Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Pagpapakilala

    Bago pumasok ang kasalanan ay tinatamasa ni Adan ang harapang pakikipagugnayan sa Lumikha sa kanya; ngunit buhat nang ihiwalay ng tao ang kanyang sarili sa Diyos dahil sa pagsuway, ang sangkatauhan ay naalis mula sa mataas na karapatang ito. Gayunman, sa pamamagitan ng panukala ng pagtubos, nabuksan ang isang daan na sa pamamagitan nito’y maaari pa ring magkaroon ng kaugnayan sa langit ang mga naninirahan sa lupa. Ang Diyos ay nakipag-usap sa mga tao sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, at ang banal na liwanag ay naibahagi sa sanlibutan sa pamamagitan ng mga kapahayagan Niya sa Kanyang piniling mga lingkod. “Ang mga taong inudyukan ng Espiritu Santo ay nagsalita mula sa Diyos” (2 Peter 1:21).ADP 6.1

    Sa panahon ng unang 2,500 taon sa kasaysayan ng sangkatauhan ay wala pang nasusulat na kapahayagan. Yung mga tinuruan ng Diyos ay ipinabatid ang kanilang nalalaman sa iba, at ito’y nagpasalin-salin mula sa ama patungo sa anak, hanggang sa sumunod na mga henerasyon. Ang pagsasaayos ng nakasulat na salita ay nagsimula noong panahon ni Moises. Ang mga kinasihang kapahayagan ay binuo noon sa isang kinasihang aklat. Ang gawaing ito ay nagpatuloy sa mahabang panahon ng 1,600 taon—mula kay Moises, na siyang sumulat ng kasaysayan ng paglalang at ng kautusan, hanggang kay Juan, ang tagapagtala ng mga pinakamarilag na katotohanan ng ebanghelyo.ADP 6.2

    Itinuturo ng Biblia ang Diyos bilang Siyang may-akda nito; ngunit ito’y isinulat ng mga kamay ng tao; at sa iba’t ibang istilo ng iba’t ibang aklat nito ay inilalarawan nito ang mga katangian ng iba’t ibang manunulat. Ang mga katotohanang inihayag ay pawang “kinasihan ng Diyos” (2 Timoteo 3:16); gayunman ang mga ito’y ipinahahayag sa salita ng mga tao. Ang Isang Walang-Hanggan sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu ay nagbuhos ng liwanag sa isipan at puso ng Kanyang mga lingkod. Siya’y nagbigay ng mga panaginip at mga pangitain, mga simbolo at mga larawan; at yung mga pinaghayagan ng katotohanan ang mismong nagbuo ng kaisipan nito sa wika ng tao.ADP 6.3

    Ang Sampung Utos ay sinalita ng Diyos mismo, at isinulat ng Kanyang sariling kamay Ang mga ito’y akda ng Diyos at hindi ng tao. Subalit ang Biblia, pati na ang mga katotohanan nitong bigay ng Diyos na ipinahahayag sa wika ng tao, ay nagpapakilala sa pagsasanib ng Diyos at ng tao. Ang ganyang pagsasanib ay umiiral sa likas ni Cristo, na Anak ng Diyos at Anak ng Tao. Kaya ito’y totoo sa Biblia, gaya rin kay Cristo, na “naging tao ang Salita at tumahang kasama natin” (Juan 1:14).ADP 6.4

    Dahil isinulat sa iba’t ibang panahon, ng mga taong malawak na nagkakaiba-iba sa kalagayan at gawain at sa mga kaloob na pangkaisipan at espirituwal, ang mga aklat ng Biblia ay nagpapakita ng malaking pagkakaiba-iba sa istilo, ganon din ng pagkakaiba-iba sa likas ng mga paksang inilalahad. Gumamit ng iba’t ibang anyo ng pagpapahayag ang iba’t ibang mga manunulat; kadalasan, ang isang katotohanan ay mas maliwanag na ipinapahayag ng isa kaysa sa isa. At dahil sa pagkakapahayag sa isang paksa ng iba’t ibang manunulat sa ilalim ng iba’t ibang bahagi at relasyon, para sa mga bumabasang may kababawan, pabaya, o may masamang akala ay parang may di-pagkakaayon o kaya’y pagsasalungatan dito, samantalang ang mapag-isip at magalang na nag-aaral ay nakikita sa mas malinaw na pananaw ang ipinahihiwatig na pagkakasundo.ADP 6.5

    Sa pagpapahayag sa pamamagitan ng iba’t ibang tao, ang katotohanan ay naipapakita sa iba’t ibang aspeto nito. Ang isang manunulat ay mas naaakit nang maigi sa isang bahagi ng paksa; kinukuha niya yung mga puntong kaayon ng kanyang karanasan o ng kanyang kakayahang makaunawa at magpahalaga; ang iba nama’y kinukuha ang ibang bahagi; at ang bawat isa, sa ilalim ng patnubay ng Espiritu Santo, ay ipinapahayag ang pinakamatinding naikintal sa kanyang sariling isipan—iba-ibang aspeto ng katotohanan sa bawat isa, ngunit isang lubos na pagkakatugma ng lahat. At ang mga katotohanang inihayag nang gayon ay nagkakaisa para bumuo ng isang perpektong kabuuan, na ibinagay upang sapatan ang mga pangangailangan ng mga tao sa lahat ng kalagayan at karanasan ng buhay.ADP 6.6

    Ang Diyos ay nasisiyahan na ipahatid ang Kanyang katotohanan sa sanlibutan sa pamamagitan ng mga kinatawang tao, at Siya mismo, sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu, ang nagpapaging-marapat sa mga tao at nagbigay-kakayanan sa kanila na gawin ang gawaing ito. Ginabayan Niya ang isipan sa pagpili ng kung anong sasabihin at kung anong isusulat. Ang kayamanan ay ipinagkatiwala sa mga sisidlang yari sa lupa, ngunit magkagayon man, ito’y galing pa rin sa Langit. Ang patotoo ay ipinaparating sa pamamagitan ng hindi perpektong pagpapahayag ng wika ng tao, gayunma’y patotoo pa rin ito ng Diyos; at nakikita dito ng masunurin, at sumasampalatayang anak ng Diyos ang kaluwalhatian ng isang banal na kapangyarihan, na puno ng biyaya at katotohanan.ADP 6.7

    Sa Kanyang Salita ay ipinagkatiwala ng Diyos sa mga tao ang kaalamang kinakailangan para sa kaligtasan. Ang Banal na Kasulatan ay dapat kilalanin bilang may kapamahalaan at hindi nagkakamaling kapahayagan ng Kanyang kalooban. Ang mga ito ang pamantayan ng pag-uugali, ang tagapaghayag ng mga doktrina, at ang subukan ng karanasan. “Ang lahat ng mga kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, pagtutuwid, at pagsasanay sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging ganap, nasasangkapang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti” (2 Timoteo 3:16, 17).ADP 7.1

    Ngunit ang katunayan na inihayag ng Diyos ang Kanyang kalooban sa mga tao sa pamamagitan ng Kanyang Salita ay hindi inaalis ang pangangailangan sa patuloy na pakikisama at patnubay ng Banal na Espiritu. Taliwas nito, ang Espiritu ay ipinangako ng ating Tagapagligtas upang buksan ang Salita sa Kanyang mga lingkod, upang magliwanag at maisakabuhayan ang mga turo nito. At dahil ang Espiritu ng Diyos ang kumasi sa Biblia, imposible na ang turo ng Espiritu ay magiging salungat sa itinuturo ng Salita.ADP 7.2

    Ang Espiritu ay hindi ibinigay—ni kailanma’y ipagkakaloob—upang pumalit sa Biblia; sapagkat malinaw na sinasabi ng mga Kasulatan na ang Salita ng Diyos ang siyang pamantayan, na sa pamamagitan nito’y dapat subukin ang lahat ng turo at karanasan. Sabi ni apostol Juan, “Huwag ninyong paniwalaan ang bawat espiritu, kundi inyong subukin ang mga espiritu, kung sila’y sa Diyos, sapagkat maraming lumitaw na mga bulaang propeta sa sanli-butan” (1 Juan 4:1). At sinasabi ni Isaias, “Sa kautusan at sa patotoo! Kung hindi sila nagsasalita nang ayon sa salitang ito ay sa dahilang wala silang umaga” (Isaias 8:20).ADP 7.3

