Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    10—Pagsulong ng Reporma sa Germany

    Ang mahiwagang pagkawala ni Luther ay pumukaw ng pagkabigla sa buong Germany. Ang mga pag-uusisa tungkol sa kanya ay maririnig kahit saan. Ang mga pinakamatitinding usap-usapan ay kumalat, at marami ang naniniwalang siya’y pinatay. Nagkaroon ng labis na pagluluksa, hindi lang ang mga hayag niyang kaibigan, kundi ang libu-libong hindi hayagang nanindigan para sa Repormasyon. Marami ang taimtim na sumumpa na ipaghihiganti ang kanyang kamatayan.ADP 108.4

    May malaking takot na nakita ng mga lider ng Roma kung gaano na katindi ang nararamdaman ng mga tao laban sa kanila. Bagaman noong una ay tuwang-tuwa sila sa inaakala nilang pagkamatay ni Luther, di-nagtagal ay gusto na nilang magtago sa galit ng mga tao. Ang kanyang mga kaaway ay hindi gaanong naligalig nang ganon sa pinakamapangahas niyang pagkilos samantalang kasama nila siya, di gaya noong wala na siya sa kanila. Yung mga taong nagsikap na patayin dati ang matapang na Repormador dahil sa galit, ay napuno ng takot ngayong siya’y naging isang bihag na walang-magagawa. “Ang natitirang paraan lamang para tayo’y makaligtas,” sabi ng isa, “ay ang magsindi ng mga sulo, at hanapin si Luther sa buong sanlibutan, upang ibalik siya sa bansang nananawagan sa kanya.”—D’Aubigné, b. 9, ch. 1. Ang utos ng emperador ay parang nawawalan ng kapangyarihan. Ang mga kinatawan ng papa ay napuno ng galit nang makita nilang ito’y hindi gaanong pinapansin kumpara sa naging kapalaran ni Luther.ADP 108.5

    Ang balita na siya’y ligtas, bagaman bihag, ay nagpakalma sa takot ng mga tao, samantala namang lalo pa nitong binuhay ang kanilang sigasig para sa kanya. Ang mga isinulat niya ay binasa nang may higit na pananabik kaysa dati. Parami nang parami ang sumama sa panig ng magiting na taong ito, na sa ganong nakakatakot na labanan, ay ipinagtanggol ang Salita ng Diyos. Ang Repormasyon ay patuloy na lumalakas. Ang binhi na inihasik ni Luther ay tumubo kahit saan. Naisagawa ng pagkawala niya ang isang gawain na maaaring hindi naisagawa kung nariyan siya. Nakadama ng isang bagong responsibilidad ang iba pang mga manggagawa, ngayong wala ang kanilang pinuno. May bagong pananampalataya at sigasig silang nagpatuloy na sumulong para gawin ang lahat ayon sa kanilang makakaya, upang ang gawaing napakarangal na sinimulan ay hindi mahadlangan.ADP 108.6

    Ngunit si Satanas ay hindi tamad. Tinangka niya ngayon ang tinatangka niya sa lahat ng iba pang kilusang para sa pagbabagong-buhay—upang dayain at ipahamak ang mga tao sa pamamagitan ng madayang paglalagay ng huwad, kapalit ng tunay na gawain. Kung paanong nagkaroon ng mga bulaang cristo noong unang dantaon ng iglesyang Kristiyano, ay bumangon din naman ang mga bulaang propeta noong ika-16 na dantaon.ADP 109.1

    May ilang tao, na dahil masyadong naimpluwensyahan ng labis na katuwaan sa larangan ng relihiyon, ay ipinalagay na sila’y nakatanggap ng mga pambihirang kapahayagan mula sa langit, at sinabing sila’y inatasan daw ng Diyos na isulong hanggang matapos ang Repormasyon na, ayon sa kanila’y bahagya lang na nasimulan ni Luther. Ang totoo, sinisira nila ang mismong gawaing naisagawa niya. Kanilang itinakwil ang dakilang prinsipyo na siyang pinakapundasyon ng Repormasyon—na ang Salita ng Diyos ay sapat nang pamantayan ng pananampalataya at pamumuhay; at para sa di-nagkakamaling patnubay na iyon ay ipinalit nila ang pabagu-bago’t walang-katiyakang pamantayan ng mga sarili nilang nararamdaman at paniwala. Dahil sa ginawa nilang pagsasaisantabing ito sa dakilang tagatuklas ng kamalian at kasinungalingan, ang daan ay nabuksan para kay Satanas upang kontrolin ang mga isipan sa paraang nakakalugod talaga sa kanya.ADP 109.2

    Ang isa sa mga propeta raw na ito ay nagsabing siya’y inutusan ni anghel Gabriel. Isang mag-aaral na sumama sa kanya ay iniwan ang kanyang pag-aaral, na sinasabing siya raw ay pinagkalooban ng Diyos mismo ng karunungan upang ipaliwanag ang Kanyang Salita. Ang iba naman na talagang nakahilig na sa pagkapanatiko ay sumama sa kanila. Hindi lang maliit na gulo ang nilikha ng mga hakbang ng mga taong ito na masyadong panatiko. Pinukaw ng pangangaral ni Luther ang mga tao kahit saan upang madama ang pangangailangang magbago, pero ngayon may mga taong tapat talaga na nailigaw ng pagpapanggap ng mga bagong propetang ito.ADP 109.3

    Ang mga pinuno ng kilusang ito ay nagtuloy sa Wittenberg at ipinilit ang mga pag-aangkin nila kay Melanchthon at sa mga kasamahan niya sa gawain. Ang sabi nila: “Kami’y isinugo ng Diyos upang turuan ang mga tao. Kami’y nagkaroon ng matatalik na pakikipag-usap sa Panginoon; alam namin kung anong mangyayari; sa madaling salita, kami ay mga apostol at mga propeta, at nananawagan kami kay Doctor Luther.”—Ibid., b. 9, ch. 7.ADP 109.4

    Ang mga Repormador ay nagulat at naguluhan. Ito’y talagang isang grupo na hindi pa nila kailanman nakasagupa, at hindi nila alam kung anong hakbang ang gagawin. Sabi ni Melanchthon: “Talaga ngang may mga pambihirang espiritu sa mga taong ito; pero anong espiritu?... Sa isang dako, mag-ingat tayong huwag mamatay ang ningas ng Espiritu ng Diyos, at sa kabilang dako naman, ay mag-ingat tayong huwag mailigaw ng espiritu ni Satanas.”—Ibid., b. 9, ch. 7.ADP 109.5

    Ang bunga ng bagong turong ito ay naging malinaw din di-katagalan. Ang mga tao ay naakay na ipagwalang-bahala ang Biblia o kaya’y isaisantabi na ito nang lubusan. Ang mga paaralan ay nalagay sa kalituhan. Ang mga estudyanteng galit na tumatanggi sa lahat ng pagbabawal, ay pinabayaan ang kanilang mga pag-aaral at umalis sa mga unibersidad. Ang mga taong nag-akalang sila’y may-kakayahang buhayin at pangasiwaan ang gawain ng Repormasyon ay nagtagumpay lang sa pagdadala nito sa bingit ng malaking kapahamakan. Nabawi ngayon ng mga Romanista ang kanilang kompiyansa, at tuwang-tuwa na ipinahayag: “Isang huling pakikipagpunyagi, at ang lahat ay mapapasaatin na.”—Ibid., b. 9, ch. 7.ADP 109.6

    Si Luther sa Wartburg, pagkarinig sa nangyari, ay nagsabi nang may malalim na malasakit: “Inaasahan ko nang ipapadala ni Satanas sa atin ang salot na ito.”—Ibid., b. 9, ch. 7. Nakita na niya ang tunay na likas nung mga nagpapanggap na propetang iyon at nakita ang panganib na nagbabanta sa gawain ng katotohanan. Ang pagsalungat ng papa at ng emperador ay hindi nagdulot sa kanya ng ganon katinding pagkataranta at pag-aalala gaya ng nararanasan niya ngayon. Mula sa mga nagsasabing kapanalig ng Repormasyon ay bumangon ang mga pinakamatitinding kaaway nito. Ang katotohanan mismo na nagbigay sa kanya ng malaking kagalakan at kaaliwan ay ginagamit upang sumulsol ng pag-aaway at lumikha ng kalituhan sa iglesya.ADP 110.1

    Sa gawain ng reporma, si Luther ay hinimok ng Espiritu ng Diyos na magpatuloy, at dinala nang higit pa sa kanyang sarili. Hindi niya balak na gumawa ng ganong mga paninindigan gaya ng ginawa niya, o kaya’y gumawa ng mga lubusang pagbabago. Siya’y naging instrumento lamang sa kamay ng Walang-Hanggang Kapangyarihan. Pero madalas siyang nanginginig dahil sa ibubunga ng kanyang gawain. Minsan ay sinabi niya: “Kung alam kong may isang taong ipinahamak ng aking doktrina, isang tao lang, gaano man kahamak at hindi kilala—na hindi naman mangyayari, sapagkat ito’y ang ebanghelyo mismo—mas gugustuhin ko pang mamatay ng sampung beses kaysa hindi talikuran ito.”—Ibid., b. 9, ch. 7.ADP 110.2

    At ngayon ang Wittenberg mismo, ang pinakasentro ng Repormasyon, ay mabilis na nahuhulog sa kapangyarihan ng pagkapanatiko at kawalang-batas. Ang kakilakilabot na kalagayang ito ay hindi resulta ng mga turo ni Luther; ngunit sa buong Germany ay ibinibintang ito sa kanya ng kanyang mga kaaway. Sa kasaklapan ng kaluluwa ay naitanong niya minsan, “Ganyan na kaya ang katapusan ng dakilang gawaing ito ng Repormasyon?”—Ibid., b. 9, ch. 7. Muli, habang siya’y nakikipagpunyagi sa Diyos sa pananalangin, ang kapayapaan ay dumaloy sa kanyang puso. “Ang gawain ay hindi akin, kundi sa Iyo,” sabi niya; “Hindi Mo po ito hahayaang pasamain ng pamahiin o pagkapanatiko.” Ngunit ang isiping manatili pa nang matagal mula sa laban sa ganon kalubhang krisis, ay hindi na niya matiis. Ipinasya niyang bumalik sa Wittenberg.ADP 110.3

    Kaagad siyang humayo sa kanyang mapanganib na paglalakbay. Siya’y nasa ilalim ng pagbabawal ng imperyo. Ang mga kaaway niya ay may kalayaang siya’y patayin; ang mga kaibigan ay pinagbabawalang tulungan o kupkupin siya. Ginagamit ng pamahalaan ng imperyo ang pinakamahihigpit na batas laban sa kanyang mga tagasunod. Pero nakita niya na ang gawain ng ebanghelyo ay nalalagay sa panganib, at sa pangalan ng Panginoon, siya’y walangtakot na umalis upang makipaglaban para sa katotohanan.ADP 110.4

    Sa isang sulat sa elektor, pagkasabi sa kanyang balak na umalis sa Wartburg, ay sinabi ni Luther: “Dapat malaman ng aming kamahalan na ako po ay pupunta sa Wittenberg sa ilalim ng isang proteksyon na mas higit na mataas kaysa sa proteksyon ng mga prinsipe at elektor. Hindi ko iniisip na hingin ang tulong ng aming kamahalan, at dahil malayong hangarin ang iyong proteksyon, mas nanaisin ko pa nga na ako pa mismo ang magsanggalang sa iyo. Kung malaman ko na ang aming kamahalan ay magsasanggalang sa akin, hindi na lang ako pupunta sa Wittenberg. Walang tabak na makakapagpasulong sa gawaing ito. Ang Diyos lamang ang dapat na gumawa sa lahat, nang walang tulong o pakikiisa ng tao. Siyang may pinakamalaking pananampalataya ay siyang pinakamaaaring makapagsanggalang.”—Ibid., b. 9, ch. 8.ADP 110.5

    Sa pangalawang sulat, na isinulat habang naglalakbay papuntang Wittenberg, idinagdag ni Luther: “Handa kong harapin ang sama ng loob ng aming kamahalan at ang galit ng buong sanlibutan. Hindi ba’t mga tupa ko ang mga taga-Wittenberg? Hindi ba’t ipinagkatiwala sila sa akin ng Diyos? At hindi ba’t kung kinakailangan, ay dapat kong ilantad ang aking sarili sa kamatayan alang-alang sa kanila? Bukod pa rito, natatakot akong makita ang isang kakila-kilabot na pag-aalsa sa Germany, na sa pamamagitan nito’y parurusahan ng Diyos ang ating bansa.”—Ibid., b. 9, ch. 8.ADP 110.6

    Taglay ang labis na pag-iingat at pagpapakumbaba, ngunit may kapasyahan at katatagan, sinimulan niya ang kanyang gawain. “Sa pamamagitan ng Salita” ang sabi niya, “ay dapat nating pabagsakin at wasakin ang itinayo sa pamamagitan ng karahasan. Hindi ako gagamit ng dahas laban sa mga mapamahiin at hindi naniniwala.... Walang sinumang dapat pilitin. Kalayaan ang pinakadiwa ng pananampalataya.”—Ibid., b. 9, ch. 8.ADP 110.7

    Hindi nagtagal at naipamalita na sa buong Wittenberg na si Luther ay nagbalik na at siya’y mangangaral. Nagdagsaan ang mga tao mula sa lahat ng dako at ang simbahan ay napuno hanggang sa umawas na. Pagkaakyat sa pulpito, siya’y may malawak na karunungan at kahinahunang nagturo, nagpayo, at sumumbat. Tungkol sa ginawa ng iba, na gumamit ng mararahas na hakbangin upang buwagin ang misa, ay sinabi niya:ADP 111.1

    “Ang misa ay masama; ang Diyos ay tutol dito; dapat itong buwagin; at nais ko, na sa buong sanlibutan ay mapalitan ito ng hapunan ng ebanghelyo. Ngunit walang dapat na ihiwalay dito sa pamamagitan ng pamimilit. Dapat nating iwan ang bagay na ito sa kamay ng Diyos. Ang Salita Niya ang dapat na kumilos, at hindi tayo. Pero bakit naman? tanong ninyo. Dahil hindi ko hawak ang puso ng mga tao sa aking kamay, na gaya ng paghawak ng magpapalyok sa putik. May karapatan tayong magsalita: pero walatayong karapatang magpasya para sa iba. Mangaral tayo; bahala na ang Diyos sa iba pa. Kung gagamit ako ng puwersa, anong mapapala ko? Simangot, seremonya, panggagaya, mga kaugalian ng tao, at pagkukunwari.... Pero wala namang katapatan ng puso, ni pananampalataya, ni pag-ibig. Kung wala ang tatlong ito, wala rin ang lahat, at hindi ako magbibigay ng tangkay ng peras para sa ganyang resulta.... Mas marami ang nagagawa ng Diyos sa pamamagitan ng Salita lang Niya kaysa sa iyo at sa akin at sa buong sanlibutan, sa pamamagitan ng pinagsama-sama nating lakas. Ang Diyos ang humahawak sa puso; at kapag nakuha na ang puso, nakuha na rin ang lahat....ADP 111.2

    “Ako’y mangangaral, tatalakay, at magsusulat; pero wala akong pipilitin, sapagkat ang pananampalataya ay isang kusangloob na kapasyahan. Tingnan ninyo ang aking ginawa. Nanindigan ako laban sa papa, sa mga indulhensya, at sa mga makapapa, pero walang dahas o kaguluhan. Iniharap ko ang Salita ng Diyos; ako’y nangaral at sumulat—ito lang ang ginawa ko. Ngunit habang ako’y tulog,...nilupig ng salitang ipinangaral ko ang kapapahan, anupa’t walang prinsipe o emperador man ang nakagawa rito ng napakalaking pinsala. Pero wala naman akong ginawa; ang Salita lang ang gumawa ng lahat. Kung ninais kong gumamit ng dahas, ang buong Germany siguro ay binaha na ng dugo. Pero ano naman sana ang resulta? Malaking kapahamakan at pangungulila kapwa ng katawan at kaluluwa. Kaya’t nanahimik ako, at hinayaan ang Salita na lumagos sa sanlibutan mag-isa.”—Ibid., b. 9, ch. 8.ADP 111.3

    Araw-araw, sa loob ng isang linggo, si Luther ay patuloy na nangaral sa nananabik na karamihan ng tao. Inalis ng Salita ng Diyos ang labis na katuwaan ng pagkapanatiko. Ibinalik ng kapangyarihan ng ebanghelyo sa daan ng katotohanan ang mga taong naliligaw ng landas.ADP 111.4

    Hindi hangad ni Luther na kaharapin ang mga panatiko na ang gawain ay maraming nagawang napakalaking kasamaan. Kilala niya sila bilang mga taong walang mabuting opinyon at hindi kontrolado ang damdamin, na samantalang nag-aangking bukud-tanging naliwanagan ng langit ay hindi matagalan ang pinakabahagyang pagkontra, o maging ang pinakamabait na sumbat o payo. Dahil nang-aangkin ng sukdulang kapamahalaan, hinihingi nila sa bawat isa na tanggapin ang kanilang mga sinasabi nang walang tanung-tanong. Ngunit nang sila’y humingi ng pakikipanayam sa kanya, siya’y pumayag na harapin sila; at dahil dito’y matagumpay niyang nailantad ang kanilang mga pagpapakunwari, anupa’t ang mga mapagpanggap na ito ay agad na umalis sa Wittenberg.ADP 111.5

    Ang pagkapanatiko ay pansamantalang napigilan; ngunit pagkalipas ng ilang taon, ito’y biglang nagsimula nang may mas matinding karahasan at mas kakila-kilabot na mga resulta. Sabi ni Luther tungkol sa mga lider ng kilusang ito: “Para sa kanila, ang Banal na Kasulatan ay isang lipas nang kautusan lamang, at silang lahat ay nagsimulang magsisigaw. ‘Ang Espiritu! Ang Espiritu!’ Pero siguradung-sigurado na hindi ako susunod sa pinagdadalhan sa kanila ng espiritu nila. Nawa’y iligtas ako ng kahabagan ng Diyos mula sa isang iglesya na puro mga santo. Nais kong manirahan kasama ng mga karaniwang tao, ng mga mahihina, ng mga maysakit, na nakakaalam at nakakadama sa kanilang mga kasalanan, na patuloy na dumadaing at humihibik sa Diyos mula sa kaibuturan ng kanilang mga puso upang matamo ang Kanyang kaaliwan at tulong.”—Ibid., b. 10, ch. 10.ADP 111.6

    Ang pinakaaktibo sa mga panatiko na si Thomas Munzer, ay isang taong may malaki ring kakayahan, na kung mapangangasiwaan nang tama, ay magbibigaykapangyarihan sa kanya para gumawa ng mabuti; ngunit hindi niya natutunan ang mga unang prinsipyo ng tunay na relihiyon. “Siya’y pinaghaharian ng isang paghahangad na baguhin ang sanlibutan, at nakalimutan, gaya ng iba pang taong panatiko, na ang repormasyon ay dapat na magsimula sa kanyang sarili.”—Ibid., b. 9, ch. 8. Siya’y naghahangad na magkaroon ng posisyon at impluwensya, at ayaw na maging pangalawa lang kahit pa kay Luther. Ipinahayag niya na sa ginawa ng mga Repormador na paghalili ng kapamahalaan ng Banal na Kasulatan sa kapamahalaan ng papa, ay nagtatatag lang sila ng ibang anyo ng kapapahan. Siya raw mismo, sabi niya, ay inatasan ng Diyos na pasimulan ang tunay na reporma. “Siyang nagtataglay ng espiritung ito,” sabi ni Munzer, “ay nagtataglay ng tunay na pananampalataya, kahit hindi niya nakita ang mga Kasulatan sa buong buhay niya”—Ibid., b. 10, ch. 10.ADP 112.1

    Ibinigay ng mga panatikong tagapagturo ang kanilang sarili para pamahalaan ng mga nararamdaman, at ang bawat isipan at simbuyo ay itinuturing na tinig ng Diyos; dahil dito’y napadpad sila sa labis na kasukdulan. Ang iba’y sinunog pa nga ang mga Biblia nila, na sinasabing: “Ang titik ay pumapatay, subalit ang Espiritu ay nagbibigay buhay.” Pinukaw ng turo ni Munzer ang hilig ng mga tao sa mga kamangha-manghang bagay, habang binibigyang-lugod naman nito ang kanilang pagmamalaki sa pamamagitan ng tahasang paglalagay ng mga ideya at opinyon ng tao sa ibabaw ng Salita ng Diyos. Ang kanyang mga doktrina ay tinanggap ng libu-libong tao. Hindi nagtagal ay kanya nang tinutuligsa ang lahat ng tuntunin sa pampublikong pagsamba, at sinabing ang sumunod sa mga prinsipe ay isang pagtatangka na parehong maglingkod sa Diyos at kay Belial.ADP 112.2

    Ang isipan ng mga tao, na nagsisimula nang itakwil ang pamatok ng kapapahan, ay nayayamot na rin sa mga pagbabawal ng pamahalaan. Ang mga rebolusyonaryong turo ni Munzer, na nang-aangkin ng kapahintulutan ng Diyos ay humimok sa kanila na kumawala sa lahat ng pagpigil, at binayaan kung anong gusto ng mga mali nilang iniisip at bugso ng damdamin. Sumunod ang pinakamatitinding tagpo ng rebelyon at kaguluhan, at ang mga kaparangan ng Germany ay natigmak ng dugo.ADP 112.3

    Ang matinding paghihirap ng kaluluwa na napakatagal na dating naranasan ni Luther sa Erfurt ay dumidiin sa kanya ngayon nang may dobleng lakas, habang nakikita niyang ibinibintang sa Repormasyon ang mga bunga ng pagkapanatiko. Ipinahayag ng mga makapapang prinsipe—at marami ang handang tumanggap sa pahayag na ito—na ang paghihimagsik na ito ay tunay na bunga ng mga doktrina ni Luther. Bagaman ang bintang na ito’y walang kahit pinakabahagyang batayan, ito’y nagdulot pa rin ng malaking pagkabalisa sa Repormador. Parang hindi niya kayang tiisin na ang gawain ng katotohanan ay siraan nang ganon na lang sa pamamagitan ng paglalagay dito sa antas ng pinakamasamang panatismo. Sa kabilang dako naman, ang mga lider ng paghihimagsik ay galit kay Luther dahil hindi lamang niya kinalaban ang kanilang mga doktrina at hindi pinaniwalaan ang pag-aangkin nila sa inspirasyon ng Diyos, kundi sinabi pa niya na sila’y mga rebelde sa pamahalaan. Bilang pagganti ay binatikos nila siya bilang isang hamak na nagkukunwari. Siya’y parang nagdulot sa kanyang sarili ng galit kapwa ng mga prinsipe at ng mga tao.ADP 112.4

    Ang mga Romanista ay tuwang-tuwa, inaasahang masaksihan ang mabilis na pagbagsak ng Repormasyon; at sinisi nila si Luther, kahit sa mga kamalian na buong sigasig niyang sinisikap na maitama. Ang panig ng mga panatiko, sa pamamagitan ng may-kabulaanang pagsasabi na sila’y napakawalang-katarungang pinakitunguhan, ay nagtagumpay na makuha ang simpatya ng maraming tao, at gaya ng kadalasang nangyayari doon sa mga pumapanig sa mali, sila’y itinuring na mga martir. Kung kaya’t yung mga gumagamit ng lahat nilang lakas upang kalabanin ang Repormasyon ay kinaawaan at pinapurihan bilang mga biktima ng kalupitan at pang-aapi. Ito ang gawain ni Satanas, sa udyok ng espiritu ding iyon ng paghihimagsik na unang ipinakita sa langit.ADP 112.5

    Si Satanas ay laging nagsisikap na dayain ang mga tao, at inaakay sila na tawaging kasalanan ang katuwiran, at katuwiran ang kasalanan. Napakatagumpay ng kanyang gawain! Napakalimit na ibinabato ang pagpintas at paninira sa mga tapat na lingkod ng Diyos dahil sila’y walang-takot na naninindigan para ipagtanggol ang katotohanan! Ang mga taong alagad lang ni Satanas ay pinapupurihan at pinasisigla, at tinitingala pa nga bilang mga martir, samantalang yung mga dapat na igalang at alalayan dahil sa katapatan nila sa Diyos, ay hinahayaang manindigan mag-isa, sa ilalim ng paghihinala at kawalang tiwala.ADP 113.1

    Ang hinuwad na kabanalan, ang hindi tunay na pagpapakabanal, ay gumagawa pa rin ng pandaraya ngayon. Sa ilalim ng iba’t ibang anyo, ipinapakita nito ang ganon ding espiritu sa kapanahunan ni Luther, na ibinabaling ang mga isipan palayo sa Kasulatan, at hinihimok ang mga tao na sumunod sa mga sarili nilang nararamdaman at palagay sa halip na sumunod sa kautusan ng Diyos. Ito ang isa sa mga pinakamatagumpay na pakana ni Satanas upang siraan ang kalinisan at katotohanan.ADP 113.2

    Walang-takot na ipinagtanggol ni Luther ang ebanghelyo sa mga pag-atakeng mula sa lahat ng dako. Pinatunayan ng Salita ng Diyos na ito’y makapangyarihang sandata sa lahat ng labanan. Taglay ang Salitang iyon, siya’y nakipaglaban sa nakamkam na kapangyarihan ng papa, at sa rasyonalistikong pilosopiya ng mga tagapagturo sa paaralan, habang siya’y naninindigang matatag gaya ng isang bato laban sa pagkapanatiko na nagsisikap na maging kakampi ng Repormasyon.ADP 113.3

    Bawat isa sa magkakalabang pangkat na ito ay isinasaisantabi ang Banal na Kasulatan sa sarili nitong kaparaanan, at itinataas ang karunungan ng tao bilang siyang pinagmumulan ng katotohanan at kaalamang ukol sa relihiyon. Dinidiyos ng rasyonalismo ang pangangatwiran at ginagawa itong pamantayan ng relihiyon. Ang Romanismo, na inaangkin para sa pinakadakilang obispo nito ang inspirasyong nalipat daw nang walang-putol mula sa mga apostol, at di-mababago sa lahat ng panahon, ay nagbibigay ng napakaraming pagkakataon para sa lahat ng uri ng karangyaan at katiwalian para lang itago sa ilalim ng kabanalan ng atas sa pagkaapostol. Ang inspirasyon namang inaangkin ni Münzer at ng kanyang mga kasama ay wala nang mas mataas pang pinagmumulan kaysa sa mga kapritso ng imahinasyon, at ang impluwensya nito ay mapanghimagsik sa lahat ng kapamahalaan, ng tao man o ng Diyos. Ang tunay na Kristiyanismo ay tumatanggap sa Salita ng Diyos bilang dakilang imbakan ng kinasihang katotohanan, at siyang subukan ng lahat ng inspirasyon.ADP 113.4

    Sa kanyang pagbabalik galing sa Wartburg, tapos na ni Luther ang salin niya ng Bagong Tipan, at ang ebanghelyo di-nagtagal ay naibigay sa mga mamamayan ng Germany sa sarili nilang wika. Ang saling ito ay may malaking kagalakang tinanggap ng lahat ng nagmamahal sa katotohanan; ngunit ito’y buong paghamak na itinakwil nung mga pumili sa mga tradisyon at mga utos ng mga tao.ADP 113.5

    Ang mga pari ay nabahala sa isipan na ngayon ay maaari nang talakayin ng mga karaniwang tao ang mga alituntunin ng Salita ng Diyos, at sa gayo’y malalantad ang sarili nilang kawalang-alam. Ang mga sandata ng makalaman nilang pangangatwiran ay walang-laban sa tabak ng Espiritu. Tinawagan ng Roma ang lahat nitong kapamahalaan para hadlangan ang paglaganap ng mga Kasulatan; ngunit ang mga utos, pagsumpa, at pagpapahirap ay pare-parehong walang-saysay. Habang lalo nitong kinukundena at pinagbabawalan ang Biblia, mas lalo rin namang nananabik ang mga tao na malaman kung ano ba talaga ang itinuturo nito. Ang lahat ng nakakabasa ay sabik na sabik pagaralan nang personal ang Salita ng Diyos. Dala-dala nila ito kahit saan, na binabasa at muling binabasa, at hindi sila masiyahan hangga’t hindi nila nasasaulo ang malaking bahagi nito. Nang makita ang pagtangkilik sa Bagong Tipan, sinimulan namang isalin ni Luther ang Lumang Tipan, at agad itong inililimbag nang bahabahagi kapag natapos.ADP 113.6

    Ang mga isinulat ni Luther ay malugod na tinanggap sa lunsod man o sa munting nayon. “Kung anong isinusulat ni Luther at ng kanyang mga kaibigan, ay ikinakalat naman ng iba. Ang mga monghe, na kumbinsido sa pagiging tiwali ng mga obligasyon sa monasteryo, at gustong ipagpalit ang mahabang buhay ng katamaran sa isang buhay na aktibong nagsisikap, pero wala talagang alam kung paano ipahayag ang Salita ng Diyos, ay naglakbay sa mga lalawigan, na dinadalaw ang maliliit na baryo at mga dampa, kung saan nila ipinagbili ang mga aklat ni Luther at ng kanyang mga kaibigan. Ang Germany di-nagtagal ay kinuyog ng mga matatapang na kulpurtor na ito.”—Ibid., b. 9, ch. 11.ADP 114.1

    Ang mga isinulat na ito ay may malalim na interes na pinag-aralan ng mga mayayaman at mahihirap, ng mga nakapag-aral at mga walang-alam. Sa gabi ay malakas itong binabasa ng mga guro sa mga paaralan ng nayon sa maliliit na grupong nagtitipuntipon sa tabi ng apoy. Sa bawat pagsisikap ay may mga kaluluwang mahihikayat sa katotohanan, at dahil magalak na tinanggap ang Salita, kanila namang sasabihin ang magandang balitang ito sa iba.ADP 114.2

    Ang mga salitang ito ng inspirasyon ay napatunayan: “Ang paghahayag ng Iyong mga Salita ay nagbibigay ng kaliwanagan; nagbibigay ng unawa sa walang karunungan” (Awit 119:130). Ang pag-aaral ng Kasulatan ay gumagawa na ng makapangyarihang pagbabago sa isipan at puso ng mga tao. Ang pamumuno ng kapapahan ay naglagay ng isang bakal na pamatok sa mga nasasakupan nito na pumigil sa kanila sa kawalang-alam at hamak na kalagayan. Isang mapamahiing pangingilin ng mga seremonya ang ipinagpatuloy nang buong higpit; ngunit sa lahat nilang paglilingkod ang puso at isipan ay walang gaanong bahagi. Ang pangangaral ni Luther, na naglalahad sa malilinaw na katotohanan ng Salita ng Diyos, at pagkatapos ay ang Salita mismo, na nailagay sa mga kamay ng mga karaniwang tao, ay gumising sa mga natutulog nilang kakayahan, na hindi lamang nililinis at pinapadakila ang espirituwal na likas, kundi nagbabahagi pa ng bagong kapangyarihan at lakas sa kaisipan.ADP 114.3

    Ang lahat ng uri ng tao ay makikitang may hawak na Biblia sa kanilang mga kamay, at ipinagtatanggol ang mga doktrina ng Repormasyon. Ang mga makapapa na ipinaubaya ang pag-aaral ng Kasulatan sa mga pari at mga monghe, ay nanawagan ngayon sa kanila na humarap at pasinungalingan ang mga bagong aral na ito. Ngunit dahil walang-alam kapwa sa mga Kasulatan at sa kapangyarihan ng Diyos, ang mga pari at mga prayle ay lubusang tinalo nung mga tinutuligsa nilang mga walang pinag-aralan at laban sa simbahan. “Ang nakakalungkot,” sabi ng isang Katolikong manunulat, “ay hinimok ni Luther ang kanyang mga tagasunod na huwag magtiwala sa anumang iba pang kapahayagan maliban sa Banal na Kasulatan.”—D'Aubigné, b. 9, ch. 11. Napakaraming tao ang nagtitipon upang mapakinggan ang katotohanang itinataguyod ng mga taong walang-gaanong pinagaralan, at sila pa nga ang tumatalakay nito sa mga teologong may pinag-aralan at magagaling magsalita. Ang nakakahiyang kamangmangan ng mga dakilang taong ito ay mas malinaw habang ang mga argumento nila ay sinasagot ng mga simpleng turo ng Salita ng Diyos. Ang mga trabahador, mga sundalo, mga babae, at kahit mga bata, ay mas alam pa ang mga itinuturo ng Biblia kaysa mga pari at mga nakapag-aral na doktor ng teolohiya.ADP 114.4

    Ang pagkakaiba sa pagitan ng mga alagad ng ebanghelyo at ng mga tagapagtaguyod ng pamahiin ng kapapahan ay nakikita sa hanay ng mga iskolar gaya rin sa mga karaniwang tao. “Ang kalaban ng mga bihasa nang tagapagtanggol ng pamunuan ng simbahan, na pinabayaan ang pag-aaral ng mga wika at ang pagsasanay sa literatura...ay mga kabataang malawak ang isipan, na maasikaso sa pag-aaral, sinusuri ang Kasulatan, at sinasanay ang kanilang sarili sa mga obra-maestra ng unang panahon. Dahil nagtataglay ng aktibong isipan, marangal na kaluluwa, at matapang na puso, ang mga kabataang ito di-nagtagal ay nagtamo ng lubhang karunungan anupa’t matagal na panahong walang makalaban sa kanila.... Kung kaya’t kapag nakakaharap ng mga kabataang ito na tagapagtanggol ng Repormasyon ang mga Romanong doktor sa anumang pagtitipon, inaatake nila sila na may malaking kaalwanan at tiwala anupa’t ang mga walang-alam na taong ito ay nag-aalangan, napapahiya, at nalalagay sa kahihiyang nararapat sa paningin ng lahat.”—Ibid., b. 9, ch. 11.ADP 114.5

    Nang makita ng mga Romanong alagad ng simbahan na ang kanilang mga kapulungan ay umuunti, hiningi nila ang tulong ng mga mahistrado, at sa lahat ng kaparaanan sa buo nilang makakaya ay nagsikap na mapabalik ang kanilang mga tagapakinig. Subalit nasumpungan ng mga tao sa mga bagong turo ang bagay na nagpupuno sa mga pangangailangan ng kanilang kaluluwa, at sila’y tumalikod doon sa mga taong napakatagal nang nagpapakain sa kanila ng mga walang-kuwentang ipa ng mga mapamahiing seremonya at tradisyon ng tao.ADP 115.1

    Nang sumiklab ang pag-uusig laban sa mga tagapagturo ng katotohanan, sinunod nila ang sinabi ni Cristo, “Kapag inuusig nila kayo sa isang bayan, tumakas kayo tungo sa kasunod” (Mateo 10:23). Ang liwanag ay nakapasok kahit saan. Ang mga takas ay may nasusumpungang mapagpatuloy na pintuan kahit saan, na nakabukas para sa kanila, at habang nakatira roon ay ipinangangaral nila si Cristo, kung minsan ay sa simbahan, o kung hindi mapagbigyan sa pribilehiyong iyan, ay sa mga pribadong tahanan o kaya’y sa labas. Kung saan man may makikinig sa kanila ay isang sagradong templo. Ang katoto-hanan na ipinahayag nang may malaking sigasig at katiyakan, ay kumalat nang may di-mapipigilang kapangyarihan.ADP 115.2

    Walang kabuluhan ang panawagan sa awtoridad ng pamahalaan at ng simbahan upang durugin ang erehiya. Walang kabuluhan ang pagdulog nila sa pagpapabilanggo, pagpapahirap, apoy, at tabak. Libu-libong mananampalataya ang nagtatak ng kanilang dugo sa kanilang pananampalataya, pero ang gawain ay nagpatuloy pa rin. Ang pag-uusig ay nagsilbing pampalawak lamang sa katotohanan; at ang pagkapanatiko na pinagsikapan ni Satanas na isanib dito, ay humantong sa higit na pagpapalinaw sa pagkakaiba ng gawain ni Satanas sa gawain ng Diyos.ADP 115.3

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents