Kaya nga’t yaong mga kabahagi ng biyaya ni Kristo ay magiging laan sa anumang pagsasakripisiyo upang ang mga iba na pinagkamatayan Niya ay makabahagi ng kaloob na buhat sa langit. Gagawin nila ang lahat nilang makakaya upang lalong mapabuti ang sanlibutan sa pamamagitan ng kanilang paninirahan dito. Ang diwang ito ay siyang tunay na bunga ng isang kaluluwang tapat na nagbalik-loob sa Diyos. Kapagkarakang lumapit kay Kristo ang isang tao ay sumusupling sa kanyang puso ang isang pagnanasa na ipakilala sa mga iba kung gaano kabuting kaibigan si Jesus na kanyang natagpuan; ang nagliligtas at nagpapabanal na katotohanan ay hindi maaaring masarahan sa kanyang puso. Pagka tayo’y nararamtan ng katuwiran ni Kristo, at nangapupuspos ng tuwa dahil sa paninirahan ng Kanyang Espiritu sa ating kalooban, ay hindi tayo matatahimik. Mayroon tayong masasabi sa mga iba kung talagang ating natikman at nakita na ang Panginoon ay mabuti. Gaya ni Felipe, noong makita niya ang Tagapagligtas, ay aanyayahan natin ang mga iba na sa Kanya’y lumapit. Pagsisikapan nating maipakilala sa kanila ang mga kagandahan ni Kristo, at ang nakukubling mga katotohanan ng sanlibutang darating. Magkakaroon ng maningas na hangad na lumakad sa landas na linakaran ni Jesus. Magkakaroon ng masidhing pananabik na makita naman niyaong nangasa ating palibot “ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” Juan 1:29. PK 108.1
At ang pagsisikap na mapagpala ang mga iba ay gagantihin naman ng pagpapala rin sa atin. Ito ang adhika ng Diyos sa pagbibigay Niya sa atin ng bahagi na makatulong sa panukala ng pagtubos. Pinagkalooban Niya ng karapatan ang mga tao na maging kabahagi sa banal na likas at bilang kapalit nito, ay ipamahagi naman nila ang mga pagpapalang ito sa kanilang kapuwa. Ito ang kataas-taasang karangalan, ang pinakadakilang kaligayahan, na maaaring ibigay ng Diyos sa mga tao. Yaong nangagsisitulong sa mga gawa ng pag-ibig ay nangapapalapit sa Lumikha sa kanila. PK 109.1
Maaaring ipinagtiwala sana ng Diyos sa mga anghel sa langit ang pagbabalita ng ebanghelyo, at ang buong gawain ng malingap na pangangasiwa. Maaaring ginamit sana Niya ang ibang mga paraan upang maganap ang Kanyang adhika. Datapuwa’t dahil sa kanyang hindi matingkalang pag-ibig ay hinirang Niya tayong maging mga katulong Niya, kasama si Kristo at ng mga anghel, upang makabahagi tayo sa pagpapala, sa ligaya, sa karangalang ukol sa espiritu, na nagmumula sa pangangasiwang ito na hubad sa kasakiman. PK 109.2