Sa isipan ng marami, ang pinagmulan ng kasalanan at ang pagkakaroon nito ay sanhi ng malaking kalituhan. Nakikita nila ang gawain ng kasamaan, pati na ang matitindi nitong bungang kapighatian at lagim, at itinatanong nila kung paanong lumitaw ang lahat ng ito sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Isang walang hanggan sa karunungan, kapangyarihan, at pag-ibig. Narito ang isang hiwaga na hindi nila maipaliwanag. At dahil sa kanilang kawalangkatiyakan at pag-aalinlangan, sila’y nangabulag sa mga katotohanang malinaw na nahahayag sa Salita ng Diyos at kailangan sa kaligtasan. Sa kanilang mga pagsisiyasat tungkol sa pagkakaroon ng kasalanan, may mga taong nagpipilit na magsaliksik doon sa hindi naman ipinahayag ng Diyos; kaya wala silang nasumpungang solusyon sa kanilang mga pinagkakahirapan; at ang mga ganyan, dahil pinakikilos ng ugaling mag-alinlangan at mamintas ay ginagawa itong dahilan ng di nila pagtanggap sa mga salita ng Banal na Kasulatan. Gayunman, ang iba’y hindi sapat na naunawaan ang malaking suliranin ukol sa kasamaan, dahil sa katunayang pinalabo na ng tradisyon at ng maling pagpapaliwanag ang turo ng Biblia tungkol sa karakter ng Diyos, sa likas ng Kanyang pamamahala, at sa mga prinsipyo ng Kanyang pakikitungo sa kasalanan. ADP 282.2
Imposibleng maipaliwanag ang pinagmulan ng kasalanan sa paraang makapagbibigay ng dahilan sa pagkakaroon nito. Subalit sapat na ang maaaring maunawaan kapwa tungkol sa pinagmulan at sa pinakahuling kapasyahan para sa kasalanan upang gawing hayag na hayag ang katarungan at kabutihan ng Diyos sa lahat Niyang pakikitungo sa kasamaan. Wala nang mas malinaw pang itinuturo sa Kasulatan kaysa sa katotohanan na hindi Diyos ang maygawa sa pagpasok ng kasalanan; na walang di-makatwirang pagbawi sa banal na biyaya, na walang anumang pagkukulang sa pamamahala ng Diyos na nagbigay ng pagkakataon sa pagbangon ng paghihimagsik. Ang kasalanan ay mapanghimasok, at walang maibibigay na dahilan kung bakit iyan ay narito. Ito’y mahiwaga, hindi maipaliliwanag; ang palagpasin ito ay pagtatanggol dito. Kung may makikitang dahilan para palampasin ito, o may maipapakitang sanhi sa pagkakaroon nito, ito’y hindi na magiging kasalanan. Ang ating tanging kahulugan ng kasalanan ay yung ibinibigay sa Salita ng Diyos; ito ay “ang paglabag sa kautusan” (1 Juan 3:4); ito’y higit na paggawa ng isang prinsipyong lumalaban sa dakilang kautusan ng pag-ibig na siyang saligan ng banal na pamahalaan. ADP 282.3
Bago pumasok ang kasamaan, ang buong sansinukob ay payapa at masaya. Ang lahat ay ganap na kasundo ng kalooban ng Manlalalang. Ang pag-ibig sa Diyos ang siyang pinakamataas, ang pagibig sa isa’t isa ay pantay-pantay. Si Cristo na siyang Salita, ang bugtong ng Diyos, ay kaisa ng walang-hanggang Ama—kaisa sa likas, sa karakter, at sa layunin—siyang tanging katauhan sa buong sansinukob na maaaring makibahagi sa lahat ng panukala at layunin ng Diyos. Sa pamamagitan ni Cristo ay isinagawa ng Ama ang paglikha ng lahat ng makalangit na nilalang. “Sa pamamagitan Niya nilalang ang lahat ng mga bagay sa langit...maging mga trono o mga pagka-panginoon, maging mga pinuno o mga may kapan gyarihan” (Colosas 1:16); at kay Cristo, gaya rin sa Ama, ang buong langit ay nagbibigay ng katapatan. ADP 282.4
Dahil ang kautusan ng pag-ibig ang siyang pundasyon ng pamahalaan ng Diyos, ang kaligayahan ng lahat ng nilalang ay nakasalalay sa lubos nilang pakikiayon sa mga dakilang prinsipyo ng katuwiran nito. Hangad ng Diyos mula sa lahat Niyang nilalang ang paglilingkod na may pag-ibig—pagsambang bumubukal mula sa matalinong paghanga sa Kanyang karakter. Hindi Siya nalulugod sa sapilitang katapatan, at sa lahat ay nagkakaloob Siya ng kalayaang pumili upang maibigay nila sa Kanya ang kusang paglilingkod. ADP 282.5
