Ako'y aakyat sa itaas ng mga kaitaasan ng mga ulap, gagawin ko ang aking sarili na gaya ng Kataas-taasan. Isaias 14:14. PnL
Datapwat may isang nagnais na maglihis sa kalayaang ito. Ang kasalanan ay nagmula sa kanya na, pangalawa ni Cristo, dinadakila ng Diyos, at mataas sa lahat ng mga nananahan sa langit, sa katungkulan at sa kaluwalhatian man. Noong hindi pa siya nagkakasala, si Lucifer ay una sa mga kerubing tumatakip, banal at malinis. “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: iyong tinatakan ang kabuuan, na puno ng karunungan at sakdal sa kagandahan. Ikaw ay nasa Eden, na halamanan ng Diyos, lahat na mahalagang bato ay iyong kasuotan. . . . Ikaw ang pinahirang kerubin na tumatakip; at itinatag kita, na anupa’t ikaw ay nasa ibabaw ng banal na bundok ng Diyos; ikaw ay nagpanhik-manaog sa gitna ng mga batong mahalaga. Ikaw ay sakdal sa iyong mga lakad mula sa araw na ikaw ay lalangin, hanggang sa ang kalikuan ay nasumpungan sa iyo.” (Ezekiel 28:12-15.) PnL
Maaari sanang manatili si Lucifer sa lingap ng Diyos, na minamahal at iginagalang ng buong hukbo ng mga anghel, isinasagawa ang kanyang dakilang kapangyarihang magpala ng iba at lumuwalhati sa Maylalang sa kanya. Ngunit sinasabi ng propeta: “Ang iyong puso ay nagmataas dahil sa iyong kagandahan, iyong ipinahamak ang iyong karunungan dahil sa iyong kaningningan.” (Talatang 17.) Unti-unting si Lucifer ay nagpakagumon sa pagnanasang matanghal ang sarili. . . . Sa halip na pagsikapang matampok ang Diyos sa pag-ibig at pakikipanig ng Kanyang mga nilikha, ay pinagsikapan ni Lucifer na makuha niya ang kanilang paglilingkod at paggalang. At sa pag-iimbot niya sa karangalang ipinagkaloob ng walang hanggang Ama sa Kanyang Anak, ay pinagnasaan ng prinsipeng ito ng mga anghel ang kapangyarihan na si Cristo lang ang may karapatang gumamit. PnL
Ikinagalak ng buong sangkalangitan na ipasinag ang kaluwalhatian ng Maylalang at ipahayag ang pagpupuri sa Kanya. At samantalang pinararangalan ng gayon ang Diyos, ang lahat ay naging mapayapa at maligaya. Ngunit may isang tinig na sumisira ngayon sa mga pagtutugma sa langit. Ang paglilingkod at pagtatanghal sa sarili, na salungat sa panukala ng Maylalang ay nakagising ng guni-guni ng kasamaan sa pagiisip na lubos na pinaghaharian ng kaluwalhatian ng Diyos. Si Lucifer ay pinakiusapan ng kapulungan sa kalangitan. Inilahad sa kanya ng Anak ng Diyos ang kadakilaan, kabutihan, at katarungan ng Manlalalang, gayundin ang banal at di-nagbabagong likas ng Kanyang kautusan. Diyos na rin ang nagtatag ng kaayusan sa langit; at sa paglayo rito ni Lucifer, hindi nga niya pinarangalan ang Lumikha sa kanya, at naganyaya siya ng kapahamakan sa kanya ring sarili. Ngunit ang babalang sa kanya ay ibinigay na kalakip ang walang hanggang pag-ibig at pagkaawa, ay gumising sa kanyang paglaban. Pinahintulutan niyang mangibabaw ang pagkainggit kay Cristo, at lalo siyang nagmatigas.— The Great Controversy, pp. 493-495. PnL