Ang pag-ibig ay maging walang pagkukunwari. Kapootan ninyo ang masama; panghawakan ang mabuti. Roma 12:9. LBD 111.1
Ang mga gawi, kung madalas na paulit-ulit, ay nagiging karakter. Ang mga batang nagpapahintulot sa kanilang mga sarili na mag-usap nang walang pakundangan sa isa’t isa, at maging walang pakialam sa tahanan, ay bumubuo ng mga gawing mananatili sa kanila habambuhay, at ito ay magiging mahirap na pagtagumpayan. Hindi nila ipinakikitang natatakot sila sa Panginoon. Hindi sila nagpapakita ng kadalisayan ng karakter; ang kanilang pag-uugali ay nagiging magaspang, kulang sila sa paggalang at ng mga bagay na bumubuo sa kabutihan ng pag-uugali; at lahat ng ito ay nagpapakita ng paraan ng pagsasanay sa tahanan. Sa ugali ng mga batang malayo sa tahanan, maaaring mabasa ng mga estranghero, na tulad ng sa isang bukas na aklat, ang kasaysayan ng buhay sa tahanan. Nababasa nila roon ang mga tungkuling hindi natapos, ang kakulangan ng pag-iisip, ang kawalan ng paglimot sa sarili, ang ugaling mahilig sa away, puno ng ligalig, at kawalan ng pasensya; samantalang iyong mga nagpapakitang sila ay may takot sa harap ng Panginoon ay, sa kanilang karakter at sa mga salita, nagpapatotoo sa isang tahanang itinatangi ang pagmamahalan, kung saan may kapayapaan, kung saan pinalalago ang pasensya, kung saan ang pagpansin ay ibinibigay sa mga maliit na kagandahang-asal ng buhay, na ginagawa ng bawat isa ang kanyang tungkulin para gawing masaya ang iba. . . . LBD 111.2
Naghahanda ba kayong lahat na maging miyembro ng pamilya sa langit? Sinisikap ba ninyo sa tahanang maging karapat-dapat na maging miyembro ng pamilya ng Panginoon? Kung gayon, gawing masaya ang buhay sa tahanan sa pamamagitan ng magkatuwang na pagsasakripisyo. Kung gusto natin si Jesus sa ating tahanan, hayaang ang mabubuting salita lamang ang salitain doon. Ang mga anghel ng Diyos ay hindi mananatili sa isang tahanang kung saan mayroong kaguluhan at pagtatalo. Hayaang pagyamanin ang pag-ibig, at ang kapayapaan at Cristianong kagandahang-loob, at ang mga anghel ay magiging iyong mga bisita.— The Youth’s Instructor, April 14, 1886. LBD 111.3
Kung nais ng mga bata at kabataan na maging mabait at magalang sa tahanan, ang pagiging maalalahanin ay ang nananatiling pag-uugali. Ang arawaraw na paggalang ang magiging dahilang sila ay palaging magalang. Ang tahanan ang talagang lugar kung saan masasanay ang pagtanggi sa sarili at pagiging maalalahanin sa bawat miyembro ng pamilya; at ganito rin ang pamilya sa langit, ganito rin kapag ang mga nakakalat na pamilya sa mundo ay muling nagkasama sa makalangit na tahanan.— The Youth’s Instructor, April 14, 1886. LBD 111.4