Subalit merong isa na pumiling gamitin sa maling paraan ang kalayaang ito. Ang kasalanan ay nagsimula sa kanya, na dahil kasunod ni Cristo, ay higit na pinararangalan ng Diyos, at tumatayong pinakamataas sa kapangyarihan at kaluwalhatian sa gitna ng mga naninirahan sa langit. Bago siya bumagsak, si Lucifer ay una sa mga tumatakip na kerubin, banal at walang dungis. “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: ‘Ikaw ang tatak ng kasakdalan, puno ng karunungan, at sakdal sa kagandahan. Ikaw ay nasa Eden na halamanan ng Diyos; bawat mahahalagang bato ay iyong kasuotan.” “Ikaw ang pinahirang kerubin na tumatakip: at itinatag kita, na anupa’t ikaw ay nasa ibabaw ng banal na bundok ng Diyos: ikaw ay nagpanhik manaog sa gitna ng mga batong mahalaga. Ikaw ay sakdal sa iyong mga landas mula sa araw na ikaw ay lalangin, hanggang sa ang kalikuan ay nasumpungan sa iyo” (Ezekiel 28:12-15). ADP 283.1
Si Lucifer ay nanatili sanang kasangayon ng Diyos, minamahal at pinararangalan ng lahat ng mga anghel, ginagamit ang kanyang mararangal na kapangyarihan upang pagpalain ang iba at luwalhatiin ang Lumikha sa kanya. Ngunit, ayon sa propeta, “Ang iyong puso ay nagmataas dahil sa iyong kagandahan; iyong pinasama ang iyong karunungan dahil sa iyong kaningningan” (talatang 17). Unti-unti, si Lucifer ay bumibigay sa pagnanasang itaas ang sarili. “Ginawa mo ang iyong puso na parang puso ng Diyos” (talatang 6). “Sinabi mo...Aking itatatag ang aking trono sa itaas ng mga bituin ng Diyos; ako’y uupo sa bundok na pinagtitipunan.... Ako’y aakyat sa itaas ng mga kaitaasan ng mga ulap, gagawin ko ang aking sarili na gaya ng Kataas-taasan” (Isaias 14:13, 14). Sa halip na sikaping maging pinakamataas ang Diyos sa pagmamahal at pagtatapat ng lahat Niyang nilalang, pinagsikapan ni Lucifer na makuha ang kanilang paglilingkod at pagsamba para sa kanyang sarili. At dahil sa kanyang paghahangad sa karangalang ipinagkaloob ng walang-hanggang Ama sa Kanyang Anak, ay pinagnasaan ng prinsipeng ito ng mga anghel ang kapangyarihan na si Cristo lamang ang tanging may karapatang gumamit. ADP 283.2
Ikinagagalak ng buong kalangitan ang ipakita ang kaluwalhatian ng Ama at ipahayag ang Kanyang kapurihan. At samantalang pinararangalan nang ganyan ang Diyos, ang lahat ay pawang kapayapaan at kagalakan. Ngunit isang sintunadong tunog ang sumira ngayon sa makalangit na pagsasamahan. Ang paglilingkod at pagtataas sa sarili, na taliwas sa panukala ng Manlalalang, ay pumukaw ng mga kutob ng kasamaan sa mga isipan na ang pinaka-mataas ay ang kaluwalhatian ng Diyos. Ang konsilyo sa langit ay nakiusap kay Lucifer. Ipinakita sa kanya ng Anak ng Diyos ang kadakilaan, ang kabutihan, at ang katarungan ng Manlalalang, at ang banal, at di-nagbabagong likas ng Kanyang kautusan. Ang Diyos mismo ang nagtatag ng kaayusan ng langit; at sa paghiwalay dito, ay malalapastangan ni Lucifer ang Lumikha sa kanya, at magdadala ng pagkawasak sa kanyang sarili. Subalit ang babala, na ibinigay nang may walang-hanggang pagmamahal at awa, ay nagbangon lamang ng espiritu ng paglaban. Pinabayaan ni Lucifer na ang pagkainggit kay Cristo ay manaig at lalo siyang naging determinado. ADP 283.3
Binuhay ng pagmamalaki sa sarili niyang kaluwalhatian ang paghahangad na maging pinakamataas. Ang mataas na karangalang ibinigay kay Lucifer ay hindi pinahalagahan bilang kaloob ng Diyos, at hindi naglabas ng pasasalamat sa Lumikha. Siya’y nagmalaki sa kanyang kakinangan at kataasan, at naghangad na maging kapantay ng Diyos. Siya ay minamahal at iginagalang ng mga hukbo sa langit. Ang mga anghel ay nalulugod na sundin ang kanyang mga utos, at siya ay nadadamtan ng karunungan at kaluwalhatian nang higit sa kanilang lahat. Subalit ang Anak ng Diyos ang siyang kinikilalang Pinuno ng langit, kaisa ng Ama sa kapangyarihan at kapamahalaan. Sa lahat ng panukala ng Diyos, si Cristo ay laging kabahagi, samantalang si Lucifer ay hindi pinahihintulutang makibahagi sa mga banal na layunin. Ang tanong ng makapangyarihang anghel na ito, “Bakit si Cristo ang dapat na maging pinakamataas? Bakit Siya pinararangalan nang gayon higit kay Lucifer?” ADP 283.4
