Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    22—Mga Hulang Natupad

    Nang lumipas ang panahon na unang inaasahan ang pagdating ng Panginoon—noong tagsibol ng taong 1844—yung mga may pananampalatayang naghintay sa Kanyang pagpapakita ay ilang panahon ding nabalot ng pag-aalinlangan at kawalang-katiyakan. Bagaman ipinalalagay ng sanlibutan na sila’y lubusang nabigo, at napatunayang isang pagkalinlang ang pinakatatangi nila, ang Salita pa rin ng Diyos ang siyang bukal ng kanilang kaaliwan. Marami ang nagpatuloy sa pagsasaliksik ng Kasulatan, na muling sinisiyasat ang mga katibayan ng kanilang pananampalataya, at pinag-aaralang mabuti ang mga propesiya upang magkamit pa ng higit na liwanag. Ang patotoo ng Biblia na nagpapatunay sa kanilang paniniwala ay wari namang malinaw at kapani-paniwala. Ang mga tanda na di-maaaring mapagkamalian ay nagpapakitang malapit na ang pagdating ni Cristo. Ang natatanging pagpapala ng Panginoon, kapwa sa pagkahikayat ng mga makasalanan at muling pagsigla sa buhay-espirituwal sa gitna ng mga Kristiyano, ay nagpatotoo na ang mensahe ay mula sa Langit. At bagaman di maipaliwanag ng mga mananampalataya ang kanilang pagkabigo, sila’y nakasisiguro na ang Diyos ang nanguna sa kanila sa nakalipas nilang karanasan.ADP 226.3

    Kasama ng mga hulang ipinalagay nilang nauukol sa panahon ng ikalawang pagdating, ay isang tagubiling lalo nang angkop sa kanilang kalagayan ng pag-aalinlangan at pagkabalisa, at nagpapalakas sa kanila upang matiyagang maghintay sa pagtitiwala na ang malabo sa kanilang pang-unawa ngayon ay magiging malinaw sa tamang panahon.ADP 226.4

    Ang isa sa mga hulang ito ay yung nasa Habakuk 2:1-4: “Ako’y tatayo upang magbantay, at magbabantay ako sa ibabaw ng tore, at tatanaw upang makita ko kung ano ang Kanyang sasabihin sa akin, at kung ano ang aking isasagot tungkol sa aking daing. At ang Panginoon ay sumagot sa akin: ‘Isulat mo ang pangitain, at gawin mong malinaw sa mga tapyas na bato, upang ang makabasa niyon ay makatakbo. Sapagkat ang pangitain ay naghihintay pa ng panahon nito; at nagsasalita tungkol sa wakas—hindi ito magsisinungaling. Kung ito’y parang mabagal ay hintayin mo; ito’y tiyak na darating, hindi ito maaantala. Masdan mo ang palalo! Hindi tapat sa kanya ang kaluluwa niya, ngunit ang matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya.”ADP 226.5

    Noong 1842 pa lang, ang utos na ibinigay sa hulang ito, na “isulat mo ang pangitain, at gawin mong malinaw sa mga tapyas na bato, upang ang makabasa niyon ay makatakbo,” ay nagpahiwatig na kay Charles Fitch na gumawa ng isang tsart ng propesiya upang ilarawan ang mga pangitain sa Daniel at sa Apocalipsis. Ang pagkalathala ng talaang-guhit na ito ay itinuturing na katuparan ng utos na ibinigay sa pamamagitan ni Habakuk. Gayunman, walang nakapansin noon na isang parang pagkaantala pala sa katuparan ng pangitain—isang panahon ng pagkabalam—ang ipinahahayag sa hula ring iyon. Pagkaraan ng panahon ng kabiguan, lumabas na napakahalaga ang talatang ito: “Ang pangitain ay naghihintay pa ng panahon nito; at nagsasalita tungkol sa wakas—hindi ito magsisinungaling. Kung ito’y parang mabagal ay hintayin mo; ito'y tiyak na darating, hindi ito maaantala.... Ang matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya.”ADP 227.1

    Ang isang bahagi ng hula ni Ezekiel ay pinagmulan din ng lakas at kaaliwan ng mga mananampalataya: “Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi, ‘Anak ng tao, ano ang kawikaang ito na mayroon ka tungkol sa lupain ng Israel, na sinasabi, Ang mga araw ay tumatagal, at ang bawat pangitain ay nawawalang kabuluhan? Kaya’t sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos,... Ang mga araw ay malapit na, at ang katuparan ng bawat pangitain.... Ako na Panginoon ay magsasalita ng salita na Aking sasalitain, at ito ay matutupad. Hindi na ito magtatagal pa.’ ” “Silang nasa sambahayan ni Israel ay nagsasabi, ‘Ang pangitain na kanyang nakikita ay sa darating pang maraming mga araw, at siya’y nagsasalita ng propesiya sa mga panahong malayo.’ Kaya’t sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Hindi na magtatagal pa ang Aking mga salita, kundi ang salita na Aking sinasalita ay matutupad, sabi ng Panginoon’ ” (Ezekiel 12:21-25, 27, 28).ADP 227.2

    Ang mga nagsisipaghintay ay nagalak, at naniniwalang Siya na nakakaalam na ng wakas sa pasimula pa lamang ay nakatunghay sa lahat ng panahon, at dahil nakini-kinita na ang kanilang kabiguan, ay nagbigay sa kanila ng mga salitang pampalakas-loob at pag-asa. Kung hindi dahil sa mga ganitong bahagi ng Kasulatan, na nagpapayo sa kanila na maghintay nang may pagtitiis, at ikapit nang mahigpit ang kanilang pagtitiwala sa Salita ng Diyos, baka nanghina na ang kanilang pananampala-taya sa panahong iyon ng pagsubok.ADP 227.3

    Inilalarawan din ng talinghaga ng sampung dalaga sa Mateo 25 ang karanasan ng mga Adventista. Sa Mateo 24, bilang sagot sa katanungan ng Kanyang mga alagad tungkol sa mga palatandaan ng Kanyang pagparito, at ng katapusan ng sanlibutan, ipinakita ni Cristo ang ilang pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng sanlibutan at ng iglesya mula sa Kanyang una hanggang sa ikalawang pagparito; ang mga ito’y, ang pagkawasak ng Jerusalem, ang malaking hirap ng iglesya sa pang-uusig ng mga pagano at ng papa, ang pagdilim ng araw at buwan, at ang pagkahulog ng mga bituin. Pagkatapos nito ay sinabi Niya ang tungkol sa Kanyang pagparito sa Kanyang kaharian, at isinalaysay ang talinghaga na naglalarawan sa dalawang uri ng alipin na naghihintay sa Kanyang pagpapakita. Ang kapitulo 25 ay nagsisimula sa mga salitang ito, “ Kung magkagayon ay makakatulad ang kaharian ng langit sa sampung dalaga.” Dito’y ipinapakita ang iglesyang nabubuhay sa mga huling araw, kapareho rin nung ipinapaliwanag sa gawing katapusan ng kapitulo 24. Sa talinghagang ito, ang kanilang karanasan ay inilalarawan ng mga nangyayari sa isang kasalan sa Silangan.ADP 227.4

    “Kung magkagayon ay makakatulad ang kaharian ng langit sa sampung dalaga, na kinuha ang kanilang mga ilawan, at nagsilabas upang salubungin ang kasintahang lalaki. At ang lima sa kanila’y mga mangmang, at ang lima’y matatalino. Sapagkat nang dalhin ng mga mangmang ang kanilang mga ilawan, ay hindi sila nangagdala ng langis: datapuwa’t ang matatalino ay nangagdala ng langis sa kanilang sisidlan na kasama ng kanilang mga ilawan. Samantalang nagtatagal nga ang kasintahang lalaki, ay nangaantok silang lahat at nangakatulog. Datapuwa’t pagkahating-gabi ay may sumigaw, ‘Narito na ang kasintahang lalaki! Magsilabas kayo upang salubungin siya’ ” (KJV).ADP 227.5

    Ang pagdating ni Cristo, gaya ng ipinabatid ng mensahe ng unang sinugong anghel, ay nauunawaang kinakatawanan ng pagdating ng kasintahang lalaki. Ang laganap na pagrereporma dahil sa pagpapahayag ng Kanyang nalalapit na pagdating ay siyang katugon ng paglabas ng mga dalaga. Sa talinghagang ito, gaya rin sa Mateo 24, dalawang klase ng tao ang inilalarawan. Lahat ay kumuha ng kanilang ilawan, ang Biblia, at sa pamamagitan ng liwanag nito ay lumabas upang salubungin ang kasintahang Lalaki. Ngunit bagaman nang “kunin ng mga hangal ang kanilang mga ilawan, ay hindi sila nagdala ng langis,” yun namang “matatalino ay nagdala ng langis sa mga lalagyan na kasama ng kanilang mga ilawan.” Yung matatalino ay nakatanggap ng biyaya ng Diyos, ang bumabago ng buhay at nagpapaunawang kapangyarihan ng Banal na Espiritu na ginagawang ilawan sa mga paa at liwanag sa landas ang Kanyang Salita. Sa pagkatakot sa Diyos ay pinag-aralan nila ang Kasulatan upang malaman ang katotohanan, at taimtim na pinagsikapang matamo ang kalinisan ng puso at pamumuhay. Ang mga ito ay may personal na karanasan, may pananampalataya sa Diyos at sa Kanyang Salita, na hindi mapapabagsak ng kabiguan at pagkaantala. Ang iba nama’y kinuha “ang kanilang mga ilawan, at hindi nagdala ng langis.” Sila’y kumilos dahil sa udyok lamang. Ang kanilang takot ay nakilos ng taimtim na mensahe, subalit sila’y umasa sa pana-nampalataya ng kanilang mga kapatid, at nasiyahan na sa aandap-andap na ilawan ng magandang pakiramdam, nang walang lubos na pagkaunawa sa katotohanan, o ng tunay na paggawa ng biyaya sa puso. Ang mga ito’y lumabas upang salubungin ang Panginoon, punung-puno ng pag-asa sa inaasahang kaagad na gantimpala; subalit sila’y hindi handa sa pagkaantala at kabiguan. Nang dumating ang pagsubok, ang kanilang pananampalataya ay nanghina, at ang kanilang liwanag ay nagdilim.ADP 228.1

    “Samantalang naaantala pa ang lalaking ikakasal, ay inantok silang lahat at nakatulog.” Ang pagkaantala ng lalaking ikakasal ay kumakatawan sa paglipas ng panahon na ang Panginoon ay inaasahang darating, kumakatawan sa kabiguan at sa mukhang pagkaantala. Sa panahong ito ng kawalangkatiyakan, agad na nagsimulang umandapandap ang gana ng mga mabababaw at mahihina ang loob, at lumubay ang kanilang mga pagsisikap; subalit yung mga taong ang pananampalataya ay nakabatay sa personal na kaalaman sa Biblia ay nakatuntong sa bato, na hindi kayang tangayin ng mga alon ng kabiguan. “Inantok silang lahat at nakatulog;” ang isang grupo ay sa kawalangmalasakit at pagpapabaya sa kanilang pananampalataya, at ang isang grupo naman ay sa matiyagang paghihintay hanggang ang mas malinaw na liwanag ay ibigay. Ngunit nang gabi ng pagsubok yung ikalawa ay parang mawawalan na ng sigasig at pagtatalaga, sa ilang kaparaanan. Ang mga mahihina ang loob at mabababaw ay hindi na maaaring sumandal pa sa pananampalataya ng kanilang mga kapatid. Ang bawat isa ay dapat tumayo o bumagsak nang mag-isa.ADP 228.2

    Noong mga panahong ito ang pagkapanatiko ay nagsimulang maglitawan. Ang ibang nagsasabing sila’y masigasig na mananampalataya sa mensahe ay tumanggi sa Salita ng Diyos bilang isang hindi nagkakamaling gabay, at dahil sa pag-aangking sila’y ginagabayan ng Espiritu, ay ibinigay nila ang kanilang sarili sa pagkontrol ng sarili nilang mga pakiramdam, palagay, at guni-guni. May ibang nagpakita ng bulag at panatikong sigasig, na kinukundena ang lahat ng hindi sasang-ayon sa kanilang paraan. Ang kanilang mga panatikong iniisip at ginagawa ay hindi sinang-ayunan ng nakararaming Adventista; pero ito’y nagsilbi pa ring kasiraan sa gawain ng katotohanan.ADP 228.3

    Si Satanas ay nagsisikap sa pamamagitan nito na labanan at sirain ang gawain ng Diyos. Ang mga tao’y lubos na napukaw ng Kilusang Adventista, libu-libong makasalanan ang nahikayat, at ang mga taong tapat ay itinatalaga ang kanilang sarili sa gawain ng paghahayag ng katotohanan, maging sa panahon ng pagkaantala. Ang prinsipe ng kasamaan ay nawawalan na ng kanyang mga sakop; at upang magdulot ng kasiraan sa gawain ng Diyos ay sinikap niyang dayain ang ibang nagpapahayag ng pananampalataya at itaboy sila sa pagmamalabis. Kaya’t ang kanyang mga alagad ay nakatayong handa upang samantalahin ang bawat pagkakamali, bawat kabiguan, bawat kilos na dinararapat, at iharap ito sa mga tao sa isang talagang pinasobrahang liwanag upang gawing kasuklam-suklam ang mga Adventista at ang kanilang pananampalataya. Kaya kung mas marami ang mapapapasok niya para magpanggap ng pananampalataya sa ikalawang pagparito habang kinukontrol ng kanyang kapangyarihan ang kanilang mga puso, mas malaki ring pakinabang ang makukuha niya sa pamamagitan ng pagtawag ng pansin sa kanila bilang kinatawan ng buong grupo ng mananampalataya.ADP 228.4

    Si Satanas ang “tagapagparatang sa ating mga kapatid,” at espiritu niya ang humihimok sa mga tao na abangan ang mga pagkakamali at kasiraan ng bayan ng Panginoon, at ito’y itaas para mapansin, samantalang ang kanilang mabubuting gawa ay hindi man lang nababanggit. Siya’y laging aktibo kapag ang Diyos ay gumagawa para sa kaligtasan ng mga kaluluwa. Kapag ang mga anak ng Diyos ay nagsisiparoon upang iharap ang kanilang mga sarili sa Diyos, si Satanas ay nakikisama rin sa kanila. Sa bawat rebaybal siya ay handang magpasok ng mga hindi napabanal ang puso at hindi balanse ang isipan. Kapag tinanggap nila ang ilang bahagi ng katotohanan, at magkaroon na ng lugar sa mga mananampalataya, ginagamit niya sila upang magpasok ng mga kuru-kuro na dadaya sa mga walangingat. Walang sinumang mapapatunayan na siya’y isang tunay na Kristiyano dahil lang sa siya’y kasama ng mga anak ng Diyos, kahit pa sa bahay-sambahan at sa palibot ng hapag ng Panginoon. Si Satanas ay kadalasang naroon sa mga pinakataimtim na mga okasyon sa anyo nung mga magagamit niya bilang ahensya niya.ADP 229.1

    Ipinaglalaban ng prinsipe ng kadiliman ang bawat pulgada ng lupa kung saan sumusulong ang bayan ng Diyos sa kanilang paglalakbay patungo sa makalangit na lunsod. Sa buong kasaysayan ng iglesya, walang repormasyong isinulong nang walang nasasagupang mabibigat na balakid. Ganyan din noong panahon ni Pablo. Saan man magtatag ng iglesya ang apostol, ay may mga nagpapanggap na tinanggap ang pananampalataya ngunit nagpapasok naman ng mga maling aral na kapag tinanggap ay agad na mawawala ang pagmamahal sa katotohanan. Maging si Luther ay nagdanas din ng malaking kabalisahan at pagkabahala dahil sa mga pinaggagagawa ng mga panatikong tao na nagsasabing ang Diyos ay diretsahang nagsasalita sa pamamagitan nila at sa ganong paraan ay ginagawa nilang mas mataas ang kanilang mga iniisip at opinyon sa mga patotoo ng Kasulatan. Ang karamihan na kulang sa pananampalataya at karanasan, ngunit higit na mapagsarili at gustong makarinig at magsabi ng mga bagong bagay, ay nadaya ng mga pagkukunwari ng mga bagong tagapagturo, at sila’y sumama sa mga ahensya ni Satanas sa gawain ng pagwasak sa mga iniudyok ng Diyos na itayo ni Luther. At ang mga Wesley, at iba pang naging pagpapala sa mundo sa pamamagitan ng kanilang impluwensya at pananampalataya ay nakaharap din sa bawat hakbang ang mga pakana ni Satanas na itulak ang mga taong sobrang sigasig, di-balanse, at mga walang kabanalan sa iba’t ibang uri ng pagkapanatiko.ADP 229.2

    Si William Miller ay hindi sang-ayon sa mga impluwensyang mauuwi sa pagkapanatiko. Gaya ni Luther ay sinabi niya na ang bawat espiritu ay dapat subukin ng Salita ng Diyos, “Ang diyablo,” sabi ni Miller, “ay may malakas na kapangyarihan sa isipan ng iba sa panahon ngayon. At paano natin malalaman kung sa anong uri sila ng espiritu? Ang Biblia ang sumasagot: ‘Makikilala ninyo sila sa pamamagitan ng kanilang bunga.’... Maraming espiritu ang naglipana sa sanlibutan, at tayo’y inutusang subukin ang mga espiritu. Ang espiritu na di magiging dahilan upang tayo’y mamuhay nang may pagpipigil, matuwid, at makaDiyos sa sanlibutang ito, ay hindi espiritu ni Cristo. Lalo akong nakukumbinsi na malaki ang kinalaman ni Satanas sa mga kakaibang kilusang ito.... Marami sa atin na nagkukunwaring lubos na napabanal ay sumusunod sa mga tradisyon ng tao, at parang kasing-ignorante rin sa katotohanan nung ibang hindi gumagawa ng ganong pagkukunwari.”—Bliss, pahina 236, 237. “Ang espiritu ng kamalian ang maglalayo sa atin sa katotohanan; at ang Espiritu ng Diyos ang maghahatid sa atin sa katotohanan. Subalit, sinasabi ninyo na ang isang tao’y maaaring nasa kamalian, ngunit iisiping nasa kanya ang katotohanan. Paano ito? Ang sagot namin, Ang Espiritu at ang Salita ay nagkakasundo. Kung hinahatulan ng tao ang kanyang sarili sa pamamagitan ng Salita ng Diyos, at nakikita ang sakdal na pagkakasundo sa buong Kasulatan, kung gayo’y dapat siyang maniwala na nasa kanya ang katotohanan; ngunit kung nakikita niyang ang espiritung pinag-aakayan sa kanya ay hindi kasang-ayon ng buong diwa ng kautusan o Aklat ng Diyos, lumakad siyang maingat, dahil baka siya’y mahuli ng mga bitag ni Satanas.”— The Advent Herald and Signs of the Times Reporter, vol. 8, No. 23 (Jan. 15, 1845). “Madalas pa akong nakakakuha ng higit na katibayan ng panloob na kabanalan sa nangingislap na mata, basang pisngi, at naiiyak na pagsasalita kaysa sa lahat ng ingay ng Sangkakristiyanuhan.”—Bliss, pahina 282.ADP 229.3

    Sa panahon ng Repormasyon, ang lahat ng kasamaan ng pagkapanatiko ay ipinararatang ng mga kaaway nito doon mismo sa mga pinakamasisigasig na kumakalaban dito. Ganon ding hakbangin ang ginawa ng mga kalaban ng Kilusang Adventista. At hindi pa nasiyahan sa maling pagpaparatang at pagpapalaki sa mga kamalian ng mga panatiko, sila’y nagpakalat pa ng mga nakakapinsalang ulat na ni bahagya’y hindi man lang makapareho ng kung anong totoo. Ang mga taong ito’y pinakikilos ng masamang isipan at pagkamuhi. Ang kanilang kapayapaan ay nagambala ng pagpapahayag na si Cristo’y malapit na. Natatakot silang baka ito’y totoo nga, subalit umaasang hindi sana, at ito ang sekreto ng kanilang pakikipaglaban sa mga Adventista at sa kanilang pananampalataya.ADP 230.1

    Ang katunayan na may ilang panatikong nakapasok sa hanay ng mga Adventista ay hindi dahilan para hatulang hindi sa Diyos ang kilusan, gaya rin naman sa panahon ni Pablo o ni Luther na ang pagkakaroon ng mga panatiko at mandaraya sa iglesya ay hindi sapat na dahilan para hatulan ang kanilang gawain. Hayaang gumising ang bayan ng Diyos sa pagkakatulog at simulan sa kasigasigan ang gawain ng pagsisisi at pagbabago; saliksikin nila ang mga Kasulatan upang malaman ang katotohanan kung paanong ito’y nakay Jesus; magtalaga sila nang lubos sa Diyos, at hindi mawawalan ng katibayan na si Satanas ay aktibo at alisto pa rin. Ipapakita niya ang kanyang kapangyarihan sa lahat ng posibleng pandaraya, na tinatawagan ang tulong ng lahat ng nagkasalang anghel sa kanyang nasasakupan.ADP 230.2

    Hindi ang pagpapahayag ng ikalawang pagparito ang siyang lumikha ng pagkapanatiko at pagkakahati-hati. Ang mga ito’y lumitaw noong tag-araw ng 1844, nang ang mga Adventista ay nasa kalagayan ng pagaalinlangan at kalituhan ukol sa kanilang tunay na pinaniniwalaan. Ang pangangaral tungkol sa mensahe ng unang anghel at sa “sigaw sa hatinggabi” ay tuwirang makakapigil sa pagkapanatiko at awayan. Yung mga nakibahagi sa mga taimtim na kilusang ito ay nagkakasundo; ang mga puso nila’y punung-puno ng pag-ibig para sa isa’t isa at para kay Jesus na inaasahan nilang malapit nang makita. Ang isang pananampalataya at ang isang mapalad na pag-asa, ang nag-angat sa kanila sa ibabaw ng pagkontrol ng anumang impluwensya ng tao, at napatunayang sanggalang laban sa mga pagsalakay ni Satanas.ADP 230.3

    “Samantalang naaantala pa ang lalaking ikakasal ay inantok silang lahat at nakatulog. Subalit nang hatinggabi na ay may sumigaw, ‘Narito na ang lalaking ikakasal! Lumabas kayo upang salubungin siya.’ Bumangon lahat ang mga birheng iyon at iniayos ang kanilang mga ilawan” (Mateo 25:5-7). Noong tagaraw ng 1844, sa kalagitnaan ng panahong una nilang iniisip na siyang katapusan ng 2,300 araw, at noong taglagas ng taon ding iyon, na pagkaraa’y natuklasang ditto pala umaabot ang 2,300 araw, ang mensahe ay ipinahayag sa mismong sinasabi ng Kasulatan, “Narito na ang Lalaking ikakasal!”ADP 230.4

    Ang dahilan ng paglilipat na ito ay ang pagkakatuklas na ang utos ni Artaxerxes para panumbalikin ang Jerusalem, na siyang itinakdang pinakasimula ng 2,300 araw ay nagkabisa noong taglagas ng taong 457 B.C., at hindi noong pasimula ng taong iyon gaya ng una nilang pinaniniwalaan. Kung bibilangin mula sa taglagas ng taong 457, ang 2,300 taon ay magtatapos sa taglagas ng taong 1844 (Tingnan ang Apendiks para sa pahina 191).ADP 230.5

    Ang mga paliwanag na kinuha sa mga simbolo ng Lumang Tipan ay pawang tumutukoy din sa taglagas bilang siyang panahon na ang pangyayaring kinakatawanan ng “paglilinis ng santuwaryo” ay magaganap. Ito’y naging napakalinaw nang bigyang-pansin kung paanong natupad ang mga simbolo na may kinalaman sa unang pagparito ni Cristo.ADP 230.6

    Ang mga sagisag na may kaugnayan sa ikalawang pagdating ay kailangang matupad sa panahong tinutukoy ng umaaninong gawain.ADP 231.1

    Ang pagpatay sa kordero ng Paskuwa ay anino ng kamatayan ni Cristo. Sabi ni Pablo, “Sapagkat si Cristo, ang kordero ng ating paskuwa, ay naialay na” (1 Corinto 5:7). Ang bigkis ng unang bunga ng ani na sa panahon ng Paskuwa ay iwinawagayway sa harapan ng Panginoon ay sumisimbolo sa pagkabuhay na muli ni Cristo. Ang sabi ni Pablo tungkol sa pagkabuhay na muli ng Panginoon at ng Kanyang buong bayan, “Si Cristo ang unang bunga; at pagkatapos ay ang mga kay Cristo sa Kanyang pagdating” (1 Corinto 15:23). Gaya ng iwinawagayway na bigkis, na siyang unang hinog na butil na pinitas bago ang anihan, si Cristo ang siyang unang bunga ng walang hanggang anihang iyon ng mga tinubos na sa hinaharap na pagkabuhay na muli ay titipunin sa bangan ng Diyos.ADP 231.2

    Ang mga simbolong ito ay natupad, hindi lamang sa pangyayari kundi pati sa panahon. Sa ika-14 na araw ng unang buwan ng mga Judio, ang mismong araw at buwan, na sa loob ng 15 mahahabang dantaon ay pinapatay ang kordero ng Paskuwa, itinatag ni Cristo, na kumain ng Paskuwa kasalo ng Kanyang mga alagad, ang kapistahang iyon na nagpapagunita sa Kanyang sariling kamatayan bilang siyang “Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” Nang gabi ring iyon, Siya’y dinakip ng mga masasamang kamay upang ipako sa krus at patayin. At bilang sinisimbuluhan ng iwinawagayway na bigkis, ang ating Panginoon ay binuhay mula sa mga patay sa ikatlong araw, “ang unang bunga ng mga namatay” (talatang 20), isang halimbawa ng lahat ng matuwid na bubuhaying muli, na ang “hamak na katawan” ay babaguhin, at gawing “katulad ng katawan ng Kanyang kaluwalhatian” (Filipos 3:21).ADP 231.3

    Sa ganon ding paraan, ang mga simbolong may kinalaman sa ikalawang pagparito ay dapat matupad sa panahong itinuro ng simbolong serbisyo. Sa ilalim ng sistema ni Moises, ang paglilinis ng santuwaryo, o ang dakilang Araw ng Pagtubos, ay nagaganap sa ika-10 araw ng ika-7 buwan ng mga Judio, na ang punong pari, pagkatapos na makagawa ng katubusan para sa buong Israel, at sa gayo’y inalis ang kanilang mga kasalanan sa santuwaryo, ay lalabas at pagpapalain ang bayan. Kaya’t pinaniwalaan din na si Cristo, ang ating Pinakapunong Pari, ay pakikita upang linisin ang lupa sa pamamagitan ng pagwasak sa kasalanan at sa mga makasalanan, at upang pagpalain ng kawalang-kamatayan ang Kanyang bayang naghihintay. Ang ika-10 araw ng ika-7 buwan, ang dakilang Araw ng Pagtubos, ang panahon ng paglilinis ng santuwaryo, na sa taong 1844 ay tumapat sa Oktubre 22, ay ipinalagay na panahon ng pagdating ng Panginoon. Ito’y kaayon ng mga katibayang naipahayag na, na ang 2,300 araw ay magtatapos sa panahon ng taglagas, at ang palagay na ito ay parang mahirap labanan.ADP 231.4

    Sa talinghaga ng Mateo 25, ang panahon ng paghihintay at pagkatulog ay sinundan ng pagdating ng kasintahang lalaki. Ito’y kasang-ayon ng mga paliwanag na kasasabi pa lang, kapwa mula sa hula at mga simbolo. Taglay nito ang matibay na pagpapatunay sa pagiging totoo nito; at ang “sigaw sa hatinggabi” ay inihayag ng libu-libong mananampalataya.ADP 231.5

    Kagaya ng isang dambuhalang alon, winalis ng kilusang ito ang buong lupain. Sa bawat lunsod, at sa mga kanayunan, at sa malalayong lugar ito ay nakarating, hanggang lubos na magising ang naghihintay na bayan ng Diyos. Sa pagpapahayag na ito, ang pagkapanatiko ay naglaho gaya ng paglalaho ng namuong hamog sa sumisikat na araw. Nakita ng mga mananampalataya na ang pag-aalinlangan at pagkalito nila ay nawala, at ang kanilang mga puso ay binuhay ng pag-asa at tibay ng loob. Ang gawain nila ay wala nung mga pagmamalabis na palaging nakikita kapag may labis na katuwaan ang mga tao nang walang kumukontrol na kapangyarihan ng Salita at ng Espiritu ng Diyos. Ang likas nito ay katulad nung mga panahon ng pagpapakumbaba at panunumbalik sa Panginoon na nangyayari sa sinaunang Israel pagkatapos ng mga mensahe ng panunumbat ng Kanyang mga lingkod. Taglay nito ang mga katangiang tanda ng gawain ng Diyos sa lahat ng kapanahunan. Walang gaanong labis na katuwaan, sa halip ay may malalim na pagsisiyasat ng puso, pagpapahayag ng kasalanan, at pagtalikod sa sanlibutan. Ang paghahanda sa pagsalubong sa Panginoon ay siyang pasanin ng mga nahahapis na kaluluwa. May matiyagang pananalangin at lubos na pagtatalaga sa Diyos.ADP 231.6

    Bilang paglalarawan sa gawaing iyan, ang sabi ni Miller: “Walang malaking pagpapahayag ng katuwaan: iyan ay para bagang pinipigil para sa hinaharap na pagdiriwang, na ang buong langit at lupa ay magkasamang magagalak sa hindi mailarawang kagalakan at kapuspusan ng kaluwalhatian. Walang sigawan: iyan din ay inilalaan para sa sigaw na mula sa langit. Ang mga mang-aawit ay tahimik: sila’y naghihintay na makiawit kasama ng mga hukbo ng mga anghel, ang grupo ng mga mang-aawit na mula sa langit.... Walang pagkakabanggaan ng mga pagkaunawa: lahat ay nagkakaisa sa puso at sa isipan”—Bliss, pahina 270, 271.ADP 232.1

    Isa pang nakibahagi sa kilusan ang nagpatotoo: “Nagbunga ito kahit saan ng pinakamalalim na pagsisiyasat ng puso at pagpapakababa ng sarili sa harapan ng Diyos ng langit. Ito ay nagdulot ng paglayo ng pagmamahal mula sa mga bagay ng sanlibutan, ng paghilom ng mga alitan at matinding pagkapoot, ng pagpapahayag ng mga kamalian, ng pag-iyak sa harapan ng Diyos, at ng nagsisisi’t durog ang pusong pakikiusap sa Diyos para sa kapatawaran at pagtanggap. Ito ay nagdulot ng pagpapakumbaba ng sarili at pagyukod ng kaluluwa, na hindi pa natin nasaksihan kailanman. Gaya ng iniutos ng Diyos sa pamamagitan ni Joel kapag malapit na ang dakilang araw ng Panginoon, ito’y nagbunga ng pagpunit ng puso at hindi ng damit, at ng pagpapanumbalik sa Panginoon na may pag-aayuno, pag-iyak at pagdadalamhati. Gaya ng sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni Zacarias, ang espiritu ng biyaya at pananalangin ay ibinuhos sa Kanyang mga anak; sila’y tumingin sa Kanya na kanilang tinusok, at nagkaroon ng malaking pagdadalamhati sa lupain...at yung mga naghihintay sa Panginoon ay pinagdalamhati ang kanilang sarili sa Kanyang harapan.”—Bliss, in Advent Shield and Review, vol. 1, p. 271 (January, 1845.)ADP 232.2

    Sa lahat ng malalaking kilusang panrelihiyon mula noong panahon ng mga apostol, wala nang higit na naging ligtas mula sa depekto ng tao at sa mga pakana ni Satanas kaysa noong taglagas ng 1844. Kahit ngayon, pagkalipas ng maraming taon, ang lahat ng nakibahagi sa kilusang iyon at tumayong matatag sa simulain ng katotohanan ay nadarama pa rin ang banal na impluwensya ng pinagpalang gawaing iyon at nagpapatotoong ito ay sa Diyos.ADP 232.3

    Nang manawagan na, “Narito na ang Lalaking ikakasal! Lumabas kayo upang salubungin Siya,” ang mga naghihintay ay “bumangon...at iniayos ang kanilang mga ilawan;” pinag-aralan nila ang Salita ng Diyos nang may matinding interes na dati’y hindi pa naririnig. Ang mga anghel ay isinugo mula sa langit upang gisingin ang mga pinanghinaan ng loob at upang maihanda sila sa pagtanggap sa mensahe. Ang gawain ay tumayo hindi sa karunungan at pinag-aralan ng tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos. Hindi ang mga matatalino, kundi ang mga pinakamabababa at natatalaga, ang unang duminig at sumunod sa panawagan. Iniwan ng mga magsasaka ang kanilang mga itinanim sa bukiran, ibinaba ng mga mekaniko ang kanilang mga gamit, at may luha at kagalakang humayo upang ipahayag ang babala. Yung mga dating nangunguna sa gawain ay kasama nung mga huling umanib sa kilusang ito. Isinara ng mga iglesya sa pangkalahatan ang kanilang mga pintuan laban sa mensaheng ito, at malaking grupo ng mga tumanggap sa mensahe ang umalis sa kani-lang kinaaaniban. At sa patnubay ng Diyos, ang pagpapahayag na ito ay nakiisa sa mensahe ng ikalawang anghel at nagbigay ng kapangyarihan sa gawaing iyon.ADP 232.4

    Ang mensaheng, “Narito na ang Lalaking ikakasal!” ay hindi gaanong pinagtatalunan, kunsabagay, ang mga katibayan sa Kasulatan ay malinaw at kapani-paniwala. Kasama nito ang humihimok na kapangyarihan na kumilos sa mga kaluluwa. Walang pag-aalinlangan, walang pagtatanong. Sa panahon ng matagumpay na pagpasok ni Cristo sa Jerusalem, ang mga tao na nagkatipon mula sa lahat ng bahagi ng lupain upang magdiwang ng kapistahan ay nagdagsaan sa Bundok ng Olibo, at samantalang nakikisama sa karamihang sumasabay kay Jesus ay nakuha nila ang inspirasyon ng oras na iyon at tumulong na palakasin ang sigaw; “Mapalad ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!” (Mateo 21:9). Sa ganon ding paraan, ang mga di-naniniwala na nagdagsaan sa mga pagpupulong Adventista—ang iba’y dahil sa pag-uusisa, ang iba nama’y para manlibak lang—ay nadama ang humihikayat na kapangyarihang kasama ng mensaheng, “Narito na ang Lalaking ikakasal!”ADP 232.5

    Noong panahong iyon ay nagkaroon ng pananampalatayang nagdala ng mga kasagutan sa panalangin—pananampalatayang kumikilala sa bayad-pagal ng gantimpala. Gaya ng ambon sa uhaw na lupa, ang Espiritu ng biyaya ay bumaba sa mga maaalab na naghahanap. Yung mga umasa na hindi na magtatagal pa at mukhaan na nilang makakaharap ang kanilang Manunubos ay nakadama ng banal na katuwaang hindi mabigkas. Tinunaw ng nagpapalambot at nagpapasukong kapangyarihan ng Banal na Espiritu ang kanilang mga puso habang ibinubuhos Niya nang may masaganang sukat sa mga tapat na sumasampalataya ang Kanyang pagpapala.ADP 233.1

    Maingat at taimtim na sinapit nung mga nagsitanggap sa mensahe ang panahong inaasahan nilang makikita ang kanilang Panginoon. Tuwing umaga ay nadarama nilang tungkulin nilang tiyakin ang katibayan na sila nga’y tinatanggap ng Diyos. Ang kanilang mga puso’y malapit na nagkakaisa, at sila’y labis na dumadalanging magkakasama at para sa isa’t isa. Madalas silang nagkakatipon sa mga liblib na lugar upang makipag-ugnayan sa Diyos, at ang tinig ng pamamagitan ay pumailanglang mula sa mga bukid at kakahuyan. Ang katiyakan ng pagsang-ayon ng Tagapagligtas ay mas kailangan nilang higit kaysa sa pang-arawaraw na pagkain; at kapag pinakulimlim ng ulap ang kanilang isipan, hindi sila tumitigil hanggang ito’y hindi napaparam. Sa pagkadama nila sa katibayan ng biyayang nagpapatawad, ay nasasabik silang makita Siya na minamahal ng kanilang kaluluwa.ADP 233.2

    Subalit sila’y muling nakatalagang mabigo. Lumipas ang panahong hinihintay, ngunit ang kanilang Tagapagligtas ay hindi nagpakita. May matibay na pagtitiwalang sila’y umasa sa Kanyang pagdating, ngunit ngayo’y nadama nila ang gaya kay Maria, noong siya’y dumating sa libingan ng Taga-pagligtas at masumpungang ito’y walang laman, siya’y napabulalas na umiyak, “Kinuha nila ang aking Panginoon, at hindi ko alam kung saan nila Siya inilagay” (Juan 20:13).ADP 233.3

    Isang pagkasindak, takot na baka totoo nga ang mensahe ang siyang pansamantalang nakapigil sa sanlibutang hindi naniniwala. Nang lumipas ang panahong hinihintay, ang takot na ito ay hindi agad nawala; hindi muna sila nagdiwang dahil sa mga nangabigo; ngunit nang walang nakitang palatandaan ng galit ng Diyos, nakabawi sila mula sa pagkatakot, at itinuloy ang kanilang paninira at panlilibak. Malaking bilang ng nagpahayag ng pananampalataya sa nalalapit na pagparito ng Panginoon ang nagtakwil sa kanilang pananampalataya. Yung ibang labis na nagtiwala ay napakalalim na nasugatan ang dangal, anupa’t parang gusto na nilang makatakas sa sanlibutan. Gaya ni Jonas, sila’y dumaing sa Diyos, at mas pinili pang mamatay kaysa mabuhay. Yung mga nagsalig ng kanilang pananampalataya sa mga pala-palagay ng iba at hindi sa Salita ng Diyos, ay ganon din kahanda ngayong magbago uli ng kanilang mga paniniwala. Nakuha ng mga nanlilibak sa kanilang panig yung mahihina at mga duwag at lahat ng mga ito ay sumama sa pagsasabing wala na ngayong ikatatakot o aasahan pa. Ang panahon ay lumipas na, ang Panginoon ay hindi dumating, at maaaring gaya pa rin ng dati ang sanlibutan sa ilan pang libong taon.ADP 233.4

    Iniwan ng mga masisigasig at tapat na mananampalataya ang lahat para kay Cristo, at nakabahagi ang Kanyang presensya ng higit kaysa dati. Gaya ng kanilang pinaniniwalaan ay naibigay nila ang kahulihulihan nilang babala sa sanlibutan; at sa pag-asang sandali na lang at tatanggapin na sila sa lipunan ng kanilang banal na Panginoon at ng mga anghel sa langit, ay lumayo sila sa pakikisama ng mga hindi nagsitanggap sa mensahe. May matinding pagnanasang sila’y dumalangin: “Dumating Ka na nawa Panginoong Jesus, dumating Ka na agad.” Ngunit Siya’y hindi dumating. At ngayon, ang muling pagpasan sa mabigat na dalahin ng mga alalahanin at kaguluhan sa buhay, at ang pagtitiis ng mga panlalait at pangungutya ng nanlilibak na sanlibutan, ay isang kakila-kilabot na pagsubok sa kanilang pananampalataya at pagtitiis.ADP 233.5

    Subalit ang kabiguang ito ay hindi kasinlaki nung naranasan ng mga alagad noong panahon ng unang pagparito ni Cristo. Nang si Jesus ay matagumpay na pumapasok sa Jerusalem, ang Kanyang mga tagasunod ay naniniwala na uupo na Siya sa trono ni David at ililigtas na ang Israel mula sa mga umaapi rito. May matayog na pag-asa at masayang pag-asam silang nagpaligsahan sa isa’t isa sa pagpaparangal sa kanilang Hari. Marami ang naglatag ng kanilang panlabas na kasuotan bilang karpet sa Kanyang daraanan o kaya’y nagkalat sa harap Niya ng mga dahon ng palma. Sa kanilang masiglang kagalakan sila’y nagkaisa sa masayang pagbubunyi, “Hosana sa Anak ni David!” Nang ang mga Fariseo na nabulabog at nagalit dahil sa silakbo ng kagalakang ito ay gustong ipasaway kay Jesus ang Kanyang mga alagad ay sumagot Siya, “Kung tatahimik ang mga ito, ang mga bato’y sisigaw” (Lucas 19:40). Ang hula ay kailangang matupad. Isinasakatuparan ng mga alagad ang panukala ng Diyos, gayunma’y nakatakda pa rin silang magdanas ng matinding kabiguan. Subalit lumipas ang ilan pang araw bago nila nasaksihan ang napakasaklap na kamatayan ng Tagapagligtas at Siya’y inilibing nila. Ang kanilang inaasahan ay hindi natupad ni isa man, at ang kanilang pag-asa ay namatay kasabay ni Jesus. Naunawaan lamang nila noong matagumpay nang lumabas sa libingan ang kanilang Panginoon na ang lahat nga pala ay inihula sa mga propesiya, na “kailangang magdusa ang Cristo at muling mabuhay mula sa mga patay” (Gawa 17:3).ADP 234.1

    Limang daang taon bago pa ito mangyari, ay sinabi na ng Panginoon sa pamamagitan ni propeta Zacarias, “Magalak ka nang husto, O anak na babae ng Zion! Sumigaw ka nang malakas, O anak na babae ng Jerusalem! Narito, ang iyong Hari ay dumarating sa iyo; Siya’y matuwid at matagumpay, mapagpakumbaba at nakasakay sa isang asno, sa isang batang asno na anak ng asnong babae” (Zacarias 9:9). Kung nalaman lang ng mga alagad na si Cristo’y dadaan sa paghatol at sa kamatayan, hindi sana nila natupad ang hulang ito.ADP 234.2

    Sa ganon ding paraan, natupad ni Miller at ng mga kasama niya ang hula, at ipinahayag nila ang mensaheng inihula ng Inspirasyon na dapat ipahayag sa sanlibutan, ngunit ito’y hindi sana nila naipahayag kung lubos nilang naunawaan ang mga hulang tumutukoy sa kanilang pagkabigo at nagpapahayag ng isa pang mensaheng dapat maipangaral sa lahat ng mga bansa bago dumating ang Panginoon. Ang mensahe ng una at ikalawang anghel ay naipahayag sa tamang panahon, at naisagawa ang gawaing hangad ng Diyos na matapos nila.ADP 234.3

    Ang sanlibutan ay nag-aabang, umaasa na kung makalipas na ang panahon at si Cristo ay di pa rin napakita, ang buong sistema ng Adventismo ay titigil na. Ngunit bagaman maraming nagsuko ng kanilang pananampalataya dahil sa napakatinding tukso, may iba namang tumayong matatag. Ang mga bunga ng Kilusang Adventista, ang espiritu ng pagpapakumbaba at pagsisiyasat ng puso, ng pagtalikod sa sanlibutan at ng pagbabagong buhay, na kasama ng gawain, ay nagpatotoo na iyon nga’y sa Diyos. Hindi sila nangahas na itanggi na ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu ay sumaksi sa pangangaral ng mensahe tungkol sa ikalawang pagdating at wala silang makitang pagkakamali sa pagbilang nila ng mga panahong ukol sa propesiya. Ang pinakamagaling sa kanilang mga kalaban ay hindi nagtagumpay sa pagpapabagsak ng sistema nila sa pagpapaliwanag ng hula. Kung walang patunay sa Biblia, hindi sila makapapayag na iwan ang mga paniniwalang narating ng mga isipang pinagliwanag ng Espiritu ng Diyos at ng mga pusong nag-aalab sa buhay na kapangyarihan nito, sa pamamagitan ng taimtim at may pananalanging pag-aaral ng Kasulatan; mga paniniwalang napanindigan ang mga pinakamapanuring kritisismo at pinakamatitinding pagsalungat ng mga sikat na tagapagturo ng relihiyon at ng mga matatalino sa mga bagay ng sanlibutan, at tumayo ring matatag laban sa pinagsama-samang lakas ng karunungan at galing sa pagsasalita, at pati ng mga paghamak at panlalait ng mga kagalang-galang at ng mga hamak.ADP 234.4

    Oo nga, nagkaroon ng kabiguan ukol sa inaasahang pangyayari, ngunit maging ito ay hindi kayang yanigin ang kanilang pananalig sa Salita ng Diyos. Noong ipahayag ni Jonas sa mga lansangan ng Ninive na sa loob na lang ng 40 araw ay pababagsakin na ang lunsod, ang pagpapakumbaba ng mga taga-Ninive ay tinanggap ng Panginoon at pinatagal pa ang panahon ng palugit sa kanila; gayunma’y Diyos pa rin ang nagpadala sa mensahe ni Jonas, at ang Ninive ay nasubok ayon sa Kanyang kalooban. Naniniwala ang mga Adventista na sa ganon ding paraan ay pinangunahan sila ng Diyos upang ipangaral ang babala tungkol sa paghuhukom. Ang sabi nila, “Sinubok nito ang mga puso ng lahat ng nakarinig nito, at ginising ang pagnanais nila para sa pagpapakita ng Panginoon; o kaya nama’y naglabas ng pagkamuhi sa Kanyang pagdating, halata man o hindi, ngunit alam ng Diyos. Ito’y gumuhit ng linya... upang yung mga nagsisiyasat ng kanilang mga puso ay malaman kung saang panig nito sila masusumpungan kung ang Panginoon ay dumating noon—kung makakasigaw kaya sila, ‘Ito’y ating Diyos; hinintay natin Siya at ililigtas Niya tayo;” o kung kanilang tatawagin ang mga bato at bundok na tabunan sila para itago mula sa mukha Niyang nakaupo sa trono at mula sa galit ng Kordero. Gaya ng aming paniniwala, ganyan sinuri ng Diyos ang Kanyang bayan, sinubok ang kanilang pananampalataya, pinatunayan sila at tiningnan kung sila’y uurong sa panahon ng pagsubok, mula sa kalagayan na maaaring nakikita Niyang nararapat na paglagyan sa kanila, at kung kanila bang iiwanan ang sanlibutang ito, at may lubos na tiwalang aasa sa Salita ng Diyos.”— The Advent Herald and Signs of the Times Reporter, vol. 8, No. 14 (November 13, 1844).ADP 234.5

    Ang damdamin nung mga naniniwala pa ring pinangunahan sila ng Diyos sa kanilang nakaraang karanasan ay naipahayag sa mga sinabi ni William Miller: “Kung maipamumuhay ko lang uli ang aking buhay, na may ganon ding katibayan na meron ako, bilang katapatan sa Diyos at sa tao, ay maaaring ganon pa rin ang gagawin ko.” “Umaasa ako na nalinis ko ang aking kasuotan mula sa dugo ng mga kaluluwa. Nadadama ko na hangga’t magagawa ko, ay napalaya ko ang aking sarili mula sa lahat ng kasalanan ng pagkakahatol sa kanila.” “Bagaman dalawang beses akong nabigo,” ang sulat ng lalaking ito ng Diyos, “hindi pa rin ako nalulungkot o pinanghihinaan ng loob.... Ang pag-asa ko sa muling pagparito ni Cristo ay matibay pa rin gaya ng dati. Ginawa ko lamang kung ano ang nadama kong banal na katungkulan ko pagkataposADP 235.1

    ng maraming taon ng taimtim na pag-aaral. Kung nagkamali man ako, iyon ay sa panig ng pagkakawanggawa, pagmamahal sa aking kapwa, at pagkadama ng tungkulin sa Diyos.” “Isang bagay ang talagang alam ko, wala akong ipinangaral kundi yung pinaniwalaan ko lang; at ang Diyos ay kasama ko; ang kapangyarihan Niya ay nakita sa gawain, at malaking kabutihan ang naisagawa.” “Sa buong nakikita ng tao, libu-libo ang naihatid sa pag-aaral ng Kasulatan dahil sa pangangaral tungkol sa panahon; at sa pamamagitan niyan ay naipagkasundo sila sa Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya at ng pagwiwisik ng dugo ni Cristo.”—Bliss, pahina 256, 255, 277, 280, 281. “Hindi ko kailanman sinuyo ang ngiti ng mga mapagmalaki, ni natakot nang sumimangot ang sanlibutan. Hindi ko naman ngayon bibilhin ang kanilang pagsang-ayon, ni lumampas man sa aking tungkulin para ibuyo ang kanilang galit. Hindi ko kailanman hahanapin ang aking buhay sa kanilang mga kamay, at inaasahan kong hindi ako mangungurong na mawala ito, kung iyan ang kagustuhan ng Diyos ayon sa Kanyang mabuting pamamatnubay”—J. White, Life of Wm. Miller, p. 315.ADP 235.2

    Hindi pinabayaan ng Diyos ang Kanyang bayan; ang Kanyang Espiritu ay patuloy pa ring nananahan doon sa mga hindi padalusdalos na nagtakwil sa liwanag na kanilang natanggap, at tumuligsa sa Kilusang Adventista. Sa sulat sa mga Hebreo ay may mga salitang pampalakas-loob at babala para sa mga sinusubok, mga naghihintay sa panahong ito ng krisis: “Kaya’t huwag ninyong itakwil ang inyong pagtitiwala na may dakilang gantimpala. Sapagkat kailangan ninyo ng pagtitiis, upang kapag inyong nagampanan ang kalooban ng Diyos ay tanggapin ninyo ang pangako. Sapagkat ‘sa sandaling panahon, ang Siyang dumarating ay darating, at hindi maaantala. Ngunit ang Aking matuwid na lingkod ay mabubuhay sa pananampalataya. Ngunit kung siya’y tumalikod, ang Aking kaluluwa ay hindi malulugod sa kanya.’ Ngunit tayo’y hindi kabilang sa mga umuurong kaya’t sila’y napapahamak, kundi kabilang sa mga may pananampalataya kaya’t naliligtas” (Hebreo 10:35-39).ADP 235.3

    Malinaw na ang mga payong ito ay iniuukol sa iglesya sa mga huling araw dahil sa mga salitang tumutukoy sa kalapitan ng pagdating ng Panginoon; “Sapagkat sa sandaling panahon, ang Siyang dumarating ay darating, at hindi maaantala.” At maliwanag na ipinahiwatig na magkakaroon ng parang pagkaantala at ang Panginoon ay parang magtatagal pa. Ang tagubilin na ibinigay dito ay lalo nang angkop sa karanasan ng mga Adventista sa panahong ito. Ang mga taong pinagsasabihan dito ay nasa panganib na mawasak ang pananampalataya. Isinagawa nila ang kalooban ng Diyos sa pagsunod sa patnubay ng Espiritu ng Diyos at ng Kanyang Salita; ngunit hindi nila maunawaan ang Kanyang layunin sa nakaraan nilang karanasan, ni makita ang daang nasa harapan nila, at natukso silang magalinlangan kung talaga nga bang pinangungunahan sila ng Diyos. Sa panahong ito naaangkop ang mga salitang: “Ang matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya.” Habang ang maliwanag na ilawan ng “sigaw sa hatinggabi” ay tumatanglaw sa kanilang dinaraanan, at nakita nilang nabubuksan ang mga hula at ang mabilis na katuparan ng mga tanda, na nagsasabing si Cristo’y malapit na, sila’y nagsilakad sa pamamagitan ng paningin, kung baga. Subalit ngayong nakayuko dahil sa nabigong pag-asa, makatatayo lamang sila sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos at sa Kanyang Salita. Sinasabi ng nanlilibak na sanlibutan, “Kayo’y nadaya. Talikuran n’yo na ang inyong pananampalataya at sabihin na ang Kilusang Adventista ay kay Satanas.” Subalit sinasabi ng Salita ng Diyos: “Kung ang sinuman ay tumalikod, ang Aking kaluluwa ay hindi malulugod sa kanya.” Ang itakwil ang kanilang pananampalataya ngayon, at pabulaanan ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu na nakasama ng mensahe, ay pagtalikod tungo sa kapahamakan. Sila’y hinimok na maging matatag ng mga salita ni Pablo, “Kaya’t huwag ninyong itakwil ang inyong pagtitiwala;” “kailangan ninyo ng pagtitiis,” “sapagkat sa sandaling panahon, ang Siyang dumarating ay darating, at hindi maaantala.” Ang tanging ligtas na hakbangin nila ay ang pakamahalin ang liwanag na natanggap na nila mula sa Diyos, manghawak nang matibay sa Kanyang mga pangako, magpatuloy sa pagsasaliksik ng Kasulatan at matiyagang maghintay at mag-abang na tumanggap ng higit pang liwanag.ADP 235.4

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents