kahit sa kahihiyan.... Pagtalikod, pagtalikod, pagtalikod, ang nakaukit sa pinakaharapan ng bawat iglesya; at kung nalalaman nila ito, at nadarama nila ito, baka may pag-asa pa; ngunit naku! Sila’y sumisigaw, “Kami’y mayaman, at naging mariwasa, at hindi nangangailangan ng anuman.”—Second Advent Library, tract No. 39.ADP 224.4

    Ang malaking kasalanang ipinaratang laban sa Babilonia ay, siyang “nagpainom sa lahat ng bansa ng alak ng poot ng kanyang pakikiapid.” Ang nakalalasing na kopang ito na ibinibigay niya sa sanlibutan ay kumakatawan sa mga maling doktrina na tinanggap niya dahil sa ipinagbabawal na kaugnayan niya sa mga dakilang tao sa lupa. Pinasama ng pakikipagkaibigan sa sanlibutan ang kanyang pananampalataya, at siya naman ay nagbigay ng nakakapagpasamang impluwensya sa sanlibutan sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga doktrinang salungat sa pinakamalilinaw na sinasabi ng Banal na Kasulatan.ADP 225.1

    Ipinagkait ng Roma ang Biblia sa mga tao at kapalit nito ay iniutos niya sa lahat ng tao na tanggapin ang kanyang mga turo. Gawain ng Repormasyon ang ibalik sa mga tao ang Salita ng Diyos; ngunit hindi ba’t talagang totoo na sa mga iglesya sa panahong ito ang mga tao ay tinuturuang isalig ang kanilang pananampalataya sa kanilang mga doktrina at sa mga turo ng kanilang simbahan sa halip na sa mga Kasulatan? Ang sabi ni Charles Beecher, tungkol sa mga iglesyang Protestante: “Sila’y nangungurong sa anumang magaspang na salita laban sa mga doktrina, nang may ganon ding pagkamaramdamin sa mga papa na nangurong sa magaspang na salita laban sa bumabangong pamimitagan sa mga santo at martir na itinataguyod nila.... Ang mga denominasyon ng ebanghelikong Protestante ay pinagtali nang husto ang kamay ng isa’t isa, anupa’t sa pagitan nilang lahat, ang isang tao ay hindi maaaring maging mangangaral sa anumang paraan at kahit saan, nang hindi tatanggap ng ibang aklat bukod sa Biblia.... Walang haka-haka sa pahayag na ang kapangyarihan ng doktrina ay nagpapasimula na ngayong ipagbawal ang Biblia, na katulad din talaga ng ginawa ng Roma, mas tuso lang nga ang pamamaraan.”—Sermon on “The Bible a Sufficient Creed” binigkas sa Fort Wayne, Indiana, Feb. 22, 1846.ADP 225.2

    Nang ipaliwanag ng mga tapat na tagapagturo ang Salita ng Diyos, merong bumangong mga taong may alam, mga ministro na nagsasabing nauunawaan nila ang Kasulatan, na tinutuligsa ang tamang doktrina bilang maling paniniwala, sa gayo’y inilalayo ang mga nagsisiyasat ng katotohanan. Kung hindi lang sana lasing na lasing ang sanlibutan sa alak ng Babilonia, napakarami sanang mapapaniwala at mahihikayat ng malinaw at nakakasugat na katotohanan ng Salita ng Diyos. Ngunit ang pananampalataya sa relihiyon ay para talagang nakakalito at magkakasalungat, anupa’t hindi malaman ng mga tao kung alin ang paniniwalaang katotohanan. Ang kasalanan ng kawalang-pagsisisi ng sanlibutan ay nasa pintuan ng iglesya.ADP 225.3

