“Ang kanyang mga kasalanan ay nagkapatung-patong na umaabot hanggang sa langit.... Sa kopang kanyang pinaghaluan ay inyong ipaghalo siya ng makalawang ulit. Kung gaano siya nagmalaki at namuhay sa kalayawan, ay gayundin ang ibigay ninyo sa kanyang pahirap at pagluluksa. Sapagkat sinasabi niya sa kanyang puso, ‘Ako’y nakaupong isang reyna. Hindi ako balo at hindi ko makikita kailanman ang pagluluksa.’ Kaya’t sa loob ng isang araw ay darating ang mga salot sa kanya, kamatayan, pagluluksa at gutom; at siya’y lubos na susunugin sa apoy; sapagkat makapangyarihan ang Panginoong Diyos na humatol sa kanya. At ang mga hari sa lupa na nakiapid at namuhay sa kalayawan na kasama niya, ay iiyakan at tatangisan siya...na nagsasabi, ‘Kahabag-habag, kahabag-habag ang dakilang lunsod, ikaw na makapangyarihang lunsod ng Babilonia! Sapagkat sa isang oras ay dumating ang hatol sa iyo’ ” (Apocalipsis 18:5-10). ADP 374.1
“Ang mga mangangalakal sa lupa” na “yumaman dahil sa kapangyarihan ng kanyang kalayawan,” “ay tatayo sa malayo dahil sa takot sa pahirap sa kanya,” “na tumatangis at tumataghoy,” “na nagsasabi, ‘Kahabag-habag, kahabag-habag ang dakilang lunsod, siyang nagsusuot ng pinong lino at ng kulay-ube, at pula, at napapalamutian ng ginto, mahahalagang bato at perlas! Sapagkat sa loob ng isang oras ay nalipol ang ganito kalaking kayamanan!’ ” (Apocalipsis 18:3, 15-17). ADP 374.2
Ganyan ang mga kahatulang sasapit sa Babilonia sa araw ng pagdalaw ng galit ng Diyos. Napuno na niya ang sukat ng kanyang kasamaan; dumating na ang kanyang oras; hinog na siya para sa pagkawasak. ADP 374.3
Nang baligtarin ng tinig ng Diyos ang pagkabihag ng Kanyang bayan, lubhang namulat yung mga taong nawalan ng lahat sa dakilang labanan ng buhay. Noong meron pang palugit, sila’y binulag ng mga pandaraya ni Satanas, at pinangangatwiranan nila ang makasalanan nilang gawain. Ipinagmalaki ng mga mayayaman ang kahigitan nila sa mga hindi gaanong pinalad; ngunit nakamal nila ang kanilang kayamanan sa pamamagitan ng paglabag sa kautusan ng Diyos. Hindi nila pinakain ang mga nagugutom, dinamitan ang mga hubad, nakitungo nang makatwiran, at kinahiligan ang kahabagan. Sinikap nilang itaas ang kanilang sarili, at makamit ang parangal ng mga kapwa nila nilalang. Ngayo’y inalis na sa kanila ang lahat ng nagpadakila sa kanila, at iniwang walang-wala at walang-laban. May malaking takot nilang tiningnan ang pagkalipol ng mga diyus-diyosang mas pinili pa nila kaysa sa Lumikha sa kanila. Ipinagbili nila ang kanilang kaluluwa sa mga makalupang kayamanan at kasiyahan, at hindi sinikap na maging mayaman sa Diyos. Ang naging bunga ay, bigo ang kanilang buhay; ngayo’y naging kapaitan ang kanilang kasiyahan, at kabulukan ang kanilang kayamanan. Ang naipon nila sa buong buhay nila ay napalis sa isang saglit lang. Ipinagdalamhati ng mga mayayaman ang pagkasira ng malalaki’t magaganda nilang mga bahay, at ang pangangalat ng kanilang mga ginto’t pilak. Ngunit ang kanilang pananangis ay pinatahimik ng pangambang baka pati sila mismo ay mapahamak kasama ng kanilang mga dinidiyos. ADP 374.4
Ang mga masasama ay nalipos ng pagsisisi, hindi dahil kinaligtaan nila ang Diyos at ang kanilang mga kapwa, kundi dahil ang Diyos ay nagtagumpay. Nagdalamhati sila dahil sa naging resulta; ngunit hindi sila nagsisisi sa kanilang kasamaan. Kung magagawa lamang nila ay susubukan nilang gawin ang lahat ng paraan upang magtagumpay. ADP 374.5
Nakita ng sanlibutan na ang mga tao mismong hinamak nila at nilibak, at hinangad na patayin, ay nakalampas sa mga salot, bagyo, at lindol nang hindi naaano. Siyang tumutupok na apoy sa mga sumasalangsang sa Kanyang kautusan ay isang ligtas na kanlungan sa Kanyang bayan. ADP 374.6
Ang ministrong nagsakripisyo sa katotohanan upang matamo ang pagsang-ayon ng mga tao, ay nakita ngayon ang likas at impluwensya ng kanyang mga itinuro. Malinaw na sinusubaybayan siya ng matang nakakaalam ng lahat sa kanyang pagtindig sa pulpito, sa paglakad niya sa mga lansangan, sa pakikisalamuha niya sa mga tao sa iba’t ibang pangyayari sa buhay Ang bawat damdamin ng kaluluwa, bawat pangungusap na isinulat, bawat salitang sinabi, bawat gawang umakay sa mga tao na umasa sa muog ng kasinungalingan, ay matagal nang naghahasik ng binhi; at ngayon, sa mga kaawa-awang napahamak na kaluluwa sa paligid niya, ay nakita niya ang ani. ADP 374.7
Ang sabi ng Panginoon: “Kanilang pinagaling nang bahagya ang sugat ng Aking bayan, na sinasabi, ‘Kapayapaan, kapayapaan,’ gayong walang kapayapaan” Oeremias 8:11). “Sa pamamagitan ng kasinungalingan ay inyong pinapanghina ang puso ng matuwid, bagaman hindi ko siya pinapanghina. Inyong pinalakas ang masama, upang huwag humiwalay sa kanyang masamang lakad upang iligtas ang kanyang buhay” (Ezekiel 13:22). ADP 375.1
“Kahabag-habag ang mga pastol na pumapatay at nagpapangalat sa mga tupa ng Aking pastulan!... Dadalawin Ko kayo dahil sa inyong masasamang gawa.” “Humagulhol kayo, mga pastol, at sumigaw; at gumulong kayo sa abo, kayong mga panginoon ng kawan; sapagkat ang mga araw ng pagkatay sa inyo at pangangalat ninyo ay dumating na.... Walang daang matatakbuhan ang mga pastol, o pagtakas man para sa mga panginoon ng kawan” (Jeremias 23:1, 2; 25:34, 35). ADP 375.2
Nakita ng mga ministro at ng mga tao na hindi sila nagpatuloy sa tamang relasyon sa Diyos. Nakita nila na sila’y naghimagsik laban sa May-akda ng lahat ng matuwid at makatarungang kautusan. Ang pagsasaisantabi sa mga utos ng Diyos ay lumikha ng libu-libong bukal ng kasamaan, away, pagkamuhi, at kasalanan, hanggang ang lupa’y maging isang napakalaking larangan ng paglalaban-laban, isang malawak na lugar ng kasamaan. Ito ang tanawing nakita ngayon nung mga nagsitanggi sa katotohanan at pinili pang mahalin ang kamalian. Walang pananalitang makapagpahayag sa hangaring nadama ng mga masuwayin at di-tapat para sa bagay na nawala nila magpakailanman—ang buhay na walang-hanggan. Ang mga taong sinamba ng sanlibutan dahil sa mga talento nila’t galing sa pagsasalita ay nakita ngayon ang mga ito sa tunay nilang kalagayan. Napagtanto nila kung ano ang nawala sa kanila dahil sa paglabag, at sila’y lumugmok sa paanan nung mga taong ang katapatan ay hinamak at pinagtawanan nila, at kanilang inamin na ang mga ito’y minamahal nga ng Diyos. ADP 375.3
Nakita ng mga tao na sila’y nailigaw. Sinisi nila ang isa’t isa dahil sa pagdala sa kanila sa kapahamakan; ngunit ang lahat ay sama-samang ibinunton ang pinakamasaklap nilang pagsumpa sa mga ministro. Ang mga di-tapat na pastor ay humula ng mga kalugud-lugod na bagay; inakay nila ang kanilang mga tagapakinig na walaing-kabuluhan ang kautusan ng Diyos at usigin yung mga nag-iingat sa kabanalan nito. Ngayon, sa kawalang pag-asa, ay inamin ng mga tagapagturong ito sa buong sanlibutan ang kanilang ginawang pandaraya. Ang napakaraming tao ay napuno ng galit. “Kami’y napahamak!” sigaw nila “at kayo ang dahilan ng aming kapahamakan;” at binalingan nila ang mga huwad na pastol. Ang mga tao mismong labis na humahanga sa kanila dati, ay bibigkas ng mga pinakakakilakilabot na pagsumpa sa kanila. Ang mga kamay mismong naggawad sa kanila ng karangalan, ay iaangat para sa kanilang kamatayan. Ang mga tabak na pampatay sana sa bayan ng Diyos, ay ginamit na ngayon para patayin ang kanilang mga kaaway. Kahit saan ay merong labanan at patayan. ADP 375.4
“Ang ingay ay aabot hanggang sa mga dulo ng lupa; sapagkat ang Panginoon ay may usapin laban sa mga bansa, Siya’y pumapasok sa paghatol kasama ng lahat ng laman. Tungkol sa masasama, sila’y ibibigay niya sa tabak” (Jeremias 25:31). Sa loob ng 6,000 taon ang tunggalian ay nagpapatuloy; ang Anak ng Diyos at ang mga makalangit Niyang mensahero ay nakikipaglaban sa kapangyarihan ng diyablo, upang babalaan, liwanagan, at iligtas ang mga tao. Ngayo’y nakapagpasya na ang lahat; ang mga masasama ay lubusan nang nakiisa kay Satanas sa pakikipaglaban niya sa Diyos. Dumating na ang panahon upang papaglibayin ng Diyos ang kapamahalaan ng Kanyang kautusang niyurakan. Ang pakikipagtunggali ngayon ay hindi lamang laban kay Satanas, kundi sa mga tao. “Ang Panginoon ay may usapin laban sa mga bansa;” “Tungkol sa masasama, sila’y ibibigay Niya sa tabak.” ADP 375.5
Ang tanda ng kaligtasan ay nailagay na doon sa mga “nagbubuntong-hininga at dumadaing dahil sa lahat na kasuklamsuklam na ginawa.” Ang anghel ng kamatayan ngayon ay humayo, na inilalarawan sa pangitain ni Ezekiel bilang mga taong may pamatay na sandata, na inutusan na: “Patayin ninyo agad ang matatanda, ang mga binata, mga dalaga, mga bata at ang mga babae; ngunit huwag ninyong gagalawin ang sinumang may tanda. At magsimula kayo sa Aking santuwaryo.” Ang sabi ng propeta, “Nang magkagayo’y kanilang pinasimulan sa matatandang lalaki na nasa harap ng bahay” (Ezekiel 9:1-6). Ang gawain ng pagpatay ay magpapasimula doon sa mga nagsasabing mga espirituwal na bantay ng mga tao. Ang mga bulaang bantay ang siyang unang mabubuwal. Walang sinumang kaaawaan o paliligtasin. Mga lalaki, babae, dalaga, at maliliit na mga bata ay sama-samang napahamak. ADP 376.1
“Ang Panginoon ay lumalabas mula sa Kanyang dako upang parusahan ang mga naninirahan sa lupa dahil sa kanilang kasamaan. Ililitaw naman ng lupa ang dugo na nabuhos doon at hindi na tatakpan ang kanyang napatay” (Isaias 26:21). “Ito ang magiging salot na ibibigay ng Panginoon sa lahat ng mga bayan na nakipagdigma laban sa Jerusalem: ang kanilang laman ay mabubulok habang sila’y nakatayo pa sa kanilang mga paa, at ang kanilang mga mata’y mabubulok sa kinalalagyan ng mga ito, at ang kanilang mga dila ay mabubulok sa kanilang mga bibig. Sa araw na iyon ay darating sa kanila ang isang malaking pagkatakot sa Panginoon; at hahawak ang bawat isa sa kanila sa kamay ng kanyang kapwa, at ang kamay ng isa’y itataas laban sa kamay ng iba pa” (Zacarias 14:12, 13). Sa magulong labanan ng sari-sarili nilang matitinding bugso ng damdamin, at sa kakila-kilabot na pagbuhos ng walanghalong poot ng Diyos, ay bumagsak ang mga naninirahan sa lupa—ang mga pari, mga pinuno, at mga tao, mayayaman at mahihirap, matataas at mabababa. “At ang mapapatay ng Panginoon sa araw na iyon ay magiging mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo. Sila’y hindi tataghuyan, o titipunin, o ililibing man” (Jeremias 25:33). ADP 376.2
Sa pagdating ni Cristo, ang mga makasalanan ay malilipol sa balat ng buong lupa—matutupok sa hininga ng Kanyang bibig, at malilipol sa kaningningan ng Kanyang kaluwalhatian. Isasama ni Cristo ang Kanyang bayan sa lunsod ng Diyos, at ang lupa ay mawawalan ng tao. “Gigibain ng Panginoon ang lupa at ito’y sisirain, at pipilipitin Niya ang ibabaw nito at ang mga naninirahan doon ay pangangalatin.” “Lubos na mawawalan ng laman ang lupa, at lubos na masisira; sapagkat ang salitang ito ay sa Panginoon mula.” “Sapagkat kanilang sinuway ang kautusan, nilabag ang tuntunin, sinira ang walang hanggang tipan. Kaya’t nilamon ng sumpa ang lupa, at silang naninirahan doon ay nagdurusa dahil sa kanilang pagkakasala, kaya’t nasunog ang mga naninirahan sa lupa” (Isaias 24:1, 3, 5, 6). ADP 376.3
Ang buong lupa ay parang isang mapanglaw na ilang. Ang guho ng mga lunsod at mga nayon na winasak ng lindol, ang mga nabunot na punungkahoy, ang mga basag-basag na batong ibinuga ng dagat o natungkab sa lupa mismo, ay nagkalat sa ibabaw nito, habang may malalaking hukay naman na tanda sa lugar na kinatungkaban ng mga bundok mula sa mga pundasyon nito. ADP 376.4
Ngayo’y nagaganap ang pangyayaring inilarawan sa huling taimtim na serbisyo ng Araw ng Pagtubos. Kapag tapos na ang paglilingkod sa kabanal-banalang dako, at ang mga kasalanan ng Israel ay naalis na sa santuwaryo sa bisa ng dugo ng handog pangkasalanan, kung gayo’y ihaharap nang buhay sa Panginoon ang kambing na pakakawalan; at sa harapan ng buong kapulungan ay ipapahayag dito ng punong pari “ang lahat ng kasamaan, mga paglabag at lahat ng mga kasalanan ng anak ni Israel. Ilalagay niya ang mga iyon sa ulo ng kambing” (Levitico 16:21). Sa ganon ding paraan, kapag natapos na ang gawain ng pagtubos sa santuwaryo sa langit, sa harapan ng Diyos at ng mga anghel sa langit, at ng hukbo ng mga natubos, ang mga kasalanan ng bayan ng Diyos ay ipapatong kay Satanas; idedeklarang siya ang may-sala sa lahat ng kasalanang ipinagawa niya sa kanila. At kung paanong dinala ang kambing na pakakawalan sa lupaing walang naninirahan, gayundin naman si Satanas ay ipatatapon sa gibagibang daigdig na ito, walang nakatira at malungkot na ilang. ADP 376.5
Inihuhula ni Juan Rebelador ang pagkapatapon kay Satanas, at ang magulo at giba-gibang kalagayang kasasadlakan ng lupa; at sinabi niya na ang kalagayang ito ay mananatili sa loob ng 1,000 libong taon. Pagkatapos na mailarawan ang mga tagpo sa ikalawang pagdating ng Panginoon at ang paglipol sa mga masasama, ang hula ay nagpatuloy: “Nakita ko ang isang anghel na nananaog mula sa langit, na hawak sa kanyang kamay ang susi ng di-matarok na kalaliman at ang isang malaking tanikala. At sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diyablo at Satanas, at ginapos siya ng isang libong taon, at siya’y itinapon sa di-matarok na kalaliman at sinarhan at tinatakan ito sa ibabaw niya, upang hindi na niya madaya ang mga bansa, hanggang sa matapos ang isang libong taon. Pagkatapos nito, kailangang siya’y pawalan ng maikling panahon” (Apocalipsis 20:1-3). ADP 377.1
Malinaw sa iba pang mga talata na ang pananalitang “di-matarok na kalaliman” ay naglalarawan sa lupang nasa magulo’t madilim na kalagayan. Tungkol sa kalagayan ng lupa “nang pasimula,” sinasabi ng nakatala sa Biblia na ito’y “walang anyo at walang laman, at binalot sa kadiliman ang kalaliman” (Genesis 1:2). *Sa Griyegong salin ng Lumang Tipan (Septuagint), ang salitang Hebreo na isinalin ditong “kalaliman” ay isinaling kapareho ng salitang ginamit sa Apocalipsis 20:1-3, “di-matarok na kalaliman.” Itinuturo ng propesiya na ang lupa ay ibabalik sa ganitong kalagayan, bagaman hindi lubos. Habang nakatunghay sa dakilang araw ng Diyos, ay sinabi ni propeta Jeremias: “Ako’y tumingin sa lupa, at narito, ito’y wasak at walang laman; at sa mga langit, at sila’y walang liwanag. Ako’y tumingin sa mga bundok, at narito, sila ay nayayanig, at ang lahat ng burol ay nagpapabalik-balik. Ako’y tumingin, at narito, walang tao, at lahat ng mga ibon sa himpapawid ay nagsialisan. Ako’y tumingin, at narito, ang mabungang lupain ay naging disyerto, at lahat ng mga lunsod ay nakatiwangwang na guho” (Jeremias 4:23-26). ADP 377.2
Dito titira si Satanas kasama ang kanyang masasamang anghel sa loob ng 1,000 taon. Dahil nilimitahan sa lupa, siya’y hindi makakapunta sa ibang mga daigdig, upang tuksuhin at abalahin yung mga hindi nagkasala. Sa ganitong paraan masasabing siya’y nakagapos: wala nang natira na mapaggagamitan niya ng kanyang kapangyarihan. Lubos siyang napatigil sa gawain ng pandaraya at pagwasak na napakaraming dantaon nang naging kaisa-isahan niyang kagalakan. ADP 377.3
Sa pagtunghay sa panahon ng pagbagsak ni Satanas, si propeta Isaias ay nagsabi, “Ano’t nahulog ka mula sa langit, O Tala sa Umaga [Lucifer], anak ng Umaga! Paanong ikaw ay lumagpak sa lupa, ikaw na siyang nagpabagsak sa mga bansa! Sinabi mo sa iyong puso, ‘Ako’y aakyat sa langit; sa itaas ng mga bituin ng Diyos aking itatatag ang aking trono.’ ” ” ‘Gagawin ko ang aking sarili na gaya ng Kataastaasan.’ Gayunma’y ibinaba ka sa Sheol, sa mga pinakamalalim na bahagi ng Hukay. Silang nakakakita sa iyo ay magsisititig sa iyo, at mag-iisip tungkol sa iyo: ‘Ito ba ang lalaki na nagpayanig ng lupa, na nagpauga ng mga kaharian; na ginawang gaya ng ilang ang sanlibutan, at gumiba ng mga bayan nito; na hindi nagpahintulot sa kanyang mga bilanggo upang magsiuwi?’ ” (Isaias 14:12-17). ADP 377.4
Sa loob ng 6,000 taon, ang gawain ng paghihimagsik ni Satanas ay “nagpayanig ng lupa.” Kanyang “ginawang gaya ng ilang ang sanlibutan,” at siya ang “gumiba ng mga bayan nito.” At “hindi nagpahintulot sa kanyang mga bilanggo upang magsiuwi?” Sa loob ng 6,000 taon, ay kinukulong niya sa kanyang bilangguan ang mga anak ng Diyos, at gusto niyang gawin silang bihag magpakailanman, subalit nilagot ni Cristo ang kanyang panggapos, at pinalaya ang mga bilanggo. ADP 377.5
Pati ang mga masasama ay inilayo na ngayon sa kapangyarihan ni Satanas; at dahil siya na lamang at ang kanyang masasamang anghel, siya’y nanatili upang mapagtanto ang epekto ng sumpang dala ng kasalanan. “Lahat ng mga hari ng mga bansa ay nahihiga sa kaluwalhatian, bawat isa’y sa kanyang sariling libingan. Ngunit ikaw ay itinapon papalayo sa iyong libingan na gaya ng kasuklam-suklam na sanga.... Ikaw ay hindi mapapasama sa kanila sa libingan, sapagkat sinira mo ang iyong lupain, pinatay mo ang iyong bayan” (Isaias 14:18-20). ADP 377.6
Sa loob ng 1,000 taon, si Satanas ay magpapagala-gala paroo’t parito sa gibagibang lupa, upang makita ang mga naging resulta ng paghihimagsik niya laban sa kautusan ng Diyos. Sa buong panahong ito ay napakatindi ng kanyang paghihirap. Simula nang siya’y bumagsak, siya’y hindi na nakakapagmuni-muni dahil sa buhay niyang walang-tigil sa paggawa; ngunit ngayong tinanggalan na siya ng kapangyarihan, at naiwan upang pagbulay-bulayan ang bahaging ginampanan niya simula nang una siyang maghimagsik sa pamahalaan ng langit, at upang tunghayang may panginginig at kilabot ang kakila-kilabot na hinaharap kung kailan niya pagdurusahan ang lahat ng kasamaang ginawa niya, at mapaparusahan dahil sa mga kasalanang ipinagawa niya. ADP 378.1
Ang pagkabihag ni Satanas ay magdudulot ng katuwaan at kagalakan sa bayan ng Diyos. Ang sabi ng propeta: “Kapag bibigyan ka na ng Panginoon ng kapahingahan mula sa iyong kahirapan, kabagabagan, at sa mabigat na paglilingkod na ipinapaglingkod mo, ay iyong dadalhin ang pagkutyang ito laban sa hari ng Babilonia [na dito’y kumakatawan kay Satanas]: ‘Huminto na ang pang-aapi!... Binali ng Panginoon ang tungkod ng masama, ang setro ng mga pinuno; na nagpahirap sa mga tao sa pamamagitan ng poot ng walang tigil na bugbog, na namuno sa mga bansa sa galit, na may walang tigil na pag-uusig” (talatang 3-6). ADP 378.2
Sa panahon ng 1,000 taong pagitan ng una at ikalawang pagkabuhay na muli, magaganap ang paghuhukom sa mga masasama. Ipinakita ni apostol Pablo na ang paghuhukom na ito ay isang pangya-yaring kasunod ng ikalawang pagdating. “Kaya’t huwag muna kayong humatol ng anuman nang wala pa sa panahon, hanggang sa dumating ang Panginoon. Siya ang magdadala sa liwanag sa mga bagay na sa ngayon ay nakatago sa kadiliman, at ibubunyag ang layunin ng mga puso” (1 Corinto 4:5). Sinasabi ni Daniel na nang dumating ang Matanda sa mga Araw, “ang paghatol ay ibinigay para sa mga banal ng Kataas-taasan” (Daniel 7:22). Nang panahong ito, ang mga matutuwid ay nanunungkulan bilang mga hari at mga pari sa Diyos. Sa Apocalipsis ay sinabi ni Juan: “Nakakita ako ng mga trono, at ang mga nakaupo sa mga iyon ay pinagkalooban ng kapangyarihang humatol.” “Sila’y magiging mga pari ng Diyos at ni Cristo, at maghaharing kasama Niya sa loob ng isang libong taon” (Apocalipsis 20:4, 6). Ito ang panahong inihula ni Pablo, “na ang mga banal ay hahatol sa sanlibutan” (1 Corinto 6:2). Kasama ni Cristo ay huhukuman nila ang mga masasama, na inihahambing ang kanilang mga gawa sa aklat ng kautusan, ang Biblia, at pinagpapasyahan ang bawat kaso ayon sa mga gawang ginawa sa katawan. Kung gayo’y igagawad na ang bahaging dapat pagdusahan ng mga masasama, ayon sa kanilang mga gawa; at ito’y nakasulat katapat ng kanilang mga pangalan sa aklat ng kamatayan. ADP 378.3
Pati si Satanas at ang masasamang anghel ay hahatulan ni Cristo at ng Kanyang bayan. Ang sabi ni Pablo, “Hindi ba ninyo nalalaman na ating hahatulan ang mga anghel?” (1 Corinto 6:3). At sinabi ni Judas na “ang mga anghel na hindi nag-ingat ng kanilang sariling katungkulan, kundi iniwan ang kanilang sariling tirahan, ay iginapos Niya sa mga tanikalang walang hanggan sa pinakamalalim na kadiliman hanggang sa paghuhukom sa dakilang araw” (Judas 6). ADP 378.4
Sa katapusan ng 1,000 taon ay magaganap ang ikalawang pagkabuhay na muli. At pagkatapos ay bubuhayin ang mga masasama, at haharap sa Diyos upang igawad ang “hatol na nasusulat.” Kaya nga’t pagkatapos na mailarawan ang pagkabuhay na muli ng mga matuwid, ay sinabi ni Juan, “Ang mga iba sa mga patay ay hindi nabuhay hanggang sa natapos ang isang libong taon” (Apocalipsis 20:5). At tungkol naman sa mga masasama ay sinabi ni Isaias, “Sila’y matitipong sama-sama, kagaya ng mga bilanggo sa hukay, sila’y sasarhan sa bilangguan, at pagkaraan ng maraming araw sila’y parurusahan” (Isaias 24:22). ADP 378.5