“Habang ako’y nakatingin,” sabi ni propeta Daniel, “may mga tronong inilagay, at ang Matanda sa mga Araw ay umupo. Ang Kanyang kasuotan ay kasimputi ng niyebe, at ang buhok ng Kanyang ulo ay gaya ng purong lana. Ang Kanyang trono ay naglalagablab sa apoy, at ang mga gulong nito ay nagniningas na apoy. May dumaloy na isang ilog ng apoy, at lumabas mula sa harapan Niya, libu-libo ang naglilingkod sa Kanya, at laksa-laksa ang nakatayo sa harapan Niya. Ang hukuman ay humanda para sa paghuhukom, at ang mga aklat ay nabuksan” (Daniel 7:9, 10). ADP 275.1
Ganyan ipinahayag sa pangitain ng propeta ang dakila at taimtim na araw na iyon na ang karakter at buhay ng mga tao ay dapat dumaan sa pagsusuri ng Hukom ng buong lupa, at sa bawat isa’y ibibigay ang “ayon sa kanyang mga ginawa.” Ang Matanda sa mga Araw ay ang Diyos Ama. Sinasabi ng mang-aawit, “Bago nilikha ang mga bundok, o bago Mo nilikha ang lupa at ang sanlibutan, Ikaw ay Diyos, mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan” (Awit 90:2). Siya na pinanggalingan ng lahat ng nilalang, at pinagmulan ng lahat ng kautusan, ang Siyang mangangasiwa sa paghuhukom. At ang mga banal na anghel, bilang mga tagapaglingkod at mga saksi, na “milyun-milyon at libu-libo” ang bilang, ay dumalo sa dakilang hukumang ito. ADP 275.2
“At narito, ang isang gaya ng Anak ng Tao na dumarating kasama ng mga ulap. At Siya’y lumapit sa Matanda sa mga Araw, at iniharap sa Kanya. Binigyan Siya ng kapangyarihan, at kaluwalhatian, at kaharian upang ang lahat ng mga bayan, bansa, at mga wika ay maglingkod sa Kanya. Ang Kanyang kapangyarihan ay walang hanggang kapangyarihan na hindi lilipas” (Daniel 7:13, 14). Ang pagdating ni Cristo na dito’y inilalarawan ay hindi ang ikalawang pagparito Niya sa lupa. Siya’y dumating sa Matanda sa mga Araw sa langit upang tumanggap ng kapangyarihan, at kaluwalhatian, at ng kaharian, na ibibigay sa Kanya sa pagtatapos ng Kanyang gawain bilang tagapamagitan. Ang pagdating na ito, at hindi ang Kanyang ikalawang pagparito sa lupa, ang siyang inihula sa propesiya na mangyayari sa pagtatapos ng 2,300 araw noong 1844. Habang sinasamahan ng mga anghel sa langit, ang ating Pinakapunong Pari ay pumasok sa kabanal-banalang dako at doo’y humarap sa presensya ng Diyos upang gawin ang huling gawain ng paglilingkod para sa kapakanan ng tao—upang isagawa ang gawain ng pangsiyasat na paghuhukom at upang gumawa ng pagtubos para sa lahat ng nagpapakita ng pagiging karapat-dapat sa mga kapakinabangan nito. ADP 275.3
Sa simbolong serbisyo, yung mga lumapit lamang sa Diyos nang may pangungumpisal at pagsisisi, na ang mga kasalanan ay nailipat sa santuwaryo sa pamamagitan ng dugo ng handog pangkasalanan, ang may bahagi sa serbisyo sa Araw ng Pagtubos. Kaya’t sa dakilang araw ng huling pagtubos at pangsiyasat na paghuhukom, ang tanging kasong isasaalang-alang ay yung sa mga nagsasabing sila’y bayan ng Diyos. Ang paghuhukom sa masasama ay iba at bukod na gawain, at ito’y mangyayari sa mas bandang huling panahon. “Sapagkat ito’y panahon upang simulan ang paghu-hukom sa sambahayan ng Diyos; at kung magsimula sa atin, ano kaya ang wakas ng mga hindi sumusunod sa ebanghelyo ng Diyos?” (1 Pedro 4:17). ADP 275.4
Ang mga aklat ng talaan sa langit, na doo’y nakasulat ang mga pangalan at gawain ng mga tao, ay siyang magtatakda sa mga kapasyahan ng paghuhukom. Ang sabi ni propeta Daniel, “Ang hukuman ay humanda para sa paghuhukom at ang mga aklat ay nabuksan.” Idinagdag ng Rebelador, sa paglalarawan niya sa tagpo ring iyon, “Binuksan din ang isa pang aklat, ang aklat ng buhay. At ang mga patay ay hinatulan ayon sa kanilang mga gawa, ayon sa nakatala sa mga aklat” (Apocalipsis 20:12). ADP 275.5
