Anak ko, kung ikaw ay akitin ng mga makasalanan, huwag kang pumayag. Sapagkat ang kanilang mga paa ay tumatakbo sa kasamaan, at sila’y nagmamadali sa pagbububo ng dugo. Kawikaan 1:10, 16. LBD 162.1
Hindi ligtas para sa nag-aangking tagasunod ni Cristo na makisama sa mga bulagsak at walang ingat; sapagkat madaling bagay na tingnan ang mga bagay ayon sa kanilang pananaw, at na mawala lahat ng pagpapahalaga kung ano ang ibig sabihin ng maging isang tagasunod ni Jesus. Bantayan ang inyong sarili sa partikular na puntong ito,—huwag maimpluwensyahan at mawaglit ng mga may dahilan para makilala mo, sa pamamagitan ng kanilang mga salita at gawa, na hindi nakaugnay sa Diyos.— The Youth’s Instructor, July 5, 1894. LBD 162.2
Pakinggan ang tinig ng Diyos: “Anak ko, kung ikaw ay akitin ng mga makasalanan, huwag kang pumayag.” Iyong mga pinangangasiwaan ng Espiritu ng Diyos ay dapat panatilihing gising ang kanilang mga kakayahan sa pag-unawa; sapagkat dumating na ang panahong susubukin isa-isa ang kanilang integridad at katapatan sa Diyos. Huwag kayong gumawa ng pinakamaliit na inhustisya upang makakuha ng kalamangan para sa inyong sarili. Gawin sa iba, sa maliliit na bagay pati rin sa malalaki, ang gusto ninyong gawin din ng iba sa inyo. Sinasabi ng Diyos na, “Kayo’y aking mga saksi.” Kumilos kayo para sa Akin. Kung maaalis lamang ang kurtina, makikita ninyo ang sansinukob na nagmamasid na may matinding interes sa isang taong tinutukso. Kung hindi kayo susuko sa kaaway, may kagalakan sa langit. Kapag narinig ang unang mungkahi ng mali, magpadala ng panalangin sa langit, at pagkatapos ay matatag na labanan ang tuksong guluhin ang mga prinsipyong hinatulan sa Salita ng Diyos. Sa unang pagkakataong dumating ang tukso, harapin ito sa paraang tiyak at nang hindi na ito uulit kailan man. Lumayo sa taong nagpakita sa inyo ng maling mga gawain. Matatag na talikuran ang manunukso at sabihing, Dapat akong humiwalay sa iyong impluwensya; sapagkat alam kong hindi ka naglalakad sa mga yapak ng aming Tagapagligtas. LBD 162.3
Kahit na hindi ninyo nadaramang kaya ninyong magsalita sa mga gumagawa ng mga maling prinsipyo, iwan ninyo sila. Maaaring may magagawa nang mas higit pa sa mga salitang ang inyong paglisan at katahimikan. . . . Magkaroon ng lakas ng loob na gawin ang tama.— The Review and Herald, May 9, 1899. LBD 162.4