“Nakita ko ang isa pang anghel na nananaog mula sa langit, na may dakilang kapangyarihan; at ang lupa ay naliwanagan ng kanyang kaluwalhatian. At siya’y sumigaw nang may malakas na tinig na nagsasabi, ‘Bumagsak, bumagsak ang dakilang Babilonia! Ito’y naging tirahan ng mga demonyo, pugad ng bawat espiritung karumaldumal, at pugad ng bawat karumaldumal at kasuklam-suklam na mga ibon.’ ” “At narinig ko ang isa pang tinig na mula sa langit na nagsasabi, ‘Magsilabas kayo sa kanya, bayan Ko, upang huwag kayong madamay sa kanyang mga kasalanan, at huwag kayong makabahagi sa kanyang mga salot’ ” (Apocalipsis 18:1, 2, 4). ADP 345.4
Ang kasulatang ito ay tumutukoy sa panahon na ang babala tungkol sa pagbagsak ng Babilonia, na sinabi ng ikalawang anghel sa Apocalipsis 14 (talatang 8) ay mauulit, at saka may karagdagang pagbanggit sa mga kasamaang pumapasok sa iba’t ibang samahang bumubuo sa Babilonia, simula nang unang ibigay ang pabalitang ito noong tag-araw ng 1844. Isang napakasamang kalagayan ng daigdig ng relihiyon ang inilalarawan dito. Sa bawat pagtanggi sa katotohanan, ang isipan ng mga tao ay padilim nang padilim, ang kanilang puso ay patigas nang patigas, hanggang sa sila’y mapaligiran na ng kapusungan ng di-paniniwala. Bilang paglaban sa mga babalang ibinigay ng Diyos, magpapatuloy silang yurakan ang isa sa mga alituntunin ng Sampung Utos, hanggang sa sila’y maakay na usigin yung mga nanghahawak sa kabanalan nito. Si Cristo ay binabale-wala dahil sa paghamak sa Kanyang Salita at sa Kanyang bayan. Habang tinatanggap ng mga iglesya ang mga turo ng espirituwalismo, ang pamigil na inilagay sa pusong makalaman ay naaalis, at ang relihiyon ay nagiging balatkayong nagkukubli sa pinakamasamang kasalanan. Ang paniniwala sa pagpapakita ng mga kaluluwa ang siyang nagbubukas ng pintuan para sa mga espiritung nanghihikayat sa kasamaan at sa mga doktrina ng demonyo, kung kaya’t ang impluwensya ng masasamang anghel ay madadama sa mga iglesya. ADP 345.5
Tungkol sa Babilonia, sa panahong ipinakita sa hulang ito, ay sinasabi: “Ang kanyang mga kasalanan ay nagkapatungpatong na umaabot hanggang sa langit, at natatandaan ng Diyos ang kanyang mga kasalanan” (Apocalipsis 18:5). Napuno na niya ang hangganan ng kanyang kasalanan, at ang pagkawasak ay malapit nang sumapit sa kanya. Subalit meron pang mga tao ang Diyos sa Babilonia; at bago dumalaw ang Kanyang mga kahatulan, ang mga tunay na mananampalatayang ito’y dapat palabasin, upang sila’y “huwag...madamay sa kanyang mga kasalanan, at huwag... makabahagi sa kanyang mga salot.” Kaya nga’t merong kilusang sinisimbuluhan ng anghel na bumababa mula sa langit, na nililiwanagan ang lupa ng kanyang kaluwalhatian, at sumisigaw nang may malakas na tinig, na ipinagbibigay-alam ang mga kasalanan ng Babilonia. Kaugnay ng kanyang mensahe ay narinig ang panawagan: “Magsilabas kayo sa kanya, bayan Ko.” Ang mga babalang ito, kasama ng mensahe ng ikatlong anghel, ang bumubuo sa huling babala na ibibigay sa mga naninirahan sa lupa. ADP 346.1
Nakakatakot ang isyung kahaharapin ng sanlibutan. Ang mga bansa sa lupa na nagkakaisa upang makipaglaban sa mga utos ng Diyos, ay ipag-uutos na ang lahat, “ang hamak at ang dakila, ang mayayaman at ang mga dukha, ang mga malaya at ang mga alipin” (Apocalipsis 13:16), ay dapat makiayon sa mga kaugalian ng simbahan sa pamamagitan ng pangingilin ng maling sabbath. Lahat ng hindi susunod ay lalapatan ng mga kaparusahang sibil, at sa wakas ay idedeklarang sila’y karapat-dapat mamatay. Sa kabila naman, ang kautusan ng Diyos na nagtatagubilin sa araw ng kapahingahan ng Lumikha ay hinihingi rin ang pagsunod, at nagbababala ng galit laban sa lahat ng sumusuway sa mga tuntunin nito. ADP 346.2
Yamang naipakita na nang ganyan kalinaw ang isyu sa harapan niya, sinumang yuyurak sa kautusan ng Diyos upang sundin ang utos ng tao ay tumatanggap sa tanda ng hayop; tinatanggap niya ang palatandaan ng katapatan sa kapangyarihang pinipili niyang sundin sa halip na sa Diyos. Ang babalang galing sa langit ay, “Kung ang sinuman ay sumasamba sa [hayop] at sa kanyang larawan, at tumatanggap ng tanda sa kanyang noo, o sa kanyang kamay, ay iinom din naman ng alak ng poot ng Diyos, na inihahandang walang halo sa kopa ng Kanyang poot” (Apocalipsis 14:9, 10). ADP 346.3
Ngunit walang isa mang magdaranas ng poot ng Diyos malibang naipaunawa nang lubos ang katotohanan sa kanyang isip at budhi, pero tinanggihan pa rin niya. Napakarami ang hindi nagkaroon ng pagkakataong marinig ang mga bukudtanging katotohanan para sa panahong ito. Ang pananagutan sa ikaapat na utos ay hindi pa naihaharap sa kanila sa tunay nitong liwanag. Ang Diyos na bumabasa sa bawat puso, at sumusubok sa bawat motibo, ay hindi babayaang madaya tungkol sa mga isyu ng tunggaliang ito ang sinumang nagnanais malaman ang katotohanan. Ang utos ay hindi ipipilit sa tao nang walang sapat na pagkaunawa. Bawat isa ay magkakaroon ng sapat na liwanag upang makapagpasya nang may katalinuhan. ADP 346.4
Ang Sabbath ang magiging dakilang subukan ng katapatan, sapagkat ito ang bahagi ng katotohanan na bukud-tangi nang pinagtatalunan. Kapag ang huling pagsubok ay ginamit na sa mga tao, ang guhit ng pagkakaiba, kung gayon, ay makikita na sa pagitan nung mga naglilingkod sa Diyos at nung mga hindi naglilingkod sa Kanya. Samantalang ang pangingilin ng maling sabbath bilang pagsunod sa batas ng pamahalaan, kontra sa ikaapat na utos, ay magiging hayagang pag-amin ng katapatan sa kapangyarihang laban sa Diyos, ang pag-iingat naman ng tunay na Sabbath bilang pagsunod sa kautusan ng Diyos, ay katibayan ng katapatan sa Lumikha. Samantalang yung isang grupo ng mga tao, dahil sa pagtanggap sa palatandaan ng pagpapasakop sa kapangyarihan ng mga bansa sa lupa, ay tumatanggap ng tanda ng hayop, yung isa naman, sa pagpili sa palatandaan ng katapatan sa kapamahalaan ng Diyos, ay tumatanggap ng tatak ng Diyos. ADP 346.5
Hanggang ngayon, yung mga nagpapahayag sa mga katotohanan ng mensahe ng ikatlong anghel ay madalas na inaakalang nananakot lamang. Ang mga hula nila na ang paghihigpit sa relihiyon ay maghahari sa Estados Unidos, na ang simbahan at ang pamahalaan ay magkakaisa upang usigin yung mga sumusunod sa mga utos ng Diyos, ay ipinahahayag na walang-batayan at hindi kapani-paniwala. Buong-tiwalang sinasabi na ang bansang ito ay hindi raw magiging iba kailanman kaysa sa kung ano ito—tagapagtanggol ng kalayaang panrelihiyon. Ngunit habang ang paksa ukol sa pagpapatupad sa pangingilin ng Linggo ay malawakang isinusulsol, ang pangyayaring matagal nang pinagdududahan at hindi pinaniniwalaan ay nakikita nang dumarating, at ang ikatlong mensahe ay magkakaroon ng epekto na hindi nito nagawa noon. ADP 346.6