    Malaking kasiraan ang ibinibigay sa gawain ng Banal na Espiritu dahil sa mga kamalian ng mga taong, sa pag-aangkin ng Kanyang pagpapaunawa, ay nagsasabing hindi na kailangan pa ang karagdagang patnubay mula sa Salita ng Diyos. Sila’y pinamamahalaan ng mga impluwensyang ipinalalagay nilang tinig ng Diyos sa kaluluwa. Subalit ang espiritung kumukontrol sa kanila ay hindi ang Espiritu ng Diyos. Ang pagsunod na ito sa mga impluwensya, na binabale-wala ang mga Kasulatan, ay maghahatid lamang sa pagkalito, sa pagkalinlang at pagkawasak. Papalawakin lamang nito ang mga panukala ni Satanas. At dahil ang paglilingkod ng Banal na Espiritu ay mahalagang-mahalaga sa iglesya ni Cristo, isa sa mga pakana ni Satanas ay ang hamakin ang gawain ng Espiritu sa pamamagitan ng mga kamalian ng mga taong lumalabis na at mga panatiko, at akayin ang bayan ng Diyos na pabayaan ang pinagmumulang ito ng kalakasan na inilaan ng ating Panginoon mismo.ADP 7.4

    Sa buong kapanahunan ng pamamalagi ng ebanghelyo ay ipagpapatuloy ng Espiritu ng Diyos ang gawain nito na kaayon ang Salita ng Diyos. Noong mga panahon na parehong ang mga Kasulatan ng Luma at Bagong Tipan ay ibinibigay pa lang, ang Banal na Espiritu ay hindi tumigil na maghatid ng liwanag sa isipan ng mga tao, liwanag na bukod pa sa mga kapahayagang mapapasama sa Banal na Kanoniko. Ang Biblia na rin ang nagsasalaysay kung papaanong sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ang mga tao ay nakatanggap ng babala, sumbat, payo, at turo, sa maraming bagay na sa anumang paraan ay hindi kaugnay sa pagkakabigay ng mga Kasulatan. At may binabanggit pa nga tungkol sa mga propeta sa iba’t ibang panahon, na tungkol sa mga sinabi nila ay walang anumang naitala. Sa ganon ding paraan, pagkatapos ng pagsasara ng kanoniko ng Kasulatan, ang Banal na Espiritu ay magpapatuloy pa rin sa gawain nito, upang liwanagan, babalaan, at aliwin ang mga anak ng Diyos.ADP 7.5

    Nangako si Jesus sa Kanyang mga alagad na, “Ang Mang-aaliw, ang Espiritu Santo, na susuguin ng Ama sa Aking pangalan, Siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalala sa inyo ng lahat ng Aking sinabi sa inyo.” “Kapag dumating na ang Espiritu ng katotohanan, papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan:... at Kanyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na darating” (Juan 14:26; 16:13). Malinaw na itinuturo ng Kasulatan na ang mga pangakong ito, na malayong maging limitado lamang sa kapanahunan ng mga apostol, ay nagpatuloy pa sa iglesya ni Cristo sa lahat ng panahon. Binigyang-katiyakan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga tagasunod, “Ako’y kasama ninyong palagi, hanggang sa katapusan ng panahon” (Mateo 28:20). At sinasabi ni Pablo na ang mga kaloob at kapahayagan ng Espiritu ay inilagay sa iglesya “upang ihanda ang mga banal sa gawain ng paglilingkod, sa ikatitibay ng katawan ni Cristo, hanggang makarating tayong lahat sa pagkakaisa ng pananampalataya, at sa ganap na pagkakilala sa Anak ng Diyos, hanggang maging taong may sapat na gulang, hanggang sa sukat ng ganap na kapuspusan ni Cristo” (Efeso 4:12, 13).ADP 8.1