Nang iwan ni Lucifer ang kanyang lugar sa harapan ng Diyos, siya’y umalis upang ikalat ang espiritu ng kawalangkontento sa gitna ng mga anghel. Sa pagkilos nang may mahiwagang pagkasekreto, at pansamantala’y itinatago ang tunay niyang pakay sa ilalim ng anyo ng paggalang sa Diyos, sinikap niyang gisingin ang kawalang-kasiyahan sa mga kautusang namamahala sa mga makalangit na nilalang, na sinasabing ang mga ito’y nagpapataw ng mga di-kinakailangang pagbabawal. At dahil ang likas nila ay banal, kanyang iginiit na dapat sundin ng mga anghel ang mga idinidikta ng kanilang sariling kalooban. Sinikap niyang makakuha ng pagdamay para sa kanyang sarili sa pamamagitan ng pagpapakita na ang Diyos daw ay di-makatarungang nakitungo sa kanya dahil sa pagbibigay ng pinakamataas na karangalan kay Cristo. Iginiit niya na sa paghahangad ng higit na kapangyarihan at karangalan ay hindi niya pinagbabalakang itaas ang sarili kundi sinisikap niyang makuha ang kalayaan para sa lahat ng naninirahan sa langit, upang sa pamamagitan nito’y makaabot sila sa mas mataas pang kalagayan ng pamumuhay. ADP 284.1
Ang Diyos, sa Kanyang malaking kaawaan, ay matagal na nagtiis kay Lucifer. Hindi siya kaagad-agad na ibinaba sa kanyang mataas na posisyon nang una niyang pagbigyan ang espiritu ng kawalangkontento, maging noong simulan niyang iharap ang mga mali niyang sinasabi sa mga tapat na anghel. Matagal siyang pinanatili sa langit. Paulit-ulit siyang inalok ng kapatawaran sa kondisyong magsisi at magpasakop. Ang ganong mga pagsisikap na tanging ang walang-hanggang pag-ibig at karunungan lamang ang makakaisip ay nakakumbinsi sa kanya na siya’y mali. Ang espiritu ng kawalang-kontento ay hindi pa dati alam sa langit. Maging si Lucifer mismo ay hindi nakita noong una kung saan na siya natatangay; hindi niya naunawaan ang tunay na likas ng kanyang mga nararamdaman. Ngunit habang napapatunayan na wala namang dahilan ang kanyang kawalang-kasiyahan, si Lucifer ADP 284.2
ay nakumbinsi na siya’y nasa kamalian, na ang mga hinihingi ng Diyos ay matuwid, at dapat niyang aminin sa harap ng buong kalangitan na ganon nga. Kung ginawa lang sana niya ito ay nailigtas sana niya ang kanyang sarili pati na ang maraming anghel. Hindi pa niya noon lubusang kinakalag ang kanyang katapatan sa Diyos. Bagaman tinalikuran na niya ang kanyang posisyon bilang kerubing tumatakip, gayunma’y, kung ginusto niyang bumalik sa Diyos, na kinikilala ang karunungan ng Manlalalang, at masiyahang lumagay sa lugar na itinakda sa kanya ng dakilang panukala ng Diyos, sana’y naibalik siyang muli sa dati niyang tungkulin. Subalit pagmamataas ang pumigil sa kanya upang magpasakop. Mapilit niyang ipinaglaban ang sarili niyang hakbangin, nanindigang hindi niya kailangang magsisi, at lubusan niyang itinalaga ang kanyang sarili sa malaking tunggalian, laban sa Lumikha sa kanya. ADP 284.3
Ang lahat ng kapangyarihan ng matalino niyang pag-iisip ay disidido na ngayong gumawa ng pandaraya, para makuha niya ang pagdamay ng mga anghel na nasa ilalim ng kanyang pamumuno. Maging ang katunayang binigyang-babala at pinayuhan siya ni Cristo ay binaluktot niya upang makatulong sa patraydor niyang panukala. Sa mga pinakamalapit sa kanya dahil sa mapagmahal nilang pagtitiwala, ay sinabi ni Satanas na siya raw ay hinusgahan nang mali, na ang kanyang paninindigan ay hindi iginalang, at ang kalayaan raw niya ay babawasan. Mula sa pagmamali sa mga sinabi ni Cristo ay lumipat naman siya sa pag-iwas sa katotohanan at tahasang pagsisinungaling, na pinararatangan ang Anak ng Diyos na balak daw siyang ipahiya sa harap ng mga naninirahan sa langit. Sinikap din niyang makagawa ng walang-katotohanang usapin sa pagitan niya at ng mga tapat na anghel. Ang lahat ng hindi niya kayang maibagsak at lubos na makuha sa panig niya ay pinaratangan