Sa bawat henerasyon ay nagsusugo ang Diyos ng Kanyang mga lingkod upang sawayin ang kasalanan, kapwa sa sanlibutan at sa iglesya. Ngunit ang gusto ng mga tao ay kalugud-lugod na mga bagay ang sasabihin sa kanila, at ang dalisay at di-pakunwaring katotohanan ay hindi pupuwede. Maraming repormador ang nagpasyang gumamit ng labis na hinahon sa pagtuligsa sa mga kasalanan ng iglesya at ng bansa noong simulan ang kanilang gawain. Inasahan nilang maaakay pabalik ang mga tao sa mga doktrina ng Biblia sa pamamagitan ng halimbawa ng isang malinis na Kristiyanong pamumuhay. Ngunit dumating sa kanila ang Espiritu ng Diyos gaya ng pagdating nito kay Elias at kinilos siyang pagsabihan ang mga kasalanan ng masamang hari at ng bayang tumalikod sa Diyos; hindi nila mapigilang ipangaral ang malinaw na sinasabi ng Biblia—mga doktrinang ayaw sana nilang ipahayag. Sila’y napilitang ipahayag nang masigasig ang katotohanan at ang panganib na nagbabanta sa mga kaluluwa. Ang mga salitang ibinigay sa kanila ng Diyos ay sinabi nila nang walang-takot sa kahihinatnan, at ang mga tao’y napilitang pakinggan ang babala. ADP 347.1
Ganyan ipahahayag ang mensahe ng ikatlong anghel. Habang dumarating ang panahon para ito’y ipangaral nang may pinakamatinding kapangyarihan, ang Panginoon ay gagawa sa pamamagitan ng mga simpleng instrumento, papatnubayan ang isipan nung mga nagtatalaga ng kanilang sarili sa Kanyang gawain. Ang mga gagawa ay magiging karapat-dapat hindi dahil sa pagsasanay nila sa paaralan kundi dahil sa pagpapahid ng Kanyang Espiritu. Ang mga taong may pananampa-lataya at mapanalanginin ay mapipilitang humayo nang may banal na sigasig, na ipinahahayag ang mga salitang ibinigay sa kanila ng Diyos. Ang kasalanan ng Babilonia ay malalantad. Ang nakakatakot na resulta ng pagpapatupad ng mga kapangilinan ng simbahan sa pamamagitan ng kapangyarihang sibil, ang mga panghihimasok ng espirituwalismo, ang palihim subalit mabilis na pagsulong ng kapangyarihan ng papa—lahat ay mabubunyag. Sa pamamagitan ng mga taimtim na babalang ito, ang mga tao’y magigising. Libu-libong tao na hindi pa nakakarinig ng mga ganitong salita ang makikinig. Sa labis nilang pagtataka ay pakikinggan nila ang patotoo na ang Babilonia ay ang simbahan, bumagsak dahil sa kanyang mga kamalian at kasalanan, dahil sa pagtatakwil niya sa katotohanang ipinadala sa kanya ng Langit. Pagpunta ng mga tao sa mga dati nilang tagapagturo at sabik na magtatanong, Totoo ba ang mga bagay na ito? ang mga ministro’y magbibigay ng mga haka-haka, huhula ng mga bagay na magandang pakinggan, upang paglubagin ang kanilang takot, at patahimikin ang nagising nilang budhi. Ngunit dahil marami ang tumangging masiyahan sa kadalubhasaan ng tao lamang at pilit na humihingi ng malinaw na “Ganito ang sabi ng Panginoon,” ang mga tanyag na ministro, gaya ng mga Fariseo noong unang panahon na napuno ng galit dahil pinagdududahan ang kanilang kapamahalaan, ay tutuligsaing galing daw kay Satanas ang mensahe, at ang karamihan na mahilig sa kasalanan ay susulsulan nila na laitin at usigin yung mga nagpapahayag nito. ADP 347.2
Habang ang tunggalian ay nagpapatuloy sa mga bagong larangan, at ang isipan ng mga tao ay tinatawagan sa niyuyurakang kautusan ng Diyos, si Satanas ay aktibo. Gagalitin lamang ng kapangyarihang taglay ng mensahe yung mga kumakalaban dito. Ang mga pari’t ministro ay gagawa ng mga pagsisikap na halos higit sa magagawa ng tao upang huwag makapasok ang liwanag, baka ito’y sumikat sa kanilang kawan. Sa lahat ng paraang magagamit nila ay sisikapin nilang mapigilan ang pagtalakay sa mahahalagang paksang ito. Ang iglesya ay dudulog sa malakas na bisig ng kapangyarihang sibil, at sa gawaing ito magkakaisa ang mga makapapa at ang mga Protestante. Habang ang kilusan para sa pagpapatupad ng Linggo ay nagiging mas matapang at disidido, ang batas ay hihingan ng tulong laban sa mga sumusunod sa utos ng Diyos. Sila’y pagbabantaan ng pagmumulta at pagkabilanggo, ang iba’y aalukin ng maimpluwensyang posisyon, at ang iba nama’y mga gantimpala’t benepisyo, bilang mga pang-akit upang talikuran ang kanilang pananampalataya. Ngunit ang matatag nilang tugon ay, “Ipakita ninyo sa amin mula sa Banal na Kasulatan ang aming pagkakamali”—iyan din ang pagtatanggol na ginawa ni Luther sa ganyang kalaga-yan. Yung mga isinasakdal sa hukuman ay matindi ang pagtatanggol sa katotohanan, at ang ibang nakapakinig sa kanila ay maaakay na magpasyang sundin ang lahat ng utos ng Diyos. Sa gayo’y mada-dala ang liwanag sa libu-libong taong hindi sana nakaalam ng tungkol sa mga katotohanang ito. ADP 347.3
Ang tapat na pagsunod sa Salita ng Diyos ay ipalalagay na pagrerebelde. Dahil binulag ni Satanas, ang magulang ay gagamit ng kalupitan at kabagsikan sa sumasampalatayang anak; pagmamalupitan ng mga amo ang alilang tumutupad sa utos ng Diyos. Ang pagmamahal ay lalamig; ang mga anak ay hindi pamamanahan at palalayasin pa nga sa bahay. Ang sinabi ni Pablo ay literal na matutupad, “Ang lahat ng ibig mabuhay na may kabanalan kay Cristo Jesus ay daranas ng pag-uusig” (2 Timoteo 3:12). Sa pagtanggi ng mga tagapagtanggol ng katotohanan na igalang ang sabbath na Linggo, ang iba sa kanila ay ipapasok sa bilangguan, ang iba ay ipatatapon sa ibang lugar, ang iba ay tatratuhing alipin. Sa karunungan ng tao, ang lahat ng ito’y parang imposible ngayon; ngunit kapag inalis na sa mga tao ang pumipigil na Espiritu ng Diyos, at sila’y mapasailalim na sa kapangyarihan ni Satanas na galit sa mga banal na utos, magkakaroon ng mga kakaibang pagbabago. Ang puso ay puwedeng maging sobrang lupit kapag inalis na ang takot at pag-ibig na galing sa Diyos. ADP 348.1
Habang papalapit ang bagyo, maraming tao na nagpahayag ng pananampalataya sa mensahe ng ikatlong anghel, ngunit hindi napabanal ng pagsunod sa katotohanan, ang aalis sa kanilang paninindigan, at sasama sa panig ng mga kalaban. Sa pakikisama sa sanlibutan at pakikibahagi sa espiritu nito, halos ganon na rin ang pananaw nila sa mga bagay; at kapag ibinigay na ang pagsubok, sila’y laang piliin ang mas madaling panig ng nakararami. Ang mga taong matatalino’t kalugud-lugod magsalita, na dati’y nagagalak sa katotohanan, ay gagamitin ang kanilang impluwensya upang dayain at iligaw ang mga kaluluwa. Sila ang magiging pinakamatinding kaaway ng dati nilang mga kapatid. Kapag may mga nangingilin ng Sabbath na dinadala sa harapan ng mga hukuman upang magtanggol para sa kanilang pananampalataya, ang mga tumalikod na ito ang siyang pinakamahusay na tauhan ni Satanas upang magsinungaling at mag-akusa sa kanila, at sa pamamagitan ng mga maling sumbong at pasaring ay susulsulan ang mga pinuno laban sa kanila. ADP 348.2
