“Sa kautusan at sa patotoo! Kung hindi sila nagsasalita nang ayon sa salitang ito ay sa dahilang walang liwanag sa kanila” (Isaias 8:20, KJV). Ang bayan ng Diyos ay itinuturo sa mga Kasulatan bilang sanggalang nila laban sa impluwensya ng mga bulaang tagapagturo at sa mapandayang kapangyarihan ng mga espiritu ng kadiliman. Ginagamit ni Satanas ang lahat ng posibleng pakana upang ang mga tao’y huwag magkaroon ng karunungan sa Biblia; sapagkat ang malilinaw na sinasabi nito ay naglalantad sa mga pandaraya niya. Sa bawat pagpapanibagong-sigla ng gawain ng Diyos, ang prinsipe ng kasamaan ay mas matinding gumagawa; inilalabas niya ngayon ang sukdulan niyang pagsisikap para sa huling pakikipagpunyagi kay Cristo at sa Kanyang mga tagasunod. Ang kahuli-hulihang malaking pandaraya ay malapit nang mabuksan sa atin. Gagawin ng anticristo ang kanyang mga kamangha-manghang gawa sa ating paningin. Talagang katulad na katulad ng tunay ang huwad, anupa’t imposibleng makita ang pagkakaiba ng dalawa malibang suriin sa pamamagitan ng mga Banal na Kasulatan. Sa patotoo nito dapat subukin ang bawat pahayag at bawat kababalaghan. ADP 339.5
Yung mga nagsisikap na sundin ang lahat ng utos ng Diyos, ay kakalabanin at lilibakin. Sila’y makatatagal lamang sa pamamagitan ng lakas ng Diyos. Upang matiis ang pagsubok na kinakaharap nila ay dapat nilang maunawaan ang kalooban ng Diyos ayon sa nahahayag sa Kanyang Salita; mapaparangalan lang nila Siya kung meron silang tamang pagkakilala sa Kanyang karakter, pamamahala, at mga layunin, at kikilos na kaayon ng mga ito. Wala nang iba kundi yun lamang mga nagpatibay ng kanilang isipan sa mga katotohanan ng Biblia ang makakatayo sa kahuli-hulihang malaking tunggalian. Sa bawat kaluluwa ay darating ang mapanuring pagsubok: Susunod ba ako sa Diyos sa halip na sa mga tao? Ang napakahalagang sandali ay malapit na nga. Ang mga paa ba natin ay matatag nang nakatuntong sa malaking bato ng di-mababagong Salita ng Diyos? Handa ba tayong tumayo nang matibay sa pagtatanggol sa mga utos ng Diyos at sa pananampalataya ni Jesus? ADP 340.1
Bago Siya ipako sa krus, ipinaliwanag ng Tagapagligtas sa Kanyang mga alagad na Siya’y papatayin, at babangong muli sa libingan; at nandoon ang mga anghel upang ikintal ang Kanyang mga salita sa isipan at puso nila. Subalit ang mga alagad ay umaasa sa makalupang pagpapalaya mula sa kapangyarihan ng Roma, at hindi nila makayang isipin na Siyang sentro ng lahat nilang inaasahan ay daranas ng kahiya-hiyang kamatayan. Ang mga salitang kailangan nilang matandaan ay nawala sa kanilang isipan; at nang dumating ang oras ng pagsubok, sila’y nadatnan nitong hindi handa. Lubusang winasak ng pagkamatay ni Jesus ang lahat ng pag-asa nila na para bagang sila’y hindi Niya nasabihan. Ganon din naman, sa mga hula ay iniha-yag sa atin ang hinaharap na kasinglinaw nang pagkakahayag dito ni Cristo sa mga alagad. Ang mga pangyayaring may kaugnayan sa pagsasara ng pintuan ng awa at sa gawain ng paghahanda para sa panahon ng kaguluhan ay maliwanag na ipinahahayag. Subalit napakaraming tao ang hindi nakakaunawa sa mahahalagang katotohanang ito na para rin bang hindi ito naihayag. Si Satanas ay nag-aabang upang agawin ang bawat pagkikintal na makakapagpatalino sa kanila tungo sa kaligtasan, at madatnan silang hindi handa ng panahon ng kaguluhan. ADP 340.2
Kapag ang Diyos ay nagpapadala sa mga tao ng mga babalang napakahalaga, anupa’t ang mga ito’y inilalarawang ipinahahayag ng mga banal na anghel na lumilipad sa gitna ng himpapawid, hinihingan Niya ang bawat taong pinagkalooban ng kakayahang mag-isip na unawaing maigi ang pabalita. Ang mga kakila-kilabot na kahatulang ipinahayag laban sa pagsamba sa hayop at sa kanyang larawan (Apoca-lipsis 14:9-11), ay dapat magtulak sa lahat para masikap na pag-aralan ang mga hula upang malaman kung ano ang tanda ng hayop, at paano nila maiiwasang tanggapin ito. Ngunit inilalayo ng karamihan ng tao ang kanilang tainga sa pakikinig sa katotohanan at bumabaling sa mga kasinungalingan. Sa pagtunghay sa mga huling araw ay sinabi ni apostol Pablo, “Darating ang panahon na hindi nila matitiis ang wastong aral” (2 Timoteo 4:3). Ang panahong iyon ay ganap nang dumating. Ayaw ng karamihan ang katotohanan ng Biblia, dahil ito’y nakakasagabal sa mga kagustuhan ng pusong makasalana’t mahilig sa sanlibutan; kaya’t ibinibigay naman ni Satanas ang mga pandarayang gusto nila. ADP 340.3
Ngunit ang Diyos ay magkakaroon ng bayan sa lupa na magpapanatili sa Biblia, at sa Biblia lamang, bilang pamantayan ng lahat ng doktrina at batayan ng lahat ng reporma. Ang opinyon ng mga taong may pinag-aralan, ang mga palagay ng siyensya, ang mga turo o kapasyahan ng mga konseho ng simbahan, na napakarami’t salu-salungat gaya ng mga simbahang kinakatawanan ng mga ito, ang tinig ng nakararami—ang isa man, o ang lahat ng ito ay hindi dapat kilalaning patunay para o laban sa anumang bahagi ng pananampalatayang panrelihiyon. Bago tanggapin ang anumang doktrina o alituntunin ay dapat muna tayong humingi ng malinaw na “Ganito ang sabi ng Panginoon” bilang patunay dito. ADP 340.4
Si Satanas ay laging nagsisikap na maituon ang pansin sa tao sa halip na sa Diyos. Inaakay niya ang mga tao na tumingin sa mga obispo, sa mga pastor, sa mga tagapagturo ng teolohiya, bilang gabay nila, sa halip na saliksikin ang mga Kasulatan, upang personal na malaman ang kanilang tungkulin. Kung ganon, sa pamamagitan ng pagkontrol sa isipan ng mga lider na ito ay maiimpluwensyahan niya ang napakaraming tao ayon sa kanyang kagustuhan. ADP 341.1
Noong pumarito si Cristo upang sabihin ang mga salita ng buhay, masaya Siyang pinakinggan ng mga karaniwang tao; at marami, kahit sa mga pari at mga pinuno ang sumampalataya sa Kanya. Subalit ang mga punong pari at ang mga nangungunang tao sa bansa ay disididong kundenahin at itakwil ang Kanyang mga turo. Bagaman sila’y natataranta sa lahat nilang pagsisikap na makakita ng mga maipaparatang sa Kanya, bagaman wala silang magawa kundi ang madama ang impluwensya ng banal na kapangyarihan at karunungang nasa Kanyang Salita, binalot pa rin nila ang kanilang sarili ng masamang pag-iisip tungkol sa Kanya; hindi nila tinanggap ang pinakamalinaw na katibayan ng pagiging Mesiyas Niya, baka sila’y mapilitang maging alagad Niya. Ang mga kalabang ito ni Jesus ay mga taong itinuturo na sa mga mamamayan na igalang mula pa pagkabata, na sa kanilang kapamahalaan ang mga tao ay nakaugalian nang sumang-ayon nang walang-pasubali. “Paano nangyari,” tanong nila, “na ang ating mga pinuno at matatalinong eskriba ay hindi naniniwala kay Jesus? Hindi ba Siya tatanggapin ng mga relihiyosong taong ito kung Siya nga ang Cristo?” Ang impluwensya ng ganyang mga tagapagturo ang tumulak sa bansang Judio na itakwil ang kanilang Manunubos. ADP 341.2
Ang espiritung nagpakilos sa mga pari at pinunong iyon ay ipinapakita pa rin ng maraming taong gumagawa ng malaking pagpapanggap ng kabanalan. Ayaw nilang siyasatin ang patotoo ng mga Kasulatan tungkol sa mga natatanging katotohanan para sa panahong ito. Itinuturo nila ang kanilang dami, kayamana’t katanyagan, at hinahamak ang mga tagapagtanggol ng katotohanan na kakaunti ‘ika, mahihirap lang, at di-kilala, na ang pananampalataya’y naghihiwalay sa kanila sa sanlibutan. ADP 341.3
Nakita ni Cristo na ang hindi karapatdapat na pag-ako ng kapamahalaan na ipinagmalabis ng mga eskriba’t Fariseo ay hindi pa rin matitigil sa pagkakapakalat sa mga Judio. Meron Siyang propetikong pananaw tungkol sa gawain ng pagtataas sa kapamahalaan ng tao para pamunuan ang budhi na naging isang napakatinding sumpa sa iglesya sa lahat ng panahon. At ang mga nakakatakot Niyang pahayag laban sa mga eskriba’t Fariseo, at ang mga babala Niya sa mga tao na huwag sumunod sa mga bulag na pinunong ito, ay isinulat para maging babala sa mga susunod na henerasyon. ADP 341.4
Inilalaan ng Simbahang Romano sa mga pari ang karapatang magpaliwanag ng Kasulatan. Sa batayang ang mga pari’t obispo lamang daw ang may kakayahang magpaliwanag sa Salita ng Diyos, ito’y ipinagkakait sa mga karaniwang tao.* Bagaman ipinagkaloob ng Repormasyon ang mga Kasulatan sa lahat ng tao, hinahadlangan pa rin ng prinsipyong iyon ng Roma ang napakaraming tao sa mga iglesyang Protestante para personal na saliksikin ang Biblia. Sila’y tinuturuang tanggapin ang mga aral nito ayon sa pagpapaliwanag ng iglesya; at libu-libo ang naglalakas-loob na huwag tanggapin ang anumang kontra sa kanilang doktrina o sa matibay nang aral ng kanilang simbahan, gaano man kalinaw itong nahahayag sa Kasulatan. ADP 341.5
Kahit na ang Biblia ay punung-puno ng babala laban sa mga bulaang tagapagturo, marami pa rin ang ganon kahandang ipagkatiwala ang kanilang mga kaluluwa sa mga pari’t ministro. Libu-libo ngayong nagpapahayag ng relihiyon ang walang ibang paliwanag na maibigay para sa mga puntos ng pananampalataya na pinaniniwalaan nila maliban doon sa naituro sa kanila ng mga lider ng kanilang relihiyon. Halos di-napapansing binabale-wala na nila ang mga turo ng Tagapagligtas, at lubos silang nagtitiwala sa mga sina*Tingnan ang Apendiks para sa pahina 198. sabi ng mga ministro. Ngunit hindi ba nagkakamali ang mga ministro? Paano natin ipagkakatiwala ang ating kaluluwa sa kanilang patnubay malibang alam natin mula sa Salita ng Diyos na sila nga’y tagapagdala ng liwanag? Ang kawalan ng moral na lakas ng loob para humiwalay sa daang tinatahak ng sanlibutan ay nagtulak sa marami na sundan ang mga hakbang ng mga taong matatalino; at dahil nag-aatubiling magsaliksik nang personal, sila’y walang kapag-a-pag-asang napapako sa dugtung-dugtong na kamalian. Nakikita nila na ang napapanahong katotohanan ay malinaw na ipinapakita ng Biblia, at nadarama nila na ang kapangyarihan ng Banal ng Espiritu ay nasa pagkapahayag nito; ngunit pinayagan pa rin nilang sila’y mailayo sa liwanag ng pagsalungat ng mga pari’t ministro. Bagaman kumbinsido ang pangangatwiran at budhi, ang mga nailigaw na kaluluwang ito ay hindi nangahas na mag-isip ng iba kaysa sa ministro; at ang kanya-kanya nilang kapasyahan at ang walang-hanggan nilang kapakanan, ay isinasakripisyo sa kawalang-paniniwala, pagmamalaki, at paghihinala ng iba. ADP 341.6
Marami ang paraan ni Satanas upang gumawa sa pamamagitan ng impluwensya ng tao para igapos ang kanyang mga bihag. Napakarami ng nakukuha niya sa kanyang panig dahil sila’y naitali niya ng sedang lubid ng pagmamahal doon sa mga kaaway ng krus ni Cristo. Anuman ang pagkakataling ito, sa magulang man, sa anak, sa asawa, o sa lipunan, pareho lang ang resulta; gagamitin ng mga kumakalaban sa katotohanan ang kanilang impluwensya upang pigilan ang budhi, at ang mga kaluluwang hawak nila ay walang sapat na lakas ng loob o kasarinlan upang sundin ang sarili nilang pinaniniwalaang tungkulin nila. ADP 342.1
Ang katotohanan at ang kaluwalhatian ng Diyos ay hindi mapapaghiwalay; imposible nating maparangalan ang Diyos sa pamamagitan ng mga maling opinyon, samantalang abot-kamay naman natin ang Biblia. Marami ang nagsasabing hindi raw mahalaga kung ano ang paniniwala ng isang tao, basta’t tama ang kanyang pamumuhay. Subalit ang pamumuhay ay hinuhubog ng pananampalataya. Kung ang liwanag at katotohanan ay abot-kamay natin, at magpabaya tayong pagbutihin ang pribilehiyong marinig at makita ito, ito’y tahasan na rin nating itinatakwil; pinipili natin ang kadiliman sa halip na ang liwanag. ADP 342.2
“Mayroong daan na tila matuwid sa isang tao, ngunit mga daang tungo sa kamatayan ang dulo nito” (Kawikaan 16:25). Ang kawalang-alam ay hindi maidadahilan para sa kamalian o kasalanan, samantalang nariyan naman ang lahat ng pagkakataon para malaman ang kalooban ng Diyos. Isang tao ang naglalakbay, at sumapit sa isang lugar na may magkakaibang daanan, at isang karatulang gabay ang nagtuturo kung saan papunta ang bawat daan. Kung hindi niya pansinin ang karatulang gabay, at piliin ang alinmang daan na mukhang tama para sa kanya, baka siya’y talagang seryoso, ngunit malamang na masumpungan niyang siya’y nasa maling daan. ADP 342.3
Ibinigay ng Diyos sa atin ang Kanyang Salita upang maunawaan natin ang mga itinuturo nito, at malaman nang personal kung ano ang ipinagagawa Niya sa atin. Nang lumapit kay Jesus ang isang dalubhasa sa kautusan at nagtanong, “Anong dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?” siya’y itinuro ng Tagapagligtas sa mga Kasulatan na sinasabi, “Ano ba ang nakasulat sa kautusan? Ano ang nabasa mo?” (Lucas 10:25, 26). Ang kawalang-alam ay hindi maidadahilan ng matanda man o kabataan. Hindi sila nito palalayain sa kaparusahang nararapat sa paglabag sa kautusan ng Diyos; dahil nasa mga kamay nila ang tamang pagpapakilala sa kautusang iyon at sa mga prinsipyo nito at sa mga hinihingi nito. Hindi sapat ang magkaroon ng mabubuting hangarin; hindi sapat ang gawin kung anong iniisip na tama ng isang tao, o kung anong sinasabi ng ministro sa kanya na tama. Ang kaligtasan ng kanyang kaluluwa ay nanganganib, at dapat siyang personal na magsaliksik ng Kasulatan. Gaano man katibay ang kanyang mga paniniwala, gaano man siya katiwala na alam ng ministro kung ano ang katotohanan, hindi ito ang kanyang saligan. Meron siyang mapa na nagtuturo sa lahat ng palatandaan ng daang patungo sa langit, at hindi siya dapat humula-hula ng kahit ano. ADP 342.4
Pangunahin at pinakamataas na tungkulin ng bawat nilalang na may pangangatwiran ang malaman mula sa Kasulatan kung ano ang katotohanan, at pagkatapos ay lalakad sa liwanag, at hihimukin ang iba na tularan ang kanyang halimbawa. Dapat araw-araw nating pag-aralang masikap ang Biblia, na tinitimbang-timbang ang bawat prinsipyo, at pinaghahambing ang mga talata. Sa tulong ng Diyos, tayo’y dapat personal na bumuo ng ating mga kapasyahan, sapagkat personal tayong mananagot sa Diyos. ADP 343.1
Ang mga katotohanang pinakamalinaw na nahahayag sa Biblia ay binalot ng pag-aalinlangan at kadiliman ng mga taong may pinag-aralan, na sa pagkukunwaring may malaking karunungan, ay nagtuturo na ang mga Kasulatan daw ay may mahiwaga, nakatago, at espirituwal na kahulugan na hindi nakikita sa wikang ginamit. Ang mga taong ito ay mga bulaang tagapagturo. Sa mga ganyang tao sinabi ni Jesus na, “Hindi ninyo nalalaman ang mga Kasulatan, o ang kapangyarihan ng Diyos” (Marcos 12:24). Ang pananalita ng Biblia ay dapat ipaliwanag ayon sa maliwanag na kahulugan nito, malibang ito’y gumamit ng isang simbolo o larawan. Ibinigay ni Cristo ang pangakong, “Kung ang sinuman ay nagnanais gumawa ng kalooban ng Diyos ay makikilala niya kung ang turo ay mula sa Diyos” (Juan 7:17). Kung tatanggapin lang ng mga tao ang Biblia ayon sa kahulugan nito, kung walang mga bulaang tagapagturo na magliligaw at gugulo sa kanilang isipan, isang gawain ang maisasagawa na ikaliligaya ng mga anghel, at magpapasok sa kawan ni Cristo ng libu-libong kaluluwa na ngayon ay pagala-gala sa kamalian. ADP 343.2
Kailangang gamitin natin ang buong kakayahan ng talino sa pag-aaral ng Kasulatan, at paganahin ang isip upang maunawaan ang malalalim na bagay ng Diyos ayon sa makakayang maunawaan ng tao; ngunit hindi dapat natin kalimutan na ang pagiging masunuri't madaling turuan ng isang bata ay siyang tunay na espiritu ng nag-aaral. Ang mga mahirap sa Kasulatan ay hindi lubos na mauunawaan sa pamamagitan ng mga paraang ginagamit sa pagbuno sa mga problema sa pilosopiya. Hindi tayo dapat magsimulang mag-aral ng Biblia na merong ganong tiwala sa sariling kakayahan na taglay ng napakaraming pumapasok sa larangan ng siyensya, sa halip ay dapat merong mapanalangining pagtitiwala sa Diyos at taos-pusong hangaring malaman ang Kanyang kalooban. Dapat tayong lumapit nang may mapagpakumbaba’t natuturuang espiritu upang magtamo ng karunungan mula sa dakilang AKO NGA. Kung hindi, ay bubulagin nang husto ng masasamang anghel ang ating mga pagiisip at patitigasing maigi ang ating mga puso, anupa’t hindi na tayo tatablan pa ng katotohanan. ADP 343.3
Maraming bahagi ng Kasulatan na sinasabing hiwaga ng mga matatalinong tao, o kaya’y binabale-wala na parang hindi mahalaga, ay punung-puno ng kaaliwan at aral sa kanya na tinuruan sa paaralan ni Cristo. Ang isang dahilan kung bakit napakaraming teologo ang walang malinaw na pagkaunawa sa Salita ng Diyos ay sapagkat ipinipikit nila ang kanilang mga mata sa mga katotohanang ayaw nilang isakabuhayan. Ang pagkaunawa sa katotohanan ng Biblia ay hindi gaanong nakasalalay sa kakayahan ng isipang ginamit sa pagsasaliksik kaysa sa katapatan ng layunin, sa taimtim na hangaring maging matuwid. ADP 343.4
Ang Biblia ay hindi dapat pag-aralan nang walang panalangin. Ang Banal na Espiritu lamang ang makakapagpadama sa atin sa kahalagahan ng mga bagay na madaling maunawaan, o kaya’y makakapigil sa atin na baluktutin ang mga katotohanang mahirap maintindihan. Gawain ng mga anghel sa langit ang ihanda ang puso na maunawaang maigi ang Salita ng Diyos anupa’t tayo’y mabibighani sa kagandahan nito, mapapaalalahanan ng mga babala nito, o mapapasigla’t mapapalakas ng mga pangako nito. Dapat nating gawing sarili nating panalangin ang panalangin ng mang-aawit, “Buksan Mo ang aking mga mata upang makita ko ang kahanga-hangang mga bagay sa kautusan Mo” (Awit 119:18). Ang mga tukso ay madalas na parang hindi mapaglabanan dahil, sa pagpapabayang manalangi’t mag-aral ng Biblia, ang mga pangako ng Diyos ay hindi agad maalala ng tinutukso at malabanan si Satanas sa pamamagitan ng mga sandatang Kasulatan. Ngunit ang mga anghel ay nakapalibot sa mga laang maturuan ukol sa mga banal na bagay; at sa panahon ng malaking panga-ngailangan ay ipapaalala nila ang mga katotohanan na talagang kinakailangan. Kaya’t “kapag ang kaaway ay dumating na parang baha, ang Espiritu ng Panginoon ay magtataas ng bandila laban sa kanya” (Isaias 59:19, KJV). ADP 343.5
Ipinangako ni Jesus sa Kanyang mga alagad na, “Ang Mang-aaliw, ang Espiritu Santo na susuguin ng Ama sa Aking pangalan, Siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalala sa inyo ng lahat ng Aking sinabi sa inyo” (Juan 14:26). Subalit ang mga itinuro ni Cristo ay dapat na naimbak na muna sa isipan upang ang mga ito’y maipaalala sa atin ng Espiritu ng Diyos sa panahon ng panganib. “Iningatan ko ang Iyong Salita sa aking puso,” sabi ni David, “upang huwag akong magkasala laban sa Iyo” (Awit 119:11). ADP 344.1
Lahat ng nagpapahalaga sa walanghanggan nilang kapakanan ay dapat nakahanda laban sa mga panghihimasok ng pag-aalinlangan. Ang mga pinakahaligi ng katotohanan ay aatakihin. Imposibleng hindi ka aabutin ng mga panlilibak at panlilinlang, at ng mga mapanganib at mapaminsalang aral ng kasalukuyang di-paniniwala. Ibinabagay ni Satanas ang mga tukso niya sa lahat ng uri ng tao. Ang mga hindi nakapag-aral ay binabanatan niya sa pamamagitan ng pagbibiro o pagtuya, samantalang ang mga may pinag-aralan naman ay hinaharap niya sa pamamagitan ng mga pagtutol ng siyensya at pangangatwiran ng pilosopiya, pare-parehong nakakapukaw ng kawalang-tiwala o paghamak sa Banal na Kasulatan. Maging ang mga kabataang walang gaanong karanasan ay nangangahas na magpasok ng mga pag-aalinlangan ukol sa mga pangunahing prinsipyo ng pananampalatayang Kristiyano. At ang di-paniniwalang ito ng mga kabataan, gaano man ito kababaw, ay may implu-wensya rin. Kaya’t marami ang naitutulak na biru-biruin ang pananampalataya ng kanilang mga magulang, at insultuhin ang Espiritu ng biyaya (Hebreo 10:29). Maraming buhay na magiging karangalan sana ng Diyos at pagpapala sa sanlibutan ang nadungisan ng mabahong hininga ng di-paniniwala. Lahat ng nagtitiwala sa mga mapagmalaking desisyon ng pangangatwiran ng tao, at nag-aakalang kaya nilang magpaliwanag ng mga hiwaga ng Diyos, at sumapit sa katotohanan nang walang tulong ng karunungan ng Diyos, ay nahuhuli sa bitag ni Satanas. ADP 344.2
Tayo’y nabubuhay sa pinakataimtim na panahon ng kasaysayan ng sanlibutang ito. Ang kahahantungan ng kumakapal na tao sa lupa ay pagpapasyahan na. Ang sarili nating kapakanan sa hinaharap, at ganon din ang kaligtasan ng iba ay nakasalalay sa pamumuhay na tinatahak natin ngayon. Kailangan nating magabayan ng Espiritu ng katotohanan. Ang bawat tagasunod ni Cristo ay dapat taos-pusong magtanong, “Anong gagawin ko, Panginoon?” (Gawa 22:10). Kailangan nating magpakababa nang may pag-aayuno at pananalangin sa harapan ng Panginoon, at magbulay-bulay nang madalas sa Kanyang Salita, lalo na sa mga tagpo ng paghuhukom. Dapat natin ngayong sikaping matamo ang malalim at buhay na karanasan sa mga bagay na ukol sa Diyos. Wala tayong sandaling dapat sayangin. Ang mga pangyayaring lubhang napakahalaga ay nagaganap na sa palibot natin; tayo’y nasa nakakagayumang bakuran ni Satanas. Huwag kayong matulog, mga bantay ng Diyos; ang kaaway ay nagtatago lang sa malapit, na anumang oras ay nakahandang kayo’y luksuhin at biktimahin, sakaling kayo’y magpabaya at antukin. ADP 344.3
Marami ang nadadaya ukol sa tunay nilang kalagayan sa harap ng Diyos. Binabati nila ang kanilang sarili dahil hindi sila nakagawa ng mga maling gawain, ngunit kinalilimutang isa-isahin ang mabubuti’t mararangal na gawaing iniuutos sa kanila ng Diyos, na hindi naman nila ginawa. Hindi sapat ang sila’y maging mga puno sa halamanan ng Diyos. Dapat nilang matugunan ang Kanyang inaasahan sa pamamagitan ng pagbubunga. Pinapanagot Niya sila sa kabiguan nilang gawin ang lahat ng kabutihang nagawa sana nila sa pamamagitan ng biyaya Niyang nagpapalakas sa kanila. Sa mga aklat sa langit ay nakalista sila bilang pansagabal sa lupa. Ngunit ang kalagayan kahit ng mga taong ito ay meron pa ring pag-asa. Doon sa mga humamak sa kaawaan ng Diyos at umabuso sa Kanyang biyaya, ang puso ng matiising Pag-ibig ay nagsusumamo pa rin. “Kaya’t sinasabi, ‘Gumising ka, ikaw na natutulog, at bumangon mula sa mga patay, at si Cristo ay magliliwanag sa iyo.’ Kaya’t maging maingat kayo sa inyong paglakad...na sinasamantala ang panahon, sapagkat ang mga araw ay masasama” (Efeso 5:14-16). ADP 344.4
Kapag dumating na ang panahon ng pagsubok, yung mga taong ginawang pamantayan ng buhay ang Salita ng Diyos ay magiging litaw. Kapag tag-araw, walang mapapansing pagkakaiba sa pagitan ng mga punong laging luntian (evergreens) at ng iba pang mga puno; ngunit kapag sumapit na ang bugso ng taglamig, ang mga punong ito ay hindi nagbabago, habang ang ibang mga puno ay nalalagas na ang mga dahon. Ganon din naman, hindi pa makikita ngayon ang pagkakaiba ng mananampalatayang hindi tapat ang puso at ng tunay na Kristiyano, ngunit halos narito na ang panahon na ang pagkakaiba ay magiging malinaw. Hayaang magkaroon ng labanan, hayaang mangibabaw muli ang panatismo at paghihigpit sa relihiyon, hayaang mag-alab ang pag-uusig, at siguradong ang mga mahihina ang loob at mapagkunwari ay mag-uurung-sulong at isusuko ang pananampalataya; ngunit ang tunay na Kristiyano ay maninindigang matibay gaya ng malaking bato, mas malakas ang kanyang pananampalataya, mas maningning ang kanyang pag-asa, kaysa noong mga panahon ng kasaganaan. ADP 345.1
Ang sabi ng mang-aawit: “Aking binubulay-bulay ang Iyong mga patotoo.” “Sa pamamagitan ng Iyong mga tuntunin ay nagkaroon ako ng kaunawaan; kaya’t kinapopootan ko ang bawat huwad na daan” (Awit 119:99, 104). ADP 345.2
“Mapalad ang tao na nakakasumpong ng karunungan” (Kawikaan 3:13). “Sapagkat siya’y magiging tulad sa punungkahoy na itinanim sa tabi ng tubig, at gumagapang ang mga ugat sa tabi ng batis, at hindi natatakot kapag dumarating ang init, sapagkat ang mga dahon nito ay nananatiling sariwa; at hindi mababalisa sa taon ng pagkatuyo, sapagkat hindi ito tumitigil sa pamumunga” (Jeremias 17:8). ADP 345.3