Nakakita ako ng mga trono, at ang mga nakaupo sa mga iyon ay pinagkalooban ng kapangyarihang humatol. Apocalipsis 20:4. PnL
Sa Bayan ng Diyos, ang pagkabihag ni Satanas ay magdadala ng kasiyahan at pagkagalak. Sabi ng propeta: “Kapag bibigyan ka na ng Panginoon ng kapahingahan mula sa iyong kahirapan, kabagabagan, at sa mabigat na paglilingkod na ipinapaglingkod mo.” (Isaias 14:3.) . . . PnL
Sa loob ng isang libong taon, sa pagitan ng una at ikalawang pagkabuhay na maguli, ay gagawin ang paghuhukom sa mga makasalanan. Ang paghuhukom na ito’y itinuturo ni apostol Pablo na isang pangyayaring sumusunod sa ikalawang pagparito ng Panginoon. “Huwag muna kayong humatol ng anuman nang wala pa sa panahon, hanggang sa dumating ang Panginoon. Siya ang magdadala sa liwanag sa mga bagay na sa ngayon ay nakatago sa kadiliman, at ibubunyag ang layunin ng mga puso.” (1 Corinto 4:5.) Sinasabi ni Daniel na nang dumating ang Matanda sa mga araw “ang paghatol ay ibinigay para sa mga banal ng Kataas-taasan.” (Daniel 7:22.) Sa panahong ito’y maghahari ang mga matuwid na tulad sa mga hari at mga saserdote ng Diyos. Sa Apocalipsis ay sinasabi ni Juan: “Nakakita ako ng mga trono, at ang mga nakaupo sa mga iyon ay pinagkalooban ng kapangyarihang humatol.” “Sila’y magiging mga pari ng Diyos at ni Cristo, at maghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.” (Apocalipsis 20:4, 6.) Sa panahong ito, alinsunod sa ipinagpauna ni Pablo, “ang mga banal ay hahatol sa sanlibutan.” (1 Corinto 6:2.) Kasama ni Cristo ay huhukuman nila ang mga makasalanan, na ipinaparis ang kanilang mga ginawa sa aklat ng kautusan, ang Biblia, ayon sa mga gawang ginawa sa katawan. Kung magkagayon ay ibibigay sa mga makasalanan ang parusang nararapat nilang kamtin, ayon sa kanilang mga gawa; at ito’y itatala sa tapat ng kanilang mga pangalan sa aklat ng kamatayan. PnL
Si Satanas din at ang masasama niyang mga anghel ay huhukuman ni Cristo at ng Kanyang bayan. Sinabi ni Pablo: “Hindi ba ninyo nalalaman na ating hahatulan ang mga anghel?” (Talatang 3.) At ipinahahayag ni Judas na “ang mga anghel na hindi nagingat ng kanilang sariling pamunuan, kundi iniwan ang kanilang sariling tahanan, ay iningatan niya sa mga tanikalang walang-hanggan sa paghuhukom sa dakilang araw.” (Judas 6.) PnL
Sa katapusan ng isang libong taon ay mangyayari ang ikalawang pagkabuhay na mag-uli. Saka pa lang mabubuhay ang mga makasalanan, at magsisiharap sa Diyos upang igawad sa kanila ang “hatol na nasusulat.” Kaya nga’t pagkatapos na mailarawan ng tagapagpahayag ang pagkabuhay na mag-uli ng mga banal, ay ganito ang sinabi: “Ang iba sa mga patay ay hindi nangabuhay hanggang sa naganap ang isang libong taon.” (Apocalipsis 20:5.) At hinggil sa mga masasama ay sinabi ni Isaias: “Sila’y mangapipisan, gaya ng mga bilanggo na mangapipisan sa hukay, at masasarhan sa bilangguan, at pagkaraan ng maraming araw ay dadalawin sila.” (Isaias 24:22.)— The Great Controversy, pp. 660, 661. PnL