Marami ang nangagdadahilan na sapagka’t ang mga iba ay may tinatangkilik na mataas na kakayahan at malaking kabutihan kay sa kanila, kaya hindi na kailangan pa ang kanilang tulong sa paglilingkod kay Kristo. Laganap ang paniniwala na iyon lamang may mga tanging katangian ang kinakailangang magtalaga ng kanilang mga kakayahan upang ipaglingkod sa Diyos. Naging pagkakilala na ng marami na ang mga talento ay ipinagkaloob sa isang uri lamang ng mga taong mapapalad na tanging ibinukod sa mga iba, na hindi tinawagan upang makibahagi sa mga paghihirap o sa mga gantimpala man. Datapuwa’t hindi ganyan ang ipinakikilala ng talinhaga. Nang tawagin ng puno ng sambahayan ang kanyang mga alipin, ay binigyan niya ang bawa’t isa ng kanyang gawain. PK 113.2
Taglay ang diwang maibigin, ay magagawa natin ang pinakamababang mga tungkulin sa kabuhayan, “na gaya ng sa Panginoon.” Colosas 3:23. Kung sa ating puso’y namamahay ang pag-ibig ng Diyos, ay mahahayag ito sa pamumuhay. Ang masamyong bango ni Kristo ang sasa paligid natin, at ang impluensiya natin ay siyang magpaparangal at magpapala sa mga iba. PK 114.1