Matapos ang ilang panahong pangangaral sa Antioquia, nagmungkahi si Pablo sa mga kapwa manggagawa na sila ay magsagawa ng isa pang paglalakbay misyonero. “Balikan natin,” sinabi niya kay Barnabas, “at dalawin ang mga kapatid sa bawat bayang pinangaralan natin ng salita ng Panginoon, at tingnan natin kung ano ang lagay nila.” AGA 153.1
Si Pablo at Bernabe ay kapwa may malasakit sa mga taong katatanggap lamang ng pabalita ng ebangleyo nang sila ang mangaral, at nananabik silang muli silang makita. Ang ganitong pagmamalasakit ay di kailanman nawala kay Pablo. Kahit na nasa malalayong bukiran, malayo sa mga lugar ng unang paggawa, lagi niyang taglay sa’ puso ang pasanin na ang mga nahikayat na ito ay mapanatiling nagtatapat, “nagpapasakdal ng kabanalan sa takot sa Dios.” 2 Corinto 7:1. Palaging sinikap niyang sila ay maturuang tumayo sa sarili, mga Krisdanong lumalago, malakas sa pananampalataya, masigasig, at buong puso ang pagtatalaga sa Dios at sa gawain ng pagpapalaganap ng Kanyang kaharian. AGA 153.2
Si Bernabe ay handang sumama kay Pablo, ngunit nais niyang maisama si Marcos, na muli ay nagpasyang magtalaga ng sarili sa paglilingkod. Dito ay tumanggi si Pablo. “Hindi niya minabuti na isama...sa kanila” ang isang sa panahon ng unang paglalakbay ay umalis sa panahon ng pangangailangan. Wala siyang isipang palagpasin ang kahinaan ni Marcos sa pag-alis upang hanapin ang kapanatagan at kaginhawahan ng tahanan. Sinabi niyang ang isang katulad nitong mahina ay hindi angkop sa gawaing ang kailangan ay tiyaga, pagtanggi sa sarili, tapang, pagtatalaga, pananampalataya, at pagiging laang magsakripisyo. Naging mahigpitan ang pag-uusap ni Pablo at Bernabe, anupa’t sila ay naghiwalay, sinunod ni Bernabe ang kanyang kombiksyon at isinama si Marcos. “At isinama ni Bernabe si Marcos, at naglayag patungong Chipre; at pinili ni Pablo si Silas, at umalis, na ipinagtagubilin ng mga kapatid sa biyaya ng Dios.” AGA 153.3
Sa paglalakbay patungong Siria at Cilicia, na doo’y pinalakas nila ang iglesia, si Pablo at Silas ay nakarating sa Derbe at Listra sa probinsya ng Licaonia. Sa Listra si Pablo ay binato, ngunit ngayon ay masusumpungan natin siyang muli sa dakong ito na naging panganib sa kanya. Nananabik siyang makita silang sa pamamagitan ng kanyang paggawa ay tumanggap sa ebanghelyo at nagtitiis ng pagsubok. Hindi siya nabigo; sapagkat nakita niya na ang mga mananampalataya sa Listra ay naging matatag sa harap ng marahas na pagsalungat. AGA 154.1
Dito ay muling nakatagpo ni Pablo si Timoteo, na nakamalas ng mga pagdurusa niya sa unang pagdalaw sa Listra, at sa isipan nito ay nadiin ang mga nakitang pangyayari hanggang mabuo ang kapasiyahang tungkulin niyang ipagkalo’ob ang sarili ng lubusan sa gawain ng ministeryo. Ang kanyang puso ay natali sa puso ni Pablo, at nanabik na makabahagi ng apostol sa paggawa bilang kawaksi kung ang pagkakataon ay mabubuksan. AGA 154.2
Si Silas, na kasama ni Pablo sa paggawa ay isang subok na mangga-gawa, may kaloob ng propesiya; datapuwat ang gawain ay napakalaki at kailangang magsanay ng marami pa para sa aktibong paggawa. Nakita ni Pablo kay Timoteo ang isang nakadadama ng kabanalan ng gawain ng ministri; ang isang hindi nangangamba sa mga paghihirap at pag-uusig; at laang maturuan. Gayunman ay hindi naglakas loob si Pablo sa kapanagutang sanayin ang isang hindi pa subok na kabataan, 1 ngga’t hindi siya nasisiyahan sa likas nito at dating karanasan ng buhay. AGA 154.3
Ang ama ni Timoteo ay isang Griyego at ang ina ay Judio. Mula pagkabata ay alam na nito ang Kasulatan. Ang kabanalang nakita niya sa tahanan nito ay mainam. Ang pananampalataya ng kanyang ina at lola sa mga banal na bagay para sa kanya ay palagiang paalaala ng mga pagpapala sa pagganap ng kalooban ng Dios. Ang salita ng Dios na naging patakaran ng buhay ng dalawang banal na babaeng ito ay pumatnubay din kay Timoteo. Ang kapangyarihang espirituwal na natanggap niya mula sa kanila ang nag-ingat sa kanya sa dalisay na pagsasalita at hindi narumihan ng mga masasamang impluwensyang nakapalibot sa kanya. Gayon nakipagtulungan sa Dios ang mga tagapagturo niya sa tahanan sa paghahanda sa kanya sa pagdadala ng mga pasanin. AGA 154.4
Nakita ni Pablo na si Timoteo ay tapat, matatag, at tunay, at pinili niya itong makasama sa paggawa at paglalakbay. Silang nagturo kay Timoteo mula sa pagkabata nito ay nagantimpalaan na makitang ang kanilang anak ay kaugnay na malapit ng isang dakilang apostol. Si Timoteo ay kabataan pa lamang nang piliin ng Dios na maging isang guro, ngunit ang mga simulain niya ay naitatag na ng kanyang maagang edukasyong mag-aangkop sa kanya bilang kawaksi ni Pablo. Bagama’t kabataan pa, pinasan niya ang mga kapanagutang may kaamuang Kristiano. AGA 155.1
Bilang pag-iingat, matalinong pinayuhan ni Pablo si Timoteo upang magpatuli—hindi sapagkat kahilingan ito ng Dios, kundi upang alisin sa isipan ng mga Judio ang magiging hadlang nila sa paglilingkod ni Timoteo. Sa paggawa ni Pablo, siya ay tutungo sa mga bayan sa maraming lupain, at madalas na ipapangaral niya si Kristo sa mga sinagoga ng mga Judio, gayon din sa mga ibang dakong pagpupulungan. Kung malalamang ang isa niyang kasama ay hindi tuli, ang kanyang gawain ay maaaring mahadlangan ng maling akala at panatisismo ng mga Judio. Sa bawat dako ang apostol ay nakasagupa ng malakas na pagsalungat at mahigpit na pag-uusig. Nais niyang ang mga kapatid niyang Judio, gayon din ang mga Gentil, ay kapwa makakilala ng ebanghelyo, at sinikap niyang hangga’t maaari ay maging matapat sa pananampalataya, upang alisin ang anumang dahilan ng oposisyon. Bagama’t pinagbigyan niya ang bahaging ito ng maling akala ng mga Judio, naniniwala siya at nagturong ang pagtutuli o hindi pagtutuli ay walang kabuluhan at ang ebanghelyo ni Kristo ang lahat at lahat. AGA 155.2
Minahal ni Pablo si Timoteo bilang “sariling anak sa pananam-palataya.” 1 Timoteo 1:2. Sinubok niya ang kabataang alagad sa pagtatanong dito tungkol sa kasaysayan ng Kasulatan, at sa kanilang paglalakbay sa iba’t ibang dako, maingat niya itong tinuruan ukol sa matagumpay na paggawa. Si Pablo at Silas man, sa kanilang pakikisama kay Timoteo, ay nagsikap na mapalalim pa ang mga impresyong nabigay sa kanyang isipan, sa kabanalan, sa kaselanan ng paggawa bilang ministro ng ebanghelyo. AGA 155.3
Sa kanya namang paggawa, palagiang hinanap ni Timoteo ang payo at turo ni Pablo. Hindi siya kumilos sa bugso ng damdamin, kundi naging maingat sa pagsasaalang-alang at pag-iisip, laging nagtatanong sa bawat hakbang, Ito ba ang paraan ng Panginoon? Nakita ng Banal na Espiritu sa kanya ang isang maaaring mahubog at malilok bilang isang templong mapananahanan ng banal na Presensya. AGA 155.4
Kapag ang mga liksyon ng Biblia ay iniugnay sa pang-araw-araw na kabuhayan, nagkakaroon sila ng malalim at nananatiling impluwensya sa likas. Ang mga liksyong ito ay natutuhan at isinagawa ni Timoteo. Wala siyang natatanging talento, ngunit naging mahalaga ang kanyang naging gawain sapagkat ginamit niya ang mga kaloob ng Dios sa paglilingkod sa Panginoon. Ang kaalaman niya sa isinasakabuhayang kabanalan ay nagpabukod sa kanya sa ibang mga mananampalataya at nagbigay sa kanya ng impluwensya. AGA 156.1
Silang gumagawa para sa mga tao ay dapat magkaroon ng mas malalim, mas ganap, mas maliwanag na kaalaman sa Dios kavsa maaaring matamo ng karaniwang pagsisikap lamang. Dapat na isangkot nila ang lahat ng kalakasan sa paggawa para sa Panginoon. Sila ay nasa isang banal at mataas na pagkakatawag, at kung sila ay nagnanasang makaakay ng mga tao sa kanilang mga paggawa, dapat silang matibay na manghawakan sa Dios, sa bawat araw ay tumatanggap ng biyaya at kapangyarihan mula sa Bukal ng lahat ng pagpapala. “Sapagkat napakita ang biyaya ng Dios na may dalang kaligtasan sa lahat ng mga tao, na nagtuturo sa adn, upang tumanggi sa kalikuan at sa mga kahalayan ng sanlibutan, ay marapat mabuhay tayong may pagpipigil, at matuwid, at banal sa panahong kasalukuyan ng sanlibutang ito; na hintayin yaong mapalad na pag-asa, at ang pagpapakita ng kaluwalhatian ng ating dakilang Dios at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo; na Siyang nagbigay ng Kanyang sarili sa atin, upang tayo’y matubos Niya sa lahat ng mga kasamaan, at malinis Niya sa Kanyang sarili ang bayang masikap sa mabubuting gawa, upang maging Kanyang sariling pag-aari.” Tito 2:11-14. AGA 156.2
Bago magpatuloy sa bagong teritoryo, si Pablo at mga kasama ay dumalaw muna sa mga iglesia na naitatag na sa Pisidia at kalapit rehiyon. “Sa pagdaan nila sa mga bayan, ay ibinigay nila ang mga kautusang binuo ng mga apostol at matatanda sa Jerusalem. At sa ganito ay napatibay ang mga iglesia sa pananampalataya, at ang kanilang bilang ay dumami sa bawat araw.” AGA 156.3
Ang apostol ay nakadama ng malalim na kapanagutan para sa kanilang nahikayat sa kanyang paggawa. Higit sa lahat, ay nais niyang sila ay maging tapat, “upang ako’y magalak sa araw ni Kristo,” wika niya, “na ako’y tumakbong hindi walang kabuluhan, o gumawa mang walang kabuluhan.” Filipos 2:16. Siya ay nanginig sa bunga ng kanyang ministri. Nadama niyang kahit na ang sariling kaligtasan ay nalalagay sa panganib kung siya ay magkukulang sa pagtupad sa kanyang tungkulin at ang iglesia ay magkulang naman sa pakikipagtulungan sa kanya sa gawain ng pagliligtas ng kaluluwa. Alam niyang ang pangangaral ay hindi sapat upang maturuan ang mga mananampalataya na manghawakan sa salita ng buhay. Alam niyang linya por linya, utos sa utos, kaunti dito at kaunti doon, sila ay dapat maturuang lumago sa gawain ni Kristo. AGA 156.4