Ang aklat ng buhay ay naglalaman ng mga pangalan ng lahat ng nakilahok sa paglilingkod sa Diyos. Sinabihan ni Jesus ang Kanyang mga alagad, “Inyong ikagalak na ang inyong mga pangalan ay nakasulat sa langit” (Lucas 10:20). Si Pablo ay bumabanggit ng mga tapat niyang kamanggagawa, “na ang...[mga] pangalan ay nasa aklat ng buhay” (Filipos 4:3). Si Daniel, habang nakatunghay sa “panahon ng kaguluhan na hindi pa nangyari kailanman” ay nagsabi na ang bayan ng Diyos ay maliligtas “bawat isa na ang pangalan ay matatagpuang nakasulat sa aklat” (Daniel 12:1). At sinasabi ng tagapahayag na ang makakapasok lamang sa lunsod ng Diyos ay yung ang mga pangalan ay “nakasulat sa aklat ng buhay ng Kordero” (Apocalipsis 21:27). ADP 275.6
“Ang isang aklat ng alaala” ay isinusulat sa harapan ng Diyos, na dito’y nakatala ang mga mabubuting gawa nilang “natatakot sa Panginoon at nagpahalaga sa Kanyang pangalan” (Malakias 3:16). Ang kanilang mga salitang may pananampalataya, at ang kanilang mga gawang may pag-ibig ay nakatala sa langit. Ito ang tinutukoy ni Nehemias nang kanyang sabihin, “Alalahanin mo ako, O aking Diyos...at huwag Mong pawiin ang aking mabubuting gawa na aking ginawa para sa bahay ng aking Diyos” (Nehemias 13:14). Sa aklat ng alaala ng Diyos ay pinamamalagi ang bawat gawain ng katuwiran. Doon ay tumpak na isinusulat ang bawat tuksong napaglabanan, bawat kasamaang napanagumpayan, at bawat binigkas na salitang may mapagmahal na kaawaan. At ang bawat gawain ng pagsasakripisyo, bawat paghihirap at kalungkutang tiniis alang-alang kay Cristo ay itinatala. Sinasabi ng mang-aawit, “Iyong isinasaysay ang aking mga paggagala: Ilagay Mo ang aking mga luha sa Iyong botelya! Wala ba sila sa Iyong aklat?” (Awit 56:8). ADP 276.1
Meron ding talaan ng mga kasalanan ng mga tao. “Sapagkat dadalhin ng Diyos ang bawat gawa sa paghuhukom, pati ang bawat lihim na bagay, maging ito’y mabuti o masama” (Eclesiastes 12:14). “Ang bawat salitang walang kabuluhang sabihin ng mga tao ay ipagsusulit nila sa araw ng paghuhukom.” Sinabi ng Tagapagligtas, “Sa pamamagitan ng iyong mga salita ay pawawalang-sala ka at sa pamamagitan ng iyong salita ay mahahatulan ka” (Mateo 12:36, 37). Ang mga lihim na layunin at motibo ay nakikita sa hindi nagkakamaling listahan; sapagkat ang Diyos “ang magdadala sa liwanag sa mga bagay na sa ngayon ay nakatago sa kadiliman, at ibubunyag ang layunin ng mga puso” (1 Corinto 4:5). “Narito nasusulat sa harap Ko. . .ang inyong sariling mga kasamaan, at ang mga sama-samang kasamaan ng inyong mga magulang, sabi ng Panginoon” (Isaias 65:6, 7). ADP 276.2
Ang bawat gawa ng tao ay dumadaan sa pagsusuri sa harapan ng Diyos at itinatala para sa katapatan o sa kawalang-katapatan. Katapat ng bawat pangalan sa mga aklat ng langit ay isinusulat nang may matinding katumpakan ang bawat masamang salita, bawat makasariling gawa, bawat tungkuling di-ginampanan, at bawat lihim na kasalanan, pati na ang bawat mahusay na pagkukunwari. Ang mga babala o pagsumbat ng Langit na ipinagwalang-bahala, mga sandaling sinayang, mga pagkakataong hindi pinagbuti, ang impluwensyang ginamit para sa masama o mabuti, pati na ang malawak na saklaw ng mga bunga nito, lahat ay itinatala ng mga tagasulat na anghel. ADP 276.3
Ang kautusan ng Diyos ay siyang pamantayan na sa pamamagitan nito’y susubukin ang karakter at buhay ng mga tao sa paghuhukom. Ang sabi ng matalinong tao: “Matakot ka sa Diyos, at sundin mo ang Kanyang mga utos; sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao. Sapagkat dadalhin ng Diyos ang bawat gawa sa paghuhukom” (Eclesiastes 12:13, 14). Binalaan ni apostol Santiago ang kanyang mga kapatiran, “Kaya’t magsalita kayo at kumilos na gaya ng mga taong hahatulan sa pamamagitan ng kautusan ng kalayaan” (Santiago 2:12). ADP 276.4
Yung mga taong sa paghuhukom ay “itinuturing na karapat-dapat” ay magkakaroon ng bahagi sa muling pagkabuhay ng mga matuwid. Sinabi ni Jesus, “Ang mga itinuturing na karapat-dapat makaabot sa panahong iyon at sa muling pagkabuhay mula sa mga patay, ay...katulad na...ng mga anghel at sila’y mga anak ng Diyos, palibhasa’y mga anak ng muling pagkabuhay” (Lucas 20:35, 36). At muli’y sinasabi Niya na “ang mga gumawa ng mabuti” ay magsisilabas “tungo sa pagkabuhay na muli sa buhay” Ouan 5:29). Ang mga patay na matuwid ay hindi bubuhayin hangga’t hindi pa tapos ang paghuhukom na kung saan sila’y itinuring na karapat-dapat sa “pagkabuhay na muli sa buhay.” Kaya sila’y hindi makakaharap nang personal sa hukuman kapag ang kanilang mga talaan ay siniyasat na at ang mga kaso nila’y pagpasyahan. ADP 276.5
Si Jesus ay haharap bilang abugado nila, upang magtanggol sa kanila sa harapan ng Diyos. “Kung ang sinuman ay magkasala, tayo ay may Tagapagtanggol sa harap ng Ama, si Jesu-Cristo na Siyang matuwid” (1 Juan 2:1). “Sapagkat si Cristo ay hindi pumasok sa santuwaryo na ginawa ng mga kamay ng tao na mga kahalintulad lamang ng mga tunay na bagay, kundi sa mismong langit, upang dumulog ngayon sa harapan ng Diyos para sa atin.” “Dahil dito, Siya’y may kakayahang iligtas nang lubos ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan Niya, yamang lagi Siyang nabubuhay upang mamagitan para sa kanila” (Hebreo 9:24; 7:25). ADP 276.6
Habang binubuksan ang mga aklat para sa paghuhukom, ang buhay ng lahat ng sumampalataya kay Jesus ay masusuring muli sa harapan ng Diyos. Umpisa sa mga unang nabuhay sa lupa, ay inihaharap ng ating Tagapagtanggol ang mga kaso ng bawat sumunod na henerasyon, at magtatapos sa mga nabubuhay. Bawat pangalan ay binabanggit, bawat kaso ay masusing sinisiyasat. May mga pangalang tinatanggap, may mga pangalang tinatanggihan. Kapag ang sinuman ay may mga kasalanan pang natitira sa mga aklat ng talaan na hindi napagsisihan at hindi napatawad, ang kanilang mga pangalan ay buburahin sa aklat ng buhay, at ang tala ng kanilang mga mabubuting gawa ay aalisin sa aklat ng alaala ng Diyos. Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ang sinumang nagkasala laban sa Akin ay siya Kong buburahin sa Aking aklat” (Exodo 32:33). At sinasabi ni propeta Ezekiel, “Kapag ang matuwid ay humiwalay sa kanyang pagiging matuwid at gumawa ng kasamaan,...walang aalalahanin sa mga matuwid na gawa na kanyang ginawa” (Ezekiel 18:24). ADP 277.1
Ang lahat ng tunay na nagsisi sa kanilang kasalanan, at sa pananampalataya ay inangkin ang dugo ni Cristo bilang handog nilang pantubos, ay may nakasulat na ‘napatawad na’ sa tapat ng kanilang mga pangalan sa mga aklat ng langit; at dahil sila’y naging kabahagi na ng katuwiran ni Cristo, at ang kanilang mga likas ay nasumpungang kaayon ng kautusan ng Diyos, ang kanilang mga kasalanan ay papawiin na, at sila mismo ay ibibilang na karapatdapat sa buhay na walang hanggan. Sinasabi ng Panginoon sa pamamagitan ni propeta Isaias, “Ako, Ako nga ang siyang pumapawi ng iyong mga pagsuway alangalang sa Akin, at hindi Ko aalalahanin ang iyong mga kasalanan” (Isaias 43:25). Sinabi ni Jesus: “Ang magtagumpay ay bibihisang gayon ng mapuputing damit; at hindi Ko kailanman papawiin ang kanyang pangalan sa aklat ng buhay. At ipahahayag Ko ang kanyang pangalan sa harapan ng Aking Ama, at sa harapan ng Kanyang mga anghel” (Apocalipsis 3:5). “Kaya’t ang bawat kumikilala sa Akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin Ko rin sa harapan ng Aking Ama na nasa langit” (Mateo 10:32). ADP 277.2
Ang pinakamalalim na interes na ipinapakita ng mga tao sa mga kapasyahan ng mga hukuman dito sa lupa ay bahagya lang na naglalarawan sa interes na ipinakita sa mga bulwagan sa langit habang ang mga pangalang nakatala sa aklat ng buhay ay sinusuri sa harapan ng Hukom ng buong lupa. Inihaharap ng banal na Tagapamagitan ang kahilingan na ang lahat ng nagtagumpay sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanyang dugo ay patawarin sa kanilang mga paglabag at sila’y ibalik sa kanilang tahanang Eden, at gantimpalaan bilang kasamang tagapagmana Niya mismo sa “dating kapangyarihan” (Mikas 4:8). Sa mga pagsisikap ni Satanas na dayain at tuksuhin ang ating lahi, inisip niyang hadlangan ang piano ng Diyos sa pagkakalikha Niya sa tao; subalit ngayo’y hinihiling ni Cristo na ang planong ito’y isagawa, na para na rin bang ang tao’y hindi nagkasala. Hinihiling Niya para sa Kanyang bayan hindi lamang ang kapatawaran at pagpapawalang-sala, na lubos at ganap, kundi isang bahagi sa Kanyang kaluwalhatian at lugar sa Kanyang trono. ADP 277.3
Habang si Jesus ay nagtatanggol para sa mga nasasakupan ng Kanyang biyaya, pinararatangan naman sila ni Satanas sa harapan ng Diyos bilang mga mananalangsang. Pinagsisikapan ng malupit na mandaraya na sila’y ihatid sa pag-aalinlangan, na sila’y mawalan ng pagtitiwala sa Diyos, na ihiwalay ang kanilang sarili sa Kanyang pag-ibig, at labagin ang Kanyang kautusan. Itinuro niya ngayon ang talaan ng kanilang mga buhay, ang mga kapintasan ng kanilang karakter, ang kaibahan nila kay Cristo na nagdala ng kahihiyan sa kanilang Manunubos, ang lahat ng kasalanang iniudyok niyang gawin nila, at dahil sa mga ito ay inaangkin niyang sila’y kanyang sakop. ADP 277.4
Hindi ni Jesus idinadahilan ang kanilang mga kasalanan, subalit ipinakikita Niya ang kanilang pagsisisi at pananampalataya, at habang hinihingi ang kapatawaran para sa kanila, ay itinataas Niya ang nasugatan Niyang mga kamay sa harap ng Ama at ng mga banal na anghel, na sinasabi, “Nakikilala Ko sila sa pangalan. Iniukit Ko sila sa palad ng Aking mga kamay. ‘Ang mga hain sa Diyos ay bagbag na diwa, isang bagbag at nagsisising puso, O Diyos, ay hindi Mo hahamakin’ ” (Awit 51:17). At sa nag-aakusa sa Kanyang bayan ay Kanyang sinasabi, “Sawayin ka nawa ng Panginoon, O Satanas! Ang Panginoon na pumili sa Jerusalem ay sumaway nawa sa iyo! Di ba ito’y isang gatong na inagaw sa apoy?” (Zacarias 3:2). Bibihisan ni Cristo ng sarili Niyang katuwiran ang mga tapat Niyang anak, upang maiharap Niya sila sa Kanyang Ama na “isang maluwalhating iglesya, na walang batik, o kulubot, o anumang gayong bagay” (Efeso 5:27). Ang kanilang mga pangalan ay nananatiling nakatala sa aklat ng buhay, at tungkol sa kanila ay nasusulat, “Sila’y kasama Kong lalakad na nakaputi, sapagkat sila’y karapat-dapat” (Apocalipsis 3:4). ADP 278.1
Ganyan magkakatotoo ang lubusang katuparan ng pangako ng bagong tipanan na, “Patatawarin Ko ang kanilang kasamaan, at ang kanilang kasalanan ay hindi Ko na aalalahanin pa.” “Sa mga araw at sa panahong iyon, sabi ng Panginoon, ang kasamaan ay hahanapin sa Israel at hindi magkakaroon ng anuman; at ang kasalanan sa Juda, at walang matatagpuan” (Jeremias 31:34; 50:20). “Sa araw na iyon ay magi-ging maganda at maluwalhati ang sanga ng Panginoon, at ang bunga ng lupain ay ipagmamalaki at sa ikaluluwalhati ng mga nakaligtas na taga-Israel. Siyang naiwan sa Zion, at siyang nanatili sa Jerusalem ay tatawaging banal, bawat nakatala sa mga nabubuhay sa Jerusalem” (Isaias 4:2, 3). ADP 278.2
Ang gawain ng pangsiyasat na paghuhukom at ang pag-aalis ng kasalanan ay matatapos bago ang ikalawang pagparito ng Panginoon. Yamang ang mga patay ay hahatulan ayon sa mga bagay na nakasulat sa mga aklat, imposibleng mapawi ang mga kasalanan ng mga tao habang di pa tapos ang paghuhukom na sumisiyasat sa kanilang mga kaso. Ngunit malinaw na ipinahayag ni apostol Pedro na ang mga kasalanan ng mga mananampalataya ay papawiin na kapag “ang mga panahon ng kaginhawahan ay dumating mula sa harapan ng Panginoon; at upang Kanyang suguin ang Cristo na itinalaga sa inyo, si Jesus” (Gawa 3:19, 20). Kapag natapos na ang pangsiyasat na paghuhukom, si Cristo ay darating na, at ang Kanyang gantimpala ay dala Niya upang gantihan ang bawat isa ayon sa kanyang ginawa. ADP 278.3
