“Isinugo ng Banal na Espiritu,” sina Pablo at Bernabe, matapos maordinahan ng mga kapatid sa Antioquia, ay “lumusong sa Seleucia; at mula roon ay naglayag hanggang sa Chipre.” Sa ganito ay nagsimula ang mga apostol sa kanilang unang paglalakbay misyonero. Ang Chipre ay isa sa mga dakong tinakbuhan ng mga mananampalataya mula sa Jerusalem dahil sa pag-uusig matapos ang kamatayan ni Esteban. Mula sa Chipre ay naglakbay ang ilang lalaki patungong Antioquia, na “ipinangangaral ang Panginoong Jesus.” Gawa 11:20. Si Bernabe na rin ay mula sa “lupain ng Chipre” (Gawa 4:36); at ngayon siya at si Pablo, kasama si Juan Marcos, isang kaanak ni Bernabe, ay dumalaw sa pulong ito. AGA 127.1
Ang ina ni Marcos ay nahikayat sa relihiyon ng mga Kristiano, at ang tahanan niya sa Jerusalem ay naging kanlungan para sa mga alagad. Dito ay lagi silang tinatanggap at nagkakaroon ng kapahingahan. Dito sa panahon ng isang pagdalaw ng mga alagad sa tahanan ng kanyang ina, na si Marcos ay nagmungkahi kina Pablo at Bernabe na siya ay sasama sa kanilang paglalakbay misyonero. Nadama niya ang kabutihan ng Dios sa kanyang puso, at nagnais na ipagkaloob ng buo ang kanyang sarili sa gawain ng pangangaral ng ebanghelyo. AGA 127.2
Pagdating sa Salamina, ang mga apostol ay “nangaral ng salita ng Dios sa mga sinagoga ng mga Judio.... At nang sila ay makabagtas sa pulo patungong Paphos, nakatagpo nila ang isang manggagaway, bulaang propeta, isang Judio, na ang kanyang pangalan ay Bar-jesus: na kasama ng proconsul Sergio Paulo, isang lalaking matalino; ito rin ang nagpatawag kay Bernabe at kay Saulo, at minimithing mapakinggan ang salita ng Dios. Datapuwat si Elimas na manggagaway (sapagkat ganito ang pakahulugan sa kanyang pangalan) ay humadlang sa kanila, na pinagsisikapang ihiwalay sa pananampalataya ang proconsul.” AGA 127.3
Hindi basta na lamang pababayaan ni Satanas na ang kaharian ng Dios ay maitatag dito sa lupa. Ang mga puwersa ng kasamaan ay patuloy sa lumalaking pagsisikap na bakahin ang mga ahensyang itinalaga sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, at ang mga kapangyarihang ito ng kadiliman ay tanging aktibo kapag ang katotohanan ay ipinapahayag sa mga lalaking may pangalan at may natatanging katapatan. At gayon nga nang si Sergio Paulo, ang deputado ng Chipre, ay nakikinig sa pabalita ng ebanghelyo. Ipinasundo nito ang mga apostol, upang siya ay maturuan tungkol sa mga pabalitang taglay nila. At ngayon ang mga puwersa ng kasamaan ay gumagawa sa pamamagitan ng manggagaway na si Elimas, at may masamang mung-kahing ihiwalay ito sa pananampalataya at hadlangan ang adhikain ng Dios. AGA 128.1
Sa ganitong paraan gumagawa ang talunang kaaway upang mapanatili sa panig niya ang mga lalaking, kung mahihikayat, ay makagagawang mabisa sa gawain ng Dios. Datapuwat ang tapat na manggagawa ng ebanghelyo ay di dapat mangamba na siya ay magagapi sa kamay ng kaaway; sapagkat karapatan niyang tumanggap ng kapangyarihang lalaban sa bawat impluwensya ng kasamaan. AGA 128.2
Bagama’t sinasalakay na mainam ni Satanas, si Pablo ay may katapangang sumansala sa ginagamit ng kaaway. “Puspos ng Banal na Espiritu,” ang apostol ay “tumingin sa kanya, at nagsabi, O ikaw na anak ng diablo, na puno ng katusuhan at lahat ng kasamaan, ikaw na kaaway ng lahat ng katuwiran, hindi ka ba titigil sa pagpapasama sa mga matuwid na daan ng Panginoon? At ngayon, narito, ang kamay ng Panginoon ay nasa iyo, at ikaw ay mabubulag, na hindi mo makikita ang araw sa isang panahon. Pagdaka ay lumambong sa kanya ang isang ulap at isang kadiliman; at naghanap siya ng isang aakay sa kanya sa kamay. At pagkakita ng proconsul sa nangyari, siya ay nanampalataya, na nanggigilalas sa aral ng Panginoon.” AGA 128.3
Ang manggagaway ay nagpinid ng kanyang mga mata sa mga katibayan ng katotohanan ng ebanghelyo; at ang Panginoon, sa galit na matuwid, ay binulag ang kanyang mga mata, na ipininid sa kanya ang liwanag ng araw. Ang pagkabulag na ito ay hindi permanente, kundi sa isang panahon lamang, upang siya ay mabigyang babala upang magsisi at hanapin ang pagpapatawad ng Dios na kanyang pinighad. Ang kaguluhang nasuotan niya, ay nagpawalang bisa sa matalinong pakana niya laban sa doktrina ni Kristo. Ang katunayang napilitan siyang mangapa sa dilim, ay nagpatunay sa lahat na ang mga milagrong isinagawa ng mga apostol at binansagan ni Elimas na sa bilis lamang ng kamay, ay isinagawa sa kapangyarihan ng Dios. Ang proconsul, na nahikayat ng katotohanan ng doktrinang iniaaral ng mga apostol, ay tumanggap ng ebanghelyo. AGA 128.4
Si Elimas ay hindi gaanong nag-aral, gayunman ay angkop na angkop siya sa gawain ni Satanas. Silang nangangaral ng katotohanan ng Dios ay makahaharap ng tusong kaaway sa maraming iba’t ibang anyo. Kung minsan ito ay sa katauhan ng taong may pinag-aralan, ngunit higit na madalas ay sa hindi nag-aral na sinanay naman ni Satanas upang maging matagumpay na instrumento sa pandaraya ng mga kaluluwa. Tungkulin ng ministro ni Kristo na tumayong matatag sa kanyang lugar, sa pagkatakot sa Dios at sa kapangyarihan ng Kanyang lakas. Sa ganito ay itataboy niya sa kaguluhan ang mga kampon ni Satanas at magtatagumpay sa pangalan ng Panginoon. AGA 129.1
Si Pablo at mga kasama ay nagpatuloy sa paglalakbay at nakarating sa Perga ng Pampilia. Ang kanilang paglalakbay ay mahirap;’ nakasagupa sila ng gutom at mga panganib sa bawat dako. Sa mga bayan at siyudad na kanilang dinaanan, at sa mapanglaw na mga lansangan, napapalibutan sila ng mga nakildta at di nakikitang panganib. Ngunit si Pablo at Bernabe ay natuto nang magtiwala sa kapangyarihan ng Dios na magligtas. Ang kanilang mga puso ay puspos ng maningas na pag-ibig sa mga kaluluwang napapahamak. Bilang mga tapat na pastol na naghahanap ng waglit na tupa, hindi nila inisip ang sariling ginhawa at kapahingahan. Sa paglimot sa sarili hindi sila nanghina kapag pagod, gutom, at giniginaw. Nakatingin sila sa iisang bagay lamang—ang kaligtasan noong mga napalayo sa kulungan. AGA 129.2
Sa panahong iyon, si Marcos, na natakot at nanlupaypay, ay nanghina sa kanyang adhikaing ipagkaloob nang lubusan ang sarili sa gawain ng Panginoon. Hindi bihasa sa kahirapan, siya’y nanglupaypay sa mga panganib at kasalatan sa daan. Naging matagumpay siya sa mga panahon ng kaginhawahan; datapuwat ngayon, sa gitna ng oposisyon at panganib na madalas na nakakaharap ng manggagawang nagbubukas ng gawain, nagkulang siya at hindi nakatagal sa kahirapan tulad ng isang mabuting sundalo ng krus. Kailangan pa niyang matutuhan kung paano humarap sa panganib at pag-uusig at mga kahirapan na may pusong matatag. Habang patuloy ang mga apostol sa paglalakbay, at higit pang mga kahirapan ang natatanaw, si Marcos ay lubusang nanghina ang loob, at tumangging magpatuloy pa at nagbalik sa Jerusalem. AGA 129.3
Ang pag-alis na ito ni Marcos ay naging dahilan upang siya ay hatulan ni Pablo ng hindi maganda, bagaman sa isang panahon lamang. Si Bernabe sa isang banda, ay nakalaang patawarin siya dahil sa kanyang kawalang karanasan. May pasanin siyang si Marcos ay huwag umalis sa gawain, sapagkat nakita niya rito ang mga kakayahang mag-aangkop sa kanya sa pagiging mabisang manggagawa ni Kristo. Sa mga darating na taon, ang pasanin at malasakit niya kay Marcos ay magbubungang mainam, sapagkat ang kabataan ay nagkaloob nang lubusan sa sarili sa paggawa sa mga mahihirap na bukiran. Sa ilalim ng pagpapala ng Dios, at sa matalinong pagsasanay ni Bernabe, siya ay naging kapaki-pakinabang na manggagawa. AGA 130.1
Matapos ito ay nagkalapit muli si Pablo at Marcos, at tinanggap itong muli bilang kamanggagawa. Inirekomenda rin ni Pablo si Marcos sa mga taga Colosas bilang isang kamanggagawa “sa kaharian ng Dios,” at “isang kaginhawahan sa akin.” Colosas 4:11. Muli, bago siya mamatay, nagsalita siya tungkol kay Marcos bilang “kapakipakinabang sa kanya sa ministeryo.” 2 Timoteo 4:11. AGA 130.2
Nang makaalis si Marcos, si Pablo at Bernabe ay dumalaw sa Antioquia sa Pisidia, at nang araw ng Sabbath ay nagtungo sa sinagoga ng mga Judio at naupo roon. “Matapos ang pagbasa ng kautusan at ng mga propeta ang mga pinuno ng sinagoga ay nagpatawag sa kanila, at nagsabi, Kayong mga kapatid, kung mayroon kayong anumang iaaral sa bayan, ay magsalita kayo.” Sapagkat naanyayahang magsalita, “Nagtindig si Pablo at nagsabi, Mga lalaking taga Israel, at kayong natatakot sa Dios, magsipakinig kayo.” At sinundan ito ng kahanga-hangang pagsasalita. Inihayag niya ang tala kung paanong ang Panginoon ay nakitungo sa mga Judio mula sa kanilang pagkaligtas sa pagkaalipin sa Egipto, at kung paanong ang isang Tagapagligtas ay ipinangako, mula sa binhi ni David, at matapang na ipinahayag niyang “mula sa binhi ng lalaking ito ay itinayo ng Dios ayon sa Kanyang pangako ang isang Tagapagligtas, si Jesus: nang si Juan ay unang mangaral bago Siya dumating ukol sa bautismo ng pagsisisi sa lahat ng bayan ng Israel. At sa pagtupad ni Juan sa kanyang gawain, nagtanong siya, Sino ba ako sa akala ninyo? Ako ay hindi Siya. Ngunit may darating sa likuran ko, ang Isa, na kahit tali ng Kanyang panyapak ay di ako karapat-dapat na magkalag.” Makapangyarihang ipinangaral niya si Jesus bilang Tagapagligtas ng tao, ang Mesias ayon sa propesiya. AGA 130.3
Matapos mailahad ang mga bagay na ito, sinabi ni Pablo, “Mga kapatid, mga anak ng lahi ni Abraham, at ang mga sa inyo’y natatakot sa Dios, sa atin ipinadadala ang salita ng kaligtasang ito. Sapagkat silang naninirahan sa Jerusalem, at ang mga pinuno nila, dahil sa hindi nila pagkilala sa Kanya, ni sa mga tinig ng mga propeta na sa tuwing Sabbath ay binabasa, ay kanilang tinupad ang hatol sa kanila.” Si Pablo ay hindi nag-atubiling magsalita nang malinaw na katotohanan tungkol sa pagtanggi sa Tagapagligtas ng mga pinuno ng mga Judio. “Bagama’t wala silang natagpuang dahilan upang Siya’y patayin,” wika ng apostol, “gayunma’y kanilang hiningi kay Pilato na Siya’y patayin. Nang maganap na nila ang lahat na bagay na nasusulat tungkol sa Kanya, ay kanilang ibinaba Siya sa punong kahoy, at inilagay Siya sa isang libingan. Datapuwat Siya’y binuhay na muli sa mga patay: at Siya’y nakitang maraming araw ng mga kasama Niyang nagsiahon buhat sa Galilea hanggang sa Jerusalem, na siyang mga saksi Niya ngayon sa bayan.” AGA 131.1
“At dinadalhan namin kayo ng mabubuting balita,” dagdag na sabi ng apostol, “ng pangakong ipinangako sa mga magulang, na tinupad din ng Dios sa ating mga anak nang muling buhayin Niya si Jesus; gaya naman ng nasusulat sa ikalawang awit, Ikaw ay Aking Anak, sa araw na ito ay naging Anak Kita. At tungkol sa muling binuhay Niya, upang ngayon at kailanma’y huwag nang magbalik sa kabulukan, ay nagsalita Siya ng ganito, Ibibigay Ko sa iyo ang banal at tunay na mga pagpapala ni David; sapagkat sinabi rin naman Niya sa ibang awit, Hindi mo ipagkakaloob na ang Iyong Banal ay makakita ng kabulukan. Sapagkat si David, nang maipaglingkod na niya sa sariling lahi ang pasiya ng Dios, ay natulog, at isinama sa kanyang mga magulang, at nakakita ng kabulukan: datapuwat Yaong binuhay na mag-uli ng Dios ay hindi nakakita ng kabulukan.” AGA 131.2
At ngayon, pagkatapos na maliwanag na ipangaral sa kanila ang katuparan ng mga tanyag na propesiya tungkol sa Mesias, nangaral naman si Pablo sa kanila tungkol sa pagsisisi at pagpapatawad ng kasalanan sa pamamagitan ng mga kabutihan ni Jesus na kanilang Tagapagligtas. “Kaya maging hayag nawa sa inyo” kanyang sinabi, “na sa pamamagitan ng Taong ito’y ibinabalita sa inyo ang ng mga banal, at ng sambahayan ng Dios.” Efeso 2:12, 13, 19. AGA 131.3
Habang lumalago sa pananampalataya, si Pablo ay walang kapagurang gumawa sa pagtatatag ng kaharian ng Dios sa kanilang napabayaan ng mga guro sa Israel. Palaging itinataas niya si JesuCristo bilang “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon” (1 Timoteo 6:15), at nagpayo sa mga mananampalataya na “magugat at lumago sa Kanya, at matatag sa pananampalataya.” Colosas 2:7. AGA 134.1
Sa mga sumasampalataya, si Kristo ay tiyak na pundasyon. Sa batong buhay na ito, ang Judio at Gentil man ay makapagtatayo. Ito ay malawak para sa lahat at matibay upang dalhin ang bigat at pasanin ng buong sanlibutan. Ito ay katunayang malinaw na nakita ni Pablo na rin. Sa mga huling araw ng kanyang pangangaral, sa pagsasalita sa mga mananampalatayang Gentil na nanatiling matatag sa kanilang pag-ibig sa katotohanan ng ebanghelyo, sumulat ang apostol, “Kayo...ay natayo sa saligan ng mga apostol at propeta, na si JesuCristo ang pinakapanulok na bato.” Efeso 2:19, 20. AGA 134.2
Sa paglago ng pabalita ng ebanghelyo sa Pisidia, ang mga hindi nananampalatayang Judio sa Antioquia, na taglay pa rin ang bulag na maling akala ay “nagbunsod sa mga banal at mararangal na kababaihan, at sa mga pangunahing kalalakihan ng siyudad, at nagbangon ng pag-uusig laban kay Pablo at Bernabe, at pinalayas sila” mula sa distrito. AGA 134.3
Ang mga apostol ay di nanlupaypay sa pakikitungong ito; naalaala nila ang mga salita ng kanilang Panginoon: “Mapalad kayo, kapag kayo ay inaalipusta ng tao, at magsasalita ng lahat ng kasamaang kasinungalingan laban sa inyo, alang-alang sa Alan. Magalak kayo, at magdiwang: sapagkat dakila ang inyong gantimpala sa langit: sapagkat ganito rin na kanilang pinag-usig ang mga propetang nauna sa inyo.” Mateo 5:11, 12. AGA 134.4
Ang pabalita ng ebanghelyo ay sumusulong, at ang mga apostol ay may dahilang magdiwang. Ang kanilang mga paggawa ay saganang pinagpala sa mga taga Pisidia at Antioquia, at ang mga mananampalatayang iniwanan nila upang siyang magpatuloy ng gawain sa isang panahon ay, “napuspos ng kagalakan, at ng Banal na Espiritu.” AGA 134.5