Sa pagtatapos ng mensahe ng ikatlong anghel, napasa-Kanyang bayan ang kapangyarihan ng Diyos. Natapos na nila ang kanilang gawain, at handa na sa oras ng pagsubok na kahaharapin nila. Natanggap na nila ang huling ulan, o ang kaginhawahan mula sa presensya ng Panginoon, at muli nang sumigla ang buhay na patotoo. Naipahayag na saanman ang huling dakilang babala, at pinukaw nito’t ginalit ang mga naninirahan sa lupa na ayaw tumanggap sa mensahe. KP 105.2
Dali-daling nagparoo’t parito ang mga anghel sa langit. Isang anghel na may lalagyan ng tinta sa kanyang tagiliran ang umuwi galing sa lupa at iniulat kay Jesus na tapos na ang kanyang gawain, at nabilang na't natatakan ang mga ligtas. At pagkatapos si Jesus na naglilingkod sa harap ng kaban na kinalalagyan ng Sampung Utos ay inihagis na ang insenaryo sa lupa. Itinaas Niya ang Kanyang kamay, at sinabi sa malakas na tinig, “Tapos na.” At inilapag ng lahat ng mga anghel ang kanilang korona habang taimtim na ipinahahayag ni Jesus, “Ang masama ay hayaang magpakasama pa at ang marumi ay hayaang magpakarumi pa, at ang matuwid ay hayaang maging matuwid pa, at ang banal ay hayaang magpakabanal pa ” Apocalipsis 22:11. KP 105.3
Napagpasyahan na ang bawat kaso, kung sa buhay o sa kamatayan. Habang naglilingkod si Jesus sa santuwaryo, nagaganap ang paghuhukom para sa matuwid na mga patay, at pagkatapos para sa matuwid na mga buhay. Tinanggap na ni Cristo ang Kanyang kaharian, palibhasa'y gumawa ng katubusan para sa Kanyang bayan, at pinawi ang kanilang mga kasalanan. Nabuo na ang bilang ng sakop ng kaharian. Naisagawa na ang kasalan ng Kordero. Ibinigay na kay Jesus at sa mga tagapagmana ng kaligtasan ang kaharian, at ang kadakilaan ng kaharian sa silong ng buong langit, at maghahari na si Jesus bilang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. KP 105.4
Nang lumabas na si Jesus sa kabanal-banalang dako, tumunog ang mga kampanilya ng Kanyang kasuotan; at nang Siya'y umalis, binalot ng ulap ng kadiliman ang mga naninirahan sa lupa. Wala nang tagapamagitan sa pagitan ng nagkasalang sangkatauhan at ng naagrabyadong Diyos. Habang nakatayo pa si Jesus sa pagitan ng Diyos at ng may-salang sangkatauhan, nasa mga tao pa ang pamigil; subalit nang Siya'y tumigil na sa pamamagitan sa tao at sa Ama, naalis ang pamigil at lubusan nang nakontrol ni Satanas ang mga ayaw magsisi. KP 106.1
Hindi maaaring ibuhos ang mga salot habang nangangasiwa sa santuwaryo si Jesus. Subalit nang matapos na ang Kanyang gawain doon at magwakas na ang pamamagitan Niya, wala nang pipigil pa sa galit ng Diyos, at ito’y sumambulat sa matinding bagsik sa walang-proteksyong ulo ng mga salaring makasalanan, na bumale- wala sa kaligtasan at kinamuhian ang saway. Sa nakakatakot na panahong iyon, pagkatapos ng pamamagitan ni Jesus, ang bayan ng Diyos, na tinatawag ng Biblia na mga banal, ay nabubuhay sa paningin ng isang banal na Diyos nang walang tagapamagitan. Napagpasyahan na ang bawat kaso, bilang na ang bawat hiyas. KP 106.2
Huling-huli Na!—Hinubad na ni Jesus ang Kanyang damit- pari at nagbihis ng pinakamaringal Niyang damit-hari. Maraming korona sa Kanyang ulo, may korona sa loob ng korona. Napalilibutan ng hukbo ng mga anghel, iniwan Niya ang langit. Bumagsak ang mga salot sa mga naninirahan sa lupa. May mga tumuligsa sa Diyos at isinumpa Siya. Ang iba’y pumaroon sa bayan ng Diyos at nagsumamo na sila’y turuan kung paano makakatakas sa Kanyang mga kahatulan. Subalit wala nang masasabi ang mga banal sa kanila. Nailuha na ang huling patak ng luha para sa mga makasalanan, nasambit na ang huling masaklap na panalangin, nabuhat na ang huling pasanin, naibigay na ang huling babala. Hindi na nag- iimbita sa kanila ang magiliw na tinig ng kaawaan. Noong ang mga banal, at ang buong langit, ay interesado sa kanilang kaligtasan, sila mismo’y walang interes para sa kanilang sarili. Naiharap na sa kanila ang buhay at kamatayan. Marami ang gusto ng buhay ngunit hindi gumawa ng pagsisikap para makamtan ito. Hindi nila pinili ang buhay, at ngayo'y wala nang tumutubos na dugo para luminis sa maysala, wala nang mahabaging Tagapagligtas na magsusumamo para sa kanila at sisigaw, “Paligtasin pa, paligtasin pa nang konti ang mga makasalanan.” Nakiisa ang buong langit kay Jesus nang marinig nila ang mga nakakatakot na salita, “Naganap na! Tapos na!” Naisagawa na ang panukala ng kaligtasan, ngunit kaunti lang ang pumiling tanggapin ito. Habang humihina ang malambing na tinig ng kaawaan, takot at kilabot ang sumakmal sa masasama. Narinig nila sa pambihirang linaw ang mga salitang, “Huling-huli na! Huling-huli na!” KP 106.3
Marami sa mga masasama ang lubhang nagalit habang pinag- durusahan ang lagim ng mga salot. Sinisi nang husto ng mga magulang ang kanilang mga anak, at ng mga anak ang kanilang mga magulang, ng mga lalaki ang mga kapatid nilang babae, at ng mga babae ang mga kapatid nilang lalaki. Narinig mula sa lahat ng direksyon ang malalakas at tumataghoy na sigaw: “Ikaw ang pumigil sa akin na tanggapin ang katotohanan na nagligtas sana sa akin sa kakila-kilabot na sandaling ito.” Binalingan ng mga tao ang kanilang mga ministro nang may matinding pagkamuhi at sinisi sila, na sinasabi, “Hindi ninyo kami binalaan. Sinabi n'yo sa amin na ang buong mundo’y mahihikayat, at kayoy sumigaw, ‘Kapayapaan, Kapayapaan,’ para patahimikin ang bawat pangambang napupukaw. Hindi ninyo sinabi sa amin ang tungkol sa sandaling ito; at ang mga nagbabala sa amin tungkol dito ay tinawag ninyong panatiko at masasamang tao, na magpapahamak lamang sa amin.” Hindi rin nakatakas sa galit ng Diyos ang mga ministro. Sampung beses na mas matindi ang kanilang pagdurusa kaysa sa mga tagasunod nila. KP 107.1