Matapos mabautismuhan, tinapos ni Pablo ang kanyang ayuno at nanatiling “ilang araw kasama ng mga alagad sa Damasco. At pagdaka ay ipinangaral niya si Kristo sa mga sinagoga, na Siya ang Anak ng Dios.” May katapangang ipinahayag niya si Jesus ng Nasaret bilang Mesias na matagal nang hinihintay, na “namatay para sa ating mga kasalanan ayon sa Kasulatan;...inilibing, at...muling nabuhay sa ikatlong araw,” at matapos ito ay nakita ng Labindalawang alagad, at ng iba pa. “At higit sa lahat,” dagdag ni Pablo, “Nakita ko rin Siya, bilang isang isinilang sa takdang panahon.” 1 Corinto 15:3, 4, 8. Ang mga argumento niya mula sa propesiya ay naging matibay, at ang kanyang mga pagsisikap ay maliwanag na sinamahan ng kapangyarihan ng Dios, anupa’t ang mga Judio ay natulala at hindi nakasagot sa kanya. AGA 95.1
Ang balita ng pagkahikayat ni Pablo ay nakarating sa mga Judio bilang isang malaking pagkagulat. Siyang naglakbay tungo sa Damasco “taglay ang kapamahalaan at bilin mula sa mga punong saserdote” (Gawa 26:12) upang hulihin at usigin ang mga mananampalataya ngayon ay nangangaral ng ebanghelyo tungkol sa Tagapagligtas na napako at nabuhay na muli, at nagpapalakas ng kamay ng mga alagad Niya, at patuloy na nagdadala ng mga bagong hikayat sa pananampalatayang dati ay mapait niyang nilabanan. AGA 95.2
Si Pablo ay dating kilala bilang masugid na tagapagtanggol ng relihiyon ng mga Judio at walang kapagurang mang-uusig ng mga tagasunod kay Jesus. Matapang, independyente, matiyaga, ang kanyang mga talento at pagsasanay ay dahilan upang makapaglingkod siya sa kahit anumang gawain. Nakapangangatuwiran siyang may linaw, at sa nakatutuyong pag-uyam ay naipapahiya niya ang katunggali. At ngayon ay nakita ng mga Judio na ang kabataang itong may kakaibang pangako ay kakampi ngayon ng mga dati ay inuusig niya, at walang takot na nangangaral sa pangalan ni Jesus. AGA 95.3
Ang isang heneral na namatay sa digmaan ay kawalan sa kanyang hukbo, ngunit ang kamatayan naman niya ay hindi karagdagang lakas sa kaaway. Ngunit kung ang isang lalaking may natatanging kakayahan ay sasanib sa kaaway na puwersa, hindi lamang nawawala ang kanyang paglilingkod, kundi nagiging pakinabang pa ng kanyang sasaniban. Si Saulo ng Tarsus, ay madali sanang napatay ng Panginoon, sa daang patungo sa Damasco, at ang malaking puwersa ay nawala sana sa kapangyarihang nang-uusig. Ngunit sa panukala ng Dios hindi lamang ipinagpatuloy ang buhay ni Saulo, kundi binago pa ito, at mula sa pagiging kampyon sa panig ng kaaway ay natungo sa panig ni Kristo. Isang mahusay na tagapagsalita at mahigpit na kritiko, si Pablo, na may matatag na adhikain at tapang, ay nagtataglay ng mga katangiang kailangan ng naunang iglesia. AGA 96.1
Habang nangangaral si Pablo sa Damasco, lahat ng nakarinig sa kanya ay namangha at nagsabi, “Hindi baga ito ang nagwawasak sa kanilang tumatawag sa Kanyang pangalan sa Jerusalem, at naparito sa adhikaing iyon, na madala silang bihag sa mga punong saserdote?” Inihayag ni Pablo na ang pagbabago ng kanyang pananampalataya ay hindi udyok ng bugso ng damdamin o panatisismo, kundi dahilan sa malalakas na katibayan. Sa paglalahad niya ng ebanghelyo, sinikap niyang gawing maliwanag ang mga propesiya ukol sa unang pagparito ni Kristo. May katiyakang ipinalata niya na ang mga propesiyang ito ay literal na natupad kay Jesus ng Nasaret. Ang pundasyon ng pananampalataya niya ay ang tiyak na salita ng propesiya. AGA 96.2
Habang patuloy si Pablo sa pagsamo sa mga namamanghang tagapakinig upang “magsisi at magbalik loob sa Dios, at gumawa ng mga bagay na angkop sa pagsisisi” (Gawa 26:20), siya ay “lumago sa kalakasan, at bumabagabag sa mga Judiong nasa Damasco sa pagpapatibay na ito nga ang Kristo.” Ngunit marami ang nagpatigas ng kanilang puso, tumangging tumugon sa kanyang pabalita, at di nagtagal ang kanilang pagkagulat sa kanyang pagkahikayat ay nauwi sa matin-ding muhi katulad ng ipinalata nila kay Jesus. AGA 96.3
Naging napakabagsik ng oposisyon anupa’t si Pablo ay hindi pinayagang magpatuloy ng kanyang paggawa sa Damasco. Isang mensahero ng langit ang nag-atas sa kanyang umalis doon pansamantala, at siya’y “nagtungo sa Arabia” (Galacia 1:17), na doo’y nakasumpong siya ng panatag na kanlungan. AGA 96.4
Dito, sa pag-iisa sa disyerto, nagkaroon si Pablo ng sapat na pagka-kataon para sa tahimik na pag-aaral at pagbubulay-bulay. Payapang binalik-aralan niya ang nakaraang karanasan, at tiniyak ang kanyang pagsisisi. Hinanap niyang buong puso ang Dios, at hindi natahimik hangga’t hindi niya natiyak na ang kanyang pagsisisi ay tinatanggap at ang mga kasalanan ay napatawad. Nanabik siya sa kasiguruhang si Jesus ay makakasama niya sa darating na paglilingkod. Inalis niya sa sarili ang mga maling akala at tradisyong dati’y humubog ng kanyang buhay, at tumanggap ng tagubilin mula sa Bukal ng katotohanan. Si Jesus ay nakipagtalastasan sa kanya pinatatag siya sa pananampalataya, at ipinagkaloob sa kanya ang mayamang sukat ng karunungan at biyaya. AGA 97.1
Kapag ang isipan ng tao ay nadadala sa palakipag-ugnayan sa isipan ng Dios, ang may katapusan sa Walang Katapusan, ang bunga nito sa katawan at isipan at kaluluwa, ay hindi masusukat. Sa ganitong ugnayan natatagpuan ang pinakamataas na edukasyon. Ito ang paraan ng Dios sa pagpapalago. “Makipagkilala sa Kanya ngayon,” (Job 22:21), ang Kanyang pabalita sa sangkatauhan. AGA 97.2
Ang banal na tagubiling nabigay kay Pablo sa kanyang pakikipanayam kay Ananias, ay namalaging mabigat sa kanyang puso. Nang, bilang tugon sa salitang, “Kapatid na Pablo, tanggapin mo ang iyong paningin,” sa unang pagkakataon ay namasdan ni Pablo ang mukha ng banal na lalaking ito, si Ananias sa amuld ng Banal na Espiritu ay nagsalita sa kanya: “Ang Dios ng ating mga magulang ay pinili ka, upang maalaman mo ang Kanyang kalooban, at makita mo Ang Banal, at marinig mo ang isang tinig na mula sa Kanyang bibig. Sapagkat magiging saksi ka Niya sa lahat ng mga tao tungkol sa mga bagay na iyong nakita at narinig. At ngayon bakit ka tumitigil? magtindig ka, at mabautismuhan, at hugasan mo ang iyong mga kasalanan, na tumatawag sa pangalan ng Panginoon.” Gawa 22:1316. ‘ Ang mga salitang ito ay katugma ng mga salita ni Jesus mismo, na, nang pigilan si Saulo sa daang patungo sa Damasco, ay naghayag: “Sapagkat dahil dito’y napakita Ako sa iyo, upang ihalal kitang ministro at saksi din naman ng mga bagay na nakita mo sa Akin, at ng mga bagay na pagpapakitaan Ko sa iyo; na ililigtas kita sa bayan, at sa mga Gentil, na sa kanila’y sinusugo kita, upang idilat mo ang kanilang mga mata, upang sila’y mangagbalik sa ilaw mula sa kadiliman, at mula sa kapangyarihan ni Satanas hanggang sa Dios, upang sila’y magsitanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan at ng mga mana sa kasamahan ng mga pinapaging banal sa pamamagitan ng pananampalataya sa Akin.” Gawa 26:16-18. AGA 97.3
Habang binubulay-bulay ni Pablo ang mga bagay na ito sa kanyang puso, lalo pang naunawaan. niya ang kahulugan ng pagkatawag sa kanya bilang “apostol ni Jesu-Cristo sa kalooban ng Dios.” 1 Corinto 1:1. Ang panawagan sa kanya ay “hindi ng tao, o sa pamamagitan ng tao, kundi kay Jesu-Cristo, at ng Dios Ama.” Galacia 1:1. Ang kadakilaan ng gawaing nasa harapan niya ay umakay upang lalo siyang mag-aral ng Banal na Kasulatan, upang maipangaral niya ang ebanghelyo “hindi sa karunungan ng salita, anupa’t ang krus ni Kristo ay mapawalang bisa,” “kundi sa pagpapahayag ng Espiritu at ng kapangyarihan,” upang ang pananampalataya ng lahat na makarinig “ay hindi tumayo sa karunungan ng tao, kundi sa kapangyarihan ng Dios.” 1 Corinto 1:17; 2:4, 5. AGA 98.1
Sa pagsasaliksik ni Pablo ng Kasulatan, natutuhan niyang sa paglakad ng mga panahon, “hindi ang maraming marurunong ayon sa laman, hindi ang maraming may kapangyarihan, hindi ang maraming mahal na tao, ang mga tinawag: kundi pinili ng Dios ang mga bagay na kamangmangan ng sanlibutan, upang hiyain niya ang mga marurunong; at pinili ng Dios ang mga bagay na mahihina ng sanlibutan, upang hiyain niya ang mga bagay na malalakas; at ang mga bagay na mababa ng sanlibutan, at mga bagay na hinamak, ang pinili ng Dios, oo, at ang mga bagay na walang halaga, upang mawalang halaga ang mga bagay na mahahalaga; upang walang laman na magmapuri sa harapan ng Dios.” 1 Corinto 1:26-29. Kung kaya nga, sa pagkamalas ng karunungan ng sanlibutan sa liwanag ng krus, “naipasya ni Pablong walang ibang maalaman...liban na kay Jesu-Cristo, at Siyang napako.” 1 Corinto 2:2. AGA 98.2
Sa panahon ng paglilingkod niya, hindi naalis sa paningin ni Pablo ang Bukal ng karunungan at kalakasan. Pakinggan siya, pagkaraan ng maraming taon, na nagpapahayag, “Sa akin ang mabuhay ay si Kristo.” Filipos 1:21. At muli: “Lahat ng bagay ay ibinibilang kong kawalan alang-alang sa kagalingan ng pagkaalam kay Jesu-Cristong Panginoon ko: na para sa Kanya ay nagtiis ako ng pagkawala ng lahat ng bagay,...upang aking matamo si Kristo, at masumpungan sa Kanya, na walang sariling katuwiran, ayon sa kautusan, kundi ang ayon sa pananampalataya ni Kristo, na ang katuwiran ay sa Dios sa pananampalataya: upang makilala ko Siya, at ang kapangyarihan ng Kanyang pagkabuhay mag-uli, at ang pakikisama sa Kanyang mga paghihirap.” Filipos 3:8-10. AGA 98.3
Mula sa Arabia ay “nagbalik muli si Pablo sa Damasco” (Galacia 1:17), at “nangaral na may katapangan...sa pangalan ni Jesus.” Nang hindi nila matagalan ang karunungan ng kanyang mga argumento, “ang mga Judio ay nagsanggunian upang siya ay patayin.” Ang mga pintuan ng siyudad ay masinop na binantayan araw at gabi upang hadlangan ang kanyang pagtakas. Ang krisis na ito ay umakay sa mga alagad na maningas na manalangin sa Dios, at sa wakas “kinuha siya sa gabi ng kanyang mga alagad, at siya’y ibinaba sa kuta na siya’y inihugos na nasa isang balaong.” Gawa 9:25. AGA 99.1
Matapos makatakas sa Damasco, si Pablo ay nagtungo sa Jerusalem, mga tatlong taon na matapos siyang mahikayat. Ang pangunahing adhikain niya sa pagdalaw na ito, tulad ng sinabi niya pagkatapos, ay “upang makatagpo si Pedro.” Galacia 1:18. Pagdating sa siyudad na doon ay dati siyang kilala bilang “si Saulong mang-uusig,” “sinikap niyang makisama sa mga alagad: datapuwat lahat sila ay natatakot dito, at ayaw maniwalang siya ay isa ring alagad.” Napakahirap para sa kanilang maniwala na ang isang Pariseong panatiko, at isang malaki ang nagawa sa pagwasak ng iglesia, ay magiging tapat na alagad ni Jesus. “Ngunit tinanggap siya ni Bemabe, at dinala siya sa mga alagad, at inihayag sa kanila kung paanong nakatagpo nito ang Panginoon sa daan, at Siya ay nangusap sa kanya, at kung paanong may tapang na nangaral siya sa Damasco sa pangalan ni Jesus.” AGA 99.2
Pagkarinig nito, tinanggap siya ng mga alagad at napabilang sa kanila. Di nga nagtagal ay nagkaroon sila ng maraming katibayan sa pagiging totoo ng kanyang karanasang Kristiano. Ang magiging apostol sa mga Gentil ay nasa siyudad na ngayon na doo’y nakatira ang mga dating kasamahan niya, at nanabik siyang ilahad sa mga pinuno na ito ng Judio ang mga propesiya tungkol sa Mesias na natupad sa pagdating ng Tagapagligtas. Natitiyak ni Pablo na ang mga gurong ito sa Israel, na kilalang-kilala niya, ay kasing tapat at taimtim na kamlad niya noon. Ngunit hindi niya natantiya ang espiritu ng kanyang mga kapatid na Judio, at sa pag-asa sa kanilang madaliang pagkahikayat siya ay nabigo. Bagama’t “may katapangan siyang nagsalita sa pangalan ng Panginoong Jesus, at nakipagtunggalian sa mga Greciano,” silang mga pinuno ng iglesiang Judio ay tumangging maniwala, at “nagsikap na siya ay patayin.” Kalungkutan ay pumuspos sa kanyang puso. Handa siyang magbuwis ng buhay kung sa pamamagitan noon ay madadala ang ilan sa kaalaman ng katotothanan. May pagkahiyang naisip niya ang sarili sa aktibong bahaging ginampanan sa pagiging martir ni Esteban, at ngayon sa kanyang bagabag ay nais niyang pahirin ang natitirang mantsa sa isang maling naparatangan, sinikap niyang itayo ang puri ng katotohanang dahil dito ay nagbuwis ng buhay si Esteban. AGA 99.3
May pasanin para sa kanila na ayaw maniwala, si Pablo ay nana-nalangin sa templo, at siya ay nagkaroon ng pangitain. Isang mensahero ng langit ang napakita sa kanya at nagsabi, “Magmadali ka, umalis ka sa Jerusalem: sapagkat hindi nila tatanggapin ang patotoo mo tungkol sa Akin.” Gawa 22:18. AGA 100.1
Si Pablo ay nagnanais pa sanang manatili sa Jerusalem, na doon ay mahaharap niya ang oposisyon. Para sa kanya ay kaduwagan ang umalis, at sa pananatili ay maaari niyang maakay sa katotohanan ang mga Judiong itong matitigas ang ulo, kahit na kung sa pananatili roon ay maging katumbas ng kanyang buhay. Kaya’t tumugon siya, “Panginoon, alam nilang ako ang nagbilanggo at humampas sa bawat sinagoga sa mga nagsisisampalataya sa Iyo: at nang ibubo ang dugo ni Estebang Iyong saksi, ako nama’y nakatayo sa malapit, at sinasangayunan ko, at iningatan ko ang mga damit ng sa kanya’y nagsipatay.” Ngunit hindi kasang-ayon sa panukala ng Dios na ang buhay ng Kanyang lingkod ay malagay sa panganib; at ang mensahero ng langit ay sumagot, “Yumaon, ka: sapagkat susuguin kita sa mga Gentil.” Gawa 22:19-21. AGA 100.2
Sa pagkaunawa sa pangitaing ito, nagmadaling pinatakas ng mga kapatid si Pablo mula sa Jerusalem, sa takot na ito ay ipapatay. “Dinala nila siya sa Cesarea, at pinasakay patungong Tarsus.” Ang pag-alis ni Pablo ay nagpaantalang sumandali sa marahas na oposisyon ng mga Judio, at ang iglesia ay nagkaroon ng kapahingahan sa sandaling panahon, at marami ang nadagdag sa bilang ng mga mananampalataya. AGA 100.3