Sa simbolong serbisyo, kapag naisagawa na ng punong pari ang pagtubos sa Israel, siya ay lumalabas na at pinagpapala ang kapulungan. Gayundin naman si Cristo, sa katapusan ng Kanyang gawain bilang tagapamagitan, ay magpapakita na, “hindi upang harapin ang kasalanan,” kundi para sa kaligtasan (Hebreo 9:28), upang pagpalain ng walang-hanggang buhay ang Kanyang bayang naghihintay Kung papaanong ang pari, bilang pag-aalis ng mga kasalanan mula sa santuwaryo, ay ipinahahayag ang mga ito sa ulo ng kambing na pakakawalan, ganon din naman ipapatong ni Cristo ang lahat ng kasalanang ito kay Satanas, ang pinagmulan at tagasulsol ng kasalanan. Ang kambing na may dala ng lahat ng kasalanan ng Israel ay dinadala “sa lupaing walang naninirahan” (Levitico 16:22); sa ganon ding paraan si Satanas, dala ang bigat ng lahat ng kasalanang ipinagawa niya sa bayan ng Diyos, ay kukulungin sa loob ng isang libong taon sa lupang ito na magiging wasak at walang naninirahan, at sa wakas ay pagdurusahan ang buong kabayaran ng kasalanan sa apoy na siyang tutupok sa lahat ng masama. Ganyan mararating ng dakilang panukala ng pagtubos ang katuparan nito sa panghuling paglipol sa kasalanan at pagliligtas sa lahat ng mga naging laang talikuran ang kasamaan. ADP 278.4
Sa panahong itinakda para sa paghuhukom—na katapusan ng 2,300 araw noong 1844—ay nagsimula ang gawain ng pagsisiyasat at pag-aalis ng mga kasalanan. Ang lahat ng kusang tumanggap sa pangalan ni Cristo ay kailangang dumaan sa masusing pagsisiyasat nito. Ang mga nabubuhay at ang mga patay ay parehong hahatulan “ayon sa kanilang mga gawa, ayon sa nakatala sa mga aklat” (Apocalipsis 20:12). ADP 278.5
Ang mga kasalanang hindi pinagsisihan at tinalikuran ay hindi patatawarin, at hindi rin buburahin sa aklat ng talaan, kundi mananatiling saksi laban sa makasalanan sa araw ng Panginoon. Maaaring ginawa niya ang masasama niyang gawain sa liwanag ng araw o kaya’y sa kadiliman ng gabi; subalit ang mga ito’y pawang lantad at hayag sa Kanya na pagsusulitan natin. Nasaksihan ng mga anghel ng Diyos ang bawat kasa-lanan at naitala ito sa hindi nagkakamaling talaan. Ang kasalanan ay maaaring itago, itanggi, o ilihim sa ama, ina, asawa, mga anak, at mga kasamahan; walang iba kundi ang mga nagkasala lamang ang nakapagiingat ng kahit pinakabahagyang pahiwatig ng pagkakamali; ngunit ito’y lantad sa harap ng mga naroon sa langit. Ang kadiliman ng pinakamadilim na gabi, ang pagiging lihim ng lahat ng mapandayang paraan, ay di sapat para magkubli ng isa mang pag-iisip sa kaalaman ng Walang-Hanggan. Ang Diyos ay may tumpak na tala ng bawat di-makatwirang pahayag at bawat madayang pakikitungo. Hindi Siya naloloko ng mga anyo ng pagpapakabanal. Hindi Siya nagkakamali sa Kanyang pagkilatis sa karakter. Ang mga tao ay maaaring madaya nung mga masasama ang puso, subalit ang Diyos ay tumatagos sa lahat ng pagbabalatkayo at nababasa ang lihim na buhay. ADP 278.6
Napakadakilang kaisipan! Ang bawat araw na lilipas na magpakailanman, ay merong pasaning mga tala para sa mga aklat ng langit. Ang mga salitang minsa’y binigkas, mga gawang minsa’y ginawa ay hindi na mababawi pa. Ang kabutihan at kasamaan ay pare-parehong isinulat ng mga anghel. Hindi na mababawi pa ng pinakamakapangyarihang mananakop sa ibabaw ng lupa ang tala ng kahit isang araw. Ang ating mga kilos, ang ating mga salita, maging ang mga pinakalihim nating motibo, lahat ng ito’y merong bigat para sa pagpapasya ng ating kahahantungan, kung sa kaligayahan ba o sa kapighatian. Bagaman ang mga ito’y nalimutan na natin, ang mga ito’y sasaksi upang magpawalang-sala o humatol. ADP 279.1
Kung paanong ang bawat bahagi ng mukha ay talagang nakokopya nang walangmali sa pulidong pinagpipintahan ng pintor, ganon din naman ang karakter ay tumpak na iginuguhit sa mga aklat sa langit. Ngunit ang mga tao’y walang gaanong pagkabahalang nadarama hinggil sa listahang iyon na siyang tutunghayan ng buong sangkalangitan! Kung mahahawi lamang ang tabing na naghihiwalay sa sanlibutang nakikita at hindi nakikita, at makita ng mga tao ang isang anghel na nagtatala ng bawat salita at gawa, na muli nilang makakaharap sa paghuhukom, kayraming salita na binabanggit araw-araw ang hindi sana sinasabi; kay-raming gawa ang hindi sana ginagawa. ADP 279.2
Sa paghuhukom, ang paggamit ng bawat talento ay sisiyasating maigi. Paano natin ginamit ang puhunan na ipinahiram sa atin ng Langit? Matatanggap kaya ng Panginoon sa Kanyang pagdating ang kung anong Kanya nang may tubo? Pinagbuti ba natin ang mga kakayahang ipinagkatiwala sa atin, sa kamay at puso at isipan, para sa ikaluluwalhati ng Diyos at pagbibigay-pala sa sanlibutan? Paano natin ginamit ang ating panahon, ang ating panulat, boses, pera, impluwensya? Anong nagawa natin para kay Cristo, sa katauhan ng mga mahihirap, ng mga nagdadalamhati, ulila, o ng mga balo? Ginawa tayo ng Diyos na tagapag-ingat ng Kanyang Banal na Salita; anong ginawa natin sa liwanag at katotohanang ibinigay sa atin upang ang mga tao ay maging matalino tungo sa kaligtasan? Walang kalakip na halaga ang pagpapanggap lamang ng pananampalataya kay Cristo; tanging ang pagibig na ipinakikita ng mga ginagawa ang ibinibilang na tunay. Gayunma’y sa pag-ibig lamang nagkakaroon ng halaga sa paningin ng Langit ang anumang pagkilos. Anumang ginagawa nang may pag-ibig, gaano man ito kaliit sa paningin ng tao, ito’y tinatanggap at ginagantimpalaan ng Diyos. ADP 279.3
Ang natatagong pagkamakasarili ng mga tao ay nananatiling lantad sa mga aklat ng langit. Naroon ang listahan ng mga tungkulin sa mga kapwa na hindi tinupad, ng paglimot sa mga pag-aangkin ng Tagapagligtas. Doo’y makikita nila kung gaano kadalas na ibinibigay kay Satanas ang panahon, isi-pan, at lakas, na pawang pag-aari ni Cristo. Malungkot ang ulat na dinadala ng mga anghel sa langit. Ang mga matatalinong tao, mga nagsasabing tagasunod ni Cristo, ay abalang-abala sa pagpapayaman sa sanlibutan o sa pagpapakasaya sa mga makalupang kalayawan. Ang pera, oras, at lakas ay isinasakripisyo kapalit ng pagtatanghal sa sarili at pagpapalayaw; subalit kakaunti ang naitatalagang sandali sa pananalangin, sa pagsasaliksik ng Kasulatan, sa pagpapakababa ng kaluluwa at pagpapahayag ng kasalanan. ADP 279.4
Si Satanas ay nag-iimbento ng di-mabilang na pakana upang libangin ang ating mga isipan, upang hindi nito maisip ang mismong gawain na dapat ay alam nating maigi. Galit na galit ang punong-mandaraya sa mga dakilang katotohanan na nagpapakita sa tumutubos na sakripisyo at sa Tagapamagitang makapangyarihan sa lahat. Alam niya, na ang lahat ay nakasalalay sa kanyang paglilihis ng mga isipan palayo kay Jesus at sa Kanyang katotohanan. ADP 280.1
Yung mga gustong makibahagi sa mga kapakinabangan ng pamamagitan ng ating Tagapagligtas ay huwag dapat payagan ang anuman na humadlang sa kanilang tungkulin na pakasanayin ang kabanalan sa pagkatakot sa Diyos. Ang mga mahahalagang oras, sa halip na gamitin sa kalayawan, sa pagtatanghal, o sa paghahangad ng pakinabang, ay dapat italaga sa taimtim at mapanalangining pag-aaral ng Salita ng katotohanan. Ang paksa tungkol sa santuwaryo at sa pangsiyasat na paghuhukom ay dapat malinaw na maunawaan ng bayan ng Diyos. Kailangan ng lahat ang personal na kaalaman tungkol sa katungkulan at gawain ng kanilang dakilang Punong Pari. Kung hindi ay magiging imposible para sa kanila ang isakabuhayan ang pananampalatayang kailangang-kailangan sa panahong ito, o kaya’y ang lumagay sa kalagayang hangad ng Diyos na punan nila. Ang bawat isa’y merong kaluluwang maliligtas o kaya’y mapapahamak. Bawat isa’y may kasong nakabinbin sa hukuman ng Diyos. Bawat isa’y dapat humarap nang mukhaan sa Dakilang Hukom. Gaano nga kahalaga, kung gayon, na pagbulay-bulayan lagi ng bawat isipan ang dakilang tagpong iyon kung kailan ang hukuman ay uupuan na at ang mga aklat ay bubuksan na, kung kailan ang bawat isa, gaya ni Daniel, ay dapat tumayo sa kanyang gantimpala sa katapusan ng mga araw. ADP 280.2