niya ng kawalang-malasakit sa mga kapakanan ng mga makalangit na nilalang. Ang mismong gawaing ginagawa niya ay ipinaratang niya sa mga nananatiling tapat sa Diyos. At para patunayan ang kanyang paratang na kawalang-katarungan ng Diyos sa kanya, gumamit siya ng pagbibigay ng maling pakahulugan sa mga sinasabi at ginagawa ng Lumikha. Palakad niya na lituhin ang mga anghel sa pamamagitan ng mga mapanlinlang na pangangatwiran tungkol sa mga layunin ng Diyos. Lahat ng malinaw ay binalutan niya ng hiwaga, at sa pamamagitan ng mahusay na pagbaluktot ay tinakpan niya ng pag-aalinlangan ang pinakamalilinaw na pahayag ni Jehova. Ang mataas niyang posisyon, dahil sa ganon kalapit na kaugnayan sa pamamahala ng Diyos, ay nagbigay ng higit na impluwensya sa kanyang mga reklamo at marami ang nahikayat na sumama sa kanya sa pagrerebelde laban sa kapangyarihan ng Langit. ADP 284.4
Sa karunungan ng Diyos ay pinahintulutan Niya si Satanas na ipagpatuloy ang kanyang gawain, hanggang sa ang espiritu ng kawalang-kontento ay mahinog at maging tahasang paghihimagsik. Kinakailangan na ang kanyang mga piano ay ganap na mabuo upang ang tunay na likas at tinutungo ng mga ito ay makita ng lahat. Si Lucifer, bilang kerubing pinahiran ay labis na dinadakila; siya ay labis na minamahal ng mga nilalang sa langit at malakas ang kanyang impluwensya sa kanila. Hindi lamang ang mga naninirahan sa langit ang saklaw ng pamamahala ng Diyos kundi ang lahat ng sanlibutang Kanyang nilikha; at inakala ni Satanas na kung madadala niya sa paghihimagsik ang mga anghel sa langit, madadala rin niya ang iba pang mga daigdig. May katusuhan niyang iniharap ang panig niya sa usapin, gamit ang pagsisinungaling at pandaraya upang makuha ang kanyang hangarin. Ang kanyang kapangyarihang dumaya ay napakatindi, at sa pamamagitan ng kanyang pagbabalatkayo sa balabal ng kasinungalingan ay nakalamang siya. Maging ang mga tapat na anghel ay hindi lubos na maunawaan ang kanyang likas, o makita kung saan patutungo ang kanyang ginagawa. ADP 285.1
Si Satanas ay talagang mataas na pinararangalan, at ang lahat niyang pagkilos ay talagang nadadamitan ng hiwaga, anupa’t mahirap mabunyag sa mga anghel ang totoong likas ng kanyang gawain. Malibang ganap na mabuo, ang kasalanan ay hindi lilitaw na masama gaya ng kung ano ito. Dati-rati ay walang lugar ang kasalanan sa sansinukob ng Diyos, at ang mga banal na nilalang ay walang alam tungkol sa likas at sa kasamaan nito. Hindi nila makita ang kakila-kilabot na ibubunga ng pagsasaisantabi sa kautusan ng Diyos. Sa pasimula ay naitago ni Satanas ang kanyang gawain sa pakunwaring pagpapanggap ng katapatan sa Diyos. Kunwari’y itinataguyod niya ang karangalan ng Diyos, ang katatagan ng Kanyang pamahalaan, at ang kabutihan ng lahat ng naninirahan sa langit. Samantalang itinatanim ang kawalang-kontento sa isipan ng mga anghel na nasa pangangasiwa niya, matalino naman niyang napalitaw na sinisikap niyang alisin ang kawalang-kontento. Nang ipilit niya na dapat magkaroon ng pagbabago sa kaayusan at sa mga kautusan ng pamahalaan ng Diyos, ito’y sa ilalim ng pagpapaniwala na ang mga ito ay kailangan upang mapanatili ang kaayusan sa langit. ADP 285.2
Sa pakikitungo ng Diyos sa kasalanan ay wala Siyang ibang magagamit kundi katuwiran at katotohanan lamang. Kayang gamitin ni Satanas ang hindi magagamit ng Diyos—pagpapaniwala at ang pandaraya. Pinagsikapan niyang pagsinungalingan ang Salita ng Diyos, at ilarawan nang mali sa mga anghel ang panukala ng pamahalaan ng Diyos, na sinasabing ang Diyos daw ay hindi makatarungan sa ginawa Niyang pagpapairal ng mga kautusan at batas sa mga naninirahan sa langit; na sa pag-uutos sa Kanyang mga nilalang na magpasakop at sumunod ay hinahangad lang Niyang maitaas ang Kanyang sarili. Kaya’t dapat maipakita sa mga naninirahan sa langit, ganon din sa lahat ng daigdig, na ang pamahalaan ng Diyos ay matuwid, at ang Kanyang kautusan ay sakdal. Pinalitaw ni Satanas na siya mismo ay nagsisikap na itaguyod ang kabutihan ng buong sansinukob. Ang tunay na karakter ng mang-aagaw, at ang tunay niyang layunin, ay dapat maunawaan ng lahat. Dapat siyang bigyan ng panahon upang ihayag ang kanyang sarili sa pamamagitan ng kanyang masasamang gawain. ADP 285.3
Ang sigalot na idinulot sa langit ng sarili niyang gawain, ay ipinaratang ni Satanas sa kautusan at pamamahala ng Diyos. Kanyang sinabi na ang lahat ng kasamaan ay bunga ng pangangasiwa ng Diyos. Kanyang iginiit na layunin niyang mas pabutihin ang mga batas ni Jehova. Kaya’t napakahalaga na patunayan niya ang likas ng kanyang mga pahayag at ipakita ang magiging bunga ng mga pinapanukala niyang pagbabago sa banal na kautusan. Kailangang hatulan siya ng sarili niyang gawain. Sa simula pa lang ay sinabi na ni Satanas na siya’y hindi naghihimagsik. Kailangang makita ng buong sansinukob ang pag-aalis ng maskara sa mandaraya. ADP 285.4
Kahit noong naipasya nang siya’y hindi na maaaring manatili pa sa langit, si Satanas ay hindi nilipol ng Walang-Hanggang Karunungan. At dahil ang paglilingkod na may pag-ibig lamang ang katanggap-tanggap sa Diyos, ang katapatan ng Kanyang mga nilalang ay dapat nakasalig sa matibay na paniniwala sa Kanyang katarungan at kagandahang-loob. Ang mga naninirahan sa langit at sa ibang mga daigdig, dahil hindi handang maunawaan ang likas o ang mga kalalabasan ng kasalanan, ay hindi sana noon nakita ang katarungan at kaawaan ng Diyos kung nilipol Niya si Satanas. Kung siya’y agad na tinapos noon, ang paglilingkod sana nila sa Diyos ay dahil sa takot sa halip na dahil sa pag-ibig. Ang impluwensya ng mandaraya ay hindi sana malilipol nang lubusan, ni lubusang mapupuksa ang espiritu ng paghihimagsik. Ang kasamaan ay kailangang pahintulutang mahinog. Para sa kabutihan ng buong sansinukob sa walang-katapusang panahon, kailangang mas lubusang mabuo ni Satanas ang kanyang mga prinsipyo, upang ang mga paratang niya laban sa pamamahala ng Diyos ay makita ng lahat ng nilalang sa tunay nitong liwanag, upang ang katarungan at kaawaan ng Diyos at ang pagiging di-nababago ng Kanyang kautusan ay hindi na pag-aalinlanganan pa magpakailanman. ADP 286.1
Ang paghihimagsik ni Satanas ay magiging isang aral sa buong sansinukob sa lahat ng darating na panahon, isang palagiang patotoo sa likas at mga kakila-kilabot na bunga ng kasalanan. Ang mga ibinunga ng pamumuno ni Satanas, ang mga epekto nito sa mga tao at sa mga anghel ay magpapakita kung ano ang magiging bunga ng pagsasaisantabi sa banal na kapamahalaan. Ito’y magpapatotoo na ang kabutihan ng lahat ng nilalang na nilikha ng Diyos ay nakatali sa pag-iral ng Kanyang pamahalaan at kautusan. Kung kaya’t ang kasaysayan ng kakila-kilabot na eksperimentong ito ng paghihimagsik ay dapat maging pananggalang sa lahat ng may-talinong banal na nilalang, upang huwag silang madaya ukol sa likas ng pagsalangsang, at upang iligtas sila mula sa paggawa ng kasalanan at pagdurusa sa kaparusahan nito. ADP 286.2
Hanggang sa pagtatapos ng tunggalian sa langit, ang matinding mang-aagaw na ito ay nagpatuloy na ipagmatuwid ang kanyang sarili. Nang ipahayag na siya, pati na ang lahat niyang kakampi, ay kina-kailangan nang paalisin mula sa tahanan ng lubos na kaligayahan, mapangahas na ipinahayag ng pinunong rebeldeng ito ang kanyang paghamak sa kautusan ng Manlalalang. Inulit-ulit niya ang kanyang pahayag na ang mga anghel ay hindi nangangailangan ng pagkontrol, kundi sila’y dapat hayaang sumunod sa sarili nilang kalooban na siyang laging gagabay sa kanila sa tama. Kanyang tinuligsa ang banal na tuntunin bilang paghihigpit sa kanilang kalayaan, at ipinahayag na layunin niya ang mapawalang-bisa ang kautusan; upang kapag nakalaya na sa paghihigpit na ito, ang mga hukbo ng langit ay makapagsimula na sa mas mataas, at mas maluwalhating kalagayan ng pamumuhay. ADP 286.3
