Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    23—Ano ang Santuwaryo?

    Ang talata na higit sa lahat ng iba pa ay naging pundasyon at panggitnang haligi ng pananampalatayang Adventista, ay ang deklarasyong, “Hanggang sa dalawang libo at tatlong daang hapon at umaga; pagkatapos ay malilinis ang santuwaryo” (Daniel 8:14). Ito’y mga salitang alam na alam ng lahat ng sumasampalataya sa nalalapit na pagdating ng Panginoon. Sa labi ng libu-libong tao ay inuulit-ulit ang propesiyang ito bilang salawikain ng kanilang pananampalataya. Nadama ng lahat na sa mga pangyayaring inihula roon nakasalalay ang kanilang mga pinakamaningning na inaasahan at pinakaiingat-ingatang pag-asa. Ang mga araw na ito ukol sa hula ay naipakita nang matatapos sa taglagas ng 1844.ADP 236.1

    Katulad ng iba pa sa daigdig ng Kristiyanismo, ang mga Adventista noon ay naniniwala na ang lupa, o kaya’y ang ilang bahagi nito, ay siyang santuwaryo. Ang pagkaunawa nila sa paglilinis ng santuwaryo ay ang paglinis sa lupa sa pamamagitan ng apoy ng huling dakilang araw, at ito’y mangyayari sa ikalawang pagparito. Kaya nasabi nilang si Cristo’y babalik sa lupa noong 1844.ADP 236.2

    Ngunit lumipas ang panahong itinakda nila, at ang Panginoon ay hindi napakita. Alam ng mga mananampalataya na ang Salita ng Diyos ay hindi maaaring magkamali, baka ang paliwanag nila sa hula ang may mali, ngunit nasaan ang pagkakamali? Marami ang padalus-dalos na pumutol sa buhol ng suliraning ito sa pamamagitan ng pagtatakwil na ang 2,300 araw ay nagtapos noong 1844. Wala silang maibigay na katwiran dito maliban sa hindi pagdating ni Cristo sa panahong inaasahan nila Siya. Kanilang ikinatwiran na kung ang mga araw ukol sa hula ay nagtapos nga noong 1844, si Cristo ay dumating na sana upang linisin ang santuwaryo sa pamamagitan ng paglilinis ng lupa sa apoy; at dahil hindi Siya dumating, hindi maaaring natapos na ang mga araw na iyon.ADP 236.3

    Ang tanggapin ang palagay na ito ay nangangahulugang pagtatakwil sa unang pagbilang ng mga panahong ukol sa hula. Ang 2,300 araw ay nasumpungang nagpasimula noong magkabisa ang utos ni Artaxerxes na panumbalikin at itayo ang Jerusalem noong taglagas ng 457 B.C. Nang kunin ito bilang pinakasimula, nagkaroon ng ganap na pagkakatugma sa pag-uukol ng lahat ng pangyayaring inihula sa paliwanag ng panahong iyon na nasa Daniel 9:25-27. Ang 69 na sanlinggo, ang unang 483 taon ng 2,300 taon, ay dapat makaabot sa Mesiyas, na Siyang Pinahiran; at ang pagkakabautismo at pagkakapahid ng Banal na Espiritu kay Cristo noong 27 A.D., ay tumpak na tinupad ang detalye. Sa kalagitnaan ng ika-70 sanlinggo, ang Mesiyas ay mahihiwalay. Tatlo’t kalahating taon pagkatapos ng Kanyang bautismo, si Cristo ay ipinako sa krus noong tagsibol ng 31 A.D. Ang 70 sanlinggo o 490 taon ay tanging nauukol sa mga Judio. Sa pagtatapos ng panahong ito, tinatakan ng bansang ito ang pagtatakwil kay Cristo sa pamamagitan ng pag-usig sa Kanyang mga alagad, at ang mga apostol ay pumunta sa mga Hentil noong 34 A.D. Dahil natapos na noon ang unang 490 taon ng 2,300 taon, 1810 taon na lang ang matitira. Mula 34 A.D., ang 1810 taon ay papatak sa 1844. “Kung magkagayon,” sabi ng anghel, “ay malilinis ang santuwaryo.” Ang lahat ng naunang mga detalye ng hula ay walangdudang natupad sa panahong itinakda.ADP 237.1

    Sa ganitong pagbilang, ang lahat ay malinaw at nagkakaayon, maliban nga lamang sa wala silang nakitang anumang pangyayaring naganap noong 1844 na tumutugon sa paglilinis ng santuwaryo. Ang itanggi na ang 2,300 araw ay nagtapos na sa panahong iyon ay paggulo sa buong paksa, at pagtatakwil sa mga paniniwalang naitatag na sa pamamagitan ng mga hindi magkakamaling katuparan ng hula.ADP 237.2

