Ang paglilingkod ng mga banal na anghel, ayon sa ipinahahayag ng Kasulatan, ay isang katotohanang pinakanakakaaliw at pinakamahalaga sa bawat tagasunod ni Cristo. Ngunit ang itinuturo ng Biblia sa paksang ito ay pinalalabo at binabaluktot ng mga kamalian ng laganap na teolohiya. Ang doktrina ng likas na imortalidad o pagiging walang-kamatayan, na una’y hiniram sa pilosopiyang pagano, at noong kadiliman ng malaking pagtalikod ay isinama sa pananampalatayang Kristiyano, ay pumalit sa katotohanang napakalinaw na itinuturo ng Kasulatan, na “hindi nalalaman ng patay ang anumang bagay” (Eclesiastes 9:5). Napakarami ang naniniwala na espiritu raw ng mga patay ang “mga espiritung nasa banal na gawain, na sinugo upang maglingkod sa kapakanan ng mga magmamana ng kaligtasan” (Hebreo 1:14). At ito’y sa kabila ng patotoo ng Kasulatan sa pagkakaroon ng mga makalangit na anghel, at sa kaugnayan nila sa kasaysayan ng tao, bago pa man may mamatay na tao. ADP 316.1
Ang doktrinang nagsasabi na may-malay ang tao kapag siya’y namatay, lalo na ang paniniwala na ang espiritu raw ng mga patay ay bumabalik upang tumulong sa mga buhay ay naghanda ng daan para sa makabagong espirituwalismo. Kung ang mga patay ay tinatanggap na sa presensya ng Diyos at ng mga banal na anghel, at nagkakaroon ng kaalamang mas higit sa taglay nila noon, bakit hindi na lang sila bumalik sa lupa upang paliwanagan at turuan ang mga nabubuhay? Kung ang espiritu ng mga patay ay umaali-aligid sa kanilang mga kaibigan sa lupa gaya ng itinuturo ng laganap na teolohiya, bakit hindi sila makipag-usap sa kanila, bigyan silang babala laban sa kasamaan, o kaya’y aliwin sila sa kanilang kalungkutan? Paano tatanggihan ng mga naniniwalang ang tao’y may-malay kapag namatay yung dumarating sa kanila bilang banal na liwanag na ipinababatid ng mga niluwalhating espiritu? Narito ang isang ahensyang ipinalalagay na banal, na sa pamamagitan nito’y gumagawa si Satanas para maisakatuparan ang kanyang mga layunin. Ang mga nagkasalang anghel na sumusunod sa ipinag-uutos niya ay nagpapakita bilang mga mensaherong mula sa daigdig ng mga espiritu. Habang pinalalabas ng prin-sipe ng kasamaan na maaaring makausap ng mga buhay ang mga patay, ginagamit naman niya ang kanyang nakakabighaning impluwensya sa kanilang isipan. ADP 316.2
Siya’y may kapangyarihang iharap sa mga tao ang anyo ng mga kaibigan nilang yumao. Ang huwad ay kagayang-gaya talaga; ang pamilyar na hitsura, pagsasalita, at boses, ay nagagaya sa kahangahangang linaw. Marami ang naaaliw sa pagtitiwalang tinatamasa na ng kanilang mga mahal sa buhay ang lubos na kaligayahan ng langit; at dahil walang hinihinalang panganib, sila’y nakikinig sa “mga mandarayang espiritu at sa mga aral ng mga demonyo” (1 Timoteo 4:1). ADP 316.3
Kapag napaniwala na sila na ang mga patay ay talagang bumabalik upang makipag-usap sa kanila, palilitawin naman ni Satanas yung mga namatay na hindi handa. Sinasabi nilang sila’y masaya sa langit at may mataas pa ngang posisyon doon; at sa gayo’y malaganap na naituturo ang kamalian, na ang mga matuwid at ang mga makasalanan ay walang pagkakaiba. Ang nagkukunwaring panauhing ito mula sa daigdig ng mga espiritu ay nagsasabi minsan ng mga paalala at babala na lumalabas namang tama. At habang nakukuha ang tiwala, magbibigay naman sila ng mga doktrinang tuwirang nagpapahina ng pananampalataya sa Kasulatan. Sa pagpapakita ng malalim na malasakit sa kapakanan ng kanilang mga kaibigan sa lupa, ay isinisingit nila ang pinakamapapanganib na kamalian. Dahil sa katunayang meron silang sinasabing totoo, at kung minsan ay nakakahula pa nga ng mga mangyayari sa hinaharap, nagmumukhang mapapagkatiwalaan ang kanilang mga sinasabi; at ang mga mali nilang aral ay madaling tinatanggap at lubos na pinaniniwalaan na para bagang ang mga ito’y napakabanal na katotohanan ng Biblia. Ang kautusan ng Diyos ay binabale-wala, ang Espiritu ng biyaya ay hinahamak, ang dugo ng tipan ay ipinalalagay na hindi banal. Itinatanggi ng mga espiritung ito ang pagka-Diyos ni Cristo, at pati ang Lumikha ay ipinapantay nila sa kanilang sarili. Kaya sa ilalim ng isang bagong pagkukunwari ay ipinagpapatuloy pa rin ng matinding rebelde ang kanyang pakikipaglaban sa Diyos na nagsimula sa langit, at sa halos 6,000 taon ay nagpapatuloy dito sa lupa. ADP 316.4
Marami ang nagsisikap na ipaliwanag ang pagpapakita ng mga espiritu sa pag-aakalang ang lahat ng ito’y bunga ng pandaraya at bilis ng kamay ng espirituwalista. Ngunit bagaman totoo na ang mga resulta ng pandaraya ay malimit na ipinapalit bilang tunay na kapahayagan, meron din namang pagpapakita ng pambihirang kapangyarihan. Ang mahiwagang pagkatok na pinag-umpisahan ng makabagong espirituwalismo ay hindi resulta ng daya at katusuhan ng tao, kundi tuwirang gawa ng masasamang anghel na sa ganong paraan ay nakapagpasok ng isa sa mga pinakamatagumpay na pandarayang sumisira ng mga kaluluwa. Marami ang madadaya sa paniniwalang ang espirituwalismo ay | pagkukunwari lamang ng mga tao; kapag napaharap na sila nang mukhaan sa mga pagpapakitang ito, na wala silang magawa kundi ang kilalaning ito’y higit pa sa kapangyarihan ng tao, sila’y madadaya, at maaakay na paniwalaang ito’y dakilang kapangyarihan ng Diyos. ADP 317.1
Kinakaligtaan ng mga taong ito ang patotoo ng Kasulatan tungkol sa mga kababalaghang ginagawa ni Satanas at ng kanyang mga alagad. Nagaya ng mga salamangkero ni Faraon ang gawa ng Diyos sa tulong ni Satanas. Pinatutunayan ni Pablo na bago ang ikalawang pagparito ni Cristo ay magkakaroon ng ganon ding pagpapamalas ng kapangyarihan ni Satanas. Ang pagdating ng Panginoon ay kasunod ng “paggawa ni Satanas na may buong kapangyarihan at mga tanda at mga mapanlinlang na kababalaghan, at may lahat ng mapandayang kasamaan” (2 Tesalonica 2:9, 10). At si apostol Juan, sa paglalarawan sa kapangyarihang gumagawa ng kababalaghan na lilitaw sa mga huling araw, ay nagsasabi: “Ito’y guma gawa ng mga dakilang tanda, pati na ang pagpapababa ng apoy sa lupa mula sa langit sa paningin ng mga tao. At nadadaya nito ang mga naninirahan sa lupa dahil sa mga tanda na pinahintulutang gawin nito” (Apocalipsis 13:13, 14). Dito’y walang inihulang pagkukunwari lamang. Ang mga tao’y nadadaya ng mga himalang kayang gawin ng mga alagad ni Satanas, hindi nung mga kunwari’y nagagawa nila. ADP 317.2
Ang prinsipe ng kadiliman, na matagal nang ibinubuhos ang mga kakayahan ng kanyang utak sa gawain ng pandaraya, ay may kahusayang iniaangkop ang kanyang mga tukso sa lahat ng uri at kalagayan ng tao. Sa mga taong may pinag-aralan at pino ay ipinakikilala niya ang espirituwalismo sa mas pino at pangkaisipang aspeto nito, at sa gayo’y nagtatagumpay siya sa pagakit ng marami sa kanyang bitag. Ang karunungang dulot ng espirituwalismo ay yung inilalarawan ni apostol Santiago, na “hindi...bumababa mula sa itaas, kundi makalupa, makalaman, may