Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Dininig ang Pabalita

    Mula sa Efeso ay naglunsad si Pablo ng isa pang paglalakbay misyonero, at inisip niyang muling dalawin ang mga unang bukirang kanyang ginawan sa Europa. Sandali siyang namalagi sa Troas, “upang ipangaral ang ebanghelyo ni Kristo,” at natagpuan niya ang ilan na handang makinig ng kanyang pabalita. “Isang pintuan ang binuksan sa akin ng Panginoon,” wika niya matapos ang kanyang paggawa sa lugar na ito. Bagama’t matagumpay ang kanyang paggawa sa Troas, hindi siya makapagtagal na manatili doon. “Ang pangangalaga ng lahat ng mga iglesia,” at higit sa lahat ng Corinto, ay mabigat sa kanyang puso. Inasahan niyang makatagpo si Tito sa Troas, upang maalaman mula dito ang tungkol sa naging pagtanggap ng iglesia ng Corinto sa kanyang liham, ngunit siya ay nabigo. “Wala akong kapanatagan ng diwa,” sulat niya tungkol sa karanasang ito, “sapagkat hindi ko natagpuan si Tito na aking kapatid.” Iniwan niya ang Troas at tumawid tungo sa Macedonia at sa Filipos ay natagpuan niya si Timoteo.AGA 245.1

    Sa pagkabahala niya sa iglesia sa Corinto, umasa si Pablo sa pinakamabuti; gayunman kung minsan ay dumarating sa kanya ang kalungkutan na baka naging mali ang pagkaunawa sa kanyang mga payo at turo. “Ang aming laman ay walang pahinga,” sinulat niya pagkatapos, “at kami ay bagabag sa lahat ng dako; sa labas ay pakikipagtunggali, sa loob ay takot. Gayunman ang Dios, na nagpapaginhawa sa mga nalulumbay ang nagpaginhawa sa amin sa pagdating ni Tito.”AGA 245.2

    Ang tapat na manggagawang ito ay naghatid ng magandang balita tungkol sa kahanga-hangang pagbabagong naganap sa mga mananampalataya sa Corinto. Marami ang tumanggap sa turong nilalaman ng liham ni Pablo, at nagsisi sa kanilang mga kasalanan. Ang mga kabuhayan nila ay hindi na kahihiyan sa Kristianismo, kundi nagbigay ng impluwensya sa panig ng praktikal na kabanalan.AGA 245.3

    Puspos ng kagalakan, ang apostol ay nagpadalang muli ng isa pang liham sa mga mananampalataya sa Corinto, na naghahayag ng kanyang kagalakan ng puso dahilan sa mabuting bagay na nangyari sa kanila: “Sapagkat bagaman ako’y nakapagpalumbay sa inyo sa aking sulat, ay hindi ko dinaramdam, bagama’t aking dinamdam.” Nang pahirapan ng pagkatakot na ang kanyang mga salita ay hamakin, kanya minsang pinagsisihan na siya’y sumulat ng walang alinlangan at lubhaan. “Ngayo’y nagagalak ako,” siya’y nagpatuloy, “hindi dahil sa inyong pagkalumbay, kundi dahil sa inyong pagkalumbay sa ikapagsisisi: sapagkat kayo’y pinalumbay sa paraang ukol sa Dios, upang sa anuman ay huwag kayong mangagkaroon ng kalugihan dahil sa amin. Sapagkat ang kalumbayang mula sa Dios ay gumagawa ng pagsisisi sa ikaliligtas na hindi ikalulungkot.” Ang gayong pagsisisi na bunga ng banal na biyaya sa puso ay aakay sa pagkukumpisal at pagtatakwil sa kasalanan. Ganito ang mga naging bungang nahayag sa mga buhay ng mananampalataya sa Corinto ayon kay Pablo. “Gaanong sikap na pag-iingat ang sa inyo’y ginawa, oo, gaanong pagtatanggol ng inyong sarili, oo, gaanong pagkagalit, oo, gaanong katakutan, oo gaanong pananabik, oo, gaanong pagmamalasakit.”AGA 246.1

    Sa ilang panahon ay taglay ni Pablo ang pasanin para sa mga iglesia—isang mabigat na pasang halos ay hindi niya makaya. Mga bulaang guro ay nagsikap na wasakin ang kanyang impluwensya sa mga mananampalataya, at nag-aalok ng mga sariling doktrina kapalit ng katotohanan ng ebanghelyo. Ang mga bagabag at kagulumihanang nakapalibot kay Pablo ay nahayag sa mga pangungusap na ito: “Kami ay nabibigatang lubha, higit sa aming kalakasan, anupa’t kami ay nalulungkot kahit na sa buhay.”AGA 246.2

