Ang kaugnayan ng nakikitang daigdig sa di-nakikitang daigdig, ang paglilingkod ng mga anghel ng Diyos at ang ahensya ng masasamang espiritu, ay maliwanag na inihahayag sa Kasulatan, at sadyang nakahabi sa kasaysayan ng sangkatauhan. May lumalaking hilig na huwag paniwalaan ang pagkakaroon ng masasamang espiritu, samantalang ang mga banal na anghel naman na naglilingkod “sa kapakanan ng mga magmamana ng kaligtasan” (Hebreo 1:14), ay ipinalalagay ng marami na espiritu raw ng mga patay. Ngunit hindi lamang itinuturo ng Kasulatan ang pagkakaroon ng mga anghel, kapwa mabuti at masama, kundi nagbibigay pa ng mga di-mapagdududahang patunay na ang mga ito’y hindi mga espiritung humiwalay sa katawan ng mga patay. ADP 293.1
Bago pa lalangin ang tao, ay meron nang mga anghel; sapagkat nang itatag ang mga pundasyon ng lupa, “sama-samang umawit ang mga tala sa umaga, at ang lahat ng mga anak ng Diyos ay nagsigawan sa tuwa” (Job 38:7). Pagkatapos na magkasala ang tao, may mga anghel na isinugo upang bantayan ang punungkahoy ng buhay, at ito’y bago pa man may mamatay na tao. Ang mga anghel ay mas mataas ang likas kaysa tao; sapagkat sinasabi ng mang-aawit na ang tao’y ginawang “mababa lamang nang kaunti kaysa [mga anghel]” (Awit 8:5). ADP 293.2
Ipinaaalam sa atin ng Kasulatan ang tungkol sa dami, at sa kapangyarihan at kaluwalhatian ng mga makalangit na nilalang, ng kanilang kaugnayan sa pamahalaan ng Diyos, at pati ng kanilang kinalaman sa gawain ng pagtubos. “Itinatag ng Panginoon ang Kanyang trono sa mga kalangitan, at naghahari sa lahat ang Kanyang kaharian.” At ang sabi ng propeta, “Nakita ko at narinig ang tinig ng maraming mga anghel sa palibot ng trono.” Sa silid ng presensya ng Hari ng mga hari sila’y nag-aantabay—“mga anghel Niya;...makapangyarihan sa kalakasan,” “mga lingkod Niya na nagsisigawa ng Kanyang kalooban,” “na nakikinig sa tinig ng Kanyang Salita” (Awit 103:19-21; Apocalipsis 5:11). Sampung libong ulit ng sampung libo at libu-libo ng libu-libo ang mga makalangit na mensaherong nakita ni propeta Daniel. Sinabi ni apostol Pablo na sila’y “di-mabilang na hukbo” (Daniel 7:10; Hebreo 12:22). Bilang mga mensahero ng Diyos, sila’y humahayo na “parang kislap ng kidlat” (Ezekiel 1:14), talagang nakakasilaw ang kanilang kaluwalhatian at napakabilis ng kanilang paglipad. Ang anghel na nagpakita sa libingan ng Tagapagligtas, na ang anyo ay “tulad sa kidlat at ang kanyang pananamit ay maputing parang busilak,” ay ikinanginig ng mga bantay dahil sa takot sa kanya, at sila’y “naging tulad sa mga patay” (Mateo 28:3, 4). Noong siraa’t lapastanganin ang Diyos ng mapagmalaking Asirianong si Senakerib, at nagbantang wawasakin ang Israel, “nang gabing iyon ang anghel ng Panginoon ay lumabas at pumatay ng isandaan at walumpu’t limang libo sa kampo ng mga taga-Asiria.” May mga namatay “sa lahat ng malalakas na mandirigma, at mga pinuno ng mga punong kawal” sa hukbo ni Senakerib. “Kaya’t siya’y bumalik sa kanyang sariling lupain na nahihiya” (2 Hari 19:35; 2 Cronica 32:21). ADP 293.3