Sa panahong ito ng pag-uusig, ang pananampalataya ng mga lingkod ng Panginoon ay masusubok. Matapat nilang ipinahayag ang babala, na umaasa sa Diyos at sa Kanyang Salita lamang. Ang Espiritu ng Diyos, na kumikilos sa kanilang puso, ang pumilit sa kanila para magsalita. Dahil pinasigla ng banal na sigasig, at dahil malakas ang banal na udyok sa kanila, sinimulan nila ang pagsasagawa ng kanilang mga tungkulin, hindi inaalintana ang kahihinatnan ng pagsasabi sa mga tao ng salitang ibinigay ng Diyos sa kanila. Hindi na nila isinaalang-alang ang kanilang makalupang kapakanan, ni sinikap pang iligtas ang kanilang reputasyon o ang kanilang buhay. Ngunit kapag ang bugso ng pagsalungat at kahihiyan ay biglang dumating sa kanila, ang iba na sinakmal ng malaking takot ay parang gustong magsabi, “Kung nakita lamang namin ang kahihinatnan ng aming pagsasalita, nanahimik na lang sana kami.” Sila’y napapaligiran ng mga hadlang. Sinasalakay sila ni Satanas ng matitinding tukso. Ang gawain na kanilang ginawa ay parang napakalayo pa sa kaya nilang matapos. Binabantaan sila ng kamatayan. Ang sigasig na nagpasigla sa kanila ay nawala na; subalit hindi na sila makakaurong pa. At sa pagkadama ng lubos nilang kahinaan, sila’y nanganlong sa Makapangyarihan sa lahat para sa kalakasan. Naalala nila na ang mga salitang sinabi nila ay hindi sa kanila kundi sa Kanya na nag-utos sa kanila na ibigay ang babala. Inilagay ng Diyos ang katotohanan sa kanilang puso, at hindi nila mapigilang ipahayag ito. ADP 348.3
Ganon ding mga pagsubok ang naranasan ng mga tao ng Diyos sa mga nakaraang panahon. Iginiit nina Wycliffe, Huss, Luther, Tyndale, Baxter, at Wesley, na ang lahat ng doktrina ay dapat subukin sa pamamagitan ng Biblia, at sinabing tatalikuran nila ang lahat ng ipinagbabawal nito. Laban sa mga taong ito, ang pag-uusig ay nagngalit sa walang-awang bagsik nito; ngunit hindi pa rin sila tumigil sa pagpapahayag ng katotohanan. Ang bawat panahon sa kasaysayan ng iglesya ay kapapansinan ng paglitaw ng espesyal na katotohanan, na angkop sa mga pangangailangan ng bayan ng Diyos sa panahong iyon. Bawat bagong katotohanan ay nakasulong laban sa pagkamuhi at pagkontra; yung mga pinagpala ng liwanag nito ay tinukso at sinubok. Ang Panginoon ay nagbibigay ng natatanging katotohanan para sa bayan Niya sa panahon ng kagipitan. Sinong mangangahas na tumangging ipahayag ito? Inuutusan Niya ang Kanyang mga lingkod na ibigay ang huling paanyaya ng kahabagan sa sanlibutan. Hindi sila maaaring manahimik, maliban na lang kung nanganganib na ang kanilang kaluluwa. Ang mga kinatawan ni Cristo ay walang pakialam sa mga kahihinatnan. Dapat nilang gampanan ang kanilang tungkulin, at hayaan ang mga ibubunga nito sa Diyos. ADP 349.1
Habang mas tumitindi ang pagsalungat, ang mga lingkod ng Diyos ay nalilito uli; sapagkat sa tingin nila ay parang sila ang nagdala ng krisis. Subalit sinisiguro sa kanila ng budhi at ng Salita ng Diyos na ang kanilang tinatahak ay tama; at bagaman nagpapatuloy ang mga pagsubok, sila’y pinalalakas upang makaya ito. Ang labanan ay nagiging mahigpit at matindi, ngunit ang kanilang pananampalataya at tapang ay lumalakas sa panahon ng kagipitan. Ang kanilang patotoo ay, “Hindi kami mangangahas na pakialaman ang Salita ng Diyos at hati-hatiin ang Kanyang banal na kautusan; at sasabihing kailangan ang isang bahagi at ang isang bahagi naman ay hindi na, matamo lamang ang pabor ng sanlibutan. Kaya kaming iligtas ng Pangi-noon na aming pinaglilingkuran. Nalupig na ni Cristo ang mga kapangyarihan sa lupa; at matatakot ba kami sa sanlibutang nalupig na?” ADP 349.2
Ang pag-uusig sa iba’t ibang anyo nito ay resulta ng isang prinsipyong mananatili hangga’t nabubuhay si Satanas at hanggang may mahalagang lakas ang Kristiyanismo. Walang taong makapaglilingkod sa Diyos nang hindi tatamuhin ang galit ng mga hukbo ng kadiliman. Sasalakayin siya ng masasamang anghel, na nangangamba dahil inaagaw ng impluwensya niya ang biktima sa kanilang mga kamay. Ang masasamang tao na nasusumbatan ng kanyang halimbawa ay makikipagkaisa sa kanila upang ilayo siya sa Diyos sa pamamagitan ng mga mapanghikayat na tukso. Kapag ang mga ito’y hindi nagtagumpay, gagamit naman sila ng kapangyarihang namimilit upang puwersahin ang budhi. ADP 349.3
Ngunit hangga’t si Jesus ay nananatiling tagapamagitan ng tao sa santuwaryo sa langit, ang pumipigil na impluwensya ng Banal na Espiritu ay nadarama ng mga pinuno at ng mga tao. Sa ilang kaparaanan ay pinangangasiwaan pa rin nito ang mga batas ng pamahalaan. Kung hindi dahil sa mga batas na ito, ang kalagayan ng sanlibutan ay mas malala pa kaysa ngayon. Bagaman marami sa mga pinuno natin ang aktibong tauhan ni Satanas, ang Diyos ay meron ding mga tauhan sa mga pangunahing tao sa bansa. Kinikilos ng kaaway ang kanyang mga lingkod upang magmungkahi ng mga batas na lubhang makakahadlang sa gawain ng Diyos; subalit ang mga taong nanunungkulan sa pamahalaan na natatakot sa Panginoon ay iniimpluwensyahan ng mga banal na anghel upang tutulan ang ganong mga mungkahi sa pamamagitan ng mga argumentong hindi mapapasinungalingan. Sa gayo’y mapipigilan ng ilang tao ang malakas na agos ng kasamaan. Ang pagsalungat ng mga kaaway ng katotohanan ay pipigilan upang maisagawa ng mensahe ng ikatlong anghel ang gawain nito. Kapag ibinigay na ang huling babala, kukunin nito ang pansin ng mga nangungunang taong ito, na sa pamamagitan nila’y gumagawa ngayon ang Panginoon, at ang iba sa kanila ay tatanggap dito, at maninindigang kasama ng bayan ng Diyos sa buong panahon ng matinding kaguluhan. ADP 349.4
Ang anghel na makikisama sa pagpapahayag ng mensahe ng ikatlong anghel ay liliwanagan ng kanyang kaluwalhatian ang buong lupa. Dito’y inihuhula ang isang gawaing saklaw ang buong mundo at may pambihirang kapangyarihan. Ang kilusang Adventista noong 1840-1844 ay isang maluwalhating paghahayag ng kapangyarihan ng Diyos; ang mensahe ng unang anghel ay nakaabot sa lahat ng himpilang misyonero sa sanlibutan, at sa ilang bansa ay nagkaroon ng pinakamalaking interes sa relihiyon na nasaksihan sa alinmang lupain mula noong Repormasyon ng ika-16 na siglo; ngunit ang mga ito’y mahihigitan ng makapangyarihang kilusan sa ilalim ng huling babala ng ikatlong anghel. ADP 350.1
Ang gawain ay magiging kapareho noong araw ng Pentecostes. Kung paanong ibinigay ang “unang ulan” nang ibuhos ang Banal na Espiritu sa pagsisimula ng ebanghelyo, upang sumibol ang mahahalagang binhi, ganon din naman ang “huling ulan” ay ibibigay sa pagtatapos nito, upang mahinog ang aanihin. “At ating kilalanin, tayo’y magpatuloy upang makilala ang Panginoon; ang Kanyang paglabas ay kasintiyak ng bukang-liwayway; at Siya’y paparito sa atin na parang ulan, tulad ng [huli at unang] ulan...na dumidilig sa lupa” (Hoseas 6:3). “Kayo’y matuwa, O mga anak ng Zion, at magalak sa Panginoon ninyong Diyos; sapagkat Kanyang ibinigay ang [unang] ulan para sa inyong ikawawalang-sala, Kanyang ibinuhos para sa inyo ang isang masaganang ulan, ang [una] at ang huling ulan” (Joel 2:23). “At sa mga huling araw, sabi ng Diyos, ibubuhos Ko ang Aking Espiritu sa lahat ng laman.” “At mangyayari na ang bawat tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas” (Gawa 2:17, 21). ADP 350.2
Ang dakilang gawain ng ebanghelyo ay hindi magtatapos nang wala ang kapahayagan ng kapangyarihan ng Diyos na nakita sa pagsisimula nito. Ang mga hulang natupad sa pagkakabuhos ng unang ulan sa pagsisimula ng ebanghelyo ay muling matutupad sa huling ulan sa pagtatapos nito. Nandito ang “mga panahon ng kaginhawahan” na inaasahan ni apostol Pedro nang kanyang sabihin, “Kaya nga magsisi kayo at magbalik-loob upang mapawi ang inyong mga kasalanan, upang ang mga panahon ng kaginhawahan ay dumating mula sa harapan ng Panginoon; at upang Kanyang suguin ang Cristo na itinalaga sa inyo, si Jesus” (Gawa 3:19, 20). ADP 350.3
Ang mga lingkod ng Diyos, na nagliliwanag at nagniningning ang mga mukha sa banal na pagtatalaga, ay magmamadaling tutungo sa iba’t ibang lugar upang ipahayag ang mensaheng mula sa langit. Sa pamamagitan ng libu-libong tinig ay maipahahayag ang babala sa buong sanlibutan. Maisasagawa ang mga himala, mapapagaling ang mga maysakit, at ang mga tanda’t kababalaghan ay susunod sa mga sumasampalataya. Si Satanas ay gumagawa rin ng mga dakilang tanda, pati na ang pagpapababa ng apoy sa lupa mula sa langit sa paningin ng mga tao (Apocalipsis 13:13). Kung kaya’t ang mga naninirahan sa lupa ay maihahatid sa pagpapasya kung saan sila maninindigan. ADP 350.4
Ang mensahe ay papalaganapin hindi gaanong sa argumento kundi sa malalim na kumbiksyon ng Espiritu ng Diyos. Ang mga argumento ay naipahayag na. Ang binhi ay naihasik na, at ngayo’y tutubo na at magbubunga. Ang mga babasahing ipinamigay ng mga manggagawang misyonero ay nagkaroon na ng impluwensya, subalit marami pa ring taong nakintalan ang isipan ang nahahadlangang maunawaan nang lubos ang katotohanan o kaya’y sumunod. Ngayon ay nakapasok na ang sinag ng liwanag sa lahat ng dako, ang katotohanan ay nakikita na sa kalinawan nito, at nilalagot na ng mga tapat na anak ng Diyos ang mga taling pumipigil sa kanila. Ang kaugnayan sa pamilya, ang relasyon sa iglesya, ay wala nang magagawa upang pigilan pa sila ngayon. Ang katotohanan ay mas mahalaga kaysa sa lahat ng iba pa. Sa kabila ng mga puwersang nagsama-sama laban sa katotohanan, marami ang magpapasyang manindigan sa panig ng Panginoon. ADP 350.5