Ang lahat ng tumanggap ng liwanag sa mga paksang ito ay dapat magpatotoo sa mga dakilang katotohanan na ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos. Ang santuwaryo sa langit ay siyang pinakasentro ng gawain ni Cristo para sa mga tao. May kaugnayan dito ang bawat taong nabubuhay sa ibabaw ng lupa. Ipinapakita nito ang panukala ng pagtubos, inihahatid tayo sa pinakawakas ng panahon, at ibinubunyag ang matagumpay na usapin ukol sa paglalaban ng katuwiran at kasalanan. Talagang kailangang-kailangan na siyasating mabuti ng lahat ang mga paksang ito at makapagbigay ng paliwanag sa bawat taong humihingi sa kanila ng katuwiran tungkol sa pag-asang nasa kanila. ADP 280.3
Sa panukala ng kaligtasan, ang pamamagitan ni Cristo para sa tao doon sa santuwaryo sa langit ay kasinghalaga ng Kanyang kamatayan sa kr us. Sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan ay sinimulan Niya ang gawaing iyon, na pagkatapos Niyang mabuhay na muli, Siya’y umakyat upang ito’y tapusin sa langit. Sa pananampalataya ay dapat tayong pumasok sa kabila ng tabing, “na doo’y naunang pumasok para sa atin si Jesus” (Hebreo 6:20). Doon, ang liwanag mula sa krus ng Kalbaryo ay umaaninag. Doon ay maaari nating matamo ang mas malinaw na pananaw sa mga hiwaga ng pagtubos. Ang kaligtasan ng tao ay naisagawa nang dahil sa walang-hanggang kagastusan ng langit; ang sakripisyong ginawa ay katumbas ng pinakamalalaking hinihingi ng nilabag na kautusan ng Diyos. Binuksan ni Jesus ang daan patungo sa trono ng Ama, at dahil sa Kanyang pamamagitan, ang tapat na hangarin ng lahat ng lumalapit sa Kanya sa pananampalataya ay maihaharap sa Diyos. ADP 280.4
“Siyang nagtatakip ng kanyang mga pagsuway ay hindi sasagana, ngunit ang nagpapahayag at tumatalikod sa mga iyon ay magtatamo ng awa” (Kawikaan 28:13). Kung makikita lamang nung mga taong nagkukubli at nagdadahilan ng kanilang mga kasalanan kung paanong si Satanas ay tuwang-tuwa sa kanila, kung paano niya tinutuya si Cristo at ang mga banal na anghel dahil sa kanilang mga ginagawa, sila’y magmamadaling ipahayag ang kanilang mga kasalanan at iwaksi ang mga ito. Sa pamamagitan ng mga kapintasan sa karakter, si Satanas ay gumagawa upang makontrol ang buong pag-iisip, at alam niyang kapag pinanatili ang mga kapintasang ito, siya’y magtatagumpay. Kung kaya’t palagi siyang nagsisikap na madaya ang mga tagasunod ni Cristo sa pamamagitan ng kanyang malubhang panlilinlang anupa’t imposibleng sila’y makapagtagumpay. Ngunit isinasamo ni Jesus para sa kanila ang nasugatan Niyang mga kamay, ang nagkalasug-lasog Niyang katawan; at sinasabi Niya sa lahat ng gustong sumunod sa Kanya, “Ang Aking biyaya ay sapat na sa iyo” (2 Corinto 12:9) “Pasanin ninyo ang Aking pamatok, at matuto kayo sa Akin; sapagkat Ako’y maamo at may mapagpakumbabang puso at makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa. Sapagkat madaling dalhin ang Aking pamatok at magaan ang Aking pasan” (Mateo 11:29, 30). Kung gayo’y huwag ipalagay ninuman na ang kanilang mga kapintasan ay wala nang lunas. Ang Diyos ay magbibigay ng pananampalataya at biyaya upang mapanagumpayan ang mga ito. ADP 280.5
