May isang lalaki sa lupain ng Uz na ang pangalan ay Job. Ang lalaking iyon ay walang kapintasan, matuwid, may takot sa Diyos at lumalayo sa kasalanan. Job 1:1. LBD 93.1
Ang hindi pagiging makasarili, na siyang prinsipyo ng kaharian ng Diyos, ang prinsipyong kinamumuhian ni Satanas. Itinatanggi niya ang totoong pag-iral nito. Mula pa sa pasimula ng malaking tunggalian, nagsikap na siyang patunayan na makasarili ang mga prinsipyo ng pagkilos ng Diyos, at nakikitungo siya sa ganito ring paraan sa lahat ng naglilingkod sa Kanya. Gawain ni Cristo at ng lahat ng nagtataglay sa Kanyang pangalan ang pasinungalingan ang sinasabi ni Satanas. . . . LBD 93.2
Sa napakaagang panahon sa kasaysayan ng sanlibutan ay naibigay ang tala ng buhay ng isang pinagbuhatan ng pakikipagtunggali ni Satanas. Tungkol kay Job, ang patriyarka ng Uz, ang patotoo ng Mananaliksik ng mga puso ay, “Wala siyang katulad sa lupa, isang walang kapintasan at matuwid na lalaki na may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan.” LBD 93.3
Laban sa taong ito, naghain si Satanas ng mapanglait na bintang: “Natatakot ba si Job sa Diyos nang walang kapalit? Hindi ba’t binakuran Mo siya at ang kanyang sambahayan, at ang lahat ng nasa kanya sa bawat dako?” . . . LBD 93.4
Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Ang lahat ng pag-aari niya ay nasa iyong kapangyarihan.” “Siya’y nasa iyong kamay; ingatan mo lamang ang kanyang buhay.” LBD 93.5
Dahil napahintulutan, inalis ni Satanas ang lahat ng pag-aari ni Job—mga kawan, mga aliping lalaki at babae, mga anak na lalaki at babae; at “nilagyan si Job ng mga nakapandidiring bukol mula sa talampakan ng kanyang paa hanggang sa puyo ng kanyang ulo.” LBD 93.6
At may isa pang elemento ng kapaitan na idinagdag sa kanyang saro. Ang kanyang mga kaibigan, sa pagkakita ng kanyang kahirapan bilang parusa sa kasalanan, ay idiniin sa kanyang espiritung nasugatan at nabibigatan ang kanilang paratang na nakagawa siya ng mga pagkakamali. . . . LBD 93.7
“Kapag ako’y Kanyang nasubok,” sinabi niya, “ay lalabas akong parang ginto.” Kaya’t ganito nga ang nangyari. Sa kanyang matiyagang pagtitiis, naipagtanggol niya ang kanyang sariling karakter, at kung magkagayon ang karakter Niya na kinakatawanan niya. . . . Binigyan ng Panginoon si Job ng dalawang beses na higit kaysa mga dati niyang pag-aari. . . . Kaya mas higit na pinagpala ng Panginoon ang huling bahagi ng buhay ni Job kaysa pasimula.— Education, pp. 154-156. LBD 93.8