Ang magtatagumpay ay magmamana ng mga bagay na ito; at ako’y magiging Diyos niya at siya’y magiging anak Ko. Apocalipsis 21:7. LBD 370.1
Para manahin natin ang lahat ng bagay, kailangan nating mapaglabanan at madaig ang kasalanan.— The Great Controversy, p. 540. LBD 370.2
Puwede tayong magkaroon ng kagalakan sa Panginoon kung susundin natin ang Kanyang mga utos. Kung talagang nasa itaas ang ating pagkamamamayan, at may karapatan sa walang-hanggang pamana, isang walang-hanggang kayamanan, meron tayo ng pananampalatayang iyon na gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig at dumadalisay sa kaluluwa. . . . Mga kasapi tayo ng makalangit na pamilya, mga anak ng Hari ng kalangitan, mga tagapagmana ng Diyos, at kasamang tagapagmana ni Cristo (Roma 8:17). Sa Kanyang pagdating, magkakaroon tayo ng korona ng buhay na hindi kumukupas.— The Youth’s Instructor, August 25, 1898. LBD 370.3
Gusto ng Hari ng langit na taglayin at matamasa ninyo ang lahat ng puwedeng magpadakila, magpalawak, at magpaangat sa inyong pagkatao at iangkop kayong manirahan kapiling Niya magpakailan man, na kasinghaba ang buhay ninyo ng buhay ng Diyos. Anong gandang tanawin ang buhay na darating! LBD 370.4
Anong tinding pang-akit ang taglay nito! Anong lapad at lalim at di-masukat ang pag-ibig na ipinakita ng Diyos sa tao!— Testimonies for the Church, vol. 3, p. 458. LBD 370.5
Walang limitasyon ang mga pribilehiyong ibinigay sa mga anak ng Diyos—ang maging kaugnay ni Jesu-Cristo, na sa buong sansinukob ng kalangitan at ng mga daigdig na hindi nagkasala ay sinasamba ng bawat puso, at ang Kanyang kapurihan ay inaawit ng bawat dila; ang maging mga anak ng Diyos, ang taglayin ang Kanyang pangalan, ang maging kaanib ng makaharing pamilya; ang mapahanay sa ilalim ng bandila ni Prinsipe Emmanuel, ang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.— The Youth’s Instructor, October 20, 1886. LBD 370.6
Ang Anak ng Diyos ay siyang tagapagmana ng lahat ng bagay, at ang kapangyarihan at kaluwalhatian ng mga kaharian sa sanlibutang ito ay ipinangako sa Kanya. . . . Kung paanong nasa sanlibutan si Cristo noon, ay gayundin naman ang Kanyang mga tagasunod. Mga anak sila ng Diyos, at kasamang tagapagmana ni Cristo; at kanila ang kaharian at kapangyarihan.— Testimonies for the Church, vol. 1, pp. 286, 287. LBD 370.7
Ibibigay Niya sa inyo Kapalit ng sanlibutan ang kaharian sa silong ng buong kalangitan dahil sa buong buhay na pagsunod. Bibigyan Niya kayo ng walang-hanggan at di-masukat na kaluwalhatian at isang buhay na kasintagal ng panahong walang-katapusan (2 Corinto 4:17).— Testimonies for the Church, vol. 2, p. 44. LBD 370.8