Mga minamahal, ngayon ay mga anak tayo ng Diyos at hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Nalalaman natin na kung Siya’y mahayag, tayo’y magiging katulad Niya, sapagkat Siya’y ating makikita bilang Siya. 1 Juan 3:2. LBD 7.1
Hindi tayo dapat mahirati, na umaasang darating ang pagbabago ng karakter sa atin sa pamamagitan ng mahimalang gawain, kapag nagpakita si Jesus sa mga ulap ng kalangitan na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. Hindi, mga kaibigan kong kabataan, patungo tayo sa paghuhukom, at naibigay sa atin ang takdang panahon ng pagsubok dito sa buhay na ito, upang makabuo tayo ng mga karakter para sa hinaharap na buhay na walang kamatayan.— The Youth’s Instructor, August 24, 1893. LBD 7.2
Huwag isipin ninuman na angkop sa Espiritu ni Cristo ang pagkamakasarili, pagpapahalaga sa sarili, at pagbibigay-kasiyahan sa sarili. LBD 7.3
Sa bawat tunay na nahikayat na lalaki at babae nakaatang ang pananagutan na hindi natin matutuos nang lubos. Hindi dapat tangkilikin ng mga anak na lalaki at babae ng makalangit na Hari ang mga prinsipyo at mga gawi ng sanlibutan.—Testimonies for the Church, vol. 5, 410. LBD 7.4
Sa paghiwalay sa sanlibutan, haharapin natin ang mga kahirapan sa bawat panig. Ngunit narito ang kaaliwan para sa atin: “Mga minamahal, ngayon ay mga anak tayo ng Diyos at hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Nalalaman natin na kung Siya’y mahayag, tayo’y magiging katulad Niya, sapagkat Siya’y ating makikita bilang Siya.”— Ellen G. White Manuscript 28, 1886. LBD 7.5
Dapat nating ipakita sa pamamagitan ng ating mga pananalita at gawa na kinikilala natin ang dakilang pananagutan na naiatang sa atin. Dapat kuminang ang ating liwanag nang napakalinaw na anupa’t makikita ng iba na niluluwalhati natin ang Ama sa ating mga buhay; na nakaugnay tayo sa kalangitan at kasamang tagapagmana ni Jesu-Cristo.— Testimonies for the Church, vol. 4, p. 16. LBD 7.6
Ang pakikisama sa Ama at sa Kanyang Anak na si Jesu-Cristo ay ang maparangalan at maiangat, at maging kabahagi sa mga kasiyahang dimailarawan at puspos ng kaluwalhatian. Maaaring mahalaga ang pagkain, kasuotan, karangalan, at kayamanan; ngunit ang magkaroon ng pakikipagugnayan sa Diyos . . . ay walang kaparis. . . . At bagaman “hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo,” “kung Siya’y mahayag,” “tayo’y magiging katulad Niya.”— Testimonies for the Church, vol. 4, p. 357. LBD 7.7