Huwag kang magiging sinungaling na saksi laban sa iyong kapwa. Exodo 20:16. LBD 62.1
Humihingi sa atin ang ikasiyam na utos ng hindi matatawarang pagpapahalaga sa eksaktong katotohanan sa bawat sinasabing maaaring makaimpluwensya sa karakter ng ating kapwa. Ang dila, na nalalagay sa napakakakaunting pagpipigil, ay dapat na busalan ng malalakas na mga prinsipyo sa pamamagitan ng batas ng pag-ibig sa Diyos at sa kapwa tao.— Letter 15, 1895 LBD 62.2
Ang pagsisinungaling sa anumang bagay, ang bawat pagsusumikap o paglalayong manlinlang ng ating kapwa, ay kasama rito. Ang kagustuhang mandaya ang siyang bumubuo sa kabulaanan. Ang kasinungalingan sa pagtingin, pagkilos ng kamay, pahiwatig ng pagmumukha, ay masasabi rin na may epektong gaya ng mga salita. Ang lahat ng sadyang pagpapalaki, ang bawat pagpaparamdam o pahiwatig na sinadyang magpahayag ng kamalian o pagpapalabis sa katotohanan, kahit na sa paglalahad ng mga katotohanan sa pamamaraang makapanliligaw ay kasinungalingan. Nagbabawal ang utos na ito sa bawat pagsusumikap na manakit sa reputasyon ng inyong kapwa sa pamamagitan ng paglalarawan ng pamali o masamang pagpapalagay, sa pamamagitan ng paninirang-puri o pagtsitsismis. Maging ang sadyang pagpigil sa katotohanan, na maaaring humantong sa pagkasira ng kapwa, ay paglabag sa ikasiyam na utos.— Patriarchs and Prophets, p. 309. LBD 62.3
Itinuturo Niya [ni Jesus] na ang eksaktong katotohanan ang dapat maging batas sa pananalita. “Ngunit ang inyong pananalita ay maging Oo kung Oo; Hindi kung hindi.”. . . Sumasaway ang mga salitang ito sa lahat ng mga pananalitang walang kabuluhan at mga bukang-bibig na lumalapit sa kalaswaan. Pinupuna nila ang mga mapandayang papuri, ang pag-iwas sa katotohanan, ang mga panghihibo, ang pagpapalaki ng katotohanan, ang mga maling pagpapahiwatig sa pangangalakal, na laganap na sa ngayon sa lipunan at mundong kalakalan. Itinuturo nilang hindi maaaring tawaging makatotohanan ang nagsusumikap na maghayag ng kabalintunaan o nagtataglay ng mga salitang hindi nagpapahayag ng tunay na damdamin ng kanyang puso. . . . LBD 62.4
Dapat maging kasing linaw ng sinag ng araw ang lahat ng ginagawa ng mga Cristiano. Mula sa Diyos ang katotohanan. Ang pandaraya, sa lahat ng anyo nito ay galing kay Satanas. . . . Hindi natin masasabi ang katotohanan malibang ang ating mga isip ay patuloy na nagagabayan Niya na Siyang katotohanan.— Thoughts From the Mount of Blessing, pp. 105, 106. LBD 62.5