Nagkakaisang isinising lahat ni Satanas at ng kanyang hukbo ang kanilang pagrerebelde kay Cristo, na sinasabing kung hindi lang sana sila pinagwikaan, hindi sana sila nagrebelde. Dahil ganon katigas at kasuwail sa kawalang katapatan nila, na walang-kabuluhang sinisikap na ibagsak ang pamahalaan ng Diyos, gayunma’y may kalapastanganang nagsasabing sila’y mga inosenteng biktima raw ng mapang-aping kapangyarihan, ang punong rebelde at lahat ng kanyang kakampi ay pinalayas na rin sa wakas mula sa langit. ADP 286.4
Ang espiritung iyon na nag-udyok ng paghihimagsik sa langit ay patuloy pa ring nag-uudyok ng paghihimagsik sa lupa. Ipinagpatuloy ni Satanas sa mga tao ang ganon ding patakaran na kanyang itinaguyod sa mga anghel. Ang kanyang espiritu ay naghahari ngayon sa mga taong masuwayin. Katulad niya, sinisikap nilang tibagin ang mga pagbabawal ng kautusan ng Diyos, at pinangangakuan ang mga tao ng kalayaan sa pamamagitan ng paglabag sa mga alituntunin nito. Ang pagsumbat sa kasalanan ay pumupukaw pa rin sa espiritu ng pagkamuhi at paglaban. Kapag ang mga mensahe ng babala ng Diyos ay naipaunawa na sa konsensya, inaakay ni Satanas ang mga tao na magdahilan at sikaping matamo ang pagdamay ng iba sa kanilang gawain ng kasalanan. Sa halip na itama ang kanilang mga pagkakamali, pinupukaw nila ang galit laban sa tagasaway, na para bang siya ang tanging dahilan ng kaguluhan. Mula sa panahon ng matuwid na si Abel hanggang sa ating panahon, ganyan ang espiritung ipinapakita doon sa mga nangangahas na tumuligsa sa kasalanan. ADP 286.5
Sa pamamagitan ng ganon ding maling paglalarawan sa karakter ng Diyos na ginawa niya sa langit para ang Diyos ay ituring na mabagsik at malupit, inudyukan ni Satanas ang tao para magkasala. At sa gayong pagtatagumpay, ay sinabi niya na ang mga di-makatarungang paghihigpit ng Diyos ang tumulak sa pagkakasala ng tao, gaya ng pagtulak nito sa sarili niyang paghihimagsik. ADP 287.1
Subalit inihahayag ng Walang-Hanggan mismo ang Kanyang karakter: “Ang Panginoon, isang Diyos na puspos ng kahabagan at mapagpala, hindi magagalitin, at sagana sa wagas na pag-ibig at katapatan, na nag-iingat ng wagas na pag-ibig para sa libu-libo, nagpapatawad ng kasamaan, ng pagsuway, at ng kasalanan, ngunit sa anumang paraan ay hindi ituturing na walang sala ang may sala” (Exodo 34:6, 7). ADP 287.2
Sa pagpapatalsik kay Satanas mula sa langit, ang Diyos ay naghayag ng Kanyang katarungan at pinanatili ang dangal ng Kanyang trono. Subalit nang ang tao’y magkasala dahil sa pagbibigay-daan sa mga pandaraya ng tumalikod na espiritung ito, ang Diyos ay nagbigay ng katibayan ng Kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng pagbibigay sa Kanyang bugtong na Anak upang mamatay para sa nagkasalang lahi. Sa pagtubos, ang karakter ng Diyos ay nahayag. Ipinakikita ng makapangyarihang argumento ng krus sa buong sansinukob na sa anumang paraan, ang gawain ng kasalanan na pinili ni Lucifer ay hindi maaaring iparatang sa pamamahala ng Diyos. ADP 287.3
Sa paglalaban ni Cristo at ni Satanas noong panahon ng ministeryo ng Tagapagligtas sa lupa, ang karakter ng bantog na mandaraya ay nailantad. Wala nang napakabisa pang makakapagtanggal kay Satanas mula sa pagmamahal ng mga anghel sa langit at ng buong tapat sa sansinukob kaysa sa walang-awang pakikilaban niya sa Manunubos ng sanlibutan. Ang mapangahas na kalapastanganan ng kanyang utos na siya’y sambahin ni Cristo, ang kanyang kapangahasan sa pagdadala sa Kanya sa tuktok ng bundok at sa taluktok ng templo, ang masamang tangka na nahayag nang pilitin niya Siyang magpatihulog mula sa nakakalulang taas na iyon, ang walangtulog na masamang hangarin na tumugis sa Kanya kahit saang lugar, na nag-uudyok sa puso ng mga pari at ng mga tao na tanggihan ang Kanyang pag-ibig at sa huli ay sumigaw, “Ipako Siya sa krus! Ipako Siya sa krus!” Ang lahat ng ito’y gumising sa labis na pagtataka at galit ng sansinukob. ADP 287.4
