Ang sinumang nananatili sa Kanya ay hindi nagkakasala. 1 Juan 3:6. LBD 295.1
Walang kabuluhan ang basta pagpapakita ng pagkamaka-Diyos. Siyang nananatili kay Cristo ang talagang Cristiano. Sapagkat “sinumang may ganitong pag-asa sa Kanya ay naglilinis sa kanyang sarili, gaya naman Niyang malinis” (1 Juan 3:3). Sa bawat panahon, sa bawat bansa, dapat na makipagtulungan ang ating mga kabataan sa Diyos. Sa pagiging kagaya ng isipan ng Diyos ang tanging paraan na magiging dalisay ang isang tao. Paano ba natin makikilala ang Diyos?—Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kanyang Salita. . . . LBD 295.2
Sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo natatanggap ang katotohanan sa puso at nadadalisay at nalilinis ang instrumentong tao. Si Jesus ay “nasugatan dahil sa ating mga pagsuway, Siya’y binugbog dahil sa ating mga kasamaan; ipinataw sa Kanya ang parusa para sa ating kapayapaan, at sa pamamagitan ng Kanyang mga latay ay gumaling tayo” (Isaias 53:5). Posible kayang mapagaling, habang sinasadyang gumawa ng kasalanan?—Hindi; ang sinasabi ng tunay na pananampalataya ay, Alam kong nakagawa ako ng kasalanan, pero pinatawad na ni Jesus ang aking kasalanan; at simula ngayon ay lalabanan ko na ang tukso sa pamamagitan ng Kanyang lakas. “Sinumang may ganitong pag-asa sa Kanya ay naglilinis sa kanyang sarili, gaya naman Niyang malinis.” Mayroon siyang nananatiling prinsipyo sa kaluluwa, na nagbibigay-lakas sa kanya na mapagtagumpayan ang tukso. LBD 295.3
“Ang sinumang nananatili sa Kanya ay hindi nagkakasala.” May kapangyarihan ang Diyos na ingatan ang kaluluwang nakay Cristo, kapag ang kaluluwang iyan ay tinutukso. “Sinumang nagkakasala ay hindi nakakita sa Kanya, ni hindi nakakilala sa Kanya” (1 Juan 3:6). Ibig sabihin, bawat isang tunay na mananampalataya ay napababanal sa pamamagitan ng katotohanan, sa buhay at sa karakter. “Mga munting anak, huwag kayong padaya kanino man. Ang gumagawa [at hindi kunyari lang] ng katuwiran ay matuwid, gaya Niya na matuwid” (talatang 7). LBD 295.4
“Ang sinumang ipinanganak ng Diyos ay hindi patuloy na nagkakasala; . . . sapagkat siya ay ipinanganak ng Diyos. Sa ganito nahahayag ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng diyablo.” Pansinin ninyo ngayon kung saan inilalagay ang pagkakaiba: “Ang sinumang hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi sa Diyos, pati ang hindi umiibig sa kanyang kapatid” (talatang 9, 10). “Mga munting anak, huwag tayong umibig sa salita, ni sa dila, kundi sa gawa at sa katotohanan” (talatang 18).— The Youth’s Instructor, February 15, 1894. LBD 295.5