Sa pananampalataya ay iniwan niya ang Ehipto, at hindi natakot sa poot ng hari, sapagkat siya ay matiyagang nagpatuloy na tulad sa nakakakita sa Kanya na hindi nakikita. Hebreo 11:27. LBD 92.1
Para sa karangalan ng Diyos at sa kaligtasan ng Kanyang bayang naapi, isinakripisyo ni Moises ang mga karangalan sa Ehipto. Pagkatapos nito, sa isang natatanging paraan, sinimulan ng Diyos ang kanyang pagsasanay. . . . Kinailangan pa niyang matutuhan ang turo ng pagtitiwala sa banal na kapangyarihan. Nagkamali siya sa layunin ng Diyos. Umaasa siyang mailigtas ang Israel sa pamamagitan ng kalakasan ng mga armas. Isinugal niya ang lahat para dito, at nabigo siya. Sa pagkagapi at kabiguan ay naging isa siyang takas at desterado sa malayong lupain. . . . Tila nahiwalay na sa kanyang misyon, tumatanggap siya ng kinakailangang disiplina para magampanan ito. . . . Kailangan niyang magkaroon ng karanasan na gagawin siyang matapat at matiising pastol sa Israel. . . . Sa mahigpit na kapayakan ng ilang . . . nagkaroon si Moises ng bagay na hindi nawala sa kanya sa loob ng mga taon ng kanyang buhay na mahirap at puno ng pag-aalala—ang pagkadama sa personal na presensya ng Diyos. . . . Noong hindi siya nauunawaan at pinagkakamalan, noong tinawagan siyang magtaglay ng pagsawata at pang-aalipusta, na harapin ang panganib at kamatayan, nakaya niyang makatagal “na tulad sa nakakakita sa Kanya na hindi nakikita.”— Education, pp. 62, 63. LBD 92.2
Tumatayo si Moises na mas mataas sa kaalaman at katapatan sa lahat ng mga hari at mga tagapanguna sa mundo. . . . Siya ay mapagbigay, marangal at maayos; hindi siya depektibo, at hindi kulang sa paglinang ang kanyang mga pag-uugali. Maaari niyang mahikayat ang kanyang mga kasamahan, dahil ang buhay niya mismo ay isang buhay na representasyon ng kalagayang maaaring maabot at magampanan ng tao kasama ang Diyos bilang Tagapagbigay ng tulong. . . . Nangusap siya mula sa puso at nakaabot sa puso ang kanyang mga salita. Matalino Siya ngunit kasing simple gaya ng isang bata sa pagpapakita ng pinakamalalim na damdamin. Nagtataglay ng kakaibang katutubong simbuyo, agad niyang napag-aalaman ang mga pangangailangan ng mga tao sa kanyang paligid. . . . Sa mga taong tanyag dahil sa kaamuan, sinasabi ni Cristo na mapagkakatiwalaan Siya. “Maaari siyang pagkatiwalaan. Sa pamamagitan niya maaari Kong ipahayag ang Aking sarili sa sanlibutan. Hindi siya maghahabi sa sapot ng anumang hibla ng pagkamakasarili.”— The S.D.A. Bible Commentary, vol. 1, p. 1113. LBD 92.3