Ang mga anghel ay isinusugo para sa mga misyon ng kahabagan sa mga anak ng Diyos. Kay Abraham, dala ang mga pangako ng pagpapala; sa pintuang-bayan ng Sodoma, upang iligtas ang matuwid na si Lot mula sa nag-aapoy na kawakasan nito; kay Elias, nang siya’y halos mamatay na sa pagod at gutom sa ilang; kay Eliseo, nasa mga karwahe’t kabayong apoy na nakapalibot sa maliit na bayan kung saan siya’y nakulong ng kanyang mga kaaway; kay Daniel, habang hinihingi ang karunungan ng Diyos doon sa bulwagan ng paganong hari, o noong siya’y ihagis para maging biktima ng mga leon; kay Pedro, na hinatulan ng kamatayan sa bartolina ni Herodes; sa mga bilanggo sa Filipos; kay Pablo at sa kanyang mga kasamahan noong gabing mabagyo sa dagat; para buksan ang isipan ni Cornelio upang tanggapin ang ebanghelyo; para isugo si Pedro dala ang pabalita ng kaligtasan sa mga di-kakilalang Hentil—sa ganyang paraan ang mga banal na anghel, sa lahat ng panahon, ay naglingkod sa bayan ng Diyos. ADP 293.4
Isang bantay na anghel ang itinatalaga sa bawat tagasunod ni Cristo. Ang mga makalangit na bantay na ito ang nagsasanggalang sa mga matuwid mula sa kapangyarihan ng kasamaan. Ito ang napansin ni Satanas mismo nang sabihin niya, “Natatakot ba si Job sa Diyos nang walang kapalit? Hindi ba’t binakuran Mo siya at ang kanyang sambahayan, at ang lahat ng nasa kanya sa bawat dako?” (Job 1:9, 10). Ang ahensya na ipinangsasanggalang ng Diyos sa Kanyang bayan ay inihahayag sa mga salita ng mang-aawit: “Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay sa palibot ng mga natatakot sa Kanya, at inililigtas sila” (Awit 34:7). Ang sabi ng Tagapagligtas nang magsalita tungkol sa mga nananampalataya sa Kanya: “Pag-ingatan ninyong huwag hamakin ang isa man sa maliliit na ito, sapagkat sinasabi Ko sa inyo, ang kanilang mga anghel sa langit ay patuloy na nakikita ang mukha ng Aking Ama na nasa langit” (Mateo 18:10). Ang mga anghel na itinalagang maglingkod sa mga anak ng Diyos ay laging nakakalapit sa Kanyang harapan. ADP 294.1
Kaya’t ang bayan ng Diyos na lantad sa mga mapandayang kapangyarihan at walang-tulog na masamang balak ng prinsipe ng kadiliman, at nakikilaban sa buong hukbo ng kasamaan, ay nakatitiyak sa walang-tigil na pagbabantay ng mga anghel sa langit. At hindi ibinibigay ang ganyang katiyakan kung walang pangangailangan. Kung nagbigay man ang Diyos ng pangakong biyaya at pag-iingat sa Kanyang mga anak, iyan ay dahil may mga makapangyarihang ahensya ng kasamaan na dapat sagupain—mga ahensyang napakarami, buo ang loob, walang-pagod, na sa kasamaa’t kapangyarihan nila ay walang sinumang ligtas na magmamaang-maangan o magwawalang-bahala. ADP 294.2
Ang mga masasamang espiritu, na sa pasimula’y nilikhang walang-kasalanan, ay kapantay sa likas, kapangyarihan, at kaluwalhatian ng mga banal na anghel na ngayo’y mga mensahero ng Diyos. Ngunit nang bumagsak dahil sa kasalanan, sila’y nagsanib para siraan ang Diyos at wasakin ang mga tao. Dahil nakiisa kay Satanas sa kanyang paghihimagsik, at kasama niyang pinalayas sa langit, sila’y nakipagtulungan sa kanya, sa lahat ng sumunod na panahon, sa kanyang pakikilaban sa awtoridad ng Diyos. Sinasabi sa atin ng Kasulatan ang tungkol sa kanilang samahan at pamahalaan, ang tungkol sa iba’t iba nilang grupo, sa kanilang katalinuha’t katusuhan, at tungkol sa kanilang masasamang balak laban sa kapayapaan at kaligayahan ng mga tao. ADP 294.3
