Huwag na ninyong hintaying dumating pa muna ang malaking pagkakataon o umasa kaya sa di-pangkaraniwang mga kakayahan bago kayo tumungo sa paggawa para sa Diyos. Huwag ninyong isipin kung ano kaya ang ipalalagay sa inyo ng sanlibutan. Kung ang kabuhayan ninyo sa araw-araw ay isang patotoo ng kalinisan at katapatan ng inyong pananampalataya, at napag-uunawa ng mga iba na nais ninyong sila’y matulungan, ang inyong pagsisikap ay hindi masasayang na lahat. PK 114.2
Ang pinakamababa at pinakadukha sa mga alagad ni Jesus ay maaaring maging isang pagpapala sa iba. Mangyayaring hindi nila mapagkilalang sila’y gumagawa ng isang tanging bagay na mabuti, datapuwa’t sa palaging paggawa nila niyaon ay makapagpapasimu- la sila ng mga alon ng pagpapala na lalawak at lalalim, at lilitaw ang mga banal na bunga nito na maaaring hindi nila maalaman hanggang sa hilling araw ng pagbibigay ng kagantihan. Hindi nila nararamdaman o nauunawa mang sila’y gumagawa ng anumang bagay na dakila. Hindi sila pinagbibilinang pagurin nila ang kanilang mga sarili sa pag-aalaala ng tungkol sa tagumpay. Ang kailangan lamang ay ang sila’y magsiyaong tahimik, na matapat na ginagawa ang gawaing itinatagubilin ng Diyos, at kung magkagayon, ang kanilang kabuhayan ay hindi mapapalungi. Ang kanilang sarili ay mapaparis na lubos kay Kristo; sila’y mga manggagawang kasama ng Diyos sa buhay na ito, at sa ganito’y iniaangkop nila ang kanilang mga sarili sa lalong mataas na gawain at sa lubos na kaligayahan ng kabilang buhay. PK 114.3