    Ang mensahe ng ikalawang anghel sa Apocalipsis 14 ay unang ipinangaral noong tag-araw ng taong 1844, at noo’y nagkaroon ito ng tuwirang aplikasyon sa mga iglesya ng Estados Unidos kung saan pinakamalawak na naipahayag at mas pangkalahatang tinanggihan ang babala tungkol sa paghuhukom, at kung saan naging pinakamabilis ang paglala ng mga iglesya. Ngunit hindi narating ng mensahe ng ikalawang anghel ang ganap na katuparan nito noong 1844. Ang mga iglesya noon ay nakaranas ng pagbagsak ng moral bilang bunga ng pagtanggi nila sa liwanag ng mensahe tungkol sa pagparito; ngunit hindi lubusan ang pagbagsak na iyon. Habang patuloy nilang tinatanggihan ang mga tanging katotohanan para sa panahong ito, sila’y pabagsak rin nang pabagsak. Pero hindi pa ngayon masasabi na “Bumagsak ang dakilang Babilonia,... na siyang nagpainom sa lahat ng bansa ng alak ng poot ng kanyang pakikiapid.” Hindi pa niya ito ipinagagawa sa lahat ng bansa. Ang espiritu ng pakikiayon sa sanlibutan at pagwawalang-bahala sa mga sumusubok na katotohanan para sa ating kapanahunan, ay umiiral at lumalaganap sa mga iglesya ng pananampalatayang Protestante sa lahat ng bansa sa Sangkakristiyanuhan; at ang mga iglesyang ito ay kasama sa taimtim at kakila-kilabot na paghatol ng ikalawang anghel. Ngunit ang gawain ng pagtalikod ay hindi pa nakakaabot sa sukdulan nito.ADP 225.4

    Sinasabi ng Biblia na bago dumating ang Panginoon, si Satanas ay gagawa “na may buong kapangyarihan at mga tanda at mga mapanlinlang na kababalaghan, at may lahat ng mapandayang kasamaan;” at silang “tumanggi...[na] ibigin ang katotohanan upang sila’y maligtas,” ay hahayaang tumanggap ng “makapangyarihang pagkalinlang upang maniwala sila sa kasinungalingan” (2 Tesalonica 2:9-11). Ang pagbagsak ng Babilonia ay hindi malulubos hangga’t hindi pa naaabot ang kalagayang ito, at hindi pa lubusang naisasagawa sa buong Sangkakristiyanuhan ang pakikipag-isa ng simbahan sa sanlibutan. Ang pagbabago ay utay-utay lang, at ang ganap na katuparan ng Apocalipsis 14:8 ay nasa hinaharap pa.ADP 225.5

    Sa kabila ng kadilimang espirituwal at pagkahiwalay sa Diyos na umiiral sa mga iglesyang bumubuo sa Babilonia, ang malaking bahagi ng mga tunay na tagasunod ni Cristo ay makikita pa rin sa kanilang kapulungan. Marami sa mga ito ang kailanma’y hindi pa nakikita ang mga natatanging katotohanan para sa panahong ito. Hindi lang iilan ang hindi na nasisiyahan sa kasalukuyang kalagayan nila, at naghahangad ng mas malinaw na liwanag. Bigo silang makita ang wangis ni Cristo sa mga iglesyang kinaaaniban nila. Habang palayo nang palayo ang mga iglesyang ito sa katotohanan, at mas malapit na nakikipanig sa sanlibutan, ang pagkakaiba ng dalawang uring ito ay lalong lalaki, at sa wakas ay mauuwi sa paghihiwalay. Darating ang panahon na yung mga nagmamahal sa Diyos nang higit sa lahat ay hindi na makakapanatili pang kaugnay nung “mga maibigin sa kalayawan sa halip na mga maibigin sa Diyos; na may anyo ng kabanalan, ngunit tinatanggihan ang kapangyarihan nito” (2 Timoteo 3:4, 5).ADP 226.1

    Itinuturo ng Apocalipsis 18 ang panahon na kung saan bilang bunga ng di-pagtanggap sa babala ng Apocalipsis 14:6-12 na may tatlong bahagi, ang iglesya ay lubusan nang makakaabot sa kalagayang inihula ng ikalawang anghel, at ang bayan ng Diyos na nasa Babilonia pa rin ay tatawagin upang humiwalay na sa kanyang kapulungan. Ang mensaheng ito ay siyang kahuli-hulihang ibibigay sa sanlibutan; at isasagawa nito ang kanyang gawain. Kapag yung mga “hindi sumampalataya sa katotohanan, sa halip ay nalugod sa kalikuan” (2 Tesalonica 2:12), ay babayaan nang makatanggap ng makapangyarihang pagkalinlang at maniwala sa kasinungalingan, ang liwanag ng katotohanan kung gayon ay sisikat na sa lahat, na ang mga puso’y bukas upang tumanggap dito, at ang lahat ng anak ng Panginoon na naroon pa sa Babilonia ay makikinig sa panawagang, “Magsilabas kayo sa kanya, bayan Ko” (Apocalipsis 18:4).ADP 226.2

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents