Mayroon tayong gayong Pinakapunong Pari na nakaupo sa kanan ng trono ng Kamahalan sa kalangitan, isang Ministro sa santuwaryo at sa tunay na tabernakulo na itinayo ng Panginoon, hindi ng tao. Hebreo 8:1, 2. PnL
Ang pamamagitan ni Cristo para sa atin sa makalangit na santuwaryo ay kasing-halaga ng plano ng pagtubos gaya ng Kanyang kamatayan sa krus. Sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sinimulan Niya ang gawaing iyon pagkatapos ng Kanyang pagkabuhay na maguli, Siya’y umakyat sa langit upang doon ito tapusin. Tayo’y dapat na pumasok sa loob ng tabing sa pamamagitan ng pananampalataya, “Na doo’y pumasok dahil sa atin si Jesus.” (Hebreo 6:20.) Doon ay makikita ang liwanag mula sa krus ng kalbaryo. Tayo’y makakukuha ng mas malinaw na pananaw sa misteryo ng pagtubos. Ang kaligtasan ng sangkatauhan ay nakamit sa pinakamalaking sakripisyo ng langit; ang sakripisyong ginawa ay sapat para sa kasalanan sa hindi pagsunod sa utos ng Diyos. Binuksan ni Jesus ang daan tungo sa trono ng Ama, at sa tulong ng Kanyang pamamagitan, lahat ng may taimtim na hangaring lumapit sa Kanya, sa pananampalataya ay maaari silang iharap sa harap ng Diyos. PnL
“Siyang nagtatakip ng kanyang mga pagsalansang ay hindi giginhawa; ngunit ang nagpapahayag at nag-iiwan ng mga Iyon ay magtatamo ng kaawaan.” (Kawikaan 28:13.) Kung nakikita lang ng nangagkukubli at nangagpapaumanhin sa kanilang mga kamalian kung paanong nalulugod si Satanas, kung paanong hinahamak nila si Cristo at ang mga banal na anghel pati ng kanilang paggawa, ay madali nilang ipahahayag ang kanilang mga kasalanan at aalisin ang mga ito. Sa pamamagitan ng mga kapintasan sa likas, ay gumagawa si Satanas upang mapagharian niya ang buong pag-iisip, at nalalaman niyang kapag kikimkimin ang mga kapintasang ito, ay mananagumpay siyang walang pagsala. Kaya walang patid niyang sinisikap na madaya ang mga sumusunod kay Cristo sa pamamagitan ng kanyang mapanganib na pagdaya, na anupa’t hindi sila makapananagumpay. Datapwat namamanhik si Jesus alangalang sa kanila sa pamamagitan ng Kanyang nasugatang mga kamay, nabugbog na katawan; at ipinahahayag sa lahat ng susunod sa Kanya, “Ang Aking biyaya ay sapat na sa iyo.” (2 Corinto 12:9.) “Pasanin ninyo ang Aking pamatok, at magaral kayo sa Akin, sapagka’t Ako’y maamo at mapagpakumbabang puso; at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagka’t malambot ang Aking pamatok, at magaan ang Aking pasan.” (Mateo 11:29, 30.) Kaya huwag akalain ninumang hindi na magagamot ang kanyang kapintasan. Ang Diyos ay magbibigay ng pananampalataya at biyaya upang mapanagumpayan nila ang lahat ng iyon. PnL
Tayo’y nabubuhay ngayon sa dakilang kaarawan ng pagtubos. Sa sumasagisag na paglilingkod kapag ang punong saserdote ay gumagawa ng pagtubos sa buong Israel, ang kalahatan ay kailangang magpighati ng kanilang mga kaluluwa sa pamamagitan ng pagsisisi sa kanilang mga kasalanan at pagpapakumbaba sa harapan ng Panginoon, kung hindi ay iwawalay sila sa bayan. Sa gayunding kaparaanan, ang lahat na nagnanasang mamalagi ang kanilang mga pangalan sa aklat ng buhay, ay dapat magdalamhati ng kanilang kaluluwa ngayon, sa mga nalabing mga araw ng panahon ng biyaya sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng pagkalungkot dahil sa kasalanan at ng tunay na pagsisisi.— The Great Controversy, pp. 489, 490. PnL