Ang panahon ay dumating na upang ang ebanghelyo ay maipangaral sa labas ng Asia Minor. Ang landas ay inihahanda para kay Pablo at mga kasamang manggagawa upang tumawid patungong Europa. Sa Troas, sa mga hangganan ng Dagat Mediteranea, “isang pangitain ang dumating kay Pablo sa gabi: Isang lalaki ng Macedonia ang tumayo, at nakiusap sa kanya, Pumarito ka sa Macedonia, at tulungan mo kami.” AGA 161.1
Ang panawagan ay mahigpit, di kailangang maantala. “Matapos ang pangitaing ito,” wika ni Lucas, na kasama ni Pablo at Silas at Timoteo sa paglalakbay patungong Europa, “agad ay nagsikap kaming makarating sa Macedonia, sa kasiguruhang ang Panginoon ang tumawag sa amin upang ipangaral ang ebanghelyo sa kanila. Pag-alis sa Troas, ay tumuloy kami sa Samothracia, at lanabukasan ay sa Neapolis; at mula doon ay sa Filipos, na siyang pangunahing siyudad sa bahagi ng Macedonia, at nasasakupan ng Roma.” AGA 161.2
“At nang araw ng Sabbath,” wika pa ni Lucas, “ay nagsilabas kami ng siyudad sa tabing ilog, na doo’y may mapapanalanginan; at kami’y nagsiupo, at nakipag-usap sa mga babaeng nagkakatipon. At isang babaeng ang pangalan, ay Lydia, isang mangangalakal ng kayong kulay ube, mula sa bayan ng Tiatira, na sumasamba sa Dios ay binuksan ng Panginoon ang puso upang makinig sa amin.” Tinanggap na magalak ni Lydia ang katotohanan. Siya at ang kanyang sambahayan ay nahikayat at nabautismuhan, at nakiusap siya sa mga apostol na sa kanyang bahay na magsitira ang mga ito. AGA 161.3
Sa pagpapatuloy ng mga mensahero ng krus sa kanilang gawain ng pagtuturo, isang babaeng inaalihan ng karumaldumal na espiritu ng panghuhula ay sumunod sa kanila, na nagsisigaw, “Ang mga lalaking ito ay mga lingkod ng kataastaasang Dios, na naghahayag sa atin ng daan ng kaligtasan. At maraming araw na ginawa niya ito.” AGA 161.4
Ang babaeng ito ay tanging kasangkapan ni Satanas at nagdadala sa kanyang panginoon ng malaking pakinabang dahilan sa kanyang panghuhula. Ang kanyang impluwensya ay nagpalakas sa idolatriya. Alam ni Satanas na ang kanyang kaharian ay nalulusob, at ginawa niya ang paraang ito upang labanan ang gawain ng Dios, sa pagasang maihalo ang pandaraya sa mga katotohanang itinuturo nilang naghahayag ng pabalita ng ebanghelyo. Ang mga salita ng rekomendasyon ng babaeng ito ay pinsala sa gawain ng katotohanan, na inaalis ang isipan ng mga tao sa mga turo ng mga apostol at binibigyang upasala ang ebanghelyo, at dahilan dito ay marami ang naakay sa paniniwalang ang mga lalaking ito na nagsasalita sa Espiritu at kapangyarihan ng Dios ay pinakikilos ng katulad na espiritung gumagawa sa kinatawang ito ni Satanas. AGA 161.5
Sa ilang panahon ay pinagtiisan ng mga apostol ang kalabang ito; at sa wakas sa inspirasyon ng Banal na Espiritu si Pablo ay nag-utos sa masamang espiritu na lumayas sa babae. Ang kanyang biglang pananahimik ay patotoo na ang mga apostol ay tunay ngang mga lingkod ng Dios at kinilala din silang ganoon ng demonyo sa pamamagitan ng pagsunod sa kanilang utos. AGA 162.1
Tinakasan ng masamang espiritu at naisauli sa wastong isipan, ang babae ay nagpasyang maging alagad ni Kristo. Sa ganito ay nabahala ang kanyang mga panginoon dahilan sa mawawalan sila ng pakinabang. Nadama nilang nawakasan na ang kanilang kita sa panghuhula ng babaeng ito, at lubusang mawawala sa pagpapatuloy ng mga apostol sa kanilang gawain. AGA 162.2
Marami pang iba sa siyudad ang interesado sa salaping kikitain sa pamamagitan ng mga pandaraya ng demonyo, at ang mga ito, sa pangamba sa kapangyarihang puputol sa kanilang gawain, ay gumawa ng malaking paratang laban sa mga lingkod ng Dios. Iniharap nila ang mga apostol sa mga mahistrado sa paratang na: “Ang mga lalaking ito, bilang mga Judio, ay tunay na nanggugulo sa bayan, at nagtuturo ng mga kaugaliang labag sa adng mga batas, at di natin dapat sundin, tayo bilang mga Romano.” AGA 162.3
Nakilos ng maigting na simbuyo ng damdamin, ang mga tao ay dumaluhong sa mga apostol. Nanaig ang espiritu ng mga nagkakagulong tao at sinang-ayunan ng may kapangyarihan, hinuli nila ang mga apostol, pinunit ang kanilang mga panlabas na kasuotan at humiling na sila ay paluin. “At nang mapalo na sila ng marami ay ipinasok sa pinakaloob ng bilangguan, at inatasan ang mga sundalo na bantayan silang mabuti: at nang matanggap na ang gayong tagubilin, ay ipiniit sila, at ang mga paa nila ay inilagay sa pangawan.” AGA 162.4
Nagdanas ang mga apostol ng matinding kirot dahilan sa ayos nilang ito, ngunit hindi sila nagreklamo. Sa halip, sa pusilat na kadiliman at kapanglawan ng bilangguan, pinalakas nila ang isa’t isa sa panalangin at awit ng papuri sa Dios sapagkat sila ay natagpuang marapat na magdanas ng kahihiyan alang-alang sa Kanya. Ang kanilang mga puso ay pinasigla ng malalim at taimtim na pag-ibig sa gawain ng Manunubos. Naalaala ni Pablo ang mga pag-uusig sa mga alagad ni Kristo noon na siya ang may kagagawan, at siya’y nagalak na ang kanyang paningin ay nabuksan upang makita, at ang puso upang madama, ang kapangyarihan ng maluwalhating katotohanang dati ay kanyang kinamuhian. AGA 163.1
May pagtatakang nadinig ng ibang mga bilanggo ang panalangin at awit muia sa kaloob-looban ng piitan. Nasanay sila sa sigawan at daing, pagmumura at panunumpa, na bumabasag sa katahimikan ng gabi; datapuwat kailanman ay di pa sila nakarinig ng mga salita ng panalangin at pagpupuring pumapaitaas mula sa mga seldang mapanglaw. Mga bantay at bilanggo ay namangha, at nagtanungan sa sarili kung sino ang mga lalaking ito, na, bagama’t nagiginaw, gutom, at pinahirapan, ay nakakapagdiwang pa. AGA 163.2
Samantala ang mga mahistrado ay nagsisibalik na sa kanilang mga tahanan, na masiglang nagbabatian at nagtatapikan ng mga sarili sa madalian at tiyakang hakbang nila sa pagpapatahimik sa karamihan. Ngunit habang nasa daan ay nakarinig sila uli ng mga detalye tungkol sa likas at gawain ng mga lalaking itong sinentensyahan nila ng paghampas at pagkabilanggo. Nakita nila ang babaeng napalaya sa masamang espiritu at nagulat sila sa pagbabago ng kanyang anyo at kilos. Sa nakaraan ay naging malaking bagabag siya sa bayan; ngunit ngayon ay tahimik at mapayapa. Habang nag-iisip na baka napatawan nila ng mabigat na parusa ng batas ng Roma ang dalawang taong walang kasalanan, sila ay nagalit sa sarili at nagpasyang sa kinaumagahan ay mag-uutos silang palihim na ang mga apostol ay pawalan at samahan sa labas ng bayan, na doon ay hindi na sila maaabot pa ng karahasan ng mga taong nagkakagulo. AGA 163.3
Ngunit ang mga tao, bagama’t mapagmalupit at mapaghiganti, o may pagpapabayang kriminal sa tungkuling nakababaw sa kanya, ang Dios naman ay di nakalilimot na maging mabiyaya sa Kanyang mga lingkod. Ang buong langit ay may interes sa mga lalaking nagdurusa para kay Kristo, at ang mga anghel ay isinugo upang dalawin ang piitan. Sa kanilang yapak ang lupa ay nayanig. Ang mga pintuang nakakandadong mainam ay nabuksan; ang mga tanikala at kadena sa kamay at paa ng mga apostol ay nangatanggal; at isang nakasisilaw na liwanag ay kumalat sa bilangguan. AGA 163.4
Ang bantay ng piitan ay nakarinig na may pagkamangha sa mga panalangin at awit ng mga nakabilanggong apostol. Nang ang mga ito ay ipasok, nakita niya ang mga nagdudugo at namamagang sugat, at siya rin ang nagtali ng kanilang mga paa sa pangawan. Inasahan niyang makakarinig ng mga mapapait na daing at tungayaw, ngunit sa halip ay mga awit ng kagalakan at papuri ang kanyang napakinggan. Sa ganito habang nakikinig ay nakatulog ang bantay at biglang napukaw sa pagtulog dahilan sa lindol at pag-uga ng mga pader ng bilangguan. AGA 164.1
Ibinigay ang babala, nanghilakbot siyang makita na ang lahat ng pintuan ay bukas, at ang takot ay biglang sumagi sa kanyang isipan na baka ang mga bilanggo ay nakatakas. Naalaala niya ang mahigpit na utos na bantayan sina Pablo at Silas, at natitiyak niyang kamatayan ang magiging kabayaran dahilan sa kanyang pagpapabaya. Sa mapait na isipang ito ay naisip niyang mabuti pang mamatay sa sariling kamay kaysa mapasailalim sa nakakahiyang pagbitay. Inilabas ang espada, at handa na sanang magpakamatay sa sarili, nang marinig niya ang masiglang tinig ni Pablo, “Huwag mong saktan ang iyong sarili: sapagkat narito kaming lahat.” Bawat bilanggo ay nasa kanyang lugar, napigilan ng kapangyarihan ng Dios na inihayag sa isang kapwa bilanggo. AGA 164.2
Ang bagsik na ipinamalas ng bantay sa mga apostol ay hindi nagpagalit sa kanila. Ang espiritu ni Kristo ang nasa kay Pablo at Silas, at hindi ang espiritu ng paghihiganti. Ang kanilang mga puso na puno ng pag-ibig sa Tagapagligtas, ay walang lugar ng masamang nasa laban sa kanilang tagapag-usig. AGA 164.3
Binitiwan ng bantay ang kanyang espada, at pagkahingi ng ilawan, ay nagmadaling pumasok sa pinakaloob ng piitan. Titingnan niya kung anong uri ng mga lalaki itong nagpapamalas ng kagandahang loob kapalit ng kalupitang tinanggap nila. Nang nakaharap ang mga apostol, at nagpatirapa ito, ay humingi ng patawad sa kanila. At matapos na sila ay mailabas sa bakuran, siya ay nagtanong, “Mga ginoo, ano ang dapat kong gawin upang ako ay maligtas?” AGA 164.4
