Maminsan-minsan ay nagdadahilan ang mga ayaw magsisi sa pagsasabi ng ganito, tungkol sa mga taong nagbabansag na Kristiyano: “Ako man ay kasimbuti nila. Sila’y hindi hihigit sa akin kung sa pagpipigil, sa kahinahunan, o sa pagkamaingat sa kabuhayan. Sila’y maibigin sa kalayawan at mga mapagmalabis na gaya ko rin.” Sa gayo’y ang mga pagkukulang ng mga iba ay ginagawa nilang dahilan sa hindi nila pagganap ng kanilang tungkulin. Subali’t ang mga kasalanan at mga kapintasan ng mga iba ay hindi nagbibigay-laya sa kanino man; sapagka’t hindi tayo binigyan ng Panginoon ng isang nagkakamali at makataong huwaran. Ang walang dungis na Anak ng Diyos ang ibinigay na huwaran natin, at ang mga tumututol dahil sa mga maling gawa ng mga taong nagbabansag na Kristiyano, ay siyang mga dapat magpakita ng lalong mabubuting kabuhayan at mararangal na halimbawa. Kung malaki ang kanilang pagkakilala tungkol sa kung ano ang dapat asahan sa isang Kristiyano, hindi baga lalong mabigat ang kanilang kasalanan? Naaalaman nila ang matuwid, datapuwa’t ayaw nilang gawin. PK 42.2