Masdan ninyo kung anong uri ng pag-ibig ang ipinagkaloob sa atin ng Ama, upang matawag na mga anak ng Diyos, at tayo’y gayon nga. Dahil dito’y hindi tayo nakikilala ng sanlibutan, sapagkat siya’y hindi nakikilala nito. 1 Juan 3:1. LBD 6.1
Habang iniisip ni Juan ang pag-ibig ni Cristo, napabulalas siya, “Masdan ninyo kung anong uri ng pag-ibig ang ipinagkaloob sa atin ng Ama, upang matawag na mga anak ng Diyos.” LBD 6.2
Iniisip ng mga tao na isang pribilehiyo ang makita ang isang taong maharlika, at libu-libo ang naglalakbay nang malayo para lamang matunghayan ang isang gaya niya. Anong mas dakilang pribilehiyo ang maging mga anak na lalaki at babae ng Kataas-taasan. Anong hihigit na pribilehiyo ang maaaring maibigay sa atin kaysa maging kaanib ng maharlikang sambahayan? LBD 6.3
Upang maging mga anak na lalaki at babae ng Diyos, kailangan nating humiwalay sa sanlibutan. “Kaya nga lumabas kayo sa kanila, at humiwalay kayo,” sinasabi ng Panginoon, “at Ako’y magiging Ama sa inyo at kayo’y magiging Aking mga anak na lalaki at babae.” . . . LBD 6.4
Mayroong langit sa ating harapan, isang korona ng buhay na kailangang makamit. Ngunit tanging sa mananagumpay lamang maibibigay ang gantimpala. Kailangang madamtan ng kasuotan ng katuwiran ang magkakamit ng kalangitan. “At sinumang may ganitong pag-asa sa Kanya ay naglilinis sa kanyang sarili, gaya naman Niyang malinis.” Walang anumang pagsasalungatan sa karakter ni Cristo. At kailangang maging karanasan din natin ito. Kailangang pangunahan ang ating mga buhay ng mga prinsipyong nanguna sa Kanyang buhay.— Ellen G. White Manuscript 28, 1886. LBD 6.5
Sa pamamagitan ng kasakdalan ng handog na ibinigay para sa nagkasalang lahi, silang naniniwala kay Cristo, sa paglapit sa Kanya, ay maaaring maligtas mula sa walang-hanggang pagkawasak. . . . LBD 6.6
Huwag pahintulutang madaya ng kaaway ang sinuman para isiping isang pagpapababa sa sarili para sa kanino mang tao, gaano man kayaman ang kanyang talento o pinag-aralan o karangalan, na tanggapin si Cristo. Dapat tumingin ang bawat tao sa kalangitan nang may paggalang at pagpapasalamat, at bumulalas nang may pagkamangha, “Masdan ninyo kung anong uri ng pag-ibig ang ipinagkaloob sa atin ng Ama, upang matawag na mga anak ng Diyos.”—The Youth’s Instructor, September 27, 1894. LBD 6.7