Ipangaral mo ang salita, magsikap ka sa kapanahunan at sa di-kapanahunan, magtuwid ka, manaway ka, mangaral ka na may buong pagtitiyaga at pagtuturo. 2 Timoteo 4:2. TKK 200.1
Ang kapangyarihan ng pagsasalita ay isang talentong dapat palaguin. Sa lahat ng kaloob na tinanggap natin mula sa Diyos, walang higit na maaaring maging pagpapala kaysa rito. Sa pamamagitan ng tinig tayo ay kumukumbinse at humihimok; sa pamamagitan nito ay nagkakaloob tayo ng papuri at panalangin sa Diyos; at sa pamamagitan nito ay sinasabi natin sa iba ang pag-ibig ng Manunubos. Walang isa mang salita ang dapat na salitain na hindi pinag-isipan. Walang masasamang pananalita, walang mga walang-kabuluhang usapan, walang maligalig na pagrereklamo, o mahalay na mga mungkahi, ang lalabas mula sa labi niyang sumusunod kay Cristo. TKK 200.2
Ang apostol na si Pablo, nagsusulat sa patnubay ng Banal na Espiritu, ay nagsabing, “Anumang masamang salita ay hindi dapat lumabas sa inyong bibig” (Efeso 4:29). Ang maruming pakikipag-usap ay hindi lamang nangangahulugang bastos na salita. Ito rin ay nangangahulugang anumang pahayag na hindi sang- ayon sa mga banal na prinsipyo at malinis at walang dungis na relihiyon. Kasama rito ang may dungis na parinig at palihim na payo ng masama. Malibang agad na layuan, ito'y magdadala sa malaking kasalanan. TKK 200.3
Sa pamilya, sa mga bawat indibidwal na Kristiyano, ay inilalagay ang tungkuling harangan ang daan tungo sa maruming pananalita. Kapag kasama tayo ng mga nakikibahagi sa mga hangal na usapan, tungkulin nating baguhin ang pinag-uusapan hangga't maaari. Sa tulong ng biyaya ng Diyos, dapat nating sikaping magbanggit o magpasok ng isang paksa na maghahatid ng usapan tungo sa isang kapakipakinabang na paraan. TKK 200.4
Dapat maging salita ng papuri at pasasalamat ang ating mga salita. Kung ang isipan at puso ay puno ng pag-ibig ng Diyos, ito ay mahahayag sa usapan. Hindi magiging isang mahirap na bagay ang makipag-usap tungkol sa mga bagay na para sa ating espiritwal na buhay. Dakilang mga kaisipan, marangal na mga ninanasa, maliwanag na mga pagkaunawa sa mga katotohanan, layuning hindi makasarili, mga paghahangad sa debosyon at kabanalan, ay magbubunga ng mga salitang naghahayag ng karakter ng kayamanan ng puso. Kapag nahayag ng gayon si Cristo sa ating salita, magkakaroon ito ng kapangyarihang maglapit ng mga kaluluwa sa Kanya. TKK 200.5
Dapat tayo magsalita tungkol kay Cristo doon sa mga hindi nakakakilala sa Kanya. Dapat nating gawin kung paanong ginawa ito ni Cristo. Nasaan man Siya, sa sinagoga, sa tabingdagat, sa bangka na nasa may baybayin, sa pista ng mga Pariseo o sa mesa ng mga publikano, nagsalita Siya sa mga tao ng mga bagay na may kinalaman sa mas mataas na buhay.— SIGNS OF THE TIMES, July 2,1902 . TKK 200.6