Si Satanas ang nag-udyok sa pagtatakwil ng sanlibutan kay Cristo. Ginamit ng prinsipe ng kasamaan ang lahat niyang kapangyarihan at katusuhan upang patayin si Jesus; sapagkat nakita niya na ang awa at pag-ibig ng Tagapagligtas, ang Kanyang pagkahabag at nakikiramay na kabaitan, ay naglalarawan sa karakter ng Diyos sa sanlibutan. Tinutulan ni Satanas ang bawat pag-aangking iniharap ng Anak ng Diyos at ginamit ang mga tao bilang mga kinatawan niya upang punuin ng kahirapan at kalungkutan ang buhay ng Tagapagligtas. Ang pandaraya at kasinungalingan na ginamit niya upang hadlangan ang gawain ni Jesus, ang pagkamuhing ipinakita sa pamamagitan ng mga taong masuwayin, ang kanyang malulupit na paratang laban sa Kanya na ang buhay ay isang di-mapapantayang kabutihan, lahat ay nagmula sa malalang-malala nang paghihiganti. Ang mga kinimkim na apoy ng inggit at masamang hangarin, pagkamuhi at paghihiganti ay sumambulat doon sa Kalbaryo laban sa Anak ng Diyos samantalang ang buong kalangitan ay nakamasid nang may malagim na katahimikan sa tagpong iyon. ADP 287.5
Nang ang dakilang sakripisyo ay natupad na, si Cristo ay umakyat sa kaitaasan, na tinatanggihan ang pagsamba ng mga anghel hangga’t hindi pa Niya naihaharap ang kahilingang, “Nais Kong ang mga ibinigay Mo sa Akin ay makasama Ko kung saan Ako naroroon” (Juan 17:24). At pagkatapos, sa di-maipahayag na pagmamahal at kapangyarihan ay dumating ang sagot mula sa trono ng Ama, “Sambahin Siya ng lahat ng mga anghel ng Diyos” (Hebreo 1:6). Wala ni isa mang kapintasan ang napasa kay Jesus. Ang paghamak sa Kanya ay tapos na, ang Kanyang sakripisyo ay nayari na, at Siya’y binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan (Filipos 2:9). ADP 287.6
Ngayon ang kasalanan ni Satanas ay nakitang walang maidadahilan. Ibinunyag niya ang tunay niyang likas bilang isang sinungaling at mamamatay-tao. Noo’y nakita na ang espiritu rin mismong iyon na ginamit niya upang pamahalaan ang mga taong nasa ilalim ng kapangyarihan niya ay ihahayag din niya kung siya’y pinahintulutang kontrolin ang mga naninirahan sa langit. Kanyang sinabi na ang paglabag sa kautusan ng Diyos ay maghahatid ng kalayaan at pagkakataas; ngunit nakitang ito’y nagresulta sa pagkaalipin at pagkakababa. ADP 288.1
Ang mga kasinungalingang paratang ni Satanas laban sa karakter at pamamahala ng Diyos ay lumitaw sa tunay nitong liwanag. Pinaratangan niya ang Diyos ng paghahangad na maitaas lamang ang Kanyang sarili sa pag-uutos sa Kanyang mga nilalang na magpasakop at sumunod, at sinabi na samantalang iniuutos ng Manlalalang ang pagtanggi sa sarili sa lahat ng iba pa, Siya naman mismo ay hindi tumatanggi sa sarili at walang ginagawang sakripisyo. Ngayo’y nakita, na para sa kaligtasan ng bumagsak at makasalanang lahi, ang Pinuno ng sansinukob ay gumawa ng pinakamalaking sakripisyong magagawa ng pag-ibig; sapagkat, “kay Cristo ay pinagkasundo ng Diyos ang sanlibutan at ang Kanyang sarili” (2 Corinto 5:19). Nakita rin na bagaman binuksan ni Lucifer ang pintuan para makapasok ang kasalanan dahil sa kanyang paghaha-ngad ng karangalan at pangingibabaw, si Cristo naman ay nagpakababa sa Kanyang sarili at naging masunurin hanggang sa kamatayan, upang lipulin ang kasalanan (Filipos 2:8). ADP 288.2
Ipinakita ng Diyos ang Kanyang pagkasuklam sa mga prinsipyo ng paghihimagsik. Nakita ng buong kalangitan na hayag ang Kanyang katarungan, kapwa sa pagkakagawad ng hatol kay Satanas at sa pagkakatubos sa tao. Sinabi ni Lucifer na kung ang kautusan ng Diyos ay hindi mababago, at ang kaparusahan nito ay hindi mapapatawad, ang bawat lumalabag ay kinakailangang walang-hanggang pigilan mula sa kabutihang-loob ng Manlalalang. Kanyang sinabi na ang nagkasalang lahi ay napalagay sa isang kalagayang hindi na matutubos pa, kung kaya’t sila’y makatwirang biktima niya. Subalit ang kamatayan ni Cristo ay isang argumentong para sa kapakanan ng tao na hindi mapapabagsak. Ang parusa ng kautusan ay napaatang sa Kanya, sa Kanya na kapantay ng Diyos, at ang tao ay malayang tumanggap sa katuwiran ni Cristo, at sa pamamagitan ng buhay na nagsisisi at nagpapakababa ay managumpay gaya ng pananagumpay ng Anak ng Diyos laban sa kapangyarihan ni Satanas. Kaya’t ang Diyos ay matuwid, at tagaaring-ganap ng lahat ng nananampalataya kay Jesus (Roma 3:26). ADP 288.3
