Ngunit nang ito ay marinig ni Jesus ay sinabi Niya, Ang sakit na ito’y hindi tungo sa kamatayan, kundi para sa ikaluluwalhati ng Diyos, upang ang Anak ng Diyos ay luwalhatiin sa pamamagitan nito. Juan 11:4. LBD 90.1
Ang dalawang araw na pagpapaliban ni Cristo matapos na marinig na may karamdaman si Lazaro ay hindi pagpapabaya o pagtanggi. . . . Dapat itong makapagpalakas ng ating mga kalooban. . . . Kailangan nating mamahinga sa Panginoon, at matiyagang maghintay para sa Kanya. Maaaring hindi agad dumating ang tugon sa ating mga panalangin na gaya sa ating inaakala, at maaari ring hindi ito sang-ayon sa ating hinihingi; ngunit Siyang nakaaalam ng pinakamataas na ikabubuti ng Kanyang mga anak ay magkakaloob ng mas higit na kabutihan kaysa hiningi natin, kung hindi tayo mawawalan ng pananampalataya at masisiraan ng loob.— The Youth’s Instructor, April 6, 1899. LBD 90.2
Hindi lamang ang Kanyang mga minamahal sa Betanya ang iniisip ni Cristo; iniisip din Niya ang pagsasanay ng Kanyang mga alagad. Magiging mga kinatawan sila Niya sa sanlibutan, upang mapasa sa lahat ang pagpapala ng Ama. Para sa kanila, pinahintulutan Niyang mamatay si Lazaro. Kung ibinalik Niya siya mula sa karamdaman tungo sa kalusugan, hindi maisasagawa ang himalang pinakatiyak na patotoo ng Kanyang banal na karakter. LBD 90.3
Kung naroon si Cristo sa silid ng may karamdaman, hindi sana mamamatay si Lazaro; dahil hindi magkakaroon ng kapangyarihan sa kanya si Satanas. Sa presensya ng Nagbibigay-buhay, hindi maaaring umasinta ang kamatayan ng kanyang mga panudla kay Lazaro. . . . Pinahintulutan Niyang dumaan si Lazaro sa kaharian ng kamatayan, at nakita ng mga nagdurusang kapatid na babae ang kanilang kapatid na lalaki na inihiga sa libingan. Alam ni Cristo na habang tumitingin sila sa mukha ng patay nilang kapatid, lubos na masusubukan ang kanilang pananampalataya sa kanilang Manunubos. Pinuputulan Niya sa ganitong paraan ang mga sanga, upang magbunga sila ng marami. Alam Niyang dahil sa pakikipagpunyagi na kanilang pinagdadaanan, magniningning ang kanilang pananampalataya na may higit na ka-pangyarihan.— The Youth’s Instructor, April 13, 1899. LBD 90.4
Sa lahat ng umaabot upang maramdaman ang mga kamay ng Diyos na gumagabay, sa oras na pinakamaigting na kabiguan pinakamalapit ang banal na tulong. . . . Sa bawat tukso at bawat pagsubok ay dadalhin Niya sila sa mas matibay na pananampalataya at mas masaganang karanasan.— The Desire of Ages, p. 528. LBD 90.5