Kaya’t umalis siya roon at natagpuan niya si Eliseo na anak ni Shafat na nag-aararo, na may labindalawang pares ng baka sa unahan niya, at siya’y kasabay ng ikalabindalawa. Dinaanan siya ni Elias at inihagis sa kanya ang kanyang balabal. 1 Hari 19:19. LBD 91.1
Patapos na ang gawain ni propetang si Elias sa lupa. May isang kinakailangang tawagin para ipagpatuloy ang gawain sa kapanahunang iyon. Sa kanyang paglalakbay, itinuro pahilaga si Elias. . . . LBD 91.2
Saan man siya tumingin, pag-aari ang lupaing nakikita niya ng iisang tao lamang—isang taong hindi lumuhod kay Baal, na nanatiling tapat ang puso sa paglilingkod sa Diyos. . . . Ang may-ari ng lupain ay si Shafat. . . . LBD 91.3
Natuon ang pansin ni Elias kay Eliseo, anak ni Shafat, na nag-aararong may labindalawang pares ng mga baka kasama ng mga alipin. Siya ay tagapagturo, tagapag-utos, at manggagawa. Hindi nanirahan si Eliseo sa mga mataong lunsod. Isang tagabungkal ng lupa at magsasaka ang kanyang ama. Tumanggap si Eliseo ng edukasyon malayo sa mga kaaliwan ng lunsod at ng bulwagan ng hari. Sinanay siya sa mga kagawian ng kapayakan, ng pagsunod sa kanyang mga magulang at sa Diyos. . . . Bagaman may maamo at tahimik na espiritu, si Eliseo ay hindi nagtataglay ng karakter na pabagubago. Nasa kanya ang katapatan, pag-ibig, at takot sa Diyos. Nagtataglay siya ng mga pag-uugali ng isang tagapanguna, ngunit sa lahat ng ito ay kaamuaan ng isang maglilingkod. Nasanay ang kanyang isipan sa maliliit na mga bagay, na maging tapat sa anumang bagay na kailangan niyang gawin; kaya kung sakaling tatawagin siya ng Diyos na kumilos ng higit na tuwiran para sa Kanya, magiging handa siyang pakinggan ang Kanyang tinig. LBD 91.4
Napalilibutan ang tahanan ni Eliseo ng kayamanan; ngunit napagalaman niyang upang makatanggap ng malawak na edukasyon, kinakailangang maging patuloy na manggagawa siya sa anumang gawain na kailangang gampanan. Hindi siya pumayag na magkaroon ng mas kakaunting kaalaman sa anumang paraan kaysa mga alipin ng kanyang ama. Natuto muna siyang maglingkod, upang matutuhan niya kung paano manguna, magturo, at mag-utos.—The Youth’s Instructor, April 14, 1898. Tumayo si Eliseo sa lugar ni Elias. At siyang naging tapat sa kakaunti, ay napatunayang tapat din sa marami.— Education, p. 60. LBD 91.5