Ang malaking tunggalian sa pagitan ni Cristo at ni Satanas, na halos 6,000 taon nang nagpapatuloy, ay malapit nang magtapos; kaya’t pinag-iibayo ng diyablo ang kanyang mga pagsisikap upang biguin ang gawain ni Cristo para sa kapakanan ng tao at upang ipirmi ang mga kaluluwa sa kanyang mga bitag. Ang pigilan ang mga tao sa kadiliman at sa kawalang-pagsisisi hanggang matapos ang pamamagitan ng Tagapagligtas, at mawalan na ng handog para sa kasalanan, ay siyang layuning hangad niyang maisagawa. ADP 297.1
Kapag walang natatanging pagsisikap na ginagawa upang labanan ang kanyang kapangyarihan, kapag ang kawalang-malasakit ay laganap sa iglesya at sa sanlibutan, si Satanas ay hindi nababahala; sapagkat walang panganib na mawala sa kanya yung mga dinadala niyang bihag sa kanyang kagustuhan. Subalit kapag natatawag ang pansin sa mga walang-hanggang bagay, at ang mga kaluluwa ay nagtatanong, “Anong dapat kong gawin upang maligtas?” siya’y nariyan agad, pinagsisikapang itapat ang kanyang kapangyarihan sa kapangyarihan ni Cristo, at hinahadlangan ang gawain ng Banal na Espiritu. ADP 297.2
Sinasabi ng Kasulatan na minsan, noong ang mga anghel ng Diyos ay dumating upang humarap sa Panginoon, si Satanas ay dumating din kasama nila (Job 1:6), hindi para yumukod sa harap ng WalangHanggang Hari, kundi upang mas palawakin pa ang sarili niyang masasamang balak laban sa mga matuwid. Sa layunin ding iyon, siya’y dumadalo kapag ang mga tao ay nagtitipon para sambahin ang Diyos. Bagaman hindi nakikita, siya’y gumagawa nang buong sikap upang kontrolin ang isipan ng mga sumasamba. Gaya ng isang mahusay na heneral, inilalatag muna niya ang kanyang mga piano. Kapag nakita niyang nagsasaliksik ng Kasulatan ang tagapagsalita ng Diyos, tinatandaan niya ang paksang ipangangaral nito sa mga tao. At pagkatapos ay gagamitin niya ang lahat niyang husay at katusuhan para makontrol ang mga pangyayari upang hindi maabot ng mensahe yung mga dinadaya niya sa oras mismong iyon. Ang taong higit na nangangailangan ng babala ay tatawagan sa isang transaksyong pangnegosyo na kailangan niyang asikasuhin, o kaya’y sa iba pang paraa’y hahadlangang makapakinig ng mga salitang sa kanya’y magiging halimuyak ng buhay tungo sa buhay. ADP 297.3
Muli’y makikita ni Satanas na ang mga lingkod ng Diyos ay nabibigatan dahil sa kadilimang espirituwal na lumulukob sa mga tao. Pinakikinggan niya ang mga taimtim nilang panalangin para sa banal na biyaya at kapangyarihang makakabasag sa gayuma ng kawalang-malasakit, kapabayaan, at katamaran. At pagkatapos ay gagamitin niya ang kanyang mga paraan nang may panibagong sigla. Tinutukso niya ang mga tao na magpakalayaw sa panlasa o kaya’y sa iba pang uri ng pagpapalayaw sa sarili, sa gayo’y napapamanhid ang kakayahan nilang makaramdam, anupa’t hindi na nila marinig ang mismong mga bagay na kailangangkailangan nilang matutunan. ADP 297.4
Alam na alam ni Satanas na ang lahat ng maaakay niyang magpabaya sa panalangin at sa pagsasaliksik ng Biblia ay madadaig ng kanyang mga pagsalakay. Kung kaya’t iniimbento niya ang lahat ng posibleng pakana upang libangin ang isipan. Lagi nang may mga taong nagpapanggap ng kabanalan, na sa halip na patuloy pang alamin ang katotohanan, ay ginagawang relihiyon ang maghanap ng kapintasan sa ugali o kamalian sa pananampalataya nung mga hindi nila kasundo. ‘Yan ang mga kanang-kamay ni Satanas. Ang mga tagaparatang sa mga kapatid ay hindi iilan; at sila’y laging gising kapag ang Diyos ay gumagawa at ang Kanyang mga lingkod ay nag-uukol sa Kanya ng tunay na pagsamba. Sila’y magbibigay ng maling kulay sa mga sinasabi at ginagawa nung mga nagmamahal at sumusunod sa katotohanan. Kanilang sasabihin na nadaya o kaya’y mandaraya ang mga pinakatapat, pinakamasigasig, at pinakamapagtanggisa-sariling lingkod ni Cristo. Gawain nila ang maliin ang mga motibo ng bawat tunay at marangal na gawain, ang magkalat ng mga pasaring, at papaghinalain ang mga baguhan. Sa bawat maisip na paraan, pagsisikapan nilang ituring ng mga tao na napakasama’t mapandaya ang kung anong malinis at matuwid. ADP 297.5
