Ang Romanismo ay pinakikitunguhan na ngayon ng mga Protestante nang may mas malaking pabor kaysa noong mga nakaraang panahon. Sa mga bansa na ang Katolisismo ay hindi nangingibabaw at ang mga makapapa ay gumagawa ng pakikipagkasundo upang magtamo ng impluwensya, may lumalaking pagwawalang-bahala hinggil sa mga doktrinang naghihiwalay sa mga repormadong iglesya sa pamunuan ng kapapahan; lumalaganap ang paniniwala na hindi rin naman pala tayo nagkakaiba-iba nang husto sa mahahalagang punto ng pananampalataya gaya ng inaakala, at ang konting pagpapahinuhod natin ay maghahatid sa atin sa mas mabuting pakikipag-unawaan sa Roma. Noon ay malaki ang pagpapahalaga ng mga Protestante sa kalayaan ng budhi na binili sa napakataas na halaga. Tinuruan nila ang kanilang mga anak na kasuklaman ang kapapahan, at pinanindigan na ang pagsisikap na matamo ang pakikipagkasundo sa Roma ay pagtataksil sa Diyos. Ngunit anong laki ng pagkakaiba ng mga opinyong ipinahahayag ngayon! ADP 322.3
Sinasabi ng mga tagapagtanggol ng kapapahan na ang simbahan ay siniraangpuri; at ang mga Protestante ay gusto namang maniwala sa pahayag na ito. Iginigiit ng marami na hindi tamang hatulan ang simbahan ngayon ayon sa mga kasuklam-suklam at kabuktutang tanda ng paghahari nito noong mga dantaon ng kawalang-alam at kadiliman. Idinadahilan nila na ang kakila-kilabot na kalupitan nito ay resulta ng kawalang-sibilisasyon ng mga panahong iyon, at ikinakatwirang binago na ng impluwensya ng makabagong kabihasnan ang mga pananaw nito. ADP 322.4
Nalimutan na ba ng mga taong ito ang pag-aangking inihaharap ng mapagmalaking kapangyarihang ito sa loob ng 800 taon, na siya’y hindi nagkakamali? Ang pagaangking ito na napakalayong talikuran, ay pinagtibay pa nang mas tiyakan noong ika-19 na siglo. Samantalang iginigiit ng Roma na ang simbahan ay “ hindi kailanman nagkamali ; ni magkakamali kailanman , ayon sa Kasulatan” (John L. von Mosheim, Institutes of Ecclesiastical History, b. 3, cent. 11, pt. 2, ch. 2, sec. 9, note 17), paano nga niya tatalikuran ang mga prinsipyong namuno sa kanyang mga hakbangin noong mga panahong nagdaan? ADP 322.5
Kailanma’y hindi tatalikdan ng simbahan ng kapapahan ang pag-aangkin nito na hindi siya nagkakamali. Ang lahat niyang ginawa sa pang-uusig sa mga hindi tumanggap sa kanyang mga doktrina, ay pinaninindigan niyang tama; at hindi na kaya niya uulitin ang mga gawaing iyon sakaling magkaroon siya ng pagkakataon? Alisin lang ang mga pamigil na ipinatutupad ng mga pamahalaan at ibalik ang Roma sa dati niyang kapangyarihan, at siguradong magkakaroon ng mabilis na pagkabuhay ng kanyang kalupitan at pang-uusig. ADP 323.1
Ganito ang sabi ng isang kilalang manunulat tungkol sa saloobin ng pamunuan ng kapapahan hinggil sa kalayaan ng budhi at sa mga panganib na nagbabanta sa tagumpay ng pamamalakad ng Estados Unidos: ADP 323.2
“Marami ang sang-ayon na iukol sa pagkapanatiko o sa pagiging parang bata ang anumang takot ng Estados Unidos sa Katolisismo. Ang mga taong ganyan ay walang nakikitang anuman sa likas at saloobin ng Romanismo na laban sa malaya nating pagkakatatag, o kaya’y walang nasusumpungang anumang nagbabanta sa pagsulong nito. Atin nga muna ngayong paghambingin ang ilang pangunahing prinsipyo ng ating pamahalaan at ng Simbahang Katoliko. ADP 323.3
“Ginagarantiyahan ng Konstitusyon ng Estados Unidos ang kalayaan ng budhi. Wala nang mas mahalaga pa o mas pangunahin pa kaysa rito. Si Pope Pius IX, sa kanyang Encyclical Letter noong Agosto 15, 1854 ay nagsabi ng ganito: ‘Ang mga di kapani-paniwala at maling doktrina o kahibangan para ipagtanggol ang kalayaan ng budhi ay isang lubhang nakakasalot na kamalian—isang salot na higit sa lahat, ay dapat katakutan sa isang bansa.’ Ang papa ring ito sa kanyang Encyclical Letter noong Disyembre 8, 1846, ay sinumpa ‘yung mga naggigiit sa kalayaan ng budhi at ng pagsambang panrelihiyon,’ pati ang ‘lahat ng naninindigang ang simbahan ay hindi maaaring gumamit ng dahas.’ ADP 323.4
“Ang mahinahong tinig ng Roma sa Estados Unidos ay hindi nangangahulugang nagbago na ang puso nito. Siya’y mapagpaubaya kung saan siya walang magagawa. Ang sabi ni Bishop O’ Connor: ‘Ang kalayaan sa relihiyon ay pinagtitiisan lamang hanggang sa ang kabaligtaran nito ay maisagawa nang walang panganib sa daigdig ng Katolisismo.’... Minsa’y nagsabi ng ganito ang arsobispo ng St. Louis: ‘Ang erehiya at di-pagsampalataya ay krimen, at sa mga bansang Kristiyano, gaya halimbawa ng Italy at Spain, na ang lahat ng tao ay Katoliko at ang relihiyong Katoliko ay isang mahalagang bahagi ng batas ng bansa, ang mga ito’y pinarurusahan gaya ng iba pang krimen.’... ADP 323.5
“Bawat kardinal, arsobispo, at obispo ng Simbahang Katoliko ay nanunumpa ng katapatan sa papa, na ganito ang pangungusap: ‘Ang mga erehe, mga sekta-sekta, at mga rebelde sa ating nasabing panginoon (sa papa), o sa binanggit niyang papalit sa kanya ay uusigin at kakalabanin ko sa aking buong makakaya.’—Josiah Strong, Our Country , ch. 5 pars. 2-4. ADP 323.6
Totoong may mga tunay na Kristiyano sa kapulungan ng Romano Katoliko. Libulibo sa mga nasa simbahang iyan ang naglilingkod sa Diyos ayon sa buong liwanag na meron sila. Hindi sila pinapayagang makabasa ng Salita ng Diyos, kung kaya’t hindi nila nauunawaan ang katotohanan. *Inilimbag noong 1888 at 1911. Tingnan ang Apen-diks para sa pahina 198. Hindi nila nakita ang pagkakaiba ng paglilingkod mula sa pusong buhay at ng paulitulit na sistema at seremonya lamang. May kahabagang minamasdan ng Diyos ang mga kaluluwang ito na tinuruan sa isang pananampalatayang nagliligaw at hindi makasisiya. Palalagusin Niya ang mga sinag ng liwanag sa makapal na kadilimang bumabalot sa kanila. Ihahayag Niya sa kanila ang katotohanan kung paanong ito’y nakay Jesus, at marami ang maninindigan pa lang kasama ng Kanyang bayan. ADP 323.7
Subalit ang Romanismo bilang isang sistema ay hindi pa rin ngayon kasang-ayon ng ebanghelyo ni Cristo gaya ng alinmang panahon sa kasaysayan nito. Ang mga iglesyang Protestante ay nasa matinding kadiliman, kung hindi ay nakita sana nila ang mga tanda ng panahon. Malawak ang saklaw ng mga panukala at paraan ng pagkilos ng simbahang Romano. Ginagamit niya ang lahat ng pakana upang palawakin ang kanyang impluwensya at madagdagan ang kanyang kapangyarihan bilang paghahanda sa isang matindi at disididong labanan upang mabawi ang paghahari sa sanlibutan, upang muling itatag ang pag-uusig, at sirain ang lahat ng nagawa ng Protestantismo. Ang Katolisismo ay lumalaganap sa lahat ng dako. Masdan mo ang dumaraming simbahan at kapilya nito sa mga bansang Protestante. Tingnan mo ang katanyagan ng mga kolehiyo’t seminaryo nito sa America, na tinatangkilik nang husto ng mga Protestante. Tingnan mo ang pagsulong ng ritwalismo sa Eng-land, at ang madalas na paglipat sa hanay ng mga Katoliko. Ang mga bagay na ito ay dapat na pumukaw sa pangamba ng lahat ng nagpapahalaga sa mga dalisay na prinsipyo ng ebanghelyo. ADP 323.8
Lihim na nakiugnay at sinuyo ng mga Protestante ang kapapahan; gumawa sila ng mga kasunduan at pagpapahinuhod na ikinagulat at hindi maintindihan ng mga makapapa mismo. Ipinipikit ng mga tao ang kanilang mga mata sa tunay na likas ng Romanismo at sa mga panganib na dapat pangambahan sa paghahari nito. Ang mga tao’y dapat na gisingin upang labanan ang pagsulong ng pinakamapanganib na kaaway na ito ng kalayaang sibil at relihiyon. ADP 324.1
Inaakala ng maraming Protestante na ang relihiyong Katoliko ay hindi kaakitakit, na ang pagsamba nito ay walang-sigla at walang-kabuluhang paulit-ulit na seremonya. Dito sila nagkakamali. Bagaman ang Romanismo ay nakabatay sa pandaraya, hindi ito mahinang klase at pangit na pagkukunwari. Ang serbisyong relihiyon ng Simbahang Romano ay isang napakaringal na seremonya. Ang napakaririlag na pagtatanghal at taimtim na seremonya nito ay bumibighani sa mga pandama ng mga tao at pinatatahimik ang tinig ng sentido-komun at ng budhi. Ang mata ay nagagayuma. Ang magagandang simbahan, mariringal na prusisyon, mga ginintuang altar, nahihiyasang mga dambana, mga piling larawan, at napakagagandang iskultura ay nakakabigay-lugod sa hilig sa kagandahan. Ang tainga ay naaakit din. Ang musika ay talagang hindi mahihigitan. Ang eleganteng himig ng organong malalim ang tunog, na kasaliw ng awit ng maraming tinig habang umaalingawngaw sa matataas na simboryo at sa mga pasilyong may naglalakihang haligi ng magagandang katedral nito, ay hindi mabibigong magkintal sa isipan ng pitagan at paggalang. ADP 324.2
Ang panlabas na karilagan, karingalan, at seremonyang ito, na nanghahamak lamang sa mga pananabik ng kaluluwang lipos ng kasalanan, ay katibayan ng panloob na kasamaan. Ang relihiyon ni Cristo ay hindi kailangan ang ganyang mga panghalina upang irekomenda ang sarili nito. Sa liwanag na nagmumula sa krus, ang tunay na Kristiyanismo ay lumilitaw na talagang malinis at kaakit-akit anupa’t walang dekorasyong panlabas ang makakadagdag sa tunay na kahalagahan nito. Ang kagandahan ng kabanalan, at isang maamo’t tahimik na espiritu ang siyang mahalaga sa Panginoon. ADP 324.3
Ang ningning ng istilo ay hindi nangangahulugang tanda ng malinis at marangal na pag-iisip. Ang mataas na pagkaunawa sa sining, at maselang kapinuhan ng hilig, ay malimit na umiiral sa mga isipang makamundo at mahalay. Ang mga ito’y madalas na ginagamit ni Satanas upang ipalimot sa mga tao ang mga pangangailangan ng kaluluwa, upang mawala sa alaala ang hinaharap na walang-hanggang buhay, upang tumalikod sa kanilang dakilang Tagatulong, at upang mabuhay para lang sa sanlibutang ito. ADP 324.4
Ang relihiyong panay panlabas lang ay nakakaakit sa pusong hindi nabago. Ang karingalan at seremonya ng pagsambang Katoliko ay may mapang-akit at gumagayumang kapangyarihan na dumadaya sa marami; at ang Simbahang Romano ay itinuturing na nilang pintuan mismo ng langit. Wala nang iba kundi yung mga itinuntong lamang nang matatag ang kanilang mga paa sa saligan ng katotohanan, at ang mga puso ay nabago ng Espiritu ng Diyos, ang siyang patunay laban sa impluwensya niya. Libu-libong tao, na walang pagkakilala kay Cristo batay sa karanasan, ang maaakay na tanggapin ang mga anyo ng kabanalan na wala namang kapangyarihan. Ang ganyang relihiyon ang gusto ng karamihan. ADP 324.5
Ang pag-aangkin ng simbahan sa karapatang magpatawad ng kasalanan ay siyang nagpadama sa mga Romanista ng kalayaang magkasala; at ang ordinansa ng pangungumpisal, na kung wala nito’y hindi ipagkakaloob ang kanyang pagpapatawad, ay nakakapagbigay din ng labis na kalayaan sa kasamaan. Siyang lumuluhod sa harap ng nagkakasalang tao at sa pangungumpisal ay ibinubunyag ang mga lihim na iniisip at imahinasyon ng kanyang puso, ay hinahamak ang kanyang pagkatao, at sinisira ang bawat marangal na katutubong katangian ng kanyang kaluluwa. Sa paglalahad ng mga kasalanan ng kanyang buhay sa pari—na isang nagkakamali’t makasalanan ring tao, at kadalasa’y ginagawang tiwali ng alak at kahalayan—ang pamantayan ng kanyang karakter ay bumababa, at bilang bunga, siya’y nadudungisan. Ang mga iniisip niya sa Diyos ay bumababa sa pagiging katulad ng nagkasalang tao, sapagkat ang pari ay tumatayong kinatawan ng Diyos. Ang nakasasamang pangungumpisal na ito ng tao sa tao, ay siyang lihim na bukal na mula dito’y umaagos ang napakaraming kasamaang nagpaparumi sa sanlibutan, at nagaangkop dito para sa huling pagkawasak. Ngunit sa mahilig magpalayaw sa sarili ay mas maganda pa ring mangumpisal sa kapwa-tao kaysa buksan ang kaluluwa sa Diyos. Mas masarap pa sa likas ng tao ang magpinitensya kaysa talikuran ang kasalanan; mas madaling pasakitan ang laman sa pamamagitan ng damit-sako at mga damong matitinik at nagpapahirap na kadena kaysa ipako sa krus ang mga hilig ng laman. Mabigat ang pasanin na laang buhatin ng makalamang puso sa halip na yumuko sa pamatok ni Cristo. ADP 325.1
Merong kapansin-pansing pagkakatulad ang Simbahang Romano at ang Iglesya ng mga Judio noong panahon ng unang pagparito ni Cristo. Samantalang lihim na niyuyurakan ng mga Judio ang bawat prinsipyo ng kautusan ng Diyos, sa panlabas ay mahigpit sila sa pangingilin ng bawat alituntunin nito, pinabibigatan ito ng mga pananagutan at tradisyon na ginawang pahirap at pabigat ang pagsunod. Kung paanong nagpanggap ang mga Judio na iginagalang ang kautusan, ganon din sinasabi ng mga Romanista na iginagalang nila ang krus. Itinataas nila ang simbolo ng mga paghihirap ni Cristo, samantalang sa kanilang mga buhay ay itinatakwil nila Siya na kinakatawanan nito. ADP 325.2
Ang mga makapapa ay naglalagay ng mga krus sa kanilang mga simbahan, sa kanilang mga altar, at sa kanilang mga kasuotan. Kahit saan ay makikita ang sagisag ng krus. Kahit saan ito’y pakunwaring pinararangalan at itinataas. Subalit ang mga turo ni Cristo ay ibinabaon sa ilalim ng bunton ng walang-kabuluhang mga tradisyon, mga maling paliwanag, at mahihigpit na pananagutan. Ang mga sinabi ng Tagapagligtas tungkol sa mga panatikong Judio, ay mas higit pang nauukol sa mga pinuno ng Simbahang Romano Katoliko: “Nagtatali sila ng mabibigat na pasanin at mahihirap dalhin, at ipinapatong nila sa mga balikat ng mga tao; ngunit ayaw nila mismong galawin ang mga iyon ng kanilang daliri” (Mateo 23:4). Ang mga tapat na kaluluwa ay pinipigilan sa walang-tigil na kilabot, natatakot sa galit ng isang naagrabyadong Diyos, samantalang marami sa matataas na pinuno ng simbahan ang namumuhay sa luho at mahalay na kasiyahan. ADP 325.3
Ang pagsamba sa mga rebulto at mga banal na alaala, ang pananalangin sa mga santo, at ang pagtataas sa papa ay mga pakana ni Satanas upang akitin ang isipan ng mga tao palayo sa Diyos at sa Kanyang Anak. Upang maisagawa ang kanilang pagkawasak, sinisikap niyang ibaling ang kanilang pansin mula sa Diyos na Siyang tanging kasusumpungan nila ng kaligtasan. Ituturo niya sila sa kahit anong bagay na puwedeng ipalit sa Isang nagsabi: “Lumapit kayo sa Akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan Ko ng kapahingahan” (Mateo 11:28). ADP 325.4
Walang-tigil na sinisikap ni Satanas na maliin ang karakter ng Diyos, ang likas ng kasalanan, at ang mga tunay na usaping nakataya sa malaking tunggalian. Binabawasan ng kanyang pandaraya ang obligasyon sa banal na kautusan, at binibigyan ang mga tao ng labis na kalayaang magkasala. Kasabay nito ay pinag-iingat niya sila ng mga maling pagkakilala sa Diyos, upang Siya’y kanilang katakutan at kamuhian sa halip na mahalin. Ang kalupitang likas sa sarili niyang karakter ay iniuukol niya sa Lumikha; ito’y isinasama sa mga sistema ng relihiyon, at ipinakikita sa mga paraan ng pagsamba. Ganyan binubulag ang isipan ng mga tao at nakukuha sila ni Satanas bilang mga instrumento niya para makipaglaban sa Diyos. Dahil sa mga baluktot na pagkakilala sa mga katangian ng Diyos, ang mga bansang pagano ay napaniwalang ang mga pagsasakripisyo ng tao ay kinakailangan upang matamo ang pagsang-ayon ng Diyos; at kakila-kila-bot ang mga kalupitang isinasagawa sa ilalim ng iba’t ibang klase ng pagsamba sa diyus-diyosan. ADP 325.5
Ang Simbahang Romano Katoliko, na pinagsasama ang mga seremonya ng paganismo’t Kristiyanismo, at minamali ang karakter ni Cristo gaya rin ng paganismo, ay dumulog din sa mga kaugaliang ganon din kalupit at kasuklam-suklam. Sa panahon ng paghahari ng Roma, merong mga instrumento ng pagpapahirap para ipilit ang pagsang-ayon sa mga doktrina nito. Naroon ang posteng pinagsusunugan ng mga hindi tatanggap sa kanyang mga pag-aangkin. Merong mga masaker na kailanma’y hindi malalaman ang antas hanggang sa ibunyag sa paghuhukom. Ang mga matataas na pinuno ng simbahan ay nag-aral, sa ilalim ng guro nilang si Satanas, upang makaimbento ng mga paraang magdudulot ng pinakamatinding posibleng pahirap sa biktima nila pero hindi pa rin mawawakasan ang buhay nito. Sa maraming pangyayari, ang makademonyong proseso ay inuulit hanggang sa sukdulang limitasyon ng kayang tiisin ng tao, hanggang bumigay na ang pagkatao sa pagpupunyagi, at tinatawagan na ng taong naghihirap ang kamatayan bilang masarap na kaginhawahan. ADP 326.1
Ganyan ang naging kapalaran ng mga kalaban ng Roma. Para sa mga tagasunod nito, meron siyang disiplina ng latigo, ng matinding gutom, ng kalupitan sa katawan ayon sa bawat klaseng maiisip at nakapanlulumo. Upang matamo ang pagsang-ayon ng Langit, nilalabag ng mga nagpipinitensya ang mga kautusan ng Diyos sa pamamagitan ng paglabag sa mga batas ng kalikasan. Sila’y tinuturuang lagutin ang mga taling binuo Niya upang pagpalain at pasayahin ang pansamantalang paninirahan ng tao sa lupa. Ang bakuran ng simbahan ay kinalilibingan ng milyun-milyong biktima na ginugol ang kanilang buhay sa walang-kabuluhang pagsisikap na supilin ang kanilang mga likas na hilig, na pigilin ang bawat pag-alaala at damdamin ng kahabagan sa kanilang kapwa-nilalang dahil nakakagalit daw ito sa Diyos. ADP 326.2
Kung gusto nating maunawaan ang disididong kalupitan ni Satanas, na daan-daang taon nang hayag, hindi sa mga hindi pa nakakarinig ng tungkol sa Diyos, kundi sa pinakapusod mismo ng buong Sangkakristiyanuhan, kailangan lang nating tumingin sa kasaysayan ng Romanismo. Sa pamamagitan ng napakalaking sistemang ito ng pandaraya ay natatamo ng prinsipe ng kasamaan ang kanyang layuning magdulot ng kasiraang-puri sa Diyos at gawing hamak ang tao. At habang nakikita natin kung paano siya nagtatagumpay sa pagbabalatkayo at pagsasakatuparan ng kanyang gawain sa pamamagitan ng mga lider ng simbahan, mas mauunawaan natin kung bakit napakalaki ng pagkasuklam niya sa Biblia. Kapag ang Aklat na iyan ay nabasa, mahahayag ang awa at pag-ibig ng Diyos at makikitang hindi Siya nagpapataw sa mga tao ng ganitong mabibigat na pasanin. Ang hinihingi lamang Niya ay isang bagbag at nagsisising puso, isang mapagpakumbaba, at masunuring espiritu. ADP 326.3
Si Cristo sa Kanyang buhay ay hindi nagbigay ng halimbawa sa mga lalaki’t babae na ikulong ang sarili nila sa mga monasteryo para maging karapat-dapat sa langit. Hindi Niya kailanman itinuro na ang pag-ibig at awa ay dapat pigilin. Ang puso ng Tagapagligtas ay nag-uumapaw sa pag-ibig. Habang mas papalapit ang tao sa kasakdalang moral, mas matalas din ang kanyang kakayahang makadama, mas matalas ang pagkadama niya sa kasalanan, at mas malalim ang kanyang pagkahabag sa mga naghihirap. Sinasabi ng papa na siya raw ang kahalili ni Cristo; subalit paanong maikukumpara ang kanyang likas sa likas ng ating Tagapagligtas? Si Cristo ba'y nakilalang nagpabilanggo o nagpahirap ng mga tao dahil hindi sila nagbigay ng paggalang sa Kanya bilang Hari ng kalangitan? Narinig ba ang Kanyang tinig na humahatol ng kamatayan doon sa mga hindi tumanggap sa Kanya? Nang Siya’y hamakin ng mga tao sa isang nayon ng mga Samaritano, si apostol Juan ay nalipos ng galit, at nagtanong, “Panginoon, ibig Mo bang kami ay magpababa ng apoy mula sa langit upang sila’y tupukin gaya ng ginawa ni Elias?” Si Jesus ay may kahabagang tumingin sa Kanyang alagad, at pinagsabihan ang mabalasik nitong espiritu, na sinasabi, “Hindi dumating ang Anak ng Tao upang sirain ang buhay ng tao kundi upang iligtas sila” (Lucas 9:54, 56). Ibang-iba talaga sa espiritung ipinakita ni Cristo ang espiritu nung nagpapanggap na kahalili Niya. ADP 326.4
Inihaharap ngayon sa sanlibutan ng Simbahang Romano ang isang magandang mukha, tinatakpan ng mga pagpapaumanhin ang kasaysayan ng mga kakila-kilabot na kalupitan niya. Dinamitan niya ang kanyang sarili ng mga kasuotan ng pagiging gaya ni Cristo; ngunit siya’y hindi nagbago. Lahat ng prinsipyo ng kapapahan na umiral noong mga nakaraang panahon ay umiiral pa rin ngayon. Ang mga doktrinang ginawa sa pinakamadilim na kapanahunan ay pinaninindigan pa rin nito ngayon. Huwag dayain ng sinuman ang kanyang sarili. Ang kapapahan na ngayo’y talagang laan nang parangalan ng mga Protestante ay siya ring naghari sa sanlibutan noong panahon ng Repormasyon, nang ang mga tao ng Diyos ay tumayo, kahit manganib ang kanilang buhay, upang ilantad ang kanyang kasamaan. Taglay pa rin niya ang pagmamalaki at palalong panunungkulang iyon na naghari-harian sa mga hari’t mga prinsipe, at inaangkin ang mga sariling karapatan ng Diyos. Ang kanyang espiritu ngayon ay kasinglupit at kasimbagsik pa rin noong durugin nito ang kalayaan ng tao at pagpapatayin ang mga banal ng Kataas-taasan. ADP 327.1
Ang kapapahan ay siyang kung ano talagang ipinahayag ng hula kung magiging ano siya, ang tatalikod sa huling panahon (2 Tesalonica 2:3, 4). Bahagi ng palakad niya ang mag-anyo ng katangian na sa pamamagitan nito’y pinakamabuti niyang maisasagawa ang kanyang mga layunin; ngunit sa ilalim ng pabagu-bagong anyo ng hunyango ay itinatago niya ang di-nababagong kamandag ng ahas. Sabi niya, “Ang pangako ay hindi dapat tuparin sa mga erehe, ni sa mga taong pinaghihinalaan ng erehiya.”—(Lenfant, vol. 1, p. 516). Ang kapangyarihan bang ito, na ang kasaysayan sa loob ng libu-libong taon ay nakasulat sa dugo ng mga banal, ay kikilalanin na ngayong kabahagi ng iglesya ni Cristo? ADP 327.2
Merong dahilan kung bakit inihaharap ng mga bansang Protestante ang pahayag na ang Katolisismo ay hindi na raw gaanong naiiba ngayon sa Protestantismo kaysa noong mga nakaraang panahon. Nagkaroon ng pagbabago; ngunit ang pagbabagong ito ay hindi sa kapapahan. Talagang katulad na ng Katolisismo ang Protestantismong umiiral ngayon; dahil napakalaki ng ikinasama ng Protestantismo mula noong panahon ng mga Repormador. ADP 327.3
Habang sinisikap na matamo ng mga iglesyang Protestante ang pabor ng sanlibutan, binulag ng huwad na kawanggawa ang kanilang mga mata. Ang tangi nilang nakita ay tama na paniwalaan ang mabuti sa lahat ng kasamaan; at bilang tiyak na resulta, paniniwalaan na rin nila ang masama sa lahat ng kabutihan. Sa halip na manindigan para ipagtanggol ang pananampalataya na minsanang ibinigay sa mga banal, sila ngayon ay para bagang humihingi pa ng paumanhin sa Roma dahil sa walang-habag nilang pakiwari sa kanya, humihingi ng patawad sa pagiging panatiko nila. ADP 327.4
Ang napakaraming tao, maging doon sa mga hindi sumasang-ayon sa Romanismo, ay hindi gaanong nangangamba sa kanyang kapangyarihan at impluwensya. Iginigiit ng marami na ang kadilimang moral at pangkaisipan daw na lumaganap noong Middle Ages ang nakatulong sa pagkalat ng kanyang mga paniniwala, pamahiin, at pagpapahirap, at pinipigilan na daw ng napakalaking karunungan ng panahong kasalukuyan, ng pangkalahatang paglaganap ng kaalaman, at ng lumalagong kalayaan sa mga bagay na panrelihiyon, ang pananag-uli ng paghihigpit sa relihiyon at ng kalupitan. Ang isiping iiral pa sa panahong ito ng kaalaman ang ganong kalagayan ng mga bagay ay pinagtatawanan. Tunay ngang ang malaking liwanag na pangkaisipan, moral, at panrelihiyon ay sumisikat sa henerasyong ito. Sa mga bukas na pahina ng Banal na Salita ng Diyos, ang liwanag na mula sa langit ay ibinubuhos sa sanlibutan. Ngunit dapat nating tandaan na kung mas malaking liwanag ang ipinagkaloob, mas malaki rin naman ang kadiliman nung mga bumabaluktot o tumatanggi rito. ADP 327.5
Ang mapanalangining pag-aaral ng Biblia ay siyang magpapakita sa mga Protestante sa tunay na likas ng kapapahan, at ito ang magiging dahilan upang ito’y kanilang kasuklaman at layuan; ngunit marami ang napakagaling sa sarili nilang kayabangan anupa’t hindi nila nadaramang kailangan nilang hanapin nang may kapakumbabaan ang Diyos upang maihatid sila sa katotohanan. Bagaman ipinagmamalaki nila ang kanilang kaalaman, sila’y walang-alam kapwa sa Kasulatan at sa kapangyarihan ng Diyos. Kailangan nila ng mga paraan upang mapatahimik ang kanilang konsensya; at ang hinahanap nila ay yung hindi gaanong espirituwal at nakakahiya. Ang gusto nila ay isang paraan ng paglimot sa Diyos, na papasa bilang kaparaanan ng pag-alaala sa Kanya. Ang kapapahan ay angkop na angkop na tugunan ang mga pangangailangan sa lahat ng ito. Ito’y ginawa para sa dalawang uri ng tao, na halos sinasaklaw na ang buong sanlibutan—yung mga gustong maligtas dahil sa kanilang kabutihan, at yung mga gustong maligtas habang gumagawa ng kasalanan. Nandito ang sekreto ng kapangyarihan nito. ADP 328.1
Ang panahon ng malaking kadilimang pangkaisipan ay napatunayan nang pabor sa pagtatagumpay ng kapapahan. Ngunit mapapatunayan pa lang na ang panahon ng malaking kaliwanagang pangkaisipan ay pabor din sa pagtatagumpay nito. Sa mga nagdaang panahon, na wala pa ang Salita ng Diyos sa mga tao, at hindi pa alam ang katotohanan, ang mga mata nila ay nakapiring, at libu-libo ang nabitag, dahil hindi nila nakikita ang silo na nakataan sa kanilang mga paa. Sa henerasyong ito ay napakarami ng nasilaw ang mga mata sa matinding liwanag ng mga haka-haka ng tao, ng “huwad na kaalaman” (1 Timoteo 6:20); hindi nila nakikita ang silo, at lumalakad agad sila dito na para bang sila’y nakapiring na rin. Hangad ng Diyos na ang kakayahang pangkaisipan ng tao ay ituring na isang regalo na mula sa Lumikha sa kanya, at dapat gamitin sa paglilingkod sa katotohanan at katuwiran; ngunit kapag ang pagmamalaki at ambisyon ay kinikimkim, at itinataas na ng tao ang sarili nilang kuru-kuro nang higit sa Salita ng Diyos, kung gayo’y mas malaking pinsala ang magagawa ng katalinuhan kaysa sa kawalang-alam. Sa ganitong paraan ang huwad na siyensya ng kasalukuyang panahon, na sumisira sa pananampalataya sa Biblia, ay lalabas ring matagumpay sa paghahanda ng daan para sa pagtanggap sa kapapahan, pati na sa mga kaakit-akit na seremonya nito, gaya rin noong ipagkait ang kaalaman bilang pagbubukas ng daan para sa paglakas nito noong Madilim na Kapanahunan. ADP 328.2
Sa mga kilusang sumusulong ngayon sa Estados Unidos upang makuha ang suporta ng pamahalaan para sa mga institusyon at pangangasiwa ng iglesya, ang mga Protestante ay sumusunod sa yapak ng mga makapapa. Hindi lang iyon, kundi higit pa rito ay binubuksan nila ang daan upang makuha uli nito sa Protestanteng America ang paghahari na nawala sa kanya sa Matandang Daigdig (Europa). At ang nagbibigay ng higit na katuturan sa kilusang ito ay ang katotohanan na ang pangunahing layuning binabalak ay ang pagpapatupad ng pangingilin ng Linggo—isang kaugaliang galing sa Roma, at inaangkin niyang tanda ng kanyang kapamahalaan. Ang espiritu ng kapapahan—espiritu ng pakikibagay sa mga kaugalian ng sanlibutan, ang malaking paggalang sa mga tradisyon ng tao kaysa sa mga utos ng Diyos—ang siyang lumalaganap sa mga iglesyang Protestante, at tumutulak sa kanila na gawin din ang gawaing iyon ng pagpaparangal sa Linggo na una nang ginawa ng kapapahan. ADP 328.3
Kung gustong malaman ng bumabasa ang mga ahensyang gagamitin sa nalalapit na labanan, kailangan mo lang baybayin ang kasaysayan ng mga paraang ginamit ng Roma para sa ganon ding layunin noong mga panahong lumipas. Kung gusto mong malaman kung paano pakikitunguhan ng nagsanib na kapapahan at Protestante yung mga hindi tumatanggap sa kanilang mga doktrina, tingnan mo lang ang espiritung ipinakita ng Roma sa Sabbath at sa mga tagapagtanggol nito. ADP 328.4
Ang mga utos ng hari, pangkalahatang kapulungan, at mga kautusang simbahan na kinatigan ng kapangyarihan ng pamahalaan, ay siyang mga hakbangin na sa pamamagitan nito’y natamo ng kapistahang pagano ang marangal na kalagayan nito sa Sangkakristiyanuhan. Ang kauna-unahang pampublikong batas na nagpapatupad sa pangingilin ng linggo ay ang batas na pinagtibay ni Constantino (321 A.D.; tingnan ang Apendiks para sa pahina 33). Ipinag-utos ng batas na ito na ang mga taong-bayan ay magpahinga sa “kagalang-galang na araw ng diyos na araw,” ngunit pinahihintulutan ang mga tagabukid na magpatuloy sa kanilang pagbubukid. Bagaman sa katunayan ito’y kautusang pagano, ipinatupad ito ng emperador pagkatapos ng kanyang naturingang pagtanggap sa Kristiyanismo. ADP 329.1
Palibhasa’y hindi mapapagtibay na ang utos ng hari ay sapat na pamalit sa kapamahalaan ng Diyos, si Eusebius, isang obispo na nagsikap na matamo ang pabor ng mga prinsipe, at itinatanging kaibigan at tagapuri ni Constantino, ay isinulong ang paha-yag na inilipat na raw ni Cristo ang Sabbath sa Linggo. Walang isa mang patotoo mula sa Kasulatan na ibinigay bilang patunay sa bagong doktrinang ito. Si Eusebius mismo ay umamin nang walang kamalay-malay sa kabulaanan nito, at itinuro ang tunay na maygawa ng pagbabago. “Ang lahat ng ba-gay,” sabi niya, “anumang tungkuling dapat gawin sa araw ng Sabbath, ay inilipat namin sa araw ng Panginoon.”—Robert Cox, Sabbath Laws and Sabbath Duties, p. 538. Ngunit ang argumento para sa Linggo, gaano man kawalang-batayan, ay nagpatapang lamang sa mga tao upang yurakan ang Sabbath ng Panginoon. Ang lahat ng gustong maparangalan ng sanlibutan ay tumanggap sa matunog na kapistahang ito. ADP 329.2
Nang matibay nang naitatag ang kapapahan, ang gawain ng pagpaparangal sa Linggo ay nagpatuloy. May panahon na ang mga tao’y nagtatrabaho sa bukid kapag hindi sumisimba, at ang ikapitong araw ay kinikilala pa ring Sabbath. Subalit ang pagbabago ay tuluy-tuloy na isinagawa. Yung mga nasa banal na tungkulin ay pinagbawalang magbigay ng hatol sa anumang alitan ng mga mamamayan kung araw ng Linggo. Hindi nagtagal, ang lahat ng tao anuman ang katayuan, ay inutusan na ring tumigil sa karaniwang gawain, kung hindi’y may parusang multa sa malalaya at hagupit naman sa mga alipin. Kalaunan ay ipinag-utos na rin na ang mayayaman ay parurusahan sa pamamagitan ng pagkuha sa kalahati ng kanilang kayamanan; at sa wakas, kapag matigas pa rin ang kanilang ulo, dapat silang gawing alipin. Ang mga mahihirap ay magdurusa ng habambuhay na pagkakapatapon. ADP 329.3
Pati mga himala ay ginamit na rin sa pagpapatupad. Kasama ng iba pang kababalaghan ay naibalita na habang ang isang magsasaka raw na mag-aararo na sana sa kanyang bukid isang araw ng Linggo ay naglilinis ng kanyang araro sa pamama-gitan ng isang bakal, ang bakal daw ay dumikit sa kanyang kamay, at dalawang taon niya itong dala-dala, “na labis niyang ipinagdusa at ikinapahiya.”—Francis West, Historical and Practical Discourse on the Lord’s Day, p. 174. ADP 329.4
Bandang huli, ang papa ay nagbigay ng utos na dapat payuhan ng mga pari sa parokya ang mga lumalabag sa Linggo, at pagsabihan silang sumimba at usalin ang kanilang dasal, kung hindi ay may darating na malaking kalamidad sa kanila at sa kani-lang mga kapitbahay. Isang konsilyo ng simbahan ang nagharap sa argumentong ito, na mula noo’y laganap nang ginagamit kahit ng mga Protestante, na dahil daw may mga taong tinamaan ng kidlat habang nagtatrabaho sa araw ng Linggo, ay tiyak na ito na nga ang Sabbath. Ang sabi ng matataas na kawani ng simbahan, “Malinaw kung gaano kalaki ang galit ng Diyos sa pagwawalang-bahala nila sa araw na ito.” Kung kaya’t isang panawagan ang ginawa na ang mga pari at ministro, mga hari at prinsipe, at lahat ng tapat na tao ay “buongkayang magsikap at mag-ingat na ang araw na ito’y maibalik sa karangalan nito, at para sa kapurihan ng Kristiyanismo ay mas taos-puso itong ipangilin sa darating na panahon.”—Thomas Morer, Discourse on Six Dialogues on the Name, Nation, and Observation of the Lord’s Day, p. 271. ADP 329.5
Dahil nakitang hindi sapat ang mga kautusan ng mga konsilyo, ang kapangyarihan ng pamahalaan ay pinakiusapang magpalabas ng utos na maghahasik ng takot sa puso ng mga tao, at pipilit sa kanilang tumigil na sa paggawa sa araw ng Linggo. Sa isang pulong na ginanap sa Roma, ang lahat ng naunang kapasyahan ay muling pinagtibay nang may higit na puwersa at kataimtiman. Isinama rin ang mga ito sa kautusan ng simbahan, at ipinatupad ng mga maykapangyarihan sa pamahalaan sa halos buong Sangkakristiyanuhan. (Tingnan ang sinulat ni Heylyn, History of the Sabbath, pt. 2, ch. 5, sec. 7). ADP 329.6
Gayon pa man ang kawalan ng katibayang mula sa Kasulatan para sa pangingilin ng Linggo ay lumikha ng malaking pagkapahiya. Pinagdudahan ng mga tao ang karapatan ng kanilang mga tagapagturo na isaisantabi ang malinaw na pahayag ni Jehova na, “Ang ikapitong araw ay Sabbath sa Panginoon mong Diyos,” para lang maparangalan ang araw ng diyos na araw. Upang mapunan ang kawalan ng patotoo sa Biblia, ang ibang mga kaparaanan ay kinakailangan. Isang masigasig na tagapagtaguyod ng Linggo, na bumisita sa mga iglesya ng England noong magtatapos na ang ika-12 siglo ay tinutulan ng mga tapat na saksi ng katotohanan; at talagang walang-nangyari sa kanyang mga pagsisikap, anupa’t umalis siya sa bansa pansamantala at nangalap ng mga paraan upang ipilit ang kanyang mga turo. Nang siya’y bumalik, ang kakulangan ay napunan, at sa mga sumunod niyang paggawa ay naging mas matagumpay siya. Nagdala siya ng isang balumbon na pinalalabas niyang galing sa Diyos mismo, na kinaroroonan ng kinakailangang utos para ipangilin ang Linggo, kasama ang mga kakila-kilabot na banta upang takutin ang mga ayaw sumunod. Ang mahalagang dokumentong ito—isang panghuhuwad na kasimbuktot ng pangiling itinataguyod nito—ay sinasabing nahulog daw mula sa langit, at natagpuan daw sa Jerusalem sa ibabaw ng altar ni San Simeon sa Golgota. Ngunit ang katotohana’y sa palasyo ng papa sa Roma ito nanggaling. Ang mga pandaraya’t panghuhuwad upang isulong ang kapang-yarihan at tagumpay ng simbahan ay ipinalalagay na matuwid ng pamunuan ng kapapahan sa lahat ng panahon. ADP 330.1
Ibinabawal ng balumbong iyon ang pagtatrabaho mula alas-tres ng Sabado ng hapon hanggang sa pagsikat ng araw sa Lunes; at ang kapamahalaan nito ay sinabing pinagtibay daw ng maraming himala. Naibalita na ang mga taong nagtatrabaho pa rin nang higit sa itinakdang oras ay napaparalisa. Isang may-ari raw ng gilingan na nagtangkang gilingin ang kanyang mga mais ang nakitang sa halip na harina, ay agos ng dugo ang lumabas sa kanyang gilingan, at ang makinaryang nagpapaikot sa gilingan ay huminto, sa kabila ng malakas na agos ng tubig na siyang nagpapatakbo dito. Isang babae naman daw na naglagay ng minasang harina sa pugon ang nakitang ito’y hilaw pa rin nang hanguin, kahit na napakainit na ng pugon. Ang isa naman na naghanda rin ng minasang harinang lulutuin na sana sa pugon nang alas-tres ng Sabado ng hapon, ngunit ipinasyang itabi na muna hanggang sa Lunes, ay nakita kinabukasan na ito’y tinapay na at niluto na ng kapangyarihan ng Diyos. Isang lalaki naman daw na nagluto ng tinapay makalipas ang alas-tres ng Sabado ng hapon ang nakitang bumukal ang dugo mula rito nang hatiin niya ito kinabukasan. Sa pamamagitan ng mga ganyang katawa-tawa at mapamahiing kasinungalingan ay sinikap ng mga tagapagtaguyod ng Linggo na itatag ang kabanalan nito. (Tingnan ang aklat ni Roger de Hoveden, Annals, vol. 2, pp. 528-530). ADP 330.2
Sa Scotland, gaya sa England, ang malaking paggalang sa araw ng Linggo ay nakuha sa pamamagitan ng pagsasanib dito ng isang bahagi ng orihinal na Sabbath. Ngunit ang oras na ipinag-utos para ipangilin ay iba-iba. Ang isang utos ng hari sa Scotland ay nagsasabing “mula alas-dose ng tanghali ng Sabado ay dapat nang ituring na banal,” at mula sa oras na iyan hanggang Lunes ng umaga, ay walang taong dapat gumawa ng gawaing pansanlibutan.—Morer, pp. 290, 291. ADP 330.3
Subalit sa kabila ng lahat ng pagsisikap na pagtibayin ang kabanalan ng Linggo, hayagang ipinagtapat ng mga makapapa mismo ang banal na kapamahalaan ng Sabbath, at ang pinagmulan ng itinatag nilang kapalit nito ay ang tao. Noong ika-16 na siglo ay ganito ang malinaw na ipinahayag ng isang kapulungan ng kapapahan: “Tandaan ng lahat ng Kristiyano na ang ikapitong araw ay pinabanal ng Diyos, at tinanggap at ipinangilin hindi lamang ng mga Judio kundi ng lahat ng nagsasabing sumasamba sa Diyos; bagaman tayong mga Kristiyano ay binago ang kanilang Sabbath sa Araw ng Panginoon (Linggo).”—Ibid., pp. 281, 282. Yung mga nanghihimasok sa banal na kautusan ay hindi ignorante sa likas ng kanilang gina-gawa. Sadya nilang inilalagay ang kanilang sarili sa ibabaw ng Diyos. ADP 330.4
Ang isang kapuna-punang halimbawa ng patakaran ng Roma doon sa mga sumasalungat sa kanya ay makikita sa matagal at madugong pang-uusig sa mga Waldenses na ang iba ay mga nangingilin ng Sabbath. Ang iba’y nagdusa rin sa ganong paraan dahil sa pagiging tapat nila sa ikaapat na utos. Lalo nang makabuluhan ang kasaysayan ng mga iglesya sa Ethiopia at Abyssinia. Sa gitna ng kapanglawan ng Madilim na Kapanahunan, ang mga Kristiyano sa Gitnang Africa ay nakaligtaan at nakalimutan ng mundo, at maraming dantaon nilang tinamasa ang kalayaan sa pagpapalakas ng kanilang pananampalataya. Ngunit sa wakas ay nalaman ng Roma na sila pala’y naroon, at di-nagtagal ang emperador ng Abyssinia ay nilinlang na kilalanin ang papa bilang kahalili ni Cristo. Sumunod ang iba pang mga pagbibigay-loob. Isang kautusan ang ipinalabas na nagbabawal sa pangingilin ng Sabbath sa ilalim ng pinakamatitinding parusa. (Tingnan ang sinulat ni Michael Geddes, Church History of Ethiopia, pp. 311, 312). Ngunit di-nagtagal ay naging isang pamatok na talagang nakakayamot ang kalupitan ng papa anupa’t ipinasya ng mga taga-Abyssinia na ito’y kalagin sa kanilang leeg. Pagkatapos ng isang matinding labanan, ang mga Romanista ay napalayas sa kanilang teritoryo, at ibinalik ang sinaunang pananampalataya. Ang mga iglesya ay nagdiwang sa kanilang kalayaan, at hindi na nila nalimutan ang aral na natutunan nila tungkol sa pandaraya, pagkapanatiko, at mabagsik na kapangyarihan ng Roma. Kontento na silang manatili sa loob ng mapanglaw nilang lupain, kahit hindi alam ng iba pang nasa Sangkakristiyanuhan. ADP 331.1
Pinanghawakan ng mga iglesya sa Africa ang Sabbath gaya ng paghawak dito ng iglesya ng kapapahan bago ito lubusang tumalikod. Bagaman ipinangingilin nila ang ikapitong araw bilang pagsunod sa utos ng Diyos, tumitigil din sila sa pagtatrabaho kung Linggo bilang pakikiayon sa kaugalian ng simbahan. Nang magkaroon ng sukdulang kapangyarihan, niyurakan ng Roma ang Sabbath ng Diyos upang parangalan ang sarili niyang sabbath; ngunit ang mga iglesya sa Africa, na natago ng halos isang libong taon, ay hindi nakisama sa pagtalikod na ito. Nang mapasailalim sa kapangyarihan ng Roma, sila’y napilitang isaisantabi ang tunay at parangalan ang di-tunay na sabbath; ngunit nang mabawi nila ang kanilang kala-yaan, sila’y agad na bumalik sa pagsunod sa ikaapat na utos (Tingnan ang Apendiks). ADP 331.2
Malinaw na ibinubunyag ng mga kasaysayang ito ng nakaraan ang galit ng Roma sa tunay na Sabbath at sa mga tagapagtanggol nito, at ang mga paraang ginamit niya upang parangalan ang araw na itinatag niya. Itinuturo ng Salita ng Diyos na ang mga eksenang ito ay mauulit kapag ang mga Romano Katoliko at ang mga Protestante ay nagkaisa na sa pagtatampok sa Linggo. ADP 331.3
Sinasabi ng hula sa Apocalipsis 13 na ang bansang kinakatawanan ng hayop na may dalawang sungay na parang isang tupa o kordero ay pasasambahin “ang lupa at ang mga naninirahan dito” sa kapapahan—na doo’y sinisimbuluhan ng hayop na “katulad ng isang leopardo.” Sasabihin din ng hayop na may dalawang sungay “sa mga naninirahan sa lupa na dapat silang gumawa ng isang larawan ng [hayop];” at bukod pa rito, uutusan nito ang lahat, “ang hamak at ang dakila, ang mayayaman at ang mga dukha, ang mga malaya at ang mga alipin,” na tanggapin “ang tanda ng [hayop]” (Apocalipsis 13:11-16). Naipakita na, na ang Estados Unidos ay siyang bansang kinakatawanan ng hayop o halimaw na may dalawang sungay na katulad ng sa isang tupa, at ang hulang ito ay matutupad kapag ipinatupad na ng Estados Unidos ang pangingilin ng Linggo, na tangi nang inaangkin ng Roma bilang tanda ng kanyang paghahari. Ngunit sa pagsambang ito sa kapapahan, ang Estados Unidos ay hindi nag-iisa. Ang impluwensya ng Roma sa mga bansang dati’y kumikilala sa kanyang pamamahala, ay malayo pa ring masira. At inihuhula ng propesiya ang pagbalik ng kanyang kapangyarihan sa dati. “At nakita ko ang isa sa kanyang mga ulo na waring sinugatan ng ikamamatay; at ang kanyang sugat na ikamamatay ay gumaling: at ang buong lupa’y nanggilalas sa hayop” (talatang 3). Ang pagkakaroon ng sugat na ikamamatay ay tumutukoy sa pagbagsak ng kapapahan noong 1798. Pagkatapos nito, ang sabi ng propeta, “ang kanyang sugat na ikamamatay ay guma-ling; at ang buong lupa ay nanggilalas sa hayop.” Malinaw na ipinahayag ni Pablo na ang taong makasalanan ay mamamalagi hanggang sa ikalawang pagdating ni Cristo (2 Tesalonica 2:8). Hanggang sa pinakawakas ng panahon ay ipagpapatuloy niya ang kanyang gawain ng pandaraya. At sinabi ni Juan na tagapamahayag tungkol pa rin sa kapapahan, “At ang lahat ng naninirahan sa lupa ay sasamba sa kanya, ang lahat na ang pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay ng Kordero na pinaslang buhat nang itatag ang sanlibutan” (Apocalipsis 13:8). Kapwa sa Europa at sa America, ang kapapahan ay tatanggap ng pagsamba sa pamamagitan ng karangalang ibinibigay sa Linggo, na nakabatay lamang sa kapangyarihan ng Simbahang Romano. ADP 331.4
Buhat pa noong kalaghatian ng ika-19 na siglo, ang patotoong ito ay ipinahahayag na sa sanlibutan nung mga nag-aaral ng hula sa Estados Unidos. Sa mga pangyayaring nagaganap na ngayon ay makikita ang mabilis na pagsulong tungo sa katuparan ng hulang ito. Ang mga tagapagturong Protestante ay may sinasabi ring kapamahalaan daw ng Diyos ukol sa pangingilin ng Linggo, at may ganon ding kawalan ng patunay sa Kasulatan gaya ng mga pinuno ng kapapahan na nag-imbento ng mga himala upang palitan ang utos na galing sa Diyos. Ang paggigiit na darating daw sa mga tao ang mga kahatulan ng Diyos dahil sa paglabag nila sa Linggong pangilin ay mauulit; ngayon pa lang nga ay nagsisimula na itong igiit. At isang kilusang magpapatupad sa pangingilin ng Linggo ang mabilis na sumusulong. ADP 332.1
Kamangha-mangha sa kanyang katusuhan at kahusayan ang Simbahang Romano. Nababasa niya kung anong mangyayari. Hinihintay niya ang kanyang pagkakataon, yamang nakikitang sinasamba siya ng mga iglesyang Protestante dahil sa kanilang pagtanggap sa huwad na sabbath, at sila’y naghahandang ipatupad ito sa ultimong paraang ginamit mismo niya noong mga nakaraang panahon. Yung mga hindi tu manggap sa liwanag ng katotohanan ay hihingin pa lang ang tulong ng nagsasabing di-nagkakamaling kapangyarihang ito upang parangalan ang itinatag na araw na sa kanya rin nagmula. Kung gaano siya kadaling tutulong sa mga Protestante sa gawaing ito ay hindi mahirap hulaan. Sino pang mas nakakaalam kung paano pakikitunguhan yung mga ayaw sumunod sa simbahan kaysa sa mga pinuno ng kapapahan? ADP 332.2
Ang Simbahang Romano Katoliko, pati na ang lahat ng sangay nito sa buong sanlibutan ay bumubuo ng isang napakalaking organisasyon na nasa ilalim ng pangasiwaan ng kapapahan, at ang layuni’y tumulong sa kapakanan nito. Ang milyunmilyong kasapi nito sa lahat ng bansa sa daigdig ay tinuturuang ituring na sila’y nakagapos na sa katapatan sa papa. Anuman ang kanilang bansa o pamahalaan, dapat nilang kilalaning mataas sa lahat ng iba pang kapamahalaan ang kapangyarihan ng simbahan. Bagaman sila’y maaaring manumpa ng katapatan sa pamahalaan, sa likod nito’y naroon ang panata ng pagsunod sa Roma, na kinakalagan sila sa lahat ng panunumpang laban sa kanyang mga kapakanan. ADP 332.3
Ang kasaysayan ay nagpapatotoo sa kanyang mahusay at walang-tigil na mga pagsisikap upang isingit ang kanyang sarili sa pamumuhay ng mga bansa; at dahil nagkaroon ng matutuntungan, ay itinaguyod ang sarili niyang mga hangarin, kahit na ikapahamak ng mga prinsipe at ng mga tao. Noong taong 1204, ay nakuha ni Pope Innocent III kay Peter II na hari sa Arragon ang sumusunod na pambihirang panunumpa, “Akong si Peter, hari ng mga taga-Arragon, ay nagpapahayag at nangangako na laging magiging tapat at masunurin sa aking panginoon, kay Pope Innocent, sa mga Katolikong papalit sa kanya, at sa Simbahang Romano, at buong katapatang pananatilihin ang aking kaharian sa pagsunod sa kanya, ipagsasanggalang ang relihiyong Katoliko, at uusigin ang kabuktutan ng mga erehe.”—John Dowling, The History of Romanism, b. 5, ch. 6, sec. 55. Ito’y kaayon ng mga pahayag tungkol sa kapangyarihan ng papa sa Roma, na “tama lang na siya’y mag-alis ng mga emperador sa tungkulin,” at “maaari niyang kalagan ang mga tao sa kanilang pananagutan sa mga masasamang pinuno.”—Mosheim, b. 3 cent. 11, pt. 2, ch. 2, sec. 9, note 17. (Tingnan din ang Apendiks para sa pahina 256.) ADP 332.4
At dapat tandaan na ipinagmamayabang ng Roma na siya’y hindi nagbabago. Ang mga prinsipyo ni Gregory VII at Innocent III ay mga prinsipyo pa rin ng Simbahang Romano Katoliko ngayon. At kung meron lang sana siyang kapangyarihan, ang mga ito’y isasagawa niya ngayon nang may puwersa ring gaya sa mga nakaraang siglo. Hindi alam ng mga Protestante kung ano ang kanilang ginagawa kapag kanila nang pinanukalang tanggapin ang tulong ng Roma sa gawain ng pagtatampok sa araw ng Linggo. Samantalang sila’y disididong maisagawa ang kanilang balak, hinahangad naman ng Roma na muling itatag ang kanyang kapangyarihan, na makuhang muli ang nawala nitong paghahari. Hayaang maitatag minsan sa Estados Unidos ang prinsipyo, na maaaring gamitin o kontrolin ng simbahan ang kapangyarihan ng pamahalaan; na ang mga pangingiling panrelihiyon ay maaaring ipatupad ng mga batas ng pamahalaan; sa madaling salita, ay hayaang mangibabaw sa budhi ang kapamahalaan ng simbahan at pamahalaan, at siguradong magtatagumpay ang Roma sa bansang ito. ADP 333.1
Ang Salita ng Diyos ay nagbigay ng babala tungkol sa nagbabantang panganib; subukan lang na huwag itong pakinggan, at tiyak na malalaman ng mga Protestante kung ano talaga ang mga layunin ng Roma, kapag huli na nga lang ang lahat para makaiwas pa sa bitag. Ang Roma ay tahimik na nagiging makapangyarihan. Ang mga doktrina niya ay gumagamit ng impluwensya sa mga bulwagang pambatasan, sa mga iglesya, at sa puso ng mga tao. Itinatayo niya ang matatayog at malalaki niyang gusali sa mga lihim na dako ng mga lugar na kung saan ay mauulit ang mga pang-uusig niya sa nakaraan. Palihim at hindi napaghihinalaan, pinalalakas niya ang kanyang mga puwersa upang mapasulong ang sarili niyang mga layunin kapag dumating na ang panahon para siya’y umatake. Ang gusto lang niya ay ang kalamangan, at ito’y ibinibigay na ngayon sa kanya. Hindi magtatagal ay makikita na natin at madadama kung ano ang layunin ng Roma. Sinumang sasampalataya at susunod sa Salita ng Diyos, ay mahaharap sa kahihiyan at pag-uusig nang dahil dito. ADP 333.2