Isang pansansinukob na simulaing kapag ang mga kapangyarihang kaloob ng Dios ay tinanggihang gamidn, ang mga ito ay mabubulok at mawawala. Ang katotohanang hindi isinasakabuhayan, hindi ibinabahagi, ay nawawalan ng kapangyarihang magbigay buhay at magpagaling. Kung kaya’t gayon na lamang ang pangamba ng apostol na hindi niya maiharap ang sinuman na hindi sakdal kay Kristo. Ang pag-asa ni Pablo sa langit ay lumalabo kapag iniisip niya ang pagkukulang niya na magbubunga sa iglesia ng huwarang makatao sa halip na makalangit. Ang kanyang kaalaman, ang galing sa pagsasalita, ang mga milagro, ang mga pananaw niya tungkol sa ikadong langit— lahat ay mawawalang kabuluhan kung sa kawalang katapatan sa kanyang paggawa para sa kanila ay hindi makaabot sa biyaya ng Dios. Kung kaya’t, sa salita at sa liham, sumamo siya sa kanilang tumanggap na kay Kristo, na magpatuloy sa landas na sila ay magiging “walang kapintasan at walang malay, mga anak ng Dios, na walang dungis, sa gitna ng isang lahing liko at masama, na sa gitna nila’y lumiliwanag na nagpapahayag ng salita ng buhay.” Filipos 2:15, 16. AGA 157.1
Bawat tunay na ministro ay nakadadama ng pasanin ng paglagong espirituwal ng mga mananampalatayang ipinagkatiwala sa kanyang pag-iingat, isang pananabik na sila ay maging kamanggagawa ng Dios. Nadadama niya na sa matapat na pagganap niya ng kanyang gawaing kaloob ng Dios ay nakababaw sa kalakhang bahagi ang ikabubuti ng iglesia. Mataimtim at walang pagod na sisikapin niyang mapasigla ang mga mananampalataya na humikayat ng kaluluwa kay Kristo, na inaalaalang ang bawat nadaragdag sa iglesia ay dapat na maging ahensya sa pagsasagawa ng panukala ng pagtubos. AGA 157.2
Matapos madalaw ang mga iglesia sa Pisidia at mga kalapit rehiyon, si Pablo at Silas, kasama si Timoteo, ay nagpatuloy sa “Frigia at mga rehiyon ng Galacia,” na sa kapangyarihan ay ipinahayag nila ang mabuting balita ng kaligtasan. Ang mga taga Galacia ay mananamba sa diyus-diyusan; ngunit, sa pangangaral sa kanila ng mga apostol, sila ay nagalak sa pabalita ng pangakong kalayaan mula sa gayuma ng kasalanan. Si Pablo at mga kasama ay nangaral ng doktrina ng pagiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya sa tumutubos na sakripisyo ni Kristo. Iniharap nila si Kristo bilang Siya na naparito upang tubusin ang tao sa pamamagitan ng kabuhayang may pagsunod sa utos ng Dios at nagbayad ng kabayaran ng paglabag. At sa liwanag ng krus marami sa mga kailanman ay hindi nakakilala sa tunay na Dios, ang nagpasimulang makaunawa ng kadakilaan ng pag-ibig ng Ama. AGA 157.3
Gayon naturuan ang mga taga Galacia ng saligang katotohanan tungkol sa “Dios Ama,” at “ating Panginoong Jesu-Cristo, na nagkaloob ng Sarili para sa ating mga kasalanan, upang mailigtas Niya tayo mula sa kasalukuyang sanlibutang ito ng kasamaan, ayon sa kalooban ng Dios at ng ating Ama.” “Sa pamamagitan ng pakikinig ng tungkol sa pananampalataya” tinanggap nila ang Espiritu ng Dios at naging mga “anak ng Dios sa pananampalataya kay Kristo.” Galacia 1:3, 4; 3:2, 26. AGA 158.1
Ang kabuhayan ni Pablo kasama ng mga taga Galacia ay gayon upang masabi niya pagkatapos, “Ipinamamanhik ko sa inyo, tumulad kayo sa akin.” Galacia 4:12. Ang kanyang mga labi ay nadampian ng nagniningas na baga mula sa altar, at siya ay nagtagumpay laban sa mga kapansanan ng katawan at naiharap si Jesus bilang tanging pagasa ng makasalanan. Nalaman ng mga nakinig sa kanya na siya ay nakasama ni Jesus. Taglay ang kapangyarihang galing sa itaas, naihambing niya ang mga bagay na espirituwal sa espirituwal at nawasak ang mga tanggulan ni Satanas. Mga puso ay nabagbag sa kanyang mga pagpapahayag ng pag-ibig ng Dios, tulad ng makikita sa sakripisyo ng Kanyang bugtong na Anak, at marami ang naakay na magtanong, Ano ang dapat kong gawin upang maligtas? AGA 158.2
Ang ganitong paglalahad ng ebanghelyo ang naging paraan ng paggawa ng apostol sa buong pangangaral niya sa mga Gentil. Lagi ay iniharap niya sa kanila ang krus ng Kalbaryo. “Hindi ang aming sarili ang aming ipinangangaral,” pahayag niya sa mga sumunod na taon ng kanyang karanasan, “kundi si Jesu-Cristong Panginoon; at kami ay mga lingkod ninyo para kay Jesus. Sapagkat ang Dios, na nag-utos na ang liwanag ay sumikat sa kadiliman, ay sumikat sa ating mga puso, upang magkaloob ng liwanag ng pagkaalam ng kaluwalhatian ng Dios sa mukha ni Jesu-Cristo.” 2 Corinto 4:5, 6. AGA 158.3
Ang mga natatalagang mensahero na sa mga unang araw ng Kristianismo ay nagdala ng mabuting balita sa sanlibutang napapahamak, ay hindi nagpahintulot na anumang isipan ng pagmamapuri sa sarili ay makasira ng kanilang paglalahad kay Kristo at Siyang ipinako sa krus. Hindi nila inimbot ang anumang kapangyarihan o katanyagan. Sa pagtatago ng kanilang mga sarili sa Tagapagligtas, itinaas nila ang dakilang panukala ng kaligtasan, at ang buhay ni Kristo, ang May-akda at Tagapagtapos ng panukalang ito. Si Kristo, na katulad kahapon, ngayon, at magpakailanman, ang naging pasanin ng kanilang pagtuturo. AGA 159.1
Kung silang nagtuturo ngayon ng salita ng Dios, ay magtataas ng krus ni Kristo na higit na mataas at mataas pa, ang kanilang paglilingkod ay higit na magtatagumpay. Kung ang mga makasalanan ay maaakay sa pagtingin sa krus, kung makapagtatamo sila ng lubos na pagtanaw sa ipinakong Tagapagligtas, madadama nila ang lalim ng kahabagan ng Dios at ang kasamaan ng kasalanan. AGA 159.2
Ang kamatayan ni Kristo ay katibayan ng dakilang pag-ibig ng Dios sa tao. Ito ang ating panata ng kaligtasan. Ang pag-aalis ng krus sa Kristiano ay matutulad ng pag-aalis ng araw sa langit. Ang krus ay naglaiapit sa atin sa Dios, ipinagkakasundo tayo sa Kanya. Taglay ang kahabagan ng pag-ibig ng isang Ama, si Jehova ay nakatingin sa pagdurusang tiniis ng Kanyang Anak upang iligtas ang lahi ng tao sa walang hanggang kamatayan, at tinatanggap tayo sa Minamahal. AGA 159.3
Kung wala ang krus, ang tao ay di maaaring makisanib sa Ama. Dito nakasalig ang bawat pag-asa natin. Mula rito ay sumisikat ang liwanag ng pag-ibig ng Tagapagligtas, at sa paanan ng krus kapag ang makasalanan ay titingin sa Kanya na namatay upang siya’y maligtas, maaari siyang magdiwang sa ganap na kagalakan, sapagkat ang kanyang mga kasalanan ay pinatawad. Sa pagluhod sa pananampalataya sa krus, naaabot niya ang pinakamataas na dakong maaaring marating ng tao. AGA 159.4
Sa pamamagitan ng krus ay nalalaman nating ang Ama sa langit ay nagmamahal sa ating walang hangganan. Magtataka ba tayo kung sabihin ni Pablo, “Huwag nawang tulutan ng Dios na ako ay magmapuri, liban na sa krus ng ating Panginoong Jesu-Cristo?” Galacia 6:14. Karapatan nating tayo man ay magluwalhati sa krus, karapatan natin na ipagkaloob ang ating sarili na lubusan sa Kanya na nagkaloob ng Sarili para sa atin. At, mula sa liwanag na nagmumula sa Kalbaryo, tayo ay makahahayong naghahayag ng liwanag na ito sa mga nasa kadiliman. AGA 159.5