Tayo ngayo’y nabubuhay sa dakilang araw ng pagtubos. Sa simbolong serbisyo, habang ang punong pari ay gumagawa ng katubusan para sa Israel, ang lahat ay kinakailangang pagdalamhatiin ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagsisisi sa kasalanan at pagpapakababa sa harapan ng Panginoon, upang huwag silang matiwalag sa kalagitnaan ng bayan. Sa ganon ding kaparaanan, ang lahat ng nagnanais na manatili ang kanilang pangalan sa aklat ng buhay, ay dapat na pagdalamhatiin ang kanilang mga sarili ngayon sa harapan ng Diyos sa ilang natitirang araw ng kanilang palugit, sa pamamagitan ng pagkalungkot sa kasalanan at tunay na pagsisisi. Dapat merong malalim at tapat na pagsisiyasat ng puso. Ang mababaw, at walang gaanong kabuluhang espiritu na pinagbibigyan ng napakaraming nagsasabing sila’y Kristiyano ay dapat nang alisin. May maalab na digmaan sa harapan ng lahat ng gustong talunin ang masasamang hilig na nagpupumilit manaig. Ang gawain ng paghahanda ay gawaing pang-isahan. Hindi tayo naliligtas nang grupu-grupo. Ang kalinisan at pagtatalaga ng isang tao ay hindi pupunan ang kawalan ng mga katangiang ito sa iba. Bagaman ang lahat ng bansa’y dadaan sa paghuhukom sa harap ng Diyos, susuriin pa rin Niya ang kaso ng bawat isa sa pinakamalapit at pinakamasusing pagsisiyasat na para bagang wala nang ibang tao pa sa ibabaw ng lupa. Ang bawat isa’y dapat subukin at dapat masumpungang walang dungis, o kulubot, o anumang gayong bagay. ADP 281.1
Taimtim ang mga tagpong kaugnay ng pangwakas na gawain ng pagtubos. Napakahalaga ng mga kapakanang nakapaloob dito. Ang paghuhukom ay nangyayari na ngayon sa santuwaryo sa langit. Sa loob ng maraming taon ay sumusulong na ang gawaing ito. Di magtatagal—at walang nakakaalam kung gaano katagal—ito’y lilipat na sa mga kaso ng mga buhay. Sa kakila-kilabot na presensya ng Diyos, ang ating mga buhay ay sisiyasatin. Sa panahong ito, higit sa lahat panahon, ay nararapat na dinggin ng bawat kaluluwa ang babala ng Tagapagligtas, “Kayo’y mangag-ingat, mangagpuyat at magsipanalangin: sapagkat hindi ninyo nalalaman kung kailan kaya ang panahon” (Marcos 13:33). “Kaya’t kung hindi ka gigising, darating Akong gaya ng magnanakaw, at hindi mo malalaman kung anong oras Ako darating sa iyo” (Apocalipsis 3:3). ADP 281.2
Kapag tapos na ang gawain ng pangsiyasat na paghuhukom, ang kahahantungan ng lahat ay napagpasyahan na kung sa buhay ba o kamatayan. Ang palugit na panahon ay wawakasan na, sandaling panahon bago magpakita ang Panginoon sa mga alapaap ng langit. Sa Apocalipsis, habang nakatanaw sa panahong iyon ay sinabi ni Cristo: “Ang masama ay hayaang magpakasama pa at ang marumi ay hayaang magpakarumi pa, at ang matuwid ay hayaang maging matuwid pa, at ang banal ay haya-ang magpakabanal pa. Ako’y malapit nang dumating at dala Ko ang Aking gantimpala, upang gantihan ang bawat isa ayon sa kanyang ginawa” (Apocalipsis 22:11, 12). ADP 281.3
Ang mga matuwid at ang masasama ay mabubuhay pa rin sa lupa sa mortal nilang kalagayan—ang mga tao’y magtatanim at magtatayo ng bahay, kakain at iinom, lahat ay walang kamalay-malay na ang pinakahuli at di-mababagong desisyon ay naideklara na sa santuwaryo sa langit. Bago magkabaha, pagkapasok ni Noe sa daong, sinarhan siya ng Diyos sa loob, at ang masasama sa labas; subalit sa loob ng pitong araw ang mga tao, dahil hindi alam na napagpasyahan na ang kanilang katapusan, ay nagpatuloy sa kanilang pabaya at mahilig sa kalayawang pamumuhay, at hinamak ang mga babala ng napipintong paghatol. “Gayundin naman,” sabi ng Tagapagligtas, “ang pagdating ng Anak ng Tao” (Mateo 24:39). Tahimik at hindi namamalayan gaya ng magnanakaw sa hatinggabi, darating ang tiyak na oras na palatandaan ng pagtatakda ng kahahantungan ng bawat tao, ng pang-wakas na pagbawi sa kahabagang inialok sa mga taong makasalanan. ADP 281.4
“Kaya’t maging handa kayo.... Baka sa bigla Niyang pagdating ay matagpuan Niya kayong natutulog” (Marcos 13:35, 36). Mapanganib ang kalagayan nung mga taong dahil napapagod na sa kanilang pagbabantay ay bumabaling sa mga pang-akit ng sanlibutan. Habang ang taong mahilig sa negosyo ay gumon sa paghahangad ng kita, habang ang mahilig sa kalayawan ay nagpapakasasa, habang ang anak na sunod sa uso ay nagpapaganda—baka sa oras nang iyan bibigkasin ng Hukom ng buong lupa ang sentensyang: “Ikaw ay tinimbang sa timbangan at natuklasang kulang” (Daniel 5:27). ADP 282.1