    Ngunit ngayon ay naalis na ang isang dahilan ng bagabag. Sa balita ng pagtanggap ng Corinto sa kanyang liham, si Pablo ay nakapagsalita ng pagdiriwang: “Purihin nawa ang Dios, at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng ating kaawaan, at Dios ng buong kaaliwan; na siyang umaaliw sa atin sa lahat ng kapighatian, upang ating maaliw ang nangasa anumang kapighatian, sa pamamagitan ng pag-aliw na inialiw din sa atin ng Dios. Sapagkat kung paanong sumasagana sa atin ang mga sakit ni Kristo, gayon din naman ang aming kaaliwan sa pamamagitan ni Kristo. Datapuwat maging kami man ay mapighati, ay para sa inyong kaaliwan at kaligtasan, o maging kami man ay maaliw ay para sa inyong kaaliwan, na siyang gumagawa sa pagdadalitang may pagtitiis ng mga gayon ding pagbabata sa aming binabata. At ang aming pag-asa tungkol sa inyo ay matibay, yamang nalalaman, na kung paanong kayo ay karamay sa mga sakit, ay gayon din naman kayo ay sa kaaliwan.”AGA 246.3

    Sa paghahayag ng kanyang kagalakan sa kanilang muling pagkahikayat at paglago sa biyaya, iniukol ni Pablo sa Dios ang lahat ng papuri sa pagbabagong ito ng puso at kabuhayan. “Salamat sa Dios,” kanyang pinahayag, “na laging pinapagtatagumpay tayo kay Kristo, at sa pamamagitan natin ay ipinahahayag ang samyo ng pagkakilala sa Kanya sa bawat dako. Sapagkat tayo ay matamis na samyo ni Kristo sa Dios, sa mga inililigtas at sa mga napapahamak.” Kaugalian nang panahong iyon para sa isang heneral na nagtagumpay sa digmaan na sa pagbabalik ay isama ang isang parada ng mga bihag. Sa panahong iyon ang mga tagapagdala ng insenso ay hinihirang, at habang nagmamartsang pauwi ang nagtagumpay na hukbo, ang mabangong samyo ay samyo ng kamatayan para sa mga bihag, na nagbabadyang malapit na sila sa dako ng patayan; ngunit sa mga bihag na nakakita ng pagtingin sa mga bumihag sa kanila at ang buhay ay ililigtas, ito ay samyo ukol sa buhay, nagbabadyang ang kanilang paglaya ay malapit na.AGA 247.1

    Si Pablo ay puspos ngayon ng pananampalataya at pag-asa. Nadama niyang si Satanas ay hindi magtatagumpay sa gawain ng Dios sa Corinto, at sa mga salita ng papuri sa Dios ay ibinuhos niya ang pagpapasalamat ng puso. Siya at mga kasama ay magdiriwang sa tagumpay na ito sa paghayong may lalong sigasig sa pagpapalaganap ng pagkakilala sa Tagapagligtas. Tulad ng insenso ang halimuyak ng ebanghelyo ay pangangalatin sa sanlibutan. Sa kanilang tatanggap kay Kristo ang pabalita ay magiging mabangong samyo ng buhay; ngunit sa kanilang mananatili sa kawalang pananampalataya, isang samyo ng kamatayan.AGA 247.2

    Sa pagkadama ng lawak ng gawain, naibulalas ni Pablo, “Sino ang sapat para sa mga bagay na ito?” Sino ang makapapangaral tungkol kay Kristo sa paraang ang Kanyang mga kaaway ay di magkakaroon ng katuwirang hamakin ang mga mensahero o ang mensaheng taglay nila? Nais ni Pablo na idiin sa mga mananampalataya ang banal na kapanagutan ng pangangaral ng ebanghelyo. Katapatan sa pangangaral ng salita, kasanib ng dalisay na buhay ang tanging magbibigay kaluguran sa Dios at kapaki-pakinabang sa mga kaluluwa. Mga ministro natin ngayon, na nakadadama ng pasanin ng kadakilaan ng gawain, ay mainam na ibulalas kasama ng apostol, “Sino ang makatatayo o makasasapat sa mga bagay na ito?”AGA 247.3