Ang kasaysayan ng Lumang Tipan ay bumabanggit paminsan-minsan ng tungkol sa pag-iral at pagkilos nila; ngunit noon lamang panahong si Cristo ay narito sa ibabaw ng lupa ipinakita ng masasamang espiritu ang kanilang kapangyarihan sa kapansin-pansing paraan. Si Cristo ay naparito upang simulan ang panukalang pinag-isipan para sa katubusan ng tao, kaya’t ipinasya ni Satanas na igiit ang kanyang karapatang maghari sa sanlibutan. Siya’y matagumpay sa pagtatatag ng pagsamba sa diyus-diyosan sa lahat ng sulok ng lupa maliban sa lupain ng Palestina. Sa nag-iisang lupain na hindi lubusang nagpasakop sa kapangyarihan ng manunukso ay dumating si Cristo upang isabog sa mga tao ang liwanag ng langit. Dito’y may dalawang magkaagaw na kapangyarihan na nagangkin sa paghahari. Iniunat ni Jesus ang Kanyang mapagmahal na mga kamay, na inaanyayahan ang lahat ng gustong makasumpong ng kapatawara’t kapayapaan sa Kanya. Nakita ng mga hukbo ng kadiliman na hindi nila hawak ang walang-limitasyong kapangyarihan at alam nila na kung magtatagumpay ang misyon ni Cristo, ang pamumuno nila’y mawawakasan agad. Si Satanas ay galit na galit gaya ng isang leong nakatali sa kadena, at mapanghamong ipinakita ang kanyang kapangyarihan sa katawan at ganon din sa kaluluwa ng mga tao. ADP 294.4
Ang katotohanan na ang mga tao’y talagang inaalihan ng mga demonyo ay malinaw na sinasabi sa Bagong Tipan. Ang mga taong pinahihirapan nang ganito ay hindi nagdurusa lamang sa sakit na may mga natural na sanhi. Si Cristo ay may lubos na kaalaman sa bagay na pinakikitunguhan Niya, at kinikilala Niya ang totoong presensya at ahensya ng masasamang espiritu. ADP 294.5
Ang isang kapansin-pansing halimbawa ng kanilang dami, kapangyarihan, at kasamaan, at ganon din ng kapangyariha’t kahabagan ni Cristo ay ipinapakita sa salaysay ng Kasulatan tungkol sa pagpapagaling sa dalawang inalihan ng mga demonyo sa Gadara. Ang mga kaawaawang inalihang iyon, na ayaw magpapigil, namimilipit, bumubula ang bibig, at nagngangalit, ay nagsisisigaw, sinasaktan ang kanilang sarili, at isinasapanganib ang lahat ng lalapit sa kanila. Ang kanilang dugua’t pumangit nang katawan, at nalilitong isipan ay nagbigay ng isang tanawing kalugud-lugod sa prinsipe ng kadiliman. Ang isa sa mga demonyong kumukontrol sa mga nagdurusang iyon ay nagsabi, “Lehiyon ang pangalan ko sapagkat marami kami” (Marcos 5:9). Sa hukbong Romano, ang isang lehiyon ay binubuo ng mula tatlo hanggang limang libong kawal. Ang mga hukbo ni Satanas ay nakaayos din nang pulu-pulutong, at ang isang pulutong na kinabibilangan ng mga demonyong ito ay may daming hindi kukulangin sa isang lehiyon. ADP 295.1
Sa utos ni Jesus ay nagsialis ang masasamang espiritu sa kanilang mga biktima, iniwan silang nakaupo nang payapa sa paanan ng Tagapagligtas, maamo, may katinuan, at mabait. Subalit ang mga demonyo ay pinahintulutang tangayin ang isang kawan ng baboy sa dagat; ngunit sa mga nakatira sa Gadara, ang pagkawala ng mga ito ay mas matimbang pa kaysa mga pagpapalang ibinigay ni Cristo, at ang banal na Manggagamot ay pinakiusapang umalis doon. Ito ang resultang gustong makuha ni Satanas. Pinukaw niya ang mga makasariling pangamba ng mga tao at hinadlangan silang makinig sa mga salita ni Jesus sa pamamagitan ng pagbunton sa Kanya ng sisi sa kalugihan nila. Ang mga Kristiyano ay lagi nang inaakusahan ni Satanas na siyang dahilan ng kalugihan, kasamaang-palad, at paghihirap, sa halip na hayaang lumagpak ang sisi kung kanino ito dapat bumagsak—sa kanyang sarili at sa kanyang mga alagad. ADP 295.2
