At nagkaroon ng digmaan sa langit, si Miguel at ang kanyang mga anghel ay nakipagdigma sa dragon. Ang dragon at ang kanyang mga anghel ay nakipagdigma. Apocalipsis 12:7. PnL
Ikinagugulo ng pag-iisip ng marami ang pinagmulan ng kasalanan at ang pananatili nito. Nakikita nila ang gawa ng kasamaan, at ang kalakip nitong mga kakila-kilabot na ibinubungang kapighatian at kagibaan, at itinatanong nila kung paanong ang lahat ng ito’y nakapamamalagi sa ilalim ng pamamahala ng Isang walang hanggan sa karunungan, at pag-ibig. Narito ang isang hiwagang hindi nila maipaliwanag. At dahil sa kanilang di-kapanatagan at pag-aalinlangan ay hindi nila nakikita ang mga katotohanang malinaw na inilalahad sa salita ng Diyos, at mahalaga sa kaligtasan. Dahil sa pagsisiyasat ng ilan tungkol sa pagkakaroon ng kasamaan, sinasaliksik nila pati ang mga bagay na hindi kailanman ipinahayag ng Diyos, sa gayo’y hindi nila masumpungan ang lunas sa kanilang kagulumihanan; at ito ang dinadahilan ng mga inaalihan ng pagaalinlangan at pakutyang pagtutol sa kanilang pagtatakwil sa mga pangungusap ng Banal na Kasulatan. Sa kabilang dako, ay hindi lubos na maaabot ng isipan ng mga iba ang malaking suliranin ng kasamaan, sa dahilang pinalabo ng mga sali’t saling sabi at ng maling pagpapaliwanag ang iniaaral ng Banal na Kasulatan tungkol sa likas ng Diyos, sa uri ng Kanyang pamahalaan at sa simulain ng Kanyang pakikitungo sa kasalanan. PnL
Hindi maaaring ipaliwanag ang pinagmulan ng kasalanan at kung bakit ito nananatili. Subalit mayroon tayong sapat na mababatid tungkol sa pinagmulan at kauuwian ng kasalanan, upang ating malaman ng lubusan ang pagkahayag ng katarungan at pagkamaawain ng Diyos sa lahat niyang pakikitungo sa masama. Walang lalong napakaliwanag na itinuturo ang Kasulatan kaysa katunayang ang Diyos sa anumang paraan ay walang kapanagutan sa pagpasok ng kasalanan; hindi sapilitan ang pagkapag-alis ng biyaya, walang pagkukulang ang pamahalaan ng Diyos na magbibigay daan upang bumangon ang paghihimagsik. Mapanghimasok ang kasalanan, at sa pagkakaroon nito’y walang maikakatuwiran. Ito’y mahiwaga, hindi maipaliliwanag; ang pagpapaumanhin sa kasalanan ay pagtatanggol dito. Kung may kadahilanang masusumpungan para sa kasalanan o may sanhing maipakikilala sa kanyang paglitaw, hindi na ito lalabas na kasalanan. Ang katuwirang maibibigay lang natin sa kasalanan ay iyon lamang nasusulat sa salita ng Diyos: “ang kasalanan ay pagsuway sa kautusan;” ito’y lalang ng isang simulaing lumalaban sa dakilang batas ng pag-ibig na siyang patibayan ng pamahalaan ng Diyos. . . . PnL
Ninanasa ng Diyos na Siya’y paglingkuran ng lahat Niyang mga nilalang ng paglilingkod ng pag-ibig,—ng paggalang na bumubukal sa matalinong pagkakilala sa Kanyang likas. Hindi Siya nalulugod sa sapilitang pakikipanig at binibigyan Niya ang lahat ng malayang kalooban upang sila’y kusang makapaglingkod sa Kanya.— The Great Controversy , pp. 492, 493. PnL