    Ngunit pinangunahan ng Diyos ang Kanyang bayan sa dakilang Kilusang Adventista; ang Kanyang kapangyarihan at kaluwalhatian ay pumatnubay sa gawain at hindi Niya papayagan na ito’y matapos sa karimlan at kabiguan, na ito’y hamakin bilang isang huwad at panatikong katuwaan. Hindi Niya hahayaang mabalot sa pag-aalinlangan at kalabuan ang Kanyang Salita. Bagaman marami nang tumalikod sa una nilang pagbilang ng mga panahong ukol sa hula, at pinasinungalingan ang katumpakan ng kilusang batay dito, ang iba naman ay ayaw talikuran ang mga katwiran ng pananampalataya at karanasang pinatutunayan ng Kasulatan at ng pagpapatotoo ng Espiritu ng Diyos. Sila’y naniniwala na sinunod nila ang mga tamang prinsipyo ng pagpapaliwanag sa kanilang pag-aaral ng mga hula, na tungkulin nila ang panghawakang matibay ang mga katotohanang nakamit na, at ipagpatuloy pa ang ganon ding hakbangin ng pagsasaliksik ng Biblia. Sa taimtim na pananalangin ay muli nilang sinuri ang paninindigan nila, at pinag-aralan ang mga Kasulatan para makita ang kanilang pagkakamali. At nang wala silang makitang pagkakamali sa kanilang pagbilang ng mga panahong ukol sa hula, nahimok silang mas masinsinan pang suriin ang paksa tungkol sa santuwaryo.ADP 237.3

    Sa kanilang pagsisiyasat ay nalaman nilang walang patunay sa Kasulatan na umaayon sa karaniwang paniniwala na ang lupa raw ang siyang santuwaryo; kundi natuklasan nila sa Biblia ang isang buong paliwanag tungkol sa paksa ng santuwaryo, sa likas, kinaroroonan, at mga paglilingkod nito; ang patotoo ng mga banal na manunulat ng kasulatan ay napakalinaw at talagang sapat anupa’t wala nang sukat na ipag-alinlangan pa ukol sa bagay na ito. Ang sabi ni apostol Pablo sa sulat sa mga Hebreo: “Ngayon, maging ang unang tipan ay nagkaroon ng mga alituntunin sa pagsamba at ng isang panlupang santuwaryo. Sapagkat inihanda ang unang tabernakulo na kinaroroonan ng ilawan, dulang, at ng mga tinapay na handog; ito ay tinatawag na Dakong Banal. Sa likod ng ikalawang tabing ay ang tabernakulo na tinatawag na Dakong Kabanal-banalan. Dito ay nakatayo ang isang gintong dambana ng insenso at ang kaban ng tipan na ang paligid ay nababalutan ng ginto, na siyang kinaroroonan ng sisidlang-ginto na kinalalagyan ng manna at ng tungkod ni Aaron na namulaklak, at ang mga tapyas na bato ng tipan. Sa ibabaw nito ay ang mga kerubin ng kaluwalhatian na lumililim sa trono ng awa” (Hebreo 9:1-5).ADP 237.4

    Ang santuwaryo na tinutukoy ni Pablo dito ay ang tabernakulong itinayo ni Moises sa utos ng Diyos bilang pinakatirahang dako ng Kataas-taasan sa lupa. “Igawa nila Ako ng isang santuwaryo upang Ako’y makapanirahan sa gitna nila” (Exodo 25:8), ay siyang utos na ibinigay kay Moises habang siya’y nasa bundok kasama ng Diyos. Ang mga Israelita noon ay naglalakbay sa ilang at ang tabernakulo ay sadyang niyari para ito’y maaaring mailipat-lipat sa kung saan mang lugar; gayunman ito’y isang kayarian na talagang napakaganda. Ang mga dingding nito ay binubuo ng mga tablang patayo na binalutan nang husto ng ginto, at ikinakabit sa mga patungang pilak; samantalang ang bubong naman ay binubuo ng hilera ng mga kurtina, o tabing; ang sa labas ay yari sa balat ng hayop, at sa pinakaloob ay yari sa pinong lino na magandang nabuburdahan ng mga anyo ng kerubin. Bukod sa bulwagan sa labas, na kinaroroonan ng dambana ng handog na sinusunog, ang tabernakulo mismo ay binubuo ng dalawang silid na tinatawag na banal at kabanal-banalang dako, na pinaghihiwalay ng isang mamahalin at magandang kurtina, o tabing; may ganon ding tabing na nagsasara sa pasukan ng unang silid.ADP 237.5

    Sa gawing timog ng dakong banal ay naroon ang ilawan na may pitong sanga na nagbibigay-liwanag sa santuwaryo sa araw at gabi; sa hilaga naman ay nakalagay ang hapag ng tinapay; at sa harapan ng tabing na naghihiwalay sa banal at kabanal-banalang dako, ay naroon ang gintong dambana ng insenso na mula rito’y pumapailanglang araw-araw sa harapan ng Diyos ang mabangong usok, kasama ang mga panalangin ng Israel.ADP 238.1

    Sa kabanal-banalang dako ay nakalagay ang kaban, isang kahon na yari sa mamahaling kahoy na binalutan ng ginto, na siyang taguan ng dalawang tapyas na bato na pinagsulatan ng Diyos ng Sampung Utos. Sa ibabaw ng kaban, ay ang luklukan ng awa na siyang pinakatakip ng banal na kahon, isang napakagandang piraso ng kahusayan sa pagyari, na pinatungan ng dalawang kerubin na ang bawat isa’y nasa magkabilang dulo, parehong gawa sa purong ginto. Sa silid na ito nahahayag ang banal na presensya sa ulap ng kaluwalhatian sa pagitan ng dalawang kerubin.ADP 238.2

    Nang manirahan na ang mga Hebreo sa Canaan, ang tabernakulo ay napalitan ng templo ni Solomon, na bagaman isang permanenteng gusali at mas malaki, ay sinunod ang ganon ding sukat at may ganon ding mga kagamitan. Sa ganitong hitsura namalagi ang santuwaryo—maliban noong ito’y mawasak sa kapanahunan ni Daniel—hanggang noong lubusang wasakin ito ng mga Romano noong 70 A.D.ADP 238.3

    Ito lamang ang santuwaryong lumitaw sa lupa, na ipinagbibigay-alam ng Biblia. Ito ang sinasabi ni Pablong santuwaryo ng unang tipan. Ngunit wala bang santuwaryo ang bagong tipan?ADP 238.4

    Nang balikan ang aklat ng Hebreo, natuklasan ng mga naghahanap sa katotohanan na ang pagkakaroon ng ikalawang santuwaryo, o santuwaryo ng bagong tipan ay ipinahiwatig ng mga nabanggit nang salita ni Pablo: “Ngayon, maging ang unang tipan ay nagkaroon ng mga alituntunin sa pagsamba at ng isang panlupang santuwaryo.” At ang paggamit ng salitang “maging” ay nagpapahiwatig na una nang nabanggit ni Pablo ang tungkol sa ikalawang santu-waryong ito. Kung babalik sa umpisa ng sinundang kapitulo, ay mababasa ang ganito: “Ngayon, ang pangunahing bagay na aming sinasabi ay ito: Mayroon tayong gayong Pinakapunong Pari na nakaupo sa kanan ng trono ng Kamahalan sa kalangitan, isang ministro sa santuwaryo at sa tunay na tabernakulo na itinayo ng Panginoon, hindi ng tao” (Hebreo 8:1, 2).ADP 238.5

    Dito’y nabubunyag ang santuwaryo ng bagong tipan. Ang santuwaryo ng unang tipan ay itinayo ng tao, ginawa ni Moises; itong isa naman ay itinayo ng Panginoon, hindi ng tao. Sa santuwaryong iyon ay ginagampanan ng mga paring tao ang kanilang paglilingkod; sa isang ito naman, si Cristo na ating dakilang Punong Pari ay naglilingkod sa kanan ng Diyos. Ang isang santuwaryo ay nasa lupa, ang isa naman ay nasa langit.ADP 238.6

    Bukod pa dito, ang tabernakulong itinayo ni Moises ay may pinagtularan. Inutusan siya ng Panginoon na, “Ayon sa lahat ng Aking ipinakita sa iyo, sa anyong huwaran ng tabernakulo at sa anyong huwaran ng lahat ng kasangkapan niyon ay gayon ninyo gagawin.” At muli ang utos na ito ay ibinigay, “Tiyakin mong gawin ang mga iyon ayon sa anyong huwaran ng mga iyon na ipinakita sa iyo sa bundok” (Exodo 25:9, 40). At sinasabi ni Pablo na ang unang tabernakulo “ay isang sagisag ng panahong kasalukuyan, na sa panahong iyon ang mga kaloob at mga alay [ay] inihahandog;” na ang mga banal na dako nito ay “sinipi mula sa mga bagay sa kalangitan;” na ang mga paring naghahandog ng mga kaloob ayon sa kautusan, ay naglingkod “sa anyo at anino ng makalangit na santuwaryo,” at “si Cristo ay hindi pumasok sa santuwaryo na ginawa ng mga kamay ng tao na mga kahalintulad lamang ng mga tunay na bagay, kundi sa mismong langit, upang dumulog ngayon sa harapan ng Diyos para sa atin” (Hebreo 9:9, 23; 8:5; 9:24).ADP 238.7

    Ang santuwaryo sa langit, kung saan si Cristo ay naglilingkod para sa kapakanan natin ay siyang dakilang orihinal na pinagkopyahan ng santuwaryong itinayo ni Moises. Inilagay ng Diyos ang Kanyang Espiritu sa mga tagapagtayo ng santuwaryo sa lupa. Ang masining na kakayanang natanghal sa pagtatayo nito ay isang kapahayagan ng banal na karunungan. Ang hitsura ng mga dingding ay parang malalaki’t buong ginto, na ibinabalik sa lahat ng direksyon ang liwanag ng pitong ilaw ng gintong ilawan. Ang hapag ng tinapay, ang dambana ng insenso ay kumikinang na gaya ng pinakintab na ginto. Ang mariringal na kurtinang bumubuo sa kisame, na binurdahan ng mga anyo ng mga anghel na kulay asul, ube, at pula, ay dumagdag sa ganda ng tanawin. Sa kabila naman ng ikalawang tabing ay ang banal na shekinah, ang nakikitang kapahayagan ng kaluwalhatian ng Diyos, na sa harapan nito’y walang iba kundi ang punong pari lamang ang maaaring makapasok nang buhayADP 239.1

    Ang di-matutularang karilagan ng tabernakulo sa lupa ay siyang nagpakita sa paningin ng tao sa mga kaluwalhatian ng makalangit na templong iyon sa langit, kung saan si Cristo na tagauna natin ay naglilingkod para sa atin sa harapan ng trono ng Diyos. Ang tirahang lugar ng Hari ng mga hari, kung saan libu-libo ang naglilingkod sa Kanya, at laksa-laksa ang nakatayo sa harapan Niya (Daniel 7:10); ang templong iyon, na puspos ng kaluwalhatian ng walang hanggang luklukan, na sa pagsamba ay nagtatakip ng kanilang mga mukha ang mga serafin, na silang maniningning na bantay nito, ay nagkaroon ng malabo lamang na anino ng lawak at kaluwalhatian nito sa pinakamaringal na gusaling naitayo ng mga kamay ng tao. Gayunman ang mahahalagang katotohanan na tungkol sa santuwaryo sa langit at sa dakilang gawaing isinusulong doon para sa katubusan ng tao ay itinuturo ng santuwaryo sa lupa at ng mga paglilingkod nito.ADP 239.2

    Ang mga banal na dako ng santuwaryo sa langit ay kinakatawanan ng dalawang silid ng santuwaryo sa lupa. At nang sa pangitain ay payagan si apostol Juan na makita ang templo ng Diyos sa langit, nakita niya doon ang “pitong nagniningas na ilawan ng apoy sa harapan ng trono” (Apocalipsis 4:5). Nakita niya ang isang anghel “na may hawak na isang gintong lalagyan ng insenso; at binigyan siya ng maraming insenso, upang idagdag ito sa mga panalangin ng lahat ng mga banal sa ibabaw ng dambanang ginto, na nasa harapan ng trono” (Apoca-lipsis 8:3). Dito’y pinayagan ang propeta na makita ang unang silid ng santuwaryo sa langit; at nakita niya doon ang “pitong nagniningas na ilawan ng apoy” at ang “dambanang ginto,” na kinakatawanan ng gintong ilawan at ng dambana ng insenso sa santuwaryo sa lupa. Muling “nabuksan ang templo ng Diyos” (Apocalipsis 11:19), at siya’y tumingin sa loob ng tabing, doon sa kabanal-banalan. Dito ay nakita niya ang “kaban ng Kanyang tipan,” na kinakatawanan ng banal na kahon na ginawa ni Moises para paglagyan ng kautusan ng Diyos.ADP 239.3

    Sa gayon, yung mga nag-aaral sa paksang ito ay nakatagpo ng hindi matututulang patunay na meron ngang santuwaryo sa langit. Ginawa ni Moises ang santuwaryo sa lupa ayon sa huwarang ipinakita sa kanya. Itinuturo ni Pablo na ang huwarang iyon ay siyang tunay na santuwaryo na nasa langit. At si Juan ay nagpapatunay na nakita niya iyon sa langit.ADP 239.4

    Sa templo sa langit na siyang tirahang dako ng Diyos, ang Kanyang trono ay nakatatag sa katuwiran at katarungan. Sa kabanal-banalang dako ay naroon ang Kanyang kautusan, ang dakilang alituntunin ng katuwiran na susuri sa buong sangkatauhan. Ang kaban na pinagtatabihan ng mga tapyas ng kautusan ay tinatakpan ng luklukan ng awa, na sa harap nito’y isinasamo ni Cristo ang Kanyang dugo para sa makasalanan. Ganyan inilalarawan ang pagsasanib ng katarungan at kaawaan sa panukala ng pagtubos sa tao. Ang pagsasanib na ito ay maiisip lamang ng walang-hanggang karunungan, at maisasagawa lamang ng walanghanggang kapangyarihan; ito’y pagsasanib na pumuno sa buong kalangitan ng pagkamangha at pagsamba. Ang mga kerubin ng santuwaryo sa lupa, na magalang na nakamasid sa luklukan ng awa, ay kumakatawan sa sabik na pagmamasid ng buong hukbo ng kalangitan sa gawain ng pagtubos. Ito ang hiwaga ng kaawaan na gustong mamasdan ng mga anghel—na ang Diyos ay maaaring maging makatarungan samantalang pinapawalang-sala Niya ang nagsisising makasalanan, at pinanunumbalik ang Kanyang pakikipag-ugnayan sa sangkatauhang nagkasala; na kaya ni Cristong yumukod upang hanguin ang hindi mabilang na karamihan mula sa kalaliman ng pagkapahamak, at bihisan sila ng napakalinis na kasuotan ng sarili Niyang katuwiran, upang makasama ng mga anghel na hindi nagkasala, at manahanan sa harapan ng Diyos magpasawalang-hanggan.ADP 239.5

    Ang gawain ni Cristo bilang tagapamagitan ng tao ay itinanghal sa napakagandang hulang iyon ni propeta Zacarias tungkol sa Kanya na “ang pangala’y Sanga.” Ang sabi ng propeta: “Siya ang magtatayo ng templo ng Panginoon at Siya’y magtataglay ng karangalan, at Siya’y uupo at mamumuno sa Kanyang trono [ng Ama]. At Siya’y magiging pari sa Kanyang trono at ang payo ng kapayapaan ay nasa pagitan Nila” (Zacarias 6:12, 13).ADP 240.1

    “Siya ang magtatayo ng templo ng Panginoon.” Sa pamamagitan ng Kanyang sakripisyo at pamamagitan, si Cristo ay parehong pundasyon at tagapagtayo ng iglesya ng Diyos. Itinuturo Siya ni apostol Pablo bilang “Batong Panulok. Sa Kanya ang buong gusali ay nakalapat na mabuti at lumalaki tungo sa pagiging isang banal na templo sa Panginoon; na sa Kanya,” sabi niya, “kayo rin ay magkasamang itinatayo upang maging tahanan ng Diyos sa Espiritu” (Efeso 2:20-22).ADP 240.2

    “Siya’y magtataglay ng karangalan.” Kay Cristo nauukol ang kaluwalhatian ng pagtubos para sa nagkasalang lahi. Sa buong walang-hanggang panahon, ang awit ng mga natubos ay, “Doon sa umiibig sa atin, at sa nagpalaya sa atin mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang dugo;... Sumakanya ang kaluwalhatian at ang paghahari magpakailanpaman” (Apocalipsis 1:5, 6).ADP 240.3

    “Siya’y uupo at mamumuno sa Kanyang trono. At Siya’y magiging pari sa Kanyang trono.” Hindi pa ngayon “sa trono ng Kanyang kaluwalhatian;” ang kaharian ng kaluwalhatian ay hindi pa nagsisimula. Hangga’t hindi pa natatapos ang Kanyang gawain bilang tagapamagitan ay hindi pa rin “ibibigay sa Kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng Kanyang amang si David,” isang kahariang “hindi magwawakas” (Lucas 1:32, 33). Bilang pari, si Cristo ay nakaupo ngayon kasama ng Ama sa Kanyang trono (Apocalipsis 3:21). Sa trono, kasama ng Isang walang-hanggan, mag-isang lumitaw ay Siya na “pinasan ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kalungkutan” (Isaias 53:4) na “tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin, gayunma’y walang kasalanan,” upang “Siya’y makasaklolo sa mga tinutukso” (Hebreo 4:15; 2:18). “Kung ang sinuman ay magkasala, tayo ay may Tagapagtanggol sa harap ng Ama” (1 Juan 2:1). Ang ginagamit Niya sa pamamagitan ay yaong tinusok at durog na katawan, isang buhay na walang dungis. Ang nasugatang kamay, ang tinusok na tagiliran, ang napinsalang mga paa, ay nagsusumamo para sa nagkasalang tao, na ang katubusan ay binili sa gayong walang-hanggang halaga.ADP 240.4

    “At ang payo ng kapayapaan ay nasa pagitan Nila.” Ang pag-ibig ng Ama, na gaya rin ng sa Anak, ay siyang bukal ng kaligtasan para sa napariwarang lahi. Ang sabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad bago Siya umalis: “Hindi Ko sinasabi sa inyo na Ako’y hihingi sa Ama para sa inyo. Sapagkat ang Ama mismo ang nagmamahal sa inyo” (Juan 16:26, 27). “Kay Cristo ay pinagkasundo ng Diyos ang sanlibutan at ang Kanyang sarili” (2 Corinto 5:19). At sa pangangasiwa sa santuwaryo sa itaas, “ang payo ng kapayapaan ay nasa pagitan Nila.” “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay Niya ang Kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa Kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16).ADP 240.5

    Ang tanong na, “Ano ang santuwaryo?” ay malinaw na sinasagot ng Kasulatan. Ang salitang “santuwaryo” ayon sa gamit ng Biblia, ay tumutukoy, una, sa tabernakulong itinayo ni Moises, bilang halimbawa ng mga makalangit na bagay; at pangalawa, ay sa “tunay na tabernakulo” sa langit, na siyang itinuturo ng santuwaryo sa lupa. Nang mamatay si Cristo, ang simbolong paglilingkod ay nagwakas na. Ang “tunay na tabernakulo” sa langit ay siyang santuwaryo ng bagong tipan. At dahil ang hula sa Daniel 8:14 ay natupad sa panahong ito, ang santuwaryo na tinutukoy dito, ay ang santuwaryo ng bagong tipan. Sa pagtatapos ng 2,300 araw, noong 1844, ay walang santuwaryo sa lupa sa loob ng marami nang dantaon. Kung kaya’t ang hulang, “Hanggang sa dalawang libo at tatlong daang hapon at umaga; pagkatapos ay malilinis ang santuwaryo,” ay walang-dudang tumutukoy sa santuwaryo sa langit.ADP 240.6

    Ngunit ang pinakamahalagang katanungan ay dapat pa ring sagutin: Ano ang paglilinis ng santuwaryo? Sinasabi sa mga Kasulatan ng Lumang Tipan na merong ganong serbisyo kaugnay sa santuwaryo sa lupa. Ngunit meron bang dapat linisin sa langit? Sa Hebreo 9 ang paglilinis kapwa ng santuwaryo sa lupa at ng santuwaryo sa langit ay malinaw na itinuturo. “Sa katunayan, sa ilalim ng kautusan, halos lahat ng mga bagay ay nililinis ng dugo, at kung walang pagdanak ng dugo ay walang kapatawaran ng mga kasalanan. Kaya’t kailangan na ang mga sinipi mula sa mga bagay sa kalangitan ay linisin ng mga ito [ng dugo ng mga hay op], ngunit ang mga bagay sa sangkalangitan ay sa pamamagitan ng higit na mabubuting handog kaysa mga ito” (Hebreo 9:22, 23), ang mahalagang dugo nga ni Cristo.ADP 241.1

    Ang paglilinis, kapwa sa simbolo at sa tunay na serbisyo ay dapat maisagawa sa pamamagitan ng dugo: yung sa una, ay ng dugo ng hayop; yung sa pangalawa ay ng dugo ni Cristo. Binabanggit ni Pablo na ang dahilan kung bakit ang paglilinis na ito ay kailangang isagawa sa pamamagitan ng dugo, ay dahil kung walang pagdanak ng dugo ay walang kapatawaran. Ang kapatawaran o pag-aalis ng kasalanan, ay siyang gawaing dapat maisagawa. Subalit paanong nagkaroon ng kasalanang kaugnay ng santuwaryo, sa langit man o sa lupa? Ito’y malala-man kung titingnan ang simbolong serbisyo; sapagkat ang mga paring nangasiwa sa lupa, ay naglingkod “sa anyo at anino ng makalangit na santuwaryo” (Hebreo 8:5).ADP 241.2

    Ang paglilingkod sa santuwaryo sa lupa ay nababahagi sa dalawa; ang mga pari ay naglilingkod araw-araw sa banal na dako, samantalang isang beses sa isang taon, ang punong pari ay nagsasagawa ng isang espesyal na gawain ng pagtubos sa kabanal-banalang dako, upang linisin ang santuwaryo. Araw-araw ay dinadala ng nagsisising makasalanan ang handog niya sa pintuan ng tabernakulo, at pagkalagay ng kanyang kamay sa ulo ng handog, ay ipapahayag ang kanyang mga kasalanan, kaya’t sa simbolo, ay inililipat ang mga ito sa walang-kasalanang handog. At pagkatapos, ang hayop ay pinapatay. “Kung walang pagdanak ng dugo,” sabi ng apostol, ay walang kapatawaran ng kasalanan. “Sapagkat ang buhay ng laman ay nasa dugo” (Levitico 17:11). Hinihingi ng nalabag na kautusan ng Diyos ang buhay ng sumalangsang. Ang dugo, na sumisimbolo sa buhay ng makasalanan, na ang kasalana’y pinasan ng biktima, ay dinadala ng pari sa loob ng banal na dako at iwiniwisik sa kurtina, na sa kabila nito ay naroon ang kaban na kinapapalooban ng kautusan ng Diyos na nilabag ng makasalanan. Dahil sa seremonyang ito, ang kasalanan, sa simbolong pamamaraan ay naililipat sa santuwaryo sa pamamagitan ng dugo. Sa ilang pagkakataon, ang dugo ay hindi na dinadala sa banal na dako; ngunit ang laman ay dapat kainin ng pari, gaya ng iniutos ni Moises sa mga anak ni Aaron, na sinasabi, “Ibinigay Niya ito sa inyo upang alisin ang kasamaan ng kapulungan” (Levitico 10:17). Ang dalawang seremonyang ito ay parehong sumisimbolo sa paglilipat ng kasalanan mula sa nagkasala patungo sa santuwaryo.ADP 241.3

    Ganyan ang ginagawa na nangyayari araw-araw sa buong taon. Ang mga kasalanan ng Israel ay naililipat nang ganon sa santuwaryo, at isang natatanging gawain ang kinakailangan upang alisin ang mga ito. Ipinag-utos ng Diyos na gumawa ng pagtubos para sa bawat bahagi ng dalawang banal na silid. “Gayon niya tutubusin ang santuwaryo dahil sa karumihan ng mga anak ni Israel, at dahil sa kanilang mga pagsuway, sa lahat nilang mga kasalanan. Gayon ang kanyang gagawin sa toldang tipanan na nasa kanila, sa gitna ng kanilang mga karumihan.” Dapat ding gumawa ng katubusan para sa dambana, at “lilinisin at babanalin ito mula sa mga karumihan ng mga anak ni Israel” (Levitico 16:16, 19).ADP 241.4

    Isang beses sa isang taon, sa dakilang Araw ng Pagtubos, ang pari ay pumapasok sa kabanal-banalang dako para sa paglilinis ng santuwaryo. Ang gawaing ginagawa doon ay siyang tumatapos sa paglilingkod sa buong taon. Sa Araw ng Pagtubos ay dalawang batang kambing ang dinadala sa pintuan ng tabernakulo, at sila’y pagsasapalaran, “ang isang kapalaran ay sa Panginoon at ang isang kapalaran ay kay Azazel” (talatang 8). Ang isang kambing na para sa Panginoon ay papatayin bilang handog na pangkasalanan para sa bayan. At dadalhin ng pari ang dugo sa loob ng tabing at iwiwisik sa ibabaw at harapan ng luklukan ng awa. Ang dugo ay iwiwisik din sa dambana ng insenso na nasa harapan ng tabing.ADP 241.5