sa demonyo” (Santiago 3:15). Subalit ito’y itinatago ng dakilang mandaraya, kapag ang pagtatago nito ay angkop na angkop sa kanyang balak. Siya na kayang lumitaw na nadadamitan ng liwanag ng mga makalangit na serafin sa harap ni Cristo doon sa ilang ng pagtukso, ay lumalapit sa mga tao sa pinakanakakaakit na pamamaraan na gaya ng anghel ng liwanag. Inaakit niya ang isip sa pamamagitan ng paghaharap ng mga nakakapagpasiglang paksa; pinasasaya niya ang mga guni-guni sa mga panooring labis na nakakatuwa; at inaakit niya ang mga damdamin sa pamamagitan ng mahusay niyang paglalarawan sa pag-ibig at kagandahang-loob. Ginigising niya ang imahinasyon sa napakatatayog na paglipad, inaakay ang mga tao na ipagmapuri nang labis ang sarili nilang karunungan anupa’t sa kanilang puso ay hinahamak na nila ang Walang-Hanggang Diyos. Ang makapangyarihang nilalang na iyon na kayang dalhin ang Manunubos ng sanlibutan sa napakataas na bundok at iharap sa Kanya ang lahat ng kaharian sa lupa at ang kaluwalhatian nito, ay ihaharap din ang kanyang mga tukso sa mga tao sa paraang maililigaw ang mga pandama ng lahat ng hindi nasasanggalangan ng banal na kapangyarihan. ADP 317.3
Dinadaya ni Satanas ang mga tao ngayon tulad ng pagdaya niya kay Eva sa Eden sa pamamagitan ng pambobola, sa pamamagitan ng pagpapaalab sa hangaring magkaroon ng ipinagbabawal na kaalaman, sa pamamagitan ng paggising sa ambisyong maitaas ang sarili. Ang pag-iingat ng mga kasamaang ito ang ikinabagsak niya, at sa pamamagitan ng mga ito ay binabalak rin niyang maisagawa ang kapahamakan ng mga tao. “Kayo’y magiging kagaya ng Diyos,” sabi niya, “na nakakakilala ng mabuti at masama” (Genesis 3:5). Itinuturo ng espirituwalismo na “ang tao ay nilikha na sumusulong; na kapalaran na niya mula pa pagkapanganak, hanggang sa walang-hanggan pa nga, ang sumulong sa pagiging Diyos.” At isa pa: “Hahatulan ng bawat isipan ang sarili nito at hindi ang iba.” “Ang paghatol ay tama, dahil ito ay paghatol sa sarili.... Ang trono ay nasa inyo.” Ang sabi ng isang espirituwalistang tagapagturo habang ang “espirituwal na kamalayan” ay nagigising sa loob niya: “Ang mga kapwa-tao ko ay pawang hindi nagkasalang mga diyos.” At ang isa naman ay nagsabi: “Sinumang matuwid at sakdal na nilalang ay Cristo.” ADP 318.1
Kung kaya’t sa lugar ng katuwiran at kasakdalan ng walang-hanggang Diyos, na siyang tunay na pinag-uukulan ng pagsamba; sa lugar ng sakdal na katuwiran ng Kanyang kautusan, na siyang tunay na pamantayan ng tagumpay ng tao, ay ipinalit ni Satanas ang makasalanan, at nagkakamaling likas ng tao mismo bilang tanging pag-uukulan ng pagsamba, ang tanging panuntunan ng paghatol, o kaya’y pamantayan ng karakter. Ito ay pagsulong, hindi pataas, kundi pababa. ADP 318.2
Isang batas ng pangkaisipan at espirituwal na likas ay ito, sa pamamagitan ng pagtingin tayo’y nababago. Ang isipan ay unti-unting nakikibagay sa mga paksang pinagbubulay-bulayan nito. Natututunan nito yung nakakagawian nitong mahalin at igalang. Ang tao ay hindi kailanman tataas nang higit pa sa pamantayan niya ng kalinisan o kabutihan o katotohanan. Kung ang pinakamataas niyang huwaran ay ang kanyang sarili, kailanma’y hindi siya makakaabot sa anumang mas mataas pa. Sa halip, siya’y patuloy na lulubog pababa nang pababa. Ang biyaya lamang ng Diyos ang may kapangyarihang magtaas sa tao. Kung babayaan sa kanyang sarili, ang tatahakin ng tao ay tiyak na pababa. ADP 318.3
