Sa katapusan ng 1,000 taon, si Cristo ay muling babalik sa lupa. Kasama Niya ang buong hukbo ng mga natubos, at aabayan ng mga anghel. Habang Siya’y bumababa sa kakila-kilabot na kamahalan ay inutusan Niyang bumangon ang mga patay na masasama upang tanggapin ang kanilang kahatulan. Sila’y nagsibangon, isang napakalaking hukbo, hindi mabilang gaya ng buhangin sa dagat. Ibang-iba talaga doon sa mga binuhay sa unang pagkabuhay na muli! Ang mga matutuwid ay dinamtan ng walanghanggang kabataan at kagandahan. Ang mga masasama naman ay nagtataglay pa rin ng mga bakas ng sakit at kamatayan. ADP 379.1
Ang bawat mata sa lubhang karamihang iyon ay bumaling upang masdan ang kaluwalhatian ng Anak ng Diyos. Sabay-sabay na sumigaw ang buong hukbo ng mga makasalanan, “Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon!” Hindi pagmamahal kay Jesus ang nag-udyok sa kanila na sabihin ito. Ang kapangyarihan ng katotohanan ang nagsulsol sa kanila na sabihin ang mga salitang ito na ayaw ng kanilang labi. Kung ano ang masasama nang sila’y ilibing, ay ganon pa rin sila nang sila’y magsibangon, ganon pa rin ang galit nila kay Cristo, at ganon pa rin ang espiritu ng paghihimagsik. Hindi na sila magkakaroon pa ng panibagong palugit, upang remedyuhan ang mga kasiraan ng nakaraan nilang pamumuhay. Wala nang mapapala pa rito. Ang buong buhay ng pagsalangsang ay hindi nakapagpalambot sa kanilang mga puso. Kung muli silang bibigyan ng ikalawang palugit na panahon, ito’y gagamitin lamang nila, gaya rin ng una, sa pag-iwas sa mga utos ng Diyos at sa pagpukaw ng paghihimagsik laban sa Kanya. ADP 379.2
Si Cristo ay bumaba sa Bundok ng Olibo, kung saan Siya umakyat sa langit pagkaraan ng Kanyang pagkabuhay na muli, at kung saan inulit ng mga anghel ang pangako tungkol sa Kanyang pagbabalik. Ang sabi ng propeta: “Ang Panginoon kong Diyos ay darating, kasama ang lahat ng mga banal.” “Sa araw na iyon ay tatayo ang Kanyang mga paa sa Bundok ng mga Olibo, na nasa tapat ng Jerusalem sa dakong silangan; at ang Bundok ng mga Olibo ay mahahati sa gitna niya...sa pamamagitan ng napakalawak na libis.” “Ang Panginoon ay magiging Hari sa buong lupa; sa araw na iyon ang Panginoon ay magiging isa, at ang Kanyang pangalan ay isa” (Zacarias 14:5,4,9). Habang ang Bagong Jerusalem, sa nakakasilaw na kaluwalhatian nito, ay bumababa mula sa langit, ito’y lumapag sa isang lugar na nilinis at inihanda talaga para sa kanya, at si Cristo, kasama ang Kanyang bayan at mga anghel ay pumasok sa banal na lunsod. ADP 379.3
Si Satanas naman ay naghanda ngayon para sa kahuli-hulihang malaking pagpupunyagi para sa paghahari. Noong tinanggalan ng kapangyarihan, at pinatigil sa kanyang gawain ng pandaraya, ang prin-sipe ng kasamaan ay nalungkot at walangsigla; subalit nang mabuhay ang mga makasalanan, at makita niyang napakaraming tao ang nasa kanyang panig, nabuhayan siya ng pag-asa, at ipinasya niyang huwag isuko ang malaking tunggalian. Ihahanay niya ang buong hukbo ng mga napahamak sa ilalim ng kanyang bandila, at sa pamamagitan nila’y sisikapin niyang maisagawa ang kanyang mga piano. Ang mga masasama ay mga bihag ni Satanas. Sa pagtakwil nila kay Cristo ay tinanggap nila ang pamumuno ng pinunong rebelde. Handa nilang tanggapin ang kanyang mga mungkahi at sundin ang kanyang ipinaguutos. Gayunman, palibhasa’y tapat pa rin sa dati niyang katusuhan, hindi niya ipinakilalang siya’y si Satanas. Sinabi niyang siya ang prinsipe na talagang may-ari ng sanlibutan, at ang kanyang pamana ay dimakatar ungang inagaw sa kanya. Ipinakilala niya sa mga nailigaw niyang sakop na siya’y manunubos, na tinitiyak sa kanila na ang kapangyarihan niya ang nagbangon sa kanila sa kanilang mga libingan at ililigtas na niya sila sa napakabagsik na kalupitan. Palibhasa’y inalis na ang presensya ni Cristo sa mga tao, si Satanas ay gumawa ng mga kababalaghan upang patunayan ang mga sinasabi niya. Pinalakas niya ang mga mahihina, at pinasigla ang lahat sa pamamagitan ng sarili niyang espiritu at lakas. Nagmungkahi siyang pangunahan sila laban sa kampamento ng mga banal, at kubkubin ang lunsod ng Diyos. Sa makademonyong katuwaan, bumaling siya sa di-mabilang na milyun-milyong binuhay mula sa mga patay, at sinabing bilang lider nila ay kayang-kaya niyang pabagsakin ang lunsod, at bawiin ang kanyang trono at ang kanyang kaharian. ADP 379.4
Naroon sa napakakapal na karamihang iyon ang napakaraming taong mula sa lahing napakahahaba ng buhay na nabuhay noong bago sumapit ang Baha; mga taong napakatatangkad at napakatatalino, na dahil sa pagpapasakop sa mga nagkasalang anghel, ay iniukol ang lahat nilang kakayahan at kaalaman sa pagtataas ng kanilang sarili; mga taong ang napakagagaling na gawa sa sining ay nag-udyok sa sanlibutan na sambahin ang kanilang likas na kakayahan, subalit ang kanilang kalupitan at masasa-mang imbensyon na nagparumi sa mundo at sumira sa larawan ng Diyos, ang siyang naging dahilan upang pawiin sila ng Diyos sa Kanyang sangkinapal. Naroon ang mga hari at heneral na sumakop ng mga bansa; matatapang na taong walang naipatalong laban, mayayabang at ambisyosong mandirigma na sa paglapit pa lang ay nanginginig na ang mga kaharian. Sa kamatayan ay walang nagbago sa kanila. Nang sila’y lumabas sa libingan, ay ipinagpatuloy nila ang takbo ng kanilang isipan kung saan ito tumigil. Inudyukan sila ng ganon ding paghahangad na manakop na siyang naghahari sa kanila noong sila’y mamatay. ADP 380.1
Si Satanas ay sumangguni sa kanyang mga anghel, at pagkatapos ay sa mga hari at mga mananakop at mga makapangyarihang taong ito. Tiningnan nila ang lakas at dami ng kanilang panig, at sinabing ang hukbong nasa loob ng lunsod ay kakaunti kumpara sa kanila, at ito’y kayang talunin. Inilatag nila ang kanilang mga piano sa pagkubkob sa kayamanan at kaluwalhatian ng Bagong Jerusalem. Ang lahat ay agad na naghanda para sa labanan. Ang magagaling na mga manggagawa ay gumawa ng mga gamit sa digmaan. Ang mga lider ng militar na kilalang-kilala sa kanilang tagumpay, ay isinaayos na nang pulu-pulutong at pangkat-pangkat ang napakaraming mapaghamong tao. ADP 380.2
Sa wakas ang utos na sumulong ay ibinigay na, at ang di-mabilang na hukbo ay kumilos—isang hukbo na kailanma’y hindi pa nabuo ng mga mananakop sa lupa, na hindi mapapantayan ng pinagsama-samang hukbo ng lahat ng panahon simula noong magkaroon ng digmaan sa ibabaw ng lupa. Si Satanas na pinakamakapangyarihan sa mga mandirigma, ang nangunguna sa mga kawal, at isinanib ng kanyang mga anghel ang kanilang puwersa para sa huling tunggaliang ito. Ang mga hari at ang mga mandirigma ay kasunod niya at sumusunod naman ang napakaraming taong kabilang sa napakalalaking pangkat, na bawat isa’y may nakatalagang pinuno. Taglay ang katumpakan ng militar, ang siksikang hanay ng mga hukbo ay sumulong sa bitak-bitak at baku-bakong ibabaw ng lupa patungo sa lunsod ng Diyos. Sa utos ni Jesus ay isinara ang mga pintuan ng Bagong Jerusalem, at pinaligiran ng mga hukbo ni Satanas ang lunsod, at naghanda na sa pagsalakay. ADP 380.3
Ngayo’y nakitang muli si Cristo ng Kanyang mga kaaway. Sa itaas ng lunsod, sa ibabaw ng isang makintab na gintong pundasyon, ay may isang trono, mataas at nakaangat. Sa tronong ito ay nakaupo ang Anak ng Diyos, at sa palibot Niya’y naroon ang mga sakop ng Kanyang kaharian. Walang salitang makapaghayag sa kapangyarihan at kadakilaan ni Cristo, walang panulat na makakapaglarawan. Ang kaluwalhatian ng Walang-Hanggang Ama ay bumabalot sa Kanyang Anak. Pinuno ng kaningningan ng Kanyang presensya ang lunsod ng Diyos, at umagos palabas sa mga pintuang-bayan, at binaha ang buong lupa ng liwanag nito. ADP 380.4
Ang pinakamalapit sa trono ay yung mga dati’y masisigasig sa gawain ni Satanas, ngunit gaya ng isang gatong na inagaw sa apoy, sila’y nagsisunod sa kanilang Tagapagligtas nang may malalim at masidhing katapatan. Ang kasunod naman ay yung mga pinakasanayang maigi ang karakter ng isang Kristiyano sa gitna ng kasinungalingan at kawalan ng katapatan sa Diyos, yung mga nagparangal sa kautusan ng Diyos bagaman ipinahayag ng buong Sangkakristiyanuhan na ito’y wala nang kabuluhan, at ang milyun-milyong mula sa lahat ng panahon, na naging martir dahil sa kanilang pananampalataya. At sa dako pa roon ay ang “napakaraming tao na di-mabilang ng sinuman, mula sa bawat bansa, sa lahat ng lipi, mga bayan at mga wika,...sa harapan ng trono at sa harapan ng Kordero, na nakasuot ng mapuputing damit, at may mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay” (Apocalipsis 7:9). Tapos na ang kanilang pakikipaglaban, sila’y nagtagumpay na. Tinakbo nila ang takbuhin at narating ang gantimpala. Ang sanga ng palma sa kanilang mga kamay ay simbolo ng kanilang pagtatagumpay, ang puting damit ay sagisag ng walang-dungis na katuwiran ni Cristo na ngayo’y kanila na. ADP 380.5
Ang mga natubos ay umawit ng pagpupuri na umalingawngaw at muling umalingawngaw sa buong kalangitan, “Ang pagliligtas ay sa aming Diyos na nakaupo sa trono, at sa Kordero” (talatang 10). Ang mga anghel at mga serafin ay nakisaliw sa awitin ng pagsamba. Nang makita ng mga tinubos ang kapangyarihan at pagiging labis na mapaminsala ni Satanas, lalo nilang nakita na walang ibang kapangyarihan kundi yung kay Cristo ang makakapagbigay sa kanila ng tagumpay. Sa buong maningning na karamihang iyon ay wala ni isa mang nagsabing sila’y naligtas dahil sa kanilang sarili, na para bagang sila’y nagtagumpay sa pamamagitan ng sarili nilang lakas at kabutihan. Walang sinabing anuman tungkol sa kanilang ginawa o pinagdaanan; kundi ang buod ng bawat kanta, ang tema ng bawat awit ng papuri ay, Ang pagliligtas ay sa aming Diyos, at sa Kordero. ADP 381.1
Sa harapan ng mga nagkakatipong tagalupa at tagalangit ay naganap ang pagkorona sa Anak ng Diyos. At ngayong nabigyan na ng pinakamataas na kadakilaan at kapangyarihan, binigkas na ng Hari ng mga hari ang sentensya sa mga naghimagsik sa Kanyang pamahalaan, at ipinatupad ang katarungan sa lahat ng sumalangsang sa Kanyang kautusan at nagpahirap sa Kanyang bayan. Ang sabi ng propeta ng Diyos: “Nakita ko ang isang malaking tronong puti at ang nakaupo roon; ang lupa at ang langit ay tumakas sa Kanyang harapan at walang natagpuang lugar para sa kanila. At nakita ko ang mga patay, mga dakila at mga hamak, na nakatayo sa harapan ng trono, at binuksan ang mga aklat. Binuksan din ang isa pang aklat, ang aklat ng buhay. At ang mga patay ay hinatulan ayon sa kanilang mga gawa, ayon sa nakatala sa mga aklat” (Apocalipsis 20:11, 12). ADP 381.2
Pagkabukas na pagkabukas sa mga aklat ng talaan, at pagkatitig ni Jesus sa mga masasama, alam nila ang lahat ng kasalanang ginawa nila. Nakita nila kung saan humiwalay ang kanilang mga paa sa landas ng kalinisan at kabanalan, at kung gaano kalayo silang tinangay ng pagmamataas at paghihimagsik sa paglabag sa kautusan ng Diyos. Ang mga kaakit-akit na tuksong itinaguyod nila dahil sa pagpapalayaw sa kasalanan, ang mga pagpapalang binaluktot, ang mga mensahero ng Diyos na kanilang hinamak, ang mga babalang hindi tinanggap, ang mga alon ng kaawaang itinaboy ng matigas at ayaw magsising puso—ang lahat ay napakalinaw na para bang nakasulat sa mga titik na apoy. ADP 381.3
Sa ibabaw ng trono ay nahayag ang krus; at gaya ng isang panoorin ay makikita ang mga tagpo ng pagtukso at pagkakasala ni Adan, at ang sunud-sunod na hakbang sa dakilang panukala ng pagtubos. Ang hamak na kapanganakan ng Tagapagligtas; ang Kanyang buhay ng kamusmusa’t pagkamasunurin, ang pagbinyag sa Kanya sa Jordan; ang pag-aayuno’t pagkatukso sa ilang; ang paglilingkod Niya sa madia, na isinisiwalat sa mga tao ang pinakamahahalagang pagpapala ng langit; ang mga araw na punung-puno ng mga gawain ng pag-ibig at kahabagan, ang mga gabi ng pananalangin at pagpupuyat sa katahimikan ng kabundukan; ang pagsasabwatan ng inggit, galit, at kasamaang iginanti sa Kanyang mga kabutihan; ang kakilakilabot at mahiwagang paghihirap sa Getsemani, sa ilalim ng nakakadurog na bigat ng mga kasalanan ng buong sanlibutan; ang pagkakanulo sa Kanya sa mga kamay ng mga taong handang pumatay; ang nakakatakot na mga pangyayari nang gabing iyon ng lagim—ang di-lumalabang bihag, na nilayasan ng mga pinakamamahal Niyang alagad, walang-galang na dinala nang apurahan padaan sa mga lansangan ng Jerusalem; ang Anak ng Diyos ay may pagbubunyi nilang iniharap kay Anas, pinaratangan sa palasyo ng punong pari, sa hukuman ni Pilato, sa harapan ng duwag at malupit na si Herodes, hinamak, ininsulto, pinahirapan, at hinatulang mamatay—lahat ng ito’y malinaw na inilarawan. ADP 381.4
At ngayon, sa harap ng napakaraming tao ay inihayag ang mga huling tagpo—ang matiising Taong Nagdurusa na tinatahak ang landas patungo sa Kalbaryo; ang Prinsipe ng langit na nakabayubay doon sa krus; ang mga mapanghamak na pari at ang nagkakagulong mga tao na nililibak ang hirap ng Kanyang paghihingalo; ang di-karaniwang kadiliman; ang taas-babang lupa, ang mga gumuguhong bato, ang mga nabuksang libingan, na siyang tanda ng sandaling nalagutan ng hininga ang Manunubos ng sanlibutan. ADP 382.1
Ang kakila-kilabot na palabas ay ipinakita ayon sa kung anong nangyari. Si Satanas, ang kanyang mga anghel, at ang kanyang mga sakop ay walang lakas na umiwas sa mismong larawang sila ang maygawa. Naalala ng bawat gumanap ang bahaging ginampanan niya. Si Herodes, na nagpapatay sa mga inosenteng bata sa Bethlehem mapatay lamang ang Hari ng Israel; ang napakasamang si Herodias, na may-sala sa dugo ni Juan Bautista; ang walang-tapang at mahilig magpalakas na si Pilato; ang mga nanlilibak na sundalo, ang mga pari’t pinuno at ang galit na galit na karamihan na sumigaw, “Pananagutan namin at ng aming mga anak ang Kanyang dugo!”—ay pawang nakakita sa kakila-kilabot na kasamaan ng kanilang kasalanan. Walang-kabuluhan nilang sinikap na magtago sa banal na kamaharlikaan ng Kanyang mukha, na higit pa sa kaluwalhatian ng araw, samantalang inilalapag naman ng mga tinubos ang kanilang korona sa paanan ng Tagapagligtas, na sinasabi, “Siya’y namatay dahil sa akin!” ADP 382.2
Sa kalagitnaan ng napakaraming taong tinubos ay naroon ang mga apostol ni Cristo, ang magiting na si Pablo, ang masigasig na si Pedro, ang minamahal at mapagmahal na si Juan, at ang mga tapat nilang kasamahan, at kasama nila ay ang napakaraming mga martir; samantalang sa labas ng mga pader, kasama ng lahat ng napakasama at kasuklam-suklam na bagay, ay naroon yung mga nang-usig, nagbilanggo, at pumatay sa kanila. Naroon si Nero, ang halimaw na iyon sa kalupitan at bisyo, minamasdan ang kagalakan at pagkakataas nung mga pinahirapan niya noon, na ang pinakamatinding hirap ay kinasumpungan niya ng makademonyong kaligayahan. Ang kanyang ina ay naroon din upang saksihan ang resulta ng sarili niyang gawa; upang makita kung paanong ang masamang tatak ng karakter na isinalin niya sa kanyang anak, ang mga hilig na isinulsol at hinubog ng kanyang impluwen-sya at halimbawa, ay nagbunga ng mga krimen na nagpangatal sa sanlibutan. ADP 382.3
Naroon ang mga makapapang pari at matataas na alagad ng simbahan, na nagsabing mga kinatawan ni Cristo, subalit gumamit ng pagpapahirap, bilangguan, at sunugan, upang kontrolin ang budhi ng bayan ng Diyos. Naroon ang mga mapagmalaking papa na itinaas ang kanilang sarili nang higit sa Diyos, at nangahas na baguhin ang kautusan ng Kataas-taasan. Yung mga nagkunwaring ama ng iglesya ay may pananagutang ipagsusulit sa Diyos, na dito’y mas gugustuhin nilang magdahilan. Huli na nang makita nila na ang Isang Nakakaalam ng lahat ay naninibugho ukol sa Kanyang kautusan, at sa anumang paraan ay hindi Niya aariing walang-sala ang may-sala. Ngayon nila nalaman na ibinibilang pala ni Cristo ang Kanyang sarili sa nagdurusa Niyang bayan; at nadama nila ang bigat ng sarili Niyang salita: “Yamang ginawa ninyo ito sa isa sa pinakamaliit sa mga kapatid Kong ito, ay sa Akin ninyo ginawa” (Mateo 25:40). ADP 382.4
Ang buong daigdig ng kasamaan ay nasakdal sa hukuman ng Diyos, sa paratang na malubhang pagtataksil sa pamahalaan ng langit. Walang magtatanggol sa kanilang kaso; wala silang maidahilan; at ang hatol na walang-hanggang kamatayan ay iginawad sa kanila. ADP 382.5
Ngayo’y malinaw na sa lahat na ang kabayaran ng kasalanan ay hindi marangal na kalayaan at walang-hanggang buhay, kundi pagkaalipin, kapahamakan, at kamatayan. Nakita ng mga makasalanan kung ano ang nawala sa kanila dahil sa kanilang buhay ng paghihimagsik. Ang lalong higit at walang-hanggang bigat ng kaluwalhatian ay hinamak nila nang ialok sa kanila; ngunit ngayon ito’y lubhang kahangad-hangad. “Ang lahat ng ito,” sigaw ng napahamak na kaluluwa, “ay napasaakin sana; subalit pinili kong ilayo sa akin ang mga bagay na ito. 0, kakaibang pagkahumaling! Ipinagpalit ko ang kapayapaan, kaligayahan, at karangalan sa pagkaaba, kasamaan, at kawalang pag-asa.” Nakita ng lahat na ang di-pagsasama sa kanila sa langit ay makatarungan. Sa paraan ng kanilang pamumuhay ay sinabi nila, “Ayaw naming pagharian kami ng Jesus na ito.” ADP 382.6
Gaya ng nagayuma, minasdan ng mga masasama ang pagkorona sa Anak ng Diyos. Nakita nila sa Kanyang mga kamay ang mga tapyas ng bato ng banal na kautusan, ang mga alituntuning hinamak at nilabag nila. Nasaksihan nila ang silakbo ng paghanga, labis na kagalakan, at pagsamba mula sa mga naligtas; at habang ang alon ng himig ay humahaplos sa napakaraming taong nasa labas ng lunsod, ang lahat ay sabay-sabay na sumigaw: “Dakila at kamangha-mangha ang Iyong mga gawa, O Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat! Matuwid at tunay ang Iyong mga daan, ikaw na Hari ng mga bansa” (Apocalipsis 15:3); at sila’y nagpatirapa upang sambahin ang Prinsipe ng buhay. ADP 383.1
Parang naparalisa si Satanas habang minamasdan niya ang kaluwalhatian at kadakilaan ni Cristo. Naalala ng dati’y isang kerubing tumatakip na ito kung saan siya bumagsak. Isang maningning na serafin, “anak ng umaga;” kaylaking pagbabago, kaylaking pagsama! Sa konsilyong kung saan siya noo’y pinararangalan, siya’y tinanggal magpakailanman. Nakita niya ngayon na iba na ang nakatayong malapit sa Ama, na tumatakip sa Kanyang kaluwalhatian. Nakita niyang ang korona ay ipinatong sa ulo ni Cristo ng isang anghel na napakataas ng karangalan at makahari ang presensya, at alam niyang ang napakataas na katungkulan ng anghel na ito ay dating kanya. ADP 383.2
Naalala niya ang kanyang tahanan noong siya’y dalisay at wala pang kasalanan, ang kapayapaan at kasiyahan na nasa kanya hanggang sa paunlakan niya ang pagrereklamo laban sa Diyos, at ang inggit kay Cristo. Ang kanyang mga paratang, ang kanyang paghihimagsik, ang kanyang mga pandaraya upang makuha ang pakikiramay at suporta ng mga anghel, ang matigas niyang pagpupumilit na huwag gumawa ng pagsisikap upang manumbalik nang siya sana’y patatawarin ng Diyos—lahat ng ito’y malinaw niyang naalala. Ginunita niya ang mga ginawa niya sa mga tao at ang mga ibinunga nito—ang galit ng tao sa kanyang kapwa-tao, ang kahila-hilakbot na paglipol ng buhay, ang pagbangon at pagbagsak ng mga kaharian, ang pagpapabagsak sa mga pinuno, ang matagal na pagsunud-sunod ng mga kaguluhan, paglalaban-laban, at pag-aalsa. Naalala niya ang walangtigil niyang pagsisikap na salungatin ang gawain ni Cristo at ilubog ang tao pababa nang pababa. Nakita niya na ang kanyang mga makademonyong pakana ay walang kapangyarihan upang lipulin yung mga nagtiwala kay Jesus. Habang minamasdan ni Satanas ang kanyang kaharian, ang bunga ng kanyang pagpapakapagod, ang nakita lamang niya ay kabiguan at kapahamakan. Pinaniwala niya ang napakaraming taong iyon na ang lunsod ng Diyos ay napakadaling kubkubin; ngunit alam niyang ito’y hindi totoo. Sa pagsulong ng dakilang tunggalian ay paulit-ulit siyang natalo at napilitang sumuko. Alam na alam niya ang kapangyarihan at kadakilaan ng Walang-Hanggan. ADP 383.3
Ang laging hangarin ng dakilang rebelde ay ang ariing matuwid ang sarili, at patunayang ang pamahalaan ng Diyos ang responsable sa paghihimagsik. Sa layuning ito niya ibinuhos ang mga kakayahan ng kanyang napakatinding katalinuhan. Siya’y gumawa nang dahan-dahan at sistematiko, at nang may kamangha-manghang tagumpay, inaakay ang napakaraming tao na tanggapin ang sarili niyang kuwento tungkol sa malaking tunggalian na napakatagal nang nagpapatuloy. Libu-libong taon nang inilalagay ng pinunong ito ng sabwatan ang kasinungalingan kapalit ng katotohanan. Subalit dumating na ngayon ang panahon na ang paghihimagsik ay tuluyan nang lulupigin, kaya’t ang kasaysayan at ang karakter ni Satanas ay inihayag. Sa panghuli niyang matinding pagsisikap na patalsikin si Cristo sa trono, lipulin ang Kanyang bayan, at kubkubin ang lunsod ng Diyos, ang punong-mandaraya ay lubusang nalantad. Nakita nung mga nakiisa sa kanya ang lubos na kabiguan ng kanyang ipinaglalaban. Nakita ng mga alagad ni Cristo at ng mga tapat na anghel ang buong lawak ng kanyang lihim na balak laban sa pamahalaan ng Diyos. Siya’y kinasuklaman ng lahat. ADP 383.4
Nakita ni Satanas na ang kusa niyang paghihimagsik ay siyang ikinawala ng karapatan niya sa langit. Sinanay niya ang kanyang kapangyarihan na makipaglaban sa Diyos; ang kalinisan, kapayapaan, at kaayusan ng langit ay magiging sukdulang pahirap sa kanya. Ang mga paratang niya laban sa kahabagan at katarungan ng Diyos ay natahimik ngayon. Ang kasiraang pinagsikapan niyang ibato kay Jehova ay nakapatong lahat sa kanyang sarili. At ngayon, si Satanas ay yumukod, at ipinahayag ang katarungan ng sentensya sa kanya. ADP 384.1
“Sinong hindi matatakot at luluwalhati sa Iyong pangalan, O Panginoon, sapagkat Ikaw lamang ang banal. Ang lahat ng mga bansa ay darating at sasamba sa harapan Mo; sapagkat ang Iyong mga matuwid na gawa ay nahayag” (Apocalipsis 15:4). Ang bawat katanungan ukol sa katotohanan at kamalian sa matagal nang tunggalian ay naging malinaw na ngayon. Ang mga resulta ng paghihimagsik, ang mga resulta ng pagsasaisantabi sa mga banal na kautusan, ay ibinunyag sa paningin ng lahat ng nilalang. Ang mga ginawa ng pamumuno ni Satanas taliwas sa pamamahala ng Diyos, ay naipakita sa buong sansinukob. Si Satanas ay hinatulan ng sarili niyang mga kagagawan. Ang karunungan ng Diyos, ang Kanyang katarungan, at ang Kanyang kabutihan ay lubos na nabigyang-katwiran. Nakita na ang lahat Niyang pakikitungo sa malaking tunggalian ay isinagawa kaugnay sa walanghanggang kapakanan ng Kanyang bayan, at sa kabutihan ng lahat ng mga daigdig na nilalang Niya. “Lahat Mong mga gawa, O Panginoon, ay magpapasalamat sa Iyo, at pupurihin Ka ng lahat ng mga banal Mo!” (Awit 145:10). Ang kasaysayan ng kasalanan ay mananatiling isang saksi sa buong walang-hanggan, na ang kaligayahan ng lahat ng nilalang na Kanyang nilikha ay nakatali sa pag-iral ng kautusan ng Diyos. Nang makita ang buong katotohanan tungkol sa dakilang tunggalian, ang buong sansinukob, kapwa tapat at rebelde, ay may lubos na pagkakaisang nagsabi: “Matuwid at tunay ang Iyong mga daan, Ikaw na Hari ng mga bansa” (Apocalipsis 15:3). ADP 384.2
Sa harap ng sansinukob ay naipakita nang malinaw ang napakalaking sakripisyo na ginawa ng Ama at ng Anak para sa kapakanan ng tao. Ang oras ay dumating na upang punan ni Cristo ang karapat-dapat Niyang kalagayan, at luwalhatiin nang higit na mataas kaysa mga pamunuan at kapamahalaan at sa bawat pangalan na pinangalanan. Iyon ay dahil sa kagalakang inilagay sa Kanyang harapan kung bakit Niya tiniis ang krus at hindi inalintana ang kahihiyan—upang Siya’y makapagdala ng maraming anak sa kaluwalhatian. At bagaman hindi malirip ang laki ng kalungkutan at kahihiyan, gayunma’y mas malaki pa rin ang kagalakan at ang kaluwalhatian. Minasdan Niya ang mga natubos, na nabago sa Kanyang sariling larawan, at bawat puso’y nagtataglay ng sakdal na tatak ng kabanalan, bawat mukha’y nagpapakita sa wangis ng kanilang Hari. Nakita Niya sa kanila ang bunga ng paghihirap ng Kanyang kaluluwa, at Siya’y nasiyahan. At pagkatapos, sa isang tinig na narinig ng nagtipun-tipong karamihan ng mga matuwid at masasama, ay sinabi Niya, “Tingnan ninyo ang mga binili ng Aking dugo! Ako’y naghirap dahil sa kanila, Ako’y namatay dahil sa kanila, upang sila’y manirahang kasama Ko sa buong walanghanggan.” At pumailanglang ang awit ng pagpupuri mula sa mga nakadamit ng puti na nasa palibot ng trono, “Ang Kordero na pinaslang ay karapat-dapat tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan, karangalan, kaluwalhatian, at kapurihan” (Apocalipsis 5:12). ADP 384.3
Bagaman si Satanas ay napilitang kilalanin ang katarungan ng Diyos, at yumuko sa kataas-taasang kapangyarihan ni Cristo, ang kanyang likas ay hindi pa rin nagbago. Ang espiritu ng paghihimagsik ay muling sumilakbo gaya ng isang napakalakas na agos. Nang malipos ng bugso ng galit ay ipinasya niyang huwag isuko ang malaking tunggalian. Ang panahon ay dumating na para sa huling desperadong pakikipagpunyagi laban sa Hari ng langit. Madali siyang nagpunta sa kalagitnaan ng kanyang mga sakop, at sinikap na pukawin sila sa pamamagitan ng sarili niyang matinding galit, at pakilusin sila sa dagliang pakikipaglaban. Ngunit sa buong di-mabilang na milyunmilyong natukso niya sa paghihimagsik, ay wala ni isa man ngayong kumilala sa kanyang paghahari. Katapusan na ng kanyang kapangyarihan. Ang mga makasalanan ay napuno ng ganon ding pagkamuhi sa Diyos na nagpapasigla kay Satanas; ngunit nakita nilang ang kanilang kalagayan ay wala nang pag-asa, na hindi sila mananaig laban kay Jehova. Ang kanilang galit ay nagsiklab laban kay Satanas, at sa mga naging ahensya ng kanyang pandaraya, at taglay ang matinding galit ng demonyo ay binalingan nila sila. ADP 384.4
Ang sabi ng Panginoon: “Sapagkat ginawa mo ang iyong puso na parang puso ng Diyos, kaya’t Ako’y magdadala ng mga dayuhan sa iyo, ang kakila-kilabot sa mga bansa; at kanilang bubunutin ang kanilang mga tabak laban sa kagandahan ng iyong karunungan, at kanilang durungisan ang iyong kaningningan. Kanilang ibababa ka sa hukay.” “Winasak kita, O tumatakip na kerubin mula sa gitna ng mga batong apoy.... Inihagis kita sa lupa; Aking inilantad ka sa harapan ng mga hari, upang pagsawaan ka ng kanilang mga mata.... Ginawa kitang abo sa ibabaw ng lupa sa paningin ng lahat ng nakakita sa iyo.... Ikaw ay dumating sa isang kakila-kilabot na wakas, at ikaw ay hindi na mabubuhay pa” (Ezekiel 28:6-8, 16-19). ADP 385.1
“Lahat ng sandalyas ng naglalakad na mandirigma, at ang mga kasuotang tigmak ng dugo ay susunugin bilang panggatong para sa apoy.” “Sapagkat ang Panginoon ay galit laban sa lahat ng bansa, at napopoot laban sa lahat nilang hukbo, Kanyang inilaan na sila, Kanyang ibinigay sila upang patayin” (Isaias 9:5; 34:2). “Sa masama ay magpapaulan Siya ng mga baga ng apoy; apoy at asupre at hanging nakakapaso ang magiging bahagi ng kanilang saro” (Awit 11:6). Ang apoy ay bumaba mula sa Diyos sa langit. Ang lupa ay nagbitak-bitak. Ang mga sandatang nakatago sa kailaliman nito ay lumabas. Ang tumutupok na apoy ay biglang lumabas sa bawat nakabukang bitak sa lupa. Ang malalaking bato mismo ay nagliliyab. Dumating na ang araw na gaya ng nagniningas na pugon. Ang mga elemento ay natunaw dahil sa matinding init, at pati ang lupa, at ang gawang naroon ay nasunog. (Malakias 4:1; 2 Pedro 3:10). Ang ibabaw ng lupa ay parang isang nalulusaw na kimpal—isang malawak at kumukulong lawa ng apoy. Iyon ay oras ng kahatulan at kapahamakan ng mga makasalanang tao—“araw ng paghihiganti... [ng] Panginoon, at ang taon ng pagganti para sa kapakanan ng Zion” (Isaias 34:8). ADP 385.2
Tinanggap ng mga makasalanan ang kagantihan nila sa lupa (Kawikaan 11:31). Sila’y “magiging parang ipa, at ang araw na dumarating ang susunog sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo” (Malakias 4:1). May mga namatay sa ilang saglit lang, samantalang ang iba nama’y nagdusa ng maraming araw. Ang lahat ay pinarusahan “ayon sa kanilang mga gawa” (Isaias 59:18). Dahil nailipat na kay Sata-nas ang mga kasalanan ng mga matuwid, siya’y pinarusahan hindi lamang dahil sa sarili niyang paghihimagsik, kundi dahil sa lahat ng kasalanang ipinagawa niya sa bayan ng Diyos. Ang kaparusahan niya ay mas higit na matindi kaysa sa mga dinaya niya. Nang namatay na ang lahat ng nagkasala dahil sa pandaraya niya, siya’y buhay pa rin at patuloy na nagdurusa. Dahil sa naglilinis na apoy, ang masasama ay nalipol na rin sa wakas, ugat at sanga—si Satanas ang ugat, ang mga tagasunod niya ang sanga. Ang buong kaparusahan ng kautusan ay naigawad; ang mga hinihingi ng katarungan ay natugunan; at ang langit at lupa, pagkakita nito, ay nagpahayag ng katuwiran ni Jehova. ADP 385.3
Ang gawain ng pagwasak ni Satanas ay winakasan na magpakailanman. Sa loob ng 6,000 taon ay isinagawa niya ang kanyang kagustuhan, pinuno ng kasawian ang lupa, at nagdulot ng kalungkutan sa buong sansinukob. Ang buong kinapal ay dumaing at naghirap dahil sa pagdaramdam. Ngayo’y ligtas na magpakailanman ang mga nilalang ng Diyos sa presensya at mga panunukso niya. “Ang buong lupa ay tiwasay at tahimik; sila [ang mga matuwid] ay biglang nagsiawit” (Isaias 14:7). At ang sigaw ng pagpupuri at pagtatagumpay ay pumailanglang mula sa buong tapat na sandaigdigan. Ang “tinig ng napakaraming tao, gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng dagundong ng malalakas na kulog,” ay narinig na nagsasabi, “Aleluia! Sapagkat naghahari ang Panginoon nating Diyos na Makapangyarihan sa lahat” (Apocalipsis 19:6). ADP 385.4
Samantalang ang lupa ay nababalot ng apoy ng pagwasak, ang mga matuwid nama’y panatag na nanatili sa loob ng banal na lunsod. Doon sa mga nakasama sa unang pagkabuhay na muli, ang ika-lawang kamatayan ay walang kapangyarihan. Samantalang ang Diyos ay isang tumutupok na apoy sa mga masasama, Siya nama’y kapwa araw at kalasag sa Kanyang bayan (Apocalipsis 20:6; Awit 84:11). ADP 386.1
“Nakita ko ang isang bagong langit at ang isang bagong lupa; sapagkat ang unang langit at ang unang lupa ay lumipas na” (Apocalipsis 21:1). Ang lupa ay nilinis ng apoy na tumupok sa mga masasama. Ang bawat bakas ng sumpa ay napalis na. Walang impiyernong nagliliyab magpakailanman na magpapaalala sa mga tinubos kung ano ang mga kakila-kilabot na kinahinatnan ng kasalanan. ADP 386.2
Isang tagapagpaalala lamang ang matitira: Tataglayin magpakailanman ng ating Manunubos ang mga bakas ng pagkapako Niya sa krus. Sa nasugatan Niyang ulo, sa Kanyang tagiliran, sa Kanyang mga kamay at paa, ay naroon ang mga tanging bakas ng kalupitang ginawa ng kasalanan. Ang sabi ng propeta, nang makita si Cristo sa Kanyang kaluwalhatian, “May mga sinag na nagliliwanag mula sa Kanyang [tagiliran]; at doo’y ikinubli Niya ang Kanyang kapangyarihan” (Habakuk 3:4). Sa tinusok na tagilirang iyon kung saan dumanak ang mapulang agos na ipinakipagkasundo ang tao sa Diyos—ay naroon ang kaluwalhatian ng Tagapaglig-tas, doon “ikinubli...ang Kanyang kapangyarihan.” Palibhasa’y “makapangyarihang magligtas” sa pamamagitan ng sakripisyo ng pagtubos, Siya kung gayo’y makapangyarihang magpatupad ng katarungan sa mga humamak sa kahabagan ng Diyos. At ang mga tanda ng Kanyang pagpapakababa ay siyang pinakamataas Niyang karangalan; sa buong walang-hanggan ay isasaysay ng mga sugat ng Kalbaryo ang Kanyang kapurihan, at ipapahayag ang Kanyang kapangyarihan. ADP 386.3
“O Tore ng kawan, na burol ng anak na babae ng Zion, ito sa Iyo’y darating, ang dating kapangyarihan [o teritoryo] ay darating” (Mikas 4:8). Dumating na ang panahong may pananabik na hinintay ng mga taong banal simula noong harangan ng nagniningas na tabak ang unang mag-asawa sa Eden—ang panahon para “sa ikatutubos ng pag-aari” (Efeso 1:14). Ang lupang dati’y ibinigay sa tao bilang kaharian niya, na ipinahamak niya sa mga kamay ni Satanas, at napakatagal na pinagharian ng makapangyarihang kaaway, ay ibinalik ng dakilang panukala ng pagtubos. Lahat ng nawala dahil sa kasalanan ay naisauli. “Ganito ang sabi ng Panginoon... na nag-anyo ng lupa at gumawa niyon, na Kanyang itinatag: hindi Niya ito nilikha na sira, ito ay Kanyang inanyuan upang tirhan!” (Isaias 45:18). Ang orihinal na panukala ng Diyos sa paglikha sa lupa ay natupad yamang ito’y gagawing tahanan ng mga natubos magpasawalang-hanggan. “Mamanahin ng matuwid ang lupain, at maninirahan doon magpakailanman” (Awit 37:29). ADP 386.4
Ang takot na gawing parang masyadong materyal ang hinaharap na pamana ang siyang nagtulak sa marami upang bigyan ng espirituwal na pakahulugan ang mga katotohanang nag-aakay sa atin na ituring itong tahanan natin. Tiniyak ni Cristo sa Kanyang mga alagad na Siya’y aalis upang ipaghanda sila ng tahanan sa bahay ng Ama. Yung mga tumatanggap sa mga turo ng Salita ng Diyos ay hindi magiging lubos na walang-alam tungkol sa makalangit na tahanan. Ngunit, “hindi nakita ng mata, at hindi narinig ng tainga, at hindi pumasok sa puso ng tao,...ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa kanila na nagmamahal sa Kanya” (1 Corinto 2:9). Hindi sapat ang salita ng tao upang ilarawan ang gantimpala sa mga matuwid. Iyon ay malalaman lamang nung mga nakakita dito. Walang mayhangganang isipan ang makakaunawa sa kaluwalhatian ng Paraiso ng Diyos. ADP 386.5
Sa Biblia, ang pamana sa mga naligtas ay tinatawag na bayan (Hebreo 11:14-16). Doo’y aakayin ng Pastol ng langit ang Kanyang kawan sa mga bukal ng tubig na buhay. Ang puno ng buhay ay namumunga bawat buwan, at ang mga dahon nito’y sa pakinabang ng mga bansa. Naroon ang mga batis na walang-tigil ang pag-agos, kasinglinaw ng kristal, at sa tabi ng mga ito ay nilililiman ng mga umuugoy na puno ang mga daanang inihanda para sa mga tinubos ng Panginoon. Doon, ang napakaluluwang na kapatagan ay may napakagagandang mga burol sa dulo, at makikita ang matatayog na tuktok ng mga bundok ng Diyos. Sa mapayapang kapatagang iyon, sa tabi ng mga buhay na bukal ng tubig ay makakasumpong rig tahanan ang bayan ng Diyos, na napakatagal nang mga manlalakbay at lagalag. ADP 386.6
“Ang bayan Ko ay maninirahan sa payapang tahanan, at sa mga ligtas na tirahan, at sa mga tiwasay na dakong pahingahan.” “Hindi na maririnig sa iyong lupain ang Karahasan, ni ang pagkawasak o pagkagiba sa loob ng iyong mga hangganan; ang iyong mga pader ay tatawagin mong Kaligtasan, at Papuri ang iyong mga pintuan.” “Sila’y magtatayo ng mga bahay at kanilang titirahan ang mga iyon; at sila’y magtatanim ng ubasan at kakain ng bunga niyon. Sila’y hindi magtatayo at iba ang titira, sila’y hindi magtatanim, at iba ang kakain.... Matagal na tatamasahin ng Aking pinili ang gawa ng kanilang mga kamay” (Isaias 32:18; 60:18; 65:21, 22). ADP 387.1
Doon, “ang ilang at ang tuyong lupa ay magagalak, at ang disyerto ay magagalak at mamumulaklak gaya ng rosas.” “Sa halip na tinik, puno ng sipres ang tutubo; sa halip na dawag, tutubo ang punong mirtol.” “Ang asong-gubat ay maninirahang kasama ng kordero, at mahihigang kasiping ng batang kambing ang leopardo... at papatnubayan sila ng munting bata.” “Hindi sila mananakit o maninira man sa Aking buong banal na bundok,” sabi ng Panginoon (Isaias 35:1; 55:13; 11:6, 9). ADP 387.2
Ang kirot ay hindi na lilitaw pa sa kapaligiran ng langit. Wala nang pagluha, wala nang paglilibing, wala nang mga sagisag ng pagluluksa. “Hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na rin magkakaroon pa ng pagdadalamhati, o ng pagtangis man... sapagkat ang mga unang bagay ay lumipas na.” “Walang mamamayan na magsasabi, ‘Ako’y may karamdaman’; ang bayang tumatahan doon ay patatawarin sa kanilang kasalanan” (Apocalipsis 21:4; Isaias 33:24). ADP 387.3
Naroon ang Bagong Jerusalem, ang punong-lunsod ng niluwalhating bagong lupa, “ang korona ng kagandahan sa kamay ng Panginoon, at koronang hari sa kamay ng iyong Diyos.” “Ang kanyang ningning ay katulad ng isang totoong mahalagang bato, na gaya ng batong jaspe, na malinaw na gaya ng kristal.” “Ang mga bansa ay lalakad sa pamamagitan ng liwanag nito; at ang mga hari sa lupa ay magdadala ng kanilang karangalan sa kanya.” Ang sabi ng Panginoon, “Ako’y magagalak sa Jerusalem, at maliligayahan sa Aking bayan.” “Masdan ninyo, ang tabernakulo ng Diyos ay nasa mga tao. Siya’y maninirahang kasama nila, at sila’y magiging bayan Niya. Ang Diyos mismo ay makakasama nila, at Siya’y magiging Diyos nila” (Isaias 62:3; Apocalipsis 21:11, 24; Isaias 65:19; Apocalipsis 21:3). ADP 387.4
Sa Lunsod ng Diyos ay “hindi na magkakaroon pa ng gabi.” Wala nang mangangailangan o maghahangad pang matulog. Wala nang pagkapagod sa paggawa ng kalooban ng Diyos at sa pag-aalay ng papuri sa Kanyang pangalan. Lagi nating mararanasan ang kasiglahan ng umaga, at malayong ito’y magwawakas pa. “At sila'y hindi nangangailangan ng liwanag ng ilawan, ni ng liwanag man ng araw, sapagkat ang Panginoong Diyos ang magbibigayliwanag sa kanila” (Apocalipsis 22:5). Ang liwanag ng araw ay mapapalitan ng liwanag na hindi naman nakakasilaw, ngunit labis na nakahihigit ang liwanag kaysa sa ating katanghaliang tapat. Ang kaluwalhatian ng Diyos at ng Kordero ang siyang lumilipos ng walang-kupas na liwanag sa Banal na Lunsod. Ang mga tinubos ay lalakad sa kaluwalhatian ng walang-hanggang panahon na walang araw. ADP 387.5
“At hindi ako nakakita ng templo roon; sapagkat ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero ang siyang templo roon” (Apocalipsis 21:22). Ang bayan ng Diyos ay may tanging-karapatang makipag-usap nang malaya sa Ama at sa Anak. “Ngayo’y malabo nating nakikita sa isang salamin” (1 Corinto 13:12). Nakikita natin ang larawan ng Diyos na naaaninag sa ginawa Niyang kalikasan at sa pakikitungo Niya sa mga tao, gaya ng sa isang salamin; subalit sa panahong iyon ay makikita natin Siya nang mukhaan, na walang nakapagitang tabing na nagpapalabo. Tayo’y tatayo sa Kanyang harapan, at makikita ang kaluwalhatian ng Kanyang mukha. ADP 387.6
Doo’y makakakilala na ang mga tinubos kagaya ng pagkakilala ng Langit sa kanila. Ang pag-ibig at kahabagang itinanim ng Diyos mismo sa kaluluwa ay makakasumpong doon ng pinakatunay at pinakamatamis na pagsasakatuparan. Ang dalisay na pakikipag-ugnayan sa mga banal na nilalang, ang maayos na pakikipagkapwa sa mapapalad na mga anghel at sa mga mananampalataya ng lahat ng panahon, na naghugas ng kanilang mga damit at pinaputi ito sa dugo ng Kordero, ang banal na samahang iyon na nagbibigkis sa “bawat sambahayan sa langit at sa lupa” (Efeso 3:15)—ang lahat ng ito’y tutulong na buuin ang kaligayahan ng mga tinubos. ADP 387.7
Sa walang-maliw na katuwaa’y pagbubulayan doon ng imortal na isipan ang mga kababalaghan ng lumilikhang kapangyarihan, ang mga hiwaga ng tumutubos na pag-ibig. Hindi na magkakaroon pa ng malupit at mapandayang kaaway para manuksong kalimutan ang Diyos. Bawat bahagi ng isipan ay susulong, ang bawat kakayahan ay madaragdagan. Ang pagtamo ng kaalaman ay hindi ikapapagod ng isip o ikauubos man ng lakas. Doon, ang pinakamalalaking proyekto ay maisasagawa, ang pinakamatatayog na pangarap ay maaabot, ang pinakamatataas na ambisyon ay matutupad; subalit meron pa ring mga bagong tugatog na aakyatin, mga bagong kababalaghang kamamanghaan, mga bagong katotohanang uunawain, mga bagong layuning nangangailangang gamitan ng kapangyarihan ng isipan at ng kaluluwa at ng katawan. ADP 388.1
Ang buong kayamanan ng sansinukob ay bubuksan para mapag-aralan ng mga tinubos ng Diyos. Dahil hindi nalilimitahan ng kamatayan, sila’y lilipad nang walang kapagud-pagod palakbay sa malalayong daigdig—mga daigdig na nalipos ng ka-lungkutan nang makita ang kasawian ng mga tao, subalit umugong sa mga awitan ng kagalakan dahil sa balitang isang kaluluwa ang natubos. Taglay ang di-maipahayag na katuwaan, ang mga tagalupa ay papasok sa kagalakan at karunungan ng mga di-nagkasalang nilalang. Makikibahagi sila sa mga kayamanan ng kaalaman at kaunawaang natamo sa loob ng napakaraming panahon ng pagbubulay-bulay sa mga ginawa ng kamay ng Diyos. Sa malinaw na paningin ay pagmamasdan nilang mabuti ang kaluwalhatian ng sangkinapal—ang mga araw at mga bituin at mga sistema ng kalawakan, lahat ay nakapalibot sa trono ng Diyos sa takda nilang kaayusan. Sa lahat ng bagay, mula sa pinakamaliliit hanggang sa pinakamalaki, ang pangalan ng Lumikha ay nakasulat, at sa lahat ay natatanghal ang kasaganaan ng Kanyang kapangyarihan. ADP 388.2
At ang mga taon ng walang-hanggan, habang lumilipas, ay naghahatid ng mas masagana at mas maluwalhati pang mga kapahayagan ng Diyos at ni Cristo. Habang sumusulong ang kaalaman, lumalago din naman ang pag-ibig, paggalang, at kaligayahan. Habang higit na natututo ang mga tao tungkol sa Diyos, lalo din naman nilang hinahangaan ang Kanyang karakter. Habang binubuksan ni Jesus sa kanila ang kariwasaan ng pagtubos at ang mga kahanga-hangang tagumpay na nakamit sa matinding pakikipagtunggali kay Satanas, ang puso ng mga tinubos ay lalo namang nag-aalab sa mas mainit na pagtatalaga, at sa mas nakakatuwang kagalakan ay kinalabit nila ang kanilang gintong alpa; at milyunmilyon at libu-libong tinig ang nagsamasama upang ilakas ang makapangyarihang awitin ng pagpupuri. ADP 388.3
“At ang bawat bagay na nilalang na nasa langit, at nasa ibabaw ng lupa, at nasa ilalim ng lupa, at nasa ibabaw ng dagat, at lahat ng mga bagay na nasa mga ito ay narinig kong nagsasabi, ‘Sa Kanya na nakaupo sa trono at sa Kordero ay ang kapurihan, karangalan, kaluwalhatian, at kapangyarihan, magpakailanpaman’ ” (Apocalipsis 5:13). ADP 388.4
Tapos na ang malaking tunggalian. Wala nang kasalanan at mga makasalanan. Ang buong sansinukob ay malinis na. Iisang tibok ng pagkakasundo at kagalakan ang pumipintig sa buong lawak ng sangkinapal. Mula sa Kanya na lumikha sa lahat ng bagay ay dumadaloy ang buhay at liwanag at kaligayahan sa buong sakop ng walang-hanggang kalawakan. Mula sa kaliit-liitang atomo hanggang sa pinakamalaking daigdig, ang lahat ng bagay, may-buhay at walang-buhay, sa kanilang di-nadidimlang kagandahan at sakdal na katuwaan, ay pawang nagpapahayag na ang Diyos ay pag-ibig. ADP 388.5