Pinapaniwala ni Adan at ni Eva ang kanilang sarili, na sa napakaliit na bagay lamang na gaya ng pagkain ng bungang ipinagbawal ay hindi daraling ang gayong mga kakila-kilabot na kapahamakang ipinahayag ng Diyos. Datapuwa’t ang maliit na bagay na iyon ay paglabag sa hindi mababago at banal na kautusan ng Diyos, at iyon ang naghiwalay sa tao sa Diyos, at nagbukas ng malalaking pinto ng kamatayan at di mabilang na kahirapan sa ating sanlibutan. Sa bawa’t panahon ay umiilanglang mula sa ating sanlibutan ang isang patuloy na daing ng kadalamhatian at ang buong nilalang ay dumadaing at nagdaramdam sa sakit na bunga ng pagsuway ng tao. Ang langit man ay nakaramdam ng mga nagawa ng paghihimagsik ng tao sa Diyos. Ang Kalbariyo ay tumatayong pinaka-alaala ng napakalaking paghahaing kinailangan upang malunasan ang bunga ng pagkasalansang sa kautusan ng Diyos. Huwag nga nating ipalagay na isang maliit na bagay lamang ang kasalanan. PK 44.1