Sa mga mapagpalayaw sa sarili, mahilig sa kalayawan, at mahahalay, ay inihaharap ng espirituwalismo ang sarili nito sa mas di-gaanong palihim na balatkayo kaysa sa mga taong mas pino at intelektuwal; sa mga pinakamalalang anyo nito ay natatagpuan nila yung kaayon ng kanilang mga hilig. Pinag-aaralan ni Satanas ang bawat palatandaan ng kahinaan ng likas ng tao, tinatandaan niya ang mga kasalanang kinahihiligang gawin ng bawat isa, at pagkatapos ay sisiguruhin niya na ang mga pagkakataon ay hindi magkukulang upang mabigyang-kasiyahan ang hilig sa kasamaan. Tinutukso niya ang mga tao na magpakalabis sa mga bagay na hindi naman mismo masama, at sa pamamagitan ng kawalang-pagpipigil ay pinahihina ang kakayahang pisikal, mental, at moral. Sinira at sinisira niya ang libu-libong tao dahil sa pagpapalayaw sa mga kagustuhan, sa gayo’y ginagawang parang hayop ang buong likas ng tao. At upang lubusin ang gawain niya, ay sinasabi niya sa pamamagitan ng mga espiritu na “ang tunay na karunungan ay yung naglalagay sa tao sa ibabaw ng kautusan;” na “kahit ano ay tama;” na “ang Diyos ay hindi humahatol;” at ang “lahat ng kasalanang ginawa ay hindi masama.” Kaya’t kapag ang mga tao ay napaniwala na, na ang kagustuhan ang siyang pinakamataas na kautusan, na ang kalayaan ay lisensya, at ang tao ay mananagot lamang sa kanyang sarili, sinong magtataka kung bakit ang katiwalian at kasamaan ay sumasagana kahit saan? Napakarami ang sabik na tumatanggap sa mga turo na babayaan sila sa kalayaang sundin ang mga dikta ng pusong makalaman. Ang mga renda ng pagpipigil sa sarili ay inilalagay sa leeg ng kasakiman, ang kapangyarihan ng pag-iisip at kaluluwa ay ipinapasakop sa mga makahayop na hilig, at si Satanas ay tuwang-tuwa na winawalis sa kanyang bitag ang libu-libong nagsasabing mga tagasunod ni Cristo. ADP 318.4
Subalit walang dapat madaya ng mga kasinungalingang sinasabi ng espirituwalismo. Ang Diyos ay nagbigay sa sanlibutan ng sapat na liwanag upang makita nila ang bitag. Gaya ng naipakita na, ang teorya na bumubuo sa pinakapundasyon ng espirituwalismo ay nakikipaglaban sa pinakamalilinaw na pahayag ng Kasulatan. Sinasabi ng Biblia na ang mga patay ay walang anumang nalalaman, na ang kaisipan nila ay naglaho na; wala na silang bahagi pa sa anumang ginagawa sa ilalim ng araw; wala na silang alam sa kagalakan at kalungkutan nung mga minamahal nila sa lupa. ADP 318.5
Bukod pa rito, malinaw na ipinagbabawal ng Diyos ang lahat ng pakunwaring pakikipag-usap sa mga yumaong espiritu. Noong panahon ng mga Hebreo ay merong isang grupo ng tao na, tulad ng mga espirituwalista ngayon, ay nagsasabing nakakausap daw nila ang mga patay. Subalit ang mga “pamilyar na espiritu,” na siyang tawag sa mga panauhing ito mula raw sa ibang daigdig, ay ibinubunyag ng Biblia na “espiritu ng mga demonyo” (Ihambing ang Bilang 25:1-3; Awit 106:28; 1 Corinto 10:20; Apocalipsis 16:14). Ang gawain ng pakikiugnay sa mga pamilyar na espiritu ay ipinahahayag na kasuklam-suklam sa Panginoon at taimtim na ipinagbabawal sa ilalim ng kaparusahang kamatayan (Levitico 19:31; 20:27). Ang katawagan mismong pangkukulam ay nilalait ngayon. Ang pagsasabi na ang mga tao’y maaaring makipag-ugnayan sa masasamang espiritu ay itinuturing na katha-katha ng Madilim na Kapanahunan. Subalit ang espirituwalismo, na ang mga nahihikayat ay daan-daang libo, oo, milyun-milyon pa nga, na nakakapasok sa mga kapisanan ng siyensya, na sumasalot sa mga iglesya, at nakasumpong ng pagsang-ayon sa mga samahang pambatasan, at maging sa bulwagan ng mga hari—ang napakalaking pandarayang ito ay muling pagbuhay lamang sa pangkukulam na tinutuligsa at ipinagbabawal noong una, nasa isang bagong balatkayo nga lang. ADP 319.1
Kung wala nang iba pang katibayan tungkol sa tunay na likas ng espirituwalismo, sapat na dapat para sa mga Kristiyano na ang mga espiritung ito ay hindi gumagawa ng pagkakaiba sa pagitan ng katuwiran at kasalanan, sa pagitan ng mga pinakamarangal at pinakamalinis na apostol ni Cristo at ng mga pinakamasasamang alipin ni Satanas. Sa pamamagitan ng paglalarawan na ang mga pinakamasasamang tao ay nasa langit na, at labis nang dinadakila roon, ay sinasabi ni Satanas sa sanlibutan: “Hindi mahalaga kung gaano ka man kasama; naniniwala ka man o hindi sa Diyos at sa Biblia. Mamuhay ka ayon sa gusto mo; ang langit ay tahanan mo.” Tahasang sinasabi ng mga tagapagturong espirituwalista: ” ‘Bawat gumagawa ng kasamaan ay mabuti sa paningin ng Panginoon, at sila’y Kanyang kinalulugdan.’ O sa pagtatanong, ‘Nasaan ang Diyos ng katarungan?’ ” (Malakias 2:17). Ang sabi ng Salita ng Diyos: “Kahabag-habag sila na tinatawag na mabuti ang masama, at ang masama ay mabuti; na inaaring dilim ang liwanag, at liwanag ang dilim” (Isaias 5:20). ADP 319.2
Ang mga apostol, na ginagaya ng mga sinungaling na espiritung ito, ay pinalilitaw na sinasalungat ang isinulat nila ayon sa idinikta ng Banal na Espiritu noong sila’y buhay pa. Kanilang itinatanggi na ang Biblia ay mula sa Diyos; at sa gayon ay tinitibag ang pundasyon ng pag-asang Kristiyano at pinapatay ang liwanag na nagbubunyag ng daan palangit. Pinapaniwala ni Satanas ang sanlibutan na ang Biblia ay isang katha-katha lamang, o kahit papaano’y isang aklat na angkop lamang noong nagsisimula pa lang ang sangkatauhan, pero ngayo’y hindi na dapat pansinin, o kaya’y dapat nang isaisantabi dahil lipas na. At bilang pamalit sa Salita ng Diyos ay iniaalok niya ang mga espirituwal na kapahayagan. Narito ang isang ahensyang lubusang nasa ilalim ng kanyang kontrol; sa paraang ito ay mapapaniwala niya ang sanlibutan sa kung anong gusto niya. Ang Aklat na hahatol sa kanya at sa kanyang mga tagasunod ay inilalagay niya sa dilim, na siya talagang gusto niyang paglagyan dito; ang Tagapagligtas ng sanlibutan ay pinalalabas niyang isang karaniwang tao lamang. At kung paanong ikinalat ng mga guwardyang Romano na nagbabantay sa libingan ni Jesus ang balita na ipinasabi sa kanila ng mga pari at ng matatanda upang pabulaanan ang Kanyang muling pagkabuhay, ay ganon din pinalilitaw ng mga naniniwala sa mga espirituwal na kapahayagan na walang anumang mahimala sa mga pangyayari sa buhay ng ating Tagapagligtas. Sa gayo’y matapos sikaping mailagay si Jesus sa likuran, ay tinatawag nila ang pansin sa sarili nilang himala, na sinasabing ito’y mas higit pa kaysa sa mga ginawa ni Cristo. ADP 319.3
Totoong binabago na ngayon ng espirituwalismo ang anyo nito at pagkakubli sa ibang mas di masasang-ayunang mga katangian nito, nagkukunwari naman itong Kristiyano. Subalit ang mga sinasabi nito mula sa mga entablado at pahayagan ay hayag na sa publiko maraming taon na, at sa mga ito, ang tunay na katangian nito ay lantad na. Ang mga katuruang ito ay di maitatanggi o maitatago. ADP 320.1
Maging sa kasalukuyang anyo nito, na mas malayong pabayaan na lamang kaysa dati, ito’y talagang mas mapanganib na pandaraya, dahil ito’y mas palihim. Samantalang dati’y tinutuligsa nito si Cristo at ang Biblia, ito ngayo’y nagpapanggap na pareho na itong tinatanggap. Subalit ang Biblia ay ipinapaliwanag sa paraang makalulugod sa mga hindi nabago ang puso, habang ang mga taimtim at napakahahalagang katotohanan nito ay ginagawang walang-epekto. Ang pag-ibig ay tinatalakay bilang pangunahing katangian ng Diyos, subalit ito’y pinabababa sa isang mahinang sentimentalismo, na gumagawa ng bahagyang pagkakaiba sa pagitan ng mabuti at masama. Ang katarungan ng Diyos, ang pagtuligsa Niya sa kasalanan, ang mga ipinagagawa ng Kanyang banal na kautusan, ay itinatagong lahat. Ang mga tao ay tinuturuang ituring ang Sampung Utos bilang isang lipas nang kautusan. Nakalulugod at nakakagayumang mga katha ang bumibighani sa mga pandama at umaakay sa mga tao na itakwil ang Biblia bilang saligan ng kanilang pananampalataya. Si Cristo ay talagang itinatakwil pa rin gaya ng dati; ngunit binulag nang husto ni Satanas ang mata ng mga tao anupa’t ang pandarayang ito ay hindi nakikita. ADP 320.2
Kakaunti lamang ang may tamang pagkaunawa sa mapanlinlang na kapangyarihan ng espirituwalismo at sa panganib na baka mapasailalim sa impluwensya nito. Marami ang lumilikot dito para lamang mabigyang-kasiyahan ang kanilang paguusisa. Wala silang tunay na pananalig dito at nahihintakutan sa isipang ipapasakop ang kanilang sarili sa kontrol ng mga espiritu. Ngunit sila’y nangangahas sa ipinagbabawal na bakuran, kaya’t ginagamit ng makapangyarihang tagawasak ang kanyang kapangyarihan sa kanila kahit labag sa kanilang kalooban. Magpatukso sila minsan na ipasakop ang kanilang isipan sa kanyang pangangasiwa, at sila’y gagawin niyang bihag. Imposible sa sarili nilang lakas na talikuran agad ang bumibighani’t kaakitakit na gayuma nito. Walang iba kundi ang kapangyarihan lang ng Diyos na ipinagkaloob bilang tugon sa taimtim na panalangin ng pananampalataya, ang maaaring magligtas sa mga nabitag na kaluluwang ito. ADP 320.3
Lahat ng nagpalayaw sa masasamang pag-uugali, o sadyang nag-iingat ng nalalamang kasalanan, ay nag-aanyaya sa panunukso ni Satanas. Inihihiwalay nila ang kanilang sarili sa Diyos at sa proteksyon ng Kanyang mga anghel; at habang inihaharap ng diyablo ang mga pandaraya niya, sila’y walang sanggalang at madaling nabibiktima. Yung mga inilalagay nang ganyan ang kanilang sarili sa kanyang kapangyarihan ay hindi alam kung saan hahantong ang kanilang tinatahak. Pagkatapos na sila’y maibagsak, gagamitin naman sila ng manunukso bilang instrumento niya upang tuksuhin ang iba pa tungo sa pagkapahamak. ADP 320.4
Ang sabi ni propeta Isaias: “Kapag kanilang sinabi sa inyo, ‘Sumangguni kayo sa mga multo at masasamang espiritu na humuhuni at bumubulong.’ Hindi ba dapat sumangguni ang bayan sa kanilang Diyos, ang mga patay para sa mga buhay? Sa kautusan at sa patotoo! Kung hindi sila nagsasalita nang ayon sa salitang ito ay sa dahilang walang liwanag sa kanila” (Isaias 8:19, 20). Kung ang mga tao lamang ay nakalaang tumanggap sa katotohanang napakalinaw na ipinapahayag sa mga Kasulatan tungkol sa likas ng tao at sa kalagayan ng mga patay, makikita nila sa mga sinasabi at ipinapakita ng espi-rituwalismo ang paggawa ni Satanas na may kapangyarihan at mga tanda at mga mapanlinlang na kababalaghan. Ngunit sa halip na isuko ang kalayaan na talagang kalugud-lugod sa pusong makalaman at talikuran ang mga kasalanang kinahihiligan nila, napakarami ang nagpipikit ng kanilang mga mata sa liwanag, at patuloy lang sa paglakad, sa kabila ng mga babala, habang ginagawa ni Satanas ang kanyang mga bitag sa palibot nila, at sila’y nagiging biktima niya. “Sapagkat tumanggi silang ibigin ang katotohanan upang sila’y maligtas. At dahil dito’y pinapadalhan sila ng Diyos ng makapangyarihang pagkalinlang upang maniwala sila sa kasinungalingan” (2 Tesalonica 2:10, 11). ADP 320.5