Subalit hindi nabigo ang mga layunin ni Cristo. Pinayagan Niya ang masasamang espiritu na lipulin ang kawan ng baboy bilang saway sa mga Judiong iyon na nag-aalaga ng maruruming hayop na ito para lamang kumita. Kung hindi ni Cristo pinigilan ang mga demonyo ay hindi lamang ang mga baboy, kundi pati ang mga nag-aalaga at mga may-ari nito ang inihulog nila sa dagat. Ang pagkakaligtas ng mga nag-aalaga pati ng mga may-ari ay dahil lamang sa Kanyang kapangyarihan, na buong kahabagang ginamit sa ikaliligtas nila. Bukod dito, pinahintulutan Niyang maganap ang pangyayaring ito upang masaksihan ng Kanyang mga alagad ang malupit na kapangyarihan ni Satanas kapwa sa tao at sa hayop. Nais ng Tagapagligtas na ang Kanyang mga tagasunod ay makaalam ng tungkol sa kaaway na masasagupa nila, upang sila’y huwag madaya at madaig ng kanyang mga pakana. Kalooban din Niya na makita ng mga tagaroon ang kapangyarihan Niyang alisin ang pang-aalipin ni Satanas at pakawalan ang kanyang mga bihag. At bagaman si Jesus mismo ay umalis, ang dalawang lalaki na talagang mahiwagang naligtas, ay naiwan upang ibalita ang kahabagan ng kanilang Tagapagpala. ADP 295.3
Ang iba pang mga halimbawa na kauri nito ay nakatala sa Kasulatan. Yung anak ng babaing taga-Syro-Phoenicia ay labis na pinahirapan ng isang diyablo, na pinalayas ni Jesus sa pamamagitan ng Kanyang salita (Marcos 7:26-30). Yung “isang bulag at pipi na inaalihan ng demonyo” (Mateo 12:22); yung isang kabataan na may piping espiritu, na madalas na “siya’y inihahagis nito sa apoy at sa tubig, upang siya’y puksain” (Marcos 9:17-27); yung baliw, na dahil pinahihirapan ng “espiritu ng karumaldumal na demonyo” (Lucas 4:33-36), ay ginambala ang katahimikan ng Sabbath sa sinagoga sa Capernaum—lahat ng ito’y pinagaling ng mahabaging Tagapagligtas. Sa halos lahat ng pangyayaring iyan, kinausap ni Cristo ang demonyo bilang isang may-talinong nilalang, na inuutusan siyang lumabas sa kanyang biktima at huwag na uli siyang pahirapan. Ang mga sumasamba doon sa Capernaum, nang makita ang Kanyang kapangyarihan, ay “namangha silang lahat at sinabi sa isa’t isa, ‘Anong salita ito? Sapagkat may awtoridad at kapangyarihang inuutusan Niya ang masasamang espiritu at lumalabas sila’ ” (Lucas 4:36). ADP 295.4
Yung mga inaalihan ng mga demonyo ay karaniwang inilalarawan na isang nilalang na nasa kalagayan ng matinding paghihirap; pero merong mga hindi kasama sa kategoryang ito. Ang iba’y malugod na tinatanggap ang impluwensya ni Satanas para lamang magkaroon ng pambihirang kapangyarihan. Ang mga ito siyempre ay hindi kalaban ng mga demonyo. Kabilang sa uring ito ay yung mga taong nagtataglay ng masamang espiritu ng panghuhula, gaya ni Simon Magus, ni Elimas na salamangkero, at yung batang babaing sunod nang sunod kina Pablo at Silas sa Filipos. ADP 296.1