    Mayroong nagbintang kay Pablo ng pagmamapuri sa sarili sa pagsulat niya ng unang liham. Binanggit ng apostol ang bagay na ito sa pagtatanong sa mga kaanib ng iglesia kung ganoon nga ang kanilang iniisip. “Pinasisimulan baga naming muli na ipagkapuri ang aming sarili?” kanyang tinanong; “o kami baga ay nangangailangan gaya ng iba, ng mga sulat na papuri sa inyo, o mula sa inyo?” Mga mananampalataya na lumilipat sa ibang lugar ay nagdadala ng mga liham ng papuri mula sa iglesia na dati nilang inaniban; ngunit ang mga pangunahing manggagawa, ang mga nagtatag ng mga iglesia, ay hindi nangailangan ng gayong papuri. Ang mga mananampalataya sa Corinto, na naakay mula sa pagsamba sa mga diyus-diyusan tungo sa pananampalataya ng ebanghelyo, ay siyang lahat ng pagtatagubiling kailangan ni Pablo. Ang pagtanggap nila ng katotohanan, at ang pagbabagong naganap sa kanilang mga buhay, ay mabisang patotoo ng katapatan sa kanyang paggawa, at sa kanyang kakayahang magpayo, magsansala, at makiusap bilang ministro ni Kristo.AGA 248.1

    Itinuring ni Pablo ang mga kapatid sa Corinto bilang kanyang patotoo. “Kayo ang aming sulat,” kanyang sinabi, “na nasusulat sa aming mga puso, nakikilala at nababasa ng lahat ng mga tao: yamang nahahayag na kayo’y sulat ni Kristo na pinangasiwaan namin, hindi isinulat ng tinta, kundi ng Espiritu ng Dios na buhay, hindi sa mga tapyas na bato, kundi sa mga tapyas ng pusong laman.”AGA 248.2

    Ang pagkahikayat ng mga makasalanan at ang kanilang pagpapabanal sa katotohanan ang pinakamatibay na katibayan na ang isang ministro ay tinawagan ng Dios. Ang katibayan ng kanyang pagiging apostol ay nasusulat sa mga puso ng nahikayat, at sinasaksihan ng kanilang mga buhay na nabago. Si Kristo ay nahahayag sa loob, ang pag-asa ng kaluwalhatian. Ang isang ministro ay tunay na napapalakas ng mga tatak na ito ng kanyang gawain.AGA 248.3

    Ang mga ministro ngayon ay dapat magtaglay ng katulad na patotoong tinaglay ng iglesia ng Corinto sa paggawa ni Pablo. Ngunit sa kabila ng maraming mangangaral ngayon, kakaunti naman ang mga ministrong may kakayahan at banal—-mga lalaking puspos ng pag-ibig na nananahan sa puso ni Kristo. Pagmamataas, pagtitiwala sa sarili, pag-ibig sa sanlibutan, paghahanap ng kasiraan, kapaitan, inggit, ay ang mga bungang taglay ng mga nagpapanggap ng relihiyon ni Kristo. Ang kanilang mga buhay ay malaking kaibahan sa naging buhay ng Tagapagligtas, at nagbibigay ng malungkot na saksi sa likas ng gawain ng ministrong sa kanyang paggawa sila ay nahikayat.AGA 248.4

    Wala nang dadakila pang karangalang matatanggap ang tao liban sa siya ay tanggapin bilang may kakayahang ministro ng Dios. Ngunit silang pinagpapala ng Panginoon ng kapangyarihan at tagumpay sa kanyang gawain ay hindi nagmamayabang. Kinikilala. nila ang lubusang pagsandig sa Kanya, na nadadamang sa sarili ay wala silang kapangyarihan. Kasama ni Pablo ay sinasabi nilang, “Hindi sa kami ay sapat na sa aming sarili, upang isiping ang anuman ay mula sa ganang aming sarili; kundi ang aming kasapatan ay mula sa Dios; na sa amin ay nagpapaging sapat na mga ministro ng bagong tipan.”AGA 249.1

    Ang isang tunay na ministro ‘ ay gumaganap ng gawain ng Panginoon. Nadadama niya ang kahalagahan ng gawain, na siya ay nagpapanatili ng kaugnayan sa iglesia at sa sanlibutan ng ugnayan ni Kristo. Gumagawa siyang walang pagod upang ang makasalanan ay maakay sa lalong mataas at marangal na kabuhayan, upang matamo nila ang tagumpay ng isang mananagumpay. Ang kanyang mga labi ay may dampi ng buhay na baga mula sa altar, at itinataas niya si Jesus bilang tanging pag-asa ng makasalanan. Ang sinumang makikinig sa kanya ay makaaalam na siya ay malapit sa Dios sa maningas at mabisang panalangin. Ang Banal na Espiritu ay nasa kanyang buhay, at nadama nito ang buhay at maningas na apoy ng langit, at naihahambing niya ang mga espirituwal na bagay sa espirituwal. Ang kapangyarihan ay naipagkaloob sa kanya upang wasakin ang mga tanggulan ni Satanas. Mga puso ay nakikilos sa kanyang paglalahad ng pag-ibig ng Dios, at marami ang naaakay na mag-usisa, “Ano ang marapat kong gawin upang maligtas?”AGA 249.2

    “Kaya nga sa pagkakaroon namin ng ministeryong ito, ayon sa aming tinanggap na kaawaan, ay hindi kami nanghihina. Bagkus tinanggihan namin ang mga kahiya-hiyang bagay na nangatatago, na hindi kami nagsisilakad sa katusuhan, ni nagsisigamit man ng may daya ng mga salita ng Dios; kundi sa pagpapahayag ng katotohanan ay ipinagtatagubilin ang aming sarili sa bawat budhi ng mga tao sa harapan ng Dios. At kung ang aming ebanghelyo ay natatalukbungan pa, ay may talukbong sa nangapapahamak: na binulag ng diyos ng sanlibutang ito ang mga pag-iisip ng mga hindi nagsisisampalataya, upang sa kanila’y huwag sumilang ang kaliwanagan ng ebanghelyo ng kaluwalhatian ni Kristo, na siyang larawan ng Dios. Sapagkat hindi namin ipinangaral ang aming sarili, kundi si Kristo-Jesus na Panginoon; at kami ay gaya ng inyong mga alipin dahil kay Jesus. Yamang ang Dios ang nagsabi, Magniningning ang ilaw sa kadiliman, na siyang nagningning sa aming mga puso, upang magbigay ng liwanag ng pagkakilala sa kaluwalhatian ng Dios sa mukha ni Jesu-Cristo.”AGA 249.3

    Sa ganito ay itinaas ng apostol ang biyaya at kaawaan ng Dios, na nahayag sa banal na pagkakatiwalang nabigay sa kanya bilang ministro ni Kristo. Sa masaganang kahabagan ng Dios, siya at mga kapatid ay naingatan sa mga kahirapan, sakit at panganib. Hindi nila isinakabuhayan ang kanilang pananampalataya upang iangkop sa naisin ng mga nakikinig, o ikinait man ang katotohanang mahalaga sa kaligtasan upang lalong maging kaakit-akit ang kanilang pagtuturo. Inihayag nila ang katotohanan sa simple at malinaw na paraan, na idinadalangin ang pagkahikayat ng mga kaluluwa. At sinikap nilang iangkop ang kanilang mga kilos na katugma ng kanilang mga turo, upang ang katotohanang inihaharap ay maging mabisa sa konsyensya ng bawat tao.AGA 250.1

    “Taglay namin ang kayamanang ito,” ipinagpatuloy ng apostol, “sa mga sisidlang lupa, upang ang dakilang kalakhan ng kapangyarihan ay maging mula sa Dios, at huwag mula sa aming sarili.” Maaari sanang ihayag ng Dios ang Kanyang katotohanan sa pamamagitan ng mga anghel na di nagkasala, ngunit hindi ganito ang Kanyang panukala. Pinipili Niya ang tao, taglay ang mga kahinaan, bilang mga instrumento sa pagsasagawa ng Kanyang mga panukala. Ang kayamanang hindi masusukat ang halaga ay inilalagay sa sisidlang putik. Sa pamamagitan ng tao ang Kanyang mga pagpapala ay ipinadadala sa sanlibutan. Sa pamamagitan nila ang Kanyang luwalhati ay magniningning sa kadiliman ng kasalanan. Sa mapagmahal na paglilingkod ay haharapin nila ang makasalanan at nangangailangan, at aakayin sila sa krus. At sa lahat ng kanilang paggawa ay iuukol nila ang kaluwalhatian, karangalan, at papuri sa Kanya na mas mataas at nakapangyayari sa lahat.AGA 250.2

    Tungkol sa sariling karanasan, ipinakita ni Pablo na sa pagpili niya ng paglilingkod kay Kristo, hindi makasariling motibo ang kanyang layunin sapagkat ang kanyang landas ay naging puno ng pagsubok at tukso. “Sa magkabi-kabila ay nangagigipit kami,” kanyang sinulat, “gayunma’y hindi nangaghihinagpis; nangatidlihan, gayunma’y hindi nangawawalan ng pag-asa; pinag-uusig, gayunma’y hindi pinababayaan; inilulugmok, gayunma’y hindi nangasisira; laging saan ma’y tinataglay sa katawan ang kamatayan ni Jesus, upang ang buhay ni Jesus ay mahayag naman sa aming katawan.”AGA 250.3

    Ipinaalaala ni Pablo sa mga kapatid na bilang mga mensahero ni Kristo, siya at mga kasama ay laging lantad sa panganib. Ang mga kahirapang nakakaharap nila ay umuubos ng kanilang lakas. “Sapagkat nangabubuhay,” kanyang sinulat, “ay laging ibinibigay sa kamatayan dahil kay Jesus, upang ang buhay naman ni Jesus ay mahayag sa amin lamang may kamatayan. Kaya nga ang kamatayan ay gumagawa sa amin, datapuwat ang buhay ay sa inyo.” Naghihirap sa pisikal sa pamamagitan ng kasalatan at mabigat na trabaho, ang mga ministrong ito ni Kristo ay nagiging kahawig sa Kanyang kamatayan. Ngunit ang mga gumagawa ng kamatayan sa kanila ay nagdadala ng espirituwal na buhay at kalusugan sa mga taga Corinto, na sa paniniwala sa katotohanan ay nagiging tagapagmana ng walang hanggang buhay. Dahil dito, ang mga tagasunod ni Kristo ay dapat na maging maingat na huwag dagdagan, sa pamamagitan ng pagpapabaya at kawalang-kasiyahan, ang mga pasanin at pagsubok ng mga manggagawa.AGA 251.1

    “Ngunit yamang mayroong gayon ding espiritu ng pananam-palataya,” ipinagpatuloy ni Pablo, “na gaya ng nasusulat, Sumasampalataya ako, at kaya’t nagsasalita ako; kami naman ay nagsisisampalataya, at kaya’t kami naman ay nagsasalita.” Lubos na naniwala sa katotohanang ipinagkatiwala sa kanya, walang sinuman na makapag-alok kay Pablo na dayain ang Salita ng Dios, o kaya’y upang itago ang mga pananalig ng kanyang puso. Hindi siya maghahangad ng kayamanan, karangalan, o kaluguran sa pag-ayon sa sanlibutan. Bagama’t laging nanganganib ang kanyang buhay dahil sa pananampalatayang kanyang ipinapangaral sa mga taga Corinto, siya’y hindi natakot sapagkat nalalaman niyang Siya na namatay at muling nabuhay na mag-uli ay ibabangon siya mula sa libingan, at ihaharap siya sa ama.AGA 251.2

    “Sapagkat lahat ng mga bagay ay dahil sa inyo,” kanyang sinabi, “upang ang biyaya na pinarami sa pamamagitan ng marami, ay siyang magpasagana ng pagpapasalamat sa ikaluluwalhad ng Dios.” Ipinangaral ng mga apostol ang ebanghelyo hindi sa kanilang sariling kapakanan. Itinalaga nila ang kanilang buhay sa gawain dahil sa pagasa ng pagliligtas ng mga kaluluwa. At sa pag-asang ito ay hindi sila tumigil sa paggawa bagama’t maraming mga banta o parusa ang nakaumang sa kanila.AGA 251.3

    “Kaya nga hindi kami nanghihimagod,” pahayag ni Pablo, “bagama’t ang aming pagkataong labas ay mahina, ngunit ang aming pagkataong loob ay nababago sa araw-araw. Sapagkat ang aming maagang kapighatian na sa isang sandali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng lalu’t lalong bigat ng kaluwalhatiang walang hanggan; samantalang kami ay nagsisitingin hindi sa mga bagay na nangakikita, kundi sa mga bagay na hindi nangakikita: sapagkat ang mga bagay na nangakikita ay may katapusan; datapuwat ang mga bagay na hindi nangakikita ay walang hanggan.”AGA 252.1

    Maningas at nakapagpapakilos ang panawagan ng apostol sa mga kapatid sa Corinto upang muling isaalang-alang ang hindi mapapantayang pag-ibig ng kanilang Manunubos. “Nalalaman ninyo ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo,” kanyang sinulat, “na, bagaman siya’y mayaman, gayunman’y nagpakadukha dahil sa inyo, upang sa pamamagitan ng Kanyang karukhaan, ay magsiyaman kayo.” Alam ninyo ang laki ng pagpapakababa Niya sa kahihiyan. Matapos pasukin ang landas ng pagtanggi sa sarili at pagsasakripisyo, Hindi Siya tumigil hanggang ang buhay ay maipagkaloob. Walang kapahingahan sa Kanya sa pagitan ng luklukan at ng krus.AGA 252.2

    Lahat ng punto ay idiniin ni Pablo, upang silang makababasa ng kanyang sulat ay lubusang makaunawa sa kahanga-hangang pagpa-pakababa ng Tagapagligtas para sa kanila. Sa paghaharap kay Kristo sa kalagayang Siya ay kapantay ng Dios at kasama Niya ay tumatanggap ng pagsamba ng mga anghel, tinugaygayan ng apostol ang naging landas Niya hanggang sa maabot ang pinakamababang antas ng kahihiyan. Naniniwala si Pablo na kung mauunawaan lamang nila ang kamangha-manghang sakripisyong ginawa ng Kamahalan ng langit, lahat ng pagkamakasarili ay mapapalayas sa kanilang mga buhay. Ipinakita niya kung paanong inalis ng Anak ng Dios ang Kanyang kaluwalhatian, kusang loob na ipinailalim ang Sarili sa mga kalagayan ng likas ng tao, at nagpakababa bilang isang alipin, naging masunurin hanggang sa krus, “kahit na ang kamatayan sa krus” (Filipos 2:8), upang maiangat Niya ang taong nagkasala mula sa pagkaaba tungo sa pag-asa at kagalakan at kalangitan.AGA 252.3

    Kapag pinag-aralan natin ang banal na likas sa liwanag ng krus, makikita natin ang habag, pagmamahal, at pagpapatawad na kahalo ng katarungan at pagkakapantay-pantay. Makikita natin sa gitna ng trono ang Isa na nagdala sa kamay at paa ng mga tanda ng mga pagdurusang dinanas upang maipagkasundo lamang ang tao sa Dios. Makikita natin ang isang Ama, walang hanggan, naninirahan sa liwanag na hindi matatagalan, gayunman ay tumatanggap sa atin alang-alang sa mga kabutihan ng Kanyang Anak. Ang ulap ng paghihiganti na nagbanta ng lumbay at kawalan ng pag-asa, sa liwanag na nasinag mula sa krus ay naghayag ng sulat ng Dios: Mabuhay ka, makasalanan, mabuhay ka! ikaw na nagsisisi, at nananampalatayang makasalanan, mabuhay ka! Binayaran Ko na ang iyong katubusan.AGA 253.1

    Sa pagbubulay-bulay kay Kristo, tayo ay mamamalagi sa dalampasigan ng pag-ibig na hindi masusukat. Magsisikap tayong sabihin ang pag-ibig na ito sa iba, at ang pananalita ay hindi makasasapat. Isasaalang-alang natin ang naging buhay Niya sa lupa, ang sakripisyo Niya para sa atin, ang Kanyang gawain sa langit bilang ating Tagapamagitan, at mga mansiyong inihahanda Niya para sa mga nagmamahal sa Kanya; at maibubulalas natin, O anong taas at lalim ng pag-ibig ni Kristo! “Narito ang pag-ibig, hindi sa tayo’y umibig sa Dios, kundi Siya ang umibig sa atin, at sinugo ang Kanyang Anak na pampalubag loob sa ating mga kasalanan.” “Masdan ninyo kung gaanong pag-ibig ang ipinagkaloob sa atin ng Ama, upang tayo’y mangatawag na mga anak ng Dios, at tayo’y gayon nga.”AGA 253.2

    1 Juan 4:10; 3:1.AGA 253.3

    Sa bawat tunay na alagad, ang pag-ibig na ito, tulad ng banal na apoy, ay nagniningas sa dambana ng puso. Dito sa lupa nahayag ang pag-ibig ng Dios sa pamamagitan ni Kristo. Dito rin sa lupa ang Kanyang mga anak ay maghahayag ng pag-ibig na ito sa pamamagitan ng mga buhay na walang kapintasan. Sa ganito ay maaakay ang mga makasalanan sa krus upang masdan ang Kordero ng Dios.AGA 253.4

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents