Matapos na ang mga alagad ay itaboy ng pag-uusig mula sa Jerusalem, ang pabalita ng ebanghelyo ay mabilis na kumalat sa mga dako sa kabila ng mga hangganan ng Palestina; at maraming maliliit na pulutong ng mananampalataya ang nabuo sa mga mahahalagang sentro. Ilan sa mga alagad ay “naglakbay hanggang sa Phoenicia, at Chipre, at Antioquia, na nangangaral ng salita.” Ang kanilang mga paggawa ay karaniwang naukol sa mga Hebreo at Griyegong Judio, na ang malalaking koloniya sa panahong ito ay matatagpuan sa halos lahat ng mga siyudad ng sanlibutan. AGA 119.1
Kabilang sa lugar na nabanggit na ang ebanghelyo ay magalak na tinanggap ay sa Antioquia, na noon ay metropolis ng Syria. Ang malawakang komersyong nagaganap sa siyudad ay naghatid dito ng maraming tao ng iba’t ibang nasyonalidad. Bukod dito, ang Antioquia ay kilala bilang sentro para sa mga mahilig sa ginhawa at kalayawan, dahilan sa mga pampalusog na pahingahan dito, ang naggagandahang kapaligiran, at ang kayamanan, kultura, at mga iba’t ibang bagay na nasusumpungan dito. Sa panahon ng mga alagad ito ay nakilala bilang siyudad ng karangyaan at bisyo. AGA 119.2
Ang ebanghelyo ay hayagang ipinangaral sa Antioquia ng ilang mga alagad mula sa Chipre at Cyrene, na naparoong “ipinangangaral ang Panginoong Jesus.” “Ang kamay ng Panginoon ay sumakanila,” at ang kanilang taimtim na paggawa ay naging mabunga. “Isang malaking bilang ang nanampalataya, at nanumbalik sa Panginoon.” AGA 119.3
“Ang balita tungkol sa mga bagay na ito ay nakarating sa mga mananampalataya sa Jerusalem: at kanilang ipinadala si Bernabe, upang ito ay magtungo hanggang Antioquia.” Pagdating sa kanyang bagong bukirang gagawan nakita niya ang gawaing nagampanan na sa biyaya ng langit, at “siya ay nagalak at pinayuhan silang lahat, na sa adhikain ng puso ay manghawakan sila sa Panginoon.” AGA 119.4
Ang mga paggawa ni Bernabe sa Antioquia ay mayamang pinagpala, at marami ang nadagdag sa bilang ng mananampalataya doon. Sa paglago ng gawain, nadama ni Bernabe ang pangangailangan ng angkop na tulong upang makapangaral sa mga lugar na inihanda ng Dios. Siya ay nagtungo sa Tarsus upang hanapin si Pablo, na matapos umalis sa Jerusalem ay gumagawa “sa mga rehiyon ng Syria at Cilicia,” na nagpapahayag “ng pananampalatayang dati ay kanyang sinisira.” Galacia 1:21, 23. Natagpuan naman ni Bernabe si Pablo, at nakumbinse itong sumama sa kanya upang maging kawaksi sa ministeryo. AGA 119.5
Sa mataong siyudad ng Antioquia, nakakita si Pablo ng mabuting buldran ng paggawa. Ang kanyang karunungan, pinag-aralan, at sigasig ay naging malakas na impluwensya sa mga naninirahan doon at mga madalas na nagtutungo sa siyudad na ito ng kultura; at siya ay napatunayang siyang katulong na kailangan ni Bernabe. Sa loob ng isang taon ay magkasamang gumawa ang dalawang alagad sa tapat na paglilingkod, sa paghahatid sa marami ng kaalamang nagliligtas tungkol kay Jesus ng Nasaret, ang Manunubos ng sanlibutan. AGA 120.1
Dito sa Antioquia unang tinawag na Kristiano ang mga alagad. Ang bansag na ito ay kaloob sa kanila sapagkat si Kristo ang pangunahing paksa ng kanilang pangangaral, pagtuturo, at usapan. Patuloy na kanilang isinasaysay ang mga naganap sa mga araw ng Kanyang paglilingkod dito sa lupa, nang ang Kanyang mga alagad ay pinagpala ng Kanyang personal na presensya. Walang pagod na ibinahagi nila ang Kanyang mga turo at Kanyang mga milagro ng pagpapagaling. Sa labing nanginginig at mga matang nangingilid sa luha ay nagsalaysay sila tungkol sa paghihirap Niya sa halamanan, ang pagkakanulo sa Kanya, paglilitis, at pagkapako, ang kaamuan at pagpapahinuhod Niya sa pagtitiis sa mga paglibak at parusang ibinigay ng mga kaaway Niya, at ang maka-Dios na habag na dahil dito’y idinalangin Niya silang nag-uusig sa Kanya. Ang Kanyang pagkabuhay na muli at pagpanhik sa langit, at ang kanyang gawain bilang Tagapamagitan sa taong nagkasala, ay naging paksang kagalakan nilang saysayin. Angkop lamang na tawagin sila ng mga pagano bilang mga Kristiano, sapagkat ipinangaral nila si Kristo at dumalangin sa Dios sa pangalan Niya. AGA 120.2
Ang Dios ang nagkaloob sa kanila ng taguring Kristiano. Ito ay makaharing pangalan, na ibinibigay sa lahat ng sasanib kay Kristo. Tungkol sa pangalang ito na si Santiago ay sumulat pagkatapos, “Hindi baga kayo’y inuusig ng mga mayayaman, at dinadala kayo sa harapan ng mga hukuman? Hindi baga nilalapastangan nila yaong marangal na pangalan na sa inyo’y itinatawag?” Santiago 2:6, 7. At sinabi ni Pedro, “Kung ang sinuman ay magbata bilang isang Kristiano, di siya dapat mahiya; kundi kanyang luwalhatiin ang Dios ukol sa bagay na ito.” “Kung kayo ay mapintasan dahil sa pangalan ni Kristo, ay mapapalad kayo; sapagkat ang espiritu ng kaluwalhatian at ang Espiritu ng Dios ay nagpapahingalay sa inyo.” 1 Pedro 4:16, 14. AGA 120.3
Nadama ng mananampalataya sa Antioquia na ang Dios ay laang gumawa sa kanilang mga buhay “maging sa pagnanasa at sa paggawa ayon sa Kanyang mabuting kalooban.” Filipos 2:13. Nabubuhay sa gitna ng mga taong walang pagpapahalaga sa mga bagay na walang hanggan, sinikap nilang tawagin ang pansin ng mga taimtim ang puso, at magbigay ng mabuting patotoo tungkol sa Kanya na kanilang inibig at pinaglingkuran. Sa kanilang hamak na paglilingkod, natutuhan nilang umasa sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu upang gawing mabisa ang salita ng buhay. Kaya’t sa iba’t ibang antas ng buhay, sa bawat araw ay naghatid sila ng patotoo ng kanilang pananampalataya kay Kristo. AGA 121.1
Ang halimbawa ng mga alagad ni Kristo sa Antioquia ay dapat na maging inspirasyon sa bawat mananampalatayang nabubuhay sa mga malalaking lunsod ng sanlibutan ngayon. Bagama’t panukala ng Dios na ang mga piling manggagawa na may pagtatalaga at talento ay madestino sa mga siyudad na ito upang manguna sa mga pulong pampubliko, adhikain din Niya na ang mga kaanib ng iglesiang naninirahan sa mga siyudad na ito ay gagamitin ang kanilang mga talentong kaloob ng Dios sa paggawa para sa mga tao. May mga mayayamang pagpapalang nakalaan para sa kanilang magpapasakop nang lubusan sa panawagan ng Dios. Habang ang mga ganitong manggagawa ay nagsisikap na umakit ng mga kaluluwa kay Jesus, malalaman nilang marami sa hindi sana maaabot sa ibang paraan ay handang tumugon sa matalinong paggawang personal. AGA 121.2
Ang gawain ng Dios ngayon dito sa lupa ay nangangailangan ng mga buhay na kinatawan ng katotohanan ng Biblia. Ang mga ordinadong ministro ay hindi sapat sa gawaing bigyang babala ang mga dakilang siyudad. Ang Dios ay nananawagan hindi lamang sa mga ministro, kundi sa mga doktor, narses, kolportor, manggagawa sa Biblia, at mga natatalagang layko ng iba’t ibang talento din naman na may kaalaman sa salita ng Dios at nakakikilala ng kapangyarihan ng Kanyang biyaya, upang bigyang pansin ang mga pangangailangan ng mga siyudad na hindi pa nabibigyan ng babala. Ang panahon ay mabilis na lumilipas, at malald pa ang dapat gampanan. Bawat ahensya ay dapat isangkot, upang mga mga pagkakataon sa kasalukuyan ay matalinong magamit. AGA 121.3
Ang mga paggawa ni Pablo sa Antioquia, kasama ni .Bernabe, ang nagpalakas sa kanyang paniniwala na siya’y tinawagan ng Panginoon upang gumawa ng tanging gawain sa sanlibutan ng mga Gentil. Sa panahon ng pagkahikayat ni Pablo, inihayag ng Panginoon na siya ay magiging ministro sa mga Gentil, “upang magbukas ng kanilang mga mata, at ibaling sila mula sa kadiliman tungo sa liwanag, at mula sa kapangyarihan ni Satanas tungo sa Dios, upang sila’y makatanggap ng pagpapatawad ng mga kasalanan, at ng pamana nilang pinabanal ng pananampalatayang nasa Akin.” Gawa 26:18. Ang anghel na napakita kay Ananias ay nagwika kay Pablo, “Siya ay piling sisidlan sa Akin, upang dalhin ang Aking pangalan sa mga Gentil, at mga hari, at sa mga anak ng Israel.” Gawa 9:15. At si Pablo na rin, di nagtagal sa kanyang karanasang Kristiano, habang nanalangin sa templo sa Jerusalem, ay dinalaw ng anghel mula sa langit, at siya’y sinabihan, “Humayo ka: sapagkat isusugo kita sa malayo sa mga Gentil.” Gawa 22:21. AGA 122.1
Sa ganito ay ibinigay ng Panginoon kay Pablo ang kanyang gawaing pasukin ang malawak na bukiran ng ministeryo sa daigdig ng mga Gentil. Upang ihanda siya sa malawak at mahirap na gawain, dinala siya ng Dios sa malapit na kaugnayan sa Kanya at binuksan sa kanyang pananaw ang mga tanawin ng kagandahan at kaluwalhatian ng langit. Sa kanya ay nabigay ang gawain ng pagpapakilala ng mga “hiwaga,” na “natago mula nang ang sanlibutan ay naging gayon” (Roma 16:25),—“ang hiwaga ng Kanyang kalooban” (Efeso 1:9), “na nang ibang panahon ay hindi ipinaldlala sa mga anak ng mga tao, na gaya ngayon na ipinahayag sa kanyang mga banal na apostol at propeta sa Espiritu; na ang mga Gentil ay mga tagapagmana, at mga kasangkap ng katawan, at mga may bahagi sa pangako ng na kay Kristo sa pamamagitan ng ebanghelyo: na dito’y,” sinabi ni Pablo, “ginawa akong ministro.... Sa akin, na ako ang pinakamababa sa lahat ng laiong mababa sa mga banal, ay ibinigay ang biyayang ito, upang ipangaral sa mga Gentil ang mga di malirip na mga kayamanan ni Kristo; at maipakita sa lahat ng mga tao kung ano ang pagiging katiwala sa hiwaga na sa lahat ng panahon ay inilihim ng Dios, na lumalang ng lahat ng mga bagay sa pamamagitan ni Jesu-Cristo: upang ngayo’y sa pamamagitan ng iglesia, ay maipakilala sa mga pamunuan at mga kapangyarihan sa sanlibutan ang kapuspusan ng karunungan ng Dios, ayon sa panukalang walang hanggan na ipinanukala kay Kristo Jesus na Panginoon natin.” Efeso 3:5-11. AGA 122.2
Pinagpalang masagana ng Dios ang mga paggawa ni Pablo at Bernabe sa panahong sila ay kasama ng mga mananampalataya sa Antioquia. Ngunit sila kapwa ay di pa ordinado sa gawain ng ebanghelyo. Dumating sila sa punto ng kanilang karanasang Kristiano na panahon nang ipagkatiwala sa kanila ng Dios ang pagpapatuloy ng mahirap na gawaing misyonero, na ang gawaing ito ay mangangailangan ng bawat bentaheng makukuha sa pamamagitan ng iglesia. AGA 123.1
“Sa iglesia sa Antioquia ay mayroong mga propeta at guro; tulad nina Bernabe, at Simon na tinatawag na Niger, at Lucio ng Cirene, at Manaen,...at Saulo. Habang sila ay naglilingkod sa Panginoon, at nag-ayuno, sinabi sa kanila ng Banal na Espiritu, Ibukod ninyo sa Akin si Bernabe at Saulo para sa gawaing itinawag Ko sa kanila.” Bago isugo bilang mga misyonero sa sanlibutan ng mga pagano, ang mga apostol na ito ay mapitagang itinalaga sa Dios sa pag-aayuno at pananalangin at pagpapatong ng mga kamay. Sa ganito ay binigyan sila ng pahintulot ng iglesia, hindi lamang upang magturo ng katotohanan, kundi magbautismo at magtatag ng mga iglesia, yamang pinagkalooban na ng kapamahalaang eklesiastiko. AGA 123.2
Ang iglesia Kristiana sa panahong ito ay pumapasok sa isang maha-lagang yugto. Ang gawain ng paghahayag ng ebanghelyo sa mga Gentil ay itataguyod na ngayong may kasiglahan; at bilang bunga nito ang iglesia ay mapapalakas ng malaking pag-aani ng mga kaluluwa. Ang mga apostol na hinirang upang manguna sa gawain ay malalantad sa hinala, maling akala, at inggit. Ang kanilang mga turo tungkol sa “pagbubuwag ng pader na nakapagitan” (Efeso 2:14) na matagal nang nagpahiwalay sa sanlibutan ng mga Judio at Gentil, ay likas lamang na maghahatid sa kanila sa paratang ng maling aral, at ang kanilang kapangyarihan bilang mga ministro ng ebanghelyo ay susubukin ng mga Judiong masigasig. Nakita ng Dios ang mga kahirapang daranasin ng Kanyang mga lingkod, at, upang ang kanilang paggawa ay maligtas sa anumang batikos, binigyan Niya ng tagubilin ang iglesia sa pamamagitan ng pahayag na ibukod silang hayagan sa gawain ng ministeryo. Ang kanilang ordinasyon ay pagkilalang publiko ng kanilang banal na pagkahirang upang magdala sa mga Gentil ng mabuting balita ng ebanghelyo. AGA 123.3
Si Pablo at Bernabe ay kapwa itinalaga na ng Dios sa gawain, at ang seremonya ng pagpapatong ng kamay ay hindi nagdagdag ng bagong biyaya o kakayahan. Ito ay tanda ng pagkilala ng pagkakatalaga sa isang tungkulin at pagkilala din ng otoridad ng isang nasa tungkuling iyon. Sa pamamagitan nito ang tatak ng iglesia ay inilalagay sa gawain ng Dios. AGA 124.1
Sa mga Judio ang anyong ito ay mahalaga. Kapag ang isang amang Judio ay nagpapala sa kanyang mga anak, magalang na ipinapatong niya ang kanyang mga kamay sa kanilang mga ulo. Kapag ang isang hayop ay itinalaga bilang sakripisyo, ang kamay ng isang saserdote ay ipinapatong sa ulo ng biktima. At nang ipatong ng mga ministro ng mga mananampalataya sa Antioquia ang kanilang mga kamay kina Pablo at Bernabe, sila sa ganitong kilos, hiniling nila sa Dios na ipagkaloob sa mga hirang na apostol ang Kanyang pagpapala sa kanilang pagtatalaga sa gawaing doon sila ay tinawagan. AGA 124.2
Sa mga sumunod na panahon, ang ritwal ng ordinasyon ay lubos na inabuso; hindi kailangang kahalagahan ay ikinabit sa gawaing ito, na parang ang isang kapangyarihan ay agad dumarating sa kanilang tumanggap ng pagpapatong ng kamay, at nagbigay kakayahan agad sa kanila sa anuman at lahat ng gawain ng ministeryo. Ngunit sa pagbubukod ng dalawang apostol na ito, walang tala na may nadagdag na kabutihang anuman sa pamamagitan lamang ng pagpapatong ng mga kamay at ng magiging kaugnayan nito sa kanilang paggawa sa hinaharap. AGA 124.3
Ang mga pangyayaring kaugnay ng pagbubukod ng Banal na Espiritu kay Pablo at Bernabe sa isang tiyak na gawain ay malinaw na nagpapakita na ang Panginoon ay gumagawa sa pamamagitan ng itinalagang ahensya ng Kanyang tatag na iglesia. Sa mga taong nakaraan, nang ang banal na adhikain para kay Pablo ay inihayag sa kanya ng Tagapagligtas mismo, agad-agad na si Pablo ay dinala sa dakong siya ay mauugnay sa bagong tatag na iglesia sa Damasco. Bukod dito, ang iglesia sa dakong iyon ay agad ding binigyang kaalaman tungkol sa karanasan ng nahikayat na Pariseong ito. At ngayon, nang ang banal na gawaing ibinigay noon ay lubusan nang isasagawa, ang Banal na Espiritu rin ang nagpatotoo tungkol kay Pablo bilang piling sisidlan na magdadala ng ebanghelyo sa mga Gentil, at nag-atas sa iglesia na gawin ang ordinasyon sa kanya at sa kasamang manggagawa. Habang ang mga lider ng iglesia sa Antioquia ay “naglilingkod sa Panginoon, at nag-aayuno, sinabi ng Banal na Espiritu, Ibukod ninyo sa Akin sina Bernabe at Pablo para sa gawaing itinawag Ko sa kanila.” AGA 124.4
Ang Kanyang iglesia sa lupa ay ginawa ng Dios na daluyan ng liwanag, at sa pamamagitan nito ay ipinatatalastas ang mga adhikain at kalooban Niya. Hindi Siya nagkakaloob sa isa sa mga lingkod Niya ng karanasang hiwalay at kalaban sa karanasan ng buong iglesia. Hindi rin Siya nagkakaloob sa isang lingkod ng kaalaman ng Kanyang kalooban samantalang ang buong iglesia—ang katawan ni Kristo— ay naiiwan sa kadiliman ukol dito. Kalooban Niya na ilagay ang Kanyang mga lingkod sa malapitang ugnayan sa Kanyang iglesia, upang hindi sila gaanong magtiwala sa sarili, kundi higit na magtiwala sa mga ibang inaakay Niya sa pagpapalago ng Kanyang gawain. AGA 125.1
Lagi na lamang mayroon sa iglesiang ang hilig ay sariling lakad. Hindi nila madamang ang pagiging independyente ng diwa ay aakay sa tao sa pagtitiwala sa sarili at sa sariling isipan sa halip na hanapin at igalang ang payo at pahalagahan ang isipan ng kanyang mga kapatid, lalo na silang nasa mga tungkulin ng pangunguna na pinaglagyan ng Dios sa kanila. Ibinigay ng Dios sa Kanyang iglesia ang tanging kakayahan at kapangyarihan na walang sinumang may karapatang ito ay hamakin at walaing kabuluhan; sapagkat ang gumagawa nito ay umaaglahi sa tinig ng Dios. AGA 125.2
Silang may hilig na pahalagahan ang sariling pagpapasya bilang pinakamataas ay nasa malaking panganib. Pinag-aralang pagsisikap ni Satanas na ihiwalay ang mga ito sa mga daluyan ng liwanag, na sa pamamagitan noon ay ginagamit ng Dios sa pagtatayo at pagpapalaganap ng Kanyang gawain dito sa lupa. Ang isantabi at aglahiin silang itinalaga ng Dios na magdala ng kapanagutan ng pangangasiwa sa pagpapalaganap ng katotohanan, ay pagtanggi sa paraang itinalaga Niya upang tumulong, magpasigla, at magpalakas sa Kanyang bayan. Para sa isang manggagawa ng Panginoon na magpawalang kabuluhan dito, at mag-isip na ang kanyang liwanag ay dapat na tuwirang manggaling sa Dios, ay paglalagay sa kanyang sarili sa dakong siya ay madadaya ng kaaway at maigugupo. Sa karunungan ng Panginoon isinaayos Niya ang paraan ng malapitang ugnayang dapat mamalagi sa lahat ng mananampalataya, ang Kristiano ay kaisa ng Kristiano at ang iglesia sa iglesia. Sa ganito ang tao bilang instrumento ay maaaring makipagtulungan sa banal. Bawat ahensya ay mapapasailalim sa Banal na Espiritu, at lahat ng mananampalataya ay magkakaisa sa isang maayos na pagsisikap na ibigay sa sanlibutan ang mga mabuting balita ng biyaya ng Dios. AGA 125.3
Itinuring ni Pablo ang pormal na ordinasyong ito bilang pasimula ng isang bago at mahalagang yugto sa kanyang buhay at paglilingkod. Mula rito ay pasisimulan ang petsa ng kanyang pagiging apostol sa iglesia Kristiana. AGA 126.1
Habang ang liwanag ng ebanghelyo ay nagniningning sa Antioquia, isang mahalagang gawain ay ipinagpapatuloy naman ng mga alagad na nanatili sa Jerusalem. Bawat taon, sa panahon ng mga kapistahan, maraming mga Judio ang nagtitipon sa Jerusalem mula sa lahat ng lupain upang sumamba sa templo. Ilan sa mga manlalakbay na ito ay mga banal na lalaki at taimtim na mag-aaral ng mga propesiya. Nakatingin sila at nananabik sa pagdating ng ipinangakong Mesias, ang pag-asa ng Israel. Habang ang Jerusalem ay siksikan sa mga taga-ibang lupang ito, ang mga apostol ay ipinangaral si Kristo sa tapang na di makikilos, bagama’t alam nilang sa paggawa nila nito ang kanilang mga buhay ay laging nasa panganib. Ang Espiritu ng Dios ay nagbigay ng tatak sa kanilang mga paggawa; maraming pagkahikayat ang nagawa; at ang mga ito, sa kanilang pagbabalik sa kanilang mga tahanan sa iba’t ibang bahagi ng lupa, ay nagsabog ng mga binhi ng katotohanan sa lahat ng mga bansa at sa lahat ng uri ng tao sa lipunan. AGA 126.2
Pangunahin sa mga apostol na ito sa paggawa ay sina Pedro, Santiago, at Juan, na buo ang paniniwalang sila ay itinalaga ng Dios upang ipangaral ang Kristo sa kanilang mga kababayan. Matapat at matalinong sila ay gumawa, nagpapatotoo sa mga bagay na kanilang nakita at narinig, at nananawagan sa “isang lalong panatag na salita ng propesiya” (2 Pedro 1:19), sa pagsisikap na maakay ang “sambahayan ng Israel...na ginawa ng Dios na Panginoon at Kristo itong si Jesus na inyong ipinako sa krus” (Gawa 2:36). AGA 126.3