Yung mga kumakalaban sa mga turo ng espirituwalismo ay hindi lamang mga tao ang sinasalakay kundi si Satanas at ang kanyang mga anghel. Sila’y nagsimulang makipaglaban sa mga pamunuan at sa mga kapangyarihan at sa masasamang espiritu sa matataas na dako. Hindi isusuko ni Satanas ang kahit isang pulgada ng kanyang kinatatayuan malibang siya’y paurungin ng kapangyarihan ng mga makalangit na anghel. Gaya ng ating Tagapagligtas, dapat siyang kaharapin ng bayan ng Diyos sa pamamagitan ng salitang: “Nasusulat.” Kayang gumamit ni Satanas ng Kasulatan ngayon gaya noong panahon ni Cristo, at babaluktutin niya ang mga turo nito para ipagpatuloy ang kanyang mga pandaraya. Yung mga gustong makatagal sa panahong ito ng panganib ay dapat personal na maunawaan ang patotoo ng mga Kasulatan. ADP 321.1
Marami ang papakitaan ng mga espiritu ng demonyo habang ginagaya ang mga minamahal na kamag-anak o kaibigan at magsasabi ng mga pinakamapanganib na maling doktrina. Pupukawin ng mga panauhing ito ang pinakamalambot nating pagdamay at gagawa ng mga himala upang pagtibayin ang mga pagkukunwari nila. Dapat tayong maghandang kalabanin sila sa pamamagitan ng katotohanan ng Biblia na ang mga patay ay walang anumang nalalaman, at yung mga nagpapakita ay mga espiritu ng demonyo. ADP 321.2
Nasa harapan lang natin ang “oras ng pagsubok na darating sa buong daigdig, upang subukin ang mga naninirahan sa ibabaw ng lupa” (Apocalipsis 3:10). Ang lahat na ang pananampalataya’y hindi matibay na nakasalig sa Salita ng Diyos ay madadaya at madadaig. Si Satanas ay gumagawa “na may lahat ng mapandayang kasamaan” upang makontrol ang mga tao, at ang mga pandaraya niya ay patuloy na darami. Ngunit makakamit lang niya ang kanyang layunin kapag ang mga tao ay kusang bumigay sa kanyang panunukso. Yung mga tapat na naghahangad na matamo ang pagkaalam sa katotohanan, at nagsisikap na linisin ang kanilang kaluluwa sa pamamagitan ng pagsunod, sa gayo’y ginagawa ang kanilang makakaya upang maging handa sa labanan, ay makakasumpong ng tiyak na sanggalang sa Diyos ng katotohanan. “Sapagkat tinupad mo ang salita ng Aking pagtitiis, ikaw naman ay Aking iingatan” (talatang 10), iyan ang pangako ng Tagapagligtas. Mabilis Niyang isusugo ang lahat ng anghel mula sa langit upang ipagsanggalang ang Kanyang bayan kaysa pabayaang magapi ni Satanas ang isang kaluluwang nagtitiwala sa Kanya. ADP 321.3
Ipinakikita ni propeta Isaias ang nakakatakot na pandarayang darating sa masasama, na magiging dahilan para ipalagay nilang sila’y ligtas sa mga kahatulan ng Diyos: “Tayo’y nakipagtipan sa kamatayan, at sa Sheol [libingan] ay nakipagkasundo tayo; kapag ang mahigpit na hagupit ay dumaan, ito’y hindi darating sa atin; sapagkat ating ginawang kanlungan ang mga kabulaanan, at sa ilalim ng kasinungalingan ay nagkubli tayo” (Isaias 28:15). Sa grupo ng taong inilalarawan dito ay kasama yung mga ayaw magsisi, na dahil sa katigasan ng puso ay inaaliw ang kanilang sarili sa paniniwalang hindi parurusahan ang mga makasalanan; na ang buong sangkatauhan, gaano man kasama ay dadalhin sa langit upang maging gaya ng mga anghel ng Diyos. Ngunit higit pang matigas ay yung mga nakikipagtipan sa kamatayan at nakikipagkasundo sa libingan na itinatakwil ang mga katotohanang inilaan ng Langit bilang sanggalang sa mga matutuwid sa araw ng kabagabagan at tinanggap kapalit nito ang muog ng kasinungalingan na inialok ni Satanas—mga mapandayang pagpapanggap ng espirituwalismo. ADP 321.4
Lubhang kataka-taka ang pagkabulag ng mga tao sa henerasyong ito. Libu-libo ang nagsasabing hindi dapat paniwalaan ang Salita ng Diyos at buong-tiwalang sabik na tinatanggap ang mga pandaraya ni Satanas. Tinutuligsa ng mga mapag-alinlangan at manlalait ang pagkapanatiko nung mga nakikipaglaban para sa pananampalataya ng mga propeta’t mga apostol, at inililigaw ang kanilang sarili sa pamamagitan ng paglait sa mga banal na kapahayagan ng mga Kasulatan tungkol kay Cristo’t sa panukala ng kaligtasan, at sa kagantihang darating sa mga hindi tumanggap sa katotohanan. Sila’y nagkukunwaring naaawa nang husto sa mga isipang ganon kakitid, kahihina, at kamapamahiin para kumilala pa rin sa mga pag-aangkin ng Diyos at sumunod sa mga ipinagagawa ng Kanyang kautusan. Sila’y nagpapakita ng malaking kasiguruhan na para bang sila talaga’y nakipagtipan sa kamatayan at nakipagkasundo sa libingan—na para bang sila’y nakapagtayo ng di-matatawirang harang sa pagitan nila at ng paghihiganti ng Diyos. Walang puwedeng pumukaw sa takot nila. Talagang lubos silang nagpasakop sa manunukso, napakalapit ng pakikipag-isa nila sa kanya, at lubusang puspos ng kanyang espiritu, anupa’t wala silang kapangyarihan at kagustuhang makawala sa mga bitag niya. ADP 321.5
Matagal nang naghahanda si Satanas para sa kanyang huling pagsisikap na dayain ang sanlibutan. Ang saligan ng kanyang gawain ay inilagay ng katiyakang sinabi niya kay Eva sa Eden na, “Tiyak na hindi kayo mamamatay.” “Kapag kayo’y kumain noon ay mabubuksan ang inyong mga mata, at kayo’y magiging kagaya ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama” (Genesis 3:4, 5). Unti-unti niyang naihanda ang daan para sa kanyang obra-maestrang pandaraya dahil sa pagkakabuo ng espirituwalismo. Hindi pa niya naaabot ang lubos na katuparan ng kanyang mga panukala; ngunit ito’y maaabot sa huling natitirang panahon. Ang sabi ng propeta: “Nakita ko...ang tatlong espiritung karumaldumal, na gaya ng mga palaka. Sila’y mga espiritu ng mga demonyo na gumagawa ng mga tanda; pumupunta sa mga hari ng buong daigdig, upang tipunin sila sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat” (Apocalipsis 16:13, 14). Maliban doon sa mga iniingatan ng kapangyarihan ng Diyos dahil sa pagsampalataya sa Kanyang Salita, ang buong sanlibutan ay matatangay sa panig ng panlilinlang na ito. Ang mga tao’y mabilis na ipinaghehele sa isang nakamamatay na katiwasayan, para lamang magising sa pagbuhos ng galit ng Diyos. ADP 322.1
Sinabi ng Panginoong Diyos: “Aking ilalagay na pising panukat ang katarungan, at ang katuwiran bilang pabigat; at papalisin ng yelo ang kanlungan ng mga kabulaanan, at aapawan ng tubig ang kanlungan. At ang inyong tipan sa kamatayan ay mawawalan ng kabuluhan, at ang inyong pakikipagkasundo sa Sheol [libingan] ay hindi mamamalagi; kapag ang mahigpit na hagupit ay dumaraan, kayo nga’y ibabagsak niyon” (Isaias 28:17, 18). ADP 322.2