Ngunit walang dapat na madaya tungkol sa kanila. Maaaring makita agad kung kanino silang mga anak, kung kaninong halimbawa ang ginagaya nila, at kung kaninong gawain ang ginagawa nila. “Makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga” (Mateo 7:16). Ang kanilang gawain ay katulad nung kay Satanas, ang makamandag na maninirang-puri, “ang tagapagparatang sa ating mga kapatid” (Apocalipsis 12:10). ADP 298.1
Ang dakilang mandaraya ay maraming alagad na handang magharap ng lahat na ng uri ng kamalian para bitagin ang mga kaluluwa—mga kakaibang doktrinang ginawa upang umakma sa iba’t ibang kagustuhan at kakayahan nung mga gusto niyang ipahamak. Panukala niyang magpasok sa iglesya ng hindi tapat, at hindinabagong mga tao na siyang magsusulsol ng pag-aalinlangan at di-paniniwala, at hahadlang sa lahat ng gustong makitang sumusulong ang gawain ng Diyos, at lumago rin kasabay nito. Maraming walang tunay na pananampalataya sa Diyos o sa Kanyang Salita ang sumasang-ayon sa ilang prinsipyo ng katotohanan at pumapasa bilang mga Kristiyano, at sa gayo’y naipapasok nila ang kanilang mga kamalian bilang mga doktrina ng Kasulatan. ADP 298.2
Ang paninindigang hindi naman daw mahalaga kung ano ang pinaniniwalaan ng isang tao ay isa sa mga pinakamatagumpay na pandaraya ni Satanas. Alam niya na ang katotohanan, kapag tinanggap dahil sa pagmamahal dito ay nagpapabanal sa kaluluwa ng tumatanggap nito; kaya nga’t palagi niyang sinisikap na palitan ito ng mga maling teorya, mga katha, at kakaibang ebanghelyo. Mula pa sa pasimula ay nakikipaglaban na ang mga lingkod ng Diyos sa mga bulaang tagapagturo, hindi lang bilang mga taong mapanira, kundi bilang mga tagapagkintal sa isip ng mga kasinungalingang nakakapinsala sa kaluluwa. Si Elias, si Jeremias, si Pablo, ay buong-tibay at walang-takot na nilabanan yung mga naglalayo sa mga tao sa Salita ng Diyos. Ang pagiging liberal na iyon na nagtuturing na hindi na mahalaga ang tamang pananampalatayang relihiyon ay hindi sinang-ayunan ng mga banal na tagapagtanggol na ito ng katotohanan. ADP 298.3
Ang malalabo at kakaibang pagpapaliwanag sa Kasulatan, at ang maraming salu-salungat na teorya hinggil sa pananampalatayang panrelihiyon na makikita sa daigdig ng Kristiyanismo, ay gawa ng ating dakilang kaaway upang lituhin ang mga isipan para huwag nilang maunawaan ang katotohanan. At sa malaking bahagi, ang di-pagkakasundo at pagkakahatihating umiiral sa gitna ng mga iglesya ng Sangkakristiyanuhan ay dahil sa laganap na kaugalian ng pagbaluktot sa mga Kasulatan upang masuportahan ang isang paboritong teorya. Sa halip na pag-aralang mabuti ang Salita ng Diyos nang may kapakumbabaan ng puso upang magkaroon ng pagkaalam sa Kanyang kalooban, ang marami’y hangad lamang na makatuklas ng anumang naiiba o bago. ADP 298.4
Upang mapanindigan ang mga maling aral o ang mga hindi maka-Kristiyanong gawain ay gagamit sila ng mga talata sa Kasulatan na malayo sa konteksto, siguro’y sisipiin ang kalahati lang ng iisang talata bilang patotoo sa kanilang puntos, samantalang ipinapakita ng natitirang bahagi ng talata na ang kahulugan ay talagang kabaligtaran. Taglay ang katusuhan ng ahas, ipinagsasanggalang nila ang kanilang sarili sa likod ng mga putul-putol na pinagsasasabi nila na ipinakahulugan nila upang umangkop sa mga makalaman nilang kagustuhan. Ganyan sadyang binabaligtad ng marami ang Salita ng Diyos. Ang iba namang may aktibong imahinasyon ay gagamit ng mga sagisag at simbolo ng Banal na Kasulatan, at bibigyang-kahulugan ang mga ito upang umangkop sa kanilang kagustuhan, nang hindi pinahahalagahan ang mga patotoo ng Kasulatan bilang sarili nitong tagapagpaliwanag, at pagkatapos ay ipapahayag nila ang kanilang mga kakaibang ideya bilang mga aral ng Biblia. ADP 298.5
Tuwing pag-aaralan ang Biblia nang walang mapanalanginin, mapagpakumbaba, at natuturuang espiritu, ang pinakamalinaw at pinakasimple, at pati ang pinakamahihirap na mga talata nito ay mababaluktot mula sa tunay nitong kahulugan. Pinipili ng mga lider ng kapapahan ang mga bahagi ng Kasulatan na pinakamaiging magagamit sa kanilang layunin, ipinaliliwanag ang mga ito ayon sa ikasisiya nila, at pagkatapos ay ihaharap ito sa mga tao, samantalang ipinagkakait sa kanila ang karapatang personal na mapag-aralan ang Biblia at maunawaan ang mga banal na katotohanan nito. Ang buong Biblia ay dapat ibigay sa mga tao ayon sa kung anong mababasa rito. Mas makakabuti pa sa kanila ang huwag na lang turuan ng Biblia kaysa makatanggap ng aral ng Biblia na ipi-naliliwanag sa ganon kalubhang kamalian. ADP 298.6
Ang Biblia ay ginawa upang maging gabay ng lahat ng gustong makaalam sa kalooban ng Lumikha sa kanila. Ibinigay ng Diyos sa mga tao ang lalong tiyak na salita ng hula; ang mga anghel at maging si Cristo mismo ay dumating upang ipaalam kay Daniel at kay Juan ang mga bagay na kailangang mangyari kaagad. Yung mahahalagang bagay na iyon na may kinalaman sa ating kaligtasan ay hindi hinayaang mabalot sa hiwaga. Ang mga ito’y hindi inihayag sa paraang malilito at maliligaw ang tapat na naghahanap ng katotohanan. Ang sabi ng Panginoon sa pamamagitan ni propeta Habakuk, “Isulat mo ang pangitain, at gawin mong malinaw sa mga tapyas na bato, upang ang makabasa niyon ay makatakbo” (Habakuk 2:2). Ang Salita ng Diyos ay malinaw para sa lahat ng nag-aaral nito nang may pusong mapanalanginin. Bawat kaluluwang tapat talaga ay darating sa liwanag ng katotohanan. “Ang liwanag ay itinatanim para sa mga matuwid” (Awit 97:11). At walang iglesyang makakasulong sa kabanalan malibang ang mga kaanib nito ay masikap na naghahanap ng katotohanan na gaya sa natatagong kayamanan. ADP 299.1
Sa pagsigaw ng, Liberalismo, ang mga tao’y nabubulag sa mga pakana ng kaaway, samantalang sa lahat ng oras siya’y panayang gumagawa para sa katuparan ng kanyang layunin. Habang siya’y nagtatagumpay na ipalit sa Biblia ang mga pala-palagay ng mga tao, ang kautusan ng Diyos ay naisasaisantabi at ang mga iglesya ay inaalipin ng kasalanan samantalang sinasabi nilang sila’y malaya. ADP 299.2
Para sa marami, ang mga pananaliksik ng siyensya ay naging isang sumpa. Ipinahintulot ng Diyos na mabuhos sa sanlibutan ang baha ng liwanag sa pamamagitan ng mga natuklasan ng siyensya at sining; subalit maging ang mga pinakamatatalinong isipan, kung hindi nagagabayan ng Salita ng Diyos sa kanilang pananaliksik ay maguguluhan sa mga pagsisikap nilang siyasatin ang kaugnayan ng siyensya at ng banal na kapahayagan. ADP 299.3
Ang kaalaman ng tao kapwa sa materyal at sa espirituwal na mga bagay ay bahagya lamang at kulang; kung kaya’t marami ang hindi kayang ipagkasundo ang mga pananaw nila sa siyensya at ang mga sinasabi ng Kasulatan. Marami ang tumatanggap sa mga teorya at haka-haka lamang bilang mga katotohanan sa siyensya at inaakala nila na ang Salita ng Diyos ay dapat subukin sa pamamagitan ng mga turo ng “huwad na kaalaman” (1 Timoteo 6:20). Ang Manlalalang at ang Kanyang mga gawa ay hindi kayang maabot ng kanilang pang-unawa; at dahil hindi nila ito maipaliwanag sa pamamagitan ng mga batas ng kalikasan, ang kasaysayan ng Biblia ay ipinalalagay nilang hindi kapani-paniwala. Yung mga nag-aalinlangan sa pagiging kapani-paniwala ng mga kasaysayan ng Luma at Bagong Tipan ay malimit na sumusobra pa at pinag-aalinlanganan na rin ang pagkakaroon ng Diyos at iniuukol sa kalikasan ang walang-hanggang kapangyarihan. At dahil kinalag na ang kanilang angkla, sila’y binayaang humampas sa malalaking bato ng kawalang-pananampalataya. ADP 299.4
Kaya’t marami ang naliligaw sa pananampalataya at nadadaya ng diyablo. Ang mga tao ay nagsisikap na maging mas matalino pa kaysa sa Lumikha sa kanila; sinubukang saliksikin at ipaliwanag ng pilosopiya ng tao ang mga hiwagang hindi mahahayag kailanman sa buong panahong walang-hanggan. Kung ang sasaliksikin lamang at uunawain ng mga tao ay ang mga bagay na ipinaalam ng Diyos tungkol sa Kanyang sarili at sa Kanyang mga layu-nin, sila’y magkakaroon ng napakalaking pagkaunawa sa kaluwalhatian, kadakilaan, at kapangyarihan ni Jehova, anupa’t mapapagtanto nila ang sarili nilang kaliitan at masisiyahan na doon sa mga inihayag para sa kanila at sa kanilang mga anak. ADP 299.5
Isang obra-maestra ng mga pandaraya ni Satanas ang panatilihing magsaliksik at maghaka-haka ang isipan ng mga tao tungkol sa mga bagay na hindi ipinaalam ng Diyos at hindi Niya binabalak na maunawaan natin. Ganyan nawalan ng lugar si Lucifer sa langit. Siya’y hindi nakontento dahil hindi lahat ng lihim ng mga layunin ng Diyos ay ipinagtapat sa kanya, at lahatan niyang binale-wala ang mga inihayag tungkol sa sarili niyang gawain sa napakataas na posisyong itinalaga sa kanya. Sa pamamagitan ng pagpukaw sa ganon ding kawalangkasiyahan sa mga anghel na nasa ilalim ng kanyang pamamahala, naging sanhi siya ng kanilang pagbagsak. Ngayon ay sinisikap niyang punuin ang isipan ng mga tao ng ganon ding espiritu at akayin din sila na bale-walain ang mga utos ng Diyos. ADP 299.6
Yung mga ayaw tumanggap sa malilinaw at nakakasugat na katotohanan ng Biblia ay patuloy pa ring naghahanap ng mga nakakalugod na kasinungalingang papayapa sa kanilang mga budhi. Kung mas di-gaanong espirituwal, mapagtanggi-sa-sarili, at nakakahiya ang mga aral na ipangangaral, mas malaki rin ang pagsang-ayong ipinapakita sa pagtanggap dito. Pinabababa ng mga taong ito ang kakayahang pangkaisipan upang pagbigyan ang mga hilig ng kanilang laman. At dahil sobrang talino na sa sarili nilang yabang para saliksikin pa ang mga Kasulatan nang may pagsisisi ng kaluluwa at taimtim na pananalangin para sa banal na patnubay, wala silang sanggalang sa maling paniniwala. Si Satanas ay nakahandang ibigay ang kagustuhan ng puso at inilalagay niya ang kanyang mga pandaraya kapalit ng katotohanan. Ganyan nakuha ng kapapahan ang kanyang kontrol sa isipan ng mga tao; at sa pamamagitan ng pagtanggi sa katotohanan, dahil kasama nito ang pagpasan sa krus, ang mga Protestante ay sumusunod sa ganon ding landas. Lahat ng nagpapabaya sa Salita ng Diyos, sa halip ay pinag-aaralan ang kaginhawahan at patakaran, upang sila’y hindi maging iba sa sanlibutan ay babayaang tumanggap ng mga kasuklam-suklam na maling doktrina kapalit ng katotohanang panrelihiyon. Lahat ng maiisip na uri ng kamalian ay tatanggapin nung mga kusang tumanggi sa katotohanan. Siyang nangingilabot tumingin sa isang pandaraya ay agad namang tatanggapin ang isa pang pandaraya. Si apostol Pablo, sa pagsasalita tungkol sa mga taong “tumanggi[ng]...ibigin ang katotohanan upang sila’y maligtas,” ay nagsabi, “Dahil dito’y pinapadalhan sila ng Diyos ng makapangyarihang pagkalinlang upang maniwala sila sa kasinungalingan, upang mahatulan silang lahat na hindi sumampalataya sa katotohanan, sa halip ay nalugod sa kalikuan” (2 Tesalonica 2:1012). Sa ganyang uri ng babala sa atin, kinakailangang tayo’y maging maingat kung anong aral ang tinatanggap natin. ADP 300.1
Isa sa mga pinakamatagumpay na pamamaraan ng dakilang mandaraya ay ang mga mapandayang katuruan at mapanlinlang na kababalaghan ng espirituwalismo. i Sa pagpapanggap na anghel ng liwanag, ay inilalatag niya ang kanyang mga bitag sa lugar na hindi gaanong pinaghihinalaan. Kung pag-aaral an lamang ng mga tao ang Aklat ng Diyos nang may taimtim na panalanging maunawaan nawa nila ito, hindi sila babayaan sa kadiliman upang tumanggap ng mga maling aral. Ngunit habang tinatanggihan nila ang katotohanan, sila’y nagiging biktima ng pandaraya. ADP 300.2
Ang isa pang mapanganib na kamalian ay ang doktrinang nagtatatwa sa pagkaDiyos ni Cristo, na nagsasabing Siya’y wala pa noong bago Siya dumating sa mundong ito. Ang teoryang ito ay may pagsang-ayong tinatanggap ng maraming tao na nagsasabing naniniwala sa Biblia; subalit ito’y sadyang salungat sa pinakamalilinaw na pahayag ng ating Tagapagligtas tungkol sa Kanyang relasyon sa Ama, tungkol sa Kanyang banal na likas, at sa Kanyang pag-iral mula pa noong walang hanggan. Ito’y hindi maaaring mapasaisip nang walang pagbaluktot sa mga Kasulatan na talagang hindi ipinahihintulot. Hindi lamang nito ibinababa ang pagkaunawa ng tao sa gawain ng pagtubos, kundi sinisira pa ang pagsampalataya sa Biblia bilang kapahayagang mula sa Diyos. Dahil dito’y mas mapanganib ito, at mas mahirap ding kaharapin. Kung tinatanggihan ng mga tao ang patotoo ng mga kinasihang Kasulatan tungkol sa pagka-Diyos ni Cristo, wala nang kabuluhan pang ipaliwanag ang puntong ito sa kanila; sapagkat walang paliwanag, gaano man kapani-paniwala, na makakakumbinsi sa kanila. “Ang taong hindi ayon sa espiritu ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Diyos, sapagkat ang mga iyon ay kahangalan sa kanya at hindi niya iyon nauunawaan, sapagkat ang mga iyon ay nauunawaan sa pamamagitan ng espiritu” (1 Corinto 2:14). Walang sinumang nanghahawak sa kamaliang ito ang magkakaroon ng tunay na pagkaunawa tungkol sa karakter o sa misyon ni Cristo, o tungkol sa dakilang panukala ng Diyos para sa katubusan ng tao. ADP 300.3
Isa pa ring palihim at mapaminsalang kamalian ay ang mabilis kumalat na paniniwalang si Satanas daw ay hindi isang personal na katauhan; na ang pangalan daw na iyan ay ginamit sa Kasulatan para lamang kumatawan sa masasamang iniisip at pagnanasa ng mga tao. ADP 301.1
Ang turo na malawakang maririnig sa mga pulpito ng nakararami, na ang ikalawang pagdating daw ni Cristo ay ang pagdating Niya sa bawat tao sa kamatayan, ay isang pakana upang ilihis ang isipan ng mga tao mula sa Kanyang personal na pagdating sa mga alapaap ng langit. Maraming taon nang sinasabi ni Satanas ang ganito, “Tingnan ninyo, Siya’y nasa mga silid” (Mateo 24:23-26); at maraming kaluluwa ang napapahamak dahil sa pagtanggap sa pandarayang ito. ADP 301.2
At isa pa, itinuturo ng karunungang makalupa na ang panalangin daw ay hindi mahalaga. Sinasabi ng mga taong mula sa siyensya na wala raw talagang tunay na sagot sa panalangin; na ito raw ay isang paglabag sa kalakaran, isang himala, at wala naman daw talagang himala. Ang sansinukob, sabi nila, ay pinamamahalaan ng mga di-nababagong batas, at ang Diyos daw mismo ay walang ginagawang anumang labag sa mga batas na ito. Kaya’t ipinapakita nila na ang Diyos ay saklaw ng mga sarili Niyang batas—na para bagang ang pagpapairal ng mga batas ng Diyos ay makakatanggal sa kalayaan ng Diyos. Ang ganyang turo ay taliwas sa patotoo ng Kasulatan. Hindi ba’t si Cristo at ang Kanyang mga apostol ay gumawa ng mga himala? Ang maawaing Tagapagligtas ding iyon ay buhay ngayon, at handa Siyang makinig sa panalanging may pananampalataya gaya noong Siya’y nakitang lumalakad kasama ng mga tao. Ang natural ay nakikipagtulungan sa supernatural. Bahagi ng panukala ng Diyos ang ipagkaloob sa atin, bilang tugon sa panalanging may pananampalataya, yung hindi sana Niya ipagkakaloob kung hindi natin hiningi sa ganong paraan. ADP 301.3
Napakaraming mga maling doktrina at kakaibang ideya ang umiiral sa mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan. Imposibleng matantiya ang masasamang resulta ng pag-aalis ng isa sa mga palatandaang inilagay ng Salita ng Diyos. Ang ilan sa mga nangangahas na gawin ito ay tumitigil pagkatapos na itakwil ang isang katotohanan. Ang karamihan ay patuloy sa isa-isang pagbabale-wala sa mga prinsipyo ng katotohanan, hanggang sa sila’y maging mga talagang hindi na naniniwala sa Diyos. ADP 301.4
Ang mga kamalian ng laganap na teolohiya ang nagtaboy ng maraming kaluluwa sa di-paniniwala, na sana’y naging mananampalataya sa Kasulatan. Imposible para sa kanya ang tanggapin ang mga doktrinang umiinsulto sa pagkaunawa niya sa katarungan, kahabagan, at kabutihan; at dahil ang mga ito’y ipinakikilalang turo ng Biblia, hindi niya ito tinatanggap bilang Salita ng Diyos. ADP 301.5
At ito ang layuning hinahangad na maisagawa ni Satanas. Wala nang ibang higit niyang ninanais maliban sa sirain ang pagtitiwala sa Diyos at sa Kanyang Salita. Si Satanas ay nakatayo sa unahan ng malaking hukbo ng mga mapag-alinlangan, at siya’y gumagawa sa buong-kaya ng kanyang kapangyarihan para dayain ang mga tao na pumanig sa kanya. Nagiging uso na ang mag-alinlangan. May malaking uri ng mga tao na walang tiwala sa Salita ng Diyos na ang dahila’y kapareho rin ng hindi nila pagtitiwala sa May-akda nito— dahil sinusumbatan at hinahatulan nito ang kasalanan. Yung mga ayaw sumunod sa mga ipinagagawa nito ay nagsisikap na ibagsak ang awtoridad nito. Binabasa nila ang Biblia, o kaya’y pinakikinggan ang mga turo nito ayon sa paliwanag mula sa banal na pulpito, para lamang hanapan ng mali ang Kasulatan o ang sermon. Hindi iilan ang naging mga walang relihiyon para lamang ipangatwiran o ipagdahilan ang kanilang sarili sa pagpapabaya sa tungkulin. Ang iba nama’y nakikiugali sa mga prinsipyong mapag-alinlangan dahil sa kapalaluan at katamaran. Dahil sobrang hilig sa kaalwanan, sa halip na makilala sa pamamagitan ng paggawa ng anumang nararapat ng karangalan, na nangangailangan ng pagsisikap at pagtanggi sa sarili, hinangad nilang magkaroon ng pangalan sa larangan ng inaakalang mas mataas na karunungan sa pamamagitan ng kritisismo sa Biblia. Napakaraming bagay ang hindi kayang maunawaan ng may-hangganang isipan na hindi naliwanagan ng banal na karunungan; kaya’t sila’y nagkakaroon ng pagkakataong mampuna. Marami ang parang nadadama na isang kahusayan ang tumayo sa panig ng hindi paniniwala, pag-aalinlangan, at kawalangkatapatan. Subalit sa ilalim ng pagpapakita ng kaprangkahan ay matutuklasan na ang mga ganyang tao ay pinakikilos ng tiwala sa sarili at pagmamalaki. Marami ang naliligayahang makakita sa Kasulatan ng anumang makakalito sa isipan ng iba. May mga pupuna muna at mangangatwiran para sa panig ng mali, dahil gusto lamang makipagtalo. Hindi nila napapagtanto na sa ganong paraan ay isinasalabid nila ang kanilang sarili sa bitag ng maninilo. Ngunit dahil lantaran nang nakapagpahayag ng di-paniniwala, kanilang nadarama na dapat nilang panindigan ang kanilang opinyon. Dahil dito’y nakikiisa sila sa mga hindi maka-Diyos at isinasara para sa sarili ang mga pintuan ng Paraiso. ADP 301.6
Ibinigay ng Diyos sa Kanyang Salita ang sapat na katibayan ukol sa kabanalan ng likas nito. Ang mga dakilang katotohanan na may kinalaman sa ating katubusan ay maliwanag na inihahayag. Sa tulong ng Banal na Espiritu, na ipinangangako sa lahat ng tapat na humahanap dito, maaaring personal na maunawaan ng bawat tao ang mga katotohanang ito. Ang Diyos ay nagbigay sa mga tao ng isang matibay na pundasyon na mapapagsaligan nila ng kanilang pananampalataya. ADP 302.1
Subalit ang may-hangganang isip ng tao ay talagang hindi sapat para maunawaan ang mga panukala at layunin ng Isang Walang-Hanggan. Hindi natin kailanman matutuklasan ang Diyos sa pamamagitan ng pagsasaliksik. Hindi natin dapat tangkaing itaas sa pamamagitan ng mapangahas na kamay ang tabing na sa likod nito’y ikinukubli Niya ang Kanyang kadakilaan. Bulalas ng apostol: “Hindi masuri ang mga hatol Niya, at hindi masiyasat ang Kanyang mga daan!” (Roma 11:33). Gayunman ay mauunawaan naman natin ang mga pakikitungo Niya sa atin, at ang mga motibong kumikilos sa Kanya, upang makita natin na kasama ng walang-hanggang kapangyarihan ang walang-hanggang pag-ibig at kahabagan. Isinasaayos ng ating Ama sa langit ang lahat ng bagay sa karunungan at katuwiran, at hindi tayo dapat maging di-kontento at walang-tiwala, kundi yumukod sa magalang na pagpapasakop. Kanyang ihahayag sa atin ang lahat Niyang layunin hangga’t para sa ikabubuti natin ang malaman ito, at ang lampas na diyan ay dapat nating ipagkatiwala sa Kamay na pinakamakapangyarihan sa lahat, at sa Pusong puspos ng pagmamahal. ADP 302.2
Bagaman nagbigay ang Diyos ng napakaraming katibayan para sumampalataya, hindi naman Niya aalisin ang lahat ng pagdadahilan para huwag sumampalataya. Ang lahat ng naghahanap ng mapapagsabitan ng kanilang mga pag-aalinlangan ay makakasumpong nito. At yung mga ayaw tumanggap at sumunod sa Salita ng Diyos hangga’t hindi naaalis ang lahat nilang tutol para wala nang dahilan para magalinlangan pa, ay hindi kailanman lalapit sa liwanag. ADP 302.3
Ang kawalan ng pagtitiwala sa Diyos ay mga natural na bunga ng di-nabagong puso, na nakikipag-alit sa Kanya. Subalit ang pananampalataya ay udyok ng Banal na Espiritu, at lalakas lamang ito habang ito’y pinakaiingatan. Walang taong magiging malakas sa pananampalataya nang walang disididong pagpupunyagi. Ang di-paniniwala ay lumalakas habang ito’y hinihimok; at kung ang mga tao, sa halip na isip-isipin ang mga katibayang ibinigay ng Diyos upang palakasin ang kanilang pananampalataya, ay payagan ang kanilang sarili na mag-alinlangan at mamintas, makikita nilang ang kanilang mga pag-aalinlangan ay patuloy na nagiging mas matibay. ADP 302.4
Ngunit ang mga nag-aalinlangan sa mga pangako ng Diyos at di-nagtitiwala sa kasiguruhan ng Kanyang biyaya ay naglalagay sa Kanya sa kahihiyan; at ang kanilang impluwensya, sa halip na maglapit ng iba kay Cristo, ay nakakapagpalayo pa sa kanila sa Kanya. Sila’y mga punong walang bunga, na iniuunat ang kanilang maiitim na sanga kahit saan, hinaharang ang sikat ng araw para sa ibang mga halaman, at dahilan ng paglaylay nila’t pagkamatay dahil sa nakapanlalamig na lilim nito. Ang gawain sa buong buhay ng mga taong ito ay lalabas na walang-katapusang saksi laban sa kanila. Sila’y naghahasik ng binhi ng pagdududa at di-paniniwala na magbibigay ng maaasahang ani. ADP 302.5
May isang daan lamang na dapat sundan yung mga tunay na gustong makalaya sa mga pag-aalinlangan. Sa halip na magalinlangan at pintasan yung mga bagay na hindi nila nauunawaan, ay bigyang-pansin na lang nila ang ilaw na nagliliwanag na sa kanila, at sila’y makakatanggap ng higit pang liwanag. Gawin nila ang lahat ng tungkulin na pinalinaw sa kanilang pang-unawa, at kanilang mauunawaan at maisasagawa yung sa ngayon ay pinagaalinlanganan nila. ADP 303.1
Kayang magharap ni Satanas ng isang huwad na katulad na katulad ng totoo anupa’t nadadaya nito ang lahat ng gustong magpadaya, na gustong umiwas sa pagtanggi sa sarili at pagsasakripisyong hinihingi ng katotohanan; ngunit hindi niya kayang pigilan sa ilalim ng kanyang kapangyarihan ang isang kaluluwang tapat na naghahangad na malaman ang katotohanan, anuman ang maging kapalit. Si Cristo ang katotohanan at ang “Ilaw na tumatanglaw sa bawat dumarating sa sanlibutan” Ouan 1:9). Ang Espiritu ng katotohanan ay isinugo upang gabayan ang mga tao sa lahat ng katotohanan. At batay sa kapamahalaan ng Anak ng Diyos ay sinasabi: “Humanap kayo at kayo ay makakatagpo.” “Kung ang sinuman ay nagnanais gumawa ng kalooban ng Diyos ay makikilala niya kung ang turo ay mula sa Diyos” o sa tao (Mateo 7:7; Juan 7:17). ADP 303.2
Ang mga tagasunod ni Cristo ay walang gaanong alam tungkol sa masasamang balak na binubuo ni Satanas at ng kanyang mga hukbo laban sa kanila. Subalit Siyang nakaupo sa kalangitan ay pangingibabawan ang lahat ng pakanang ito upang maisakatuparan ang malalalim Niyang panukala. Pinahihintulutan ng Panginoon na ang Kanyang bayan ay magdanas ng matinding pagsubok ng tukso, hindi dahil Siya’y nalulugod sa kanilang paghihirap at pagdurusa, kundi dahil ang prosesong ito’y napakahalaga sa kanilang huling pagtatagumpay. Hindi Niya maaaring lagi silang ipagsanggalang mula sa mga tukso sa pamamagitan ng sarili Niyang kaluwalhatian; sapagkat ang pinakalayunin ng pagsubok ay ang ihanda silang kalabanin ang lahat ng pang-akit ng kasamaan. ADP 303.3
Hindi kayang pigilan ng masasamang tao, ni ng mga diyablo ang gawain ng Diyos, o hadlangan ang presensya Niya sa Kanyang bayan kung kanilang ipahahayag at tatalikuran ang kanilang mga kasalanan nang may napasuko’t nagsisising puso, at sa pananampalataya’y aangkinin ang Kanyang mga pangako. Bawat tukso, bawat humahadlang na impluwensya, hayag man o lihim, ay maaaring mapaglabanan nang matagumpay, “hindi sa pamamagitan ng lakas, ni ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng Aking Espiritu, sabi ng Pangi-noon ng mga hukbo” (Zacarias 4:6). ADP 303.4
“Ang mga mata ng Panginoon ay nasa mga matuwid, at ang Kanyang mga tainga ay bukas sa kanilang mga panalangin.... At sino ang gagawa ng masama sa inyo kung kayo’y masigasig sa paggawa ng mabuti?” (1 Pedro 3:12, 13). Noong si Balaam, dahil nabighani ng pag-asa sa masaganang gantimpala, ay nagsagawa ng panggagayuma laban sa Israel, at sa pamamagitan ng mga handog sa Panginoon ay sinikap na manawagan ng isang sumpa laban sa Kanyang bayan, pinigilan ng Espiritu ng Diyos ang kasamaang gusto niyang bigkasin, at si Balaam ay napilitang ibulalas: “Paano ko susumpain ang hindi sinumpa ng Diyos? At paano ko lalaitin ang hindi nilait ng Panginoon?” “Mamatay nawa ako ng kamatayan ng matuwid, at ang aking wakas ay maging tulad nawa ng sa kanya!” Nang muling maialay ang handog, ang masamang propeta ay nagsabi: “Ako’y tumanggap ng utos na magbigay ng pagpapala: Kanyang pinagpala, at hindi ko na mababago iyon. Wala Siyang nakitang kasamaan sa Jacob, ni wala Siyang nakitang kasamaan sa Israel. Ang Panginoon nilang Diyos ay kasama nila, at ang sigaw ng Hari ay nasa gitna nila.” “Tunay na walang engkanto laban sa Jacob, ni panghuhula laban sa Israel. Ngayo’y sasabihin tungkol sa Jacob at sa Israel, ‘Anong ginawa ng Diyos!’ ” Ngunit sa ikatlong pagkakataon ay itinayo ang mga dambana, at si Balaam ay muling nagtangkang makakuha ng sumpa. Ngunit mula sa mga labi ng propeta, kahit hindi nito gusto, ay sinabi ng Espiritu ng Diyos ang mabuting kapalaran ng Kanyang pinili, at sinaway ang kalokohan at masamang balak ng kanilang mga kaaway: “Pagpalain nawa ang lahat na nagpapala sa iyo, at sumpain ang lahat na sumusumpa sa iyo” (Bilang 23:8, 10, 20, 21, 23; 24:9). ADP 303.5
Ang bayang Israel nang panahong iyon ay tapat sa Diyos; at hangga’t sila’y nagpapatuloy na sumunod sa Kanyang kautusan, walang kapangyarihan sa lupa o sa impiyerno ang maaaring manaig laban sa kanila. Subalit ang sumpa na hindi ipinahintulot na bigkasin ni Balaam laban sa bayan ng Diyos, sa wakas ay matagumpay rin niyang nadala sa kanila, sa pamamagitan ng pag-akit sa kanila sa kasalanan. Nang labagin nila ang mga utos ng Diyos, inihiwalay nila ang kanilang sarili mula sa Kanya, at sa gayo’y binayaan silang danasin ang kapangyarihan ng tagawasak. ADP 304.1
Alam na alam ni Satanas na ang pinakamahinang kaluluwa na nananatili kay Cristo ay sobra nang pantapat sa mga hukbo ng kadiliman, at kung ibubunyag niya nang hayagan ang kanyang sarili, siya’y sasagupain at lalabanan. Kung kaya’t pinagsisikapan niyang mapalayo ang mga kawal ng krus sa kanilang matibay na muog, samantalang siya at ang kanyang mga hukbo ay nakatambang, handang wasakin ang lahat ng magbabaka-sakali sa kanyang teritoryo. Tanging sa mapagpakumbabang pagtitiwala lamang sa Diyos, at pagsunod sa lahat Niyang utos tayo maaaring maging ligtas. ADP 304.2
Walang taong ligtas ng isang araw o isang oras man, nang walang panalangin. Lalo na dapat tayong manalangin sa Panginoon para sa karunungan na maunawaan ang Kanyang Salita. Dito nabubunyag ang mga pandaraya ng manunukso at ang mga pamamaraan na sa pamamagitan nito’y matagumpay siyang mapapaglabanan. Si Satanas ay dalubhasa sa pagsipi ng Kasulatan, binibigyan ng sarili niyang pakahulugan ang mga talata, at sa pamamagitan nito’y inaasahan niyang matitisod tayo. Dapat nating pag-aralan ang Biblia nang may kapakumbabaan ng puso, na kailanma’y hindi kinakalimutan ang ating pagtitiwala sa Diyos. Bagaman tayo’y dapat laging mag-ingat sa mga pakana ni Satanas, dapat naman tayong patuloy na manalanging may pananampalataya, “Huwag Mo kaming dalhin sa tukso” (Mateo 6:13). ADP 304.3