Iniwan ng mga banal ang mga lunsod at kanayunan at nagsama- sama nang pulu-pulutong, namuhay sa mga pinakamapapanglaw na lugar. Binigyan sila ng pagkain at tubig ng mga anghel, habang dumanas naman ang masasama ng gutom at uhaw. Nagpulung- pulong ang mga pangunahing tao sa lupa, habang abala si Satanas at ang kanyang mga anghel sa palibot nila. Ipinakalat ang mga kopya ng isang kasulatan sa iba’t ibang bahagi ng lupain, na nagbibigay- utos na maliban daw na isuko ng mga banal ang naiiba nilang pananampalataya, itigil ang Sabbath, at ipangilin ang unang araw ng sanlinggo, ang mga tao’y malaya nang patayin sila pagkalipas ng ilang panahon. Subalit sa oras na ito ng pagsubok, nanatiling kalmado ang mga banal, nagtitiwala sa Diyos at umaasa sa Kanyang pangako na gagawa Siya ng daang matatakasan para sa kanila. KP 107.2
Sa ibang mga lugar, bago pa sumapit ang panahon ng pag- papatupad sa utos, nagsisugod na ang masasama sa mga banal para patayin sila. Subalit inutusan ni Jesus ang Kanyang mga anghel na bantayan sila. Mapaparangalan ang Diyos sa pakikipagtipan sa mga nag-ingat ng Kanyang kautusan sa paningin ng kanilang mga kaaway na nakapalibot sa kanila; at mapaparangalan si Jesus sa pagkuha sa mga tapat na naghihintay na napakatagal nang umaasa sa Kanya, nang hindi nakakaranas ng kamatayan. KP 108.1
Dumanas ang mga banal ng matinding hirap ng isipan. Sila'y parang napalilibutan ng mga masasamang naninirahan sa lupa. Lahat ay mukhang laban sa kanila. May mga natakot na baka tuluyan na silang pinabayaan ng Diyos na mamatay sa kamay ng masasama. Pero kung mabubuksan lang ang kanilang mga mata, makikita nilang sila'y pinalilibutan ng mga anghel ng Diyos. Sunod ay dumating ang napakalaking grupo ng mga galit na masasama, at kasunod ay ang napakaraming masasamang mga anghel, na pinagmamadali ang mga masasamang patayin ang mga banal. Pero bago sila makalapit sa bayan ng Diyos, ang masasama ay dapat munang makadaan sa pangkat na ito ng mga makapangyariha’t banal na anghel. Ito’y imposible. Pinaurong sila ng mga anghel ng Diyos at pinaatras din ang mga masasamang anghel na nagsiksikan sa palibot nila. KP 108.2
Daing na Iligtas—Yao’y panahon ng nakakatakot at matinding hirap para sa mga banal. Araw at gabi silang dumaing sa Diyos na sila’y iligtas. Sa nakikita sa panlabas, imposibleng sila’y makatakas. Ang masasama’y nagsimula nang magdiwang, na nilalait sila: “Bakit hindi kayo inililigtas ng inyong Diyos sa aming mga kamay? Bakit hindi ninyo iligtas ang inyong buhay?” Ngunit hindi nakinig sa kanila ang mga banal. Gaya ni Jacob, sila’y nakikipagpunyagi sa Diyos (Genesis 32:22-32). Sabik na silang iligtas ng mga anghel, pero dapat muna silang maghintay-hintay pa. Dapat inuman ng bayan ng Diyos ang kopa at mabautismuhan ng bautismo ng matinding pagsubok. Patuloy sa pagbabantay ang mga anghel, tapat sa tungkuling ipinagkatiwala sa kanila. Hindi papayagan ng Diyos na ang pangalan Niya’y malagay sa kahihiyan sa gitna ng mga pagano. Halos sumapit na ang panahong kailangan na Niyang ipakita ang matindi Niyang kapangyarihan at maluwalhating iligtas ang Kanyang mga banal. Para sa kaluwalhatian ng Kanyang pangalan, ililigtas Niya ang bawat isa sa mga matiyagang naghintay para sa Kanya, na ang mga pangalan ay nakasulat sa aklat. KP 108.3
Yao’y tulad sa karanasan ng tapat na si Noe. Nang pumatak ang ulan at dumating ang Baha, pumasok sa arka si Noe at ang kanyang sambahayan, at sinarhan sila ng Diyos. Tapat na binalaan ni Noe ang mga nakatira sa daigdig bago magkabaha, habang siya'y kanilang hinahamak at pinagtatawanan. At habang bumabagsak ang tubig sa lupa, at isa-isa nang nalulunod ang mga tao, nakita nila na ang arkang iyon, na nilait nila, ay ligtas na lumulutang sa tubig, iniingatan ang tapat na si Noe at ang pamilya niya. Ganoon din kasigurado na iligtas sa wakas ng panahon ang bayan ng Diyos, na tapat na nagbabala sa sanlibutan tungkol sa paparating Niyang galit. Hindi papayagan ng Diyos ang mga masasama na lipulin ang mga umaasang sila'y kukunin at ang mga di nagpailalim sa utos ng hayop o tumanggap ng kanyang tanda. Kung papayagan ang mga masasama na patayin ang mga banal, si Satanas at ang lahat niyang masasamang anghel, at lahat ng namumuhi sa Diyos, ay masisiyahan. Anong laking tagumpay para sa huling pakikipagpunyagi niya para sa mala-demonyo niyang kamaharlikaan ang magkaroon ng kapangyarihan sa mga napakatagal nang naghihintay na makita si Jesus, na labis nilang minamahal! Masasaksihan ng mga lumalait sa kaisipan na aakyat sa langit ang mga banal ang pangangalaga ng Diyos para sa Kanyang bayan at ang maluwalhati nilang pagkaligtas. KP 109.1
Habang umaalis ang mga banal sa mga lunsod at kanayunan, sila'y hinahabol ng masasama, na nagtangkang sila'y papatayin. Subalit ang mga sandatang iniumang para patayin ang bayan ng Diyos ay nasira at nangahulog na walang-magawa tulad sa dayami. Ipinagsanggalang ng mga anghel ng Diyos ang mga banal. Habang sila'y dumaraing araw at gabi na sila'y iligtas, ang kanilang mga daing ay nakarating sa harap ng Panginoon. KP 109.2