Ang bantay ay natakot sa nakita niyang galit ng Dios sa pagpapadala ng lindol; nang inakalang nakatakas ang mga bilanggo ay handa na sanang magpatiwakal; ngunit ngayon ang mga ito ay walang halaga kung ihahambing sa isang bago, kakatuwang pangambang bumabagabag sa kanyang isipan, at sa naisin niyang magkaroon ng kapayapaan at kagalakang ipinamalas ng mga apostol sa harap ng mga pahirap at abuso. Nakita niya sa kanilang mga mukha ang liwanag ng langit; nadama niyang ang Dios ang nakialam sa milagrong pagkakaligtas ng kanilang buhay; at may kakaibang puwersang dumating sa kanya ang mga salita ng babaeng inalihan ng masamang espiritu: “Ang mga lalaking ito ay mga lingkod ng kataastaasang Dios, na naghahayag sa adn ng daan ng kaligtasan.” AGA 165.1
May malalim na pagpapakuimbabang hiniling niya sa mga apostol na ituro sa kanya ang daan ng buhay. “Manampalataya ka sa Panginoong Jesu-Cristo, at ikaw ay maliligtas, pati ang iyong sambahayan,” sila y sumagot; at “sa kanya’y sinalita nila ang salita ng Panginoon, pati sa lahat ng nangasa bahay.” Nang magkagayo’y hinugasan ng bantay ang sugat ng mga apostol at pinaglingkuran sila, pagkatapos ay nabautismuhan ito kasama ng kanyang pamilya. Isang impluwensyang nagpapabanal ang lumaganap sa mga nakabilanggo, at ang kanilang mga isipan ay nabuksan upang makinig sa mga salita ng katotohanan mula sa mga apostol. Natiyak nilang ang Dios na pinaglilingkuran ng mga lalaking ito ang mahimalang nagligtas sa kanila sa pagkapiit. AGA 165.2
Ang mga mamamayan sa Filipos ay natakot na gayon sa lindol, at kinaumagahan, nang ang mga pinuno ng piitan ay nagbalita sa mga mahistrado ng bagay na naganap noong gabi, ang mga ito ay nahintakutan, inutusan ang mga sarhento upang palayain ang mga apostol. Ngunit sinabi ni Pablo, “Pinalo nila kami na hayag gayong hindi nangahatulan, bagama’t mga lalaking Romano, at ibinilanggo; at ngayo’y lihim na pawawalan nila? tunay na hindi nga; kundi sila rin ang magsiparito at kami’y pawalan nila.” AGA 165.3
Ang mga apostol ay mamamayang Romano, at labag sa batas na paluin ang isang Romano, liban na sa pinakamasamang krimen, o kaya ay alisan siya ng karapatan sa makatarungang paglilitis. Si Pablo at Silas ay hayag na ipinabilanggo, at ngayon ay tumatanggi silang palihim na pakawalan na walang angkop na paliwanag sa bahagi ng mga mahistrado. AGA 165.4
Nang makarating sa maykapangyarihan ang mga salitang ito, sila ay nangatakot na baka ang mga apostol ay magsumbong sa emperador, at pagdaka’y nagtungo sila sa piitan, at humingi ng paumanhin kay Pablo at Silas sa naganap na kawalang katarungan at kalupitan sa kanila at personal pang inilabas sila sa piitan, na nakikiusap na kung maaari’y umalis na sila sa siyudad. Nangamba ang mga mahistrado sa impluwensya ng mga apostol sa bayan, at natakot din sila sa Kapangyarihang namagitan para sa mga walang kasalanang lalaking ito. AGA 166.1
Sa pagkilos sa tagubiling ibinigay ni Kristo, ang mga apostol ay hindi dapat magpumilit sa lugar na hindi sila nais. “Ang mga apostol ay lumabas ng piitan, at pumasok sa tahanan ni Lydia: at nang kanilang makita ang mga kapatid, ay kanilang inaliw sila, at nagsialis.” AGA 166.2
Hindi itinuring ng mga apostol na naging walang kabuluhan ang naging paggawa nila sa Filipos. Nakasagupa sila ng hadlang at paguusig; ngunit ang pagkilos ng Dios, at ang pagkahiyat ng bantay preso at kanyang pamilya, ay higit na pambawi sa kahihiyan at paghihirap na naranasan nila. Ang balita ng kanilang walang katuwirang pagkabilanggo at mahimalang pagkaligtas ay kumalat sa buong rehiyon, at ito ang nagdala sa gawain ng mga apostol sa pansin ng malaking bilang ng mga tao na sa ibang paraan ay maaring hindi narating. AGA 166.3
Ang paggawa ni Pablo sa Filipos ay nagbunga ng pagkakatatag ng isang iglesia na ang bilang ay patuloy na nadagdagan. Ang kanyang sigasig at pagtatalaga, at higit sa lahat, ay ang kanyang pagiging laang magdusa para kay Kristo, ay nagbigay ng malalim at nananatiling impluwensya sa mga nahikayat. Minahal nila ang mga mahahalagang katotohanang ipinagsakripisyo ng mga apostol, at ipinagkaloob nila ang mga sariling may buong pagtatalaga sa gawain ng Manunubos. AGA 166.4
Na ang iglesiang ito ay hindi naligtas sa pag-uusig, ay nahayag sa liham ni Pablo sa kanila. Wika niya, “Sapagkat sa inyo’y ipinagkaloob alang-alang kay Kristo, hindi lamang upang manampalataya sa Kanya, kundi upang magtiis din naman alang-alang sa Kanya; yamang taglay ninyo ang pakikipagbuno na inyo ring nakita sa akin.” Ngunit gayon ang kanilang katatagan sa pananampalataya na kanyang inihayag, “Ako’y nagpapasalamat sa aking Dios, sa tuwing kayo’y aking maalaala, na parating sa bawat daing ko, ay masayang dumadaing ako na patungkol sa inyong lahat; dahil sa inyong pakikisama sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, mula ng unang araw hangggang ngayon.” Filipos 1:29, 30, 3-5. AGA 166.5
Kakila-kilabot ang tunggalian ng puwersa ng kasamaan at kabutihan sa mga mahahalagang sentro na doon ay inihahayag ang katotohanan. “Ang ating pakikipagbuno ay hindi laban sa laman at dugo,” wika ni Pablo, “kundi laban sa mga pamahalaan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga pamunuan ng kadiliman ng sanlibutang ito.” Efeso 6:12. Hanggang sa pagtatapos ng panahon ay magpapatuloy ang tunggalian ng iglesia ng Dios laban sa kanilang nasa ilalim ng kontrol ng mga anghel ng kasamaan. AGA 167.1
Ang mga unang Kristiano ay tinawagang harapin ang mga puwersa ng kasamaan. Sa panlilinlang at pag-uusig ay sinikap ng kaaway na ilayo sila sa tunay na pananampalataya. Ngayon, habang mabilis na nagwawakas ang lahat ng bagay, si Satanas ay gumagawa ng lahat ng pagsisikap upang masilo ang sanlibutan. Nagsasagawa siya ng lahat ng panukala upang gawing abala ang isipan ng tao at ilayo ang pansin mula sa katotohanang mahalaga sa kaligtasan. Sa bawat lunsod ang mga ahensya niya ay abala sa pagtatatag ng mga kilusang laban sa utos ng Dios. Ang punong mandaraya ay gumagawa upang magpasok ng mga elemento ng kaguluhan at paghihimagsik, at ang mga tao ay ginigising sa isang kasiglahang hindi ayon sa karunungan. AGA 167.2
Ang kasamaan ay nasa tugatog na kailanman ay di pa naabot, gayong maraming ministro ang sumisigaw ng, “Kapayaan at kapanatagan.” Ngunit ang mga tapat na mensahero ng Dios ay matatag na magpapatuloy sa kanilang gawain. Nabibihisan ng panakip ng langit, sila ay walang takot na hahayo at magtatagumpay, kailanma’y hindi titigil sa pakikibaka hanggang ang bawat taong maaabot nila ay makatanggap ng katotohanan sa panahong ito. AGA 167.3