Ngunit ang ipinarito ni Cristo sa lupa para maghirap at mamatay ay hindi lamang ang maisagawa ang katubusan ng tao. Naparito Siya upang “dakilain ang Kanyang kautusan” at “gawing marangal” (Isaias 42:21). Hindi lamang para ituring ng mga naninirahan sa sanlibutan ang kautusan ayon sa nararapat; kundi upang ipakita sa lahat ng daigdig sa buong sansinukob na ang kautusan ng Diyos ay hindi mababago. Kung puwede lang sanang isaisantabi ang mga pag-aangkin nito, hindi na sana kailangan pang ibigay ng Anak ng Diyos ang Kanyang buhay upang ipantubos sa pagkakalabag dito. Ang kamatayan ni Cristo ay nagpapatunay na ito’y hindi mababago. At ang sakripisyong ibinunsod sa Ama at sa Anak ng walang-hanggang pag-ibig, upang matubos ang mga makasalanan, ay naghahayag sa buong sansinukob—ng bagay na wala nang ibang makakasapat na gumawa maliban sa panukalang ito ng pagtubos—na ang katarungan at kaawaan ay siyang saligan ng kautusan at pamahalaan ng Diyos. ADP 288.4
Sa pinakahuling paggawad ng hatol ay makikitang walang umiiral na dahilan para sa kasalanan. Kapag itatanong na ng Hukom ng buong lupa kay Satanas, “Bakit ka naghimagsik sa Akin at inagawan Ako ng mga sakop ng Aking kaharian?” Walang maibibigay na dahilan ang pasimuno ng kasamaan. Ang bawat bibig ay matatahimik at ang buong hukbo ng paghihimagsik ay hindi makakapagsalita. ADP 288.5
Samantalang sinasabi ng krus ng Kalbaryo na ang kautusan ay hindi mababago, ipinahahayag din nito sa buong sansinukob na ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan. Noong bago malagutan ng hininga, ang Tagapagligtas ay sumigaw, “Natupad na,” ang kampana para sa kamatayan ni Satanas ay pinatunog. Ang malaking tunggalian na matagal nang nagpapatuloy ay napagpasyahan na doon, at ang pangwakas na paglipol sa kasamaan ay natiyak. Ang Anak ng Diyos ay dumaan sa pintuan ng libingan, upang “sa pamamagitan ng kamatayan ay Kanyang mapuksa ang may kapangyarihan sa kamatayan, samakatuwid ay ang diyablo” (Hebreo 2:14). Ang hangarin ni Lucifer na maitaas ang sarili ang siyang nagtulak sa kanya upang sabihin, “Aking itatatag ang aking trono sa itaas ng mga bituin ng Diyos.... Ako’y magiging gaya ng Kataas-taasan” (Isaias 14:13, 14). Sinasabi ng Diyos, Gagawin kitang “abo sa ibabaw ng lupa,...at ikaw ay hindi na mabubuhay pa” (Ezekiel 28:18, 19). Kapag “ang araw ay dumarating na gaya ng nagniningas na pugon,...lahat ng palalo at lahat ng gumagawa ng masama ay magiging parang ipa, at ang araw na dumarating ang susunog sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, anupa’t hindi mag-iiwan sa kanila ng ugat ni sanga man” (Malakias 4:1). ADP 289.1
Ang buong sansinukob ay magiging mga saksi sa likas at mga bunga ng kasalanan. At ang lubusang paglipol dito, na kung ginawa noong una ay baka naghatid ng takot sa mga anghel at kasiraang-puri sa Diyos, ngayon ay magpapatunay sa Kanyang pag-ibig at magtatatag sa Kanyang karangalan sa sansinukob ng mga nilalang na nalulugod sumunod sa Kanyang kalooban, at ang mga puso’y kinaroroonan ng Kanyang kautusan. Hindi na muling lilitaw kailanman ang kasamaan. Sinasabi ng Salita ng Diyos, “Ang pagdadalamhati ay hindi titindig ng dalawang ulit” (Nahum 1:9). Ang kautusan ng Diyos na siniraan ni Satanas sa pagsasabing ito’y pamatok ng pagkaalipin, ay pararangalan bilang kautusan ng kalayaan. Ang subok at napatunayang mga nilalang, ay hindi na muling mababaling pa mula sa pagtatapat sa Kanya, na ang karakter ay lubos na nahayag sa kanila bilang di-matarok na pag-ibig at walang-hanggang karunungan. ADP 289.2