Wala nang nasa mas malaki pang panganib na maimpluwensyahan ng masasamang espiritu kaysa roon sa mga ayaw maniwala sa pag-iral at sa ahensya ng diyablo at ng kanyang mga anghel, sa kabila ng malinaw at napakaraming patotoo ng Biblia. Hangga’t wala tayong alam sa kanilang mga pandaraya, meron silang halos mahirap paniwalaang kalamangan; marami ang nakikinig sa mga mungkahi nila, samantalang ang akala nila’y mga dikta ng sarili nilang karunungan ang kanilang sinusunod. Ito ang dahilan kung bakit habang tayo’y papalapit na sa katapusan ng panahon, kung saan si Satanas ay gagawa na ng may dakilang kapangyarihan upang mandaya’t pumuksa, kanyang ikinakalat kahit saan ang paniniwala na walang Satanas. Palakad niya ang ilihim ang kanyang sarili at ang paraan ng kanyang paggawa. ADP 296.2
Wala nang iba pang labis na ikinatatakot ng dakilang mandaraya kaysa yung malaman natin ang kanyang mga pakana. Para mas maikubli nang maigi ang kanyang tunay na likas at mga layunin, ginawa niyang siya’y talagang ipakilala sa paraang hindi makakapukaw ng mas matindi pang damdamin kaysa sa pagtatawa at paglait lamang. Mas nasisiyahan siyang ipinta siya na gaya ng nakakatawa o kaya’y nakakasuklam na bagay, pangit ang hitsura, kalahating hayop at kalahating tao. Natutuwa siyang marinig na ginagamit ang kanyang pangalan sa mga pagbibiro at panlilibak nung mga nag-aakalang sila’y matatalino at maraming alam. ADP 296.3
Nailihim kasi niya ang kanyang sarili nang may lubos na kahusayan kaya’t napakaraming nagtatanong, “Meron ba talagang ganyang uri ng nilalang?” Isang katibayan ng kanyang tagumpay ang pangkalahatan talagang pagtanggap ng daigdig ng relihiyon sa mga haka-hakang nagpapasinungaling sa pinakamalinaw na patotoo ng mga Kasulatan. At kung bakit ang Salita ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng napakaraming halimbawa ng napakasamang gawain ni Satanas, na inilalantad sa atin ang natatago niyang puwersa, at sa gayo’y inihahanda tayo laban sa kanyang mga pagsalakay, ay dahil kaya niyang kontrolin agad-agad ang isipan nung mga walang-alam sa kanyang impluwensya. ADP 296.4
Dapat lang nga talagang mabahala tayo sa kapangyariha’t kasamaan ni Satanas at ng kanyang hukbo, kung hindi lang dahil nakakasumpong tayo ng kanlunga’t kaligtasan sa nakahihigit na kapangya-rihan ng ating Manunubos. Sinasarhan nating maigi ang ating mga bahay, gamit ang mga kandado’t susian upang ingatan ang ating mga ari-aria’t buhay mula sa masasamang tao; ngunit bihira nating iniisip ang tungkol sa masasamang anghel na laging nagsisikap na makapasok sa atin, na laban sa kanilang mga pagsalakay ay wala tayong anumang paraan ng pagtatanggol, sa ating sariling lakas. Kung papayagan lamang, kaya nilang lituhin ang ating mga pag-iisip, sirain at pahirapan ang ating mga katawan, wasakin ang ating mga ari-arian at ang ating buhay. Ang tanging kasiyahan nila ay nasa pag-hihirap at pagkawasak. Nakakatakot ang kalagayan nung mga tumututol sa mga sinasabi ng Diyos at bumibigay sa mga tukso ni Satanas, hanggang sila’y pabayaan ng Diyos sa kontrol ng masasamang espiritu. Ngunit yung mga sumusunod kay Cristo ay laging ligtas sa ilalim ng Kanyang pagkalinga. Ang mga anghel na makapangyarihan sa kalakasan ay isinusugo mula sa langit upang sila’y ipagsanggalang. Ang masama ay di-makakalusot sa bantay na inilagay ng Diyos sa palibot ng Kanyang bayan. ADP 296.5