    Ang apostol ay nanalangin para sa mga mananampalataya sa Efeso, na “ang Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng kaluwalhatian, ay magkaloob sa inyo ng espiritu ng karunungan at ng pahayag sa isang ganap na pagkakilala sa Kanya, yamang naliwanagan ang mga mata ng inyong puso, upang malaman ninyo kung ano ang pag-asa sa Kanyang pagtawag,... at kung ano ang di-masukat na kadakilaan ng Kanyang kapangyarihan sa atin na sumasampalataya” (Efeso 1:17-19). Ang paglilingkod ng Banal na Espiritu sa pagliliwanag ng kaunawaan, at pagbubukas ng malalalim na bagay ng banal na Salita ng Diyos sa isipan, ay siyang pagpapalang isinasamo ni Pablo para sa iglesya ng Efeso.ADP 8.2

    Pagkatapos ng kahanga-hangang kapa-hayagan ng Banal na Espiritu noong Araw ng Pentecostes, hinikayat ni Pedro ang mga tao sa pagsisisi at pagpapabautismo sa pangalan ni Cristo, para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan; at kanyang sinabi: “Tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo. Sapagkat ang pangako ay para sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, bawat isa na tinatawag ng Panginoon nating Diyos sa Kanya” (Gawa 2:38, 39).ADP 8.3

    Sa malapit na kaugnayan sa mga tagpo ng dakilang araw ng Diyos, nangako ang Panginoon sa pamamagitan ni propeta Joel ng isang natatanging kapahayagan ng Kanyang Espiritu (Joel 2:28). Ang propesiyang ito ay nakatanggap na ng isang bahagyang katuparan sa pagkakabuhos ng Espiritu noong Araw ng Pentecostes; ngunit mararating pa nito ang ganap na katuparan doon sa kapahayagan ng banal na biyaya na makakasama ng pangwakas na gawain ng ebanghelyo.ADP 8.4

    Ang malaking tunggalian sa pagitan ng kabutihan at ng kasamaan ay mas titindi pa hanggang sa pinakawakas ng panahon. Sa lahat ng panahon ay makikita ang galit ni Satanas laban sa iglesya ni Cristo; kaya’t ipinagkaloob ng Diyos ang Kanyang biyaya at Espiritu sa Kanyang bayan upang palakasin sila sa pagtayo laban sa kapangyarihan ni Satanas. Noong ipapahayag na ng mga apostol ni Cristo ang Kanyang ebanghelyo sa sanlibutan at isusulat ito para sa lahat ng darating na panahon, sila’y tanging pinagkalooban ng pagpapaunawa ng Espiritu. Ngunit habang dumarating ang iglesya sa kan-yang pangwakas na pagkaligtas, si Satanas ay gagawa nang may mas matinding kapangyarihan. Siya’y bumababang “may malaking poot palibhasa’y alam niya na maikli na lamang ang kanyang panahon!” (Apocalipsis 12:12). Siya’y gagawang “may buong kapangyarihan at mga tanda at mga mapanlinlang na kababalaghan” (2 Tesalonica 2:9). Sa loob ng 6,000 taon ang utak na dati’y pinakamataas sa mga anghel ng Diyos ay lubos na disididong gumawa ng pandaraya at pagkawasak. At ang lahat ng lalim ng makademonyong kasanayan at katusuhang nakamit, lahat ng kalupitang napalago sa mga pagpupunyaging ito ng buong panahon, ay ibubuhos sa bayan ng Diyos sa pangwakas na labanan. At sa panahong ito ng panganib ay dapat ipahayag ng mga tagasunod ni Cristo sa sanlibutan ang babala ng ikalawang pagdating ng Panginoon; at ang isang grupo ng mga tao ay dapat maging handang tumayo sa harapan Niya sa Kanyang pagdating, “na walang dungis at walang kapintasan” (2 Pedro 3:14). Sa panahong ito ang natatanging kaloob ng banal na biyaya at kapangyarihan ay talagang kinakailangan ng iglesya gaya noong kapanahunan ng mga apostol.ADP 8.5

    Sa pamamagitan ng pagpapaunawa ng Banal na Espiritu, ang mga eksena ng matagal nang nagpapatuloy na labanan sa pagitan ng mabuti at ng masama ay nabuksan sa manunulat ng mga pahinang ito. Paminsan-minsan, ako’y pinahihintulutang makita sa iba’t ibang panahon ang takbo ng malaking tunggalian sa pagitan ni Cristo, ang Prinsipe ng buhay, ang Mayakda ng ating kaligtasan, at ni Satanas, ang prinsipe ng kasamaan, ang may-akda ng kasalanan, ang unang sumalangsang sa banal na kautusan ng Diyos. Ang galit ni Satanas kay Cristo ay laging nakikita laban sa Kanyang mga tagasunod. Ang ganon ding galit sa mga prinsipyo ng kautusan ng Diyos, ang ganon ding palakad ng pandaraya, kung saan ang kamalian ay pinalilitaw na katotohanan, kung saan ang mga kautusan ng tao ay ipinapalit sa kautusan ng Diyos, at ang mga tao ay inaakay na sumamba sa nilalang sa halip na sa Manlalalang, ay mababakas sa buong kasaysayan ng nakaraan. Ang mga pagsisikap ni Satanas na ilarawan ng mali ang karakter ng Diyos, na pag-ingatin ang mga tao ng isang maling pagkaunawa sa Lumikha, at sa gayon ay tingnan Siya nang may takot at galit sa halip na may pag-ibig; ang mga pagsusumikap niya na maisaisantabi ang banal na kautusan, na akayin ang mga tao na isiping malaya na sila mula sa mga ipinag-uutos nito; at ang pag-usig niya doon sa mga nangangahas na labanan ang kanyang mga pandaraya, ay palagiang isinusulong sa lahat ng panahon. Mababakas ang mga ito sa kasaysayan ng mga patriyarka, mga propeta, at mga apostol, sa kasaysayan ng mga martir at mga repormador.ADP 9.1

    Sa dakilang panghuling labanan ay gagamitin ni Satanas ang ganon ding palakad, ipapakita ang ganon ding espiritu, at gagawa para sa ganon ding layunin, gaya noong sa lahat ng naunang panahon. Yung naganap na, ay magaganap din maliban sa katotohanang ang darating na pakikipagpunyagi ay kapupunahan ng isang kakila-kilabot na tindi na kailanma’y hindi pa nasasaksihan ng sanlibutan. Ang mga pandaraya ni Satanas ay mas magiging mapanlinlang, ang mga pag-atake niya ay mas magiging determinado. Kung maaari ay ililigaw niya pati ang mga hinirang (Marcos 13:22).ADP 9.2

    Habang binubuksan ng Espiritu ng Diyos sa aking isipan ang mga dakilang katotohanan ng Kanyang Salita, at ang mga tagpo ng nakaraan at ng hinaharap na panahon, ako’y inatasan na ipaalam sa iba yung mga naihayag na—na baybayin ang kasaysayan ng tunggalian sa mga nakaraang panahon, at higit sa lahat ay ilahad ito nang husto anupa’t magbubuhos ng liwanag sa pagpupunyagi sa hinaharap na mabilis na dumarating. Sa pagsasagawa ng layuning ito, sinikap kong piliin at pagsama-samahin ang mga pangyayari sa kasaysayan ng iglesya sa gayong paraan na matutunton ang pagbubukas ng mga dakilang katotohanang pansubok, na sa iba’t ibang panahon ay ibinigay sa sanli-butan, na pumukaw sa galit ni Satanas, at sa poot ng isang iglesyang maibigin sa sanlibutan, at napanatili dahil sa pagsaksi nung mga “hindi inibig ang kanilang buhay hanggang sa kamatayan” (Apocalipsis 12:11).ADP 9.3

    Sa mga kasaysayang ito ay makikita natin ang pagbabadya ng labanan na dumarating sa atin. Sa pagtingin sa mga ito sa liwanag ng Salita ng Diyos, at sa pagtanglaw ng Kanyang Espiritu, makikita nating lantad ang mga pakana ni Satanas, at ang mga panganib na dapat iwasan nung mga gustong masumpungang “walang dungis” sa harap ng Panginoon sa Kanyang pagdating.ADP 9.4

    Ang mga dakilang pangyayari na palatandaan ng pagsulong ng reporma sa nagdaang mga panahon ay nakatala sa kasaysayan, alam na alam at pambuong mundong kinikilala ng daigdig ng Protestantismo; ang mga ito’y katotohanan na di-mapapasinungalingan ng sinuman. Ang kasaysayang ito ay maikli kong ipinahayag, ayon sa saklaw ng aklat at ayon sa kaiklian na dapat ding sundin, ang mga katotohanan ay pinaikli ayon sa maliit na puwang na nakikitang kaangkop ng wastong pagkaunawa sa pinag-uukulan ng mga ito. Sa ilang mga pagkakataon na pinagsama-sama na nang husto ng sumulat ng kasaysayan ang mga pangyayari anupa’t nagawang paikliin ang isang malawak na pananaw sa paksa, o nabuod ang mga detalye sa isang madaling pamamaraan, ang kanyang mga sinabi ay sinipi; ngunit sa ilang mga pagkakataon ay walang tiyak na pagkilalang ibinigay, yamang ang mga sipi ay hindi ibinigay para sa layuning mabanggit bilang sanggunian ang manunulat na iyon, kundi dahil ang kanyang pahayag ay nagbibigay ng isang madali at nakakakumbinsing pagpapahayag sa paksa. Sa pagsasalaysay ng karanasan at pananaw nung mga taong nagtataguyod sa gawain ng reporma sa ating sariling panahon, kapareho din ang paggamit sa kanilang mga sinulat na nalathala.ADP 9.5

    Hindi gaanong layunin ng aklat na ito ang magpahayag ng mga bagong katotohanan tungkol sa mga pagpupunyagi ng unang mga panahon, kundi ang maglabas ng mga katunayan at mga prinsipyo na may kinalaman sa darating na mga pangyayari. Pero kung titingnan bilang bahagi ng tunggalian sa pagitan ng puwersa ng liwanag at kadiliman, ang lahat ng kasaysayang ito ng nakaraang panahon ay makikitang may bagong kahulugan; at sa pamamagitan ng mga ito ay natatanglawan ng liwanag ang hinaharap, na nililiwanagan ang daanan nung mga, gaya ng mga repormador ng nakaraang mga panahon, ay tatawagan, kahit mapasapanganib ang lahat ng makalupang pag-aari, para sumaksi “dahil sa Salita ng Diyos, at sa patotoo ni Jesus” (Apocalipsis 1:9).ADP 10.1

    Upang ibunyag ang mga eksena ng malaking tunggalian sa pagitan ng katotohanan at ng kamalian; upang ihayag ang mga pandaraya ni Satanas, at ang mga pamamaraan kung papaanong siya ay matagumpay na malalabanan; upang iharap ang isang kasiya-siyang solusyon sa malaking suliranin ng kasamaan, na nagbubuhos ng gayong liwanag sa pinagmulan at pangwakas na kapasyahan sa kasalanan para gawing ganap na hayag ang katarungan at kabutihang-loob ng Diyos sa lahat ng Kanyang pakikitungo sa Kanyang mga nilalang; at upang ipakita ang banal at di-nagbabagong likas ng Kanyang kautusan, ay siyang layunin ng aklat na ito. Na sa pamamagitan ng impluwensya nito, mapalaya nawa ang mga kaluluwa mula sa kapangyarihan ng kadiliman, at “makabahagi sa mana ng mga banal sa kaliwanagan” (Colosas 1:12), para sa kapurihan Niya na umibig sa atin, at ibinigay ang Kanyang sarili para sa atin, ito ang siyang taimtim na dalangin ng sumulat.ADP 10.2

    Ellen G. White

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents