Sa kanyang ministri, si Pedro ay dumalaw sa mga mananampalataya sa Lydda. Dito ay pinagaling niya si Ananias, na walong taon nang lumpo at nakahiga lamang. “Ananias, si Jesu-Cristo ang nagpagaling sa iyo,” ang wika ng apostol; “bumangon ka at ayusin mo ang iyong higaan.” “Pagdaka ay bumangon ito. At lahat ng naninirahan sa Lydda at sa Sarona ay nakita siya, at nanumbalik sa Panginoon.” AGA 101.1
Sa Joppe, na malapit sa Lydda, ay may isang babaeng naninirahan na ang pangalan ay Dorcas, na ang mabubuting gawa ay nagpamahal sa kanyang labis sa mga tao. Siya ay mabuting alagad ni Jesus, at ang buhay niya ay puspos ng mga gawa ng kagandahang loob. Alam niya kung sino ang nangangailangan ng damit at ng malasakit, at kusangloob na naglingkod siya sa mga dukha at namimighati. Ang mga daliri niyang may kahusayan ay higit na aktibo kaysa kanyang dila. AGA 101.2
“Nangyari nang mga araw na iyon, siya’y nagkasakit, at namatay.” Naramdaman ng iglesia sa Joppe ang kanilang kawalan, at nang nalaman nila na si Pedro ay nasa Lydda, ang mga mananampalataya ay nagsugo sa kanya ng mga mensahero, “na ipinamanhik na huwag magluwat na ito’y pumaroon sa kanila. Pagkatapos nagtindig si Pedro at sumama sa kanila. Pagdating sa Joppe ay dinala siya sa silid sa itaas: at ang mga babaeng nagtatangisan ay nakapalibot sa kanya, at ipinakita pa ang mga damit na ginawa ni Dorcas para sa kanila, nang ito ay buhay pa.” Sa naging gawaing ito ni Dorcas, hindi nakapagtatakang sila ay namamanglaw, at ang mainit nilang luha ay pumatak sa walang buhay na alabok. AGA 101.3
Ang puso ng alagad ay nakilos ng malasakit sa pagkamalas niya sa kanilang kapanglawan. Pagkatapos iniutos nitong lumabas sa kuwarto ang lahat ng nagtatangisang mga kaibigan, siya ay nanikluhod at nanalanging maningas sa Dios upang ibalik si Dorcas sa buhay at kalusugan. Binalingan ang bangkay, at sinabi niya, “Tabitha, bumangon ka. At nagbukas siya ng kanyang mga mata: at nang makita si Pedro ay naupo siya.” Si Dorcas ay naging dakilang pagpapala sa iglesia, at nakita ng Dios na dapat itong pabalikin mula sa lupain ng kaaway, upang ang kanyang galing at lakas ay patuloy pang maging pagpapala sa iba, at gayon din sa pagpapahayag ng Kanyang kapangyarihan, ang gawain ni Kristo ay mapalakas. AGA 101.4
Si Pedro ay nasa Joppe nang siya ay tawagan ng Dios upang dalhin ang ebanghelyo kay Cornelio na nasa Cesarea. AGA 102.1
Si Cornelio ay isang senturyong Romano. Isang lalaking mayaman at isinilang na marangal, at ang tungkulin niya ay may pagtitiwala at marangal. Isang walang pagkakilala sa Dios ayon sa pagkapanganak, pagsasanay, at edukasyon, nalaman niya ang tungkol sa Dios sa pamamagitan ng mga Judio, at sinamba niya Siya nang buong puso, at nagpahayag ng kataimtiman ng pananampalataya sa pagdadalang habag sa mga dukha. Nakilala “siya sa malayo at malapit bilang mapagkaloob, at ang matuwid niyang kabuhayan ay naging mabuting ulat sa mga Judio at Gentil man. Ang impluwensya niya ay naging pagpapala sa lahat ng nakasalamuha niya. Ang kinasihang tala ay naglalarawan sa kanya bilang “isang lalaking banal, isang natatakot sa Dios kasama ng buong sambahayan niya, at laging nagkakaloob ng tulong sa mga tao, at laging nananalangin sa Dios.” AGA 102.2
May pananampalataya sa Dios bilang Manlalalang ng langit at lupa, iginalang Siya ni Cornelio, kinilala ang Kanyang otoridad, at laging hinanap ang Kanyang payo sa mga bagay ng buhay. Matapat siya kay Jehova sa loob ng tahanan at sa kanyang tungkulin. Nagtatag siya ng dambana ng Dios sa kanyang bahay; sapagkat hindi niya magampanan ang kanyang mga panukala o pasanin ang kanyang mga kapanagutan nang walang tulong mula sa Dios. AGA 102.3
Bagama’t naniniwala si Cornelio sa mga propesiya at nakatingin sa pagdating ng Mesias, wala siyang pagkaalam sa ebanghelyo ayon sa nahayag na buhay at kamatayan ni Kristo. Hindi siya kaanib ng iglesia ng mga Judio, at sa tingin sana ng mga rabi ay isang pagano at marumi. Ngunit ang Banal na Tagapagmasid na nagsalita kay Abraham, “kilala Ko siya,” ay kilala din si Cornelio, at mula sa langit ay nagpadala ng pabalita sa kanya. AGA 102.4
Habang nananalangin si Cornelio ay nagpakita sa kanya ang anghel. Nang marinig ng senturyon ang kanyang sariling pangalan na tinawag, siya ay natakot, gayunman ay nakilala niyang ang mensahero ay sugo ng Dios, at siya ay nagsabi, “Ano iyon, Panginoon. ” Tumugon ang anghel, “Ang iyong mga dalangin at ang iyong pagkakaloob ng limos ay nakarating sa Dios bilang alaala sa iyo. At ngayon magsugo ka ng tauhan sa Joppe, at ipatawag ang isang ang ngalan ay Simon, ang apelyedo ay Pedro: nakatuloy siya sa bahay ni Simon na isang nagluluto ng balat, na ang tirahan ay nasa tabing dagat.” AGA 102.5
Ang katiyakan ng utos na ito, na pati ang hanapbuhay ng taong pinanunuluyan ni Pedro ay ibinigay, ay patunay na ang langit ay nakakaalam ng kasaysayan at kalakal ng tao sa bawat baitang ng buhay. Ang Dios ay nakakaalam ng karanasan at gawain ng hamak na manggagawa, gayon din ng haring nakaupo sa kanyang trono. AGA 103.1
“Magsugo ka ng mga tauhan sa Joppe, at ipatawag ang lalaking si Simon.” Sa ganito ay nagbigay ang Dios ng katibayan ng Kanyang malasakit sa ministri ng ebanghelyo at para sa Kanyang tatag na iglesia. Ang anghel ay hindi inatasang ihayag kay Cornelio ang kasaysayan ng krus. Isang lalaking, tulad na rin ng senturyon, na may kahinaan at mga tuksong babakahin ang itinalagang magbalita sa kanya tungkol sa Tagapagligtas na ipinako at muling nabuhay. AGA 103.2
Bilang Kanyang kinatawan sa mga tao, hindi pinili ng Dios ang mga anghel na hindi nagkasala, kundi ang tao, mga taong ang damdamin nila ay tulad din nila na kanilang sisikaping iligtas. Kinuha ni Kristo ang pagiging tao upang Kanyang maabot ang tao. Isang Tagapagligtas na Dios-tao ang kailangan upang magligtas sa sangkatauhan. At sa mga lalaki at babae ay itinalaga ang banal na pagkakatiwalang ibalita ang “di masusukat na kayamanan ni Kristo.” Efeso 3:8. AGA 103.3
Sa Kanyang karunungan dinadala ng Panginoon silang naghahanap ng katotohanan sa mga taong nakakaalam ng katotohanan. Panukala ng Langit na silang nakatanggap ng liwanag ay magbabahagi naman sa kanilang nasa kadiliman. Ang tao, na sumasalok ng galing mula sa dakilang Bukal ng karunungan, ay ginagawang kasangkapan, ang ahensyang gumagawa, na sa kanya ang ebanghelyo ay nagsasakatuparan ng kapangyarihang nagpapabago sa isipan at puso. AGA 103.4
Si Cornelio ay magalak na sumunod sa pangitain. Nang makaalis na ang anghel, tinawag ng senturyon ang “dalawa sa kanyang alipin sa bahay, at isang tapat na sundalong patuloy na naglilingkod sa kanya; at nang maisaysay ang lahat sa kanila, ay isinugo sa Joppe.” Ang anghel naman, matapos ang panayam kay Cornelio, ay nagtungo kay Pedro, sa Joppe. Nang oras na iyon, si Pedro ay nana- nalangin sa bubungan ng kanyang tinutuluyang bahay, at mababasa nating siya’y “nagutom na malabis, at sana ay kakain: datapuwat habang sila’y naghahanda, siya ay nakatulog nang mahimbing.” Hindi lamang sa pagkaing pisikal nagutom si Pedro. Habang mula sa bubungan ay minamalas niya ang siyudad ng Joppe at mga karatig lupain, nagutom siya sa kaligtasan ng kanyang mga kababayan. Nagkaroon siya ng maalab na hangaring ituro sa kanila mula sa Kasulatan ang mga propesiyang ukol sa pagdurusa at kamatayan ni Kristo. AGA 103.5
Sa pangitain, nakita ni Pedro na “ang langit ay nabuksan, at may isang sisidlang bumababa, gaya ng isang malapad na kumot, na nakabitin sa apat na panulok, na bumababa sa lupa: na doo’y naroroon ang lahat ng uri ng mga hayop na may apat na paa, at ang mga nagsisigapang sa lupa, at ang mga ibon sa langit. At dumating sa kanya ang isang tinig, Tumindig ka, Pedro; magpatay ka at kumain. Datapuwat sinabi ni Pedro, Hindi maaari, Panginoon; sapagkat kailan ma’y hindi ako kumain ng anumang bagay na marumi at karumaldumal. At muling dumating sa kanya ang tinig sa ikalawa, Ang nilinis ng Dios ay huwag mong ipalagay na marumi. At ito’y nangyari makaitlo; at pagdaka’y binatak sa langit ang sisidlan.” AGA 104.1
Ang pangitaing ito ay naghatid kay Pedro ng sansala at tagubilin. Naghayag ito sa kanya ng adhikain ng Dios—na sa kamatayan ni Kristo ang mga Gentil man ay dapat na maging tagapagmanang kasama ng mga Judio sa pagpapala ng kaligtasan. Hanggang noon ay wala pa sa mga alagad ang nangaral sa mga Gentil. Sa kanilang mga pag-iisip, ang pader na nakapagitan na binuwag na ng kamatayan ni Kristo ay namamalagi pa, at ang kanilang mga paggawa ay naka-tuon lamang sa mga Judio, sapagkat sa kanilang paningin ang mga Gentil ay hindi kasama sa mga pagpapala ng ebanghelyo. Ngayon ay sinisikap ng Panginoon na ituro kay Pedro ang pambuong lupang sakop ng banal na panukala. AGA 104.2
Marami sa mga Gentil ay naging interesadong tagapakinig sa panga-ngaral ni Pedro at ng ibang mga apostol, at marami sa mga Griyegong Judio ay nanampalataya kay Kristo, ngunit ang pagkahikayat ni Cornelio ay magiging pangunahing mahalaga sa mga Gentil. AGA 104.3
Dumating na ang panahon upang ang isang bagong yugto ng gawain ay pasimulan ng iglesia ni Kristo. Ang pintuang isinara para sa mga Gentil ng maraming hikayat na Judio ay bubuksan na ngayon. At ang mga Gentil na tatanggap ng ebanghelyo ay ituturing na kapantay ng mga alagad na Judio, na hindi na kailangan pang sundin ang ritwal ng pagtutuli. AGA 104.4
Gaano kaingat na sinikap ng Panginoong alisin ang maling akala laban sa mga Gentil na malalim ang pagkatanim kay Pedro dahilan sa kanyang pagsasanay bilang Judio! Sa pangitain ng kumot na sisidlan at ng mga laman nito sinikap Niyang alisin sa isipan ng apostol ang maling akala, at ito’y magturo ng mahalagang katotohanan na sa langit ay walang pagtatangi ng sinumang tao; na ang Judio at Gentil ay kapwa mahalaga sa paningin ng Dios; na sa pamamagitan ni Kristo ang walang pagkilala sa Dios ay maaaring makabahagi ng mga pagpapala at karapatan ng ebanghelyo. AGA 105.1
Habang si Pedro ay nagbubulay-bulay sa kahulugan ng pangitain, ang mga lalaking sugo ni Cornelio ay dumating sa Joppe, at nakarating sa bahay na tinutuluyan niya. Pagkatapos ang Espiritu ay nagwika sa kanya, “Tatlong lalaki ay humahanap sa iyo. Bumangon ka, at bumaba, at sumama sa kanila, na huwag mag-alinlangan ng anuman: sapagkat Ako ang nagsugo sa kanila.” AGA 105.2
Kay Pedro ito ay isang pagsubok na utos, at may atubili sa bawat hakbang na isinagawa niya ang tungkuling napaatas sa kanya; at di siya nagkalakas loob na sumuway. “Humarap siya sa mga lalaking sugo ni Cornelio; at nagsabi, Ako ang lalaking hanap ninyo: ano ang sanhi ng inyong pagparito?” Sinabi nila ang tiyak na utos sa kanila, “Si Cornelio, ang senturyon, isang taong matuwid, at natatakot sa Dios, at may mabuting ulat sa lahat ng mga Judio, ay binabalaan ng Dios sa pamamagitan ng anghel na magpasugo sa iyo upang ikaw ay magtungo sa kanyang bahay, upang siya ay makinig sa iyo.” AGA 105.3
Bilang pagsunod sa mga direksyong tinanggap mula sa Dios, nangako ang apostol na sasama sa kanila. Nang sumunod na umaga ay tumulak siyang patungo sa Cesarea, kasama ng anim na kanyang mga kapatid. Ang mga ito ay magiging saksi sa lahat ng kanyang sasabihin o gagawin sa pagdalaw sa mga Gentil; sapagkat alam ni Pedro na siya ay kailangang magsulit ukol sa bagay na ito na tiyak na taliwas sa mga aral ng Judio. AGA 105.4
Sa pagpasok ni Pedro sa bahay ng Gentil, sinalubong siya ni Cornelio hindi bilang isang karaniwang bisita, kundi bilang isang pinarangalan ng Langit, at sugo sa kanya ng Dios. Kaugalian sa Silangan na yumukod sa harapan ng prinsipe o iba pang mataas ang tungkulin at ang mga anak sa harapan ng kanilang mga magulang; ngunit si Cornelio, sa malaking paggalang sa isinugo ng Dios upang magturo sa kanya, ay nangayupapa sa paanan ng apostol upang siya’y sambahin. Si Pedro ay nabigla, at itinayo ang senturyon at sinabi, “Tumayo ka; ako ay isang tao rin.” AGA 105.5
Sa pag-alis ng mga sugong padala ni Cornelio, “ipinatawag niya ang kanyang mga kamag-anak at kaibigan,” upang sila man ay makarinig sa pangangaral ng ebanghelyo. Nang dumating si Pedro, nakita niya ang isang malaking bilang na sabik na naghihintay upang makinig sa kanyang sasabihin. AGA 106.1
Sa mga nagkakatipong ito, una munang sinalita ni Pedro ang tungkol sa kaugalian ng mga Judio, na labag sa batas na ang mga Judio ay makihalubilo sa mga Gentil, na ang paggawa nito ay nangangahulugan ng seremonyang karumihan. “Alam ninyo,” kanyang sinabi, “kung paanong labag sa kaugalian na ang isang taong Judio ay maldhalubilo, o maldsama sa mga taga-ibang bayan; datapuwat ipinakita sa akin ng Dios na di ko dapat tawaging karaniwan o marumi ang sinumang tao. Kung kaya’t ako ay naparito sa inyo na walang pagtutol nang ako’y ipasundo: at ang tanong ko sa inyo ngayon ay ano ang layunin ninyo sa pagpapasundo sa akin?” AGA 106.2
Isinalaysay ni Cornelio ang kanyang karanasan at ang mga salita ng anghel, at sa pagtatapos ay nagsabi, “Pagdaka ay ipinasundo kita; at mabuti naman na ikaw ay dumating. At ngayon tayong lahat ay nasa harapan ng Dios, upang madinig ang lahat ng ipinag-utos sa iyo ng Dios.” AGA 106.3
Wika ni Pedro, “Tunay ngang natatalastas ko na ang Dios ay hindi nagtatangi ng tao: kundi sa bawat bansa siya na natatakot sa Kanya, at nagsasagawa ng katuwiran, ay tinatanggap Niya.” AGA 106.4
At sa pulutong na itong matamang nakikinig ang apostol ay ipinangaral si Kristo—ang Kanyang buhay, mga milagro Niya, ang Kanyang pagkakanulo at pagkapako, ang Kanyang pagkabuhay na muli at pagpanhik, at ang gawain Niya sa langit bilang kinatawan at tagapagtanggol ng tao. Habang itinuturo ni Pedro ang lahat ng naroroon kay Jesus bilang tanging pag-asa ng taong makasalanan, siya man ay higit na nakaunawa ng kahulugan ng pangitaing nakita niya, at ang kanyang puso ay nag-alab sa diwa ng katotohanang kanyang inihahayag. AGA 106.5
Ang kanyang pagsasalita ay biglang pinahinto ng pagbaba ng Banal na Espiritu. “Samantalang si Pedro ay nagsasalita pa, bumaba ang Banal na Espiritu sa lahat ng nalakinig sa kanyang mga salita. Ang mga tuling mananampalatayang kasama ni Pedro ay nangamangha, sapagkat ibinuhos din sa mga Gentil ang kaloob ng Banal na Espiritu. Sapagkat narinig nilang nagsasalita ang mga ito ng mga wika, at nangagpupuri sa Dios. AGA 106.6
“Nang magkagayo’y nagsalita si Pedro, Mangyayari bagang hadlangan ng sinuman ang tubig, upang huwag mabautismuhan itong mga nagsitanggap ng Banal na Espiritu na gaya naman natin? At inutusan niya silang mabautismuhan sa pangalan ni Jesu-Cristo.” AGA 107.1
Sa ganito ay nadala ang ebanghelyo sa mga taga-ibang lupa, upang sila’y maging kapwa mamamayan ng mga banal, at mga kaanib ng pamilya ng Dios. Ang pagkahikayat ni Cornelio at ng kanyang sambahayan ay mga unang bunga lamang ng aanihin. Mula sa sambahayang ito ay napalawak ang gawain ng biyaya sa siyudad na iyon ng pagano. AGA 107.2
Ngayon ang Dios ay naghahanap ng mga tao sa mga matataas at hamak. Marami ang tulad ni Cornelio, mga lalaking nais ng Panginoong maiugnay sa Kanyang gawain dito sa lupa. Ang kanilang mga malasakit ay nasa bayan ng Dios, ngunit matibay pa ang tali nila sa sanlibutan. Kailangan nila ang kalakasang moral upang kunin ang lugar sa panig ni Kristo. Mga tanging pagsisikap ay dapat gawin para sa mga taong ito, na nasa dakilang panganib, dahilan sa kanilang mga kapanagutan at sinasamahan. AGA 107.3
Ang Dios ay nananawagan sa mga taimtim, at hamak na manggagawa, na magdadala ng ebanghelyo sa mataas na lipunan. Ang tunay na pagkahikayat ay magbubunga ng mga kababalaghan,—mga kababalaghang ngayon ay di pa nakikita. Ang mga pinakadakilang tao sa lupang ito ay maaabot ng kapangyarihan ng Dios na gumagawa ng milagro. Kung sila na kasama Niya sa paggawa ay sasamantalahin ang pagkakataon na gaganap ng kanilang mga tungkuling may tapang at katapatan, ang Dios ay hihikayat sa mga taong nasa mataas na tungkulin, mga taong may katalinuhan at impluwensya. Sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu marami ang tatanggap ng makalangit na simulain. Kapag nahikayat na sa katotohanan, sila ay magiging ahensya sa kamay ng Dios upang magpakalat ng liwanag. Magkakaroon sila ng tanging pasanin para sa mga ibang kaluluwang nasa kalagayang napabayaan. Panahon at salapi ay matatalaga sa gawain ng Panginoon, at bagong galing at kapangyarihan ay madaragdag sa iglesia. AGA 107.4
Sapagkat si Cornelio ay nabubuhay sa pagsunod sa mga aral na kanyang tinanggap, ang Dios ay nagtakda ng mga pangyayaring lalong magpapalalim sa kanya sa katotohanan. Isang mensahero mula sa langit ay isinugo sa opisyal ng Roma at kay Pedro upang si Cornelio ay makatagpo ng isang makakaakay sa kanya sa lalong liwanag. AGA 108.1
Marami ang nasa sanlibutan ngayon na higit na malapit sa kaharian ng Dios kaysa ating iniisip. Sa madilim na daigdig na ito ng kasalanan ang Panginoon ay maraming mamahaiing hiyas, na sa kanila ay papatnubayan ng Dios ang Kanyang mga mensahero. Sa bawat dako ay mayroong mga taong tatayo sa panig ni Kristo. Marami ang higit na bibigyang halaga ang karunungan ng Dios kaysa anumang pakinabang dito sa lupa, at magiging mga tapat na tagapagdala ng liwanag. Sa pag-akay ng pag-ibig ni Kristo, sila naman ay aakay din sa iba upang lumapit sa Kanya. AGA 108.2
Nang maalaman ng mga kapatid sa Juda na si Pedro ay nagtungo sa bahay ng isang Gentil, at nangaral sa mga nagtipon doon, sila ay nagtaka at nasaktan. Natakot sila na ang ganitong hakbang, na para sa kanila ay kalabisan, ay magkakaroon ng kalabang impluwensya sa kanyang sariling pagtuturo. Nang muli nilang makaharap si Pedro, ay sinalubong nila ito ng sansala, na sinabing “Nakisalamuha ka sa mga hindi tuli, at kumaing kasama nila.” AGA 108.3
Inilahad ni Pedro sa kanila ang buong bagay na ito. Isinalaysay niya ang kanyang karanasan ukol sa pangitain at sumamo sa kanilang huwag nang sundin pa ang mga seremonya ng pagtutuli o di pagtutuli, o tumingin man sa mga Gentil bilang marumi. Ibinalita niya ang utos na kanyang tinanggap upang magtungo sa mga Gentil, ang pagdating ng mga mensahero, ang kanyang paglalakbay tungo sa Cesarea, at ang pakikipagtagpo kay Cornelio. Isinalaysay niya ang pinakabuod ng pakikipanayam sa senturyon, na doon ay inilahad nito ang pangitaing nag-utos sa kanyang ipasundo si Pedro. AGA 108.4
“Nang ako’y magsimulang magsalita,” wika niya sa paglalahad ng karanasan, “ang Banal na Espiritu ay lumukob sa kanila, tulad din nang sa atin sa pasimula. At naalaala ko ang mga salita ng Panginoon, nang Kanyang sabihing, si Juan nga ay nagbautismo sa tubig; datapuwat kayo ay babautismuhan ng Banal na Espiritu. At sapagkat ipinagkaloob sa kanila ng Panginoon ang katulad na kaloob sa atin, na nananampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo; sino ako na lalaban sa Dios?” AGA 108.5
Sa pagkarinig nito, ang mga kapatid ay natahimik. Nakumbinsi na ang ginawa ni Pedro ay tiyak na katuparan ng panukala ng Dios, na ang kanilang mga maling akala at pagiging makasarili ay lubusang taliwas sa diwa ng ebanghelyo, sila ay lumuwalhati sa Dios, at nagwika, “Kung gayon ay ipinagkaloob din ng Dios sa mga Gentil ang pagsisisi ukol sa buhay.” AGA 109.1
Sa ganito, walang paglalaban, na ang maling akala ay naibagsak, ang pagiging makasariling itinatag ng mga ugali ng mga panahong lumipas ay iniwan, at ang daan ay nabuksan upang ang ebanghelyo ay maipahayag sa mga Gentil. AGA 109.2