    “At ipapatong ni Aaron ang kanyang dalawang kamay sa ulo ng kambing na buhay, at ipahahayag sa ibabaw niyon ang lahat ng mga kasamaan, mga paglabag at lahat ng mga kasalanan ng mga anak ni Israel. Ilalagay niya ang mga iyon sa ulo ng kambing at ipapadala sa ilang sa pamamagitan ng isang taong pinili. Dadalhin ng kambing ang lahat ng mga kasamaan nila sa lupaing walang naninirahan, at pakakawalan niya ang kambing sa ilang” (talatang 21, 22). Ang kambing na pinawalan ay hindi na babalik pa sa kampamento ng Israel, at ang taong nagdala dito ay kinakailangang maligo at labhan ang kanyang damit bago bumalik sa kampamento.ADP 242.1

    Ang buong seremonya ay ginawa upang itanim sa isipan ng mga Israelita ang kabanalan ng Diyos at ang pagkamuhi Niya sa kasalanan; at bukod dito’y para ipakita sa kanila na hindi sila maaaring dumikit sa kasalanan nang hindi narurumihan. Bawat tao ay kinakailangang papagdalamhatiin ang kanyang kaluluwa habang nangyayari ang gawaing ito ng pagtubos. Ang lahat ng gawain ay dapat isaisantabi, at ang buong kapulungan ng Israel ay dapat gugulin ang araw na iyon sa taimtim na pagpapakumbaba sa harap ng Panginoon, na may pananalangin, pag-aayuno at malalim na pagsisiyasat ng puso.ADP 242.2

    Ang mahahalagang katotohanan na may kinalaman sa pagtubos ay itinuturo ng simbolong serbisyong ito. Isang kahalili ang tinatanggap bilang kapalit ng makasalanan; ngunit ang kasalanan ay hindi pa rin naaalis ng dugo ng hayop na pinatay. Kaya’t isang paraan ang inilaan para ito’y mailipat sa santuwaryo. Sa pamamagitan ng pag-aalay ng dugo ay kinikilala ng makasalanan ang kapamahalaan ng kautusan, ipinahahayag ang kanyang kasalanan dahil sa paglabag at ipinahihiwatig ang kanyang pagnanasang mapatawad sa pamamagitan ng pananampalataya sa Manunubos na darating; subalit hindi pa rin siya lubusang nakakalaya sa hatol ng kautusan. Sa Araw ng Pagtubos, ang punong pari, pagkatanggap ng handog mula sa kapulungan, ay pupunta sa kabanalbanalang dako dala ang dugo ng handog na ito, at iwiniwisik ito sa luklukan ng awa, tapat na tapat sa ibabaw ng kautusan upang mabayaran ang mga hinihingi nito. Pagkatapos, dahil sa kanyang papel bilang tagapamagitan, ay kukunin niya ang mga kasalanan sa kanyang sarili at dadalhin palabas sa santuwaryo. Pagkapatong ng kanyang kamay sa ulo ng kambing na pakakawalan, ipahahayag niya ang lahat ng mga kasalanang ito, kaya’t sa simbolong pamamaraan, inililipat niya ang mga ito mula sa kanyang sarili patungo sa kambing. Ang kambing na ngayon ang magdadala ng mga ito sa malayo, at ang mga kasalanang ito’y ituturing na hiwalay na magpakailanman sa bayan.ADP 242.3

    Ganyan ang paglilingkod na ginagawa “sa anyo at anino ng makalangit na bagay.” At kung ano ang ginagawa sa simbolo ukol sa pangangasiwa ng santuwaryo sa lupa, ay ginagawa sa totoong buhay ukol sa pangangasiwa ng santuwaryo sa langit. Nang umakyat sa langit ang ating Tagapagligtas, sinimulan na Niya ang Kanyang gawain bilang Pinakapunong Pari natin. Ang sabi ni Pablo, “Si Cristo ay hindi pumasok sa santuwaryo na ginawa ng mga kamay ng tao na mga kahalintulad lamang ng mga tunay na bagay, kundi sa mismong langit, upang dumulog ngayon sa harapan ng Diyos para sa atin” (Hebreo 9:24).ADP 242.4

    Ang paglilingkod ng pari sa buong taon sa unang silid ng santuwaryo, “sa kabila ng tabing” na siyang pinakapintuan na naghihiwalay sa banal na dako mula sa bulwagan sa labas, ay kumakatawan sa gawain ng paglilingkod na sinimulan ni Cristo noong Siya’y umakyat sa langit. Gawain ng pari sa pangaraw-araw na paglilingkod ang iharap sa Diyos ang dugo ng handog na ukol sa kasalanan, pati na ang insenso na pumapailanglang kasama ang mga panalangin ng Israel. Sa ganon ding paraan ay isinasamo ni Cristo ang Kanyang dugo sa harapan ng Kanyang Ama para sa mga makasalanan, at inihaharap din sa Ama, kasama ng itinatanging bango ng sarili Niyang katuwiran, ang mga panalangin ng mga mananampalatayang nagsisisi. Ganyan ang gawain ng paglilingkod sa unang silid ng santuwaryo sa langit.ADP 242.5

    Doon sumunod kay Cristo ang pananampalataya ng Kanyang mga alagad nang Siya’y umakyat sa langit mula sa kanilang paningin. Dito nakasentro ang kanilang pag-asa. Sabi ni Pablo, ‘Taglay natin ito bilang isang tiyak at matibay na angkla ng kaluluwa, isang pagasa na pumapasok sa loob ng santuwaryo, sa kabila ng tabing, na doo’y naunang pumasok para sa atin si Jesus, na naging pinakapunong pari magpakailanman.” “At hindi rin sa pamamagitan ng dugo ng mga kambing at mga toro, kundi sa pamamagitan ng Kanyang sariling dugo, Siya ay pumasok na minsan magpakailanman sa Dakong Banal, sa gayo’y tinitiyak ang walang hanggang katubusan” (Hebreo 6:19, 20; 9:12).ADP 243.1

    Sa loob ng 18 dantaon, ang gawaing ito ng paglilingkod ay nagpatuloy sa unang silid ng santuwaryo. Ang dugo ni Cristo na isinasamo para sa kapakanan ng mga nagsisising mananampalataya, ay siniguro ang kapatawaran at pagtanggap ng Ama sa kanila, subalit ang kanilang mga kasalanan ay nananatili pa rin sa mga aklat ng talaan. Kung paanong sa simbolong serbisyo ay merong isang gawain ng pagtubos sa pagtatapos ng taon, gayundin naman bago matapos ang gawain ni Cristo para sa katubusan ng mga tao, ay magkakaroon din ng isang gawain ng pagtubos, para alisin ang kasala-nan sa santuwaryo. Ito ang gawaing nagsimula noong matapos ang 2,300 araw. Nang panahong iyon, ayon sa inihula ni Daniel na propeta, ang ating Pinakapunong Pari ay pumasok sa kabanal-banalang dako upang gawin ang huling bahagi ng Kanyang banal na gawain—ang linisin ang santuwaryo.ADP 243.2

    Kung paanong noong unang panahon, ang mga kasalanan ng bayan ay ipinapatong sa handog na pangkasalanan sa pamamagitan ng pananampalataya, at sa pamamagitan ng dugo nito’y nalilipat sa makalupang santuwaryo sa simbolong pamamaraan; gayundin naman sa bagong tipan, ang mga kasalanan ng nagsisisi ay napapatong kay Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya, at sa katunayan, ay nalilipat sa santuwaryo sa langit. At kung paanong ang simbolong paglilinis ng santuwaryo sa lupa ay ginawa sa pamamagitan ng pag-aalis ng mga kasalanang dito’y dumungis, ganon din naman ang aktuwal na paglilinis ng santuwaryo sa langit ay magaganap sa pamamagitan ng pag-aalis o pagpawi sa mga kasalanang nakatala roon. Datapuwa’t bago ito maisagawa ay kailangan munang suriin ang mga aklat ng talaan upang malaman kung sino ang may karapatan sa mga kapakinabangan ng pagtubos ni Cristo dahil sa pagsisisi sa mga kasalanan at pagsampalataya sa Kanya. Kung gayon, ang paglilinis ng santuwaryo ay napapalooban ng isang gawain ng pagsisiyasat—isang gawain ng paghuhukom. Ang gawaing ito ay dapat maisagawa bago dumating si Cristo para tubusin ang Kanyang bayan; sapagkat kapag Siya’y dumating na, dala Niya ang Kanyang “gantimpala, upang gantihan ang bawat isa ayon sa kanyang ginawa” (Apocalipsis 22:12).ADP 243.3

    Kaya’t yung mga sumunod sa liwanag ng salita ng hula, ay nakita na sa halip na pumarito sa lupa sa katapusan ng 2,300 araw noong 1844, si Cristo ay pumasok sa kabanal-banalang dako ng santuwaryo sa langit upang gampanan ang pangwakas na gawain ng pagtubos, bilang paghahanda sa Kanyang pagparito.ADP 243.4

    Nakita rin, na kung ang handog na pangkasalanan ay tumutukoy kay Cristo bilang alay, at ang punong pari ay kumakatawan kay Cristo bilang tagapamagitan, ang kambing na pinawawalan ay sumisimbolo naman kay Satanas na siyang pasimuno ng kasalanan, na sa wakas ay pagpapatungan ng mga kasalanan ng mga tunay na nagsisi. Kapag inalis na ng punong pari ang mga kasalanan sa santuwaryo sa bisa ng dugo ng handog na pangkasalanan, ipinapatong niya ang mga ito sa kambing na pakakawalan. Kapag inalis na ni Cristo, sa bisa ng sarili Niyang dugo, ang mga kasalanan ng Kanyang bayan mula sa santuwaryo sa langit sa katapusan ng Kanyang paglilingkod, ipapatong Niya ang mga ito kay Satanas, na kapag iginawad na ang kaparusahan ay siyang magdadala ng huling kaparusahan. Ang kambing na pakakawalan ay dinadala sa isang lupaing hindi tinatahanan, at ito’y hindi na muling babalik pa sa kapulungan ng Israel. Gayundin naman, si Satanas ay itataboy magpakailanman sa harapan ng Diyos at ng Kanyang bayan, at siya’y mawawala na sa kahuli-hulihang paglipol sa kasalanan at sa mga makasalanan.ADP 243.5

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents